Kontraktwalisasyon 101

1

Depinisyon. Sa kagyat na pakahulugan, ang “kontraktwal” ay isang katayuan sa trabaho kung saan ipinagkakait ang ugnayang employer-employee sa pagitan ng isang manggagawa at ng kapitalista o kumpanyang tunay na nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Ipinagkakait sa kanya ang katayuang “regular employee” ng naturang kumpanya o kapitalista. Tinutukoy naman ng “kontraktwalisasyon” ang kalagayan kung saan umiiral ang mga kontraktwal at katunaya’y pinaparami pa nga.

>>  Iligal ang isang masahol na modus operandi kung paano ito ipinapatupad: kukuha ang kapitalista o kumpanya ng manpower agency o cooperative para magsuplay ng mga manggagawa. Tatanggalin sa trabaho, o papalabasing tinatanggal sa trabaho, kada limang buwan ang manggagawa. Kadalasan, muling ire-rehire o papalabasing muling ni-rehire ang manggagawa sa parehong trabaho, paulit-ulit. Nakasaad kasi sa batas na kailangang  gawing regular ang manggagawa kapag umabot siya ng anim na buwan sa trabaho.

>> Pakitang-taong tinutuligsa ng malalaking kapitalista, ng gobyerno at mga tagapagsalita nila, ang naturang modus operandi; sinasabi nilang “pag-abuso” ito sa kontraktwalisasyon. Pinapalabas nila na ito lang ang kasingkahulugan ng “endo” o “end of contract” at “5-5-5” na siyang popular nang tawag, at karanasan, sa kontraktwalisasyon.

>> Mula noong rehimen ni Noynoy Aquino hanggang ngayon sa rehimen ni Rodrigo Duterte, pinapalabas ng gobyerno na ang mga manggagawa ay nareregular sa mga agency pagkatapos ng anim na buwan. Pangontra umano ito sa modus operandi na “endo” o “5-5-5.”

>> Pero kontraktwalisasyon pa rin ito. Pagkakait pa rin ito ng ugnayang employer-employee sa pagitan ng manggagawa at ng kumpanya o kapitalistang tunay na nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Wala pa ring seguridad sa trabaho ang manggagawa. Pwede siyang mawalan ng trabaho nang wala o may minimal lang na pananagutan ang kapitalista at agency sa batas.

>> Kahit pa sabihing ipinagbabawal ng batas at kinokondena ng mga kapitalista at gobyerno, talamak pa rin ang nabanggit na modus operandi. Marami ring pagkakataong tumatagal ang manggagawa sa kanyang trabaho, umaabot nang ilang taon, nang ang katayuan ay kontraktwal.

>> Atake ang kontraktwalisasyon sa karapatan sa seguridad sa trabaho ng manggagawa, at sa maraming batayang karapatang kaugnay nito. Sabihin pa, ipinapatupad ang kontraktwalisasyon para tiyakin ang papalaking tubo ng mga kapitalista.

Kalagayan. Kadalasan, ang mga kontraktwal ay tumatanggap ng napakababang sahod. Kadalasang mas mababa sa minimum ang pasahod sa kanila kahit bawal ito sa batas. Kadalasan silang pinagkakaitan ng mga benepisyong itinatakda ng batas. Ang mga empresang matindi ang paglabag sa mga istandard sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa, puno ng mga kontraktwal.

2

>> Sa pamamagitan ng kalagayang pwede silang tanggalin sa trabaho anumang oras, hinahadlangan silang mag-unyon. Sa kalagayan pa lang na kada limang buwan ay tinatanggal, mahirap nang mag-unyon. Kapag natuklasang nag-uunyon ang mga kontrakwal sa isang kumpanya, at wala silang paglaban, kadalasang maramihan silang tinatanggal. Mas masahol pa, dahil mismo sa kalagayang ito, pinupwersa silang magkumahog na gawin ang lahat ng gusto ng kumpanya o kapitalista, kahit mawasak ang pagkakaisa nila, at huwag gawin ang anumang ayaw nito, gaya ng pagtatayo ng unyon.

>> Sa pagpapahirap sa kanilang mag-unyon, pinagkakaitan sila ng armas para ipaglaban ang mas mataas na sahod, regularisasyon, mga benepisyo, ligtas na lugar ng paggawa at iba pang karapatan.

>> Sa kabila ng dambuhalang tubo at yaman nila, o para nga rito, ang pinakamalalaking kapitalistang dayuhan at lokal sa bansa ang mga pangunahing tagapagpatupad ng kontraktwalisasyon.

>> Espesyal na kaso ang mga empleyado sa sektor ng Business Process Outsourcing sa bansa. Sa kabila ng relatibong mas mataas nilang sahod at benepisyo, sa esensya’y kontraktwal ang katayuan ng kanilang pagtatrabaho.

Batas. Mismong Batas Paggawa o Labor Code ng 1974 ang nagsisilbing ligal na batayan ng kontraktwalisasyon. Dito, sinasabing bawal ang Labor-Only Contracting habang ligal ang tinatawag na Job Contracting. Binibigyan ng masaklaw na kapangyarihan ang Labor Secretary na maglabas ng mga alituntunin para sa pagpapatupad ng Job Contracting. Sa aktwal, ang naturang mga alituntunin ay pagtuturo sa mga kapitalista kung paano magkokontraktwalisa nang ligal.

>> Sa pakahulugan ng batas, tinutukoy ng Labor-Only Contracting ang kalagayan kung saan ang isang kumpanya ang tunay na may kontrol sa mga manggagawa at dummy lang nito ang agency. Tinutukoy naman ng Job Contracting ang kalagayan kung saan ang agency umano ang tunay na may kontrol sa manggagawa at nagagawa nito ang gawain nang walang pakikialam ng kumpanya.

>> Ipinataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Paggawa sa pamamagitan ng Presidential Decree 442. Kaakibat ng hakbanging ito ang pagtatayo ng mga Export-Processing Zones o EPZs na nagbibigay ng maraming insentiba sa malalaking kapitalistang dayuhan na mamuhunan sa bansa, at ang pagtatayo ng dilawan, maka-kapitalista at kontra-manggagawang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP.

>> Sa ilalim ni Cory Aquino, nagsabatas ng maraming pagsusog sa Batas Paggawa sa pamamagitan ng Republic Act 6715. Tinatawag itong “Herrera Law,” nakapangalan kay dating Sen. Ernesto Herrera na dating lider ng TUCP. Hindi nito binago ang mga probisyon ng Batas Paggawa kaugnay ng kontraktwalisasyon. Naging malaganap ang kontraktwalisasyon sa bansa sa panahon ng mga rehimen nina Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

3

>> Alinsunod sa Labor Code, naglabas ang mga sekretaryo ng Department of Labor and Employment ng mga Department Order (DO) na siyang nagsilbing alituntunin sa pagpapatupad ng kontraktwalisasyon. Sa ilalim ni Arroyo, ipinatupad ang DO 18-02. Pinalitan naman ito sa ilalim ni Noynoy Aquino ng DO 18-A Series of 2011.

Noynoy. Kumpara sa DO 18-02, may mga “papogi” ang DO 18-A Series of 2011. Una, itinaas nito ang mga pamantayan para matawag ang isang agency na “lehitimong kontraktor,” kumpara sa hindi. Ikalawa, itinakda nito ang pagtalima sa Labor Standards ng mga lehitimong kontraktor. Ikatlo, isinaad dito ang pagregularisa sa mga manggagawa ng agency, hindi ng mga pangunahing employer o kumpanya. Pero matatapos ang kontrata ng manggagawa-agency kasabay ng pagtatapos ng kontrata ng kapitalista-agency.

>> Sa isang banda, resulta ang naturang mga “papogi” ng mga pagkondena at protesta laban sa kontraktwalisasyon. Umigting ang pagtutol sa kontraktwalisasyon dahil sa pagtanggal, noong 2010, ng 2,600 regular at unyonisadong manggagawa sa Philippine Airlines o PAL at pagpapabalik sa kanila sa parehong trabaho nang kontraktwal, walang unyon, at sumasahod lang ng kalahati ng nauna nilang sahod. Si Lucio Tan, pangalawang pinakamayamang Pilipino, ang siyang may-ari ng PAL – at ang pagpayag sa tanggalan at kontraktwalisasyon sa kanyang kumpanya ay waring hudyat sa lahat ng kapitalista na pwede silang magkontraktwalisa sa ilalim ng rehimeng Aquino.

>> Pero sa kabilang banda, pakitang-tao lang ang naturang mga probisyon, at sa esensya’y nagliligalisa pa rin sa kontraktwalisasyon.

>> Datos ng gobyerno mismo ang nagpapakitang panlilinlang lang ang umano’y “regularisasyon” sa mga ahensya. Ayon sa Philippine Statistics Authority, lumundag nang 16.3 porsyento ang bilang ng kontraktwal noong 2014 mula noong 2012. Ayon dito, 30 porsyento, o 1.3 milyon, sa 4.5 milyong manggagawang ineempleyo ng mga negosyong may 20 pataas na manggagawa ang kontraktwal. Inilalabas ang naturang saliksik kada dalawang taon, at tiyak na konserbatibo ang bilang na inilalabas nito.

>> Ayon dito, ang konsentrasyon ng mga kontraktwal ay ang konstruksyon, manupaktura, wholesale at retail trade, bagamat dumami ang hindi regular sa agrikultura, pangisdaan at paggugubat, sa financial and insurance services, at sa repair ng mga kompyuter at iba pang gamit sa bahay. Sa pag-alam sa kalakaran ng empleyo sa mga sektor na ito, madaling masabing mas malaganap sa 30 porsyento ang kontraktwal.

Duterte. Nitong eleksyong 2016, nauna si noo’y presidentiable Rodrigo Duterte sa pangangakong tatapusin ang kontraktwalisasyon. At hindi lang ito pangakong inanunsyo ng midya; laman ito ng mga poster niya na nakadikit sa mga komunidad. Naghahabol siya noon ng boto, at malaganap ang diskuntento sa naturang iskema ng pag-eempleyo.

4

>> Ayon kay Duterte, nagdudulot ng kahirapan at kagutuman ang iskema, at sumisira sa lakas-paggawa at sa ekonomiya ng bansa. Malinaw sa kanya na bangga ang pangako sa interes ng mga kapitalista, at palaban niyang sinabihan sila na ilipat ang suporta kung ayaw sa kanyang pangako. Nagsunuran ang iba pang kandidato sa parehong pangako kaya para makaungos, malinaw niyang sinabi na tatapusin ang kontraktwalisasyon sa loob ng isang linggo matapos niyang manalo. Ilang beses din niyang inulit ang pangako matapos niyang manalo. Pero tiyak, igigiit ng mga maka-kapitalista sa gobyernong Duterte ang pamosong pag-iiba ni Budget Sec. Benjamin Diokno ng “Duterte bilang kandidato” at “Duterte bilang pangulo.”

>> Gaya rin ng inaasahan, tumutol ang malalaking kapitalista sa pangunguna ng mga organisasyon nila – pangunahin ang Employers Confederation of the Philippines o ECOP – at nagpanukala ng isang umano’y “win-win solution.” Ito ang sinang-ayunan ng Department of Labor and Employment sa pamumuno ni Sek. Silvestre Bello III. Dito iniluwal ang kasalukuyang alituntunin sa kontraktwalisasyon, ang DO 168. Noong una’y DO 30 dapat ang pangalan nito, pero binago dahil tiyak na makakasama sa pangalan ni Duterte.

>> Nakatuntong ang DO 168 sa DO 18-A Series of 2011 at pinapalabas nitong pinapahusay nito ang sinundan. Tulad ng DO 18-A Series of 2011, itinatakda ng DO 168 ang pagreregular sa mga manggagawa sa agency. Sa DO 18-A Series of 2011, matatapos ang kontratang manggagawa-agency kapag natapos ang kontratang agency-kapitalista. Sa DO 168, magpapatuloy ang kontratang manggagawa-agency kahit matapos ang kontratang agency-kapitalista. Kapag natapos daw ang kontratang agency-kapitalista, ihahanap ng agency ang manggagawa ng bagong trabaho at kung hindi makahanap ay bibigyan ang manggagawa ng separation pay.

>> Tulad ng DO 18-A Series 0f 2011, hindi tinatapos ng DO 168 ang kontraktwalisasyon. Pinapanatili nitong ligal ang kontraktwalisasyon at katunaya’y binibigyan pa ang iskema ng papogi para magmukhang katanggap-tanggap sa mga manggagawa at mamamayan. Noon, ipinagyabang ng DOLE ni Aquino na may mga manggagawang naregular dahil sa DO nito, taliwas sa aktwal na paglaganap ng kontraktwalisasyon. At ganito na rin ang ginagawa ng DOLE ni Duterte: nagsasabi ng mga gawa-gawang datos ng nareregular umano sa ilalim ng bagong DO.

Kapitalista. Tandaan: ang World Bank ang unang malakas na nagpahayag ng pagtutol sa pangako ni Duterte na tapusin ang kontraktwalisasyon. Sinundan ito ng mga maka-kapitalistang komentarista sa bansa: Gerardo P. Sicat, Raul J. Palabrica, Peter Wallace. Ang kanilang linya: Ang problema ay hindi ang kontraktwalisasyon, kundi ang “pag-abuso” rito. Ang kailangan ay hindi ang ibasura ang kontraktwalisasyon, kundi ang mahigpit na pagpapatupad ng DOLE sa mga probisyon ng batas laban sa mga agency na ilehitimong kontraktor.

5

>> Anila, magdurusa ang mga manggagawa kapag nawala ang kontraktwalisasyon dahil mababawasan ang mga trabahong nariyan. Mas maraming manggagawa raw ang nabibigyan ng trabaho dahil sa katayuang kontraktwal; kung magiging regular anila ang mga manggagawa, kaunti lang ang matatanggap sa trabaho. Sa madaling sabi, kapag ipinagbawal ang kontraktwalisasyon, magkakaroon ng maramihang tanggalan.

>> Pag-blackmail ito sa mga manggagawa para tanggapin ang kontraktwalisasyon at ang busabos na kalagayan sa paggawa na kaakibat nito. Lumang tugtugin na ito, katulad ng laging tugon ng malalaking kapitalista kapag lumalakas ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod. Balewala sa ganitong pagdadahilan ang masamang kalagayan at mga batayang karapatan ng mga manggagawa.

>> Totoong dahil sa malaganap na kawalang-trabaho sa bansa ay madali para sa mga kapitalista na magtanggal ng mga manggagawa at palitan ang huli ng mga bago. Totoo ring dahil sa ganitong kalagayan ay pinupwersa ng mga kapitalista ang mga manggagawa na tanggapin ang kontraktwal na katayuan at busabos na kalagayan sa paggawa. Pero hindi dahilan ang ganitong pananakot para maniwalang hindi kayang ibigay ng mga kapitalista ang kahilingan ng mga manggagawa para sa regularisasyon, lalo na sa harap ng pagtaas ng tubo ng mga kapitalista sa bansa.

>> Sa pagdadahilan ng mga kapitalista at tagapagsalita nila, ipinagpapalagay na makatwiran at mapagmalasakit ang mga kapitalista: magreregular sila batay sa kakayahan at mag-eempleyo ng pinakamaraming kakayanin. Saan ibinabatay ng mga kapitalista ang pagsasakatuparan ng naturang mga hakbangin? Walang iba kundi sa tubo nila. At sino ang nakakaalam kung magkano ang tunay na tubo nila? Walang iba kundi sila. Nakabatay samakatwid ang ganitong pagdadahilan sa kalkulasyon ng mga kapitalista sa kanilang tubo at sa katapatan o kabutihang loob nila. Hindi makatao at makatotohanan na ibatay ang kalagayan ng mga manggagawa sa kalkulasyon ng tubo o kabutihang loob ng mga kapitalista; kaya nga sa kasaysayan ay ipinaglaban ng mga manggagawa ang paniyak laban sa mga ito – ang kanilang mga karapatan.

>> At mahalagang idiin, laban sa ganitong pangangatwiran: ang kontraktwalisasyon ay paglabag sa lahat ng batayang karapatan ng mga manggagawa. Sa Pilipinas, laman ang naturang mga batayang karapatan sa mismong Konstitusyong 1987, na resulta ng malakas na pakikibaka ng mga manggagawa noong panahon ng diktadurang Marcos at kahit pagkatapos. Ang mga ginagarantiya ng Artikulo XIII ng Konstitusyon sa mga manggagawang Pilipino: lubos na proteksyon mula sa gobyerno, karapatang mag-organisa sa sarili at kolektibong makipagtawaran, magwelga, seguridad sa trabaho, makataong kalagayan sa paggawa, at nakabubuhay na sahod.

>> Mahalagang idagdag na kasama ang naturang probisyon sa matagal nang gustong baguhin ng mga malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at malalaking panginoong maylupa sa pamamagitan ng mga gobyernong nagtutulak ng Charter Change.

6

Pagkilos. Sa lahat ng ipinangako ni Duterte bago at pagkatapos ng eleksyon, ang pagtapos sa kontraktwalisasyon ang isa sa pinaka-kumakatawan ng pangako niyang “tunay na pagbabago,” at “tapang at malasakit.” Mahalagang sukatan ang pagsasakatuparan dito, o ang hindi pagsasakatuparan dito, kung nakakapagdulot siya ng tunay na pagbabago o hindi.

>> Marapat lang na kondenahin ang paglalabas sa DO 168, gayundin sina Bello at Duterte para sa kautusang ito. Marapat lang ipaglaban ang pagbasura sa DO 168, gayundin ng probisyon sa Labor Code na nagbibigay ng bisa rito mula sa pagpapahintulot sa Job Contracting. Dapat ipaglaban ang pagbabawal sa Job Contracting, ang regularisasyon ng mga kontraktwal, at ang pagpawi sa mga agency.

>> Pero ang kontraktwalisasyon ay hindi lang patakarang ipinatupad ng magkakasunod na rehimen. Naging patakaran ito ng magkakasunod na rehimen dahil dikta ito ng imperyalismong US at bahagi ng neoliberal na atake nito, kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri, sa mga manggagawa at kilusang paggawa sa bansa at sa buong mundo.

>> Napakakitid, halimbawa, ng pagdadala ni Herbert Docena ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa isyu para ilantad si Duterte na “hindi progresibo.” Mas dumudulo ito sa paglaban at pagpapatalsik sa pangulo na hindi karugtong ng pagsusulong ng tunay na pagbabagong panlipunan. Kapansin-pansing relatibong tahimik ang BMP laban sa kontraktwalisasyon noong panahon ni Aquino, na todong nagpatupad nito. Naging relatibong maingay naman ito sa kontraktwalisasyon sa panahon ni Duterte, na nangakong tatapusin ito. May panganib din na mahulog ang pagsusuri sa pangangailangan sa isang progresibong pangulo para mawala ang anti-manggagawang iskema sa empleyo. Sa direksyon ni Docena, magiging masaya si Leni na Robredo, pero hindi si Lenin na Vladimir.

>> Kasama ang kontraktwalisasyon sa mga neoliberal na atake sa mga manggagawa at kilusang paggawa. Ang pangkalahatang layunin: patuloy na palakihin ang tubo ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal kahit sa kalagayang may krisis ng labis na produksyon sa pamamagitan ng pagpapababa sa sahod at sa tinatawag ng Marxistang intelektwal na si David Harvey na “panlipunang sahod (social wage).” Kaakibat ng kontraktwalisasyon ang pagbasag sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at kawani sa pampublikong sektor, pagpapalaganap ng mga special economic zones, partikular ang mga EPZs at pagkonsentra rito ng mga manggagawang industriyal, at iba pang mayor na hakbangin.

>> Mawawakasan lang ang kontraktwalisasyon ng malawak at malakas na sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at mga tagasuporta nila. Isang antas ang paggigiit sa gobyerno na ibasura ang iskema sa empleyo. Kailangan ang tuluy-tuloy at papalawak at papalakas na protesta para igiit ang pagbabasura rito. Gaya ng nabanggit ni Teddy Casiño ng Bayan Muna, isang pagkakataon din para igiit ito sa gobyerno ni Duterte ang usapang pangkapayapaan nito sa National Democratic Front of the Philippines.

>> Pero magkakaroon ng lakas ang paggigiit sa gobyerno mula sa tuluy-tuloy at papalawak na pagkakaisa at pagkilos ng mga manggagawa sa antas ng empresa at konsentrasyon ng mga empresa. Sa karanasan, nalalabanan ang kontraktwalisasyon sa mga empresa sa iba’t ibang paraan: mula sa pagsasampa ng mga kasong nagpapakitang Labor-Only Contracting ang nagaganap at hindi Job Contracting, bagamat iilan ang tagumpay at matagal ang proseso; hanggang sa paglaban ng mga nakatayo nang unyon para maregular ang baha-bahagdan ng mga kontraktwal.

>> Nitong huli, sa pamumuno ng mga panrehiyong balangay ng Kilusang Mayo Uno sa Timog Katagalugan at Southern Mindanao Region, nagpuputok ng welga ang mga kontraktwal sa layuning maregular sila at maitayo ang kanilang unyon. Sa harap ng matinding pagsasamantala sa kanila at ng laging posibilidad ng malawakang tanggalan kapag natuklasang nag-uunyon sila, wala nang naiwang pagpipilian ang mga manggagawa kundi ang maghanda sa welga at magwelga sa tamang panahon para maregular at makilala ang kanilang unyon.

>> Sentral na usapin ang kontraktwalisasyon sa higit na paglawak at paglakas ng kilusang manggagawa sa bansa, sa paglaban sa atakeng neoliberal, sa pagtangan ng paparaming manggagawa sa kanilang mahalagang papel para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Ang totoo, magiging tiyak lang ang pagwakas sa kontraktwalisasyon sa isang lipunan na pinapamunuan ng mga manggagawa at magsasaka, hindi ng mga imperyalista, malalaking burges-komprador at haciendero tulad ngayon. Kailangan ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba para lubusang mawakasan ang kontraktwalisasyon sa pambansang antas.

>> Napakainam na pagkakataon samakatwid ng isyu at reyalidad ng kontraktwalisasyon para manawagan sa mga manggagawa, lalo na iyung pinagsasamantalahan ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista: Magkaisa at lumaban! Mag-unyon at makibaka! Ipaglaban ang sahod, trabaho at karapatan! Ipaglaban ang pambansang demokrasya at kalayaan! Makipag-ugnayan sa tunay, palaban at makabayang sentrong unyong Kilusang Mayo Uno para sa mga kongkretong hakbang!

17 Enero 2017

Galing ang mga larawan dito.

Isang inspirasyon sa Kapirasong Kritika: paalam at salamat, Mark Fisher, aka K-Punk: una at ikalawa.

Advertisements

Doktrinang Gulantang

Neopandemic1

Nitong Disyembre, naglabas ng ulat ang isang komite ng Senado ng Estados Unidos tungkol sa pagtortyur na isinagawa ng Central Intelligence Agency sa ilalim ng rehimeng W. Bush pagkatapos ng 9-11 ng 2001. Nitong Disyembre rin, lalong nalantad ang pagsamantala ng gobyerno ni Noynoy Aquino sa harap ng bagyong Ruby o Hagupit, at ng superbagyong Yolanda o Haiyan mahigit isang taon na ang nakakaraan, para isulong ang interes ng malalaking kapitalista. Pitong taon pagkatapos nitong unang malathala, napapanahon pa rin para muling basahin at rebyuhin ang librong The Shock Doctrine [2007] ng progresibong mamamahayag na Canadian na si Naomi Klein. Magandang ihabol ang pagbasa sa nauna nang magandang reputasyon ng aklat.

Nasa titulo ng libro ang bukod-tangi rito: ang balangkas na nagbibigay ng organisasyon sa mga pangyayaring pinaksa nito. Inilahad ni Klein ang tuklas niya: ang ugnayan ng tortyur sa pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal. Aniya, sa mga eksperimento na pinondohan ng CIA noong dekada ’50 at ’60, layunin ng tortyur na bombahin ng sensasyon ang biktima, ang i-shock o gulantangin siya, para mapasunod siya sa gusto ng nangtotortyur. Sa kabilang banda, sa iba’t ibang pagkakataon simula noong dekada ’70, nilikha o sinamantala ng mga naghaharing uri ng US at ng maraming bansa ang pagkagulantang ng mga mamamayan para magpatupad ng mga patakarang neoliberal. At kaakibat ng naturang pagpapatupad ang pagtortyur at iba pang klase ng panunupil.

Matapos isalaysay ang mga karima-rimarim na eksperimento nina Dr. Donald Hebb at Dr. Ewen Cameron sa pagtortyur, sinubaybayan ni Klein ang pagpapatupad sa iba’t ibang bansa ng mga doktrina ng neoliberal na ekonomistang si Milton Friedman at ng kanyang “Chicago School.” Klasiko ang kaso ng Chile: marahas na kinudeta ng US noong 1973 ang gobyerno ng sosyalistang si Salvador Allende na inihalal ng mga mamamayan, ipinatupad ng diktadurang pumalit ang mga patakarang neoliberal, at kasabay nito’y nagsagawa ng malawakang pagtortyur at panunupil. Pagkatapos, tumungo na si Klein sa iba’t ibang bansa mula sa mga nasa Latin America hanggang Poland, mula sa mga nasa Asya hanggang US, at mula Rusya hanggang China.

Neopandemic2

At isinalaysay ang lahat ng ito ni Klein sa estilong siksik, ligalig at kapana-panabik. Sa pormang ito malinaw na nalampasan niya ang nauna niyang librong No Logo: Taking Aim at the Brand Bullies [2000] na medyo antukin. Matalas ang mga mata niya sa magagandang detalye: isang nagbabadyang graffiti sa Chile sa panahon ni Allende matapos bumagsak ang gobyerno ng makabayang si Sukarno sa Indonesia – “Parating na ang Jakarta!,”ang pagiging rebelde sa Chicago School ng progresibong si Andre Gunder Frank. “Ang reyalidad,” minsang paalala ng Marxistang intelektwal na si E. San Juan, Jr., “ay lihim na Marxista,” at sa salaysay ni Klein, nagsasalita ang Marxistang reyalidad, bagamat may pabugsu-bugsong saltik din sa tinatawag niyang “Stalinismo.”

Katulad ng maraming mahalagang libro, tumitindig ang The Shock Doctrine laban sa mga namamayaning pananaw. Tugon ito, sa partikular, sa ilusyong pinapalaganap ng imperyalismong US at mga komentaristang pampulitika nito tulad nina Samuel P. Huntington na ang malayang pamilihan ay kakambal ng demokrasya. Anila, inilatag ng pagpasok ng malayang pamilihan sa mga bansang pinapamunuan ng mga diktadura – tampok ang mga umano’y “sosyalista” – ang pagpasok ng demokrasya. Matibay ang argumento ni Klein: anti-demokratiko at duguang kamay na bakal ang kakambal ng “invisible hand” ng malayang pamilihan. Madalas na dahas ang komadronang nagluwal sa mga patakarang neoliberal at dahas din ang naging kakambal nila sa pagpapatupad.

May magandang seksyon ang libro tungkol sa pulitika, o pag-iwas sa pulitika, ng kilusan para sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao. Ayon kay Klein, sa Latin America ito unang sumulong at sa mga bansa sa naturang kontinente, hindi napanagot ang mga ekonomista ng Chicago School dahil sa makitid na pagpapakahulugan sa karapatang pantao. Aniya, itinali ang karapatang pantao sa literal na karahasan, hindi lumalagpas para saklawin ang mga patakarang pang-ekonomiyang sanhi ng mga paglabag dito. Aniya, mahalaga sa depolitisasyon ng karapatang pantao ang naging pagpondo ng Ford Foundation – na ginustong iligtas ang sariling reputasyon matapos magpagamit ang marami sa mga ekonomistang pinag-aral nito sa mga diktadura.

Neopandemic3

Kahanga-hanga ang pagsubaybay ni Klein sa mga alagad ni Friedman, mga miyembro ng Chicago School – sa kanilang pagkahubog at paglilingkod sa mga diktadura at sa mga epekto ng mga patakarang tulak nila. Sa panahong lantarang pinupuri ni Gerardo Sicat, ekonomista ng diktadurang Marcos, si Cesar Virata, punong ministro ng naturang diktadura, sana’y may ganito ring paglalantad sa mga neoliberal na ekonomista ng bansa na nagkakampo sa School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas. Hindi kataka-taka marahil na ang argumento ni Solita Monsod laban sa pagsubsidyo ng gobyerno sa sariling pamantasan – na mayayamang estudyante ang makikinabang rito – ay argumento rin ni Friedman laban sa pagsubsidyo sa serbisyong pangkalusugan.

Kwento ni Klein, matapos salantain ng tsunami ang Sri Lanka noong 2004, hindi na pinabalik ng gobyerno ang mga maralita sa mga tabing-dagat para makapagtayo ng mga resort ang malalaking kapitalista – isang halimbawa ng doktrinang gulantang. Aniya, sinasamantala ang kalagayang “blangkong papel” na dulot ng mga disaster para makapagpatupad ng bagong kaayusan. Maaalala ang dramatikong pagdating ng mga tropang Kano matapos ang superbagyong Yolanda – paghahanda sa pagpasa sa Enhanced Defense Cooperation Agreement pagkatapos. Gayundin ang “no-build zones” na kaakibat ng pagtatayo ng mga bunkhouses habang ang mga mall ay nasa parehong sona, ang halos-permanenteng pagposisyon ng mga internasyunal na NGO, at iba pa.

Sa dulo, nakakakumbinsi ang balangkas ni Klein at mainam na paalalang babala ito sa mga progresibo: sinasamantala, kung hindi man nililikha, ng mga naghahari ang iba’t ibang porma ng paggulantang para isulong ang kanilang proyektong maka-kapitalista. Ramdam ang pulitikang New Left ni Klein sa libro, katulad sa pagpuri niya sa umano’y mga desentralisadong organisasyon sa Latin America bilang pagsisikap ng mga mamamayan na biguin ang mga pagtatangkang gulantangin silang muli. Pero kung matutukoy at mailulugar ang ganitong mga pagkakataon, mabibigyang-halaga ang libro ni Klein bilang mahusay na buhay na salaysay ng pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal sa maraming bahagi ng daigdig – na mainam mabasa ng marami.

17 Disyembre 2014

Galing ang mga larawan dito.

Magandang sipi mula kay Bill Fletcher, Jr.: “Real politics… is not about flying the perfect flag, or giving the most radical speech, but instead concerns the process of giving a critical mass of people a sense of hope driven by a vision and strategy that suggests that not only must we win, but that we actually can win.”

Magandang obserbasyon mula kay Chris Rock: “Being a comedian, 80 percent of the job is just you notice shit, which is a trait of schizophrenics too. You notice things people don’t notice.” Magandang depensa ni Alain Badiou sa sarili at sa Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa Tsina laban sa isang naninira. Magandang panayam kay Angela Y. Davis.

Lagay ng Panahon

Bago si Kuya Kim ay si Ernie Baron. At bago si Ernie Baron ay si Amado Pineda – isang empleyado ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pag-asa na naghahatid ng balita sa telebisyon. Noon iyun, nang hindi pa minamaksimisa ng mga estasyon sa telebisyon ang ulat hinggil sa lagay ng panahon para magpasikat ng talento nila.

Karakter si Amado Pineda: halatang mahiyain at nailagay lang sa harap ng telebisyon, nakasalamin sa mata at naka-polo barong. Sobrang karakter, ginaya-gaya siya noon ni Tessie Tomas. Pero noon iyun, bago pa si Jon Santos, sa panahong ang impersonator ay maraming kayang gayahing karakter – kaiba sa panahon nina Pooh, Ate Glow o, sige na nga, Angelica Panganiban.

Mukha talagang kawani ng gobyerno si Amado Pineda. Nawala siya sa tanaw ng publiko at hindi na napalitan ng katulad niyang kawani. Sa panahong wala siya, nagmukhang ahensya ng mga eksperto ang Pag-asa na pana-panahong kinaiinisan sa maling ulat, at bihirang mapuri sa wastong ulat. Nitong huli, mismong si Pang. Noynoy Aquino ang nangunguna sa pagsabon sa kanila.

Nitong huli, mga kawani ng Pag-asa ang naging laman ng balita. Nagprotesta sila sa pagtanggal sa ilang benepisyo at marami ang naantig sa kalagayan nila. Habang krusyal ang ulat nila kung may pasok o wala dahil sa bagyo, mayroon pala sa kanilang hindi makapasok sa opisina kahit maaraw dahil kulang ang sweldo. Habang krusyal ang ulat nila sa pagliligtas ng buhay, may namatay na pala sa kanila dahil kulang ang pambili ng gamot. Masama ang lagay ng mga taong inaasahan nating maagap na maghahatid sa atin ng eksaktong lagay ng panahon.

Nakakainis, gaya ng lagi na, ang tugon ng pangulo ng Pilipinas. Ang bali-balita – sige na nga, tsismis – sa Twitter, hindi pakikinig at pakikipagdiyalogo ang ginawa ni Aquino sa mga taga-Pag-asa. Sinermunan niya ang mga ito, na halata kahit sa balita. “Dumadanas tayo ng masamang panahon… at nagdurusa pa rin ang mga naapektuhan ng pagbaha. Huwag na tayong dumagdag pa,” sabi niya sa mga kawani, parang pikong haciendero kausap ang mga kasama. Hindi raw dapat maging hadlang ang isyu sa pagganap ng mga kawani sa kanilang “tungkulin” sa publiko.

Heto na naman tayo. Nagprotesta lang naman ang mga taga-Pag-asa, hindi pa nga nagbantang magwelga – na, ayon sa batas, ay bawal sa mga kawani ng gobyerno. Nangako naman si Aquino na ibibigay ang kahilingan ng mga kawani, bagamat sa kasunod na araw pa inanunsyo kung kailan. Pero hindi siya umako ng pananagutan sa kalagayan ng mga kawani ng Pag-asa – kung bakit tinanggal ang benepisyo nila, kung bakit mababa ang sahod nila, kahit ng matatagal na sa serbisyo. Siya pa nga itong galit, iritadong nagsasalita sa ngalan ng publiko.

Hindi lang iyan mauugat sa palaging pag-iwas ni Aquino sa sisi dahil baka bumaba ang kanyang popularity ratings, bagamat totoo rin iyan. Tinatawag ng insidente sa Pag-asa ang pansin natin sa pagiging sunud-sunuran ng gobyerno sa neoliberalismo na, ayon kay Prop. Jose Ma. Sison, “ay mahigpit na naninindigan laban sa pag-ari ng Estado sa anumang kagamitan sa produksyon at anumang interbensyon ng Estado sa ekonomiya, maliban kung binibigyang nito ang mga pribadong kapitalista ng pabor na mga oportunidad para magkamal ng tubo…”

Tinatawag ng insidente sa Pag-asa ang pansin natin sa kung paano ginagamit ng gobyerno, sa panahon ng neoliberalismo, ang retorika ng “tungkulin sa bayan” para takasan ang hindi pagtupad sa mga tungkulin nito sa bayan. Kakambal ito ng pagsisi sa mahihirap sa mga suliranin ng bansa. Bitag ito para sa mga nasa panggitnang uri na naghahangad ng pagbabago, tagahanga ng sinabi ni John F. Kennedy na “Huwag mong itanong kung ano ang magagawa para sa iyo ng bansa mo…,” mapagkawanggawa, at negatibo ang tingin sa pagpoprotesta.

Ang gobyerno ang dapat instrumento ng mga mamamayan para magtulungan, para magbayanihan – kahit pa binababoy ngayon ng gobyerno ang pakahulugan ng salitang iyan. Ito lang ang may potensyal, may kapangyarihan at rekurso, para matulungan ang nakakarami, kung hindi man lahat, ng mahihirap. Hindi sapat ang pagtulung-tulong, tuluy-tuloy man at lalo na kung pana-panahon; matutuwa lang diyan ang gobyerno dahil pinupunuan ang ipinagkakait nito.

Tungkulin nating labanan ang paggamit ng gobyerno sa “tungkulin sa bayan” laban sa kapakanan nating mga mamamayan. Sa panahong tinatakasan ng gobyerno ang mga pundamental na tungkulin nito sa mga mamamayan, lalong tungkulin nating mga mamamayan na maggiit sa gobyerno. At kung hindi pa rin ito tatalima sa ating mga panawagan, tulad ng nangyayari ngayon, tungkulin nating pag-isipan kung ano ang dapat gawin dito. Sa ganyan lang tayo magkakaroon ng tunay na pag-asa sa masamang lagay ng panahon ngayon.

24 Agosto 2012

Galing ang larawan dito.

Sa wakas! Naayos ko na rin ang Mga Links ng Kapirasong Kritika. Kung may nakalimutan o komento, magkomento na lang sa baba.

May maiksing parangal para si Jam Jacob kay Daniel Imperial. Mga paboritong awtor ni RM Topacio-Aplaon. Si Joma Sison? Amado Hernandez, Nick Joaquin at Gelacio Guillermo sa mga Pilipino at sina Ernest Hemingway, Bertolt Brecht at Pablo Neruda sa mga dayuhan.

Prospek ng Occupy sa Pilipinas

Marami sa mga progresibo ang katulad ngayon ni Prop. Leonor Magtolis-Briones ng Unibersidad ng Pilipinas: nagmumuni tungkol sa posibilidad ng pagputok ng protestang Occupy sa bansa. Halata ang simpatya niya sa pagkakaroon ng lokal na kaakibat – higit pa sa lokal na bersyon – ng ganitong protesta sa mundo. Sa isang banda, nakilala siya bilang isa sa mga lider-estudyante na nagsalaksak ng trak ng bumbero sa tarangkahan ng Malakanyang noong Sigwa ng Unang Kwarto. Anu’t anuman, heto ang ilang ambag ko sa mga umiinog na talakayan hinggil sa prospek ng protestang Occupy sa ating bansa:

(1) Mainam ang kalagayan. Hindi na siguro kailangang isa-isahin pa ang mga isyung nagpapatunay na tumitindi at titindi pa ang kahirapan at kagutuman ng mga mamamayan. Sa pangkalahatan, ang mga interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, ng mga dayuhang bangko, ng malalaking panginoong maylupa, at ng mga tiwaling pulitiko ang nananaig sa bansa. Ang gobyernong Aquino, bukod sa pagpanig sa mga nabanggit na grupo, ay nagpapatupad ng di-idinedeklarang programa ng pagtitipid o austerity para sa mga mamamayan, habang pinapatindi rin ang paghuthot sa huli. Minana rin nito ang napakaraming komitment na neoliberal ng mga naunang rehimen.

(2) Ang mga aktibistang pambansa-demokratiko ang nasa pinakamainam na katayuan na pamunuan ito. Bukod sa sila ang pinakamarami, sila rin ang pinakalubog sa masa. Sila rin ang tuluy-tuloy na naglalantad at lumalaban sa pagpapatindi ng kahirapan at kagutuman. Hindi maaasahan ang mga grupong nagpapakilalang “Kaliwa” pero todong nagpalamon sa gobyernong Aquino. Takot na takot silang magalit ang kanilang alyado dahil sa kung anong protesta; takot na takot silang matanggalan ng posisyon at sweldo sa gobyerno. Hindi nila iniisip ang magandang kalagayan para magmulat at mag-organisa dahil wala naman silang tinatanaw na rebolusyon sa saklaw ng kanilang buhay.

(3) Nakatuntong ito sa lawak at lakas ng mga naunang protesta ng mga mamamayan. Sa propaganda, may naipundar nang puhunan hinggil sa iba’t ibang isyu; ang hamon ay kung paano ikakawing at itataas ang mga ito – sa isang paraan na madaling maunawaan ng marami. Sa lunsaran ng protesta, may mga nahawan nang sentro ng protesta; ang hamon ay kung paano eengganyuhin ang mga mamamayan sa paligid nito na lumahok. Sa mahalagang suporta ng mga nasa panggitnang uri, sila mismo ay nakakaramdam ng krisis at sila ang mas inaabot, sa pamamagitan ng Facebook at iba pang social networking sites, ng impormasyon at ahitasyon hinggil sa protestang Occupy sa US.

(4) Ang isang susi ay ang pagtukoy sa puntirya ng protesta batay sa iba’t ibang isyu. Sa US, “corporate greed” ang tampok na target ng protesta. Sa Pilipinas, isang panukala ang “Kapitalistang Gahaman, Kasabwat na Pamahalaan.” Sa US, ang panahong binabalik-tanawan ay ang “gera kontra-terorismo” simula 2001 at tampok ang pagsambulat ng matinding krisis noong 2008. Sa Pilipinas, maaari ring simula 2001, sa bungad ng pagrereyna ni Gloria Macapagal-Arroyo. O mas maaga, sa 1992, bungad ng rehimen ni Fidel Ramos. Kung ang huli ang pipiliin, kailangan at ibubunga ng protesta ang pagbuo sa kamalayan ng mga mamamayan ng epekto ng neoliberalismo sa bansa.

(5) Mahirap kung ilulunsad ang protestang Occupy sa Makati na, tulad ng Wall Street, ay sentro ng pampinansyang aktibidad sa bansa. Malayo kasi ito sa malawak na mamamayan na maaasahang lalahok. Maaari ang Maynila para malapit sa mga sentro ng kapangyarihan at tradisyunal na pinagraralihan, tulad ng Mendiola at US Embassy. Pero ang mahalaga ay kung saan ito makakaakit ng malawak na paglahok at suporta ng mga mamamayan. Pwede ang Morayta, Welcome Rotonda, o Quezon City Memorial Circle. Ayon sa isang balita, nakaasa ang mga nagpoprotesta sa Wall Street sa kabaitan ng Burger King sa pagpapagamit ng kubeta. Ganito kaya ang mangyayari sa bansa?

(6) Ilan pang punto: Mas mainam kung hindi magtatagal ang protesta nang walang taning. Mas magiging rurok ito ng protesta, na maaaring tumagal nang ilang araw, pero hindi pipiliting isustine nang matagal. Ang mas mahalaga pa rin ay ang pag-abot, paghikayat at pagpapakilos sa paparaming mamamayan sa kanilang konsentrasyon. Tiyak na magiging mahalaga ang papel rito ng mga kabataan at estudyante, silang kayang tumao sa paglulunsaran ng protesta. Sigurado, may musika rito, na pwedeng pana-panahon o gabi-gabing rumurok sa mga konsyerto. Babalik-aralan at tutugtugin ang maraming awit at himig ng protesta, at maging mga awit at himig ng pagrerebelde.

24 Oktubre 2011

Galing ang mga larawan sa maaasahang si Curate.

Magandang laging tingnan ang kolum ni Priscilla Pamintuan. May parangal-kritika si E. San Juan, Jr. sa modernistang makatang si Alejandro G. Abadilla: hindi pa raw ito lubos na nakahulagpos sa burgis na indibidwalismo.

Para raw puga sa batas ang mga walang bahay sa Amerika, sabi ni Barbara Ehrenreich. Agit naman ang sulatin ni Mike Davis tungkol sa protestang Occupy, liban lang sa pagkiling niya sa “anarkistang posisyon.”

Hinggil sa mga pasimuno ng kampanyang We are the 99%. May yugtu-yugto sa pag-unawasa Occupy Wall Street, sabi ni Immanuel Wallerstein. Gumuguhit ng linya si Michael D. Yates sa pagitan ng mga liberal at Marxistang ekonomista.