Ideya ni Intengan

Teju Cole1

Oktubre 10, pumanaw si Fr. Romeo “Archie” Intengan. Isa siyang paring Heswita na lumaban sa diktadurang US-Marcos. Pero naging “spiritual adviser” ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo at ng National Security Adviser nito na si Norberto Gonzales. Na para bang hindi halang ang kaluluwa ang mga ito, kung mayroon man.

Ipinatupad ng dalawa, nang may suporta at pagpapayo ni Intengan, ang Oplan Bantay Laya, programang kontra-insurhensya na nagpatindi ng ekstrahudisyal na pagpatay, pagdukot at pagtortyur sa mga aktibista, at ng militarisasyon sa kanayunan. Kahit noong gustong patalsikin ng maraming seksyon ng lipunan si Gloria sa pwesto, lumutang si Intengan na tagapagtanggol nito.

“Sosyal-demokrata” ang tawag ni Intengan sa sarili. Ang sabi ng mga sosyal-demokrata, may mga maka-Kanan sa kanila at mayroon ding maka-Kaliwa. Nasa bahaging sagad na maka-Kanan si Intengan – anti-Komunista, tila nagbasbas ng agua bendita sa mga baril na nagpadanak ng dugo ng mga pinagbibintangang Komunista.

Lumabas ang mga parangal, karamihan tungkol sa paglaban niya sa diktadurang US-Marcos at sa pamumuno niya sa mga Heswita sa bansa. Iilan lang ang kagalang-galang na nagpahiwatig ng hindi pagsang-ayon sa tindig niya pabor kay Gloria at kontra sa Kaliwa.

Siguro, dahil ito sa kultura natin na masamang magsalita laban sa patay. Siguro, dahil ang diin ng pagkondena ay sa mga nagpatupad, kina Gloria at Gonzales, hindi sa nagbuo ng doktrina. “Ibigay mo ang teorya, ako ang magbibigay ng aksyon,” sabi raw ni Gonzales kay Intengan noon.

Dalawang araw pagkatapos, Oktubre 12, pinawalang-sala ng korte si Major Harry A. Baliaga, opisyal-militar, sa kasong pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos. Anak si Jonas ng kampeon ng malayang pamamahayag na si Joe Burgos at aktibistang si Edita Burgos. Dinukot siya noong Abril 28, 2007 – 10 taon na ang nakakaraan, sa panahon ng Oplan Bantay Laya.

Ayon sa grupong Karapatan, nauna nang pinawalang-sala ng Department of Justice noong 2013 ang mas matataas na opisyal na sangkot sa kaso – Hermogenes Esperon, Eduardo Año, Alexander Yano, Romeo Tolentino, Avelino Razon, Melquiades Feliciano.

Dahil sa lakas ng protesta at pagkondena, napwersa si Noynoy Aquino na ipaaresto at ikulong si dating Hen. Jovito Palparan, mukha ng Oplan Bantay Laya. Pero ipinatupad niya ang mga katulad na hakbangin, lalo na laban sa mga Lumad sa Mindanao. Itinaas niya ang katungkulan ng mga susing opisyal na nagpatupad ng Bantay Laya, mga sangkot sa pagdukot kay Jonas Burgos.

Napawalang-sala si Baliaga sa panahong pangulo si Rodrigo Duterte. Hindi kataka-taka: si Duterte ay malapit alyado ni Arroyo, nagpapatupad ng oplan na katulad ng Bantay Laya at nambobomba pa ng mga komunidad sa kanayunan. May madugong gera siya kontra sa mga Moro sa Mindanao at sa mga maralita sa balangkas ng paglaban sa droga.

Teju Cole2

Mali na isisi ang lahat ng pagpaslang, pagdukot, pagtortyur at iba pang paglabag sa karapatang pantao ng Bantay Laya at mga kasunod na oplan kay Intengan. Iba ang teorya sa praktika; iba ang nag-isip sa aktwal na gumawa.

Pero ang pag-iibang iyan ang hindi kinilala ni Intengan, kung ibabatay sa ginawa nina Gloria at Gonzales. Sapat nang ang isang tao ay may kamalayang Komunista, sa kanilang paratang, para puntiryahin. Kahit hindi armado, kahit wala sa lugar ng labanan sa New People’s Army, kahit walang ginagawang krimen.

Hindi na  mahalagang human-rights worker si Eden Marcellana ng Timog Katagalugan. O taong-simbahan at obispo si Alberto Ramento ng Gitnang Luzon. O guro si Jose Maria Cui ng Silangang Kabisayaan. O lider-estudyante si Rei Mon Guran ng Bicol. At marami pang iba. Hindi na mahalagang mga anak rin sila, kapatid, nanay, o tatay.

Hindi buong pananagutan ito ni Intengan, pero may pananagutan siya. Para sa kanya, noong panahon ni Marcos, ang kalaban ay si Marcos at ang mga Komunista. Nang matanggal si Marcos, iisang kalaban na lang ang natira. Tagapangaral siya ng suklam sa mga Komunista.

Sa kabilang banda, ipinapakita ng pagpapawalang-sala kay Baliaga na kahit ang maliliit na tagapagpatupad ng mga paglabag sa karapatang pantao ay nakakaligtas sa pagpapanagot. Iyung gumagawa nga, ligtas sa parusa, iyung nagbuo ng doktrina pa kaya?

Itong ganitong reyalidad sa ating bansa – may nag-iisip ng baluktot na katwiran sa pagpatay, may pumapatay, at maraming aktwal na namamatay, pero walang napaparusahan – ang nagtutulak sa maraming maghangad ng isa pang sistema ng katarungan, isa pang tipo ng gobyerno sa bansa.

Kung paparusahan ng isa pang sistema ng katarungang ito ang mga lumalabag sa karapatang pantao na pawang hindi pinapanagot ng naghaharing gobyerno, hindi ito “kangaroo court,” gaya ng akusasyon dito ng mga kritiko. Sa isip ng marami, ito ang tagapaggawad ng katarungan na totoo.

Ang mga tulad ni Intengan, markado.

12 Oktubre 2017

Galing ang mga larawan ni Teju Cole rito.

Dagdag ni Prop. Jose Maria Sison nang i-share niya – Ahem! – ang artikulong ito sa Facebook: “Pareho sina Romeo Intengan at Norberto Gonzales na pangunahing tagapagsalita sa mga seminar ng mga opisyal ng militar at pulisya, nagtuturo sa kanila na lahat ng ligal na aktibistang panlipunan ng pambansa-demokratikong kilusan ay mga NPA na nakabihis-sibilyan at target ng pagdukot, tortyur at pagpatay o ekstrahudisyal na pagpaslang sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ng rehimeng Arroyo.”

Advertisements

Hindi Hinihingi ang Respeto

Mojo Wang1

Klasiko ang “Gangsta’s Paradise,” kanta ng rapper na si Coolio na lumabas noong 1995. Pumapatungkol ito sa kahirapan, krimen at karahasan na kinapapalooban ng mga Negro o Aprikano-Amerikano sa US. Pamilyar sa marami ang umpisa nito: “As I walk through the valley of the shadow of death, I take a look at my life…

Sa rehimen ni Rodrigo Duterte, parang naglalakad ang mga maralita, at buong bayan, sa “valley of the shadow of death” na sinasabi ni Coolio. Tulad ng mga Aprikano-Amerikano, sangkot sa sitwasyon natin ang kahirapan, krimen at karahasan. Ginegera ang sambayanan sa tatlong pangalan: “droga,” “teroristang Muslim,” at “Komunista.”

At bilang bansa, nagsisikap tayong gayahin ang persona sa kanta: “I take a look at my life.” Ang pelikulang Respeto na idinirehe ni Treb Monteras II at lumabas ngayong taon ang unang resultang pelikula ng ganitong pagsuri sa ating buhay.

Nakasentro ang pelikula kay Hendrix, maralitang kabataan na mahilig mag-rap. Ipinakita ng pelikula ang buhay niya: palamunin ng bayaw niyang tulak ng droga na walang ginawa kundi makipagtalik sa kapatid ni “Drix.” Nagmahal ng isang prostitute. Ilang ulit nautusang maghatid ng droga. Nagnakaw, nahuli ng pulis, bumarkada, nangulit, nakipagkulitan, nabugbog. Dalawang beses sumali sa fliptop; ang ambisyon talaga ay manalo sa labanan ng rap.

Pangalawang tampok na karakter si Doc, matandang may pinag-aralan at, malalaman natin sa pelikula, pinagdadaanan. Lalabas na aktibista siya bago ang deklarasyon ni Ferdinand Marcos ng Batas Militar. Biktima siya ng tortyur at pandarahas, kasama ang asawa’t anak. Dati siyang makata, sa tradisyong Balagtasan, na tumigil magsulat dahil sa sinapit na kalupitan.

Sa pamamagitan nila, nailarawan ang pandarahas noong panahon ng diktadurang Marcos at ngayong panahon ng rehimeng Duterte – at ang kanilang ugnayan. Walang gatol ang pelikula: sine ito sa panahon ng Tokhang, ng pagpatay sa mahihirap, ng panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, at ng paghahari ni Duterte. Ito ang laman ng telebisyon at radyo, at lalo na ng mga kalsada at komunidad sa gabi – sa kasong ito, sa Pandacan, Maynila.

Mojo Wang2

Sa pamamagitan nina Drix at Doc, naipakita ang dalawang tradisyon ng pagtula sa labas ng mga paaralan sa dalawang panahon at ang pag-uugnayan ng mga ito. Mahalagang ipaalala: may panahon sa bansa na naging uso ang Balagtasan, tulad ng fliptop – humahatak ng maraming manonood at umaakit ng maraming nag-aambisyong maging makata.

Pansin ng komentaristang si Inday Espina-Varona, “Ginagamit ni Duterte ang mga salita na parang maso (sledgehammer)” sa layuning “patahimikin ang mga kritiko.” Si Duterte, ang fliptop at ang Balagtasan – lahat nagpapakita ng kapangyarihan ng salita, lalo na’t nakatutok sa kalaban. Pero sa ngayon, malinaw kung sino ang may salitang makapangyarihan. Makakatulong kaya sa paglaban sa kanya ang fliptop? Eh ang Balagtasan?

Dilat na dilat ang pelikula sa reyalidad ng pananalasa ng droga sa mga maralitang komunidad. Makikita ito sa buhay ni Hendrix – sa bayaw at kapatid niya, mga barkada, mga kapitbahay, at maging sa babaeng minahal niya.

Pero ang kakaiba at matapang sa pelikula, ipinakita nitong ang maliliit na tulak, iyung nasa mga kalsada, ay kasabwat ng mga pulis. Panis! Ang totoo, isang sistema na tamang tawaging “bulok!” at batbat ng krisis.

Ayon sa pelikula, ang pagpatay sa maliliit na tulak at adik, at mga pinaghihinalaan, ay paglilinis na ginagawa ng pulisya – tinatanggal ang mga hindi nakakabenta nang sapat, hindi nag-eentrega nang lahat, o pwedeng sumatsat at magsiwalat.

Sa isang banda, paliwanag din ito ni Duterte at ng kanyang mga troll at tagapagtanggol. Bakit maraming pinapatay na pinaghihinalaang tulak at adik? Naglilinis ang mga sindikato! Sa kabilang banda, kung kasabwat ang pulisya – na siyang mas malamang na katotohanan! – nakakalusot ang makapangyarihan at hindi matatapos ang problema sa pamamagitan ng pagpatay.

Ang pulis sa pelikula ay anak ni Doc. Sa kagyat, palaisipan ito: Bagamat hindi siya saksi, alam niya ang pagtortyur sa kanyang ama at paggahasa sa kanyang ina, at alam niya na kaya nagpakamatay ang kanyang ina ay dahil sa karanasang ito. Paano niya nagawang maging pulis, maging katulad ng mga nagparanas ng kalupitan sa pamilya niya?

Mojo Wang3

Hindi misteryo ito, at lalong malinaw ngayon. May mga biktima ng karahasan ng Estado na galit dito, at naninindigang magalit dito – gaya ni Doc. Mayroon namang mga biktima nito na hindi nakikitang biktima sila nito, humahanga pa nga rito, at katunaya’y ginugustong maging instrumento nito – tulad ng anak ni Doc. Hindi lahat ng pulis ay ganoon, bagamat mayroon. At hindi sa pulis lang ito totoo.

Hindi romantiko ang paglalarawan ng pelikula sa kahirapan. Maaamoy mo ang baho ng estero sa araw at ang simoy ng tahimik na kalsada sa gabi. Ipinakita ang pagtutulungan ng barkada at ang kalupitan ng karibal na barkada. Ang pambubrusko at pagmamahalan sa pamilya. Kung paanong kapwa may ginto at basura sa dominanteng kultura ng masa. Ang kakayahan ng masa na mapangwasak at mapagbuo.

Pero sa lahat ng ito, ipinakita ang mahihirap bilang mga tao – humihinga, may damdamin, nakakasakit oo pero nasasaktan din. At maraming masakit sa kanila sa pelikulang ito – na ipinaramdam sa manonood. Kakatwa, pero nagawa ng pelikula ang lahat nang ito sa paraang mas nagpapakita ng tibay, kulit at gaslaw ng mahihirap. Astig!

Likhang-sining ito na sumusugat sa pagkamanhid na dulot ng paulit-ulit nang balita ng pagpatay, saan pinatay, paano pinatay, saan itinapon at iba pa.

Napakahusay ng pelikula sa pagbuhay ng damdamin ng manonood. Kapani-paniwala ang mga nagsipagganap, buhay na buhay ang tunog at larawan ng mga eksena. Maraming bahagi ang nagpapatindig ng balahibo: ang kwento ng buhay ni Doc, mga labanang fliptop, pagmamahal ni Hendrix at nangyari sa kanyang minahal, pagmumulto ng nakaraan ni Doc. At ang dulo. Syempre pa, ang dulo! Bang! Ganoon kalakas!

Buong panahon, hahangarin mong manalo si Hendrix sa fliptop. Pero magtatagumpay pala siya hindi sa pagpapakawala ng dahas ng pagbigkas, kundi sa pagbigkas ng dahas.

Ibinubuyo ng katapusan ang sentimyentong naglalabasan ngayon: na dapat talagang “manlaban” ang mahihirap, mag-armas sa mga komunidad, at barilin din ang mga pulis o mga tauhan nila na walang-awang dumudukot at pumapatay, at nananambang ng mahihirap.

Mojo Wang4

Ipinapaalala nito ang karanasang pinaghalawan ng hip-hop at marami pang bahagi ng kulturang popular sa ating bansa – ang mga Aprikano-Amerikano. Oktubre 1966, itinatag sa Oakland, California ang Black Panther Party for Self-Defense. Armadong grupo ito ng mga Negro na ang layunin: ipagtanggol ang kanilang mga komunidad laban sa rasistang pandarahas at pamamaslang ng mga Puti.

Ibayong dumi at karahasan ang pinawalan ng gobyerno ng Amerikkka laban sa Black Panther hanggang sa madurog ito. Bukod pa diyan, mulat na ipinasok ang droga sa grupo para pahinain ang diwang palaban nito. Hinati at pinag-away-away ang mga Aprikano-Amerikano sa pamamagitan ng mga gangs.

Hanggang sa ang mga baril na gamit laban sa mga puti, itinutok na rin ng mga Negro sa kanilang kalahi. Kakatwa, pero droga at gangs ang laging ibinibida ng dominanteng rap – kaiba sa progresibong rap! – ng mga Aprikano-Amerikano. Kahit ang “Gangsta’s Paradise” ni Coolio, nagtapos sa kawalan ng pag-asa, na hindi kayang wakasan ang marahas na kalakarang rasista.

Pero totoo ang ngitngit, ang galit na nararamdaman ng maraming maralita at kahit hindi maralita sa pagpatay sa mahihirap sa bansa – pinaghihinalaan mang adik o tulak, o Lumad sa Mindanao, o magsasaka sa kanayunan. Wala namang nangyari sa ibinidang pangakong pagbabago, kaya sumasahol na ang lagay ng mga Pilipino’y may dagdag pang pandarahas ngayon.

May mga nag-iisip na dapat manlaban nang armado ang mga maralita sa loob ng mga komunidad sa mga lungsod o karatig-bayan. Maaari. Pero ang may mahabang karanasan ng armadong paglaban sa bansa ay nasa kanayunan – ang New People’s Army o NPA. Hindi matalu-talo dahil nasa mga lugar kung saan pinakamahina ang militar at gobyerno.

At sasabihin siguro ng NPA: hindi personal na galit lang, kundi poot ng buong sambayanan. Hindi personal na paghihiganti, kundi paghahanap ng katarungan para sa bayan. Hindi pagpatay sa isa, iilan o maraming pulis; “I shot the sheriff,” awit ni Bob Marley, “but I did not shoot the deputy” kaya laging may papalit. Kundi pagbago sa sistema na sabay na naglululong sa mahihirap sa droga, krimen at karalitaan, at todong nandadahas sa kanila.

Mojo Wang5

Kung may kahinaan man ang pelikula, patungkol iyan sa kapani-paniwalang pagtatahi ng kwento. Pero tila hindi ito alintana ng maraming nagpapabaha ng todong papuri. Kung tutuusin nga naman, napakaliit lang ng kahinaan ng napakagaling at napakatapang na pelikulang ito.

Marami na ang nagbigay ng pakahulugan sa titulo nito. Sabi ni Mao Zedong, rebolusyunaryong Tsino, “ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa dulo ng baril.” Siguro, ganoon din ang respeto para sa mahihirap – hindi hinihingi, kundi nakakamit lang kapag gamit ang armas laban sa mga naghahari. May panahong hindi na lang tatakbo para tumakas ang mahihirap na inaapi at dinadahas.

Panoorin ang Respeto! Nagpapaalab ng paglaban na parang baril na nakatutok sa mga naghahari at gobyerno.

02 Oktubre 2017

Muli, galing ang mga likhang-sining ni Mojo Wang dito. Nakakalungkot ang pamamaalam sa pagba-blog ng lodi – Naks! – na si Richard Bolisay. Basahin din ang rebyu ni Arnold Alamon sa parehong pelikula.

Papel na Tigre ang Rehimeng Duterte

Mojo Wang1

Magkakasunod ang eskandalong yumayanig sa gobyerno ni Rodrigo Duterte. Kaliwa’t kanan din ang ginagawa nitong krimen sa sambayanan. Sa ganitong kalagayan, may mga nagtatanong: Popular pa ba si Duterte sa mga mamamayan? Kung oo, bakit?

Sa kanyang artikulong “The Duterte dispensation,” sinikap ng komentaristang si Lisandro “Leloy” Claudio na sagutin ang mga tanong na ito. Bakit nananatiling mataas ang popularidad ni Duterte sang-ayon sa mga survey? Binagabag ng palaisipang ito si Claudio, dating lider-kabataan ng Akbayan, ngayo’y lantad na maka-Kanan, at konsistent na anti-Kaliwa.

Aniya, popular si Duterte dahil naghapag ito ng makapangyarihang “dispensasyon,” “naratibo,” o “kwento.” Halaw ang unang salita sa liberal na historyador na Amerikanong si Mark Lilla. Sa isang panayam, sinabi ni Lilla na tinutukoy niya ang “partikular na mga palagay (assumptions) tungkol sa kung ano ang mahalaga sa pulitika – ano ang pwedeng sabihin, ano ang hindi sinasabi, ano ang wika ng mga debate…” Hindi na bago ang konsepto, at may kahawig na matagal nang tinatalakay si George Lakoff, Amerikanong liberal na pilosopo.

Anu’t anuman, popular daw si Duterte ayon kay Claudio dahil binabago nito “kung ano ang ibig sabihin ng pagiging mamamayang Pilipino.” Ang kwento raw nito: pinagmukhang masama ng mga naghaharing uri ang diktadura, pinalabas na demokrasya ang solusyon, pero hindi gumana ang demokrasyang ito. Mali ang mga oligarko, biased na midya, mga Amerikano, at mga liberal. Tanging karaniwang tao at si Duterte ang tama, at kailangang tulungan si Tatay Digong.

Tila ipinagpapalagay ni Claudio na nanalong pangulo sa eleksyon si Duterte dahil sa naturang “dispensasyon.” Pero hindi niya naipaliwanag kung bakit naging makapangyarihan ang “dispensasyon” na ito, lalo na’t kumpara sa mga karibal nito. Tiyak, iniiwasan niyang kilalanin ang anumang totoo sa kwento ni Duterte, partikular ang pagiging palpak ng “demokrasya” sa bansa na magdulot ng pagbabagong pabor sa mga mamamayan. Pero mas mahalaga, kapos ang pag-unawa niya sa aktwal na takbo ng pulitika.

Mojo Wang2

Sa kalakhan, ideyalista sa pilosopiya ang paliwanag ni Claudio kung bakit popular si Duterte. Gumawa ng dispensasyon o kwento at maging popular sa mga mamamayan; tila ba ganoon kadali ang pulitika. Pabor ang paliwanag na ito sa mga intelektwal na tulad niya, dahil inilalagay nito sila sa gitna ng pulitika ng bansa. Tugma rin ang ganitong paliwanag sa pagkamuhi ni Claudio sa Kaliwa, na siniraan niya sa artikulo.

Tutol man si Claudio kay Duterte, ang ideyalismong pilosopikal niya sa kasaysayan ay naglilingkod sa mga naghahari sa lipunan. Isinasantabi nito ang materyal na reyalidad ng sambayanan at ang tunggalian ng mga uri at mga pwersang pampulitika. Katugma ito ng dominanteng diskurso ng US at mga naghaharing uri tungkol sa eleksyon at demokrasya sa bansa: popular si Duterte dahil sang-ayon sa kanya ang nakakarami at pinili siya ng mga mulat na mamamayan.

Sa dulo, binabanatan pa ng ideyalismong pilosopikal ni Claudio ang Kaliwa – na siyang lilikha, sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos nito, ng materyal na pwersa na lalaban at magbabagsak sa rehimen ni Duterte.

Mas lapat sa lupa at maalam sa pulitika ang pag-unawa ng mga manunuring pampulitika na kritikal kay Duterte at bukas ang pag-iisip sa Kaliwa. Si Tony La Viña, halimbawa: “Ikinagagalak ko ang pagpasok ng pambansa-demokratikong Kaliwa sa koalisyong ito para itigil ang pamamaslang. Ang totoo, sa mga grupong pampulitika, sila lang ang may mga organisasyong masa na pwedeng maging nasa unahan ng mga protesta at iba pang sama-samang pagkilos.”

Kilalanin natin: popular, popular pa rin, sa mga mamamayan si Duterte. Pero bakit? Kung matatandaan, hindi siya malakas na nagsimula bilang kandidatong presidente. Abril 2016 na siya nanguna sa mga survey, isang buwan bago ang halalan. Ang mayroon siya sa simula, lalong malinaw na ngayon, ay solidong alyansa – kasama ang mga Marcos, si Gloria Macapagal-Arroyo, isang hanay sa militar at pulisya, at malamang ay China. Ang kalagayan: magkakaiba ang sinusuportahan ng mga paksyon ng naghaharing uri.

Mojo Wang3

Pinalaki niya ang pinsala at panganib ng droga at nangako ng mapagpasyang paglutas. Matapang siyang nangako ng mga repormang matagal nang hinihingi-iginigiit ng maralita at mamamayan – bagay na kumabig din sa isang seksyon ng Kaliwa. Pinag-iba niya ang sarili hindi lang sa mga kandidato ng Liberal Party, kundi sa mga tradisyunal na pulitiko. Ang lahat ng ito, ipinakete niyang “Tunay na Pagbabago.”

Sa proseso, lumakas ang kanyang kampanya at nakuha niya ang botong protesta laban sa rehimen ni Noynoy Aquino – na kinilalang palpak sa pagpawi sa kahirapan, isang neoliberal at militarista. May solido siyang alyansa at may hatak na mas malawak sa alyansang ito. Dumating ang Mayo 09 nang papalakas ang suporta sa kanya. Pero 38 porsyento lang ng boto sa pangulo ang nakuha niya – bahagyang mas malaki na bilang kumpara sa ibang pangulo, pero mas maliit na porsyento kumpara sa kanila.

Tiyak, pagkatapos niyang manalo sa eleksyon, marami pang sumuporta sa kanya. Kalakaran ito, likha ng diskurso tungkol sa eleksyon at “demokrasya” na likha ng US at mga naghaharing uri: awtomatikong pagsuporta sa sino man ang nanalo, pagpapailalim sa mayorya, pagbibigay-tsansa sa nanalo, pagkakaisa ng bansa para sumulong. Nakita ito nang mahalal si Noynoy Aquino, kahit ang pangako lang niya ay anti-katiwalian at hindi mga sosyo-ekonomikong reporma.

Pero mas malamang, malaking bahagi ng tagasuporta ni Duterte ang pasibo. Iyung napapayapa ng mga simplistikong paliwanag ng mga propagandista niya sa iba’t ibang isyu. Halimbawa, pulis na dilawan ang pumatay kay Kian delos Santos at iba pang kabataan para “isabotahe” ang gera kontra-droga at idiin si Duterte.

Minimal ang nakamit sa pagsisikap na itransporma ang pasibong suportang ito sa aktibong pagsuporta, sa porma ng tinawag na “Kilusan para sa Pagbabago.” Pero nabuo man ito o hindi, ang tiyak, ang mga mapanuring tagasuporta ni Duterte – iyung mga tumangan sa pangako niyang “Tunay na Pagbabago” at nangampanya sa batayan nito – ay kritikal na rin ngayon at posibleng tumutuligsa sa kanya. Mas malamang, masasandigan sila para himukin ang kanilang mga ka-DDS na maging mas mapanuri, magpahayag at lumaban.

Mojo Wang4

Ang malinaw: matibay ang mga isyu laban kay Duterte at nakakagalit ang mga krimen niya. Matibay na batayan ang mga ito para siya’y labanan o patalsikin. Sa masinsinang paliwanag ay tiyak na marami ang mahihikayat lumaban, at ang mga tagasuporta niya’y masasandal sa pananahimik na lang.

Pero hindi awtomatiko, gaya ng inaasahan ni Claudio, na ang mga mayor na eskandalo ay makakapagpababa ng popularidad ng pangulo – lalo na kung bago pa lang sa pwesto. Mas ang tiyak: nakakapagbukas ang mga ito ng kaisipan ng malawak na masa ng sambayanan. At sa malawak na masang ito, nariyan ang abante – iyung handang magpalalim ng kamulatan at kumilos, at matabang lupa para sa pagsulong ng kilusan kontra kay Duterte at para sa pagbabago.

Walang tagumpay na hindi pinaghirapan, at lumalarga na ang mas malaganap at masinsing pagtatalakay, pagpapaloob sa mga organisasyon, at pagmobilisa sa iba’t ibang paraan – sa pangunguna ng Kaliwa, syempre pa. Sa proseso, lilikhain ang kritikal na bilang ng masa para ihiwalay, epektibong labanan, at kung sakali’y patalsikin si Duterte.

Kung matatandaan, hindi mayorya ng sambayanan ang nasa Edsa noong 1986 at 2001, pero nakapagpatalsik ng pangulo. Ang dahilan: may batayang moral sa pagpapatalsik. Iminulat nito ang mas nakakarami sa buong sambayanan, kinumbinsi nito ang mayorya na marapat na ngang patalsikin ang pangulo, at naging batayan ito para sa tuluy-tuloy na pagkilos ng kritikal na bilang ng masa ng mamamayan.

At alam ni Duterte ang banta sa kanyang paghahari. Ang tugon niya ngayon, bukod sa pagtatangkang linlangin ang malawak na masa, ay ang pagbabanta sa iba’t ibang pwersang pampulitika: tradisyunal na oposisyon, hudikatura, midya ng malalaking kapitalista, Simbahang Katoliko, at Kaliwa. Sa pamamagitan ng suhol at pananakot, kinokontrol niya ang Kongreso at Senado.

Noong simula ng rehimeng Duterte, malinaw ang tindig at pagkilos ng Kaliwa. Itinulak ang mga pangakong pagbabago para sa sambayanan, nilabanan ang mga neoliberal na patakarang pang-ekonomiya, tinutulan ang pamamaslang sa “gera kontra-droga,” at kinontra ang pagpabor sa masasamang pwersang pampulitika sa bansa gaya nina Marcos at Arroyo, at ang pagpapailalim sa China.

Mojo Wang5

Sa tinakbo ng mga pangyayari, gayunman, tinalikuran ni Duterte ang ipinangakong pagbabago, ipinatupad ang mga patakarang neoliberal, pinaigting ang pamamaslang sa “gera kontra-droga,” at itinodo ang pagpabor sa masasamang pwersang pampulitika.

Malinaw na priyoridad niya ang “gera kontra-droga.” Sa paggamit ng dahas sa kampanyang ito, lalo niyang pinalalim ang pagsandig niya sa militar at pulisya. Sa gayon, pinalalim niya ang kontrol ng mga ito sa kanya – mga institusyong sagad-sagaring maka-US, reaksyunaryo at militarista, na kalaban ng mga ipinangako niyang pagbabago. Pinalalim niya ang kontrol sa kanya ng US at mga naghaharing uri, maging sa ekonomiya.

Sa kabilang banda, kalat-kalat na sabi-sabi at bara-barang hakbangin ang naging palaman ng mga pangako niyang pagbabago. Malinaw na wala siyang plano kung paano ipapatupad ang mga ito – paano ang mahusay na pagkakasunud-sunod, ano ang susing hakbangin, at iba pa. Lalong malinaw na wala siyang planong gawing papalalim ang mga pagbabagong ito.

Sa ganitong kalagayan, kinailangan lang ng krisis sa Marawi para maging lantad ang pagiging susunud-sunuran niya sa US at mga naghaharing uri. Sa naturang krisis, nangibabaw ang naratibo ng US laban sa terorismo, itinali ni Duterte ang gobyerno sa pakikialam ng US, at ipinanumbalik ang gobyerno sa kalakarang Noynoy Aquino pagdating sa militar ng US.

Mula noon, lalong nawala ang pagsasakatuparan ng pangakong pagbabago, lalong namayagpag ang US at mga naghaharing uri sa ekonomiya ng bansa, lalong gumanansya ang masasamang alyado ni Duterte, at dumanak ang dugo, lalo na’t dugo ng kabataan, sa pamamaslang sa “gera kontra-droga.”

Prinsipyado ang pagtuligsa ng Kaliwa kay Duterte, nakabatay sa kagalingan ng sambayanang Pilipino. Na hindi masasabi tungkol sa Liberal Party at Akbayan, sa mga dilawan. Ang galit nila kay Duterte, iyung galit ng nawala sa kapangyarihan at gustong manumbalik. Ang pakay nila, sariling interes sa kapangyarihan, paghawak sa gobyerno, hindi ang mapatigil ang kawalang-katarungan at pagpapahirap na ginagawa sa sambayanan.

Mojo Wang6

Kaya naman ang tanging isyu ng mga Dilawan, iyung pinakalutang: pamamaslang sa gera kontra-droga at pagpabor sa mga Marcos. Malinaw ang pagsaludo ni Claudio, halimbawa, sa mga opisyal sa larangang pang-ekonomiya ng gobyerno ni Duterte. Walang duda: kung makakabalik sila sa kapangyarihan, ipagpapatuloy lang nila ang mga patakaran sa ekonomiya ni Duterte, na galing din naman sa kanila.

Kakatwang basahin si Duterte bilang teorya ng pagkuha ng kapangyarihan. Sa kampanyang elektoral at kagyat pagkatapos ng eleksyon, nagmantine ng alyansa sa mga pangkatin ng makapangyarihan at hinikayat ang suporta ng mga mamamayan. Pagkatapos ng eleksyon, naghari hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa mga pangakong umani ng suporta ng mga mamamayan kundi sa pamamagitan ng dahas – pag-aalaga sa pulisya at militar, at pagkontrol sa Kongreso at Senado – habang minamantine ang pasibong pagsuporta ng mga mamamayan.

Maaaring baguhin nang bahagya, para maging angkop, ang isang sipi mula sa talumpati sa panunumpa ni John F. Kennedy bilang pangulo ng US: He who rules by riding the back of the tiger will end up inside. Ang naghahari sa pamamagitan ng pagsakay sa likod ng tigre ay magtatapos sa loob nito.

Kung mayroon mang persepsyon na pumapabor kay Duterte sa kabila ng mga krimen niya, ay iyung hindi niya ginagawa ang mga ito para sa sariling pakinabang. Pinapalabas pa ngang nagsasakripisyo, tinatanggap ang pagiging hindi ligtas, sa ngayon at sa hinaharap, para mapawi ang perwisyo ng droga sa bansa.

Pero bulnerable siya sa mga kontradiksyon ng kanyang “gera kontra-droga,” bukod sa iba pang isyu. Puro mahihirap ang pinapatay habang ligtas ang malalaking drug lords at pulitiko – at hindi malayo ang akusasyon ng pagprotekta niya sa huli. Mukha siyang walang bahid, pero ang mga anak at posibleng kaanak ay maraming sabit – at madidiin siya sa pagprotekta sa kanila.

Mahalaga ang buhay at masama ang pumatay nang walang karampatang proseso. Malaking inhustisya ang maramihan at sistematikong pagpatay ng maralita. Sa “gera kontra-droga,” ipinapakita ni Duterte ang kawalan ng kagyat na pagpapahalaga sa buhay. Sa mga patakarang pang-ekonomiya niya, ipinapakita niya ang kawalan ng pagpapahalaga sa buhay sa matagalan.

Kapag ipinagpatuloy niya ang tinatakbo niya ngayon, at malinaw ang arogansya niya, sa pagtambak ng mga bangkay ng pinatay at pagtimo ng kawalang-pagbabago sa kabuhayan ng nakakarami, hindi paborable, bagkus malupit, ang magiging hatol sa kanya ng kasaysayan at ng sambayanan.

12 Setyembre 2017

Galing ang mga likhang-sining ni Mojo Wang dito.

Talim ng Sining sa Dissident Vicinities

Aldrein Silanga Ka Parago

Nakapunta ako sa art exhibit na Dissident Vicinities sa lugar na kung tawagin ay “Bulwagan ng Dangal” sa UP-Diliman. Naroon ang eksibit ng mga likhang-sining simula Agosto 18 hanggang Setyembre 1 ngayong taon.

Ang ibig sabihin ng “dissident,” isang taong tumututol sa opisyal na patakaran, lalo na ng isang Estadong awtoritaryan. Ang ibig sabihin ng “vicinities,” mga lugar na magkakanugnog. Sa titulo, kinukuha ang elemento ng pagtutol na laman ng unang salita para gawin itong kolektibo, na laman naman ng ikalawa. Tumatama ang titulo sa lalong pagiging awtoritaryan ng rehimen ni Rodrigo Duterte – mahigpit na nagpapasunod sa mga mamamayan, sumisikil sa mga personal na kalayaan.

Sa exhibit guide na ipinapamahagi sa bungad, may paliwanag ang nag-organisa ng eksibit, ang curator na si Lisa Ito-Tapang, propesor sa College of Fine Arts sa UP-Diliman, progresibong kritikong pansining, at aktibistang pangkultura. Pokus ng eksibit, aniya,  ang “mga kilusang masa para sa kalayaan, demokrasya at mga karapatan, na nagsisikap protektahan at ipagtanggol ang mga yamang likas, kabuhayan at komunidad.” Ang konteksto ng mga ito: “tumitinding kawalan ng pagkakapantay-pantay sa larangan ng ekonomiya, kolonyal at imperyal na pagpapalawak, at mga pampulitikang kaguluhan.”

Ang agad na mapapansin ng isang aktibista: marami sa mga likhang-sining ang nakita na nitong nakaraang taon sa mga protesta at iba pang lugar, at sa Facebook o iba pang social media. At positibo ito: ibig sabihin, malapit, kung hindi man nakaugat, sa kilusang masa ang eksibit. Ibig ding sabihin, may antas ng pagiging masigla ang produksyon ng kilusang masa ng mga likhang-sining.

Makikita rito ang “Larawan ng Kapayapaan,” mural na may maraming panel, likha ng mga grupong KARATULA, Tambisan sa Sining, at UGATLahi para sa protesta sa unang State of the Nation Address ni Duterte. Bahagi ito ng paggigiit ng makabayan at demokratikong adyenda ng mga mamamayan sa bagong pangulo. Pawang nakatingala ang mga inilalarawang bidang magsasaka at manggagawa, puno ng optimismo at diwang palaban. Makukulay ang mga obra, nang-eengganyo sa masayang alternatiba at hinaharap na taliwas sa madilim at bulok na lipunang umiiral ngayon.

Melvin Pollero Buhay-Gerilya

Narito rin ang “Ka Parago” ni Aldrein Silanga, mural na nasa gitna ang imahe ni Leoncio Pitao, nilikha bilang parangal sa kumander ng New People’s Army o NPA sa Mindanao. Napatay man siya sa labanan, buhay na buhay si Ka Parago sa larawan at kulay, tulad ng masang Lumad at magsasaka, hukbo, at kilusan na pinaglingkuran niya. Ang laki ng likhang-sining, patunay ng pagpapahalaga sa kanya at ng tapang ng alagad ng sining na lumikha, gayundin ng kilusang masang nangangalaga.

Unang beses ito na makikita ng publiko sa aktwal ang “Buhay-Gerilya,” tesis sa UP College of Fine Arts ni Melvin Pollero na ang larawan ay lumaganap na sa social media. Paglalarawan ito ng iba’t ibang aspeto ng buhay ng NPA gamit ang telang tapeta at chalk – na siya ring gamit ng NPA sa mga talakayang pang-edukasyon sa loob ng sonang gerilya. Ang tumatanaw ng likhang-sining ang binibigyan ng pag-aaral, na simple at madali nilang mauunawaan – kung hindi sila kasama sa uring nagsasamantala, pahabol ng makatang Aleman na si Bertolt Brecht hinggil sa Komunismo.

Nakatindig sa eksibit ang “Panginoong Walang Lupa” ni Archie Oclos, painting ng manggagawang bukid na nakapako sa krus tulad ni Hesukristo. Mapapansin ang bisagra sa likod ng kahoy na sumusuporta sa imahe, na noong Semana Santa ay itinayo ni Oclos – lingid sa awtoridad, estilong gerilya – sa mismong Hacienda Luisita. Panawagan ito na makita sa manggagawang bukid, at sa masa sa kabuuan, ang kaapihang dinanas ni Kristo at ang potensyal na maging tagapagligtas ng sambayanan.

Muli namang nakatanghal rito ang “Makibaka para sa Kalayaan,” painting ni Voltaire Guray, na nilikha niya noong siya’y bilanggong pulitikal at unang ipinakita sa publiko sa eksibit na Timyas ng Paglaya noong 2016. Makikita ang marubdob na pag-aasam sa kalayaan ng mga detenidong pulitikal sa mga imaheng palaban at sa indayog ng maliliwanag na kulay na taliwas sa itim na likuran – kalayaan mula sa pagkakapiit at kalayaan para sa sambayanan.

Karl Castro The Rustle of Leaves

Tinipon din sa eksibit ang ilang progresibong likhang-sining na nauna nang nalikha para sa iba’t ibang lunan, pero hindi naipamalas nang prominente sa kilusang masa. Muli, patunay ito ng isang antas ng sigla ng gawaing pangkultura ng kilusang masa sa bansa.

Bahagi ng eksibit ang dambuhalang mural na “Internal Refugees” ni Pablo Baen Santos, beteranong progresibong alagad ng sining. Dito, itinatanghal ang reyalidad ng “pagbabakwit,” halaw sa salitang Ingles na “evacuate,” sa bansa. Ramdam ang nakakagalit na sakit at pighati bunsod ng dahas at dislokasyon. Natapos likhain noong 1989 para ipakita ang nagpapatuloy na pasismo sa tabing ng nagbalik na “demokrasya,” napapanahon ang pagpapakita nito ngayong 2017 sa harap ng pagdausdos ng pekeng demokrasya patungong lantad na pasismo.

Maaalala ang kwento ng Komunistang pintor na si Pablo Picasso. Nang makita raw ng isang sundalong Nazi sa Germany ang larawan ng painting niyang “Guernica,” tinanong siya nito: “Ikaw ba ang gumawa niyan?” Ang sagot niya: “Hindi. Kayo.” Pwedeng ipalit si Baen Santos at isang sundalong Pilipino sa kwento kaugnay ng “Internal Refugees.”

Narito ang “Corporate Crusade/The False Prophet,” painting ni Raoul Ignacio “Iggy” Rodriguez, na simpleng pagpapakita ng diyalektikal na pagtatambal at pagiging kambal ng malaking kapitalista at ng makinarya ng panunupil at pananakop. Simpleng paglalantad ito ng tunay na brutal na batayan ng marangal na postura ng sistemang kapitalista.

Sa “Mag-uuma,” maikling sipi sa isang bidyo-dokumentaryo, ipinakita ni Kiri Lluch Dalena ang pag-awit ng isang magsasaka sa Bukidnon na biktima ng militarisasyon noong rehimeng US-Noynoy Aquino. Tungkol sa pang-aapi at paglaban ang awit, at nag-iimbita na alamin ang kwento ng mga mag-uuma at makiisa sa kanila. Ang pagiging payak ng sipi, nagdidiin sa pagiging makatotohanan ng salaysay.

Nasa eksibit din ang “Armaggedon” ni Federico “BoyD” Sulapas Dominguez. Puti at itim ang imahen, kaiba sa karaniwan nang makukulay na likhang-sining ng beteranong pintor. Kakatwa ang mga napiling kulay, dahil tuligsa ang likhang-sining sa impormasyong pinapalabas ng telebisyon o ng midya ng malalaking kapitalista sa kabuuan.

Renan Ortiz God of Death

Katangi-tangi naman ang mga drowing ng mga estudyanteng Lumad ng Bakwit School, na nagpoprotesta sa militarisasyon ng kanilang mga paaralan at komunidad. Malinaw ang ipinapakita ng mga payak na drowing: mga bata, mga estudyante, paaralan at militar – kumbinasyong sapat nang umani ng pagkondena sa kalagayan at pakikiisa sa mga biktimang lumalaban.

Kapansin-pansin naman ang mga likhang-sining na nagmaksimisa sa mga posibilidad ng porma na ipinapahintulot, o hinihingi pa nga, ng venue ng eksibit na tila museo. Maraming likhang-sining ang multi-media, na humahalaw pa rin, sa iba’t ibang paraan, sa mga naunang porma ng likhang-sining.

Tampok dito ang mga naiilawang larawan at bidyo ng iba’t ibang effigy na nilikha ng UGATLahi Artists Collective sa nakaraang mga taon na nagpapakita ng tuligsa sa iba’t ibang pangulo. Mahusay na naitanghal ang mahalagang papel at praktikal na gamit ng mga effigy sa mga protesta. Ipinapaalala rin ng mismong porma ng pagpapakita sa eksibit ang malakas na rehistro sa telebisyon o anumang screen ng bidyo ng effigy sa gitna ng protesta, lalo na ang pagsunog sa mga ito.

Tampok din ang maiksi at nambabagabag na “Bihag” nina Leonilo Doloricon at Tom Estrera. Ang mga dibuho ng beteranong pintor, pinakilos sa animation ng nakababatang alagad ng sining. Kakatwa: pinagalaw ang mga tao sa imahe – manggagawa, magsasaka – para ipakita, sa kanilang paulit-ulit na pagkilos, ang pagkapako sa isang kalagayan sa sistemang ito na katulad ng bihag.

Narito yata ang pinaka-galit na effigy ni Duterte na nalikha hanggang sa ngayon – ang “Death’s Head” ni Renan Ortiz. Pulahan, at humahatak sa masang dilawan, ka-DDS at nakakaraming mapanuri. Hitler at mala-demonyo ang paglalarawan, bunsod ng pamamaslang sa mga pinaghihinalaang adik at sa mga aktibista, sa papaigting na panunupil, at pagtalikod sa mga pangako sa sambayanan. Pinalutang sina Ronald “Bato” dela Rosa ng pulisya at Delfin Lorenzana ng militar, mga nangungunang utak-pulbura sa gobyerno ni Duterte.

Renz Lee Third from the World

Sa “The Rustle of Leaves,” ipinakita ni Karl Castro, gamit ang mga dahon, liwanag mula sa likod ng mga ito, at mga imahe ng binti, hita at paa na nakatatak sa mga ito ang pagiging saksi ng kalikasan sa kanayunan sa iba’t ibang tagpo ng presensya ng militar, presensya ng NPA, kabuhayan ng masa, at iba pa. Kakaibang paraan ng pagpapakita, at pagtanaw, sa araw-araw na reyalidad ng tunggalian sa kanayunan.

Isang simpleng painting ang “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan na nagpapakita ng iba’t ibang gamit – plakard, balatengga, effigy, bandila – na iniluwal ng mga protesta. Dito, ang mga bagay na parang hangin na hinihinga na lang para sa mga aktibista, hinango para ipakitang likha at ambag.

Sa “Mayflowers (Stories we only learn through Skype calls and letters)” ni Nathalie Dagmang, ipinalabas ang tamis at pighati ng buhay ng mga Overseas Filipino Workers at kanilang pamilya, na sentral na sa buhay ng ating bayan. Ipinakitang tagos hanggang pamilya, at hanggang puso, ang epekto ng kawalang-trabaho sa ating bansa, bunsod ng atrasadong agrikultura at bansot na industriya.

May malalaking panel na nagpapakita ng mga pinalaking pahina mula sa Philippine Collegian, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP-Diliman. Ang laman, mga artikulo at larawan tungkol sa malalaking kilos-protesta noong dekada ’70 at ’80. Mayroon ding pinalaking sipi ng serye-seryeng paglilimbag ng librong Philippine Society and Revolution na may titulong “Philippine Crisis and Revolution.”

Natatangi ang “Third from the World” ni Renz Lee sa paggamit ng mga lumang larawan at chalk sa pader para ipakita ang pagkakatulad ng mga bansa sa Timog Silangang Asya pagdating sa dominasyon ng dayuhang kapangyarihan, karanasan sa awtoritaryanismo, at paglaban ng kilusang masa. Para itong pinagandang leksyon sa klase, kung saan pinatampok ang pagiging mahalaga ng mga kilusang estudyante sa paglakas ng buong kilusang masa sa naturang mga bansa. Dito, ang relatibong bagong nilalaman hinggil sa rehiyong kinabibilangan ng bansa, hindi inurungan at hinanapan ng mainam na porma.

Sa pagbubuod, pagdating sa tema, positibo sa Dissident Vicinities ang paglalarawan sa kalagayan ng masang Pilipino, gayundin ang paglalantad sa mga pangulo ng Pilipinas na pawang reaksyunaryo. Kaugnay ng mga aspetong ito, gayunman, makikita ang kahinaan ng hindi pagpaksa nang may diin sa lumalaking hanay ng maralitang lungsod at paghahari ng imperyalismong US sa bansa.

Sekundaryo ang mga punang ito, gayunman, lalo na’t kung ikukumpara sa malaking pangunahing positibo sa eksibit – ang paglalarawan, sa napakaraming buhay na porma, kapwa sa sabayang armado at hindi-armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Masasabi ito tungkol sa mga pinaksa ng mga mayor na likhang-sining sa eksibit, ngunit masasabi rin ito kaugnay ng buong eksibit mismo, na maituturing ding bahagi ng naturang pakikibaka. Sana’y maitanghal ito sa maraming lugar at maraming kababayan ang makakita.

30 Agosto 2017

Galing ang mga imahe sa Facebook Page ng Dissident Vicinities.

Judy Kind of Love

Judy Taguiwalo1

Maraming seksyon ng lipunan ang kumokondena ngayon sa pagtanggi, nitong Agosto 17, ng Commission on Appointments sa pagkakatalaga ni Prop. Judy M. Taguiwalo bilang sekretaryo ng Department of Social Welfare and Development. Bukod sa Kaliwa, na maasahan na dahil matagal nang aktibista si Taguiwalo, nagsasalita ang mga pulitiko, pahayagan, personalidad, at maging “social media practitioners” na kilalang kakampi ni Pang. Rodrigo Duterte. Mismong CA ay hindi nakapagbigay ng batayan para sa desisyon at ang Malakanyang ay nagpahayag ng pagkalungkot. Para tuloy karaniwang krimen ang naganap – walang nagsasalita para ipagtanggol, pero nangyayari pa rin.

Alam ng marami, kung hindi man ng lahat, na pasado si Taguiwalo kung kwalipikasyon ang pag-uusapan. Matagal na siyang aktibista – nagtaya ng buhay sa paglaban sa diktadurang US-Marcos at namuhay nang simple – at sa gayo’y malapit sa mga maralita at kakampi nila. Progresibong guro siya ng kolehiyong laan sa Social Work at Community Development, angkop sa DSWD, at humawak ng iba’t ibang katungkulan sa Unibersidad ng Pilipinas. Kasama na ang pagiging kinatawan ng kaguruan sa Board of Regents, pinakamataas na lupong pampatakaran sa UP. At nitong naging sekretaryo siya ng DSWD, ipinakita niyang mahusay siya, maaasahan, at walang kapaguran.

Bakit kung gayon tinanggal ng CA si Taguiwalo sa kanyang katungkulan? Dahil tinutulan niya ang pagbabalik ng sistemang pork barrel ng mga mambabatas kaugnay ng DSWD. Serbisyo nga naman ang ibinibigay ng ahensya, hindi na dapat dumaan sa mga pulitikong gustong magpalakas sa “nasasakupan” at nagsisilbi pang hadlang. Dahil siya’y hindi maku-kurap o “incorruptible,” at ginamit ng mga nagdaang pangulo ang DSWD na daluyan ng kurakot. Paano, madaling magdeklara na ang ganito karaming tao, halimbawa, ay nabigyan ng serbisyo – kahit hindi naman. Dahil, sa madaling salita, hadlang siya sa burukrata-kapitalismo – paggamit ng katungkulan para magpayaman.

Dahil ang maraming maralitang lumalaban ay tiningnan ng DSWD ni Taguiwalo na maralita muna bago lumalaban, at tinulungan: mula sa mga kasapi ng Kadamay na nag-okupa sa Pandi, Bulacan hanggang sa mga Lumad na nakikipaglaban para sa kanilang mga komunidad laban sa militarisasyon. Dahil kinwestyon niya ang balangkas ng World Bank at iba pang makapangyarihang institusyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino at iba pang programa ng ahensya. Dahil tuluy-tuloy siyang nagsasalita mula sa loob ng gobyerno tungkol sa alternatibang programa at mga reporma laban sa kahirapan. Dahil, sa madaling salita, hadlang siya sa imperyalismo, sa paghahari ng US sa ating bayan.

Judy Taguiwalo2

Aktibista si Taguiwalo, at walang iba kundi ang National Democratic Front of the Philippines o NDFP ang nagnomina sa kanya sa pwesto. Progresibong propesor siya, at sa gayo’y namumuhay alinsunod sa prinsipyo – hindi katulad ng mga pulitiko na para sa sariling pakinabang. Babae siya, sariwang hangin sa gabineteng puro lalake at marami pa ang galing pa sa militar na patriyarkal na institusyon. Sa DSWD, inilinaw niyang hindi pwede ang katiwalian at pinabilis at pinaunlad ang mga serbisyo para sa maralita. Sumikat ang kanyang pagtanggi, sa harap ng isang matinding bagyo, na humingi ng tulong sa ibang bansa – sa solidong batayan na sapat ang pondo ng gobyerno.

Kaya tama ang sinabi ni Sass Rogando Sasot, social media practitioner na tagasuporta ni Duterte. Sa ilang pagkakataon, hindi siya kasundo ng mga progresibo, pero sa usapin ni Taguiwalo ay tumpak siya: ang pagkakatalaga ni Taguiwalo sa gobyerno ni Duterte ay nagbigay ng pag-asa sa marami na posible ang pagbabago, bagay na ipinangako ni Duterte mismo. Ngayon, sa pagkakatanggal sa kanya – at ni Gina Lopez, dating sekretaryo ng Department of Environment and Natural Resources – kinitil umano ng CA ang pag-asang ito. Napakalinaw ng kontradiksyon: ang lupon na dapat magtiyak na kwalipikado ang mga nasa gabinete ay nagtanggal ng isa sa pinaka-kwalipikado rito.

Pero hindi makakalusot si Duterte sa pananagutan. Hindi niya sinuportahan si Taguiwalo, tulad ni Lopez noon, sa harap ng CA. Hawak niya ang “supermayorya” ng Kongreso at Senado, at mas malaki ang posibilidad na hindi matatanggal si Taguiwalo kung direkta siyang nag-atas. Ayon pa sa balita, tinanggihan niya ang kahilingan ni Taguiwalo na magkaroon ng personal na pag-uusap. Sa pinakamainam, ginusto ni Duterte na kabigin ang Kaliwa sa pagtalaga kay Taguiwalo sa DSWD. Pero hindi niya kayang panindigan ang mga hakbangin ng maka-Kaliwang sekretaryo laban sa mga makapangyarihan. Manindigan o maging dekorasyon lang? Pinili ni Taguiwalo ang una.

Judy Taguiwalo3

Kabalintunaan, pero nasunod ang panawagan ni Sen. Antonio Trillanes III, dating kritiko ni Duterte bagamat nitong huli’y tahimik. Sabi ni Trillanes, ilang linggo bago ang desisyon ng CA, dapat nang sibakin ni Duterte si Taguiwalo at iba pang maka-Kaliwa sa gabinete. Aniya, may “daan-daang kadre ng CPP-NPA” na nasa mga ahensya ng gobyerno, nag-iipon ng “armas at pambala” na gagamitin laban sa mga sundalo. Wala siyang ebidensya at nagmumula lang ang akusasyon niya sa ideolohiyang anti-Kaliwa at anti-Komunista. Ang presensya pa lang ni Taguiwalo at mga kasamahan sa gabinete, tinitingnan nang masama at banta ng mga militarista’t maka-Kanan sa gobyerno.

Isa na namang masamang senyales ang pagkatanggal kay Taguiwalo ng pagtanggi ng rehimeng Duterte sa makabuluhang reporma at sa “tunay na pagbabago.” Hindi kataka-taka, naganap ito sa gitna ng mabilis na pihit pa-Kanan – pabor sa US at patakarang neoliberal at militarista – ng rehimeng Duterte. Sa gitna ng ekstensyon ng Martial Law sa Mindanao at ng pagpahintulot sa pakikialam ng militar ng Amerika. Sa gitna ng pagkabalam ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at NDFP na dapat ay tatalakay na sa mga repormang sosyo-ekonomiko. Sa gitna ng pagpapaigting ng kontra-maralitang “gera kontra-droga” at pambubuyo ni Duterte ng mas maramihan pang pagpatay.

Sa kalibre ni Taguiwalo, siguradong hindi niya haharapin ang pagkatanggal nang malungkot. May lungkot, marahil, dahil mas malamang ay babalik sa dating gawi ang ahensya, palayo sa paglilingkod sa maralita. Pero tiyak, saanmang porma ng pakikibaka, patuloy siyang maglilingkod sa mahihirap at sa sambayanan. Patok ang kanyang mga pahayag: Mayaman ang Pilipinas, pero naghihirap ang mga Pilipino. May pera ang gobyerno, pero marami ang hindi napupunta sa tao. Sanay akong mag-MRT. Ang pagiging maka-Kaliwa ay paglilingkod nang mahusay, may integridad, at pagmamahal sa bayan. Lagi akong Serve the People. Naghihintay na ang mga kasama ko sa labas.

Larawan ng pagmamahal sa bayan ang buong buhay ni Taguiwalo. “Judy kind of love,” kung hahalaw sa mang-aawit na si Phil Collins. Nitong huli, nagkaroon siya ng pagkakataong ipakita na kaya ng Kaliwa na maglingkod sa bayan nang mahusay kahit sa loob ng ganitong klaseng gobyerno. Pero nakatindig rin ang rekord niya, at ng Kaliwa, ng mas mahusay na paglilingkod sa bayan sa labas nito.

19 Agosto 2017

Galing ang mga larawan sa Facebook Page na Manay Judy Taguiwalo.

Lumad sa Puso ng Tu Pug Imatuy

Tu Pug Imatuy1

“Bobombahin ko iyan,” sabi ni Pang. Rodrigo Duterte patungkol sa mga paaralan ng mga Lumad matapos ang ikalawa niyang State of the Nation Address noong Hulyo 24. Ilang araw bago iyun, nagprotesta sa Kongreso at ikinulong ng pulisya ang ilang guro ng naturang mga eskwelahan. Tutol sila sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao na nagpapatindi sa militarisasyon sa mga komunidad at paaralan ng mga Lumad – ang mga katutubong mamamayan ng Mindanao na hindi Kristiyano at hindi rin Muslim.

Napanood ko ang indie film na Tu Pug Imatuy, may titulong Ingles na The Right to Kill, matapos ang mga pangyayaring ito. Simple ang kwento, na siguro’y sumasaklaw lang ng tatlo o apat na araw. Sinundan nito ang pang-araw-araw na buhay ng mag-asawang Lumad na sina Dawin at Ubonay. Hanggang sa dumating ang isang iskwad ng militar sa kanilang lugar, dahasin at bihagin sila, at pwersahin silang ituro ang kinaroroonan ng mga rebeldeng New People’s Army. Lumaban sila, tampok si Ubonay, at nanaig.

Huli ko nang napanood ang pelikula. Umani na ito ng maraming awards mula sa film festival na sinalihan nito. Tumanggap na rin ito ng maraming papuri mula sa mga manonood at manunuri. Kung ibabatay sa kasikatan nito sa ilang seksyon ng bansa, madaling makalimutang ngayong 2017 ito lumabas. Pero huli man daw ang manonood, kung mahusay ang pelikula at nananatiling napapanahon ang paksa, marapat pa ring magsulat ng rebyu. Napakahusay ng Tu Pug Imatuy, at lubhang napapanahon.

Una, malinaw at simpleng nailatag ng pelikula ang mas malawak na konteksto ng naratibo nito. At nagkwento lang ito, hindi nangaral. Bagamat hirap, may sariling kakanyahan ang pamumuhay ng Lumad. Nakasalalay ang simpleng buhay nila sa kanilang lupang ninuno o yutang kabilin. Matagal na silang nakatira rito at matagal na nila itong ipinaglalaban. Dumating ang mga kumpanya ng pagmimina at nangwasak. Tutol sila sa pagpasok na ito, kaya dumarating ang militar para ipwersa ito sa kanila.

Tu Pug Imatuy2

Ikalawa, ipinakita ng pelikula ang pandarahas sa mga Lumad, pangunahin kina Dawin at Ubonay, ang paglabag sa karapatang pantao nila. Sa husay ng pagpapakita, para na rin itong pagpapadanas sa manonood. Dahil sa pagsahol ng lagay ng bansa, hindi na tanong para sa marami kung totoo ba ang mga paglabag sa karapatang pantao o hindi. Ang totoo, nakakamanhid na ang dami ng ulat tungkol rito. Ito ang binasag ng Tu Pug Imatuy; ipinaramdam nito ang pambababoy, ang makahayop na pagtrato, sa Lumad.

Ikatlo, malinaw at makatotohanan ang paglalarawan sa mga pwersang pampulitika sa kwento. Ang Tu Pug Imatuy, higit sa anuman, ay pagdakila sa paglaban ng mga Lumad sa pang-aagaw sa kanilang yutang kabilin at pandarahas sa kanila. Hindi kataka-taka na pinahigpit nito ang pagkakaisa ng mga nanood na Lumad na nasa Haran, Davao dahil nagbakwit (evacuate) mula sa militarisasyon at ng mga tagasuporta nila. Ito ang kwento ng intelektwal at kolumnistang si Arnold P. Alamon na doon nanood ng pelikula.

Sa unang bahagi, ipinakita ang pagtatalo sa hanay ng militar, sa pagitan ng batang Lieutenant Olivar at matandang Sargeant Villamor – ang kanilang pangalan ay kumbinasyon ng mga mananakop na Amerikano at Espanyol. Ang una, tutol sa malupit na pagtrato sa Lumad ng ikalawa, tila naniniwala sa mabait na pagkuha ng “puso at isip” ng katutubo. Pero sa pagtakbo ng kwento, ipinakita ang pananaig ng malupit na pagtrato, na siya namang totoong nararanasan ng mga Lumad at mamamayang Pilipino.

Mahalaga ang papel ng NPA sa pelikula, bilang kakampi, katuwang at tagapaglingkod ng mga Lumad. Agad makikita ang kaibahan ng hukbo na may babaeng may susing papel kumpara sa militar na puro lalake. Ang NPA ang nagbigay ng kalagayan na sinamantala ni Ubonay para tumakas at lumaban muli. Mas maraming napatay si Ubonay kaysa sa NPA, bagamat ang mahalagang idiin ay magkaisang-hanay silang lumaban. Positibo ang katapusan ng pelikula dahil sa pagsisikap ni Ubonay, at dahil sa tulong ng NPA.

Tu Pug Imatuy3

Ikaapat, ipinasilip ang paaralang Lumad. Dahil may mga Lumad tulad ni Dawin na hindi marunong magbilang, nagsisikap ang komunidad na itaas ang karunungan. May mga nagsusuplong man sa mga eskwelahan bilang likha ng NPA, watawat ng Pilipinas ang nakawagayway rito at may larawan pa ni Noynoy Aquino, pangulong nagpaigting ng atake sa mga Lumad. Mayroon itong hukay para pagtaguan ng mga bata kapag binobomba ng mga militar ang eskwelahan, pero walang baril o anumang armas.

Nagtuturo ito ng pangangalaga sa kalikasan at ng “imperyalismong Amerikano” – na bahagi ng kasaysayan, simpleng depensa ng guro sa pelikula. Itong lugar ng pagkatuto ng mga Lumad, ginagawang target ng pandarahas ng militar at gobyerno. Dahil sa mga paaralang ito, ang isang anak ni Dawin ay nangangarap maging guro. Si Lieutenant Olivar, hindi si Sargeant Villamor, ang umihi sa mga gamit sa eskwela. Tila kahit para sa naliliwanagang militar, hindi kapani-paniwala ng nagsasariling pagkilos ng mga Lumad.

Ikalima, mahusay na nailahad ang nilalaman dahil pasado, kung hindi man mahusay, ang porma ng pelikula – mula sa simpleng kwento at payak na diyalogo hanggang sa mahuhusay na mga aktor, mula sa buhay na kuha ng kamera sa mga eksena hanggang sa mapagmuning tutok sa kalikasan. Maraming eksena ang nakakatindig-balahibo. Patunay ang pelikula ng natatanging lugar ng sining sa pagsusulong ng progresibong pulitika at ng pagiging materyal ng progresibong pulitika para sa mahusay na sining.

Pero may pagbaklas din sa mga kumbensyon ng pelikula ang Tu Pug Imatuy. Masasabi na bida ng pelikula si Ubonay, pero hindi siya ang bidang inapi-api lang. Lumaban siya, pero hindi rin sa karaniwang hulma ng mahusay o pinagpala. Masasabi ring nagtagumpay siya sa paglaban, pero hindi ito tagumpay na maningning, mapagbunyi, masigabong palakpakan. Natapos ang kwento, pero walang paramdam na tapos na ang laban. Mahirap at buwis-buhay ang paglaban ni Ubonay, parang ang pakikibaka mismo.

Kapuri-puri ang tapang, talas at husay ng mga nasa likod ng pelikula: Arbi Barbarona (direktor), Arnel Mardoquio (screenplay), Arbi Barbarona at Bryan Jimenez (cinematography), Norhaya Diabo Macusang, Milo Tolentino, Arnel Mardoquio, at Arnel Barbarona (producers) at Malona Sulatan, Jong Monzon, at iba pang artistang gumanap. Pagpupugay sa kanilang lahat! Ang dapat na humabol ngayon ay ang mga pagsisikap na maipalabas ang pelikula sa buong bayan at maging sa ibang bansa.

Tu Pug Imatuy4

Interesante ang pagmumuni ni Andrea Malaya M. Ragragio, propesor sa UP-Mindanao at kolumnista, hinggil sa pagpatay. Humalaw siya sa pilosopong si Walter Benjamin para sabihing bagamat kautusan sa Bibliya ang “Huwag kang papatay,” hindi ito nagbibigay ng lahatang paghusga sa mga taong pumatay. Humalaw naman siya kay Slavoj Zizek, isa pang pilosopo, para sabihing ang “banal na karahasan (divine violence)” gaya ng ginamit ni Ubonay ay patunay ng kawalang-katarungan sa mundo.

Ayon kay Ragragio, ang ibig sabihin ng praseng Manobo na “tu pug imatuy” ay “ang pumatay” at ang direktor na ng pelikula ang gumamit ng Ingles na prase para sa “karapatang pumatay.” Kinikilala ng lipunan, at katanggap-tanggap pa nga rito, ang karapatang pumatay sa isang eksaktong pakahulugan – pagdepensa sa sarili laban sa tangkang pagpatay. Ganito ang dinanas ni Ubonay sa kamay ng militar, ang dinadanas ng Lumad sa kalakarang panlipunan na nagsisilbi sa malalaking kapitalistang dayuhan.

Pero nakakapagpaisip ang matatagal na nakatingalang pagtutok ng kamera sa kalikasan. Nag-uudyok ito ng mga pakahulugan na katanggap-tanggap din. Antas-pilosopiya: batas ng kalikasan ang tunggalian, na kapag may nang-aapi, may lalaban, kasama na ang pagpatay sa mga pumapatay. Antas-pulitika, kaugnay ng nauna: sa kanayunan, malayo sa sentro ng kapangyarihan ng iilan, kinakayang magtayo ng Estado ng nakakarami, “espesyal na pampublikong pwersa” sa salita ni Engels, “organisasyon ng karahasan para sa pagsupil sa kung anong uri,” sa salita ni Lenin, may kapangyarihang pumatay.

Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan; ganyan ang pagpapalayas at pandarahas sa Lumad para sa bansa. Sagad ang pagsasamantala, mula manggagawa, magsasaka at iba pang maralita, umaabot sa pag-angkin sa yamang likas sa malayo. Ang mga kababayan nating walang-wala, nabuhay sa sariling kayod na parang kinalimutan na ng sentro ng kapangyarihan, ay biglang naalala – para apihin. Silang nagsisikap bumangon at sumulong, gamit ang kanilang paaralan, ay gustong patagin sa lupa.

Panoorin ang Tu Pug Imatuy at lalong pumanig sa Lumad at bayan.

15 Agosto 2017

Galing ang mga larawan sa Facebook page ng pelikula.

Joke No Education

Klaus Rinke

(1) Nitong Agosto 4, pinirmahan ni Pang. Rodrigo Duterte ang panukalang batas na magpapatupad ng libreng matrikula at ibang bayarin sa mga paaralang pangkolehiyo at panteknikal-bokasyunal na pinapatakbo ng gobyerno. Labag ito sa panawagan ng mga kampon ng mga neoliberal na patakaran sa kanyang gabinete sa pangunguna ni Budget Sec. Benjamin Diokno. Hindi rin hinintay ni Duterte na kusang maging batas ang panukala na ipinasa ng Kongreso at Senado, na siyang mangyayari kung hindi niya ito pinirmahan.

Kailangan pa ring bantayan at itulak ang pagpapatupad sa tinawag na Universal Access to Quality Tertiary Education Act hanggang sa aktwal na hindi mangolekta ng bayarin ang mga paaralan at hindi magbayad ang mga estudyante. Kailangan pa rin ang iba’t ibang pagkilos at protesta at malalaki pa nga. Pero makabuluhan na ang pagpirma rito ni Duterte.

Tagumpay ito ng sama-samang pagkilos ng mga estudyante, kabataan at sambayanang Pilipino – partikular para sa panawagang libreng edukasyon at pangkalahatan para sa mga makabuluhang reporma. Samu’t saring pagkilos at panawagan ang ginawa ng estudyante at kabataan sa pangunguna ng mga militanteng organisasyong masa at alyansa. Nitong huli, mabigat na presyur ang inabot ng rehimeng Duterte dahil sa papalakas na pagkondena ng sambayanan sa pamumuno ng Kaliwa laban sa papasahol na tunguhin nitong maka-US, maka-Kanan, at militarista lalo na pagkatapos ng krisis sa Marawi City.

Naipakita sa publiko ang pagiging makatwiran ng hakbangin. Para takutin si Duterte na huwag pirmahan ang batas at ang publiko na huwag itong suportahan, nagpalutang si Diokno ng malaking badyet na kailangan umano para maipatupad ito – P100 bilyon. Maagap naman itong kinontra ni Commissioner Prospero de Vera ng mismong Commission on Higher Education o CHED: ang kailangan lang, aniya ay P34.1 bilyon. Larawan ito ng pagtutunggalian ng mga neoliberal gaya ni Diokno sa isang banda at ng mga naliliwanagan gaya ni de Vera sa gabinete ni Duterte.

Christopher Baron

Signipikante na ipinasa ang batas kapwa ng Kongreso at Senado. Patunay ito ng matagal nang paggigiit ng mga estudyante at kabataan para sa libreng edukasyon, lalo na sa kolehiyo. Kapansin-pansin din ang kanilang pag-abot sa mga kandidato noong eleksyon at mga pulitiko pagkatapos para sa kahilingan. Sa panig nina Sen. Bam Aquino at mga sagad-sagaring “dilawan,” mga alyado ng nakaraang rehimeng Noynoy Aquino, ang layunin ay ipakitang hindi kaya ni Duterte na ibigay ang pangako nitong tunay na pagbabago, at umastang kung hindi man biktima ay bida sa harap ng publiko.

Ang pagpirma ni Duterte sa batas ay isang paglihis, bagamat bahagya, sa mga neoliberal na patakaran sa edukasyon at lakas-paggawa; pakikinig ito, kahit bahagya, sa panawagan ng mga estudyante, kabataan at bayan. Maikukumpara ang dogmatikong neoliberal na si Noynoy Aquino: humadlang sa panukalang batas para sa dagdag-pensyon sa Social Security System nang umabot ito sa kanyang mesa.

Maaaring tingnan ito na bahagi ng astang “populista” ni Duterte, na ayon sa popular na pakahulugan ng mga teoristang pampulitikang sina Ernesto Laclau at Chantal Mouffe ay “ang paglikha ng hangganan sa pagitan ng isang ‘natin’ at isang ‘nila,’ sa pagitan ng bayan at ng mga naghahari (establishment).” Maaari ring tingnan si Duterte na pragmatikong pulitiko – napupwersang sumalubong sa mga kahilingang iginiit ng sambayanan at ng mga makabuluhang pwersang panlipunan tulad ng Kaliwa, kahit pa papalakas ang hatak ng US, mga elitista at militarista sa pangulo.

(2) Sa kanyang kampanya laban sa noo’y panukalang batas, sinabi ni Diokno: “ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Marami ang tumutol agad. Marami rin ang nagpigil sa pagtutol pero nahiwagaan sa ibig niyang sabihin. Hindi matanggap ng nakakarami ang sinabi, na bumabangga sa malalim na pagpapahalaga sa edukasyon, na parang sentido-kumon na sa ating lipunan.

Kaya marami ang napatanong: Saan galing iyun? Mahalagang paliwanag kung bakit nakapagsabi ng ganyan si Diokno ang pagiging propesor siya sa UP School of Economics – kilalang balwarte ng neoliberal na kaisipan at patakaran sa bansa.

Buzzkill

Bahagi ang sinabi ni Diokno ng mga kaisipang pinapalaganap ng mga propesor ng UP School of Economics, na ang marami’y naglilingkod din sa gobyerno at malalaking korporasyon. Ang tinutumbok ng mga ideyang ito: hindi dapat subsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo: (1) Dahil umano marami nang estudyante ng kolehiyo ang mayayaman, (2) dahil umano ang serbisyong naihahatid nang mas mabuti ng pribadong sektor ay hindi na dapat ibigay pa ng gobyerno, (3) dahil umano hindi karapatan ang edukasyong pangkolehiyo, pero dapat suportahan ng gobyerno dahil marami itong idinudulot na “positibong externalities,” o hindi-sinasadyang mabubuting epekto, para sa lipunan.

Pero mas pinili ni Diokno na magbigay ng pangkalahatang pahayag: “Ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Sa kanyang desperasyon, arogansya, o pareho, sumandig siya sa isang prinsipyong neoliberal na pinagmumukhang unibersal na batas ng lipunan ng mga katulad niyang kampon ng mga patakarang neoliberal.

Saan nga ba nagmumula ang sinabi ni Diokno? Sa layunin, proyekto, at ideyal na larawan ng mga neoliberal: na gawing sapat na ang edukasyong pang-hayskul para makapagtrabaho, at gawing ang pagkokolehiyo ay pagsusulong na lang ng mas mataas na pag-aaral o pag-abante sa karera. Tampok na kinatawan nito ngayon ang programang K+12, na ang layunin ay maging handa nang magtrabaho ang mga gradweyt ng hayskul. Pero anong trabaho? Iyung murang lakas-paggawa para sa negosyo ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal.

Kasuklam-suklam itong layunin, proyekto at ideyal na larawan. Una, pagsasadlak ito sa nakakaraming estudyante at kabataan sa murang lakas-paggawa – barat ang sahod, kontraktwal, walang karapatang mag-unyon – at sa di-disenteng trabahong laganap sa bansa at siyang gustong palaganapin pa ng mga makapangyarihan. Ikalawa, nangangahulugan ito ng pagpapalaki pa ng dambuhalang pagkakahating pang-ekonomiya, kung pwedeng humiram ng prase sa historyador na si Zeus A. Salazar, sa pagitan ng mayaman at mahirap sa ating lipunan: walang aangat sa mahihirap. At ikatlo, paglilingkod ito sa interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, hindi sa tunay at matagalang interes ng sambayanan para sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Quaglino

Sa makaisang-panig na pagdidiin nito sa paghahanda sa trabaho bilang pangunahing sukatan ng “kapaki-pakinabang” na edukasyon, bangga rin ang neoliberalismong ito kahit sa mga paniniwalang liberal tungkol sa edukasyong pangkolehiyo. Sabi nga ng titulo ng artikulo ng isang administrador ng unibersidad sa US: “Hindi ka dapat ihanda ng kolehiyo para sa unang trabaho mo. Dapat ihanda ka nito para sa buhay.” At liberal na paniniwala pa lang ito, hindi pa radikal. Dahil kahandaan sa pagtatrabaho ang tangi nilang sukatan, nasasabi ni Diokno at mga neoliberal na sapat na ang hayskul, at ang kolehiyo ay para sa personal nang pag-angat – hindi kapaki-pakinabang sa lipunan.

Ang suma-tutal ng pangangatwiran ng mga neoliberal: hindi susubsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo at magiging kalakal ito ng malalaking kapitalista. Ang pagiging karapatan ng edukasyon na sinasabi sa salita ng burges na demokrasya, sinasabotahe sa gawa ng neoliberal na kapitalismo. Lalong ipagkakait ito sa nakakarami sa lipunan. Ang nakikinabang, paalala ng progresibong ekonomistang si Sonny Africa sa Facebook, ay sina Henry Sy, Lucio Tan, Jaime Zobel de Ayala, Emilio Yap, Alfonso Yuchengco, Lourdes Montinola, Ramon del Rosario, Jr., at iba pang malalaking kapitalista.

(3) Wala nga bang pakinabang sa lipunan ang edukasyong pangkolehiyo?

Sa kasalukuyan, ang nagtatakda ng mga kurso at priyoridad sa mga ito ay ang pangangailangan ng merkado, o ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at panginoong maylupa. At ang pagsisikap ng huli ay ipakitang tinutugunan nila ang mga pangangailangan ng lipunan. Kaya naman malawak ang madaling pagtutol sa pahayag ni Diokno: kahit karaniwang taong nag-aral sa kolehiyo ay ipinagpapalagay na naglilingkod sa kapakanan ng lipunan ang kanyang pagtatapos ng pag-aaral at pagtatrabaho.

Pero tunay na papakinabangan ng lipunan ang edukasyong pangkolehiyo kung nakabatay ito sa mga patakarang pang-ekonomiya na maglilingkod sa interes ng nakakarami sa lipunan, hindi ng iilan. Ibig sabihin, kung maglilingkod ito sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Malinaw na ang mga dominanteng kursong pangkolehiyo ngayon ay hindi tumutugon sa mga batayang pangangailangan natin bilang bansa: pakainin ang mga gutom, bigyang-edukasyon ang lahat, gamutin ang mga maysakit, paunlarin ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan, itaguyod ang dignidad at soberanya ng bansa.

Redd Angelo

(4) Pero maaalala, sa pagbanggit ni Diokno, ang pamosong sinabi ni Margaret Thatcher, pasimuno ng neoliberalismo sa Inglatera at buong mundo: “There is no such thing as society.” Pwede kayang isalin ito na “Walang ganoong bagay, itong lipunan”? Na ayon sa pampulitikang teoristang si Corey Robin ay nangangahulugan ng pagpapahalaga sa indibidwal at pamilya, hindi sa buong lipunan.

Mas totoo si Thatcher sa diwa ng neoliberalismo kaysa kay Diokno. Sa pagtanggal ng anumang pagsuporta ng lipunan, sa pamamagitan ng Estado, sa karapatan at kagalingan ng mga mamamayan, naiiwan ang huli sa kamay ng malalaking kapitalista – nagkakarera, nagkakanya-kanya. Sa trabaho, walang pag-uunyon, kundi indibidwal na pagtatrabaho, kundi man kumpetisyon sa promosyon. Sa mga serbisyong panlipunan, kanya-kanyang diskarte. Sa lipunan at maging social media, pagandahan ng buhay.

Kaya kakatwa: silang nagtutulak ng indibidwalismo ang may gana ngayong palabasing nagmamaliit sa indibidwal na interes. Silang mga sumisira sa konsepto ng lipunan ang may gana ngayong magwasiwas ng lipunan kontra sa patakarang tinututulan. Hindi konsistent si Diokno kay Thatcher at larawan ito ng pagpapatupad ng neoliberalismo sa isang lipunan kung saan makabuluhang pwersa sa lipunan at talastasan ang Kaliwa – na naggigiit, halimbawa, na ang edukasyon ay hindi kalakal kundi karapatan.

(5) Nasa likod ng pahayag ni Diokno ang isang larawan ng neoliberalismo bilang pagkakamal ng tubo ng malalaking kapitalista mula sa dapat ay serbisyong panlipunan na dapat ay ibinibigay ng Estado – at ang pagsisikap na bigyang-katwiran ito gamit ang umano’y mga unibersal na prinsipyo ng Ekonomiks.

Ang totoo, kinakatawan ng neoliberalismo ang pagbuwag sa kalakaran sa edukasyong pangkolehiyo kung saan malaki ang papel ng Estado – kalakarang rumurok at naging istable pagkatapos World War II.

Sa panahong ito, relatibong mahusay ang lagay ng ekonomiya ng US at Inglatera bunsod ng gera. Mahalaga ang papel ng Estado sa rekonstruksyon ng Germany at Japan. Sangkatlo ng sangkatauhan sa Rusya at China ang nasa ilalim ng sosyalismo. Iniluwal ang tinatawag na “welfare state” sa Europa bunsod ng banta ng mga sosyalistang bansa at kilusan. Nagaganap ang dekolonisasyon sa Ikatlong Daigdig. Lahat ng ito, sa konteksto ng Cold War. At sa lahat ng ito, mahalaga ang papel ng Estado sa edukasyon at buong lipunan.

Nagpapanggap na unibersal na prinsipyo ang neoliberalismo, gaya ng pahayag ni Diokno, pero nakaugat at nakatali ito sa isang partikular na yugto ng kasaysayan. Sa partikular, simula noong dekada 1980, kung saan bunsod ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, mas pinahigpit ng mga monopolyo-kapitalista sa buong mundo ang kontrol sa edukasyon at sa pamilihan ng lakas-paggawa.

May simula ang neoliberalismo, at sa paglakas ng paglaban ng mga estudyante, kabataan at mamamayan ng daigdig, magwawakas din ito.

06 Agosto 2017

Galing ang mga imahen dito.