Walang Alam sa Edsa

Mao Henrik Drescher

Maraming tanong ang inuudyok sa mambabasa ng artikulong “Edsa I lessons lost on new generations” ng isang Linda B. Bolido na lumabas sa Philippine Daily Inquirer kasabay ng paggunita sa ika-28 anibersaryo ng pag-aalsang Edsa. Magandang pagtuunan ng pansin ang artikulo dahil sa tuwi na lang may gugunitain ang bansa na yugto ng kasaysayan, laging may lalabas na balita sa midya na nagsasabing marami sa ating mga kababayan ngayon ang hindi nakakaalala-nakakaalam-nakakaunawa. Sa likod ng ganitong mga balita, mayroon kayang operasyong pang- ideolohiya?

Una, laging sinesentruhan at sinisisi ng ganitong mga balita ang pagtuturo sa mga paaralan. Sa puntong ito, wala silang sinasabing bago; alam ng marami na kapos kung hindi man bulok ang edukasyon sa bansa. Madali ring gawin ang ganitong balita, lalo na’t wala namang pagtukoy sa pananagutan ng mga patakaran ng gobyerno, kasama na ang pagkaltas nito ng subsidyo sa edukasyon, o sa mga opisyales ng gobyerno na responsable sa kadahupan ng edukasyon. Lagi pa itong may pang-aliw: ang hindi-nawawalang nakakatawang mangmang na pahayag ng mga taong ibinabalita.

Ikalawa, sa ganitong mga balita, para bang pailing-iling ang midya na bumubulong ng “Tsk, tsk” patungkol sa edukasyon. Sinisisi ng isang ideolohikal na aparato ng estado, sa gasgas na prase ng pilosopong si Louis Althusser, ang isa pa. Sa ibang pagkakataon, maririnig ang mga taong-midya na nagdidiin sa kapangyarihan at halaga ng kanilang institusyon. Pero bihira ang balita tungkol sa seryosong pagsusuri ng midya sa sarili tungkol pagtuturo nito sa mga mamamayan hinggil sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa. Mga paaralan lang ang dapat sisihin; ang midya, ang linis-linis.

Ikatlo, bilang paunang pagsusuri, mahirap asahan ang midya ngayon na ituro ang Edsa 1, lalo na ang mga aral nito, sa mga mamamayan. Tuluy-tuloy ang tabloidisasyon ng midya: hindi hamak na mas gusto nito ang tawag-pansing kontrobersya kaysa sa nakakapagpaisip na mga aral ng kasaysayan. Hindi ba’t nataon ang ika-28 anibersaryo ng Edsa 1 sa balita tungkol daw sa misteryosong sakit sa balat sa Pangasinan? Higit pa diyan, sipsip ang midya sa gobyerno ni Noynoy Aquino, dahilan para pigilan nito ang paglago ng radikal na potensyal ng Edsa sa kamalayan at kilos ng mga mamamayan.

Picasso Henrk Drescher

Ikaapat, idinidiin nito ang umano’y kamangmangan ng mga mamamayan, na naglalagay ng maraming markang pantanong sa kanilang mga posibleng hakbangin. Kapag sinasabi ng mga mamamayan na “pag-aalsang Edsa,” nauunawaan ba nila? Dapat ba silang paniwalaan? Kung hindi nila nauunawaan, maglulunsad pa kaya sila niyan? Ganoon din ang mga tanong sa rebolusyon ni Andres Bonifacio. Ibinabalik tayo sa reserbasyon ni Jose Rizal sa Katipunan: kulang pa umano ang edukasyon ng mga Pilipino. Napagtitibay ang paghahari ng iilan sa umano’y nakakaraming mangmang.

Ikalima, tinatawag ng ganitong mga “makatotohanang” ulat ang kabaligtaran nitong labis na ideyal, mula sa “isang ideolohiya ng Estado na nagpapalagay ng imposibleng sitwasyon kung saan natitiyak ng subject ang ‘buong’ katotohanan bago tumungo sa pag-aksyon sa katotohanang ito.” Mga salita ito ni Caroline S. Hau, progresibong iskolar, na nag-obserba ring “ang ‘kumpletong’ kaalamang ito… ay madalas unawain… na landas tungo sa isang kalayaang kinakatangian ng lubos na pag-igpaw sa mga historikal at materyal na kalagayan ng kaalaman at pagkilos [Necessary Fictions, 2000].”

Sa halip na maging bahagi ng nagpapatuloy na diwa ng Edsa, ang ganitong pag-uulat samakatwid ay bahagi ng paglikha ng mga naghahari ng “Edsa Fatigue” o “Kapaguran sa Edsa.” Ipinapatimo nito sa mga interesado at nakikisangkot sa pulitika na mahirap kung hindi man imposible ang pagbabago: Mangmang sa pulitika ang masa at ang maituturong dahilan ay mahirap baguhin. Napakababa ng kaalaman ng masa, at napakalayo nito sa imposibleng ideyal ng kumpletong kaalaman. Tama ang mga aktibista sa pag-unawa sa ganitong mga balita: hamon sa pagsusuri at pag-oorganisa.

28 Pebrero 2014

Galing ang mga larawan dito.

Magandang sanaysay ni Nerissa Balce tungkol sa batas sa libelo na pinalakas ng Cybercrime Law. Sanaysay naman ni Andrea Malaya Ragragio tungkol sa pagpapalit ng kalendaryong pang-akademiko.

Advertisements

Tapat sa Diwa ng Edsa

Paano maging tapat sa diwa ng Edsa People Power 1? Heto ang ilang paraan:

(1) Laging isaisip na larangan ng tunggalian ang pagdiriwang ng anibersaryo ng Edsa 1. Matapos pumutok ang eskandalong “Hello Garci,” halimbawa, pinaliit ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo ang pagdiriwang dito. Ang laging mensahe: lipas na ang paggamit sa kudeta bilang pamamaraan para magpalit ng gobyerno. Natural: naging puntirya ang rehimeng Arroyo ng panawagan para sa isa na namang People Power.

Ngayon, sa rehimen ni Noynoy Aquino, pagiging masunurin sa gobyerno ang mensahe. Ang madalas ireklamong hindi naidulot ng Edsa 1 – ang kaunlarang pang-ekonomiya – ang sinasabing kailangang pagsikapan at kamtin. Walang problema. Pero sa partikular na pakahulugan ng rehimeng Noynoy, nangangahulugan ito ng pag-asa pa rin sa dayuhang pamumuhunan, pag-eeksport ng mga Pilipino sa ibang bansa, pagpapanatili ng atrasadong agrikultura, pagsunod ng mga dikta ng US. Maraming problema.

(2) Magkaroon ng wastong pag-unawa sa Edsa 1. Ang Edsa 1 ay paglaban, pagtatakwil at pagsisikap na tapusin ang mga kasamaan ng diktadurang US-Marcos – ang mga kasamaan nito, at hindi lang ang diktadura mismo. Ordinaryo na, pero makatotohanan, ang daing na “Wala namang nagbago pagkatapos ng Edsa” dahil nasa likod nito ang paghangad ng sambayanan sa tunay na pagbabago – na siyang motor ng pag-aalsa.

Hindi lang ang diktadura mismo ang ginustong tapusin ng Edsa 1 – kahit pa diyan nagkaisa ang maraming kumilos doon. Hindi lang ito maniobrang pampulitika ng isang paksyon ng mga naghaharing uri laban sa isa pa. Tamang salita ang “kasamaan” dahil nagkahugis ang tunggalian noon sa pagitan ng diktadurang US-Marcos at ng sambayanan sa labanan ng masama at mabuti. Sa Edsa 1, sinikap ng sambayanan na tapusin ang pandarambong sa yaman ng bansa, pasistang panunupil at kahirapan.

(3) Kilalanin ang tunay na bayani ng Edsa 1 – ang sambayanan. Ang Edsa 1 ay nagkakaisang pagkilos ng sambayanan – mula sa mga magsasaka, manggagawa, at panggitnang uri hanggang sa maliliit na negosyante at isang bahagi ng mga naghaharing uri sa bansa. Malaki ang papel nina Ninoy at Cory Aquino rito, gayundin ng kanilang pamilya, pero hindi lang sila ang Edsa 1. Hindi sa mga Aquino ang Edsa 1.

Sa sambayanan, ang mga maralita, sa kanilang mga organisasyon at batay sa mga isyu nila, ang una at tuluy-tuloy na lumaban sa diktadura. Noong napatahimik o naitaboy sa ibang bansa ng batas militar ang mga oposisyunistang pulitiko, tuluy-tuloy na kumilos ang mga maralita – nag-organisa, nagprotesta, bumasag sa hilakbot na dulot ng batas militar. Isa-isa, unti-unting nagputukan ang protesta sa iba’t ibang panig ng bansa, hanggang sa dumami, nakakabingi na para sa diktadura, tila bisperas ng bagong taon.

(4) Pag-aralan ang kasaysayan ng paglaban ng sambayanan. Talagang sumasarap maging Pilipino kapag iniisip ang Edsa 1. Pero hindi lang iyan ang paglaban ng sambayanan sa kasaysayan. Sa elementarya at hayskul, inilalahad ang kasaysayan natin na parang magkakasunod lang na pananakop ng mga dayuhan. Pero hindi lang tayo nagdurusang sambayanan. Sa buong kasaysayan natin, lumalaban ang sambayanan.

Pwedeng sangguniin ang Edjop: The Unusual Journey of Edgar Jopson ni Benjamin Pimentel para sa mga pangyayaring rumurok sa Edsa 1. Basahin ang A Past Revisited at The Continuing Past ni Renato Constantino, ang Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero, ang Struggle for National Democracy ni Jose Maria Sison, ang Revolt of the Masses ni Teodoro Agoncillo. Pwedeng mangahulugan ito ng mas kaunting oras sa Facebook, pero gaganda naman ang mga status mo – birong may halong katotohanan.

(5) Makialam, makisangkot sa mga isyung panlipunan. Huwag magpadala sa ilusyong okey na ang bansa dahil si Noynoy na ang pangulo. Hindi okey ang bansa at isang dahilan ay si Noynoy na ang pangulo. Nananatili ang sistemang nagluwal sa diktadurang US-Marcos, at nananatili ang hamon ng kabayanihan sa sambayanan. Kahit sa rehimeng Aquino, kailangan nating tanganan ang tunay na diwa ng Edsa 1.

Makabuluhang dagdag-sahod, nagtataasang presyo, overpricing ng langis, pagkaltas sa subsidyo ng gobyerno sa kalusugan at edukasyon, kawalan ng tunay na reporma sa lupa, pakikialam ng Amerika sa ating pulitika at ekonomiya – napakaraming isyung dapat alamin at kasangkutan. Napakarami pa ng kailangan nating gawin bilang sambayanan para solusyunan ang pinakamalaki nating suliranin: ang kahirapan ng nakararami. At mas bahagi ng problema, hindi ng solusyon, ang mismong gobyerno.

(6) Sumali sa mga aktibistang organisasyon. Ito na siguro ang pinaka-kongkreto sa listahang ito – at ito rin ang susi para tuluy-tuloy at malalimang magawa ang iba pang nabanggit. Hindi iyung mga organisasyong “aktibista” na alalay ni Noynoy, kundi iyung mga organisasyong sinuman ang maupo sa pwesto ay tuluy-tuloy sa paglaban sa mga kontra-mamamayang patakaran, sa pagkilos para sa pagbabago ng lipunan.

Ipinapakita ng Edsa 1 na may magagawa ang bawat indibidwal, pero limitado. Kailangan ang organisasyon, ang organisadong pagkilos, ng nakararami para makapagdulot ng pagbabago. Alpasan ang mga pakiwari sa mga organisasyong ito (“Nakakaadwa ang mga rali”) at alamin ang mga dahilan nila (“Bakit ba nagrarali?”). Huwag magpatangay sa paninira sa kanila ng iba’t ibang grupo sa lipunan – dahil ang mga grupong ito rin ang takot at ayaw sa tunay na pagbabagong dapat ipaglaban.

26 Pebrero 2011

Galing ang mga larawan dito. Maraming salamat!

Isa, dalawa, tatlong magandang sulatin ni Peter Hallward tungkol sa mga nagaganap na pag-aalsa sa mga bansang Arabo.

Magandang rebyu ni Terry Eagleton sa pinakabagong libro ng historyador na si Eric Hobsbawm.

May iba pang bayani ang Edsa 1, sabi ni Angela Stuart-Santiago, at ang apelyido nila ay Balbas at Tadiar.

Edsa People Power 1

Pilit mang itanggi ng mga kontra-Kaliwang katulad ni Amando Doronila ng Philippine Daily Inquirer, at taliwas man sa dominanteng naratibo ng pangyayaring ito, malaki ang papel ng Kaliwa sa People Power 1, bago nito at sa mismong pagkaganap nito. (Galing ang mga larawan sa baba ni Sebastiao Salgado, ekonomistang naging progresibong potograpo, dito. Maraming salamat!)

Sa Kaliwa ng Edsa

(1)

Ito namang si Amando Doronila, hindi na lang magparangal kung gustong magparangal (kay Cory at sa mga tagasuporta niya), nanira pa (sa Kaliwa). Sa kolum niyang “Cory’s Yellow People’s Army,” pinarangalan niya si Cory Aquino at ang mga taong simula noon hanggang ngayon ay sumuporta rito. Pero naglaan siya ng isang talata na puro banat sa Kaliwa, ang tanging banat sa buong kolum. Tapos ang titulo, syempre, ay halatang parinig sa pulang NPA.

Sabi niya, (1) ang tanging signipikanteng grupo sa bansa na naetsapwera sa People Power 1 ay ang Kaliwa, (2) dahil daw sa arogante nitong posisyong walang pakialam sa mga kilusan ng panggitnang uri dahil ang tunay na rebolusyon lang ay iyung sa mga manggagawa (“proletarian and workers”) at iyung madugo, (3) pinagdusahan daw ng Kaliwa ang pagkakamaling ito at hindi ito nakabahagi sa kapangyarihan matapos mapatalsik si Marcos, at (4) naglalaho na ngayon ang Kaliwa “sa The Netherlands” matapos ang pagkakamali sa Edsa.

Totoo namang may pagkakamali ang Kaliwa sa pagharap sa eleksyong 1986. Pero dapat kontrahin ang mga pagtatangkang burahin ito sa kasaysayan ng mismong People Power 1. Nandoon ito, at isa pa nga sa mga nanguna sa paglusob sa Malakanyang noong huling mga araw nito – marami ang mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan at League of Filipino Students. Mas mahalaga, malaki ang papel na ginampanan ng Kaliwa sa paglaban sa rehimeng US-Marcos, simula pa noong rurok ng panunupil nito sa mga mamamayan.

Hindi naman panggitnang uri ang namuno sa kilusang sumuporta kay Cory noong eleksyong 1986 at kumilos noong People Power 1 – kundi naghaharing mga uri. At hindi rin naman rebolusyon ang People Power 1. Isa itong dakilang pag-aalsang nagpalayas sa kinamumuhiang diktador at sa lantad niyang pasistang paghahari, pero hindi ito pundamental na pagbabago sa relasyong panlipunan at pang-ekonomiya sa bansa. Sa kasaysayan ng mundo, wala pang karanasang nailuwal ang pagbabagong iyan nang hindi katuwang ang dahas.

salgado_going_up

Hindi wastong mailarawan ni Doronila ang pagkakamali ng Kaliwa. Tuloy, nagpapalaganap siya ng maling pagtingin. Malamang, nanaig sa isip niya ang anti-komunistang propaganda ng Cold War. Ayon sa Kaliwa, ganito ang pagkakamali: Bulag na tinanganan ang matagumpay na naunang mga karanasan ng pagboykot ng eleksyon at ikinahon ang pagharap sa eleksyong 1986 sa usaping “boykot o partisipasyon.” Hindi wastong nabasa ang sitwasyon at nasuri ang ibang paraan ng pagsusulong ng rebolusyon sa ganoong kalagayan.

Natural, dahil may kahinaan ang Kaliwa, may mga pagkakataon itong napalagpas. Pero mas nakapinsala rito ang pagdidiin sa kahinaan kaugnay ng eleksyong 1986 at pag-aalsang Edsa, nang pinagtatakpan ang iba pang mas malubhang kahinaan sa panahong ito at sa layuning atakehin ang kawastuhan ng estratehiya ng Kaliwa. Klasikong pagdidiin ang binigkas ni Fr. Edicio dela Torre, dating lider-Kaliwa, paglabas ng kulungan: “God, we missed out again!” – na para bang tagumpay at kabiguan ang nakataya sa nangyari, na hindi naman.

Naglalaho ang Kaliwa? Iniisip ko, kung seryosong manunuring pampulitika si Doronila, imposibleng naniniwala siya rito. Pero propagandistang kontra-Kaliwa rin siya – at ang bahagi niyang ito marahil ang nagsasalita sa pagkakataong ito. Lumakas ang Kaliwa pagkatapos ng 1986, simula noong bungad ng dekada ’90 sa kabila ng kaliwa’t kanang kampanya ng panunupil na inilunsad laban dito ng magkakasunod na rehimen. Kahit ang gobyerno ay kumikilala rito, kaya malinaw na hindi nagiging obhetibo, kundi partisano, si Doronila sa isyung ito.

Kakatwa rin ang retorika ni Doronila hinggil sa paghulagpos sa Kaliwa ng pagkakataon para lumakas at makibahagi pa nga sa kapangyarihan. Bukod sa mga pseudo- at dating Kaliwa, na umaatake sa estratehiya ng Kaliwa, ginagamit din ang retorikang ito ng mga taong wala naman talagang kagustuhang lumakas ang Kaliwa, wala namang kakayahang magpayo rito ng taktika sa hinaharap, at tutuligsa pa nga nang matindi rito kung makagawa ito ng mali. Gusto lang talaga nilang idiin ang pagkakamaling ito at ipakitang sila ang mas marurunong.

salgado_ladders

(2)

Naaalala niya ang pagtataka bilang bata, habang ginagawa ang nakahiligan na niyang pagtingin sa mga larawan ng kakatapos na pag-aalsang tinatawag ng maraming “rebolusyon.” Bakit ba, sa dagat ng mga nakataas na senyas ng “Laban,” marami pa ring kamao ang ginustong itaas? Sa musmos na isip niya noon, naitanong niya: Bakit hindi na lang magkaisa ang lahat sa iisang senyas?

Ilang taon pagkatapos, sa hayskul, isang tanong din ang isusulat niya sa diary na obligadong ipinapagawa sa kanila ng guro sa Ingles. Bakit ba, sa kabila ng paglipat ng iba’t ibang bansa mula sosyalismo patungong kapitalismo – na nangahulugan ng demokrasya noon sa mata niya – mayroon pa rin sa bansa na sosyalismo ang ipinapaglaban? Bakit gusto ng iba ang inaalisan na ng marami?

Ilang taon pagkatapos, matatagpuan niya ang sarili sa hanay ng mga ayaw sumunod sa agos ng uso ng kanyang pagkabata. Malalaman din niyang hindi talaga rebolusyon ang naganap, na hindi tunay na sosyalismo ang bumagsak at lalong hindi nangangahulugan ng demokrasya ang kapitalismo, kundi ng diktadura ng burgesya. Sa isip niya, mahalagang aral ito tungkol sa mga uso.

Mababasa niya ang artikulo ng isang Charles Krauthammer, kolumnista ng TIME Magazine, na nagpormalisa tungong patakaran ng mga naganap, para ipatupad ng US: Gumamit ng mga pwersang elite at demokratiko sa mga bansa para palitan ang mga hayag na diktadura – na bagamat sinuportahan ng US ay bumaho na sa sambayanan – at para ietsapwera ang mga pwersa ng Kaliwa.

Maoobserbahan niya na marami sa mga bansang sinasabing gumaya sa People Power at lumaban sa mga diktadura ay may mga gobyernong bagamat hindi tunay na sosyalista ay hindi rin nagpapasakop sa US: Tsina, Silangang Europa… Mula sa lantad na malupit na paghahari ng gobyerno tungo sa di-lantad na malupit na paghahari ng merkado. Kulang pa ang mga pagbabago.

salgado_serra_pelada

(3)

Sa panayam niyang “Roads to Renegacy,” nadaplisan ng dating Maoistang laging pilosopong Pranses na si Alain Badiou ang usapin ng mga dating maka-Kaliwa na nalulong sa ilusyong malapit nang magtagumpay ang rebolusyon. Tinatanong kasi siya tungkol sa mga dating maka-Kaliwa na hayagang sumuporta sa rehimen ni Nicolas Sarkozy, neo-liberal na pangulo ngayon ng Pransya. Sabi ni Badiou, karamihan sa mga dating maka-Kaliwang ito ay galing sa Gauche Proletarienne, ultra-kaliwang grupo sa Pransya, noong dekada ’60.

Aniya, may “maling pagsusuri” ang mga taong ito “ng sitwasyon noong panahong iyon, sa mga taong 1966-1973; inisip nilang talagang rebolusyunaryo ito, sa kagyat na pakahulugan.” Pero dahil hindi nga nagtagumpay ang rebolusyon, humantong ito “kung hindi man sa nahadlangang ambisyon, [ay] sa reyalisasyong kakailanganin ang marami-raming kahirapan at sigasig sa isang stiwasyong hindi naman mainam.” Iba pa rito ang mga tinawag niyang “matapat na tumiwalag (renegades)” na umalis dahil sa kaibahan ng prinsipyo.

Madiin siya sa pagtuligsa sa una, dahil ang mga ito ang nakipagsabwatan sa rehimeng Sarkozy. Aniya, tinanong niya halimbawa ang magkapatid na Jacques-Alain at Gerard Miller, mga sikat na sikoanalista, kung bakit bigla-bigla na lang umalis ang mga ito sa Kaliwa. Sabi raw ni Gerard, “Dahil naunawaan naming hindi tayo makakasunggab sa kapangyarihan.” Sabi ni Badiou, mga tao itong “tumingin sa ginawa nila hindi bilang simula ng mahabang paglalakbay, na may maraming pag-alon at paghupa, kundi bilang landas tungong kapangyarihan.”

Ayon kay Badiou, inisip ng mga taong ito na kaya nilang makamit ang kapangyarihan sa pamamagitan ng “rebolusyunaryong sigasig” pero naumpog sa pagkamalay na kumplikado ang mga bagay. “Ang patunay nito, marami sa mga taong ito ang nakahanap ng mga posisyong makapangyarihan sa ibang lugar, sa sikoanalisis, sa midya, bilang pilosopikal na komentarista at iba pa.” Aniya, ang linya ng pagtatakwil ng mga ito ay hindi “Babalik ako sa pagiging di-kilala,” kundi “Hindi iyun ang tamang baraha, kaya maglalaro ako ng iba pa.”

salgado_ghourma_rharous

Ganito rin kaya ang nangyari sa mga dating maka-Kaliwa na “na-disilusyon” ng pagkakamali kaugnay ng eleksyong snap at ng Edsa 1 noong 1986 at pagkatapos ay nakipaglaro na sa negosyo at pulitika ng imperyalismo at mga naghaharing uri – at ang iba’y lantarang naglilingkod ngayon sa rehimeng US-Arroyo? Mga taong kapangyarihan ang hanap, hindi na mahalaga kung para kanino ito kailangang paglingkurin? Ipinagmamalaki ni Badiou ang tindig niya: “Gumawa ako ng permanenteng paninindigan, hindi iyun kalokohan lang ng kabataan.”

13 Agosto 2009

ayala-mob.jpg

Para sa marami, hudyat ng panibagong bugso ng pagkamulat at pagkilos ng mga nasa panggitnang uri ang protestang masa noong Pebrero 15. Puntirya ngayon ang mga nasa uring ito ng paghimok kapwa ng mga puwersang maka-Gloria at anti-Gloria.

Target: Panggitnang Uri

(1)

Susi, ayon sa ilang manunuring pampulitika, ang papel ng mga nasa middle class o panggitnang uri sa panahong ito para mapatalsik ang rehimeng Arroyo. Sang-ayon ako, bagamat dapat balansehin ito ng pagdidiing matagal nang namumuhi sa rehimeng ito at kumikilos, sa iba’t ibang paraan, ang masang anakpawis – ang mga manggagawa, magsasaka, at maralita sa pangkalahatan. Magiging mas matatag at malakas ang paglaban ng mga nasa panggitnang uri kung kasanib ng pagkilos ng mga anakpawis. Sama-samang pagkilos ang tinutukoy ko, kasama ang pagmamartsa sa mga lansangan.

Sa tingin ko, alam na rin ng rehimen ang susing papel na ito. Laman ng balita ang mga propaganda at hakbangin – “taktika” ang mas walang moralidad na tawag kaya mas angkop – ng rehimen na masasabing nakaturol sa mga nasa panggitnang uri, o sa mga propesyunal, at mga estudyante at guro na siyang pinaka-konsentradong seksiyon ng uring ito. Narinig ko na rin ang mga ito dati, noong nasa krisis ang rehimen. Dati iniisip ko, sinusulit lang ng rehimen ang pinag-aralan sa mga agham panlipunan ng bayarang mga utak nito. Ngayon, masasabi ko, “Now I understand what you tried to say to me”.

(2)

Mahalaga ang tampok na kaso ni Atty. Fely Arroyo, asawa ni Sen. Joker Arroyo, para maunawaan sa antas na personal – eksistensiyal? – ang epekto ng mga propaganda at taktikang ito sa mga nasa panggitnang uri. Ipinapakita ng mga aksiyon niya at ng tugon niya sa testimonya ni G. Jun Lozada ang pag-iwas sa pakikisangkot sa mahalagang isyung pambansa kahit kumatok na ito – at pinatuloy na nga niya sa isang antas – sa kanyang pintuan. Gamit ang teknikalidad ng kanyang propesyon, iniwasan niyang makialam kahit bilang mamamayan sa isyung napakahalaga ngayon para sa bansa.

Walang duda, maipagtatanggol ang ginawa niya sa kahit saang hukuman, hindi siya bumaklas sa rehimen sa harap ng pagdulog ni G. Lozada, at hindi siya dapat puntiryahin ngayon ng atake ng rehimen. Sa isang banda, kauna-unawa ang ginawa niya. Pero iyun ang isa sa dapat nating gawin ngayon: ang tumangging ituring na katanggap-tanggap ang ginawa at sinabi niya at idiing ang mga ito ay mali, mali, mali. Wastong sagot ang ginawa niya sa maling mga tanong. Nakatuon ang mga aksiyon niya sa paglusot sa mga hukuman, pagtakas sa impresyong kumalas sa rehimen, at pag-iwas sa mga atake nito.

(3)

Mainam talakayin ang kaso ni Atty. Arroyo dahil, kung ibabatay sa pagpanig ng kanyang asawa, kontra-Marcos siya noong 1986 at kontra-Estrada rin noong 2001. Sinang-ayunan pa siya ni Prop. Solita Collas-Monsod. Ano’ng klaseng “kultura” sa panahon ng rehimeng Arroyo – maraming talakayan ngayon tungkol sa “kultura ng korupsiyon,” “kultura ng panunupil,” at iba pa – ang konteksto ng ganitong mga aksiyon? Masyadong pasibo ang dating ng salitang “konteksto”; ang tinutukoy ko ay ang kulturang humubog at nagpatatag sa ganitong tugon, pero hinuhubog at pinapatatag din ng ganitong tugon.

Sa kanyang mahalagang sanaysay na “Death-By-Death,” sinuri ni Prop. Neferti Xina M. Tadiar, progresibong intelektuwal, ang kulturang konteksto – sa pag-unawang binanggit sa itaas – ng malaganap na pampulitikang pamamaslang sa bansa. Aniya, “Ang paggamit ng salitang pasismo para ilarawan ang kasalukuyang sitwasyon ay dapat… na magpaalala sa atin na laging mayroong dimensiyong pangkultura sa praktika at organisasyong ito ng kapangyarihan ng estado.” Maaaring humalaw sa sanaysay niya para unawain kung paanong hinahadlangan ng rehimen ang isa pang People Power.

Tutal, binanggit niyang “proyekto ng isang pandaigdigang kampanyang kontra-terorismo na kumpiskahin” ang tinatawag niyang “transnasyunal na damdaming pantao” sa pamamagitan ng “paglikha ng lahat ng klase ng pang-emosyon at pang-ideolohiyang hadlang laban sa posibilidad ng pagbuhos ng kolektibong pagluluksa at pagkamuhi sa pinsalang pantaong siningil ng mga hukbo ng mga naghahari sa mundo.” Ang mga hadlang na ito, ayon sa kanya, “ay ang pangkaisipan at panlipunang katapat ng mga taktikang pre-emptive na ginagamit ng mga kalagayan/estado (states) ng emergency.”

Hindi ba’t, muli, nasa estado ngayon ng emergency ang rehimen? Inilarawan niya kung paanong ihinihiwalay at pinapamanhid ang mga miyembro ng uring “metropolitan,” o panggitna at nakatataas, sa malaganap na karahasan sa bansa. Aniya, nagagawa ito sa pamamagitan ng pagpapatimo ng “pangkaisipan at panlipunang depensa ng inaatakeng civil society” sa mga uring ito, gayundin ng paglulong sa kanila sa “nakakagumong pang-araw-araw na aktibidad na pambuhay ng ‘pagtatagumpay’ (‘making it’).” Ang huli, aniya, ang “laya” na “binabantayan” ng sikat na programang kontra-insurhensiya ng gobyerno.

(4)

Sa paghadlang ng rehimeng Arroyo sa panibagong People Power, partikular ang paglahok ng mga nasa panggitnang uri, nariyan ang (1) banta ng pandarahas at kaguluhan, gayundin ang (2) pagpapakitang-tao ng kahit minimal na pag-unlad. Sa una, nariyan pa rin ang mapanupil na mga patakarang sumasawata sa mga protestang masa, gayundin ang pag-iimbento ng kung anu-anong kuwento – pambobomba, pagpaslang kay Gng. Arroyo, panggugulo ng NPA, at iba pa. Sa ikalawa, ang pagpapakita ng suporta ng mga negosyante, propaganda ng paglago ng ekonomiya, mga call center.

Dahil pakana ang mga ito ng naghaharing mga uri, hindi ito mapapatigil ng mga mamamayan, maging ng Kilusan para Patalsikin si Gloria. Kailangang ilantad at labanan ang mga ito. Pero mas mapaminsala sa kamalayan ng mga nasa panggitnang uri, sa tingin ko, ang iba’t ibang pahayag at pagsusuri na pinapawalan ng mga tauhan ng rehimen, at ni Gng. Arroyo mismo. Tinutukoy ko ang mga pahayag na sa pangkalahatan ay may layuning maliitin, o pagmukhaing maliit, ang mga makakamit ng sambayanan, kasama ang panggitnang uri, kung muling maglulunsad ng pag-aalsang People Power.

Tampok na punto sa mga propagandang ito ang sumusunod: (1) “People Power Fatigue,” o ang diumano’y pagkapagod ng mga tao na sumali at sumuporta sa isa pang pag-aalsang People Power; (2) “Walang alternatiba, o si Noli lang”; (3) “Bulok ang kulturang pampulitika ng bansa,” bagay na minsang nasabi ni Gng. Arroyo mismo; (4) “Imperial Manila” lamang ang kumikilos at nagpapasya sa mga pag-aalsang People Power. Ang (1) at (2), nagpapahiwatig na maiiwan sa ere ang mga nasa panggitnang uri kung kikilos sila. Ang (1), (2) at (3), nagdidiing sistema ang tunay na problema ng bansa.

Sa pangkalahatan, idinidiin ng propaganda ng rehimen na: Nakaugat ang mga isyung pampulitika, maging ng rehimeng Arroyo, sa kabulukan ng sistema ng bansa – bagay na sinasang-ayunan ng maraming mulat na mamamayan, lalo na ng Kaliwa. Dahil dito, walang magaganap na malaking pagbabago sa bansa mapalitan man ang rehimen. Sa pinakamasahol pa nga, gulo at gambala lamang ang idudulot ng pagpapalit ng rehimen sa sumusulong na ekonomiya ng bansa. Sa pangkalahatan, nagpapalaganap ng sinisismo ang rehimen – sinisismo sa iluluwal ng sama-samang pagkilos ng taumbayan.

unrealtwinhead.jpg
Mainam na larawan ito ng uring petiburgis —
larangan ng maraming pagtatalo sa kalooban.

(Galing ang larawan sa beaglesramsay.co.uk.)

(5)

Wasto, sa tingin ko, na idiing sistema ang ugat ng mga suliranin ng bansa. Sa sobrang bulok ng rehimeng Arroyo, malinaw na inilalantad nito na bulok ang sistema. Mainam na pagkakataon ito para manawagan ng pag-igting ng partisipasyon ng mga mamamayan, kasama ang mga nasa panggitnang uri, sa mga usaping pambansa – sa pamamagitan, halimbawa, ng pagsali sa makabayang mga organisasyon. Pagkakataon din ito para maitaas ang antas ng pagmamatyag at pakikisangkot ng mga mamamayan sa gobyernong papalit sa kasalukuyang rehimen, kung tuluyan nga itong mapapatalsik.

May epekto ang pagdidiin sa kabulukan ng sistema, gayunman, na ilihis ang atensiyon ng mamamayan palayo sa grabeng antas na inabot ng rehimeng ito sa pagpapasidhi sa kabulukan ng sistema – sa pananagutan nito, sa madaling salita. Mas marami pa rin, sa tingin ko, ang mas madaling makakasapul sa kabulukan ng rehimen kaysa ng sistema. Dahil dito, mahalaga pa ring balikan at buuin ang pinakamasasahol na krimen ng rehimen: pandarambong at katiwalian, ekstrahudisyal na pamamaslang at pampulitikang panunupil, pandaraya sa halalan at pagsalaula sa mga institusyon ng bansa, at iba pa.

Mahalagang patampukin at gawing katakam-takam sa mga nasa panggitnang uri at sa mamamayan ang taktikal na mga tagumpay sa pagpapatalsik sa rehimen: ang ginhawa, kahit pansamantala, na idudulot ng pagtigil ng mga patakarang nabanggit na itinulak ng rehimen at ipinahintulot ng sistema – at ang katarungan sa pagpaparusa sa maysala. Sinikap ng mga mamamayan sa iba’t ibang paraan na makamit ang mga tagumpay na ito sa balangkas ng rehimen. Pero pinagtakpan lamang ng rehimen ang mga kasalanan nito. Ang masama pa, gumawa pa ito ng mas matitinding krimen laban sa sambayanan.

Sa ganito, titining na hindi “People Power Fatigue” ang nararamdaman ngayon ng mga mamamayan kundi “Gloria Fatigue” – na tila sinasabi ng islogang “Sobra na! Tama na! Kilos na!” Titining na kahit aso, sabi nga ng kolumnistang si Conrado de Quiros, ay puwedeng ipalit sa pangulong ito – at pagtigil sa kahibangan at pagkakaroon ng katarungan ang kapalit ng rehimeng ito. Titining na mahusay na hakbang ang pagpapatalsik sa rehimeng ito para baguhin ang bulok na sistema. Mababalik-aralan ang Edsa 1 at 2 na malinaw na naganap sa buong bansa, hindi lamang sa Kamaynilaan.

Makakatulong ito sa pagbubuo ng tapang ng sambayanan para kumilos kahit sa harap ng panunupil – banta man o aktuwal. Mas mailalantad ang kahungkagan ng “pag-unlad” na sinasabi ng gobyerno, bukod pa sa paglalantad sa datos ng “pag-unlad” na ginagamit nito. Sa ganito, mas matatag na kikilos ang mga mamamayan nang hindi naghihintay sa paglitaw ng ipapalit kay Gng. Arroyo. Dahil, ang totoo, mapapalitaw ang karapat-dapat na papalit sa kanya – konseho man ng iginagalang na mga lider na anti-Gloria, o konstitusyunal na kahalili – kung tuluy-tuloy at papalawak ang mga protestang masa.

(6)

Sa tingin ko, sa ganitong pagpapaliwanag sa isyu, mas makakapag-abot-kaya – dalumat ito ni Prop. Ramon “Bomen” Guillermo – ang mga anti-Gloria at progresibo sa marami sa mga nasa panggitnang uri at mamamayan. Mas makakapagbukas ito ng pinto para sa kanilang pag-unawa, paglahok at pagkilos. Mas maaabot at mababago nito ang pagkatao (subjectivity) ng mga Atty. Fely Arroyo sa hanay ng panggitnang uri. Sa tingin ko, gayunman, kailangang direktang tugunan ng mga progresibo ang usapin ng pagkatao – sa harap ng ilang taong paghubog ng rehimen sa pagkataong gusto nito.

Magandang halimbawa ang ginagawa ngayon ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP o STAND-UP sa halalang pangkonseho. Laman ng tema nito ang mga salitang “iskolar ng bayan”. Sa mga pahayag nitong nabasa ko, malinaw na panawagan ito para sa pagkataong kaiba sa dominanteng hulma o kanal na pinagpapasukan sa mga estudyante ng UP. Pagpapatampok ito sa estudyanteng nag-aaral at nakikisangkot sa mga isyung panlipunan, at sa gayon ay humuhulagpos sa napakaraming limitasyong ipinapataw ng rehimen at sistema – taliwas kay Atty. Arroyo.

(7)

Mabuti na lang, nakadalaw ako sa isang kaibigan. Naregaluhan ko ang sarili, sakto sa anibersaryo ng Edsa 1, ng pagbabalik-aral sa librong Walang Himala! Himagsikan sa Edsa ni Gng. Angela Stuart-Santiago. Panawagan ko sa lahat na basahin ang napapanahong librong ito, na masinsin sa interesanteng mga kuwento ng Edsa 1, balansiyado ang paglalahad maging sa papel ng Kaliwa, at huwaran ng magaang na estilo ng pagsusulat sa wikang Filipino. Kung ano sa kanyang blog si Gng. Stuart-Santiago, ganoon din siya sa librong ito – makabayan at intelihenteng “chikadora”.

May sinabi dito si dating Pres. Cory Aquino na mahalaga sa pagkataong kailangan natin ngayon: “Sa tingin ko, tamang-tama lahat ng nangyari noon. Lahat ay biglaan, kusang-loob. Walang direktor. Ang mga tao lamang, na sa matinding pagnanasang magkaroon ng pagbabago, ay nagawang makamit ang pagbabago. Ang mga tao mismo ang siyang kumilos, at sa pamamagitan ng pagsasama-sama at pagkakaisa nila ay nagkakilanlan ang magkakapwa-Pilipino… Ang totoo, sana ay magkaroon pa ng maraming Edsa, kahit parang imposible, o matutunan man lamang natin ang mga leksiyon ng Edsa.”


25 Pebrero 2008

diaspora.jpg

Patunay ang patuloy na paglikas ng mga Pilipino para magtrabaho sa ibang bansa na wala pa ring tunay na pagbabagong nakakamit sa kabila ng dalawang pag-aalsang Edsa. “Diaspora” ang titulo ng magandang painting na ito ni Antipas Delotavo, na nakuha ko naman sa blog ng manunulat na si Marne L. Kilates.