Category Archives: Edukasyon

Joke No Education

Klaus Rinke

(1) Nitong Agosto 4, pinirmahan ni Pang. Rodrigo Duterte ang panukalang batas na magpapatupad ng libreng matrikula at ibang bayarin sa mga paaralang pangkolehiyo at panteknikal-bokasyunal na pinapatakbo ng gobyerno. Labag ito sa panawagan ng mga kampon ng mga neoliberal na patakaran sa kanyang gabinete sa pangunguna ni Budget Sec. Benjamin Diokno. Hindi rin hinintay ni Duterte na kusang maging batas ang panukala na ipinasa ng Kongreso at Senado, na siyang mangyayari kung hindi niya ito pinirmahan.

Kailangan pa ring bantayan at itulak ang pagpapatupad sa tinawag na Universal Access to Quality Tertiary Education Act hanggang sa aktwal na hindi mangolekta ng bayarin ang mga paaralan at hindi magbayad ang mga estudyante. Kailangan pa rin ang iba’t ibang pagkilos at protesta at malalaki pa nga. Pero makabuluhan na ang pagpirma rito ni Duterte.

Tagumpay ito ng sama-samang pagkilos ng mga estudyante, kabataan at sambayanang Pilipino – partikular para sa panawagang libreng edukasyon at pangkalahatan para sa mga makabuluhang reporma. Samu’t saring pagkilos at panawagan ang ginawa ng estudyante at kabataan sa pangunguna ng mga militanteng organisasyong masa at alyansa. Nitong huli, mabigat na presyur ang inabot ng rehimeng Duterte dahil sa papalakas na pagkondena ng sambayanan sa pamumuno ng Kaliwa laban sa papasahol na tunguhin nitong maka-US, maka-Kanan, at militarista lalo na pagkatapos ng krisis sa Marawi City.

Naipakita sa publiko ang pagiging makatwiran ng hakbangin. Para takutin si Duterte na huwag pirmahan ang batas at ang publiko na huwag itong suportahan, nagpalutang si Diokno ng malaking badyet na kailangan umano para maipatupad ito – P100 bilyon. Maagap naman itong kinontra ni Commissioner Prospero de Vera ng mismong Commission on Higher Education o CHED: ang kailangan lang, aniya ay P34.1 bilyon. Larawan ito ng pagtutunggalian ng mga neoliberal gaya ni Diokno sa isang banda at ng mga naliliwanagan gaya ni de Vera sa gabinete ni Duterte.

Christopher Baron

Signipikante na ipinasa ang batas kapwa ng Kongreso at Senado. Patunay ito ng matagal nang paggigiit ng mga estudyante at kabataan para sa libreng edukasyon, lalo na sa kolehiyo. Kapansin-pansin din ang kanilang pag-abot sa mga kandidato noong eleksyon at mga pulitiko pagkatapos para sa kahilingan. Sa panig nina Sen. Bam Aquino at mga sagad-sagaring “dilawan,” mga alyado ng nakaraang rehimeng Noynoy Aquino, ang layunin ay ipakitang hindi kaya ni Duterte na ibigay ang pangako nitong tunay na pagbabago, at umastang kung hindi man biktima ay bida sa harap ng publiko.

Ang pagpirma ni Duterte sa batas ay isang paglihis, bagamat bahagya, sa mga neoliberal na patakaran sa edukasyon at lakas-paggawa; pakikinig ito, kahit bahagya, sa panawagan ng mga estudyante, kabataan at bayan. Maikukumpara ang dogmatikong neoliberal na si Noynoy Aquino: humadlang sa panukalang batas para sa dagdag-pensyon sa Social Security System nang umabot ito sa kanyang mesa.

Maaaring tingnan ito na bahagi ng astang “populista” ni Duterte, na ayon sa popular na pakahulugan ng mga teoristang pampulitikang sina Ernesto Laclau at Chantal Mouffe ay “ang paglikha ng hangganan sa pagitan ng isang ‘natin’ at isang ‘nila,’ sa pagitan ng bayan at ng mga naghahari (establishment).” Maaari ring tingnan si Duterte na pragmatikong pulitiko – napupwersang sumalubong sa mga kahilingang iginiit ng sambayanan at ng mga makabuluhang pwersang panlipunan tulad ng Kaliwa, kahit pa papalakas ang hatak ng US, mga elitista at militarista sa pangulo.

(2) Sa kanyang kampanya laban sa noo’y panukalang batas, sinabi ni Diokno: “ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Marami ang tumutol agad. Marami rin ang nagpigil sa pagtutol pero nahiwagaan sa ibig niyang sabihin. Hindi matanggap ng nakakarami ang sinabi, na bumabangga sa malalim na pagpapahalaga sa edukasyon, na parang sentido-kumon na sa ating lipunan.

Kaya marami ang napatanong: Saan galing iyun? Mahalagang paliwanag kung bakit nakapagsabi ng ganyan si Diokno ang pagiging propesor siya sa UP School of Economics – kilalang balwarte ng neoliberal na kaisipan at patakaran sa bansa.

Buzzkill

Bahagi ang sinabi ni Diokno ng mga kaisipang pinapalaganap ng mga propesor ng UP School of Economics, na ang marami’y naglilingkod din sa gobyerno at malalaking korporasyon. Ang tinutumbok ng mga ideyang ito: hindi dapat subsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo: (1) Dahil umano marami nang estudyante ng kolehiyo ang mayayaman, (2) dahil umano ang serbisyong naihahatid nang mas mabuti ng pribadong sektor ay hindi na dapat ibigay pa ng gobyerno, (3) dahil umano hindi karapatan ang edukasyong pangkolehiyo, pero dapat suportahan ng gobyerno dahil marami itong idinudulot na “positibong externalities,” o hindi-sinasadyang mabubuting epekto, para sa lipunan.

Pero mas pinili ni Diokno na magbigay ng pangkalahatang pahayag: “Ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Sa kanyang desperasyon, arogansya, o pareho, sumandig siya sa isang prinsipyong neoliberal na pinagmumukhang unibersal na batas ng lipunan ng mga katulad niyang kampon ng mga patakarang neoliberal.

Saan nga ba nagmumula ang sinabi ni Diokno? Sa layunin, proyekto, at ideyal na larawan ng mga neoliberal: na gawing sapat na ang edukasyong pang-hayskul para makapagtrabaho, at gawing ang pagkokolehiyo ay pagsusulong na lang ng mas mataas na pag-aaral o pag-abante sa karera. Tampok na kinatawan nito ngayon ang programang K+12, na ang layunin ay maging handa nang magtrabaho ang mga gradweyt ng hayskul. Pero anong trabaho? Iyung murang lakas-paggawa para sa negosyo ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal.

Kasuklam-suklam itong layunin, proyekto at ideyal na larawan. Una, pagsasadlak ito sa nakakaraming estudyante at kabataan sa murang lakas-paggawa – barat ang sahod, kontraktwal, walang karapatang mag-unyon – at sa di-disenteng trabahong laganap sa bansa at siyang gustong palaganapin pa ng mga makapangyarihan. Ikalawa, nangangahulugan ito ng pagpapalaki pa ng dambuhalang pagkakahating pang-ekonomiya, kung pwedeng humiram ng prase sa historyador na si Zeus A. Salazar, sa pagitan ng mayaman at mahirap sa ating lipunan: walang aangat sa mahihirap. At ikatlo, paglilingkod ito sa interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, hindi sa tunay at matagalang interes ng sambayanan para sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Quaglino

Sa makaisang-panig na pagdidiin nito sa paghahanda sa trabaho bilang pangunahing sukatan ng “kapaki-pakinabang” na edukasyon, bangga rin ang neoliberalismong ito kahit sa mga paniniwalang liberal tungkol sa edukasyong pangkolehiyo. Sabi nga ng titulo ng artikulo ng isang administrador ng unibersidad sa US: “Hindi ka dapat ihanda ng kolehiyo para sa unang trabaho mo. Dapat ihanda ka nito para sa buhay.” At liberal na paniniwala pa lang ito, hindi pa radikal. Dahil kahandaan sa pagtatrabaho ang tangi nilang sukatan, nasasabi ni Diokno at mga neoliberal na sapat na ang hayskul, at ang kolehiyo ay para sa personal nang pag-angat – hindi kapaki-pakinabang sa lipunan.

Ang suma-tutal ng pangangatwiran ng mga neoliberal: hindi susubsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo at magiging kalakal ito ng malalaking kapitalista. Ang pagiging karapatan ng edukasyon na sinasabi sa salita ng burges na demokrasya, sinasabotahe sa gawa ng neoliberal na kapitalismo. Lalong ipagkakait ito sa nakakarami sa lipunan. Ang nakikinabang, paalala ng progresibong ekonomistang si Sonny Africa sa Facebook, ay sina Henry Sy, Lucio Tan, Jaime Zobel de Ayala, Emilio Yap, Alfonso Yuchengco, Lourdes Montinola, Ramon del Rosario, Jr., at iba pang malalaking kapitalista.

(3) Wala nga bang pakinabang sa lipunan ang edukasyong pangkolehiyo?

Sa kasalukuyan, ang nagtatakda ng mga kurso at priyoridad sa mga ito ay ang pangangailangan ng merkado, o ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at panginoong maylupa. At ang pagsisikap ng huli ay ipakitang tinutugunan nila ang mga pangangailangan ng lipunan. Kaya naman malawak ang madaling pagtutol sa pahayag ni Diokno: kahit karaniwang taong nag-aral sa kolehiyo ay ipinagpapalagay na naglilingkod sa kapakanan ng lipunan ang kanyang pagtatapos ng pag-aaral at pagtatrabaho.

Pero tunay na papakinabangan ng lipunan ang edukasyong pangkolehiyo kung nakabatay ito sa mga patakarang pang-ekonomiya na maglilingkod sa interes ng nakakarami sa lipunan, hindi ng iilan. Ibig sabihin, kung maglilingkod ito sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Malinaw na ang mga dominanteng kursong pangkolehiyo ngayon ay hindi tumutugon sa mga batayang pangangailangan natin bilang bansa: pakainin ang mga gutom, bigyang-edukasyon ang lahat, gamutin ang mga maysakit, paunlarin ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan, itaguyod ang dignidad at soberanya ng bansa.

Redd Angelo

(4) Pero maaalala, sa pagbanggit ni Diokno, ang pamosong sinabi ni Margaret Thatcher, pasimuno ng neoliberalismo sa Inglatera at buong mundo: “There is no such thing as society.” Pwede kayang isalin ito na “Walang ganoong bagay, itong lipunan”? Na ayon sa pampulitikang teoristang si Corey Robin ay nangangahulugan ng pagpapahalaga sa indibidwal at pamilya, hindi sa buong lipunan.

Mas totoo si Thatcher sa diwa ng neoliberalismo kaysa kay Diokno. Sa pagtanggal ng anumang pagsuporta ng lipunan, sa pamamagitan ng Estado, sa karapatan at kagalingan ng mga mamamayan, naiiwan ang huli sa kamay ng malalaking kapitalista – nagkakarera, nagkakanya-kanya. Sa trabaho, walang pag-uunyon, kundi indibidwal na pagtatrabaho, kundi man kumpetisyon sa promosyon. Sa mga serbisyong panlipunan, kanya-kanyang diskarte. Sa lipunan at maging social media, pagandahan ng buhay.

Kaya kakatwa: silang nagtutulak ng indibidwalismo ang may gana ngayong palabasing nagmamaliit sa indibidwal na interes. Silang mga sumisira sa konsepto ng lipunan ang may gana ngayong magwasiwas ng lipunan kontra sa patakarang tinututulan. Hindi konsistent si Diokno kay Thatcher at larawan ito ng pagpapatupad ng neoliberalismo sa isang lipunan kung saan makabuluhang pwersa sa lipunan at talastasan ang Kaliwa – na naggigiit, halimbawa, na ang edukasyon ay hindi kalakal kundi karapatan.

(5) Nasa likod ng pahayag ni Diokno ang isang larawan ng neoliberalismo bilang pagkakamal ng tubo ng malalaking kapitalista mula sa dapat ay serbisyong panlipunan na dapat ay ibinibigay ng Estado – at ang pagsisikap na bigyang-katwiran ito gamit ang umano’y mga unibersal na prinsipyo ng Ekonomiks.

Ang totoo, kinakatawan ng neoliberalismo ang pagbuwag sa kalakaran sa edukasyong pangkolehiyo kung saan malaki ang papel ng Estado – kalakarang rumurok at naging istable pagkatapos World War II.

Sa panahong ito, relatibong mahusay ang lagay ng ekonomiya ng US at Inglatera bunsod ng gera. Mahalaga ang papel ng Estado sa rekonstruksyon ng Germany at Japan. Sangkatlo ng sangkatauhan sa Rusya at China ang nasa ilalim ng sosyalismo. Iniluwal ang tinatawag na “welfare state” sa Europa bunsod ng banta ng mga sosyalistang bansa at kilusan. Nagaganap ang dekolonisasyon sa Ikatlong Daigdig. Lahat ng ito, sa konteksto ng Cold War. At sa lahat ng ito, mahalaga ang papel ng Estado sa edukasyon at buong lipunan.

Nagpapanggap na unibersal na prinsipyo ang neoliberalismo, gaya ng pahayag ni Diokno, pero nakaugat at nakatali ito sa isang partikular na yugto ng kasaysayan. Sa partikular, simula noong dekada 1980, kung saan bunsod ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, mas pinahigpit ng mga monopolyo-kapitalista sa buong mundo ang kontrol sa edukasyon at sa pamilihan ng lakas-paggawa.

May simula ang neoliberalismo, at sa paglakas ng paglaban ng mga estudyante, kabataan at mamamayan ng daigdig, magwawakas din ito.

06 Agosto 2017

Galing ang mga imahen dito.

Amazing Grade

Pow

Isang paglalantad o pagsisiwalat. Iyan ang panukala kong pangunahing pagbasa sa viral, kontrobersyal, at probokatibong Facebook status ni Prop. Gerardo Lanuza na kumukwestyon sa ugnayan ng pagkakaroon ng maraming gradong 1.0 at ng pagiging matalino sa hanay ng mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas o UP. Inilalantad o isinisiwalat niya ang isang reyalidad tungkol sa mga tinatawag na “iskolar ng bayan” na nakakakuha ng matataas na grado mula sa kanyang obserbasyon. Hindi maiaalis sa isang propesor, na nag-aral at nagtuturo ng Sosyolohiya at Edukasyon, lalo na’t aktibista rin, ang gumawa ng ganitong mga obserbasyon: matatandaan, kahit malayo, ang mga pagsisiwalat ng mga sosyologo sa mababang katayuan sa sistemang pang-unibersidad sa Pransya ng mga intelektwal na Pranses na bantog sa mga kampus sa Estados Unidos.

Matagal nang obserbasyon ng mga estudyante at guro ng UP at iba pang unibersidad ang mga sinabi ni Lanuza kung paano makakakuha ng mataas na grado. Siguro’y tumampok lang ang sinabi niya dahil ginawa niyang publiko ang naturang mga obserbasyon sa isang Facebook post, sa isang panahong umaani ng papuri si Bb. Tiffany Grace Uy, gradweyt ng UP na nakakuha ng pinakamataas na grado pagkatapos ng World War 2. Para sa sinumang pamilyar sa mga progresibong pagsusuri sa sistemang pang-edukasyon, madaling matukoy na ang tinatamaan ng tuligsa ni Lanuza ay ang mga istandard sa paggagrado, na dapat lang kwestyunin at pana-panahong kinukwestyon, kung talagang nagpapalabas at nakakasukat sa talino ng mga estudyante. Hindi mga estudyante, lalo na’t isang estudyante, o mga propesor ang tinutuligsa ni Lanuza.

Syempre, pinalabas agad ni Prop. Sylvia Estrada-Claudio, propesor ng Women and Development Studies sa UP, lider ng Akbayan at kontra-aktibista sa kanyang Facebook status na pinapatungkulan ni Lanuza si Bb. Uy. Ang gusto niya, kabigin ang mga tagahanga ni Bb. Uy sa kanyang panig at laban kay Lanuza. Pinalabas din niya na ang tinutuligsa ni Lanuza ay ang paggagrado ng mga kapwa-propesor sa UP. Ang gusto niya, kabigin ang naturang mga propesor sa kanyang panig at laban kay Lanuza. Malinaw na talagang kinalimutan na, at ayaw man lang ipaalala, ni Claudio ang anumang gunita sa mga progresibo, at may feminista rin, na kritika sa sistemang pang-edukasyon, partikular sa mga istandard sa paggagrado. Na para bang 100 porsyentong kumbinsido ang mga propesor sa mga istandard na ito – palagay na malamang ay tatanggihan nila.

Anu’t anuman, interesante ang maraming negatibong reaksyong natanggap ni Lanuza sa kanyang Facebook post. Isang dahilan, tiyak, ang kanyang mapangutyang porma. Madalas kalakasan at minsa’y kahinaan iyan sa mga Facebook status ni Lanuza: laging kongkreto sa tao, lalo na’t sa mga indibidwal, ang pagtuligsa sa mga istrukturang pang-edukasyon, pang-ekonomiya o panlipunan. Isa pa ang pagtatawid niya ng kritika sa sistema ng paggagrado patungo sa usapin, na madalas ihapag ng mga aktibista, ng uring panlipunan na pinaglilingkuran ng mga estudyanteng may mataas na grado. Pero marami nang nagsabi niyan at hindi umani ng katulad na reaksyon. Kaya maituturo rin ang katayuang panlipunan – at masasabi kayang pam-Facebook? – ni Lanuza, na isang propesor at tinitingnan ng marami na kumakatawan sa progresibong pagsusuri.

Hossein Zare

Pero malinaw na ang humatak ng matinding negatibong reaksyon ay ang malakas na upak ni Lanuza sa isang ilusyong mahalaga sa sistemang pang-edukasyon sa bansa – ang ilusyong katumbas ng mataas na grado ang pagiging matalino. Mahalagang masuri ang mga kaugnay ng naturang ilusyon – ang kulturang nagbibigay-halaga sa talino sa sistemang pang-edukasyon at sa mga nakapagtapos ng pag-aaral at, mas mahalaga, sa sistemang pang-ekonomiya na mahigpit na nag-uugnay ng taas ng grado at napag-aralan sa taas ng posibleng ranggo sa trabaho at kita. Dahil itinuturing na Numero Uno sa bansa at “world-class” ang UP at pandaigdig ang mga pangarap at pamumuhunan ng maraming estudyante ng UP pagdating sa trabaho, mas malaki ang halagang nakataya, kumbaga, sa pagtatanggol sa isang sentral na ilusyon maging ng edukasyong UP.

Maaaring dalhin ang kritika ni Lanuza sa sistema ng paggagrado sa “pagpapahusay” sa sistemang pang-edukasyon ngayon. Pero bahagi rin ito ng pagkwestyon sa labis-labis na pagpapahalagang ibinibigay sa “katalinuhan” sa edukasyon sa naturang sistema. Bahagi ang pagpapahalagang ito ng isang sistemang pang-ekonomiya na nakikinabang sa ilusyong para umangat sa buhay ay kailangan ng mataas na sweldo at magandang trabahong pampropesyunal. Hindi naibibigay ng sistemang ito ang batayang pangangailangan ng lahat para mapaunlad ang iba’t ibang talino ng tao – mula pagsulat ng tula at pagkanta hanggang isports at pagkakarpintero, at marami pang iba. Hindi ito sistema kung saan “ang malayang pag-unlad ng isa ay batayan ng malayang pag-unlad ng lahat,” kasama ang malayang pag-unlad ng lahat ng kakayahan ng bawat isa.

27 Hunyo 2015

Galing dito ang mga imahen, suki.

Para sa mas malawig na paliwanag, basahin si Paul Burkett. May dahilan nga ang US na matakot sa China sa usapin ng geopolitics, kapwa sa lokasyon at mga hakbangin nito, ayon sa historyador na si Alfred W. McCoy.

Masayang basahin ang halatang naiiritang tuligsa ng kritikong si Caroline S. Hau sa manunulat na si F. Sionil Jose tungkol sa anti-Tsinong mga sentimyento ng huli. Interesante itong entri tungkol sa pagsisinop sa kanyang blog.

Magandang balik-tanaw sa pagmasaker sa mga Komunista sa Indonesia 50 taon na ang nakakaraan. Mula kay Ram: kwentong Endo at kwentong iba pa. Bakit napapanahon ang pagkilalang muli kay Nina Simone?

Kulang ang Kalayaang Pang-akademiko

Bermuda Triangle

Ngayon ko lang talaga nabasa ang kontrobersyal na pahayag ng School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman tungkol sa protesta ng mga estudyante noong pumunta si Budget and Management Sec. Butch Abad sa naturang unibersidad noong Setyembre 17. Ito ang ubod ng kanilang pagkondena sa protesta: “Bilang inimbitahang bisita, saklaw si Secretary Abad ng balabal ng kalayaang pang-akademiko at ligtas na pagpunta na ginagarantiyahan ng Unibersidad sa lahat ng tumutuntong sa kampus.” Dagdag pa nito, “Ang silbi ng matayog na pribilehiyong iyan ay ang garantiyahan ang malayang trapiko ng magkakaibang ideya – at ng magkakaibang taong yumayakap sa kanila – na siyang nagbibigay-lakas sa isang liberal na institusyong pang-akademiko.”

Maraming suliranin ang pag-apela ng UPSE sa kalayaang pang-akademiko. Una, tulad ng lahat ng kinikilalang kalayaan ngayon, ang kalayaang pang-akademiko ay nabuo at napatatag sa kasaysayan laban sa mga makapangyarihan sa lipunan – sa Simbahan, sa gobyerno, at maging sa malalaking kapitalista. Sa pahayag ng UPSE, ginagamit ang kalayaang pang-akademiko para ipagtanggol ang isang mataas na opisyal ng gobyerno (at isa sa pinakamakapangyarihan sa gobyernong ito) laban sa mga nagpoprotestang aktibista (na katunggali ng mga makapangyarihang grupo kahit sa loob ng UP). Laban sa mga makapangyarihan dapat bigyang-kahulugan ang “mga ideyang kontraryo at hindi uso,” at panlilinlang ang tawaging ganyan ang mga ideya ng isang Butch Abad.

Ikalawa, bagamat kinikilala ng lipunan ang kalayaang pang-akademiko, hindi ito ligtas sa pagsusuri at kritisismo. Pwede sigurong ihalintulad ito sa kalayaang bumoto, na mas pundamental rito: May kalayaang bumoto, pero pwedeng suriin kung wasto o mali ang paggamit dito ng isang tao o grupo ng tao. Sa pahayag ng UPSE, iwinawasiwas ang kalayaang pang-akademiko na parang hindi ito makukwestyon at dapat kilalanin sa simpleng dahilan na isinabuhay ito. Sa tingin ko, sa mga dahilang ipapaliwanag sa ibaba, mali ang paggamit ng University Student Council sa kalayaang pang-akademiko nang imbitahan nitong magsalita si Abad sa isang porum, at mali rin ang UPSE na gamitin ang kalayaang pang-akademiko para ipagtanggol ang naturang hakbangin.

Ikatlo, at kaugnay ng ikalawa, ang kalayaang pang-akademiko ay pamamaraan lamang na dapat ay naglilingkod sa iba pang prinsipyo labas dito. Halimbawa, dapat itong naglilingkod sa tungkuling panlipunan o social responsibility at sa siyentipikong pag-aaral. Sa pahayag ng UPSE, hindi binigyang-katwiran ang kalayaang pang-akademiko sa mga batayang ito, kundi sa “pagkadahop ng buhay-intelektwal at pagkupot sa debate sa isang monologo” lamang,  na nagmumula sa makaisang-panig na paggigiit ng kalayaang pang-akademiko. Kahit sa mga prinsipyo ng UP na “dangal at kahusayan (honor and excellence)” na minsang kinasangkapan ni Prop. Solita Collas-Monsod ng UPSE, mas patungkol ang kalayaang pang-akademiko sa kahusayan, hindi sa dangal.

Waterpark

Mali na imbitahan si Abad para talakayin ang pambansang badyet dahil sa DAP o Disbursement Acceleration Program. Mali na imbitahan si Ferdinand Marcos para talakayin ang pagsusulong ng demokrasya dahil sa Batas Militar. Mali na imbitahan si Jovito Palparan para talakayin ang pagtatanggol sa karapatang pantao dahil sa Oplan Bantay Laya. Mali na imbitahan si Gloria Macapagal-Arroyo para talakayin ang pagtiyak sa malinis at matapat na halalan dahil sa Hello Garci. Mali na imbitahan si Henry Sy para talakayin ang pagtaguyod sa karapatan ng mga manggagawa dahil sa kontraktwalisasyon sa SM. Mali na imbitahan si Kris Aquino para talakayin ang halaga ng privacy dahil sa pag-anunsyo niya sa nangyari sa kanila ni Joey Marquez. At iba pa.

Mali ang pag-imbita sa naturang mga tagapagsalita para sa mga nabanggit na paksa dahil kinakatawan nila ang kabaligtaran o pagkasira ng mga nabanggit na paksa. Mali dahil ginamit na nila ang dominanteng midya para ilahad ang kanilang mga ideya. Mali dahil sila ang dapat pangaralan tungkol sa paksa nila, at wala silang awtoridad na talakayin ang naturang mga paksa. At ang pahintulutan silang talakayin ang naturang mga paksa ay ang magpagamit sa kanilang panlilinlang, sa halip na maging instrumento ng kaliwanagan para sa lipunan. Halimbawa, magyayabang si Abad tungkol sa pagpapalahok sa publiko sa proseso ng pagbabadyet, gayung ipinaglalaban niya ang kapangyarihan ng iilan na baguhin ang aprubadong pambansang badyet.

Pero may kaibahan ang pag-imbita kina Abad, Marcos, Palparan at Arroyo sa mga kahalintulad sa itaas kumpara sa pag-imbita kina Henry Sy at Kris Aquino. Ang mga tao sa unang bungkos, itinuturing ng lipunan na mga kriminal sa mga usaping nabanggit, habang ang mga nasa ikalawang bungkos ay hindi, o hindi pa. Dito mailulugar ang agresibong pagkondena – kalabisan ang tawaging “karahasan” – ng mga aktibista sa pagpunta ni Abad: hindi siya karaniwang bisitang tagapagsalita o panauhing pandangal kundi isang kriminal sa bayan. Dito rin mailulugar ang mariing pagkondena ng UPSE, at Malakanyang, sa ginawa ng mga aktibista: kinukwestyon nila ang hatol na kriminal si Abad at ipinupwersa ang isang reperendum tungkol sa kanya.

Isang sintomas ang pagwasiwas sa kalayaang pang-akademiko ng kaguruan ng UPSE nang walang pagsaalang-alang sa tungkuling panlipunan. Hindi ito papasa sa pamantayan ng tungkuling panlipunan: sa kasaysayan, ginamit nito ang kalayaan ng akademya para isulong ang kawalang-kalayaan sa lipunan. Ang maramihang pagpirma nito ay patunay ng mala-kulto nitong pagbubuklod para sa paglilingkod sa iilan, silang mga nangangaral ng indibidwal na interes sa mga klasrum at sulatin. Maliban sa pagkondena nito sa diktadurang Marcos sa bisperas ng pagbagsak ng huli, wala nang kaguruan sa UP na mas tampok at tuluy-tuloy na naglilingkod sa gobyerno at sa malalaking kapitalista at haciendero liban sa UPSE. Natural, ipagtatanggol nito si Abad.

Instrumento lamang ang kalayaang pang-akademiko sa paghahanap ng katotohanan, at kakatwa ang paggigiit ng UPSE ng kalayaang pang-akademiko sa kabila ng pagtambad ng mga katotohanan bunsod ng protesta: Hinahatulan ng papalaking seksyon ng lipunan si Abad na kriminal – “magnanakaw” sa salita ng mga nagprotesta. Dapat katambal ng kalayaang pang-akademiko ang tungkuling panlipunan; kung hindi, magiging instrumento ito ng pagtatangka ng mga kriminal na manlinlang. At kung mangyari ang huli, susugod ang protesta para agresibong kumondena. Sa bayang ito kung saan bulok ang sistemang pangkatarungan, gagawa at gagawa ng paraan ang mga walang kapangyarihan para idiin at isakdal ang mga gumawa ng krimen sa bayan.

Sabi ng mga nangangaral ng kalayaang pang-akademiko, “kaaway ng unibersidad” ang mga aktibista. Para sa marami at dumarami sa lipunan, kakampi sila ng katotohanan.

25 Setyembre 2014

Galing ang mga larawan dito.

Ngayon lang yata ako magli-link sa isang editoryal ng Philippine Daily Inquirer na sinasang-ayunan ko: “Naeeskandalo sila ng pagiging krudo ng protesta pero hindi ng kabastusan ng pananahimik.” Isang rebyu ni Scott McLemee ng isang libro tungkol sa kalayaang pang-akademiko.

Ang Hindi Magmahal

LightBulb

Bumanat na naman si Lisandro “Leloy” Claudio, ang anti-Kaliwa at maka-Akbayang akademiko. May nagpadala sa akin ng link ng pinakabagong artikulo niya sa Rappler — na tila naging publikasyon na ng Akbayan dahil may mga artikulo rin nina Sylvia Estrada-Claudio at Joel Rocamora, mga komentarista ng naturang grupo. Ang lahat ng artikulo nila, syempre pa, ay kampi kay Pang. Noynoy Aquino. Sa “CHED is not targeting Filipino language instruction,” sinagot ng batang Claudio ang mga kritisismo sa Commission on Higher Education (CHED) Memo Order No. 20, series of 2013.

Laman ng memo ang mga bagong alituntunin sa General Education sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa. Lumalabas na may sapat na kaalaman — at marahil ay kita rin — si Claudio sa naturang mga alituntunin dahil, batay sa pag-amin niya, siya’y “tumutulong magdisenyo” ng isa sa mga kurso ng CHED sa General Education. Ang sentral na argumento niya: Hindi “tinarget” ng memo ang wikang Filipino dahil inalis man ang pagtuturo nito sa kolehiyo, inilagay naman ito sa sekundaryang edukasyon. Katunayan, aniya, dumami ang mga yunit sa naturang asignatura at kasama nito ang wikang Ingles.

Banggain natin nang direkta ang punto ni Claudio: Tinarget o inatake ng memo ang wikang Filipino. Ang kahit anong aralin, magkaiba ang pagtuturo sa sekundaryang edukasyon at pagtuturo sa kolehiyo. Mahalaga ang pareho, pero may natatanging halaga ang pagtuturo sa kolehiyo. May kakaibang paggagap ang mga estudyante sa kolehiyo sa mga aralin at may ibang epekto ang mga ito sa mga magiging landas nila sa buhay. Ang pag-alis sa pagtuturo sa wikang Filipino sa kolehiyo ay pag-atake rito. At hindi dahilan na kasama naman nito ang wikang Ingles, dahil iba ang pagpapahalaga sa huli sa bansa.

Ano ngayon ang problema? Nasasaling lang ba ang ating nasyunalismo? Na tila irasyunal at sentimental lang para kay Claudio? Higit pa diyan. Ayon mismo sa kanya, “Hindi mauunawaan ang memo ng CHED labas sa konteksto ng K-12.” At ano ang problema sa K-12? Pinapatampok nito ang dalawang tunguhin ng edukasyon sa bansa: ang magprodyus ng una, murang lakas-paggawa at ikalawa, elite na nakapagkolehiyo. Hindi na bago ang pagkakahati, na tinalakay na ng iskolar na si Bienvenido Lumbera sa “Edukasyon para sa Iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita (1972).”

Loneliness

Sa K-12, karamihan sa mga bagong-tapos sa pinalawig na hayskul ay edad 18 — ibig sabihi’y ligal nang magtrabaho. Kaya nga ipinasok na rin sa hayskul ang mga araling teknikal at bokasyunal. Hindi na nila kailangang magkolehiyo — na inirereserba sa mga “seryoso” sa pag-aaral, kayang magbayad sa harap ng pagtataasan ng matrikula at ng pagtakas ng gobyerno sa tungkuling pondohan ang edukasyon. Ang resulta: dagat ng murang lakas-paggawa sa isang banda at elite na nagkolehiyo sa kabila. Mas nakatipid ang mga naghaharing uri sa paglikha ng dalawang grupong pagsasamantalahan nila.

Ano ang problema sa magiging pwesto ng wikang Filipino sa kalagayan ng K-12? Lumalabas na sintomas lamang ito ng mas malalaking usapin. Ang pagkapunta nito, kasama ng wikang Ingles, sa hayskul ay bahagi ng paglikha ng murang lakas-paggawa: kailangang marunong sa komunikasyon sa amo at sumunod sa mga instruksyon sa paggawa, halimbawa. Ang pagkaalis nito sa kolehiyo ay bahagi ng pagkahiwalay ng mga magkokolehiyong elite sa komunikasyon sa nakakaraming Pilipino at karaniwang tao, ng pagkagumon nito sa espesyalisasyon, at ng pagkalulong nito sa sariling sirkulo.

Kung susuriin ang pinag-uugatang pananaw ni Claudio sa edukasyon, lalabas na mababaw na liberal ito: nagpapasya batay sa umano’y mahuhusay o magagandang asignatura. Walang pag-unawa sa pangkalahatang lugar, silbi at oryentasyon ng edukasyon sa bansa para sa mga naghaharing uri. Diyan siya nahulog sa kakaiwas niya sa nasyunalista o makabayang pananaw — na sa Pilipinas ay mahigpit na kaugnay ng pananaw na progresibo o maka-Kaliwa. Hindi lang sa ipinagtanggol niya ang dominanteng tunguhin ng edukasyon sa bansa, naging bahagi na siya ng paglikha nito.

Kaya nga simple lang, para kay Claudio, ang solusyon sa pagkatanggal sa trabaho ng mga guro sa kolehiyo dahil sa K-12: Eh di lumipat sila sa pagtuturo sa hayskul. Kung titingnan sa usapin ng numero ng trabaho at may-trabaho, walang problema sa panukala. Pero sa perspektiba natin bilang bayan, hindi ba’t may problema? Tampok na porma ng neoliberalismo ang denasyunalisasyon, at hindi ba’t nawawalan ng yaman ang bansa sa pagbitiw ng mga guro sa kolehiyo sa kanilang kakayahan at paglipat sa hayskul? Ang kakayahan nila sa pagtuturo sa mga mas abanteng asignatura sa kolehiyo, isusuko.

TerminalVelocity

“Hindi ka iiwasan ng kasaysayan kahit iniiwasan mo ito.” Isa iyan sa mga sikat na islogan ni Fredric Jameson, progresibong intelektwal na Amerikano. Ganito rin siguro ang isang pagsagot kay Claudio kaugnay ng nasyunalismo: Iwasan man niya, ang lakas-paggawa ng mga Pilipino ay pinagsasamantalahan bilang may mga katangiang “Pilipino.” Ang call center na ipinagyayabang ng gobyerno, nakabatay sa umano’y husay sa Ingles at nyutral na accent ng mga Pinoy. Ang elektroniks na numero unong eksport ng bansa ay nakabatay sa umano’y maliliit at malalambot na daliri ng ating kababaihan.

Sabi ng historyador na si Ambeth R. Ocampo, ang nagsabing “Ang hindi magmahal sa kanyang salita / mahigit sa hayop at malansang isda” ay hindi ang bayaning si Jose Rizal. Pwedeng isa raw sa mga makatang sina Herminigildo Cruz o Gabriel Beato Francisco. Anu’t anuman, nagpapakita ang bantog na sipi ng pagkutya at pagmamaliit sa mga Pilipinong hindi nagmamahal sa sariling wika. Kahalintulad siguro ang masasabi sa mga tulad ni Lisandro Claudio: Ang hindi magmahal sa kanyang salita, nagiging kapanig ng pagsasamantala ng iilang naghahari sa lakas-paggawa ng nakakarami sa bansa.

20 Hunyo 2014

Galing ang mga larawan dito.

Kritisismo kay Dilma mula kay Boaventura de Sousa Santos, tagasuporta ni Lula. Makulay pala ang buhay ni Rosie Perez, paboritong aktres dati. Bakit daw laging naka-itim na tie sa Amerkana si Cornel West? Basahin dito. Isang engkwentro ng isang manunulat kay Eduardo Galeano at may bonus na kwento tungkol sa pinakamahirap na pangulo sa mundo.

Magandang paglilinaw ng kakamatay na progresibong historyador na si Gabriel Kolko tungkol sa esensyal na pagkakapareho ng patakaran ng Democrat na si Franklin Delano Roosevelt at ng Republican na nauna sa kanya na si Herbert Hoover.

Sabi ni Terry Eagleton, “Kayang sabihin ni [Edward W. Said] nang walang hirap kung sinu-sinong makata ang sumisikat sa Pilipinas” noong nabubuhay pa, syempre pa, ang huli. Totoo kaya ito? O eksaherasyon? May napapanahong paalala si Fredric Jameson, mula kay Karl Marx, tungkol sa kawalang-trabaho.

Yakap ng Pagpapakamanhid

Rob Sheridan

Nabasa ko ang “What We’re Not Saying About Kristel Tejada,” isang sanaysay na nakalagay sa Notes sa Facebook ng isang Aya Tantiangco. Nabahala ako na maraming nagbahagi o nag-share ng sulating ito sa Facebook – lampas 3,000 nang makita ko. Hindi ko kilala si Bb. Tantiangco, at may positibo sa ganitong kalagayan: Matutugunan ko ang isinulat niya nang hindi personal, kundi nang itinuturing ang sanaysay niya na kinatawan ng isang kulumpon ng pag-iisip tungkol sa pagpapakamatay ni Kristel.

Una, kulang at paiwas sa impormasyon ang sulatin. Nagpakamatay si Kristel nang ang itinuturong dahilan ay ang kawalan ng kakayahan ng kanyang pamilya na magbayad ng matrikula. Nakagatong ang pagtanggi ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila sa pagsusumamo ng mga magulang niya para pautangin sila. Gayundin ang pagpwersa sa kanyang mag-Leave of Absence dahil hindi siya nakabayad ng matrikula. Lalo na ang pagkumpiska ng UP sa ID niya para hindi siya makapasok sa kampus.

“Dahil lang sa matrikula?” Iyan ang agad na tanong ng iba. Ang ugat ay ang kahirapan ng kanyang pamilya. Drayber ng taxi ang kanyang ama, at masasabi siguro natin: Kahit sinong drayber ng taxi, mahihirapang magpaaral ng anak sa UP. At dahil kahirapan ang ugat, hindi lang ito usapin ng isang-bagsakang pagbabayad sa matrikula. Usapin ito ng kulang na baon, kawalan ng pampa-Xerox ng mga babasahin, pagrenta ng kompyuter para makapagpasa ng papel, at iba pa. Mga problemang mahapdi, mabigat sa araw-araw.

Pinapalabas ng sulatin na itinatanggi ng mga aktibista na “depressed” si Kristel kaya nagpakamatay. Baka iniiwasan lang nilang maging sikolohiya at hindi sistema ang usapin. Anu’t anuman, maaaring kilalaning na-depress si Kristel. Lahat yata ng nagpakamatay ay dumaan sa ganoon. Ang totoo, kausap niya ang kanyang ulirang guro, si Prop. Andrea Martinez, tungkol dito. Ang tanong: Ano ang nagdulot ng depression? Hindi kailangang manghula, maliwanag na nasabi ni Kristel: kahirapan at matrikula.

Mula sa pag-iwas sa mga impormasyon, umalagwa ang sulatin sa mga maling ispekulasyon. Kung nagpakamatay si Kristel dahil bumagsak sa klase, sinipa sa paaralan o kung ano pa, tiyak na iba ang isyu. Pero kahirapan at matrikula ang itinuro niyang dahilan. Kung nagpakamatay siya nang walang mapagkalingang kausap, magiging isyu rin iyun. Pero mayroon siyang kausap. At dahil mayroon siyang kausap, kailangang kilalaning itinuring niya talagang napakabigat ng mga itinuturo niyang problema.

Crossing Buildings

Ikalawa, umiiwas ang sulatin sa mga usaping panlipunan. Bumabagay at sumasalalay ito sa kamangmangan. “Kung magrarali tayo para sa mga bagay na libre, sino naman sa mundo ang magbabayad noon? Ang Diyos?” Kaya naman humahantong ito sa mga kagyat at simpleng “solusyon”: Kumplikado raw ang pagpapakamatay pero yakap o hugs lang ang sagot. Dito rin mauunawaan ang mga kontra-aktibistang hirit ng sulatin, dahil mga aktibista ang nag-uugnay ng nangyari sa mga isyung panlipunan.

Batbat ng kontradiksyon ang mga pahayag. Tinutuligsa ang kawalang-pakialam at kawalang-malasakit ng mga tao sa isa’t isa, pero hindi inuunawa ang mga isyung panlipunan na nagpapahirap sa kanila. Ayaw tanggaping matrikula at kahirapan ang sanhi ng pagpapakamatay ni Kristel at sinabi pang “kumplikado” ang pagpapakamatay. Pero pagdating sa mga aktibista, handang magbigay ng simpleng sanhi: Ginagamit si Kristel sa “krusada,” bilang ehemplo para sikaping bigyang-katwiran ang mga prinsipyo.

Hindi sapat na patampukin ang mga kontradiksyong ito. Mahalaga ang paalala ng progresibong intelektwal na si Adam Kotsko: Sa pagsusuri sa mga propaganda ng mga konserbatibo, maraming makikitang kontradiksyon, pero ang lahat ng ito, naglilingkod sa isang konsistent na estratehiya. Sa kaso ng konserbatismo, ang “patibayin at, kung kinakailangan, muling igiit ang mga ‛tradisyunal’ na istrukturang pangkapangyarihan.” Huwag magpatali sa detalye kundi tanawin ang pangkalahatang layunin ng propaganda.

At anu-ano ang mga layunin ng sulatin ni Bb. Tantiangco? Ang ihiwalay at ilayo ang pagpapakamatay ni Kristel sa mga isyung panlipunan na mahigpit na kaugnay nito. Ang alisin sa hinagap ang pagiging panlipunan ng mga problemang personal. Ang ikulong ang pakikialam at pagmamalasakit sa kapwa sa pagharap sa mga problemang personal lang, “malaya” sa pagsangkot sa mga isyung panlipunan. At ang ilihis ang pananagutan sa nangyari at ang hamon ng pag-aksyon mula sa gobyerno patungo sa karaniwang tao.

The Classics

Madaling makita ng mga mapanuri at may nalalaman sa pulitika ang mga problema ng sulatin, at ituturing nila itong pag-insulto sa kanilang talino. Pero may yayakap dito – ang mga walang pakialam sa mga isyung panlipunan. Pampatulog nila ito, pabalik sa kanilang pagkakahimbing na niyanig ng nangyari kay Kristel. Binibigyan sila nito ng palusot – “Nagmamalasakit naman kami sa mga mahal namin sa buhay, ah!” – para huwag kumilos, bumalik sa normal nilang buhay ng kawalang-pakialam sa lipunan.

Walang ibang masaya at makikinabang sa sulatin ni Bb. Tantiangco kundi ang gobyernong Aquino at mga naghaharing uri sa bansa. Mulat man siya o hindi, at may batayang isiping mulat siya, binibigyan niya ng armas ang gobyernong Aquino para pahupain ang pagkabigla, pagkabahala, kalungkutan at galit na idinulot ng pagkitil ni Kristel sa sariling buhay. Pansinin natin: Ito na ang pinakamalaganap na propaganda na kumokontra sa mga tumutuligsa sa gobyerno at sistema kaugnay ng isyu ni Kristel.

Pero hindi mapipigilan ng sulatin ang pagdami ng mga kritikal at galit sa gobyerno at sistema. Taliwas sa pagpapalaganap at paghikayat nito ng kamangmangan, madaling makitang nakaugat ang nangyari kay Kristel sa mga patakaran ng gobyerno – sa edukasyon, empleyo, at ekonomiya. Gayundin ang katotohanang nakaugat sa lipunan ang maraming suliraning personal. Taliwas sa pagpapamanhid nito na nagpapanggap na pagmamalasakit, ang malasakit sa kapwa tumutungo sa komunidad, uri at bayan.

Nagtatangka ang sulatin ni Bb. Tantiangco na sawatain ang pag-aasam nating mga Pilipino ng mas maunlad na hinaharap para sa ating bayan. “Kulang lang si Kristel ng pagkausap at pagkalinga” – parang nakapako sa kasalukuyan ang paghusga niya. Pero taliwas sa kanya, ang gusto natin sa hinarahap ay isang maunlad na lipunan, isang masaganang bayan, na magbabalik-tanaw sa nakaraan at walang gatol na huhusgang ang nangyari kay Kristel ay dulot ng bulok at maka-iilang lipunan na kanyang inalpasan.

22 Marso 2013

Galing ang mga larawan dito.

Tayong Lahat ay Kristel Ngayon

UP Oblation Protest

(1) Matapos lumabas ang ulat ng Philippine Collegian hinggil sa pagpapakamatay ni Kristel, estudyante sa unang taon ng Behavioral Science sa Unibersidad ng Pilipinas-Maynila, dahil umano sa hindi pagbabayad ng matrikula ngayong semestre, agad-agad sumulpot ang tanong: Sapat bang dahilan ang kawalan ng kakayahang magbayad ng matrikula para magpakamatay ang isang tao? Tiyak, may mga nagtatanong nang ganito para kwestyunin ang pagsasabing kawalang-kakayahang magbayad ng matrikula ang dahilan ng pagpapakamatay, pero tiyak ding tanong ito ng marami, kahit ng mga kapwa niya iskolar ng bayan. Natural, dahil ngayon lang din nagkaroon ng estudyante ng UP na nagpakamatay dahil sa naturang sanhi, o ngayon lang lumabas sa balita ang ganyan.

Malinaw, kahit batay sa ulat, ang sagot: Hindi. Kawalang-kakayahang magbayad ng matrikula ang kagyat na sanhi, pero hindi tanging sanhi. Ang tatay niya, drayber ng taxi, isang trabahong sa konteksto ng Pilipinas ay resulta ng malaganap na kawalang-trabaho at nangangahulugan ng hindi regular na kita. Ang nanay niya, maybahay na hindi nakakapuno sa kakulangan ng arawang kita ng kanyang tatay. Panganay siya sa apat na magkakapatid, na sa lipunang ito ay batbat ng ekspektasyon – makapagtapos, tumulong sa pamilya, pag-aralin ang mga kapatid, at iba pa. At hindi istable ang ganyang kalagayan; mas malamang, kasama ang kanyang pamilya sa nakakaraming lumulubog sa kahirapan, dahil kakaunti lang sa bansa ang umaangat sa buhay na mas maalwan.

Maipagpapalagay na sinikap ni Kristel na alpasan ang kalagayan ng kanyang pamilya. Sa pagdausdos ng kalidad ng sekundaryang edukasyon sa bansa at sa dami ng mga estudyanteng gustong makapasok sa UP, maipagpapalagay na nag-aral siyang mabuti. Katulad ng maraming estudyante, tiyak na may mga pangarap siya sa pag-aaral: ang makapagtapos nang maaga, makapagtrabaho, at iba pa. Bumangga siya sa pader, kumbaga, nang pwersahin siyang mag-Leave of Absence dahil – lang! – hindi siya nakabayad ng matrikula ngayong semestre, alinsunod sa patakaran ng administrasyon ng UP-Manila. Bagong patakaran ito, hawig sa “No Permit, No Exam” ng mga pribadong paaralan. Ibig sabihin, lahat ng araling pinasukan niya ngayong semestre, mababalewala.

Tiyak, may mga makulit pa ring magtatanong: Wala bang mas personal na dahilan? Problema kaya sa pag-ibig o pamilya? Kahinaan ng emosyon sa pagdadala ng problema? Maipagpapalagay na malaganap sa lipunan ang ganitong pagtatanong. Ayon kay Mark Fisher, progresibong intelektwal, sa panahon ng neoliberalismo, palaging hinahanap sa personal, at sikolohikal pa nga, ang mga ugat ng problemang panlipunan. Hindi: Ano ang problema sa trabaho at hindi ito magawa? Kundi: Ano ang problema mo at hindi mo magawa ang trabaho? Hindi ba’t ang sabi ng Department of Labor and Employment nitong huli, “mapili” o “choosy” ang mga walang trabaho, lalo na ang mga bagong gradweyt, at isa ito sa mga dahilan kung bakit maraming walang trabaho sa bansa?

Anu’t anuman, malinaw ang malalaking suliraning kinaharap ni Kristel, na naging mabigat at humatak sa kanya sa panahong sinisikap niyang alpasan ang mga ito. Maaaring nasadlak siya sa depresyon – na, ayon kay Franco “Bifo” Berardi, anti-kapitalistang intelektwal, “may malaking kinalaman sa kahirapan, kawalang-trabaho at pighati, at may malaking kinalaman sa pagtangging pasanin ang araw-araw na pabigat ng hindi-makayang karahasan kapag nasimulan mong maramdamang hindi maaalis ang pabigat na ito.” Tawag-pansin ang “araw-araw na pabigat ng hindi-makayang karahasan” dahil may implikasyon sa araw-araw ang kahirapan. Katulad ng mga kaklase niya, may baon kaya siya? Pang-Xerox ng readings? Akses sa Internet para magsaliksik?

Tiyak, may mga magtatanong pa rin ng mga sanhing personal, tutal ay gawain iyan ng mga palaisip. Pero nakalatag ang malalaking suliraning kinaharap ni Kristel, sapat na para tanganan natin ang kolektibong tungkulin natin bilang kapwa – ang umunawa.

AS Steps Protest

(2) At ang mga problemang kinaharap ni Kristel ay pawang problema ng kanyang kinabibilangang uring panlipunan: Mahal na matrikula, pagkakait ng edukasyon katulad ng iba pang serbisyong panlipunan, kawalang-trabaho, walang-kaseguruhang kita, bumababang kita. Hindi kataka-takang ang mga ito mismo ang binabanggit ng mga kritiko na patunay na malaking kasinungalingan ang ipinagmamalaki ng gobyerno ni Noynoy Aquino na “panlahatang pag-unlad (inclusive growth).” Ipinapakita ng nangyari kay Kristel ang pagkabigo ng mga patakaran ng gobyerno na nangangakong magdulot ng naturang pag-unlad – mga pangakong sa maraming pagkakataon ay hindi lang napapako, kundi aktwal na ginagamit para pagtakpan ang gayong pagkakapako.

Inilalantad din ng nangyari kay Kristel ang kahungkagan ng de-papel na proceduralism ng gobyernong Aquno – na nakatali sa ilusyong kapag dumaan ka sa proseso, na kadalasang may pipirmahang papel, ay maitutulak mo ang gobyernong gawin ang gusto mo. Kailangan daw ng mga nakaligtas sa superbagyong Pablo ng listahan ng pangalan para makatanggap ng relief goods. Kailangan daw ng mga lumikas sa Sabah dahil sa pandarahas ng gobyerno ng Malaysia ng sworn statement para paniwalaan ng pamahalaan. Si Kristel, nag-aplay sa Socialized Tuition Fee Assistance Program – na notoryus sa maraming rekisito, arbitraryong pagpapasya, at pagkakait ng tulong sa mga estudyante. Nag-aplay siya, pero hindi pa rin ibinigay ng gobyerno ang dapat sa kanya.

Hindi kataka-taka na taong 1989 ipinatupad ang STFAP. Sa taon ding iyan pinagtibay ang Herrera Law, na nagligalisa sa kontraktwalisasyon at Assumption of Jurisdiction, marahas na instrumento ng pagsupil sa welga at mga pagkilos ng mga manggagawa. Sa taon ding iyan ipinatupad ang rehiyunalisasyon ng pagtatakda ng sahod sa bansa. Pagkaltas sa subsidyo sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan, sa isang banda, at pagtali sa sahod sa pinakamababa, sa kabila – iyan ang magkakambal na mga mayor na patakarang itinutulak ng neoliberalismo. Mangangailangan ng malakas at malawak na protesta para maibasura ang STFAP, at iyan ang inuudyok ngayon ng pagkamatay ni Kristel, na patunay rin ng pagsahol ng naturang programa sa pagdaan ng panahon.

Sa kabila ng mga pagtuligsa at ng pagsahol ng pang-ekonomiyang krisis sa daigdig, tuluy-tuloy ang gobyernong Aquino sa pagyayabang na umuunlad ang bansa kakoro ang mga internasyunal na institusyong pampinansya at malalaking kapitalista. Sinasalubong nito, kung hindi man hinihikayat, ang pag-asa, ang pagtaas ng ekspektasyon at pag-aasam ng mga mamamayan. Hinihikayat ang pag-asa ng sistemang sa aktwal ay sumasawata at dumudurog dito. Sa kabilang banda, akma rin sa Pilipinas ang obserbasyon sa US ni John Protevi, progresibong intelektwal: ginagawang nakakahiya ang maging mahirap. Ang mahihirap mismo ang sinisisi, pinapalabas na may kasalanan, sa kanilang kalagayan, sa halip na ang sistemang panlipunan at ang pamahalaan.

Maaalala na isa sa naghudyat ng bantog na pag-aalsa sa Tunisia noong 2011 ay ang pagpapakamatay ni Mohamed Bouazizi, isang tindero sa kalsada na tumigil sa pag-aaral at nagpapaaral ng dalawa niyang kapatid. Matapos kumpiskahin ng pulisya ang kanyang paninda dahil wala siyang permit, sinunog niya sa harap ng isang tanggapan ng pamahalaan ang sarili. Tinamaan siya, napahiya siya, sabi ng kanyang ina. Bukod sa kahirapan, napahiya rin si Kristel sa ginawa sa kanya ng administrasyon ng pamantasan. Dinagdagan ng insulto ang pinsala ng kanilang kabuhayan. Ngayon, ramdam ng marami: Hindi lang si Kristel ang ipinahiya ng nangyari sa kanya, kundi lahat ng mahihirap na nangangarap mag-aral sa kolehiyo, lahat ng nag-aasam makatamasa ng edukasyon.

At akma ang minsang sinabi ni Karl Marx: Ang pagkapahiya ay isang rebolusyonaryong emosyon. Ibaling natin ang galit, hindi sa ating mga sarili, kundi sa mga naghahari at panginoon. Masasabi nating mga nagpupuyos ang loob: Tayong lahat ay Kristel ngayon.

17 Marso 2013

Galing ang mga larawan sa page sa Facebook ng Philippine Collegian. Kulturang asshole sa akademya? At kahit sa mga larangang labas sa akademya? May batayan iyan, ayon sa artikulong ito.

Key Plas Tsuwelb

Isang susing patakarang neoliberal ang K+12 na ipinapatupad ng gobyernong Aquino. Nakadireksyon ito sa mga batayang tunguhin ng mga patakarang neoliberal hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo: ang gawing mura ang lakas-paggawa at kaltasan ang subsidyo sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon. Makikinabang dito ang malalaking kapitalista: ibayo nilang mapagsasamantalahan ang mga manggagawa at mamamayan at makokopo nila ang pondo ng pamahalaan.

(1) Hindi lang sa hindi sinosolusyonan ng K+12 ang mga lantad na suliranin ng sistema ng edukasyon sa bansa gaya ng matinding kakulangan ng mga klasrum at guro. Ang totoo’y bahagi ito ng pagtakas ng gobyerno sa tungkuling subsidyuhan ang edukasyon, sa tungkuling ibigay ang edukasyon sa mga mamamayan bilang karapatan. Higit pa diyan, papasahulin ng K+12 ang pagiging kolonyal, komersyalisado, at pasista ng sistemang pang-edukasyon sa bansa.

(a) Papatindihin nito ang katangiang kolonyal ng namamayaning sistemang pang-edukasyon. Sa pagpapalaganap ng edukasyong teknikal-bokasyunal, mas direkta nitong inihahanda ang mga kabataan at estudyante sa pagtatrabaho para sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at bilang migrante sa ibang bansa. Sa pagsinsin nito ng kontrol sa nilalaman ng kurikulum, tiyak na mas papaigtingin nito ang maka-imperyalista at maka-naghaharing uring nilalaman ng edukasyon. Hindi rin dapat ipagdiwang per se ang paggamit ng K+12 ng iba’t ibang lokal na wika sa bansa sa pagtuturo; nangangahulugan ito ng mas epektibong kolonyal na pagtuturo sa mga kabataan at estudyante sa layuning hindi makabayan kundi kontra-makabayan. Lalong gagawing pabrika ng mga manggagawa para sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal ang sistemang pang-edukasyon.

(b) Papatindihin nito ang katangiang komersyalisado ng sistemang pang-edukasyon. Dahil sapat na ang hayskul para makapagtrabaho, lalo nitong ginagawa at pinagmumukhang pribilehiyo ang edukasyong pangkolehiyo na laan lang sa “mas mataas” na pag-aaral. Alinsunod ito sa matagal nang direksyon ng gobyerno na kaltasan ang subsidyo sa edukasyong pangkolehiyo at akitin ang mga kapitalista-edukador na mamuhunan sa larangang ito. At dahil edukasyong hayskul na ang magiging rekisito sa pagtatrabaho, lalong magiging mas desperado ang mga pamilya na tiyaking makapagtapos dito ang mga kabataan at estudyante. Matabang lupa ito para takasan din ng gobyerno ang pagsubsidyo sa edukasyong panghayskul at akiting mamuhunan dito ang mga kapitalista-edukador.

(c) Papatindihin nito ang katangiang pasista ng sistemang pang-edukasyon sa bansa. Sa batayang katangian nito ng pagdidiin sa edukasyong teknikal-bokasyunal, at sa pangkalahatan nitong tunguhin na mas idireksyon ang edukasyon sa pagtatrabaho sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at bilang migrante sa ibang bansa, lalo nitong papawiin ang posibilidad ng pagkakaroon ng kritikal at makabayang na pag-iisip sa hanay ng mga kabataan at estudyante. At dahil uudyukan nito ang paglaban ng mga kabataan at estudyante, hindi man sadya, sa mga patakarang nagpapatindi sa kolonyal at komersyalisadong edukasyon, tiyak na gagamit ng pandarahas ang gobyerno para supilin ang naturang paglaban.

May isang anekdota tungkol kay Margaret Thatcher, dating punong ministro ng Inglatera na pasimuno ng neoliberalismo. Nang minsang dumalaw siya sa isang unibersidad, tinanong niya ang isang estudyanteng nakasalubong kung ano ang kurso nito. Nang sabihin nitong Kasaysayan, ang sagot niya: “Ay, ano’ng luho! (Oh, what a luxury!)” Ang gusto ni Thatcher, ang gusto ng gobyernong Aquino: edukasyong mas nakadireksyon sa pangangailangan ng pagtatrabaho. Marahil, sa ilalim ng K+12, hindi ituturo si Andres Bonifacio bilang lider ng rebolusyong 1896, kundi bilang manggagawa. At kung rebeldeng manggagawa rin siya, mas malamang na hindi na lang siya ituro, o pasadahan na lang nang mabilis.

(2) Hindi solusyon ang K+12 sa malaganap na kawalang-trabaho sa bansa. Higit pa diyan, nasa balangkas ito ng kontra-manggagawa at kontra-mamamayang patakaran ng gobyerno sa “paglikha” ng trabaho – ang mang-akit ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal para mamuhunan sa bansa sa pamamagitan ng paghahain ng mura, bukod pa sa siil, na lakas-paggawa, at ang itulak ang mga manggagawa at mamamayan na mangibang-bayan para lang makapagtrabaho. Hindi mga mamamayan ang makikinabang sa K+12 samakatwid, kundi ang malalaking kapitalistang dayuhan at lokal na magsasamantala sa murang lakas-paggawa.

(a) Gagawing mas sistematiko ng K+12 ang pagpoprodyus ng sistemang pang-edukasyon ng mga manggagawang “semi-skilled” at sa gayon ay mura – mababa ang sahod, kontraktwal ang katayuan, pinagkakaitan ng benepisyo at seguridad sa trabaho. Sa kalagayang hindi aktibong lumilikha ang gobyerno ng trabaho at nakasandig ito sa malalaking kapitalista sa paglikha ng trabaho, mangangahulugan ang K+12 ng ibayong pagdami ng manggagawang “semi-skilled.” Mura na nga per se ang manggagawang “semi-skilled,” sa pagdami pa ng suplay nito, lalong dadami ang mag-aagawan sa trabaho at sa gayo’y lalong mapapababa ng gobyerno at mga kapitalista ang halaga ng lakas-paggawa ng mga manggagawa. Sinumang gustong umalis sa trabaho ay may kapalit na sampu-sampu, kundi man daan-daan.

(b) Babawasan ang mga nagtatapos ng edukasyong pangkolehiyo dahil hindi mga manggagawang “semi-skilled” ang pinoprodyus nito. Sa ganitong pagtingin, ang edukasyong pangkolehiyo ay nagdadagdag ng halaga sa lakas-paggawa – na hindi naman masalubong ng mga nakahaing trabaho. Ito ang tinatawag ng gobyerno na “jobs mismatch”: maraming nagtapos sa kolehiyo na nag-aasam ng mga trabahong wala naman, kaya kailangan ng “re-skilling” para makapasok sa mga trabahong nariyan. Sa mata ng gobyerno, sayang lang ang ginagastos ng maraming nagtatapos sa edukasyong pangkolehiyo. Ang hakbangin nito: mas itulak ang mga kabataan at estudyante sa edukasyong nakadireksyon sa mga trabahong nariyan at tanggalin na lang ang dagdag-gastos na edukasyong pangkolehiyo.

(3) Kasabay ng pagpapatupad ng K+12, ipinapatupad din ng gobyernong Aquino ang Two-Tiered Wage System na nangangahulugan ng pagkaltas sa sahod ng mga manggagawa at pagpako nito sa napakababang antas. Ipinapatupad din nito ang Department Order No. 18-A Series of 2011 na nagpapalaganap ng kontraktwalisasyon sa balatkayong kumokontra rito. Malinaw ang nabubuong larawan: may kampanya ang gobyernong Aquino na ibayong pababain ang halaga ng lakas-paggawa sa bansa. Sa harap ng matinding pandaigdigang krisis pang-ekonomiya at pampinansya, na kinakatangian ng pagkaunti ng pamumuhunan at malaganap na kawalang trabaho, ang ginagawa nito’y gawin pang mas mura ang lakas-paggawa sa pag-asang makakapagdulot ng kahit kaunting pagdami ng may trabaho.

Pero hindi malulutas ang kawalang-trabaho ng mga hakbanging ito. Nasa balangkas silang lahat ng napatunayan nang palpak na programa ng “paglikha” ng trabaho sa bansa. Lalo lang nilang isasadlak ang mga manggagawa at mamamayan sa mas matinding pagsasamantala, kahirapan at kagutuman sa kamay ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal. Tinatawagan ang mga kabataan, estudyante, manggagawa at mamamayan na lumaban para ibasura ang K+12 at mga kaakibat nitong patakaran at para labanan ang gobyernong Aquino na kasabwat ng malalaking kapitalista sa ibayong pagsasamantala, na pinagmumukha pang maganda ang mas matinding pagdurusa ng sambayanan.

20 Hunyo 2012

Galing ang mga drawing ni Da Vinci dito.

I Can’t Strike This Feeling Any Longer

Usap-usapan ngayon sa alternatibong midya ang pagpoprotesta ng mga estudyante ng mga State Colleges and Universities (SCUs), tampok ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, sa itinutulak ng rehimeng Aquino na pagkaltas sa badyet ng mga paaralang ito. Lumalabas na isang porma ng protesta ang tinatawag ng mga kalahok na “strike” o welga. Mas mataas ang antas ng militansya nito kumpara sa mga nakaraang porma ng protesta tulad ng walkout sa klase, boykoteo, at paglulunsad ng rali. May konotasyon ito ng aktibong paghadlang sa normal na operasyon ng mga pamantasan para magprotesta.

Anuman ang itawag, pagtigil ang welgang ito sa pag-aaral ng mga estudyante at pagtuturo ng mga guro para iprotesta ang sa mas malawak na pagtingin ay pumipigil sa makabuluhang edukasyon sa mga pamantasan. “Makabuluhang edukasyon” hindi lang sa pakahulugang kinakaltasan ang badyet para sa kasalukuyang edukasyon, kundi sa pakahulugan ding pinapakitid sa mga aralin at kursong kagyat na papakinabangan ng Negosyo ang ibinibigay na edukasyon ngayon – penomenong kaakibat ng nauna. Pinapakitid na nga ang saklaw ng edukasyon ngayon, kinakaltasan pa ang badyet nito.

Kaugnay ng pagtigil na ito sa pag-aaral ng mga estudyante at pagtuturo ng mga guro ang isa pang, o ibang klaseng, pag-aaral – ang pag-aaral sa pagpigil sa makabuluhang edukasyon sa kasalukuyan. Ang una ay nakasalalay sa, at kinakatangian ng, ikalawa. Hindi ito walang-utak na protesta, o “mindless protest” gaya ng tiyak na ibabansag ng mga komentarista ng midyang mainstream kapag hindi na nila magawang hindi ito pansinin. Punung-puno ang welgang ito ng pag-aaral, nakasalalay ito sa pag-aaral, sa tunay na sanhi ng mga suliranin ng edukasyon sa kasalukuyan. Dapat tayong makinig.

Kung susuriin, ipinagpapatuloy lang ng rehimeng Aquino ngayon ang padron ng mga naunang rehimen sa paglalaan sa badyet ng pamahalaan, na mas magandang tinatawag ng ibang “kabang-bayan.” Kinakaltasan ang badyet sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan habang ibayong pinapalaki ang para sa pagbabayad sa utang panlabas at para sa militar – na, bukod sa nangangahulugan ng militarisasyon ay pagkakataon ng kurakot para sa matataas na opisyal-militar. Diyan din mapupunta ang bulto ng kabang-bayan, sa kabila ng pagpapanggap ng rehimeng ito: sa katiwalian.

Sa kanyang sanaysay na “The Policy of ‘Neoliberal’ Globalization and Worsening Economic Crisis in the Philippines,” inugat ni Jose Maria Sison ang ganitong moda ng pagbabadyet ng mga gobyerno ng mga bansang katulad ng Pilipinas, sa kasalukuyang porma nito, sa neoliberalismo. Aniya, bilang tugon sa kombulsyon ng krisis ng labis na produksyon sa buong mundo noong dekada 1970, sinisi ang suliranin ng istagplasyon sa Keynesian at sosyal-demokratikong interbensyon ng Estado na umano’y nagpapataas sa gastos sa mga serbisyong panlipunan at sa sahod ng mga manggagawa.

Aniya, simula dekada 1980, “para kamtin ang ‘neoliberal’… na layunin, naglunsad ang mga Estadong imperyalista sa pamumuno ng US ng walang patid na pag-atake sa pinaghirapang-kamting mga karapatan ng uring anakpawis sa seguridad sa trabaho, pag-uunyon at mga benepisyong panlipunan. Pinababa ang antas ng sahod. Sa kalakhan, pinalitan ang regular na mga trabahong full-time ng mga trabahong part-time. Kinaltasan o tuluyang tinanggal ang mga di-tahas na sahod sa porma ng social insurance, medikal na insurance, benepisyong pang-edukasyon at mga serbisyong panlipunan.”

Dito maiuugnay ang isa pang pinag-uusapang welga: ang bantang ilunsad ng mga manggagawa ng Philippine Airlines. Mahigit 2,600 manggagawa ang matatanggal dahil ia-outsource ang kanilang trabaho sa ibang ahensya – na pawang pinaghihinalaang pag-aari rin, tulad ng PAL, ni Lucio Tan. Ganito ang mangyayari: matapos matanggal sa trabahong regular, muli silang tatanggapin sa parehong trabaho sa PAL bilang mga kontraktwal. Mula sa pagkakaroon ng unyon bilang mga manggagawang regular, mahihirapan na silang makapag-unyon kapag naging mga kontraktwal na sila.

May mga puntong dagdag pa si Solita Collas-Monsod. Aniya, nakaugat sa mga maling desisyon ng PAL ang “pagkalugi” ng kumpanya noong 2008 at 2009, hindi sa gastusin sa mga manggagawa. Kahit sa mismong paliwanag ng PAL, maliit lang ang matitipid nito sa pagtanggal sa mga manggagawa – at lalong maliit kung ikukumpara sa mga pagkaluging idinulot ng mga maling desisyon nito. Sa ganitong pagsusuri, pagbuwag sa unyon talaga ang layunin ng planong tanggalan at kontraktwalisasyon sa PAL: union-busting – na ayon sa batas ay ligal paglunsaran ng welga ng mga manggagawa.

At isa nga ang kontraktwalisasyon sa mga porma ng tinatawag na “neoliberal na atake” sa mga manggagawa at sa kilusang paggawa sa Pilipinas. Bukod sa pinapababa nito ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa, at pinapahaba rin ang oras ng pagtatrabaho nila, hinahadlangan nito ang pag-uunyon nila. Mangyari, wala halos ligal na sagka sa mga kapitalista sa pagtanggal sa mga manggagawang kontraktwal. Ligtas nang sabihing mas maraming manggagawa sa bansa ngayon ang kontraktwal kaysa regular – sa pangunguna ng malalaking kapitalista, mga malls, at special economic zones.

Inilarawan ni Pierre Bourdieu ang epekto ng pagpapatupad ng utopyang neoliberal: “Una, ang pagwasak sa lahat ng kolektibong institusyong may kakayahang kontrahin ang mga epekto ng mala-impyernong makina, pangunahin iyung sa Estado, na siyang sisidlan ng lahat ng unibersal na pagpapahalagang kaugnay ng ideya ng pampublikong larangan. Ikalawa, ang pagpataw sa lahat ng lugar… ng isang klase ng panlipunang Darwinismo na, kaakibat ang kulto ng kampeon… ay nagpapairal ng pakikibaka ng lahat kontra sa lahat at ng sinisismo bilang komon sa lahat ng hakbangin at gawi.”

Sa una, inilalarawan ang pagiging lantad na sunud-sunuran ng Estado sa dikta ng mga dayuhang institusyong pampinansya at gobyerno (sa usapin ng pagbabadyet) at sa dikta ng mga dayuhan at malalaking kapitalista (sa usapin ng paggawa). Pero inilalarawan din nito ang pangkalahatang pag-atake sa iba pang porma ng kolektiba na dapat sana’y armas ng mga estudyante (konseho, publikasyon, organisasyon, at iba pa) at ng mga manggagawa (unyon) sa paggigiit ng kanilang karapatan. Dinudurog ang mga ito, ginigipit ang paggana, o pinapahina sa pamamagitan ng iba’t ibang opensiba.

Sa ikalawa, inilalarawan ang matinding kompetisyong dulot ng neoliberalismo – sa mga karaniwang tao, hindi lang mga kapitalista. Sa gitna ng napakaraming walang trabaho, “Ang ultimong pundasyon ng buong kaayusang pang-ekonomiyang ito na nasa ilalim ng karatula ng kalayaan ay ang istruktural na dahas ng kawalang-trabaho, ang kawalang-katiyakan ng seguridad sa trabaho at ang panakot ng tanggalan na ibinabadya nito.” Dito nagmumula ang kumpyansa ng Estado at mga naghahari na iratsada ang mga hakbanging neoliberal nito: kung ayaw ng manggagawa, palitan; tiyak na magkukumahog pa rin sa edukasyon ang tao, anuman ang presyo nito.

Sabi ni Slavoj Zizek, sa mundo ngayon, “Isang bagay ang malinaw: matapos ang ilang dekada ng welfare state, kung saan ang mga kaltas ay relatibong limitado at may kasamang pangakong magbabalik din ang mga bagay sa normal, pumapasok tayo ngayon sa isang panahon kung saan nagiging permanente ang isang pang-ekonomiyang state of emergency: nagiging palagian, isang kalakaran. Kasama nito ang banta ng mas malupit na hakbangin sa pagtitipid (austerity), kaltas sa mga benepisyo, papaliit na serbisyong pangkalusugan at pang-edukasyon, at mas di-tiyak na empleyo.”

Ibig sabihin, bukod sa malinaw nang hindi una ang pagkaltas sa badyet ng SCUs at pagpapatupad ng mga patakarang kontra-manggagawa, tiyak na hindi rin ito ang huli. Kaya laban ng sambayanan ang laban ng mga iskolar ng bayan ng PUP at iba pang SCUs, gayundin ang laban ng mga manggagawa ng PAL at iba pang kumpanya. Nangunguna sila ngayon, pero para sa lahat ang hamon sa susunod na panahon. Pangangailangan ng lahat ang tinatanggal sa kanila, ang makabuluhang edukasyon at regular na trabaho. Sa paglaban sa kanilang tampok na lugar, ipinaglalaban nila tayo.

Pahabol: Hinuhubog ng klase ng pamilihan ng lakas-paggawa na gustong likhain ng pamahalaan ang klase ng edukasyong ibibigay nito sa mga mamamayan. “Inaakit ang dayuhang pamumuhunan” – ito ang laging sabi ng pamahalaan, na tila napakagandang pakinggan. Pero pangunahin dito ang paghahain ng mura at siil na lakas-paggawa sa mga kapitalista, na ang tampok na porma ay ang kontraktwal na paggawa. Kung ganito lang naman ang puntiryang lakas-paggawa, hindi bibigyan ang mga mamamayan ng mataas na pinag-aralan – kahit ng tradisyunal na tinitingnang edukasyong de-kalidad.

26 Nobyembre 2010

Galing ang mga larawan dito.  Pagpupugay sa matagumpay na welga ng mga iskolar ng bayan! May nominasyon pala ang blog na ito rito:

Si Leandro “Lean” Alejandro, lider-estudyante, ang isa sa mga itinuturing na halimbawa ng pagiging iskolar ng bayan. Sa pagpasok, gayunman, ng buong diskursong kinapalooban ng “iskolar para sa bayan,” nanganganib maging ang pagiging halimbawa niya para sa kasalukuyang mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. (Galing muli ang mga larawan sa ibaba kay Patrill. Galing naman ang larawan ni Lean sa blog na ito. Salamat!)

Iskolar para sa Bayan?

Nitong nakaraang mga taon, umiral at lumaganap sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman ang “iskolar para sa bayan” bilang katawagan sa mga estudyante ng UP. Batay sa mga gumagamit at nagpapauso nito, at sa paggamit nila, lumalabas na kakumpitensya ito ng “iskolar ng bayan” – na matagal nang ginagamit ng mga aktibista sa UP at iba pang state colleges and universities para tawagin ang mga estudyante sa mga paaralang ito.

May halaga ang mga katawagang ito. Sa mahabang panahon, ginamit ng mga aktibista ang “iskolar ng bayan” para tawagin at himukin ang mga estudyante ng UP at ng iba pang paaralan para maglingkod sa bayan. Gayundin, ginamit ito para tawagin at itanghal ang mga partikular na estudyanteng naglingkod sa bayan – lalo na nang buong panahon – mula kay Wenceslao Q. Vinzons hanggang kay Leandro “Lean” Alejandro.

Biglang dating ang “iskolar para sa bayan.” Sa biglang tingin, walang problema rito. Mukha pa ring makabayan, progresibo, radikal – kundi man mukhang mas makabayan, progresibo at radikal pa nga. Sabi ng mga gumagamit nito, humuhulagpos ito sa pakahulugang “pinag-aaral ng bayan” na isang kahulugan ng “iskolar ng bayan.” Nakikibahagi rin sila sa radikal na tradisyon ng UP, nagrarali, nagtataas ng mga kamao.

Pero mapanlinlang ang unang dating. Malinaw ang tindig ng mga gumagamit ng “iskolar para sa bayan” sa iba’t ibang isyu kaugnay ng pagpopondo sa UP: pabor sila sa paglikom ng UP ng sariling pondo sa pamamagitan ng pagkomersyalisa sa mga pag-aari ng UP at ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin ng mga estudyante. Kasabay nito, sinasabi nilang pabor pa rin silang dagdagan ng Estado ang subsidyo nito sa UP.

Hindi nila kita ang ugnayan ng dalawa: na kaya pinagkokomersyalisa ng pag-aari at edukasyon ang UP ay para makatakas ang Estado sa tungkuling pondohan ito. Na parehong bahagi ito ng mga patakarang neoliberal ng neokolonyal na Estado. Hindi nila nakikita ang ugnayan ng UP sa lipunan: Na ang pag-atras ng UP sa paglaban para sa mas mataas na subsidyo ay pagpapahina rin sa laban ng buong sektor ng edukasyon.

Sa ganitong tindig galing ang kanilang pagpapauso ng “iskolar para sa bayan” at pag-ayaw sa “iskolar ng bayan” – na pinapakitid nila ang kahulugan sa paggiit lang ng subsidyo para sa UP, hindi sa buong sektor ng edukasyon. Kahit hindi na “iskolar ng bayan” ang mga estudyante, pwede – at dapat, sasabihin nila – pa ring maging “iskolar para sa bayan.” Tama naman: Kahit hindi pinag-aaral ng bayan, dapat maglingkod dito.

Pero ang mukhang makabayan, progresibo at radikal ay hindi pala ganoon. Bagamat hindi sila kilala sa UP sa ganitong mga tindig sa mga isyung bayan, maaari pa rin silang magkaroon ng ganitong mga posisyon. Pero ang malinaw: sa mismong isyu ng mga estudyante, ihinihiwalay nila ang mga estudyante sa bayan. Ang netong resulta: pagsuporta sa mga patakarang neoliberal ng Estado, sa kabila ng mga pahayag nila.

Dahil sa ganitong tindig ng mga gumagamit ng “iskolar para sa bayan,” kasama sa hanay nila ang mga estudyanteng umiidolo sa mga propesor nilang kampeon ng mga patakarang neoliberal ng Estado. Sila ang mga pakitang-taong nagsasabing dapat pa ring lumaban para sa mas mataas na subsidyo para sa UP at edukasyon, habang ginagamit ang mga argumentong neoliberal para bawasan ang nasabing subsidyo.

Kinakaligtaan ng mga taguyod ng “iskolar para sa bayan” na ang “ng” sa “iskolar ng bayan” ay katulad ng “ng” sa “iskolar ng Kasaysayan” – nag-aaral sa ikalawa. Pwedeng “iskolar para sa bayan” sila pero hindi sila nag-aaral ng lipunan, at ng koneksyon dito ng UP. Pwede ring “iskolar para sa bayan” sila pero hindi nila ginagawa ang tunay na pag-aaral ng lipunan – ang paglubog sa hanay ng mga maralita nating kababayan.

Dahil bukod sa makitid ang pagsusuri at posisyong inilalako ng mga grupong ito sa mga estudyante hinggil sa mga isyung pang-UP at pang-edukasyon, makitid din ang aktibismong ibinebenta nila sa mga estudyante at miyembro nila. Hindi manggagaling sa hanay nila ang mga katulad nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, na tumungo sa mga magbubukid sa Bulacan, o ni Jaquelyn Gonzales, na kasama ngayon sa Morong 43.

Para maging “iskolar para sa bayan,” sapat nang sundin ang mga pangarap ng pamilya at uri – na inaangkin ding personal na ambisyon – at magkaroon, ihahabol siguro nila, ng konsensya. Pinaka-naiiba na ang maglingkod sa mga non-government organization na alyado ng kanilang partylist, nakabase sa mga opisina, at hindi malalim na umuugat sa mga maralita nating kababayan. Walang panganib sa sarili, at sa takbo rin ng lipunan.

Hindi awtomatikong masama at kontra-mamamayan ang mga tunguhing ito – bagamat hindi siguro nila kokontrahin ang pagtatrabaho sa IMF, World Bank o Armed Forces of the Philippines, at tiyak na hindi radikal ang pagbabagong panlipunang gusto nila. Pero para sa isang grupong nagpapalaganap ng “iskolar para sa bayan,” malinaw na kapos ang mga pagpipiliang inihahain nila sa mga estudyante at miyembro nila.

Bago pa man ang mga grupong gumagamit ng “iskolar para sa bayan,” may mga grupong pang-estudyante na sa UP na katulad nila ng tindig sa pagpopondo sa UP, at pumoposisyon din sa mga isyung bayan. Pero sa harap ng paglakas ng mga aktibista sa unibersidad, kinailangang magmukhang makabayan, progresibo at radikal. Masdan ang eleksyon ngayon sa UP: walang nagpapakilalang konserbatibo, lahat ay aktibista.

Ito ang konteksto ng “iskolar para sa bayan”: atakeng neoliberal sa edukasyon, at paglakas ng aktibismo sa kampus. Sa pangkalahatan, sa kabila ng dating nito, mas sintomas ito ng sitwasyong neoliberal, imbes na pwersang sumasalungat dito.

20 Pebrero 2010

Pang-tabloid, pero totoo: Amerikanong sundalo, tinortyur ang sariling anak dahil hindi marunong mag-ABC! Matagal na natin itong hinala: mas mahalaga sa lipunan ang mga tagapaglinis kaysa mga bangkero.

Naunahan ako ni Kenneth Roland Guda sa pagbibigay ng parangal sa sosyalista at anarkistang si Howard Zinn.

Tinuligsa ni Angela Stuart-Santiago ang paggamit ni Conrado de Quiros sa Edsa People Power 1 para sa kandidatura ni Noynoy Aquino. Dapat sundin ko na lang si Ina Silverio-Gargar sa pagharap sa mga maka-Noynoy: huwag nang pag-aksayahan ng panahon, dahil nakakainis pang lalo.

Nakikialam – este, nakikisangkot – din si Rafael Anton Dulce sa mga debate sa UP ngayong halalang pangkonseho. Kongkretong paglalahad ni Arnold Padilla ng panganib ng automated na eleksyon ngayong taon.

Nagsesenti si Gingmaganda. Ganyan talaga, may panahon sa pagtanda na nagiging choice kung ipagpapatuloy ang mga pagkakaibigan. Repleksyon sa pagiging blogger, aktibista at kongresista ng isang taong itago na lang natin sa pangalang Mong Palatino.