Ibang klase si Bro. Eli Soriano noong bata ako.
Sila siguro ni Bro. Mike Velarde ang talagang larawan ng televangelist sa Pilipinas. Ang isa, masayahin, kalmado; ang isa, parang laging galit, tensyonado. Ang isa, kaunting sipi lang sa Bibliya; ang isa, tutok sa banal na kasulatan.
Sa panahong nagsusulputan ang iba’t ibang relihiyon, ipinangako ni Bro. Eli ang hanap ng marami: ang totoong laman ng Bibliya. At kahanga-hanga talaga ang kaalaman at pagsaulo niya.
Pero hindi lang siya salita ng Diyos, may pang-aliw rin: makulay magsalita, “kumbinsing,” sabi nga ng isang patalastas, madalas nakakatawa, minsan kumukurot sa puso at laging, laging may mapupulot na bago. Hindi kataka-takang gayahin siya ni Brad Pete para magpatawa.
Maraming nagrebelde sa Simbahang Katoliko sa bansa, mula kina Hermano Pule at Gregorio Aglipay hanggang kina Felix Manalo at Valentin delos Santos — na may iba’t ibang tunguhing pampulitika.
Pero si Bro. Eli ang larawan ng rebeldeng panrelihiyon sa panahon ng telebisyon: puno ng galit sa mga naghaharing relihiyon na dinuduro niyang buktot at bulaan, may apoy ng pananalig sa katotohanan, walang sinasanto, walang takot.
Mahahatak talaga ang mga kabataang mapagrebelde, mapanuri at interesado sa relihiyon, sa isang bansang walang malaganap na komunidad na nagdadala ng mga sekular na paniniwala — maliban sa Kaliwa — at laging may masiglang debate tungkol sa Bibliya sa Luneta.
Hindi ko alam kung siya iyun o ako, na naging aktibista paglaon, pero may mga napulot ako noon sa panonood ng “Ang Dating Daan.” Sabi niya, mabuting tao ang mga Huk at NPA — na alam niya, bilang laking Pampanga. Sabi niya, narito na sa mundo ang 666 ng Antikristo at iyan ay ang salapi, ang pera.
Sabi niya, kapag nalaman niya na ang isang miyembro niya ay kinatok ng pulubi sa bahay at hindi nagbigay — pinuntahan na sa bahay at hindi pa nagbigay! — ititiwalag niya agad. Iyan, ganyan ang moral na pamantayan!
Tulad ng maraming lider-relihiyon, nasira siya sa mga akusasyon kaugnay ng tinawag niyang “pita ng laman” — pera at pagnanasa. Tulad din ng maraming lider-relihiyon, sinira niya ang sarili sa pagtindig sa pulitika — sa pagkampi sa masamang rehimen ni Rodrigo Duterte nitong huli. Kahit ang pahayag na “stupid God,” ipinagtanggol niya.
Ilang araw bago mamatay, ipinagtanggol niya sa kanyang programa ang pagpasok ng militar sa mga pamantasan at kinondena ang mga Komunista. Galit na galit; kung namatay siya sa atake sa puso, pwedeng isiping nagsimula sa puntong iyun.
Sa pagkampi niya kay Duterte, lalong nalantad: hindi nyutral ang pagbasa niya sa Bibliya.
Kakatwang nagkanlong siya sa Brazil, bansang ang presidente ay si Jair Bolsonaro, katulad ni Duterte na tinatawag na “populista” at “awtoritaryan” na may dalawang haligi ng suporta — ang militar at mga Pentecostal. Katulad din ni Duterte na suportado ni Soriano at, kakatwa, ng kalaban niyang Iglesia ni Cristo o INC.
Organisado kaya ng pamunuan ng INC ang pagsuplay sa rehimen ng mga miyembro nitong tulad ng berdugong militar na si Eduardo Año, pabrika ng gawa-gawang kaso na si Cecilyn Burgos-Villavert, payasong si Ferdinand Topacio at tagapagtanggol sa midya na si Anthony Taberna?
Nakikita ba nila ang mukha ni Hesukristo sa mga maralitang pinapatay, dinadahas, pinaghihirap at iniinsulto ng rehimen? O sa relihiyon, tulad sa “war on drugs,” patay ang mga biktima habang ligtas ang mismong naglalako ng opyo sa masa?
Tiyak, malakas ang hatak ng pita ng laman at bulok na pulitika sa naging katayuan ni Bro. Eli. Pero hindi ba dapat mas malakas ang kalooban ng mga mangangaral ng Diyos?
RIP, Bro. Eli. Sayang, wala kang katulad noon.
13 Pebrero 2021
Galing ang larawan dito.