Paalala ng Maruming Gera

Henrik Drescher1

Sa mga mata ng sinumang taong nag-iisip nang matino, mahirap nang ikaila ang pananagutan ng gobyernong Aquino sa pagkamatay ng dalawang-araw na gulang na sanggol na si Diona Andrea nitong Mayo 18. Inaresto at ipiniit ang kanyang ina, si Andrea Rosal, noong pitong buwan siya sa sinapupunan. Tiyak na nagdulot ang pagkaaresto ng matinding stress at masamang lagay sa kulungan sa kanyang nanay.

Na hindi naman dapat, o ligal. Ang bintang ng militar at gobyerno kay Andrea Rosal ay lider siya ng New People’s Army, pero inaresto siya sa Caloocan City, hindi sa labanan. Nang maaresto siya, ipinanawagan na palayain siya agad sa batayang humanitarian o makatao, dahil buntis siya, pero hindi ito pinakinggan. Ipinanawagan din ang espesyal na atensyong medikal sa kanyang pagbubuntis, pero nagbingi-bingihan din dito.

Malinaw ang suri ng mga progresibong organisasyon at indibidwal sa social networking sites: ang tanging kasalanan ni Andrea Rosal ay anak siya ni Gregorio “Ka Roger” Rosal, na noong nabubuhay pa ay mukha ng NPA at tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines. Bukod pa sa ang kanyang ina ay namatay rin na isang NPA. Sa pagdakip sa kanya, waring sinentensyahan na ng kamatayan ang anak niya ng militar at gobyerno.

Ngayon, walang propaganda ng militar at gobyerno ang nakakapaglinis ng dugo ng sanggol sa kanilang mga kamay. Nagpahayag sila ng pakikiramay, na itinuring na insulto mula sa pumatay. Hindi rin pinaniwalaan, at nagsilbing patunay ng kalupitan, ang sinabi nilang ang matinding stress na dinanas ni Andrea Rosal ay dahil sa pagtatago umano sa batas. Ginawa pa nilang napakaiksi ng oras niya kasama ang patay na anak.

Nabalik sa alaala ng marami si Rebelyn Pitao, noo’y 20-taong guro ng pampublikong paaralan na pinatay ng militar noong Marso 4, 2009 sa salang pagiging anak ni Leoncio Pitao, “Kumander Parago” ng NPA sa Mindanao. Ayon sa imbestigasyon, ginahasa at sinaksak si Rebelyn ng mga dumukot sa kanya mula sa sinasakyan niyang traysikel noong pauwi sa bahay, bago iniwan ang kanyang bangkay sa isang daluyan ng irigasyon.

At napakarami pa ng dapat maalala. Pinakahuli lamang si Diona Andrea sa malaon nang tinawag na “maruming gera” ng gobyerno laban sa mga mamamayan. Marumi dahil hindi pinag-iiba ang NPA at di-armadong aktibista, at lalong hindi kinikilala ang karapatan ng mga inakusahang NPA. Marumi dahil hindi sinasanto ang internasyunal na makataong batas tungkol sa mga gera. Marumi dahil pinipiling maging marumi.

Henrik Drescher2

Maaalala ang napakaraming biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot. Ang daan-daang bilanggong pulitikal. Mga pambansang minorya at magsasakang biktima ng militarisasyon. Mga dumanas ng tortyur sa kamay ng militar, kapwa buhay at patay. Mga iligal na inaresto at ikinulong na dapat ay katransaksyon ng gobyerno sa usapang pangkapayapaan. Mga sinampahan ng gawa-gawang kaso, kapwa nakapiit at nagtatago.

Marami pang pwedeng alalahanin. Ang mismong human-rights worker na pinaslang. Ang taong simbahang pinatay sa pinalabas na insidente ng pagnanakaw. Ang babaeng NPA na ginahasa muna bago pinatay at niluray ang katawan. Ang sinaktan sa ari sa proseso ng tortyur. Ang pamilyang minasaker. At marami pang iba, na parang duguang lubid na nagdudugtong sa kasalukuyang gobyerno sa mga dayuhang sumakop sa bansa.

Ipinapakita ng pagpatay kay Diona Andrea na ipinagpapatuloy ni Noynoy Aquino ang maruming gera. Gamit ang midyang mainstream, pinagtatakpan niya ito ng paglaban umano sa korupsyon. Ipinagyayabang rin niyang umuunlad umano ang bansa, pero ipinapakita ng panunupil ng militar at gobyerno niya ang desperasyon sa harap ng tumitinding kahirapan at kagutuman na siyang nagpaparami sa mga NPA at aktibista.

At tuluy-tuloy na nakikita sa ilalim ni Aquino kung para kanino inilulunsad ang maduming gerang ito. Para sa US na binigyan ng karapatang magtayo ng base-militar saanmang bahagi ng bansa at kung gaano man katagal. Sa mga dayuhang kapitalista na gustong bigyan ng 100 porsyentong pag-aari ng lupa at negosyo sa Pilipinas. Sa mga kurakot sa gobyerno na kanyang pinoprotektahan o pakitang-tao lang na inuupakan.

Silang lahat, at ang kanilang paghahari, isinasakdal ng pagkamatay ni Diona Andrea.

21 Mayo 2014

Galing ang mga larawan dito.

Panayam sa Aprikano-Amerikanong feministang si bell hooks, isa sa mga paboritong awtor: makukuha ang impresyong pesimistiko siya sa lagay ng pagbabago at daigdig, at humahanap ng lakas sa kanyang kalooban.

May rasismong dapat bakahin ang Kaliwa ng US, sabi ni Gary Younge. Magandang pagsusuri at mga datos ni John Pilger hinggil sa kapangyarihang militar ngayon ng imperyalismong US. Nahuling maligayang kaarawan kay Fredric Jameson!

Interesanteng pagtingin sa konsepto ng “Western Marxism” ni Perry Anderson ni Peter D. Thomas, eksperto sa mga sulatin ng Italyanong Komunistang si Antonio Gramsci. Awtoritatibong kritika ni David Harvey sa kontrobersyal na librong Capital ni Thomas Picketty.

Advertisements

Train of Thought

Albin Brunovsky

Noong Enero, inianunsyo ni Sek. Emilio Abaya ng Department of Tranportation and Communications na ipinagpapaliban muna ng gobyerno ang planong itaas ang pasahe sa MRT at LRT. Nitong Pebrero, pagkatapos ng kulang-kulang isang buwan, ipinagtanggol ni Pang. Noynoy Aquino ang hakbangin. Sabi ng pangulo, una, hindi patas na pinapasan ng buong bansa ang gastos sa mga tren gayung mga residente lang ng Metro Manila ang nakikinabang sa mga ito. Ikalawa, mas maganda ang serbisyo ng mga tren kumpara sa mga de-aircon na bus sa Edsa – na mas mahal ang singil kumpara sa mga tren – at dapat lang magbayad nang mas mahal para sa mas magandang serbisyo.

Ang unang dahilan, minsan nang sinagot ni Sen. Ralph Recto: Kalakhan ng buwis na nakokolekta sa bansa ay mula sa Metro Manila kaya masasabing walang buwis mula sa mga probinsya na napupunta sa MRT at LRT. Tapos na sana ang debate, at ipinapakita ng argumento ni Recto na kahit sa balangkas ng pangangatwiran ni Aquino ay talo ang pangulo. Pero may mapanganib na implikasyon ang naturang balangkas, kaya kauna-unawang hindi ginamit ng mga grupong tutol sa dagdag-pasahe ang argumento ni Recto. Ang balangkas nina Aquino at Recto: Ang serbisyong tinatamasa ng isang entidad, halimbawa’y lugar o tao, ay dapat tinutumbasan ng buwis na ibinabayad nito.

Sinagad ni G. Sammy Malunes, tagapagtipon ng Riles Laan sa Sambayanan (Riles) Network, ang naturang balangkas para ilantad ang problema rito: “Dapat bang itigil ng gobyerno ang pagpapatayo ng mga pampublikong paaralan at ospital sa malalayong lugar dahil hindi papakinabangan ang mga ito ng mga nagbabayad ng buwis mula sa ibang bahagi ng bansa? Dapat bang  bayaran ng indibidwal na mamamayan ang buong gastos sa lahat ng serbisyong panlipunang tinatamasa niya?” Sa ganitong batayan niya direktang sinabing patas lang – o hindi di-patas – na subsidyuhan ng mga Pilipino, kahit iyung mga hindi regular na sumasakay sa mga tren, ang pagtakbo ng MRT at LRT.

Iyun namang ikalawang dahilan ay mas madaling ilantad. May kakambal na normatibo ang paniniwalang dapat magbayad nang mas mahal para sa mas magandang serbisyo: Ang walang kakayahang magbayad nang mahal, walang karapatang magtamasa ng mas magandang serbisyo. Pagbibigay-katwiran ito sa pribilehiyo ng iilan sa lipunan, o sa elitismo. May ka-triplet na deskriptibo pa pala: Kaya ganyan lang ang mga serbisyong tinatamasa ng mahihirap ay dahil wala silang pambayad sa mas magandang serbisyo. Pagbibigay-katwiran ito sa umiiral na kalagayan ng nakakarami sa lipunan. Pagbibigay ito ng mababang halaga sa maralita at ng mataas na halaga, syempre pa, sa mayayaman.

Albin Brunovsky4

Ang wala sa eksena sa balangkas nina Aquino at Recto ay ang papel ng gobyerno – o ang papel ng gobyerno sang-ayon sa isang pag-unawa. Noon, ang gobyerno ay tinitingnan na mekanismo para magtulungan ang mga mamamayan, at ang buwis ay dapat ginagastos para sa kanilang pangkalahatang kapakanan at interes. Ito ang pag-unawa sa gobyerno na sistematikong tinibag at tinitibag ng neoliberalismo, ang doktrinang isinusulong ni Aquino at kahit ng inapo ng makabayang si Sen. Claro M. Recto. Itong gobyernong bukambibig ang “bayanihan,” sa aktwal ay kampeon ng pagpapabaya ng gobyerno, pagkakanya-kanya ng mga  mamamayan, at kawalang-tulong para sa nangangailangan.

Pagsusulong ng interes ng malalaking kapitalista ang esensya ng neoliberalismo. At ang pinaka-harapang paliwanag nito ay ang tinatawag na “trickle-down economics.” Pwede kaya itong isalin na “ekonomiks ng pagdaloy ng mga patak”? Taliwas sa paliwanag ni Nicole C. Curato, kolumnista ng Rappler, ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ay hindi sinisikap bigyang-katwiran sa batayan ng pagiging karapat-dapat sa premyong pinansyal ng mga kapitalistang lumilikha ng trabaho. Ang pseudo-siyentipikong paliwanag: Kapag nakokonsentra ang yaman sa iilan, papatak-patak itong dadaloy pababa, patungo sa mga karaniwang mamamayan – mula 1% patungo umanong 99%.

Anu’t anuman, isiniwalat ng unang State of the Nation Address ni Aquino ang isang katotohanan tungkol sa mga patakarang neoliberal – at sa kaso ng MRT mismo. Aniya, “ibinatay sa maling pulitika” ang pamasahe sa MRT at sinubukan daw ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo na “bilhin ang… pagmamahal” ng publiko kaya “pinilit ang operator na panatilihing mababa ang pamasahe.” Ibig lang sabihin, nagpapanggap mang may siyentipikong lohika ang mga patakarang neoliberal, ipinapailalim pa rin sila sa mga konsiderasyong pulitikal: Hindi naitaas ang pamasahe sa MRT dahil may panganib noong magdulot ito ng lalong galit sa nanganganib mapatalsik na si Arroyo.

05 Pebrero 2014

Galing ang mga larawan dito.

Maganda ang isinulat na ito ni Jeanette Winterson hinggil sa sining. Malinaw ang pagiging kritikal niya sa kapitalismo. “Walang nag-aaral sa akin maliban na lang kundi bilang kung anong buburahin,” sabi ng Aprikano-Amerikanong makatang si Audre Lorde sa magandang talakayan niya sa kapwa-Itim na manunulat na si James Baldwin. Sa talakayang iyan ng dalawa, malinaw kung sino ang mas matalas sa usapin ng pagsasamantala sa usapin ng lahi at kasarian.

Sinong pumatay kay Martin Luther King, Jr.? Malinaw ang sagot ng mga radikal na mamamahayag na sina Alexander Cockburn at Jeffrey St. Claire. “Co-burn” daw ang bigkas sa apelyido ng naunang awtor. Hehe. Artikulong maganda, bagamat luma, tungkol sa pulitika ng rapper na si Kanye West, mula kay Salim Muwakkil. Ang historyador na si Benedict Anderson tungkol sa masaker sa mga Komunista sa Indonesia noong 1965.

Wanted: Foreign Workers

Neoliberal

Balitang-balita ngayon ang pahayag ni Rosalinda Baldoz, sekretaryo ng Department of Labor and Employment, tungkol sa pagpayag ng gobyernong Aquino sa mga dayuhan na magtrabaho sa Pilipinas. Ayon daw sa pag-aaral ng Bureau of Local Employment, sa isang proyektong pinondohan ng European Union, may 15 trabaho sa bansa – mula arkitekto hanggang chemical engineer, guidance counselor hanggang mekaniko ng eroplano – na kulang ang aplikante. Kulang daw ang aplikante dahil kulang ang mga gradweyt sa mga kursong katugma ng mga trabaho. Para mapunuan ang kakulangan, ani Baldoz, hindi na muna ipapatupad ang mga rekisitong itinatakda ng batas sa mga dayuhang mag-aaplay sa mga naturang trabaho. Pansamantala lang naman daw ang hakbangin hanggang makapagpagradweyt ng mga Pinoy na pupuno sa kakulangan.

Mabilis ang reaksyon ng mga progresibong grupo, ng mga komentarista at maging ng karaniwang tao: malaking kalokohan! Ang batayan nila: napakatindi ng kawalang-trabaho sa bansa. At hindi sila mauubusan ng malalagim na datos na pansuporta: Nangunguna ang Pilipinas sa pag-eeksport ng lakas-paggawa sa buong mundo at sa kawalang-trabaho sa buong Asya. Nitong mga nakaraang taon, dumarami ang mga Pilipinong lumalabas ng bansa para magtrabaho kahit lumiliit ang paglago ng remitans na pumapasok sa bansa. Pinakamarami ngayon sa kasaysayan ang walang trabaho sa Pilipinas, kahit pa dinodoktor ng gobyerno ang datos sa empleyo. Nagkalat ang mga sintomas ng malaganap na kawalang-trabaho: human trafficking, drug mule, pulubi at lagalag, prostitusyon kapwa sa kalsada at Internet, ilang milyong batang nagtatrabaho.

Bakit, kung gayon, nililikha ng gobyernong Aquino ang mito ng kakulangan ng mga aplikante para pahintulutan ang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa sa bansa? Una, dahil dikta ito ng mayayaman at makapangyarihang bansa, pangunahin ng US. Simula dekada ’80 at ’90, ipinapatupad ng malalaking kapitalista na naghahari sa gobyerno ng mga naturang bansa ang “liberalisasyon,” na mas tamang tawaging “deregulasyon,” ng pamilihan ng lakas-paggawa. Gusto nila ng akses sa mura at siil na lakas-paggawa sa mahihirap na bansa – sa pamumuhunan sa mga ito at sa pagkuha ng mga migranteng manggagawa mula sa mga ito. Isinulong nila ang layuning ito sa balangkas ng pagpapahintulot ng palitan ng lakas-paggawa – sa General Agreement on Trade in Services, halimbawa, kunwari’y pupunta ang manggagawang Kano sa Pilipinas.

Marx Balloon

Ikalawa, dahil malaganap ang kawalang-trabaho sa mundo ngayon dulot ng krisis pang-ekonomiya at pampinansya na pumutok noong 2008 at nagpapatuloy hanggang ngayon. Kung mayroon mang internasyunal na trend na binabantayan ngayon sa larangan ng paggawa, iyan ay ang kawalang-trabaho. Malaganap ito maging sa mga abanteng kapitalistang bansa: May seksyon ng walang trabaho sa Espanya at mga kahanay na bansa sa Timog Europa, halimbawa, na pumupunta sa Latin America para magtrabaho. Pero mas palitan ng lakas-paggawa kahit sa hanay ng mahihirap na bansa ang posibleng umigting, at dito mailulugar ang palagiang pagkukumpara ng minimum na pasahod sa kanila. Kinukudkod ang ilalim ng kaldero, kumbaga. Nangunguna rin ang Pilipinas sa usaping ito; tingnan na lang ang mga Pinoy sa ibang bansa sa Timog Silangang Asya.

Sa mga abanteng kapitalistang bansa, ang mga kilusang rasista at maka-Kanan ang maingay sa pagtugon sa isyu ng migrasyon at trabaho. Kaiba sa kanila, nasa Kaliwa sa bansa ang mga tumutugon ngayon sa pahayag ni Baldoz. Bukod sa naniniwala silang hindi katanggap-tanggap ang rasismo, malinaw sa mga tumutuligsa na ang puntirya ay ang patakaran ng mga naghaharing uri na kinakatawan ng gobyernong Aquino, hindi ang mga dayuhang manggagawa na maaaring pumasok sa bansa. Malinaw rin sa kanila na ang problema ay hindi ang pagsasalo ng mga Pilipino at dayuhan sa kakaunting trabaho sa bansa, kundi ang kakaunting trabaho sa bansa. Malinaw na ipinapakita ng patakarang ito ang kapalpakan ng gobyernong Aquino na lumikha ng disenteng trabaho sa bansa at ang pangangailangan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

17 Enero 2014

Galing ang mga larawan dito.

Maganda ang pag-uugnay ni Arnold P. Alamon ng patakarang inanunsyo ni Baldoz sa maiinit na balita sa bansa ngayon. Tama si Katrina Stuart-Santiago: Kapag ipinatupad ang patakaran, tiyak na permanente na ito at hindi temporaryo. Interesante ang mga impormasyon, kahit matagal na ang artikulo, ni Mong Palatino tungkol kay Andres Bonifacio. Magaganda ang larawan sa blog ni Vincent Silarde.

Mabuway raw ang usong konseptong “precariat,” sabi sa artikulong ito sa New Left Review. Isang pagsusuri sa Conditional Cash Transfer sa buong mundo mula sa parehong journal. Nagtatanong ang isang artikulo kung bakit walang mang-aawit na Aprikano-Amerikano ang may Numero Unong kanta noong 2013. Pinakahuling isyu ng Pingkian, teoretikal na journal ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy. Sino’ng manlilibre sa concert na ito? Hehe.

Mas Opyo kaysa Opinyon

Romare Bearden1

Syempre pa, kabilang ang mga manggagawa sa mga uring pinagsasamantalahan ng imperyalismong US sa Pilipinas. Mahaba na rin ang kasaysayan ng mga manggagawang Pilipino sa paglaban sa imperyalismo, simula pa noong bago ang unang kilos-protesta sa Araw ng Paggawa sa bansa, noong 1903, na may sentral na panawagang “Kamatayan sa Imperyalismo!” Sa pagitan ng dalawang puntong ito, ng pagsasamantala at paglaban, mailulugar ang mga obserbasyon niyang inudyukan ng titulo-probokasyon ng isang pang-akademikong kumperensyang nakita niya sa Facebook – “Wika at Imperyalismo.”

Pero saan siya kukuha ng kalipunan ng wika ng mga manggagawa? Wala siyang kopya ng mga mensaheng text mula sa kanilang mga cellular phones. O ng mga liham na ipinapadala ng mangilan-ngilan kanila sa pamilya sa probinsya. Bihira sa kanila ang aktibo sa mga social networking sites. Lalong mahirap makahanap ng sanaysay ng nakakarami sa kanila. Sa ganitong pagtatanong niya natumbok na kailangan niyang humango sa limitadong karanasan niya sa kilusang paggawa. Kailangan niyang tandaan ang mga napakinggan niya sa anumang inabot ng pakikisalamuha sa mga manggagawa.

Dahil hindi pa rin masigla ang wikang nakasulat sa hanay ng mga manggagawa habang masigla ang wikang pabigkas. Sa huli nila mas naisasatinig ang iba’t ibang hinaing at saloobin. Pero mula pagrereklamo sa mabigat na trabaho at maliit na sahod hanggang sa usap-usapan ng pagtatayo ng unyon, mula pagpaplano ng pag-uunyon hanggang mga talakayan at pag-aaral – lahat ng iyan, sa wika dumadaan. Sa sama-samang pagkilos naipaglalaban ng mga manggagawa ang kanilang mga karapatan at kahilingan, at inihahanda ang pagkilos na iyan ng pagsasalita, na nananalaytay rin sa mga pagkilos.

Armas ng mga manggagawa ang wika, na mahalagang uliting wikang pabigkas, sa paglaban para sa kanilang mga karapatan at kahilingan. (Pansining ang “salita” na “word” sa Filipino, na pwedeng nakasulat o binibigkas, ay malapit na agad sa “pagsasalita” o “to speak.”) Kapansin-pansing makulay ang mga salita nila sa pagbansag sa mga itinuturing na kalaban, tao man o patakaran. Sa bagay na ito, lumalabas ang kanilang kakayahan at hilig sa pagpapatawa, na nagiging pangungutya. Pedagohikal din: mabilis kumapit sa alaala ang iba’t ibang pangalan sa ganitong mga pagbabansag.

Romare Bearden2

Ang tawag nila sa mga porma ng patakarang neoliberal: LAPIDA, para sa Liberalisasyon, Pribatisasyon at Deregulasyon.
Sa kontraktwal na empleyo na pumuputol sa kontrata ng manggagawa matapos ang limang buwan para hindi umabot sa anim at maging regular, sa paraang nagpapaalala ng sardinas na laging kinakain sa sahod sa ganitong trabaho: 5-5-5.
Sa napakababang sahod, malayo sa antas na nakakabuhay o living wage: Libing wage.
Kay Noynoy Aquino na maihahalintulad sa nabugok na itlog: Penoy.
Sa sekretaryo ng paggawa na nag-assume ng jurisdiction sa Hacienda Luisita at nagligalisa sa masaker doon: Patricia Santatanas (Sto. Tomas).
Sa kasalukuyang sekretaryo ng paggawa na nagpatupad ng malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon sa Philippine Airlines: Rosalinda Baldozer (Baldoz).
Sa PTGWO o Philippine Trade and General Workers’ Organization, pederasyon ng dilawang Trade Union Congress of the Philippines na pahirap sa mga manggagawang miyembro nito: Pitong Taong Gutom at Walang Omento.
Ilan na nga ba ang kaso ni Lucio Tan? Walang nakakaalam? Hindi bale, lagi naman niyang nalu-Lucio Tan.

Kahit ang wikang nakasulat para sa mga manggagawa, nakabatay sa wikang pasalita. Ang polyeto para sa kanila, bukod sa dapat maka-manggagawa ang nilalaman, dapat epektibo ang porma: gumagamit ng pang-araw-araw na salita at maiikling pangungusap. Kahit parang prase o hirit ang ilang pangungusap, walang problema; hindi kailangang buo tulad sa mga sulatin sa mga paaralan o opisina. Mas madulas din ang ganitong porma para sa paghahayag ng galit. Ang isang sukatan: Hindi hihingalin ang nagbabasa. Pinakamainam kung ang mga pangungusap, nasasabi ng karaniwang manggagawa.

Sa kabilang banda, ano ang sinasabi ng mga kapitalista, sa pamamagitan ng mga manedyer at superbisor, sa mga manggagawa? Bukod sa dapat gawin sa trabaho, samu’t saring pagbabawal: mula pagpapahaba ng break hanggang pagkukumparahan ng pay slip, mula pagkuha ng larawan ng empresa hanggang pagpapahayag sa mga social networking sites. Wala masyadong paliwanag, maliban sa pangangalaga sa pangalan ng kumpanya. Pero may dalang takot, dahil sinusuportahan ng mga parusa – ultimo ang matanggal sa trabaho. Laging may nasasampolan, ginagawang panakot sa mga naiiwan.

Romare Bearden3

Anu’t anuman, hindi buu-buong doktrina ang ipinapatanggap sa mga manggagawa para magtrabaho nang payapa alinsunod sa “industrial peace” na ipinapataw ng gobyerno. Walang sistematikong paliwanag kung bakit maganda ang kapitalismo at malayang pamilihan o tungkol sa “Katapusan ng Kasaysayan.” Mas madalas, sa antas ng empresa, pilit pinapasunod ang mga manggagawa gamit ang banta ng pagtanggal sa trabaho. Ang mga kapitalista, matipid sa paliwanag sa mga manggagawa, pero sandamakmak naman ang mga mapanupil na patakarang ipinapatupad ng gobyerno pabor sa kanila.

Kung paggamit ng wika ng mga kapitalista sa antas-empresa sa layuning kumbinsihin ang mga manggagawa, mas ang pinakamalapit ay ang paggamit sa piling aspekto ng relihiyong Katoliko. Isa na diyan ang pagiging mapagpasalamat (“grateful”) sa lahat ng nangyayari, mabuti man o masama. Bukod pa ang pagpapahalaga sa pamilya at trabaho – na batayan para manawagang huwag alintanain ang masamang kalagayan sa paggawa at magbuhos pa ng sipag sa pagtatrabaho. Ang paggamit ng mga kapitalista sa wika, mas pagbabawal-pananakot kaysa pagkumbinsi, at kung sa huli, mas opyo kaysa opinyon.

Sa dulo, madaling mapansin ang pagbabawal at pananakot sa paggamit ng wikang Filipino ng imperyalismo at mga alyado nitong naghaharing uri kapag kausap ang mga manggagawa – sa loob ng empresa, mahalagang idiin. Madali ring mapansin ang pagbabansag at katatawanan na tampok sa paggamit ng wika ng mga manggagawang lumalaban. Kontra sa pira-pirasong paniniwala na inilalahad ng mga naghahari sa mga manggagawa, makikita sa wika ng mga lumalabang manggagawa ang pagsisikap kamtin ang lampas-empresa, mas malawak, kung hindi man buo, na pag-unawa sa kalagayan.

06 Setyembre 2013

Pahabol ang artikulong ito sa Buwan ng Wika. Galing ang mga larawan dito.

Marami nang nagrebyu sa libro ni Jonathan Crary tungkol sa pagtulog at kapitalismo, at mukhang interesante ito. Heto ang isa, na may magandang sipi mula sa libro: iyun daw mga aktibistang nag-oorganisa sa Internet “voluntarily kettle themselves in cyberspace, where state surveillance, sabotage and manipulation are far easier than in lived communities.”

Nakaka-miss maging bata. Kapag tumanda ka, maiintindihan mo. Mauunawaan sa isinulat ng makatang si Charles Simic. Basahin: artikulong maraming impormasyon tungkol sa Brazil, at nagbibigay ng silip sa mga posibilidad sa hinaharap ng pagdami ng mga maralitang lungsod sa mundo. Interesanteng artikulo ni Vicente L. Rafael tungkol kina Edward Snowden at Trayvon Martin.

NGO Superpower

Bernard Safran 1

Ayon sa mga balita, susi ang papel ng mga “pekeng non-government organization” o NGO sa sumabog na eskandalo kaugnay ng pork barrel ng mga kongresista at senador. Pinadaloy ng mga mambabatas ang kabang-bayan sa mga pekeng NGO, na itinuring sigurong hindi kakwestyon-kwestyon, kapani-paniwala at kapuri-puri pa nga na paglagakan ng pera. Sa gitna ng kontrobersya, nagpahayag ng pagkabahala ang Caucus of Development NGOs o Code-NGO na nakakaladkad daw ang reputasyon ng mga “lehitimong NGO” sa putikan ng anomalya. Kung magsalita, parang napakalinis ng grupong ito, na nasangkot din sa eskandalo sa tumataginting na halos P2 bilyon noong bungad ng rehimeng Arroyo, binigyan umano ng premyo kapalit ng pagtulong sa pagpapabagsak sa rehimeng Estrada.

Tama man o mali, batay sa maraming NGO sa bansa, peke man o totoo, mayroong reputasyon ang Pilipinas sa buong mundo na “NGO Superpower.” Humahango ng lakas ang reputasyong ito hindi sa kung anumang “pag-unlad” o “pagbabago” na iniluluwal ng napakaraming NGO sa bansa, kundi sa tuluy-tuloy at sumasambulat na mga protesta laban sa kawalan ng pag-unlad at pagbabago. Sa kung anong dahilan, ang naturang mga protesta ay inaangkasan ng mga NGO o naididikit sa kanila ng mga NGO sa daigdig at ng mga funding agency na sumusuporta sa kanila. Tiyak, may paghanga ang ibang tumatawag sa Pilipinas nang ganito; pero tiyak ding may pagkutya, lalo na ang mga nakakaalam sa pagiging kwestyonable, kung hindi man maanomalya, ng marami sa mga NGO sa bansa, at maging sa mundo.

Ayon sa anti-imperyalistang sosyologong si James Petras, lumaganap ang mga NGO sa Ikatlong Daigdig sa tatlong konteksto: Una, sa panahon ng mga diktadura, bilang ligtas na atrasan ng mga kritikal na intelektwal. Ikalawa, sa panahon ng paglakas ng mga kilusang masang anti-diktadura, bilang tagapagsulong ng pagpapatalsik sa diktadura nang kaiba, kung hindi man kontra, sa mga kilusang anti-imperyalista at nang pakitang-tao lang ang pananawagan ng pagbabagong pang-ekonomiya. At ikatlo, sa panahon ng pag-igting ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista bilang tagapagpahina sa paglaban sa mga patakarang dikta ng mga imperyalista – direktang tagapagpabango ng mga patakarang ito o tagapaglihis ng atensyon mula sa mga ito tungo sa mga gawaing pang-ekonomiya na hiwalay sa pulitika.

Bernard Safran 2

Malinaw na binabanggit ni Petras ang Pilipinas bilang halimbawa. Ang tinutukoy: ang dekada ’80 at pagkatapos, mula paghina ng diktadurang Marcos hanggang pagkatapos nito. Nasa transisyon noon ang pagsuporta ng imperyalismong US mula sa mga lantad na pasistang diktadura sa Ikatlong Daigdig tungo sa mga pasistang diktadurang may pagpapanggap na demokratiko. Bumuhos ang pondo galing sa mga imperyalistang bansa patungo sa mga NGO sa Ikatlong Daigdig. Namayagpag pa ang mga NGO sa dekada ’90, panahon ng “Katapusan ng Kasaysayan,” “Pax Americana,” at todo-todong neoliberalismo sa daigdig. Pinalabas ang “civil society,” sa pangunguna ng mga NGO, na pambalanse sa makapangyarihang Estado at Merkado (hindi sinasabing malalaking kapitalista) pabor sa mga mamamayan.

Magandang isingit ang tendensyang “popular na demokrasya” o “pop-dem” na sumulpot sa Kaliwa sa Pilipinas noong dekada ’80. Ayon kay Alex Magno, pop-dem na akademiko noon, layunin ng pop-dem ang pagkakaroon ng “masiglang atmospera ng pampulitikang pluralismo at malalakas na inisyatiba mula sa mga… non-governmental organizations.” Sa mga sanaysay niya sa librong Power Without Form [1991], makikita ang modus operandi nila noon: ang ambisyong pagkaisahin ang lahat ng pwersang kontra-diktadura ala Nicaragua at ang paghahain ng “Estadong popular-demokratiko” na katanggap-tanggap sa lahat ng naturang pwersa sa layuning isantabi ang tunay na alternatibang pambansa-demokratiko. Naging kapalit ng pag-agaw sa kapangyarihang Estado ang paggigiit sa Estado gamit ang mga NGO.

Paano uunawain, kung gayon, ang reputasyong “NGO Superpower” ang Pilipinas? Ang tiyak na nagdiriwang dito, ang nakakaraming pera-perang NGO na sa ibang bahagi ng bansa ay nagsusulputan sa bawat kanto, salamat sa mabilis na pagkilala sa mga NGO sa Pilipinas. Desisyon at hakbangin ito ng imperyalismo at mga naghaharing uri, ang gawing NGO Superpower ang Pilipinas, para tapatan ang malakas na anti-imperyalistang kilusan dito. Ang naturang kilusan, inilalantad ang ugat ng naturang bansag, habang may mga progresibong NGO na tunay na nagsusulong ng pagbabago – binabaligtad ang mesa kumbaga, at ang mumong ibinibigay ng mga imperyalista sa layuning pahupain ang rebolusyonaryong paglaban ng masa ay sinasamsam, kumbaga sa armas, para paglagablabin ang huli.

04 Agosto 2013

Galing ang mga larawan dito. Napalapit ang sikat na ekonomistang si Paul Krugman sa Marxismo, hindi lang niya magawang yakapin ito.

Filipinas Got Problem

Nanami Cowdroy1

At mayroon na ngang resolusyon ang Komisyon ng Wikang Filipino na “ibalik ang gamit ng ‘Filipinas’ habang pinipigil ang paggamit ng ‘Pilipinas’ upang mapalaganap ang opisyal at modernisadong katawagan ng bansa na kumikilala sa kasaysayan at pag-unlad ng pagkabansa nito.” Noong 12 Abril pa pala ito napirmahan, siguro’y itinago muna para hindi maging “kontrobersyal,” kahit paano, noong kampanya sa eleksyon.

Paliwanag ni Komisyoner Virgilio S. Almario, tagapangulo ng KWF, sa isang kolum na nalathala noong 1992 at nasa website ngayon ng ahensya, “mas una at orihinal” ang “Filipinas” kumpara sa “Pilipinas.” Ito ang itinawag sa bansa ng mga mananakop na Espanyol, tatlong siglong nakilala sa pangalang ito ang bansa, ito ang ginamit sa proklamasyon ng kalayaan noong 12 Hunyo 1898, at ito ang ginamit ng mga bayani.

Malayo sa marangal na kasaysayan ng “Filipinas” ang aba, kung hindi man pipitsuging, kasaysayan ng “Pilipinas.” Nitong bungad lang ng ika-20 siglo lumabas ang “Pilipinas,” sa panahon ng manunulat na si Lope K. Santos, kaugnay ng paggamit ng abakadang Tagalog na walang “F,” opisyal na ginamit sa panahon ng kolonyalismong Hapon, at lumaganap noong dekada ’50 kaugnay ng pagbansag sa wikang pambansa na “Pilipino.”

Dagdag pa ni Almario, “Filipino” ang tawag natin sa wika natin kaya dapat “Filipinas” ang itawag sa bansa natin. Hudyat daw ang ganitong pagtawag sa wikang pambansa ng “modernisasyon at pagiging pambansa ng wika” – malay sa paghalaw ng wika sa bansa at labas nito. At panghuli, ani Almario, mapapadali ng “Filipinas” ang pagtuturo ng ispeling: wikang Filipino at taong Filipino sa Ingles, Filipino at Pilipino sa Filipino.

Hindi ako makumbinsi. Mas una at orihinal man ang “Filipinas,” bansag naman ito sa atin ng mananakop. Nahuli man at hindi orihinal ang “Pilipinas,” may marka na ito ng pag-angkin nating mga Pilipino. Bakit gusto nina Almario at ng KWF na maging matapat at ulirang tagasunod ni Haring Felipe II ng Espanya? Karapat-dapat ba ang hari na namayagpag sa kaigtingan ng kolonyalismo sa daigdig sa ganitong parangal?

Nanami Cowdroy2

Sang-ayon ako sa pagpasok ng titik “F” sa alpabetong Filipino; sang-ayon din ako sa paggamit ng “Filipino” sa pakahulugang ibinigay dito ng mga pasimuno. Pero ang totoo, hindi talaga kasing-dami ang mga salitang gumagamit ng “F” kumpara sa gumagamit ng “P” sa ating wika. Ilang bata na bang normal na nagsasalita sa bahay ang pinagalitan ng guro dahil hindi mabigkas ang salitang may “F” o naipagpalit pa nga ito sa “P”?

Tiyak, kokontrahin ni Almario ang ganitong paniwala. Kilala kasi siya sa pagtutulak ng paggamit ng “aspekto” halimbawa, kumpara sa “aspeto” dahil mas malapit ang nauna sa orihinal at pinaghalawang Espanyol. Maaaring marami siyang palalabasing salita na dapat ay “F” at hindi “P” ang ginagamit natin. May pagpreno siya sa paniniwalang kaligtaan na ang pinaghalawan, kung anong bigkas ay siyang baybay, at iba pa.

Kaya nga ang debate sa wika ay hindi lang debate tungkol sa wika; may pulitika rito. Sa isang banda, dapat igalang ang orihinal na wikang pinaghahalawan ng mga salita natin. Sa kabilang banda, nagbabago ang wika at may nagiging popular na hindi wasto ayon sa mga eksperto. Lagi’t laging babalansehin ang dalawa. Pero may prinsipyong dapat manaig sa kanila: Ang isulong ang kalayaan ng bansa kahit sa usaping pangwika.

Sa isang pagtingin, hindi na nagbago si Almario, na lagi’t laging tinutuligsa ng mga kasabayan niya sa pagtalikod sa aktibismo at paglilingkod sa Batas Militar. Parang diktador niyang ipinataw ang patakaran sa “Filipinas,” pinagmumukhang makabayan pero pabor sa kolonyalista. Patuloy ang obsesyon sa “F”: Fascism, Ferdinand.

01 Hulyo 2013

Galing ang mga larawan dito.

Napakagandang sulatin ni dating Kong. Mong Palatino, aktibista’t blogger, tungkol sa pagiging kongresista. At balik-tanaw sa isang entri niya tungkol sa pagiging tatay. Basahin ang pagmumuni ni Carol P. Araullo hinggil sa araw ng kalayaan, o ng kawalan nito, ng Pilipinas.

Maganda ang anggulo ni Arnold P. Alamon, kolumnista ng SunStar.com hinggil sa kontrobersyang kinasangkutan nitong huli ni Pol Medina Jr., awtor ng komiks na Pugad Baboy. Ang totoo, magaganda ang kolum niya: Heto ang tungkol sa pagtuturo, heto ang mga obserbasyon niya sa dalawang kaso ng pagpapakamatay, at heto na lang ang buong arkibo ng mga kolum niya.

Basahin at tiyak na babalik-balikan: limang misteryo ng eleksyong 2013 ayon kay Jose Carlos L. Maningat. Tungkol sa ikatlong asawa ni Nelson Mandela, si Graca Machel.

BoboBotanteBinayBashing

Ryszard Kaja 1

Pagkatapos ng araw ng eleksyon nitong Mayo 13, bumaha sa social networking sites ang dalawang bungkos ng sentimyento. Una, bobo ang mga botanteng Pilipino. Ikalawa, hindi karapat-dapat si Nancy Binay na manalo bilang senador. May mga pagkakataong nagdudugtong ang dalawa: Bobo ang botanteng Pilipino at patunay niyan ang pagkahalal sa batang Binay bilang senador. Pareho ang tinutungo ng dalawa: ang maliitin ang masang Pilipino, na siyang nakakarami sa mga botante, at itaas ang mga nasa panggitnang uri, na siyang nakakarami naman sa mga social networking sites.

Bakit pagmamaliit sa masa ang naging pag-insulto kay Binay? Maraming paraan kung paano siya pwedeng insultuhin. Pero ang naging porma ng pag-insulto sa kanya ay pag-insulto sa masa: walang kakayahan, puro on-the-job training at walang karanasan sa trabaho, hindi marunong makipagdebate, bobo, nakaasa sa ama. Ang panlalait sa kanya sa pagiging maitim ay rasismo lang sa paimbabaw na pagsusuri. Ang totoo, kodang salita o code word lang ang “maitim” para sa “mahirap.” Kaakibat ng panlalait kay Binay ang pagtanggi, malay o di-malay, ng mga nasa panggitnang uri sa paghalal ng mahirap.

Marami nang sumagot sa dalawang sentimyentong ito: Matalino ang masa, may dahilan sila sa pagboto kay Binay, kaunting paligo lang ang lamang ng ibang senador sa kanya, si Cory Aquino nga ay diretsong presidente, at iba pa. Pero may mapaminsalang epekto, kung hindi man layunin, ang paglutang ng dalawang sentimyentong ito. Kumbaga sa lumang problema sa pilosopiya ng subject bersus structure, idinidiin nito ang una para pagtakpan ang ikalawa. Kumbaga, sinisisi ang masa para pagtakpan ang pananagutan ng sistemang elektoral at pulitikal na kontrolado ng mga naghaharing uri sa bansa.

Ang epekto, kung hindi man layunin, ng dalawang sentimyento ay itali ang talakayan sa kamalayan at kagawian ng masa. Pero sino ba ang responsable sa resulta ng eleksyon? Hindi ba’t ang mga naghaharing uri na may samu’t saring pakana at maniobra? Nariyan ang malawakang pandaraya sa pamamagitan ng eleksyong automated. Nariyan ang pagbaha ng iba’t ibang tipo ng panlilinlang, panggigipit at pandarahas bago ang araw ng eleksyon. Dahil sa lahat ng ito, mababasa ang resulta ng eleksyon na mas pampulitikang pahayag ng mga naghahari kaysa ng masa – na kitang-kita sa bilang ng boto ng Kaliwa.

Ryszard Kaja 2

Lumang taktika na ito ng mga naghahari: ang humango ng lakas sa, at palakasin ang, sentimyentong kontra-maralita at elitista para pagtakpan ang pananagutan ng mga naghaharing uri na may kontrol sa sistemang pampulitika at pang-ekonomiya. Laging maralita ang may kasalanan! Hindi kataka-taka, na may bahagi nitong dumudulo sa pagtutulak ng diktadura para disiplinahin ang masa. Huwag tayong magkamali: Atake ito sa pagmamalasakit sa kapwa, lalo na sa maralita. Lalo nitong inihihiwalay ang loob ng mga nasa panggitnang uri, kahit pa dumadausdos din ang kabuhayan, sa mahihirap.

Naalala ko tuloy ang progresibong intelektwal na si Eqbal Ahmad. “Hindi pa ito nangyari noon,” aniya, patungkol sa “pagpokus ng kaisipan ng uring nakapag-aral, o isang seksyon nito, sa mga tao labas sa kanilang sarili – sa maralita, sa uring anakpawis, sa inaapi, sa mahihina…” Sagot niya ito sa isang tanong tungkol sa nagpapatuloy na kabuluhan ng kaisipan ni Karl Marx at ng Marxismo. Sabi niya, kaugnay ng pag-usbong ng naturang kaisipan: “Ito ang unang beses na nakita ang mga sekular na kaisipan na nagpokus sa mga isyu kaugnay ng kabutihan ng lahat [Confronting Empire, 2000].”

Hindi ang masang maralita ang may kasalanan, kundi ang sistema at mga naghahari sa bansa. Tanawin natin ang pagkakaisa ng online sa panggitnang uri at ng offline na masang maralita. Aktibidad na buong panahon, hindi lang pang-eleksyon, ang solusyon.

17 Mayo 2013

Galing ang mga larawan dito.

Basahin din ang isinulat ni Anton Dulce hinggil sa panlalait ng mga nasa panggitnang uri kay Nancy Binay.

Ilang pagwawasto ni Louis Proyect sa mga maling pag-unawa kay Marx kapwa ng mga kaaway ng Marxismo at ilang tagapagtaguyod nito. Sinuportahan ni Ronald Reagan si Ferdinand Marcos, gayundin si Rios Mott, diktador ng Guatemala na responsable sa maraming karimarimarim na krimen.

Yakap para sa progresibong pilosopong si Cornel West. Ipinagtanggol ng manunulat na si Alice Walker ang rebolusyunaryong si Assata Shakur, at makikilala ang isang tao: Si Marilyn Buck. Pinatay rin ng mga pumatay kay Malcolm X ang kanyang apong si Malcolm Shabazz.