Category Archives: Maralitang Lungsod

Tagumpay ang #OccupyPabahay

Defaced

Nitong Marso 27, idineklara ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na tagumpay ang pag-okupa ng mga maralita sa mga tiwangwang na pabahay sa Pandi, Bulacan na nagsimula noong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Pagkatapos ito ng isang diyalogo kaharap ang pamunuan ng National Housing Authority (NHA) kung saan binawi ng huli ang naunang banta ng ebiksyon o pagpapalayas sa mga maralita sa mga inookupang yunit ng pabahay.

Mainam na pagtatapos ito, kung pagtatapos na nga, ng isang yugto ng paglaban ng mga maralita na naging pambansang isyu at araw-araw na laman ng balita, umani ng iba’t ibang reaksyon, at muling nagpatampok sa sitwasyon ng mga maralita at kanilang panawagan para sa libre at pangmasang pabahay.

Maraming tampok na aspeto ang pakikibakang ito ng mga maralita.

Una, ang pagiging makatarungan ng kahilingan na madaling makita. Ang mga may kahilingan: mga maralita na haluan ng mga manggagawang may trabaho at mala-manggagawang pana-panahong may trabaho pero kadalasang naghahanap-buhay sa pagtitinda-tinda, pamamasukan, at iba pa. Mga napwersang umalis sa dating tinitirhan dahil sa kawalan ng lupang masasaka, kawalan ng trabaho, demolisyon ng dating tirahan, at relokasyon ng gobyerno.

Ang kahilingan: ang manirahan sa proyektong pabahay ng gobyerno na tatlo o higit pang taon nang walang residente, nakatiwangwang, unti-unting nasisira, tinutubuan ng mga damo’t halaman at pinamamahayan ng mga insekto. Tipikal na relokasyon ito na tinutuligsa ng Kadamay: hindi maayos lalo na ang palikuran, walang kuryente at tubig, at higit sa lahat ay malayo sa mga pagkakataong magkatrabaho. “Parang impyerno” ang paglalarawan ng isang nagsasalita para sa mga sundalo, na kabilang sa mga pinaglaanan umano ng mga yunit ng pabahay.

Ayon sa mga ulat, mahigit 5,000 pamilya ang nag-okupa ng mga tiwangwang na pabahay – kapiranggot lang ng mahigit 52,000 tiwangwang na yunit ng pabahay ng rehimen ni Noynoy Aquino para sa mga sundalo at pulis sa Bulacan at iba’t bang bahagi ng bansa. Wala pa sa bilang na iyan ang mga tiwangwang na yunit sa ilalim ng ibang proyektong pabahay ni Noynoy.

Sa kasong ito, ang kahilingan ay hindi lang marapat ibigay ng gobyerno; ang hindi pagbibigay ng kahilingan ay naglantad sa kagyat na kabulukan ng gobyerno – sa kapalpakan o katiwalian nito. Kapalpakan: mula nang tanggihan ang pabahay ng mga pulis at sundalo na pinaglaanan nito, sa mga dahilang nabanggit sa itaas, hindi na ito napatirhan sa napakaraming nangangailangan. Katiwalian: ipinatayo ito gamit ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program o DAP ni Noynoy, kontraktor ang isa niyang dating kaklaseng si Chito Cruz, at posibleng ipinatayo mas para maibulsa ang pondo kaysa maging serbisyo.

Imperialism

Ang larawan: mga walang-wala na natulak kunin ang napapanis nang mumo mula sa mesa ng gobyerno. Nalantad na walang puso ang gobyerno sa hindi pagbibigay ng mumo. Pero malalantad pa itong malupit kung itutuloy nito ang bantang bawiin pa ang mumo sa bibig ng mga nangangailangan.

Ang sabi ng mga rebolusyunaryong German na sina Karl Marx at Friedrich Engels, “Ang mga ideya ng mga naghaharing uri ang sa bawat epoka ang siyang mga naghaharing ideya.” Maraming pagkikinis at paglulugar na ginawa ang mga Marxistang intelektwal para maipakita ang katotohanan ng pahayag na ito. Pero isang malinaw na patunay nito sa Pilipinas ngayon ang pagtingin sa mga maralitang lungsod. Pagdating sa kanila, maraming utak-mayaman at matapobre pa nga, kahit hindi naman mga kabilang sa mga naghaharing uri.

Sa halip na sikaping sagutin ang pagiging makatarungan ng kahilingan ng mga maralita, madaling inilabas ng mga galit na panggitnang uri at bulag na tagapagtanggol ng gobyerno ang mga lumang paninira at pang-iinsulto: mga tamad at parasitiko sa gobyerno, “ginagamit” ng Kadamay, bayaran ng mga Dilaw para sa pakanang destabilisasyon laban kay Pang. Rodrigo Duterte, ginugwardyahan ng mga New People’s Army o NPA, at kung anu-ano pa.

Hindi rin gaanong nagsalita tungkol sa Pandi ang mga nag-iingay laban sa maramihang pagpatay sa maralita ng “gera kontra-droga” ng rehimen. Bagamat positibo ang kanilang pagtindig laban sa mga pamamaslang, ipinapakita ng pananahimik nila sa tinawag na “Occupy Pabahay” ang kakapusan nila sa pag-uugnay ng mga karapatang pantao sa mga karapatang sosyo-ekonomiko, o sa kalagayang sosyo-ekonomiko sa kabuuan. Hindi pa nila handang yakapin ang tunguhin ng paninindigan nila: na kailangang wakasan ang pagiging maralita ng maralita para mawakasan ang pagpaslang sa kanila at paglabag sa kanilang mga karapatang pantao.

Sa mga argumento ng mga tutol, ang “pinakadisente” ay sinabi ni Duterte mismo: anarkiya ito, paglabag sa batas at kaayusan. Kakatwang pahayag ito ng pangulo na namumuno sa panahong kanya-kanyang pagpatay ang ginagawa ng mga pulis sa ilalim ng Oplan Tokhang at ng mga militar sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Sumagot ang National Union of People’s Lawyers o NUPL: may batayang ligal ang pag-okupa ng mga maralita sa Konstitusyong 1987 at iba pang dokumento.

Pero kaso ito kung saan ang puso, ang sentido-kumon ay mas malapit sa katarungan kaysa sa batas. Kung walang batas na nagliligalisa sa ginawa ng mga maralita sa Pandi, dapat gumawa ng ganoong batas. At kung wala sa batas ang ginawa nila, mas di-makatarungan ang kabulukan ng gobyerno. Tama si Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay: “Nasaan sa batas na iyung mga pabahay ng gobyerno ay dapat hayaang mabulok at nakatiwangwang? Saan sa batas nakasulat na kapag ika’y mahirap at tumitindig para sa iyong karapatan, dapat kang dahasin?”

Marx Tomb

Ikalawa, ang pagkakaisa at pagkilos ng mga maralita. Dinala nila ang desperasyon at matinding pangangailangan sa pagkakaisa at pagkilos para magkamit ng kagyat na lunas. Inalpasan nila ang takot – na gustong itanim sa kanila ng mararahas na demolisyon sa panahon ni Noynoy at mga naunang pangulo, ng mga pamamaslang sa ilalim ni Duterte, at ng naunang banta mismo ni Duterte, na malamang ay ibinoto rin ng marami sa kanila, ng pagpapalayas sa inokupa nilang pabahay.

Isa siguro ito sa idinudulot ng tuluy-tuloy na pandarahas ng gobyerno sa mga maralita. Nalalagay sila sa kalagayang walang mawawala sa kanila kung “manlaban.” Sabi ng isang welgistang manggagawang bukid sa militar sa Hacienda Luisita noong 2004, na nakunan sa bidyo: “Pinapatay na rin lang ninyo kami, mamamatay na kaming lumalaban.” Lalo na kung ang hinihingi ay kaunti lang naman at makatarungan, at kung ang ihaharap sa kanila sa paghinging ito ay karahasan.

At ang pagkakaisa at pagkilos ng mga maralita ang naglagay ng pwersa sa kanilang makatarungang panawagan. Ang kanilang pagkakaisa at pagkilos ang nagpatampok sa buong bansa na totoong may mga tiwangwang na pabahay, na totoong marami ang matinding nangangailangan, na totoong makatarungan ang hayaan nang may mga tumira sa mga pabahay na ito.

May panahong paboritong gawin ng midya ng malalaking kapitalista ang interbyuhin ang mga maralitang sumasama sa mga rali at tanungin: Ano po ang ipinaglalaban natin? Ang layunin: palabasing hindi nila alam. Sa kaso ng Pandi, isang hukbo ng tagapagpaliwanag ang mga maralita, dahil ang isyu ay alam na alam nila. Sa mga bidyo, sa iba’t ibang ulat tungkol sa kanilang pagkilos, maririnig mula sa kanilang mga bibig mismo ang kanilang kalagayan at karaingan.

Malamang, alam nila kung paano sila ituring ng marami sa lipunan, pero hindi nila ito alintana. At ipinakita nila na kaya ng mga minamaliit at hinahamak na maralita na makakita ng makatarungan na hindi nakikita ng marami at ituro ito sa ating lahat. Na kailangang ibukas ng umano’y mauutak nating kababayan ang pag-unawa sa dunong ng kumakalam na sikmura na dumulo sa sama-samang pagkilos. Sa proseso, hinimok nila ang marami na umunawa, magmalasakit, at dumamay.

Ikatlo, ang mahigpit at maagap na pagsuporta ng kilusang masa sa bansa. Sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, at sa tampok na paglahok ng mga kabataan-estudyante sa pangunguna ng Anakbayan at League of Filipino Students, sinuportahan ang mga maralita: nagsikap ipaunawa sa publiko ang paglaban, minaksimisa ang social media para rito, nag-caravan patungong Pandi para ipakita ang suporta at makipamuhay, niralihan ang NHA at Malakanyang, naghatid ng pagkain at iba pang tulong.

Montferrand

Aktibong nakiisa ang mga mambabatas ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan. Hindi nagpapigil sa banta ng pagtuligsa at aktibong tumugon sa tuligsa, naghatid ng pagkain ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa pangunguna ng maka-Kaliwang si Sec. Judy Taguiwalo. Maraming kaibigan ng maralita sa Taiwan, Rome at iba pang bansa ang nagpakita ng suporta.

Ang lahat ng ito ang nagtulak kay Duterte na makinig at iatras ang nauna niyang banta ng pagpapalayas. Kakatwang sabihin, pero kasama na ito sa humahabang listahan ng mga positibong pagbabagu-bago ng pahayag ng pangulo.

Sa harap ng humihigpit na atensyon ng pandaigdigang midya sa mga pagpaslang kaugnay ng kanyang “gera kontra-droga,” tiyak na hindi niya gugustuhing magpakita ng isa pang patunay ng kalupitan sa maralita. Tiyak ding hindi niya gugustuhing iantagonisa ang Kaliwa na bagamat lalong nagiging kritikal sa kanya ay sumusuporta pa rin sa mabubuting hakbangin niya.

Mahirap ang maghina-hinala sa kasaysayan, mga tanong na tipong “Paano kaya kung…?” Pero may batayang sabihin na kung naganap ang ganitong okupasyon sa panahon ni Noynoy Aquino, tiyak na dinahas na at dinahas agad ang mga maralita. Talagang malaganap ang mararahas na demolisyon noon, gayundin ang pandarahas sa mismong mga protesta. Masamang ehemplo na dapat ay huwag tularan ni Duterte ang rekord na ito ni Aquino.

Tagumpay ang mga maralita sa Pandi. Pero gaya nga ng nasabi minsan kaugnay ng paglaban ng mga maralita ng Sitio San Roque sa Quezon City noong 2010: ang tagumpay ng maralita sa lipunang ito ay laging bahagya kumpara sa nararapat at laging delikado, nanganganib bawiin ng mga naghaharing uri.

Sabi nga ni Engels sa “The Housing Question”: “Hangga’t patuloy na umiiral ang kapitalistang moda ng produksyon, isang kahibangan ang umasa sa nakahiwalay (isolated) na solusyon sa usapin ng pabahay o kahit anong usaping panlipunan na nakakaapekto sa kalagayan ng mga manggagawa. Ang solusyon ay nasa pagbabagsak sa kapitalistang moda ng produksyon at sa pag-angkin (appropriation) ng lahat ng kagamitan (means) ng buhay at paggawa ng masang anakpawis mismo.”

Marami pang dapat ipaglaban ang mga maralita: mula disenteng trabaho, serbisyong tubig at kuryente, libre at pangmasang pabahay, at iba pa hanggang sa tunay na pagbabagong panlipunan kung saan may libre at pangmasang pabahay. Mahalagang hakbang patungo diyan ang kanilang tagumpay na nakamit sa Pandi at ang kanilang nagpapatuloy na pagkakaisa at pagkilos.

01 Abril 2017

Galing ang mga imahen dito.

At nasundan pa ang artikulong ito ng balitang pagpayag ni Duterte na ipamahagi sa mga maralita ang mga yunit ng pabahay na nasa Pandi, Bulacan.

Batas + Katarungan

Ryszard Kaja 1

Maraming naglalabasang reaksyon kapag lumalaban ang maralita sa demolisyon. At sa lahat ng reaksyong iyan, pinaka-nakakabwisit ang mga reaksyon ng mga legalista, iyung mga naghuhumiyaw na may naganap na paglabag sa batas at dapat parusahan ang mga lumabag. Sa mga iyan, may pakitang-tao pang nagsasabing sumisimpatya sila sa maralita at tutol sila sa demolisyon, pero hindi dapat nilalabag ang batas. Bagamat malapit sa larangan ng batas ang usapin ng paglaban ng maralita, ang mga legalista’y parang mga dentista o dermatologist na nagsisihusga batay sa kitid ng propesyon nila.

Iba kasi ang batas sa katarungan. Dapat ay instrumento ng katarungan ang batas, pero hindi laging ganyan ang nangyayari. Mas madaling makikita ang punto kung titingnan sa kasaysayan, na tadtad ng mga batas na hindi makatarungan. Halimbawa ang mga batas na nagpanatili ng kolonyalismong Espanyol, Amerikano at Hapon sa bansa. Ganoon din ang mga batas na nagsilbing suporta ng Batas Militar ni Marcos. Mga batas ito, pero hindi-makatarungang mga batas. Sa ganitong mga kalagayan, ang lubos na pagtataguyod ng batas ng mga legalistang komentarista ay pagtapak sa katarungan.

Pero sino ang magsasabi kung ang isang batas ay hindi makatarungan? Hindi lang ang Korte Suprema, taliwas sa isasagot ng mga legalista. Maraming pagkakataon din sa kasaysayan na ang mga mamamayan ang naggigiit na hindi makatarungan ang batas, at sumusunod lamang ang hudikatura. Ang mga batas na nagbabawal sa kababaihan na bumoto, ang mga batas ng pang-aalipin at segregasyon sa mga Negro, ang mga batas na nagpapatrabaho nang lampas sa walong oras, ang mga batas na nagtataguyod ng kolonyalismo – mga mamamayan ang nagprotesta para maibasura ang mga batas na ito.

Hindi ba delikadong ipaubaya sa mga mamamayan ang pagtatakda ng kung aling batas ang makatarungan at alin ang hindi? Hindi, lalo na kung ikukumpara sa pagbabawal sa mga mamamayan na kumwestyon, magprotesta at lumabag sa mga batas na itinuturing na hindi makatarungan. Diktadura ang bagsak ng ganitong pagbabawal, isang lipunan kung saan kailangang laging sumunod sa batas at tanging sa legal na daluyan pwedeng kwestyonin ang batas. Makukwestyon ang maraming batas, pero hindi naman ibig sabihin ng pagtatapon sa bulok na mangga ay hindi na kakain ng maayos na mangga.

Para saan pa ang eleksyon, ang mekanismo ng lipunang nagpapakilalang demokratiko para mapalitan ang mga batas? Napapalitan ang mga namumuno pero hindi ang mga hindi-makatarungang batas. Kitang-kita ang kahungkagan ng eleksyon pagdating sa demolisyon – bagay na ipinatupad sa Pilipinas ng lahat ng administrasyon at maraming lokal na gobyerno. Sa panahon ng kampanya sa eleksyon, lahat ay maka-maralita at kaibigan pa nga ng maralitang lungsod. Pagkatapos ng eleksyon, demolisyon. Pwede bang sisihin ang maralita? Gayung kahit sino ang manalo, nagdudulot ng demolisyon?

Ryszard Kaja 2

Muli, lumaban ang mga maralita ng Sitio San Roque sa demolisyon nitong Hulyo 1. Nagtayo ng barikada at may mga lumipad na bato. Napakababaw ng isang pangontra ng mga legalista, nagpabitag sa propaganda ng lokal na gobyerno: Walang demolisyon sa araw na iyun. Pero may deadline na natanggap ang mga residente, talagang may banta ng demolisyon at mismong si Mayor Herbert Bautista ang nagtutulak. Kung ako ang tatanungin, mabisa ang taktika ng mga maralita: ang itakda ang labanan kung kailan sila handa, hindi ang maghintay ng todong lakas ng malulupit na pwersa ng demolisyon.

Makatarungan ang paglaban nila. Marami sa kanila, napwersang tumira doon dahil sa pagpapalayas – sa pamamagitan man ng demolisyon sa ibang lugar o kagutuman at kawalang-trabaho sa kanayunan. Marami sa kanila ang walang trabaho, dahil sa pagkabigo ng gobyerno na lumikha ng sapat na trabaho, at gumawa sila ng paraan para maghanap-buhay. Wala silang naengkwentro o natamasang programa ng gobyerno para sa disente at abot-kayang pabahay – kahit pa may programa ito para sa maramihan at malupitang demolisyon. Nasaan ang katarungan sa basta-bastang pagtataboy sa kanila?

Lalong naging hindi katanggap-tanggap sa gobyerno ang paglaban ng Sitio San Roque dahil naganap ito matapos ang puspusan at paspasang kampanya na palayasin ang kulang-kulang 20,000 pamilyang maralita sa mga estero. Nalantad ang motibo ng panunuhol ng P18,000 sa isang taon sa mga maralita at pananakot ng pag-aresto kung babalik sa dating tirahan: Hindi ang alisin ang sanhi ng baha, ang iligtas ang maralita sa sakuna, o ang makatipid sa paglilikas tuwing may bagyo. Kundi ang hawanin ang pagtatayuan ng negosyo ng malalaking kapitalistang walang kabusugan sa lupa at tubo.

Sa lipunang ito, larawan ng paglabag sa batas – pwede ba ang salitang “kawalang-batas” o lawlessness? – ang maralita, lalo na ang maralitang lungsod. Napapahigpit ang kapit ng ibang nasa panggitnang uri sa kanilang bag at gaheto kapag nakikita ang mga maralita. Pero taliwas sa panghoholdap o pagnanakaw, na may malalim ding ugat sa karalitaan, hindi pampersonal ang paglabag sa batas ng mga maralita sa paglaban sa demolisyon. Paglaban ito ng lahat ng maralita, lalo na iyung nasa katulad na kalagayan. Sa kanilang paglabag sa batas, inilalantad at nilalabanan nila ang kawalang-katarungan.

Maaaring magpahayag ng makabayan o progresibong tindig ang mga legalista sa iba’t ibang isyu, pero napaka-konserbatibo ng absolutong paggigiit nilang ipatupad ang kasalukuyang mga batas at parusahan ang mga lumalabag – nang ang tinutukoy ay ang mga maralita. Malay man sila o hindi, tunay silang naniniwala sa “Katapusan ng Kasaysayan”: ngayon ang rurok ng kasaysayan at hanggang dito na lang tayo. Hindi nila seryosong naiisip na ang mga batas ngayon ay maaaring ituring na hindi makatarungan sa hinaharap. Kahit pa ang batas ay pagpapalayas lang ng mga naghahari sa mahihirap.

14 Hulyo 2013

Malaking tulong ang mga sulatin ni Howard Zinn, lalo na ang laman ng The Zinn Reader: Writings on Disobedience and Democracy [1997], sa kalinawan hinggil sa batas, katarungan at paglabag sa batas.

Galing ang mga larawan dito.

Nakakaaliw basahin ang kumpisal ni Ralph “Karate Kid” Macchio tungkol sa pagiging sikat na panandang-bato sa isang panahon ng pagkabata.

Isang interesanteng personalidad sa nakaraan at kasalukuyan ng pakikibaka ng mga mamamayan ng South Africa: Si Ronnie Kasrils. Basahin ang kanyang kritisismo sa tinakbo ng pulitika sa kanyang bansa.

Maagap kaya tila mula sa kaibuturan ang tugon ni Bill Fletcher Jr. sa hatol sa kaso ni Trayvon Martin. Panawagan ng anti-imperyalistang intelektwal na si Richard Falk: End the Snowden circus now.

Kasalanan ng Mahihirap

Nitong mga nakaraang taon, sa tuwi na lang may kalamidad sa bansa, nagkakaroon ng pyesta ng pagsisi sa mga maralita. Ang mga maralitang lungsod, sinisisi kung bakit naninirahan sa tabi ng estero at mapanganib na lugar. Ang lahat ng maralita, maging sa kanayunan, sinisisi kung bakit ayaw umalis sa kani-kanilang bahay kapag mataas na ang baha at pinipilit ilikas ng mga rescuer. Nitong huli, sinisisi sila sa pagbaha, dahil sila raw ang nagtatapon ng basura na bumabara sa mga daanan ng tubig.

Magandang itanong sa mga may-edad na: Dati na bang ganito? Noon pa ba sinisisi ang maralita sa pinsalang dulot ng mga kalamidad, mga pinsalang sila rin kadalasan ang biktima? Ang isang impresyon, sa pagtindi ng pinsalang dulot ng mga kalamidad, tumitindi rin ang pagsisi sa mahihirap. Kahit ang usong paliwanag na “global warming” at “climate change,” nakakalimutan kapag ibinubunton ang sisi sa kanila. Paanong inabot sa ating lipunan ang ganitong kalupitan sa pagtingin sa maralita?

(1) Isang maituturo ang kawalan ng pag-unawa sa mga maralita at ng pagsisikap na unawain sila – partikular sa pagiging limitado ng pagpipilian nila. Sa mga dominanteng pwersa sa lipunan, kahit iyung umano’y nagbubuo ng pag-uunawaan tulad ng midya at Simbahan, walang nagpapaliwanag nito. Lagi tuloy may sasagot ng “May choice, laging may choice!” kapag sinasabi ito. Para sa iba, kasalanan talaga ng napakarami nating kababayan ang pagtira nila sa mga estero at lugar na peligroso sa baha.

Kung tutuusin, panay na panay ang labas ng maralita sa midya. Masasabi pa ngang may pornograpiya sa karalitaan sa bansa. May mga dokumentaryong detalyado ang kwento tungkol sa lagay nila; sa mga palabas na tulad ng kay Willie Revillame, inuurirat ang mga buhay-buhay nila. Pero sa lahat ng ito, hindi naipapakita kung paanong nalilimitahan ang mga pagpipilian nila – na, sa kongkreto, ay dulot ng mga patakarang ipinapatupad ng gobyerno sa dikta ng mga naghahari-harian sa bansa.

Dahil walang pagtalakay sa mga patakarang pinag-uugatan, nagmumukhang indibidwal, partikular na kwento ang karalitaan, kanya-kanyang swerte at malas. Hindi nauugat ang mga dahilan ng pagdami ng maralitang lungsod, halimbawa. Patakaran ang pagpayag sa pagkamkam ng iilan ng lupa sa kanayunan, kaya walang trabaho doon. Patakaran ang pagwasak sa kalikasan na pinagkukunan ng kabuhayan. Patakaran din ang hindi pagbibigay sa lumikas na maralita ng mura at ligtas na pabahay.

Hindi rin nauugat ang mga patakarang nagdudulot at nagpapatindi sa baha. Patakaran ang pahintulutan ang mga kumpanya ng pagtotroso na kalbuhin ang kabundukan, at ang mga kumpanya ng pagmimina na wasakin ang kalikasan. Patakaran ang payagan ang mga kumpanyang may-ari ng mga dam na magpakawala ng tubig sa oras de peligro. Patakaran ang walang planong kaliwa’t kanang konstruksyon sa mga lungsod. Sa kabila ng lahat ng ito, patakaran ang kawalan ng disaster preparedness.

Nangingilag ang midya sa pagtalakay sa mga patakaran, at kahit anong abstrakto sa pangkalahatan; kwento-kwento ang laging gusto nito. Problematiko ito dahil, ayon nga kay Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, sa pandaigdigang sistemang kapitalista, “kung awtentiko ang indibidwal na karanasan, hindi ito pwedeng maging totoo; at kung totoo ang siyentipiko o kognitibong modelo ng naturang nilalaman, humuhulagpos, humihigit ito sa indibidwal na karanasan [“Cognitive Mapping,” 1988].”

(2) Maituturo rin, na kaugnay rin ng nabanggit, ang pagpapatupad sa mga patakarang neoliberal at ang katangian ng kasalukuyang gobyerno ni Noynoy Aquino. Pinalalabas ng dalawang ito ang kawalan ng kapangyarihan at pananagutan ng gobyerno sa mahahalagang usapin sa bansa, lalo na sa ekonomiya. Dahil kailangang may managot para sa pinsala ng mga disaster, sinisisi nila ang madaling ituro – ang mahihirap. Walang duda: napapatatag ang mga patakarang neoliberal at nakikinabang ang gobyernong Aquino kapag mga maralita ang sinisisi sa mga disaster.

Naaprubahan ang mga mayor na patakarang neoliberal sa huling bahagi ng dekada ’80 at buong dekada ’90. Mulat na itinali ng gobyerno ang mga kamay nito para bigyang-laya ang malalaking kapitalista at asyendero na magpalobo ng yaman. Magandang halimbawa ang tinakbo ng talakayan hinggil sa industriya ng langis pagkatapos: Kapag natutuligsa sa pagtaas ng presyo, sasabihin ng gobyerno na wala itong kapangyarihan, ituturo nito ang mga salik na labas sa kontrol nito (tulad ng pandaigdigang pamilihan), at ipapanakot ang umano’y masasamang epekto ng pagkontrol nito.

Ang gobyernong Aquino naman, nahuhumaling sa pagdepensa sa umano’y popularidad nito. Umiiwas ito sa pananagutan at may malakas na makinaryang pampropaganda. Mismong pagsuspinde ng klase, ipinapasa nito sa mga lokal na pamahalaan – na pwede nitong sisihin kapag pumalpak, tulad ng nangyari sa pagguho ng lupa sa Litex, Quezon City. Huwag nang banggitin pa ang paghuhugas-kamay nito sa napakaraming isyu. Ang katiting na aksyon nito, kailangang malakas na maipropaganda at magamit sa eleksyon – tulad ng relief operation kasama ang mga kandidatong senador nito.

Mahalagang idagdag ang obserbasyon ni Wendy Brown, progresibong intelektwal, hinggil sa neoliberalismo: “[B]agamat nakabatay ang neoliberal na pampulitikang rasyunalidad sa isang pag-unawa sa merkado, ang pag-oorganisa nito sa pamamahala at lipunan ay hindi lamang resulta ng pagtagos mula sa pang-ekonomiya patungo sa iba pang larangan, kundi ng lantad na pagpapataw ng partikular na porma ng rasyunalidad ng merkado sa mga larangang ito [“American Nightmare,” 2006].” Hindi umasenso ang mga maralita dahil tamad, hindi kayang makipagtagisan sa merkado.

Ganito ang disaster sa panahon ng neoliberalismo, makailang-ulit na bumibiktima sa mahihirap na Pilipino. Disaster ito sa kabuuang buhay at kabuhayan nila. Ginagawa pa sila nitong mas bulnerable sa mga natural na kalamidad habang pinapatindi rin ang mga naturang kalamidad. Sa mahabang panahon, tinanggalan sila nito ng pagkakataong maunawaan kahit ng mga nasa panggitnang uri. Sa dulo, sila rin ang sinisisi sa pinsalang dulot ng kalamidad na sila rin ang matinding tinatamaan. Masayang-masaya ang mga naghaharing uri: sila pa ngayon ang may ganang manisi!

13 Agosto 2012

Galing ang mga larawan dito. Tingnan kung alin ang poster mula sa Pilipinas.

Ang bise-presidente ni Mitt Romney, si Barack Obama ang pumili? Basahin dito. Crush ng bayan, pwede ring crush ng makabayan. Patok! Bakit hindi ko ito nakita sa Facebook?

Some Sara

Pinapanood ko palangang sikat na ngayong pananapak ni Davao City Mayor Sara “Inday Sara” Duterte sa court sheriff na nagpatupad ng demolisyon ng isang komunidad ng maralitang lungsod, alam ko nang hahatak ito ng negatibong reaksyon mula sa midyang mainstream. Paano, usapin ito ng mga maralitang lungsod, partikular ng mga “iskwater” at sa gayo’y ng pribadong pag-aari. Usapin din ito ng paggamit ng dahas – bagamat nakakaadwang gamitin ang salitang iyan patungkol sa panununtok – ng isang entidad na hindi ang Estado at nang pabor pa man din sa mga maralitang lungsod.

Kaya hindi na kataka-takang lumabas ang mga editoryal na “Inday Sarado” ng Philippine Daily Inquirer at “Disgraceful” ng Philippine Star. Sabi ng una, “lumampas sa hangganan (crossed the line)” si Inday Sara sa ginawa niya. Sabi naman ng ikalawa, “kahiya-hiya at hindi maipagtatanggol na ugali (disgraceful and inexcusable behavior)” ang ipinakita niya. Hindi pa nakuntento, umabante ang ikalawa sa tila pagpanawagan ng pagsasampa ng kasong kriminal at paghahain ng “citation for contempt” sa meyor.

Pagbanat sa Kaliwa ang pamamaraan ng Inquirer. Tila sinasabi nito na isang paglabag sa karapatang pantao ang ginawa ni Inday Sara – na isang pagbaluktot sa kahulugan ng praseng iyan. Dapat Estado ang nagpatupad at pulitikal ang motibasyon ng isang hakbangin para matawag na paglabag sa karapatang pantao. Para sa ganyang krimen naimbento ang praseng iyan. Sa kasabikan ng editoryal na bumanat sa Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, na tila pinapalabas na wala nang karapatang tumuligsa sa mga paglabag sa karapatang pantao dahil sumang-ayon sa ginawa ni Inday Sara, hindi na nito inalam ang eksaktong kahulugan ng prase.

Syempre, kapag tinatalakay ang ganitong mga pangyayari, gagawa at gagawa ng paraan ang Inquirer na bitawan ang paborito nitong pahayag: “Hindi mapapangatwiranan ng layunin ang pamamaraan (the end… never justifies the means).” Na isang madaling palusot para hindi na mag-isip ng ibang pamamaraan para makamit ang magandang layunin – at hindi na nga mag-asam ng magandang layunin. O, sa kaso ni Inday Sara, para hindi na pansinin ang positibong nagawa at magpakatali na lang sa pamamaraang pinili. Totoo, pwedeng pinahinto na lang niya nang mapayapa ang marahas na demolisyon. Pero sa pagsapak sa nagpapatupad nito, ginusto man niya o hindi, mas malakas ang pahayag na nalikha niya.

Pinakamahiwaga sa lahat, humahalaw ang editoryal ng kakaibang aral mula sa karanasan ng bansa sa batas militar. Ayon dito, ginigising ng pagdiriwang sa ginawa ni Inday Sara ang “mga tendensyang pasista sa marami as atin.” Pag-amin ba ito ng Inquirer na may tendensyang pasista ito? Aba’y hindi na kailangan. Napaka-ahistorikal ng ganitong paghalaw umano ng aral mula sa kasaysayan. Maliban na lang siguro sa mga maka-Kanan sa panggitnang uri, na siyang pinagmulan marahil ng sumulat ng editoryal, hindi naman itinuring si Ferdinand Marcos ng sambayanan na “tagapaghiganti ng mga mamamayan na nagbibigay ng pisikal na parusa sa mga humahadlang dito.” Nariyan ang panganib ng ipagkamali ang pananahimik noong batas militar na pagsang-ayon at pagsuporta.

Kung pagbanat sa Kaliwa ang pamamaraan ng Inquirer, paggigiit naman ng Kanan ang sa Star. Malinaw ang mga hakbanging gusto nitong gawin ni Inday Sara: ipatupad ang mga batas laban sa pag-iiskwater, mang-akit ng mga mamumuhunan, pangunahin sa pamamagitan ng pagpapakitang mapoprotektahan ang karapatan sa pag-aari ng mga ito – at sa gayo’y paghihigpit nga sa mga iskwater. Retorika na ang iba, ginagamit para patampukin ang mga naunang hakbangin: dapat magbigay ng disenteng pabahay, ng mas mahusay na edukasyon at ng disenteng trabaho sa maralita dahil hindi sapat ang regular na limos o dole-out lang.

Kung magsalita ang Star, akala mo’y kahapon lang ipinanganak ang mga mambabasa nito – o kaya naman ay ito ang kahapon lang ipinanganak. Luma na ang pormula ng pag-unlad na sinasabi nito, hindi lang sa Davao kundi sa buong bansa. Kung nagkalat man ang mga iskwater, iyan ay hindi dahil maluwag sa pagpapatupad sa batas ang mga lokal na pamahalaan, kundi dahil sa matinding kahirapan at kawalang-trabaho sa kanayunan – patunay ng pagkabigo ng nasabing pormula na magdulot ng kaalwanan sa mga maralita. Sa kabila ng matagal nang pagpapatupad ng mga patakaran na ayon sa ganitong balangkas, walang maipagmalaki ang editoryal na kahit katiting na tagumpay, kahit pa mayabang itong nangangaral.

Nagpokus ang Star sa kwento ng abang court sheriff na tumutupad lang sa kanyang tungkulin laban sa aroganteng meyor na gustong maging popular. Ang gobyerno at sistema ang dapat pangunahing managot sa demolisyon ng mga kabahayan ng maralita. Pero ang katotohanan, sa mga demolisyon ay may nasasaktan – ang mga maralitang lumalaban sa pagwasak sa kanilang tirahan at ang mga kapwa-maralitang inupahan para wasakin ang mga tahanan ng una. Bagong larawan ang tumampok sa ginawa ni Inday Sara: ang kagyat na responsable sa demolisyon ang nasaktan – na kakaiba sa sitwasyong laging maralita lang ang nasasaktan.

Sa ganitong pagbasa, dalawang bahagi ng iisang kabuuan ang mga editoryal ng Inquirer at Star. Hindi sila magkabangga, kundi magkasangga. Higit pa siguro sa pasibong kinakatawan, aktibong nililikha ng ganitong mga editoryal ang anti-Kaliwa at maka-Kanan na opinyong publiko sa bansa. Makikita sa daloy nila ang paggana nila: ang pagpapakitid at pagpapamanhid ng isip para magpokus lang sa ginawa ni Inday Sara mula pa nga sa perspektibang ligal, at ni hindi sa perspektiba man lang ng mga agham panlipunan, halimbawa.

Kinikilala ng dalawang editoryal na popular ang ginawa ni Inday Sara, pero hindi man lang pinagmunian kung bakit. Higit pa sa partikular na pagpapatigil sa demolisyon at umano’y pagiging maluwag sa mga iskwater – na laging akusasyon sa mga lokal na gobyerno ng mga maka-Kanang mayaman at pakiwaring mayaman – nagtatakda ang ginawa ni Inday Sara ng pamantayan para sa lahat ng meyor at opisyal ng gobyerno, hanggang kay Pres. Benigno “Noynoy” Aquino III. Popular ang ginawa ni Inday Sara dahil taliwas ito sa sunud-sunod na marahas na pagwasak ng gobyernong Aquino sa kabahayan ng mga maralitang lungsod para sa mga proyektong “pangkaunlaran” ng malalaking burgesya-komprador.

Popular ang ginawa ni Inday Sara kaya ramdam sa mga editoryal ang desperasyon. Eksaherado ang mga titulo: “Inday Sarado” na para bang bugbog-sarado talaga ang pinagsasapak, “Disgraceful” na kulang na lang sabihan ng “makapal ang mukha” o “walang-hiya” si Inday Sara. Madiin ang pagkondena nila at pangangaral. Hindi nila pwedeng palampasin ang paggamit ng pwersa pabor sa maralita at ang paglalagay sa alanganin ng karapatan ng iilang mayayaman na mag-ari ng lupa at “paunlarin” ang mga ito – kahit pa mangangahulugan ito ng pagtataboy sa maraming maralita sa lalong kahirapan. Pero ibang bagay pa kung makakahikayat sila sa mga maralitang sangkot sa tunggalian para sa paninirahan.

Sabi ni Inday Sara, “not my best moment” ang nasaksihan ng bansa. Anu’t anuman, sa mga isyu ng maralitang lungsod, ang hindi “best” na ipinakita niya ay malayong better sa “best” na ipinapakita ni Noynoy.

10 Hulyo 2011

Galing ang mga larawan dito.

Nakakapagpaisip na mga punto hinggil sa ugnayan ng rasismo at pagsasamantalang kapitalista sa US. Pagtatasa sa rekord sa Kongreso ni Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, mula sa tanaw ng progresibong kongresista.

Poor but Deserving

 

(1) Matapos ang mahabang panahong nagbingi-bingihan ang midyang mainstream sa panawagan ng mga maralita ng Sitio San Roque na ilahad ang kanilang isyu, tumutugon ito ngayon sa naganap na tawag-pansing paglaban ng mga residente ng nasabing lugar noong Setyembre 23. At isang bahagi ng tugon ay mga kolumnistang tumatalakay sa mga usaping ligal kaugnay ng paninirahan ng maralitang lungsod.

Mahalagang pansinin ang tugon na ito, dahil dumarami ang mahihirap na naggigiit ng pag-aari sa mga lupaing sang-ayon sa batas ay hindi naman kanila. Nariyan, halimbawa, ang Kampanyang Bungkalan ng mga manggagawang bukid at magsasaka ng Hacienda Luisita, kung saan nagtatanim sila ng ikabubuhay sa lupaing matagal na inilaan sa pagtatanim ng tubo at pinagbawalang tamnan ng iba pang pananim.

Syempre pa, umiinog ang tugon ng mga kolumnista sa puntong pribadong pag-aari ng ibang tao ang lupain ng Sitio San Roque at iligal na inokupa ito ng ibang tao. “Tao” ang tawag sa parehong may-ari at umookupa dahil hindi pinapansin ang magkaibang uring pinagmulan nila, sang-ayon na rin sa batas. Dumudulo ito syempre sa panawagan, hayag man o hindi, sa Estado na ipagtanggol ang pribadong pag-aari ng mga may-ari.

Sa isang banda, matalas na paghantong ito sa susing papel ng batas at Estado ayon sa pagsusuring Marxista: ang ipagtanggol ang pribadong pag-aari sa abstrakto na walang iba sa kongkreto kundi ang pribadong pag-aari ng mga naghaharing uri. Sa kabilang banda, kakatwa ang pagkukumahog na ito ng mga kolumnista sa paggamit ng batas, patunay ng pagkataranta nila sa harap ng paggigiit ng maralita sa mumunting lupain.

(2) Para bang kapag usapin ng maralitang lungsod at pribadong pag-aari ay wala na ang anumang imahinasyon para unawain ang mga maralita – sociological imagination man o literary imagination. Sa dulo’t dulo, kailangang sumandig sa batas at ikahon dito ang mga usapin. (Kapansin-pansin ding maraming mag-aaral ng agham panlipunan at kultura’t panitikan ang dumidiretso sa kursong Batas pagkatapos gumradweyt.)

(3) Pero kung mababasa sa mga kolumnista ang opensibang ligal kaugnay ng naganap sa San Roque, nagkalat naman ang mga bahagi ng opensibang pangkultura. Sa blog ni Angela Stuart-Santiago, halimbawa, mababasa ang mga sumusunod na komento:

>> Kung malayo man ang Montalban, Rizal, dapat maaga lang umalis sa bahay ang mahihirap. Ginagawa iyan ng mayayaman – maging ang ilipat ng pinag-aaralan ang mga anak.

>> Hindi tinatratong basura ng gobyerno ang mga “squatter” dahil nagtatamasa sila ng libreng lupa at pabahay mula sa gobyerno.

>> Dapat subukan ng mga taong maglakad sa mga lugar ng mahihirap gamit ang kanilang cellular phone at nang suot ang kanilang mga alahas, para maunawaan ang ginagawang “paglilinis” ng gobyerno sa ating “kapaligiran.”

>> Dapat may lupang handang ipamigay sa mahihirap ang mga tumututol sa demolisyon, tutal naniniwala sila sa “karapatan sa lungsod” ng mahihirap.

>> Kapag nananawagan ang mga liberal ng pamamahagi ng lupain, kadalasang hindi kanila ang lupang ipapamahagi, kundi sa Estado o sa “mga Demonyong Kapitalista.”

Makikita sa mga komentong ito ang mga elemento ng opensibang pangkultura kontra sa mga maralitang lungsod. Pagdating sa kalagayan at oportunidad, pareho lang ang sa mayaman at mahirap. Ang kaibahan lang, may problema sa mahihirap: iresponsable, nakaasa sa materyal na bagay mula sa iba – sa ibang tao man o gobyerno – at, idagdag natin, anak nang anak. “Spoiled” nga ang tawag ni Ballsy Cruz sa mga taga-Luisita.

Ang moda, samakatwid, ay ganito: ipinagpapalagay na maayos ang mga istrukturang panlipunan at sistemang pang-ekonomiya, habang sinisisi ang suhetibong disposisyon ng mahihirap. Ang ilang epekto ng sistema sa mahihirap – pagiging istambay, pamamalimos o pagnanakaw, pag-aanak ng marami – ay itinuturing na sakit ng lahat ng maralita, hindi na pinapalalim pa sa mga sanhi nito sa lipunan at kasaysayan.

Maipagpapalagay na mula sa mga panggitnang uri ang mga nagkomento, pero halatang kumikiling sila sa mayayaman. Paano nga naman sila? Hindi ito kataka-taka sa isang lipunang inaambisyon ng mga nasa panggitnang uri ang maging mayaman, habang iniiwasan sa pang-araw-araw na buhay ang makabuluhang pakikihalubilo sa mga mahihirap. Pangarap ang buhay-mayaman; bangungot ang buhay-mahirap.

(4) Bahagi ng ganitong pagsisi sa mahihirap ang balangkas ng Labor Force Survey, o ang pagkalap ng datos ng gobyerno tungkol sa mga may trabaho at walang trabaho. Inalis na sa hanay ng pwersa ng paggawa ang mga walang trabaho pero hindi na naghahanap sa kung anumang dahilan. Sa hakbanging ito, nabawasan na ang walang trabaho, dumami pa ang may trabaho. Hindi na sila bahagi ng problema ng lipunan; problema na nila ang kanilang kalagayan. Hindi lipunan ang may problema kundi sila.

(5) Kinahihindikan ng mga nasa panggitnang uring nakakasalamuha ng mahihirap hindi ang mahihirap mismo, kundi ang pag-angkin ng huli ng yaman, ng halaga – sa pamamalimos o pagnanakaw at sa pagpoprotesta para sa dagdag-sahod, lupa, serbisyong panlipunan – na likha ng paggawa ng mahihirap pero kinokopo ng mayayaman. Ang mga jologs, ipinagpapalagay na GSM o galing sa magnanakaw ang gamit, at nagpapababa ng halaga ng mga gamit na status symbol ng panggitnang uri.

Ang katanggap-tanggap na mahihirap, iyung mga nagtatrabaho at namumuhay sa balangkas ng mga naghahari at mga bayaran nila: ang “mahirap pero karapat-dapat” o “poor but deserving” – mga bibigyan ng halaga sa balangkas na payapang lumilikha at lilikha rin ng halaga para sa mga naghahari at mga bayaran nila. Kaya nga bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno ang “Family Development Sessions,” bukod pa sa pagtiyak na nag-aaral ang mga anak ng maralitang beneficiaries.

Hindi ito pagtuligsa sa mahihirap na itinuturing na katanggap-tanggap ng mga naghahari at bayaran nila. Pagtuligsa ito sa “maka-mahirap” na diskurso ng Estado tungkol sa mahihirap. Napwersa lang naman ang Estado na bigyan sila ng halaga dahil sa paggigiit na rin nila at ng sambayanan. Pagbibigay-katwiran lang ng Estado ang diskurso nito ng “mahirap pero karapat-dapat” sa pagbibigay nito ng halaga sa isang seksyon ng mahihirap. At bahagi pa rin ang diskursong ito ng pagbusabos sa kanila.

07 Oktubre 2010

Galing ang unang larawan sa Facebook, hindi ko na masundan kung kanino. Gawa ang ang ikalawa ni Ivan Reverente, at galing ang ikatlo sa blog ni Jodi Dean.

Kaaliw: binanatan ng Marxistang si Rick Wolff ang Keynesian na ekonomistang si Paul Krugman. Aba, aba: Lumolobo pa rin ang tubo ng mga kapitalista ng US sa kabila ng krisis, sa pamamagitan ng pagkaltas sa sahod at pagtanggal sa mga manggagawa.

Para makaiwas sa mga pagkakamali sa pag-aargumento, basahin natin ang entring ito sa Kasama. Bakit ipinagtatanggol ng mga Komunista ang ibang tao? May sagot muli si Mike Ely, at hindi iyan dahil may pakinabang ang mga Komunista sa pagtatanggol – para man sa sarili o sa sektor. Nasa Kasama rin ang pahayag ni Prop. Jose Maria Sison tungkol sa tunguhing pasista sa US.

May parangal ang tambalang E. San Juan, Jr. at Delia Aguilar kay Howard Zinn at mga pagmumuning kaugnay ng pagiging aktibistang propesor niya. Hindi masaya si Karlo Mikhail Mongaya sa pagkapanalo ng reaksyunaryong si Mario Vargas Llosa, hindi ng anti-imperyalistang si Ngugi wa Thiong’o ng Premyong Nobel. Para sa mahihilig sa teorya, at mga librong PDF, kay Prop. Myfel Paluga raw ang magandang blog na ito, ayon kay Oliver Ortega.

Maikling komentaryo ni Mark Angeles sa pangalan ni Charice Pempengco sa Glee. Kolum ni Rolando Tolentino tungkol sa yogurt at new age na gitnang uri. Paboritong salita: “nagspospongha.” May nakakatawang kwento si Aloysius Marana tungkol sa pagsubaybay niya sa tambalang Robin-Mariel.

May bukas na liham si Ces Santos, lider-estudyanteng nanguna sa protesta sa Ulat sa Bayan para sa 100 araw ni Noynoy. Salamat kay Jaime de Guzman sa papuri. Pahabol: hindi po ako isang propesyunal.

Ang Mabuting Balita mula sa San Roque


“Perwisyo” ang salitang pinawalan ng isang tagabasa ng balita sa estasyong Kapuso kaugnay ng matinding trapik sa Edsa at mga karatig-kalsada na idinulot ng demolisyon at ng paglaban dito sa Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City kaninang tanghali. Nakakakulo ng dugo.

Isang paglilinaw: Matagal nang nilalabanan ng mga maralitang lungsod sa nasabing lugar ang banta ng demolisyon. Sa pamumuno ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, kung anu-anong diyalogo ang pinilit nilang gawin sa mga opisyal ng gobyerno para huwag dumulo sa demolisyon ang isyu. Ang totoo, dumulog din sila sa bahay ni Pangulong Noynoy Aquino bago ito manumpang pangulo para ihapag ang kanilang problema at mga kahilingan.

At ito ang dapat maalala at mamalayan ng midya: Katakut-takot na pagsisikap ang ginawa ng mga maralita para matawag ang pansin nito sa kanilang isyu at kahilingan. Kung anu-anong gimik ang kanilang pinag-isipan at ginawa para mapitikan man lang ng larawan ng mga potograpo, makuhanan man lang ng footage ng mga cameraman, at mapag-aksayahan man lang ng ilang salita at laway ng mga mamamahayag. Pero hindi sila tumampok sa alinmang midya.

Sinasabi pa naman ng ilang mamamahayag na mahalaga ang midya sa pagpapatampok sa mga isyu ng mga maralita at mamamayan, para mapwersa ang gobyernong umaksyon. At may katotohanan ito.

Pero sa kaso ng Sitio San Roque, at napakarami pang kaso ng demolisyon, at napakarami pang kaso ng isyu ng mga maralita at mamamayan, hindi “tumulong” ang midya. Hindi nito ibinalita ang isyu para “makatulong” sa pagtawag ng pansin at pag-udyok ng aksyon ng gobyerno. Ngayong lumalaban ang mga maralita gamit ang sariling katawan, mga bato at mga kahoy, “perwisyo” ang dating ng paglaban ng mga maralita sa pagbabalita ng midya.

Sinisisi ngayon ang midya sa madugong pagwawakas ng hostage crisis noong Agosto 23; may kasalanan daw ito sa naganap. Pero mas dapat sisihin ang midya sa naganap na karahasan at trapik ngayong Setyembre 23; may kasalanan ito sa naganap. Sa hindi nito pagbabalita, sa mahabang panahon, sa paglaban sa demolisyon ng mga maralita ng Sitio San Roque, kinunsinti nito ang kawalang-aksyon ng gobyerno at ang kawalang-alam ng publiko. Nag-ambag ito sa pagkakasukol ng mga maralita, sa pagdahas sa kanila at sa paggamit din nila ng dahas.

Sinusuri raw ng midya ngayon ang sarili kaugnay ng hostage crisis ng Agosto 23. Pero higit pa sa pagharap sa mga usapin ng peace and order, na ang kadalasan ding tunguhin ay kontra-maralita, mas dapat suriin ng midya ang pagharap, o hindi pagharap, nito sa usapin ng mga maralita. O bawal itong suriin? Ito ang bawal suriin? Dahil negosyo sila ng mga pinakamayamang kapitalista?

Sa kasalukuyang sistemang panlipunan, laging may kulang, laging limitado, laging kapos, ang tagumpay na nakakamit ng mga maralita. Napigilan ng mga maralita ng San Roque, nang isang araw pa lang ngayon, ang pag-demolish sa kanilang kabahayan, kabuhayan at komunidad. At ito ang mabuting balita mula sa San Roque: kapag nagkakaisa ang mga maralita, kapag handa silang sumuong sa militanteng paglaban, kaya nilang magkamit ng tagumpay.

Habang nanonood ng telebisyon, hindi ko ikakahiyang sabihin sa inyo: naiyak ako sa tuwa, sa galak, sa giting ng napakaraming maralita. Pakiramdam ko, muli na namang isinisilang ang ating bansa.

23 Setyembre 2010

Kuha ni Kenneth Guda ng Pinoy Weekly ang unang larawan sa itaas. Mabuhay! Galing naman sa GMANews.tv ang ikalawa.