Renan Catapang Agtay

Bocazi1

Ngayong Hulyo 26, dalawang taon na mula nang pumanaw si Renan Catapang Agtay – tubong Batangas, iskolar ng bayan sa Unibersidad ng Pilipinas, naging aktibista ng League of Filipino Students, at sumampa sa New People’s Army o NPA sa Cagayan Valley at maglingkod dito nang ilang taon.

Nang bumaba siya mula sa pagiging NPA at nag-aral muli sa kolehiyo sa kanyang probinsya, patuloy siyang tumangan sa rebolusyunaryong paninindigan at umugnay sa mga kasama at kaibigan sa pakikibaka. Nang pumanaw siya bunsod ng karamdaman na natuklasan sa loob ng maiksing panahon matapos niyang bumaba, pinarangalan siya ng mga kasama’t kaibigan, gayundin ng pormasyon sa rehiyong Cagayan Valley ng NPA at Communist Party of the Philippines.

Taong 2000 pumasok sa UP-Diliman si Renan, sa kursong Chemical Engineering. Napili niya ito, pabiro niyang sabi, dahil tuwang-tuwa siya sa amoy ng mga kemikal sa laboratoryo noong hayskul. Kahit hindi pa aktibista, lumahok siya at mga kaibigan niya sa Edsa 2, ang makasaysayang pagkilos na nagpatalsik kay Joseph Estrada sa pagkapangulo. Pero ang nakapagmulat sa kanya, aniya, ay ang Philippine Collegian – partikular ang mga progresibong nilalaman nito sa ilalim ng pamunuan nitong katunggali ng mga aktibista.

Bagamat may nauna nang nagrekrut sa kanya sa LFS, naging pormal ang pagiging miyembro niya nito nang pumirma siya sa membership form na iniabot ni Karen Empeño, ang aktibistang kasama ni Sherlyn Cadapan na dinukot ng mga tauhan ni Jovito Palparan sa Hagonoy, Bulacan noong 2006. Ani Renan, si Karen din, na kasabayan niya sa Kalayaan Residence Hall, ang nagsama sa kanya sa Vinzons Hall, sentruhan ng mga aktibista sa kampus.

Bilang kasapi ng LFS, kumilos siya sa College of Engineering at pagkatapos ay sa buong pamantasan. Bukod sa likas na mapagpatawa at palatawa, nakilala rin siya ng mga kasabayang aktibista na masipag – “go lang nang go,” sa mga salita noon at niya – matatag sa paninindigan, matalas magsuri, at handang magsakripisyo. Makwento, mahilig sa kwento, magaan – giliw na giliw sa kanya ang mga kasama at kaibigan, at gustung-gusto siyang kasama sa gawain, tambayan, at bahay.

Bocazi2

Taong 2003, matapos ang anim na buwang pakikipamuhay, nagpasya si Renan na sumapi sa NPA. Nakilala siya sa mga alyas na “Ka Giao” at “Ka Bangis.” Ayon sa isang parangal sa kanya na inilagay sa Facebook, “Naging kagawad siya ng seksyong pampulitika ng sentrong himpilan ng panrehiyong kumand ng BHB sa Hilagang Silangang Luzon. Dahil sa taglay na kaalaman sa syensya, naitalaga rin sa gawaing ordnans. Huli siyang naitalaga sa gawaing propaganda, edukasyon at kultura.”

Sa kanyang pagdalaw, ikinukwento niya ang mainit na pagsuporta ng masa sa Hukbo, ang mga labanang militar sa rehiyon na kinasangkutan at nabalitaan niya, at ang mahusay na pakikitungo ng mga kadre at pulang mandirigma. Paborito niya ang mga kwento ng magsasaka na mainit ang pagsalubong sa pagbabalik ng NPA matapos magpuna ang huli sa malulubhang pagkakamali na nagawa noong dekada 1980 at maipaliwanag ang kilusang pagwawasto.

Noong 2008, bumaba sa pagiging NPA si Renan at nag-aral sa Batangas. Noon pa man, aniya, nagtataka na siya kung bakit pagod na pagod siya tuwing aakyatin ang ikaapat na palapag ng gusali ng paaralan – habang ang mga kaklase niya’y nagtatakbuhan pa. Hindi nagtagal, natuklasang mayroon siyang renal failure – ang sakit na ikinamatay ng kuya niya ilang taon bago noon – at kailangang mag-dialysis.

Sa unti-unting paghina ng katawan, natanggap na niya ang kamatayan. Bago siya pumanaw, sabi niya patungkol sa anim na taong dialysis: “Hindi ba’t tagumpay na ang ganoon katagal sa isang lipunang malakolonyal at malapyudal?” Noon pa man, ramdam na ng mga kaibigan at kasama ang magiging bigat ng Sierra Madre sa pagpanaw niyang naglingkod sa bayan bilang aktibista, rebolusyunaryo at Hukbo.

Maraming kwento ang mga kaibigan at kasama tuwing mapag-uusapan si Renan – noong buhay pa man at kahit matapos siyang pumanaw. Ang bawat kwento, laging may kasamang tawanan. At bawat kwento, sa kung anong paraan, laging naglilinaw sa katangian niya bilang aktibista at rebolusyunaryo.

Bocazi3

Bakla si Renan – bagay na tiyak niyang ikakagalit na ngayon lang nabanggit sa isang parangal sa kanya. Aniya, sa Kilusan na siya nagladlad bilang bakla “dahil wala naman na talagang ibang samahan pang buong puso ang pagtanggap at pagpapahalaga sa mga maniningning at progresibong baklang kagaya ko.” Laging bahagi ng pagpapatawa niya ang mga “performances” – mga kwentong isinasadula niya mag-isa, mga kanta, pagrampa-rampa, mga tila madramang eksena sa pelikula – at walang kaibigan at kasama ang hindi makakaalala ng kahit isa sa mga ito.

Paboritong biro niya ang planong paglaladlad sa pamilya. Magtatalakay raw muna siya tungkol sa kalagayan ng lipunang malakolonyal at malapyudal at ang pagiging pyudal-patriyarkal nito – mapang-api sa kababaihan, mga bakla at lesbyana. Sa dulo, sasabihin niya. “Mama, Papa, ipagtatapat ko na po ang tunay kong pagkatao. (Yuyuko nang marahan.) Isa po akong, isa po akong (mahabang katahimikan, sabay marahang taas ng ulo)… pesante.” Ibig sabihi’y maduduwag din siya sa dulo at ang magagawang aminin ay ang pagiging aktibista.

May kapansanan si Renan. Bingi siya at mahigit isang libo ang grado ng salamin. Paborito niyang kwento ang minsang pagsasalita sa klase para mag-imbita sa isang rali. Nanghikayat siya ng tanong mula sa mga estudyante. May nagtanong. Nakangiti niya itong tinitingnan. Nang matapos na ang pagtatanong, katahimikan. Nang mapansin niyang hinintay siyang sumagot, sabi niya, “Pwedeng pakiulit? Bingi po kasi ako.” Tawanan. Sa halip na mainsulto, tumawa rin siya nang bahagya at pagkatapos ay ibinigay ang pinakamatalas na sagot. Palakpakan ang klase.

Bagamat nananawagan ng pag-unawa para sa mga may kapansanan, sinikap niya itong pangibabawan sa pagkilos, sa kampus man o sa kanayunan. Sabi nga sa Facebook ng isa niyang kaibigan, patungkol sa pagpapasya na mas mag-ambag sa rebolusyon, halimbawa siya ng mga kasabihang “Internal ang mapagpasya,” hindi ang mga eksternal na pumipigil. “Pangunahin ang kapasyahan, sekundaryo ang kakayahan,” lalo na pagdating sa pagsapi sa NPA. At ng mas pikon na bersyon ng mga ito, “Kung gusto may paraan; kung ayaw, maraming dahilan.”

Bocazi4

May biru-birong sa NPA, naitalaga siyang eksperto sa bomba. Ang sabi ng mga kasamahan ang dahilan ay nakikita lang niya ang ganda ng pagsabog, at hindi ito naririnig. Ang totoo, sabi ni Renan, todo-alalay sa kanya ang mga kasama, at minsan, ang pakiramdam niya ay pabigat na siya sa mga ito. Pero dahil wagas ang pagtulong at pag-alalay, aniya, “tyinaga ko lang nang tyinaga. Kinarir ko mula pag-aaral ng lokal na wika, pagbubuhat ng mabibigat na gamit, pagpapakintab ng M-16 hanggang sa paghahanda at pagluluto ng pagkain.” Marami siyang nagawa lampas pa sa kakayahan ng mga walang kapansanan, at para sa bayan.

Sa likod ng lahat ng performances ni Renan, ang totoo’y isa siyang rebolusyunaryong intelektwal. Mahilig siya sa pagtuturo ng mga rebolusyunaryong aralin, at natutulungan siya ng kanyang matatas na Tagalog at malinaw na pananalita. Matatalas ang mga komento at mungkahi niya sa linya ng Kilusan sa iba’t ibang usapin. Madalas siyang magkomento sa mga binabasa at napapakinggan: Parang kapos ang mga argumento, parang Trotskyista ang linya, kulang sa paliwanag…

Mabilis din siyang makaisip ng mga sagot sa iba’t ibang usapin na matalas at matulain. Minsan, nagkukwento siyang nabagot na siya sa kakakwento ng isang kasama tungkol sa mga kalungkutan at pesimismo. Bigla raw niyang nasabi, “Hindi baga’t ang ating tagumpay ay ipupundar sa mga pagkakamali? Ang mahalaga’y patuloy tayong sumusubok, nagtatasa at natututo.”

Sabi ng isa niyang kaibigan sa Facebook, “Mahal ng mga tao si Renan… [K]apag nag-isip ka ng masama laban sa kanya, totoong masama kang tao.” Ang sabi naman ng isa pa, “Ibang lebel din ang pang-unawa mo. May kahinaan ang tenga mo pero lagi’t lagi kang nakikinig sa aming mga chika – seryosohan man or pang-showbiz lang. Malabo ang mga mata mo pero lagi’t laging maganda ang tingin mo sa mga bagay-bagay, lalo na sa kinabukasan ng sambayanan at sangkatauhan.”

Bago siya pumanaw, matapat siyang tinanong ng mga dumalaw na kaibigan at kasama kung ano ang gusto niya sa kanyang burol. Sabi niya, “isang simpleng pumpon ng bulaklak na karit at maso.” Natupad iyun ng mga kaibigan at kasama. Pero itong nakapublikong nakasulat na parangal, ngayon pa lang. Paumanhin, Renan, pero nananatili kang buhay sa puso ng lahat ng nakakilala sa iyo at nagpapatuloy ng pakikibakang hinangad mong isulong at ipagtagumpay.

15 Hulyo 2017

Galing ang mga likhang-sining ni Ata “Toast” Bozaci sa kanyang website.

Advertisements

Sa Parangal kay Sir Leoncio

Painting4

Paulan-ulan noong maghapon at gabi ng Agosto 25, Huwebes. Pero kahit parang tatrangkasuhin, pinilit niyang pumunta sa mortuaryo ng Sta. Maria della Strada Parish sa kanto ng Katipunan at ng kalsadang “Pansol Avenue” pala ang pangalan. Ang okasyon, luksang parangal ng mga kaibigan at kasama kay Leoncio Co – kilala ng mas marami na propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, bagamat kilala rin ng marami na aktibista at rebolusyonaryo sa mahabang panahon. Pumanaw si Sir Leoncio sa edad na 69 noong Agosto 21 dahil sa atake sa puso.

Katulad ni Prop. Monico M. Atienza na kaibigan at ka-kwarto niya sa Faculty Center, si Sir Leoncio ay bahagi ng impormal na imprastruktura ng suporta na tumulong sa mga aktibista sa pamantasan. Bilang may-ari ng mga kainan sa kampus, nagpakain siya ng maraming aktibistang kumikilos nang buong panahon at kadalasa’y gipit sa pera. Nagbigay rin siya ng maraming tulong pinansyal sa iba’t ibang pagkakataon. Hindi kailangan ng maraming salitaan sa pagpapakain, pero sa paghingi ng pinansya, marami. Lagusan ang pagtatanung-tanong nila kaugnay nito ng pagbabahagi ng mga aral sa paggawa at estilo ng paggawa.

Sa pakikipag-usap kay Sir Nic, kung saan nagsilbing parang tagamasid si Sir Leoncio, mas nakilala niya ang ikalawa. Masaklaw ang alaala at kaalaman ni Sir Nic, pero kapag may bahaging kinakapos – kadalasan sa mga pangalan ng mga tao at lugar – sumasalo si Sir Leoncio, sabay-dagdag ng sariling paliwanag. Malalim ang kaalaman nila sa kasaysayan ng Pilipinas at pakikibaka ng sambayanang Pilipino, personal man nilang naranasan o hindi, gayundin sa Marxismo-Leninismo-Maoismo. Pareho silang tulay sa teorya at praktika ng pagrerebolusyon.

Naalala niya, sa partikular, na nalula siya sa mga detalyeng ikinwento ni Sir Leoncio, nang minsang sumama ito sa usapan kay Sir Nic, tungkol sa insureksyunismo ni Wang Ming sa Tsina, noong nag-uumpisa pa lang ang rebolusyonaryong pakikibaka sa naturang bansa, at ang papel rito ng payo ni Joseph Stalin. Na ang aral, kung tama ang pagkaalala niya, ay ang laging pangangailangan ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan mula sa paggagap sa Marxismo. At ang pagsisikap na gawin ang rebolusyon na nakabatay sa reyalidad ng Pilipinas.

Umaapaw sa tao ang lugar pagdating niya, kaya tumayo na lang siya sa likod. Maraming pamilyar na mukha: mga kapwa-aktibista, lalo na’t mga kasabayan ni Sir Leoncio, mga kapwa-guro nito, at maging mga empleyado ng mga kainang pag-aari nito. May maiikling bidyo ng pakikiramay nina Jose Maria Sison, Juliet de Lima Sison, Alan Jazmines, at Satur Ocampo mula sa usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway; talumpati ng mga kasabayan at kabataang aktibistang natulungan at nagabayan; at mga pangkulturang pagtatanghal.

Painting5

Maraming naikwento: ang pag-iingat niya sa mimeographing machine na pinakamahalagang ari-arian sa pambansang tanggapan ng Kabataang Makabayan bago ang Batas Militar. Ang pagkakadakip at pagkakakulong niya sa Fort Bonifacio. Ang pagiging “ideological man” niya ng kolektibang kinabilangan niya noon. Ang papel niya sa pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryong sulatin sa hanay ng noo’y bagong tatag na New People’s Army sa Capas, Tarlac. Kung si Ka Satur raw ay laging tumatakbo para maghanda sa paglaya, si Sir Leoncio ay nagbuhat ng mabigat at naging “parang Arnold Schwarzenegger” sa pangangatawan sa kulungan.

Isa sa pinakahuling nagsalita si Prop. Temario C. Rivera, guro ng Agham Pampulitika sa UP-Diliman. “Huwag na tayong magpatumpik-tumpik pa,” bungad niya, “isa si Leoncio Co sa mga muling nagtatag ng Communist Party of the Philippines.” Inisa-isa niya ang 12 pangalan ng mga dumalo sa kongreso ng muling pagkakatatag. Nang malimutan niya ang isang pangalan, sinabi ito ng mga dumalo, na parang galing sa isang epikong bayan na alam nilang lahat.

Panawagan ni Rivera sa mga kasabayan, “gawing kongkreto” ang paggunita at pagbabahagi ng karanasan sa pakikibaka sa nakakabatang henerasyon ng mga aktibista. Sa mahabang panahon, aniya, itinago nila, ng mga kasabayang aktibista ang kanilang mga kwento dahil sa konsiderasyon sa seguridad, pero mahalagang maibahagi na ang mga ito sa mga nakakabata. Lalo na, aniya, sa pagkapangulo ni Rodrigo Duterte, may pangangailangan, at pagiging bukas din, sa mga pagbabahagi ng karanasan tungkol sa pambansa-demokratikong rebolusyon sa bansa.

Marami siyang sinabi pagkatapos. Na nakakapanghinayang ang pagkamatay nina “Cio” at Sir Nic dahil “para silang mga encyclopedia ng pakikibaka.” Na talagang nag-aral at nag-aaral si Sir Leoncio “ng mga klasiko” ng Marxismo, may masaklaw na koleksyon ito ng mga libro, at “mapapahiya” ang mga koleksyon ng ibang propesor. Na mahusay si Leoncio sa pagsasanib ng teorya at praktika o praxis. Na papakitaan talaga ng galit ni Sir Leoncio ang mga dating kasamang nanira, lalo na’t nagtaksil, sa Kilusan; at ng “sobra-sobrang pagmamahal” ang mga nanatiling matatag. Tunay nga, na dapat maibahagi sa mga nakakabata at sa lahat ang ganitong mga buhay.

Maiksi ang huling pananalita ni Bonifacio “Ka Boni” Ilagan, tagapangulo ng First Quarter Storm Movement at kaibigan nina Sir Nic at Sir Leoncio. Aniya, hindi lider-masa si Sir Leoncio na nakikitang maalab na nagtatalumpati sa mga protesta, pero ipinakita ng buong buhay niya ang maalab na pagtangan sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Nanawagan siya ng malakas na palakpakan para sa buhay at pakikibaka ni Sir Leoncio, at ganadong tumugon ang mga dumalo. Nagtapos sa mga sigaw: Mabuhay ang rebolusyon!

28 Agosto 2016

Galing ang mga larawan dito.

Dalawang parangal kay Fidel Castro: mas maganda ang masinsing pagbaybay sa kasaysayan ni Francisco Dominguez kaysa sa may labis na pagpuri sa kasalukuyan ni Dan Kovalik. Bagamat may magandang impormasyon sa huli: ibinalik pala ng mga Cubanong doktor ang kakayahang makakita ni Mario Teran, ang Bolivianong sundalong pumatay kay Che Guevarra.

Ngayon ko lang nabasa ang magandang rebyu ni Nicanor G. Tiongson sa magandang pelikulang Heneral Luna.

Kasamang Joaquin

Wendell Gumban

Nakilala niya si Wendell Mollenido Gumban sa kampus, bilang nakababatang aktibista. Madali niya itong natandaan, dahil kahit tahimik ay madalas magpakita at masigasig sa mga gawain. Nagkawalay sila ng lugar na kinikilusan at muling nagkasama sa kilusang paggawa. Sa pagitan ay ang mga taon ng maigting na pakikibaka laban sa rehimeng US-Arroyo, kung saan napanday, kapwa tumibay at humusay, si Wendell.

Sa pagkakaalala niya, wala yatang pulong na hindi pinag-ambagan nang malaki ni Wendell. Lagi nitong baon ang mga batayang prinsipyo, mga paglalagom at pagtatasa, at mga personal na obserbasyon sa tinatakbo ng gawain – na lagi niyang iniuugnay sa mga pagsusuri, tungkulin, at gawain sa kasalukuyan. Buhay ang pagiging propagandista at aktibista niya; lagi siyang nagsisikap sapulin ang pinakamatalas na linya at balangkas.

Noon pa man, bagamat gagap ni Wendell ang halaga ng gawaing propaganda sa antas-istap, mas gusto niyang tanganan ang gawaing pag-oorganisa. Bagamat tanggap niyang kailangan ang propaganda sa midya, mas gusto niyang gumawa ng mga propagandang direktang umaabot sa masa. Bagamat unawa niya ang mga gawain sa opisina, mas gusto niyang mamalagi sa mga empresa at komunidad na nasa kaigtingan ng pakikibaka.

Bakla si Wendell, at napakahirap ilarawan ng pagkatao niya nang hindi ito nasasabi. Bukod sa “Wanda,” tinatawag din siya noon na “Shala,” hango sa salitang “sosyala.” Siya iyung tipo ng tao na kahit hindi naligo ay mukhang malinis at mabango at kahit magulo na ang sitwasyon ay may mayuming dignidad. Malambot at banayad ang kilos ng katawan niya, kahit kapag nakakasugat na ang talas ng dila at talim ng mga mata niya.

Bilang bakla, namulat si Wendell, sa pamamagitan ng mapait na karanasan, sa pag-iral ng pang-aapi at diskriminasyon sa mga homosekswal sa kasalukuyang lipunan. Naging tuntungan niya ang kamulatan at karanasang ito para magagap ang pag-iral ng pang-aapi at pagsasamantala sa masang manggagawa at magsasaka – na lalo niyang nasapul at kinamuhian sa pagsanib sa buhay at kabuhayan at pakikibaka nila sa araw-araw.

Minsan, may nakausap si Wendell na kasapi ng New People’s Army sa Timog Mindanao, at hindi na siya nilubayan ng mga kwento – ng paglakas ng pakikibaka at mahusay na pagtrato sa mga bakla. Nagpasya siyang maging NPA at sa pangalang “Ka Joaquin,” sa loob ng mahigit limang taon ay nag-ambag siya sa pagsulong, sa harap ng matinding pasismo at maging mga disaster, ng isa sa pinakamalakas na yunit ng NPA sa bansa.

Sheldon

 

Namatay si Wendell, edad 30, sa isang labanan ng NPA at militar sa New Bataan, Compostela Valley. Ang petsa: Hulyo 23, dalawang araw bago ang unang State of the Nation Address ni Rodrigo Duterte kung saan idineklara niya ang unilateral na tigil-putukan sa NPA. Gusto ni Duterte na bigyang-daan ang usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines na kinabibilangan ng NPA at ng gobyerno.

Noong una, may mga nagtatanong kung nahuli ba ng ilang araw ang deklarasyon ni Duterte. Makatarungan ang deklarasyon, walang duda; maaaring nakabawas sa saklaw at tindi ng armadong labanan sa bansa. Pero ipinakita ng pagbawi ni Duterte, at ng konteksto nito, na mabuway ang tigil-putukan. Tiyak na humaharap ito sa matinding pagtutol sa militar, mga ultra-Kanan sa militar, at maging ng imperyalismong US.

Kaya naman mas mahalagang tingnan ang pagkamatay ni Wendell na bahagi ng nagpapatuloy na armadong labanan, at ng umiigting na tunggalian ng mga uri, kahit pa ang pangulo ng Pilipinas ay alyado ng Kaliwa. Kahit ang relatibong maliliit na pagbabagong itinutulak ni Duterte ay nahaharap sa matinding paglaban ng mga naghahari, at hindi sila maaasahang itigil nang walang laban ang kontra-insurhensya.

Sa ganito mas maitutuntong ang laging panawagan ni Wendell sa mga kaibigan at kasama, sa pag-uusap, text o liham: sumapi sa hukbong bayan, paglingkuran ang sambayanan! Panawagan iyan na buong buhay niyang pinagsikapang tuparin, hanggang huling hininga. Siyang ayaw sa mapurol at gusto ay matalas, kumawala sa makitid tungo sa malawak, at ang laging hangad ay ibayong paglakas. Pagpupugay na pinakamataas!

03 Agosto 2016

Galing ang unang larawan sa Mayday Multimedia.

Basahin ang napakagandang parangal ni Kasamang Ben kay Wendell. Gayundin ang parangal ng National Democratic Front of the Philippines sa Southern Mindanao Region.

Ordoñez Plata Mata

Neopandemic1

Nakilala ko si Rogelio “Ka Roger” Ordoñez, mga taong 2006, sa Pinoy Weekly. Alamat na siya noon bilang makabayan at progresibong manunulat. Mababasa rin ang mga sulatin niya para sa Pinoy Weekly na noo’y lingguhang lumalabas at pawang may tatak ng estilo niya.

Bilang punong patnugot, mahalaga ang papel ni Ka Roger sa nilalaman ng pahayagan at mga patakaran tungkol rito. Itinulong niya ang kaalaman niya sa progresibong peryodismo, na halaw sa mahabang karanasan, sa Pinoy Weekly. Hindi siya pumupunta sa opisina noon, pero mahigpit na tinatanganan ng mga editor at manunulat ang mga pagtingin niya. At kung may malaking usapin sa nilalaman na kailangang pagpasyahan, ite-text siya para hingiin ang kanyang hatol.

Sa panahong iyun, mas madalas kaysa hindi, si Ka Roger ang sumusulat ng editoryal ng dyaryo. Linggu-linggo, ipinakita niya ang maagap na paggagap sa mga pinakamaiinit na isyung bayan. Linggu-linggo, ginamit niya ang matalas na pagsusuring makabayan at progresibo sa mga isyung ito. Ligaya ng proofreader si Ka Roger, dahil malinis ang pagkakatipa ng teksto, bihira ang pagkakamali.

Ang estilo ni Ka Roger, tawagin nating “maginoo pero medyo bastos” – maginoo sa mga mambabasa, na ipinagpapalagay na kabilang sa nakakarami nating kababayang “isang kahig, isang tuka, kumai’t dili,” pero bastos sa mga nagsasamantalang imperyalista at malalaking burgesya-komprador at panginoong maylupa. “Tagahimod ng pundilyo” ang isa sa mga paborito naming paglalarawan niya sa mga tuta ng rehimeng US-Arroyo noon.

Pero higit marahil sa mga sulatin, desisyon at patakaran, nagbigay si Ka Roger sa mga editor at manunulat ng Pinoy Weekly ng mga aral at inspirasyon, na pawang halaw sa kanyang buhay at pakikibaka. Napakahalaga ng mga aral at inspirasyon na ito sa pagsusulong sa peryodismong sinisikap katawanin ng Pinoy Weekly – matapat, mapanuri at makabayan. Mapalad ang mga editor at manunulat ng pahayagan na nabahaginan ng mga ito.

OLYMPUS DIGITAL CAMERA

OLYMPUS DIGITAL CAMERA

Isa sa mga aral ni Ka Roger ang lubos na pagpapahalaga sa wikang Filipino, o Pilipino marahil sa tawag niya. Bilang noong una’y manunulat sa Ingles, alam niya ang laya at saya ng pagsulat sa sariling wika. Walang katapusan ang usapan kapag ipinapaliwanag niya kung bakit wikang Filipino ang dapat na wikang panturo sa mga paaralan.

Alam na rin natin ang mga bugnuting reklamo niya tungkol sa maling paggamit ng midya ng malalaking kapitalista sa mga salitang “pumapaimbulog” at “bumubulusok.” At hindi ito pakikipagpataasan lang ng ihi ng eksperto sa wika, kundi nagmumula sa makabayang pagkilala sa kakayahan at potensyal ng wikang Filipino sa pag-unawa at pagbago ng mundo, at sa panghihinayang sa pagkakawaglit ng mga salitang Filipino na akma sa iba’t ibang bagay.

Para kay Ka Roger, ang pagmamahal sa wikang Filipino ay tumatagos hanggang sa gagamiting ortograpiya. Madiin siya sa “pUwersa,” hindi “pwersa,” “aksIyon,” hindi “aksyon” para igalang ang pantig o syllable na para sa kanya ay esensyal sa wikang Filipino. Sa una naming pagkikita, may naghanda ako ng sulatin at para sa posibleng talakayan o debate hinggil dito. Pagkahawak niya sa dokumento, ang bungad niya, bagay na hindi ko napaghandaan, “Bakit puro ortograpiyang Unibersidad ng Pilipinas ito?” sabay marahang turo ng daliri sa napakaraming paglabag, parang kumander ng mga gerilya na nagtuturo sa mapa ng pwestuhan ng kaaway.

Naging biruan minsan ang ortograpiyang ito nang ang manunulat sa seksyong showbiz ay gumamit ng mga salitang “dyugdyugan” at “dyakol” sa isang artikulo. Kung susundin si Ka Roger, ang gagawin lang ay ilagay ang mga nararapat na titik “I” sa lugar para maging “dIyugdIyugan” at “dIyakol.” Ang wikang pabalbal, binaybay nang pormal. Pero adbokasiya rin ni Ka Roger ang tinatawag niyang “pagpapalaya sa wika” mula sa konserbatismo, maging sa konserbatismong sekswal. Ayaw na ayaw niya ng mga santu-santitong nagmumumog ng agua bendita habang naliligo naman sa pawis at dugo ng mga manggagawa at magsasaka.

Neopandemic3

Dapat may integridad ang manunulat, lalo na ang makabayang manunulat. Isa pa ito sa mahahalagang aral ni Ka Roger. Dapat ay mulat na pumapanig ang manunulat sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino at sa kanilang pakikibaka, hindi sa mga nagsasamantala at nanunupil sa kanila. Ibig sabihin, may mulat na sakripisyo sa pagiging makabayang manunulat – malayo sa kahit katiting na yaman, kapangyarihan at katanyagan na iniaalok sa mga manunulat ng mga naghahari sa kasalukuyang lipunan.

Alam nating bago ang Batas Militar, maraming mayayaman at makapangyarihan na binangga si Ka Roger bilang mamamahayag at kolumnista. Alam nating may panahong lumayo na lang siya sa panulat noong ideklara ang Batas Militar, dahil hindi niya maatim ang magsulat para sa diktadura. Alam nating bagamat lagi siyang nasasabihang nanalo ng Gawad Palanca, kritikal siya sa mga patimpalak; malinaw sa kanyang wala sa parangal ang katuparan ng pagiging manunulat kundi sa paglilingkod sa bayan.

Alam natin, syempre pa, ang pag-aambag niya sa mga makabayan at progresibong pahayagan sa bansa. Mas gugustuhin niyang magbigay ng oras at talino sa mga kabataang makabayang manunulat kaysa kumita sa pagsulat para sa mga naghahari sa ating bayan. Tinutuligsa niya ang mga manunulat na nagpayaman sa malay na paglilingkod sa mga rehimeng pawang kontra-mamamayan.

Sa mga editoryal, kolum, at maging tula ni Ka Roger, napakalinaw ng pagtitiwala niya sa masang magsasaka at manggagawa – sa pagtugon sa mga kagyat na usaping bayan, ngunit lalo’t higit sa pagbabago sa namamayaning bulok na sistemang panlipunan. Madalas, sa paglalarawan niya sa isang sitwasyong pulitikal, inilalahad na rin niya kung bakit at saan dapat umaksyon ang sambayanan. Daynamikong naglalangkapan ang datos at pagpapahalaga sa kanyang sulatin, mula sa perspektiba ng masang anakpawis at sambayanan.

Kapansin-pansin na bagamat tinatawag din niyang “naghahari” ang mga imperyalista at malalaking kapitalista’t haciendero sa bansa – iyung mga tinatawag ni Rodrigo Duterte at mga tagasuporta niya na “oligarchs” – lagi niyang tinatawag ang mga ito na “naghahari-harian.” Isang paggamit ito na nagdidiin na ang kanilang paghahari ay nililikha, at sa gayo’y pwedeng wasakin; dinadaan sa sindak, ilusyon at pwersa, at gayo’y pwedeng ibagsak ng tunay na lakas na nasa pagkakaisa at pagkilos ng masang anakpawis.

Neopandemic4

Isa pa sa mahahalagang aral ni Ka Roger ang pakikipagtulungan sa kilusang masa, sa Kaliwa sa ating bayan – bilang manunulat at bilang tao. Hindi lingid sa marami, si Ka Roger Ordoñez ay tagasuporta at tagahanga ng Kilusan na kinabibilangan ni Ka Roger Rosal, ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army. Hindi lamang rebelyon at rebolusyon sa panitikan at sining ang kanyang minithi at pinag-ambagan, kundi ang rebelyon at rebolusyon laban sa namamayaning sistemang panlipunan na pinaghaharian ng iilan.

Malinaw kay Ka Roger na ang pakikipagtulungan sa kilusang masa, sa Kaliwa, ay natural na kaugnay ng pagtitiwala sa masa. Sa Pilipinas, ang Kaliwa ang pwersang pampulitika na mulat na naglalayon, at may praktikang ipapakita bilang katibayan, ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang magsasaka, manggagawa at anakpawis para lumikha ng kasaysayan at pagbabagong panlipunan.

Sa paksang ito rin, hindi matatapos ang kwento niya. Mula sa aktibismo niya noon sa National Press Club, hanggang  sa First Quarter Storm, sa pagtulong sa mga kasama na nasa underground noong Batas Militar, sa paglingap sa mga bilanggong pulitikal, sa mga debateng ideolohikal, sa pagpanig nilang tatlo – ng mga makabayang manunulat ng Politektnikong Unibersidad ng Pilipinas na sina Bayani Abadilla at Ave Perez Jacob – sa kilusang pagwawasto noong maagang bahagi ng dekada 1990, sa pagpapayo sa mga kabataang aktibista at makabayang manunulat, sa pagtulong sa mga progresibong organisasyon ng iba’t ibang sektor, at iba pa.

Sa dulo, wagas ang pagtitiwala ni Ka Roger sa mga kabataan – mga estudyanteng interesadong matuto, mga kabataang aktibista, mga kabataang makabayang manunulat. Iyan ang dahilan kung bakit hanggang sa inabot ng kanyang lakas ay nagturo siya sa PUP na paaralan ng mga kababayan nating hirap sa buhay. Kung bakit napaka-mapagbigay niya sa kanyang kaalaman at oras sa pagpapayo at pagbibigay-inspirasyon. Madalas niyang masabi noon, na hindi man niya masaksihan ang pagtatagumpay ng rebolusyon, ay malaking karangalan at kaligayahan niyang nakapag-ambag siya sa pagtatagumpay nito.

Buong buhay niya, tumulong siyang mag-aruga at magpayabong ng mga makabayan at progresibong paninindigan, lalo na sa mga kabataan. Hindi kataka-taka, sa kanyang pagpanaw, nakikita natin ang mga inaruga at pinayabong niya, nagbibigay-pugay. Sa kanyang pagpanaw, ibigay natin sa kanya ang pinakamataas na parangal: tanganan ang mga aral at inspirasyong iniwan niya para ang rebolusyong isinulong niya ay maipagtagumpay.

25 Mayo 2016

Galing dito ang mga imahen.

Pagsusuri ni Carol P. Araullo sa ugnayan ng Kaliwa at ni Rodrigo Duterte. Magandang paglilinaw ni Nato Reyes tungkol sa protestang masa sa ilalim ng gobyernong Duterte. Magandang rebyu ni Karlo Mongaya sa bagong libro ni Prop. Jose Maria Sison.

Isang matayog na sagot ni Adam Kotsko sa isang karaniwang tanong tungkol sa mga Marxista.

Pitao Mindanao

Parago1

Umuulan ng parangal kay Leoncio “Ka Parago” Pitao, lider ng New People’s Army sa Mindanao, na napatay noong Hunyo 28. Kaya naman napaisip siya kung ilang beses na siyang nakapunta sa Mindanao. Isang beses lang, saglit lang, at halos walang kinalaman sa malakas na pakikibaka, na mayroong ligal at mayroong armado, ng mga mamamayan sa isla. Wala siyang direktang karanasan sa Mindanao. Ang mayroon lang siya ay mga kwento ng mga nakasama niya dati sa aktibismo na nagpasyang kumilos sa hanay ng mga magsasaka at Lumad doon.

At napakarami nilang kwento, na lagi nilang ibinabahagi nang puno ng rubdob ng damdamin ng mga rebolusyonaryo. Tungkol sa malawak na kalupaan na mapagkanlong sa NPA at mapanganib sa “kaaway,” sa militar. Tungkol sa mga lugar sa kagubatan na hindi pa sa kasaysayan natutuntungan ng militar pero kasing-pamilyar ng tahanan para sa mga NPA. Tungkol sa grabeng karalitaan ng mga magsasaka at Lumad: kapag kumakain ka raw ng biskwit, ang mga butil na nahuhulog ay agad pupulutin ng mga bata at isusubo sa kanilang bibig.

Tungkol sa mataas na diwang palaban ng NPA sa lugar. Sa husay nila sa paglulunsad ng mga taktikal na opensibang waring batay lang sa kanilang kapasyahan. Sa paghiling ng masa na lusubin ang mga dayuhang kumpanya ng pagmimina. Sa pananabik, bukod sa iba pang emosyon, nila sa mga operasyon ng kaaway dahil tiyak na makakakuha ng mga armas at bala. Sa lalong pagdami at paglakas nila noong itinodo ng militar ang pag-atake sa kanila, dahil direkta nila itong sinagupa. Sa husay ng masa sa pagsuporta sa NPA kahit sa panahon ng labanan.

Tungkol sa kung anu-ano, pero lalo’t higit sa alab at optimismo ng mga kasama. Sa kanilang malayong tanaw sa pagbibigay ng edukasyon sa masa. Sa kanilang malawak na pag-iisip sa pagbibigay-bigat sa pulitikal kumpara sa personal. Sa kanilang sigasig at sakripisyo, sa kabila ng sakit at katandaan ng ilan. Sa kanilang mga isip na bukas sa mga bagong bagay at demokratikong estilo sa masa at kasama. Sa pagpuna sa mga yunit na hindi nakakapagdulot ng pagbuti ng kabuhayan ng masa. Sa mahusay na pagkokombina ng mga nakakabata at nakakatanda.

May kumpirmasyon ang lahat ng kwentong ito: ang paglakas ng pakikibaka ng mga mamamayan ng Mindanao, kapwa sa pahayag ng militar at ng pamunuan ng NPA mismo. Sa kanilang parangal kay Pitao, pinuri nina Benito at Wilma Tiamzon, mga konsultant ng National Democratic Front, ang “di-matitinag na rebolusyonaryong determinasyon at kapangahasang sumulong ng hukbo at kilusan sa Timog Mindanao. Ang rehiyon ang trumangko sa pagsulong ng armadong pakikibaka sa buong bansa sa nakaraang mahigit 10 taon.”

Parago2

Maging sa personal na antas, may mga kumpirmasyon. Iyung isa niyang dating kasama sa aktibismo na nagpasyang pumakat sa Mindanao, tipong malungkutin at may pinagdaanan pang depresyon noon. Pero ano’t puno ng saya, sigla, pag-ibig at aliwalas, natatawa na lang sa dating pagkatao ngayon? Iyun namang isa, dating maligalig sa personal, maangas sa pakikibaka, at maluho sa buhay. Pero ano’t magaan, kalmado at mas prinsipyado na ngayon kapag nakakausap, masayang nagkukwento ng maya’t mayang pagkain ng kamote?

Sa kabila ng lahat, may mga kwento rin ng pagpapakumbaba. Madalas daw silang matanong kung ano ang bukod-tangi sa pakikibaka sa Mindanao, kung bakit ito lumakas at tuluy-tuloy na lumalakas. Ang sabi raw ng isang kasama, “Wala namang bago. Ipinatupad lang natin ang mga gabay, tagubilin at atas ng pamunuan.” Ang mga kasama’t kaibigan niya galing Mindanao, mapanghikayat sa lahat ng makausap: “Punta kang Mindanao, kailangan ka doon.” May isa pang nasabihan: “Dapat maranasan mong mamuno ng larangan. Masaya.”

Ito ang isang konteksto ng pagpatay ng militar kay Pitao: ang paglakas ng pakikibaka sa Mindanao. Kaya matagal na siyang gustong patayin pero hindi mapatay, mahalaga sa kanila pero madulas. Kaya mismong anak niyang si Rebelyn ay pinagmalupitan at pinatay. Kaya kahit maysakit at nagpapagaling ay hindi siya tinantanan, siyang tumanggi, ayon sa kanyang mga kasamahan, sa alok na mag-medical leave ng NPA. Kaya napatay man siya’y hindi todong makapagdiwang ang militar, dahil alam nilang kaya silang ilang ulit na balikan.

Isang beses lang siyang nakapuntang Mindanao. Pero dahil sa napakaraming kwento mula rito tungkol sa paglakas ng pakikibaka sa kabila ng mga kahirapan at panunupil, napakalapit nito sa puso niya at mga kasama niya. At iyun ang unang hakbang patungo sa naantala pero tiyak niyang, nilang, pagpunta.

09 Hulyo 2015

Galing ang mga larawan sa Facebook ng Kilab Multimedia.

Magandang sanaysay ng manunuring pampulitikang si Corey Robin tungkol sa diskurso ng pag-unawa sa mga rasistang pandarahas sa Amerika, at maaaring maging sa mga krimen sa Pilipinas: “Not only has the discourse of protection contributed to the racist practices and institutions of our overly policed and incarcerated society, but it also prevents us from seeing, much less tackling, the broader, systemic inequalities that might ultimately reduce those practices and institutions.”

Sa kabila ng kaliwa’t kanang patutsada sa mga maka-Kaliwa mismo, maraming matututunan sa panayam na ito sa isang Marcello Musto tungkol sa International Working Men’s Association na itinatag 150 taon na ang nakakalipas. Maganda ang sanaysay ni Slavoj Zizek tungkol sa botong Oxi o Hindi ng mga Griyego sa kakatapos na referendum. Huli na, pero gusto ko lang ihabol ang parangal ni Binoy Kampmark kay Vo Nguyen Giap. Magandang sulatin ni Ilang-Ilang Quijano tungkol kay Adelberto Silva, bilanggong pulitikal.

Flame of Recca

Recca

Isa siyang magaan, masaya at maliwanag na presensya sa mga taong nakapaligid sa kanya. Sa kanyang mga magulang, na dumulog at namanata kay Sto. Niño para sa kalusugan niya. Sa kanyang ate, na lubos ang suporta sa kanya mula pagiging aktibista hanggang pamumundok. Sa kanyang mga batchmates sa Manila Science High School, na noong pabiro niyang sinabing “Hindi na ako aalis basta ibili ninyo ako ng franchise ng French Baker” ay sumang-ayon, pero nabigong pumigil sa kanya. Sa kanyang mga kapwa-aktibista sa kampus na giliw na giliw sa kanya, na ang ilan, kapanalig na’t lahat, ay pumigil rin sa kanyang umalis. “What about friendship?” tanong ng iba sa kanila.

Kakaiba siyang karakter, at napakarami ng alaala sa kanya ng mga napalapit. Nakilala siya ng isang kapwa-aktibista sa debut ng isang kaibigan nila pareho, sumasayaw ng “Miami” ni Will Smith at “Sweetheart” ni Mariah Carey. Masayahin siya, bungisngis, at malambing magsalita. Maganda siya, pero hindi iyung tawag-pansin, kundi iyung tumitining sa pagtagal. Maaliwalas ang mga ngiti at ngumingiti rin ang mga mata. Huwag kang magkamaling pindutin ang ilong dahil hahabulin ka niya at sasapakin nang paulit-ulit sa balikat, na ikinakatuwa ng marami niyang tagahanga. Parang lagi siyang may matamis na cologne. O iyung paligid lang ba iyun kapag dumadaan siya?

Mahilig siya sa musika at magaling kumanta. Nakikipag-usap siya sa isang kaibigan nang maghapon tungkol sa musika – na tipong “jologs” para sa iba. Paborito niya si Patti Austin, at isa sa unang hinanap niya sa Youtube ang “Through the Test of Time” sa isang dalaw. Kapag may videoke, nakikipag-duet siya ng “Especially for You” ni Kylie Minogue, at kapag wala, ng “I’m Real” nina Jennifer Lopez at Ja Rule. Romantik para sa kanya ang “Underneath the Stars” ni Mariah Carey at pinakamalungkot naman ang “The Day You Went Away” ni Wendy Matthews. Malinaw niyang nasabi sa isang kaibigan na gusto niyang mapatugtog ang “Breathless” ng The Corrs sa burol niya.

Kakatwa iyun, ang hilig niya at mga kaibigan niyang aktibista na pag-usapan ang kani-kanilang burol. Biruan nila ang pagkakaroon ng “parangal picture” kapag maganda ang isang larawan. Kung ano ang mga kantang papatugtugin at tema, pati kung sinu-sino ang dapat magsalita. Parang may unawaan na magandang parangal lang ang kagyat na maibibigay ng isa’t isa sa mamamatay, at ang bawat isa’y mamamatay nang kasimbigat ng Sierra Madre, wika nga. Pero may isa pa silang katuwaang pangarap: Sama-samang magretiro sa kung saang palayan, may maggagantsilyo, magpapakain ng manok. Sobrang mahal nila ang isa’t isa, gusto nilang makita ang isa’t isa na tumanda.

Recca2

Kaya noong natanggap ng isa sa kanila ang tawag ng isa pa na umiiyak at nagsabing patay na si Recca, hindi agad makapaniwala ang tinawagan. Kahit noong sinabing pupunta na ang pamilya para kunin ang bangkay, umasa ang tinawagan na mistaken identity lang, hindi si Recca ang patay. Naisip pa niyang pagtatawanan nila ni Recca ang kwento sa hinaharap. Pero hindi nagtagal at bumuhos ang text, mensahe sa Facebook, at maging larawan. Sa dulo, napagtanto niyang hindi pala talaga niya naisip na mamamatay si Recca – na puno ng buhay, puno ng kapasyahan at lakas, at puno ng saya. Lagi niyang iniisip na magkikita pa sila ni Recca at magkakasama nang matagal.

Pero hindi man handa ang mga kaibigan niya, handa si Recca. May pagdadalawang-isip man siyang ipinakita, malinaw ang pagpapasya niya. Mula pa sa pagiging malambot ang puso at minsa’y mababaw ang luha pagdating sa mga maralita at nangangailangan. Sa pagiging masigasig na propagandista, organisador, at edukador sa kampus. Sa masaya at matalas na pakikipagpulong para sa pagsusulong ng pakikibaka. Sa walang takot na pangunguna sa mga protesta, kahit may banta ng dispersal at pag-aresto. Sa paglubog sa masang manggagawa at magsasaka. Sa pagsuong sa maraming sakripisyo at pagpapakumbaba. Sa pagtitiwala sa masa at optimismo sa pakikibaka.

Hanggang sa noong 2003, nagpasya si Recca na sumapi sa New People’s Army o NPA. Bisaya siya, pero ni hindi naging usapin na sa Kordilyera siya pupunta. Sa kanyang pana-panahong pagdalaw simula noon, ipinakita niya ang isang pagpapasya na lalong tumitibay. Naging matatas siya mag-Ilocano at natuto na rin ng tabako at nganga ng mga katutubo. Kaya niyang magreklamo nang todo sa hirap ng kalupaan – sa taas ng mga bundok, tarik ng mga palusong, at posibilidad ng kamatayan kapag nabagsakan ng puno – at maging sa tindi ng lamig. Hinarap niya kahit ang hirap ng pagiging ina, at kabiyak ng isang rebolusyonaryo. Pero sa lahat ng ito, wala siyang bahid ng pagsuko.

Ikinwento niya ang tindi ng kahirapan ng mga pambansang minorya at ang laki ng yaman ng kalikasan na ninanakaw sa kanila. Nahahabag man siya sa kalagayan nila, namamangha siya sa kasaysayan at kakayahan nilang lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga komunidad – kahit wala ang NPA pero lalo’t naroon. Pinatotohanan niyang napalayo man siya sa kanyang sariling pamilya ay niyakap siya ng maraming maraming pamilya. Kung may naibubulong man siyang kakulangan, iyan ay nasa larangan ng mga dapat at maaaring gawin para isulong at isulong pa ang mga gawain sa armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo, at pagbubuo ng baseng masa.

Philip Blenkinsop

Tiyak na marami pang lalabas na kwento kung paano si Recca bilang si Ka Tet ng NPA sa Kordilyera. Pero sa pauna pa lang, makikita nang kahit doon, naging kagiliw-giliw na presensya at pwersa siya sa mga kasama niya at sa masang katutubo. Nahalal siyang S-4 ng yunit, tagapag-ingat ng suplay, tulad din ni Erica Salang noon sa Bicol, nangangailangan ng paghawak sa patakaran at malasakit sa mga kasama. Nang hinarap niya ang pinakamatinding problema niya habang naroon, may panahong ayaw niyang kumain. Nang umabot sa masa ang balita, tinambakan nila si Recca ng paunti-unti ng masasarap na pagkaing kinakaya nila, bagay na tiyak na hindi  niya inasahan.

Minahal ng marami si Recca, at sa pamamagitan niya, marami ang nagmahal sa kanyang pangarap at adhikain para sa bayan – ang matapos ang gutom at hirap sa bansa nating maraming yaman na ninanakaw ng iilan. Isang simpleng pangarap na nangangahulugan na mga maralita at ang sambayanan mismo ang humawak ng kapangyarihan, hindi ang iilang mayaman at makapangyarihan. Na maaaring tingnang paglubos sa prinsipyo ng demokrasya pero tiyak na pagbaklas sa hindi demokratikong kaayusang gumagamit sa demokrasya bilang ilusyon. At nangangahulugan ng paghawak ng armas, dahil hindi isusuko ang kapangyarihan ng mga nakikinabang.

Sa dulo, isa si Recca Noelle Monte (1981-2014) sa mga iskolar ng bayan na pumiling ialay ang talino at talento sa sambayanan, at hindi tumanggap ng yaman, pagkilala o kapangyarihan kapalit. Isa siya sa may maalwang buhay at maaaring mariwasang hinaharap na pumiling talikuran ang mga ito para sa isang hinaharap na walang mahirap. Isa siya sa pinakamamahal ng mga kaanak, kaibigan, at kasama sa kalunsuran na nagpasyang tumungo sa kanayunan dahil sa pagmamahal sa sambayanan. Tulad marahil ng panghalina ng mga mata at ngiti niya sa mga kakilala, ang buhay niya ay imbitasyon sa lahat na kilalanin at yakapin ang kanyang mga prinsipyo at pakikibaka.

Pinakamataas na pagpupugay!

12 Setyembre 2014

Galing sa Facebook at dito ang mga larawan.

Kung tribute lang din ang pag-uusapan, matutuwa rito si Recca. Magandang sipi ni Karlo Mongaya sa Italyanong Komunistang si Antonio Gramsci, tiyak na tatamaan ang ilang tipo ng Gramscians mismo.

Vo Nguyen Giap

Vo Nguyen Giap 1

Mula sa kawalan, lumabas ang balitang si Vo Nguyen Giap – heneral at bayani ng deka-dekadang armadong paglaban ng sambayanang Vietnamese sa kolonyalismong Pranses at sa imperyalismong Hapon at US, pangalawa sa katungkulan at prestihiyo kay Ho Chi Minh, at binansagang “Pulang Napoleon” bilang pagkilala sa kahusayan sa estratehiya at taktika ng gera – ay namatay na sa edad na 102. Para sa marami, dahil namatay siya nang napakatanda at nawala sa tanaw ng publikong pandaigdig sa maraming taon, isang balita rin na buhay pa pala ang maalamat na si Vo Nguyen Giap hanggang nitong huli.

Isang araw iyun bago ang World Teachers’ Day. Akma dahil isang guro bago naging heneral si Vo Nguyen Giap, na ang buhay ay inialay sa pag-aarmas kapwa ng diwa at bisig ng sambayanang Vietnamese. Hindi ba’t sinabi rin ni Ho Chi Minh, sa isang sipi na pinatanyag sa bansa ng makatang New People’s Army na si Emmanuel Lacaba, na “ang makata’y kailangan ding matuto kung paano mamuno ng paglusob”? Maraming makata at iba pang klase ng tao ang tinuruan, tinuturuan at tuturuan pa ni Vo Nguyen Giap ng paglusob, siyang matama at mahusay na estudyante ng sambayanang Vietnamese.

Noong nasusukol na raw ang hukbong Pranses ng sambayanang Vietnamese na nasa mga burol ng Dien Bien Phu, inialok daw ni John Foster Dulles, Secretary of State ng US noon, ang paggamit ng armas-nukleyar laban sa mga pulang anay. Tumanggi ang mga Pranses, pero humalili ang gobyernong Amerikano sa pagtatangkang payukurin ang mga Vietnamese gamit ang brutal at barbarikong pandarahas: tone-toneladang bomba, Agent Orange, napalm… Pero ipinahiya ang imperyalismong US ng isang maliit na bansang pesante sa Asya: ang mga mamamayan, hindi mga bagay, ang mapagpasya!

Dahil sa paglaban ng sambayanang Vietnamese at kampanya ng mga progresibo sa US, nalantad sa US ang Gera sa Vietnam. Para sa mga saksi sa diktadurang ipinataw sa mga Aprikano-Amerikano at Kilusang Civil Rights, hindi kapani-paniwala ang palusot na ang gera ay maghahatid ng demokrasya sa Vietnam. Para sa maraming Amerikano, hakbang-hakbang ang pagbabagong-loob, kasabay ni Daniel Ellsberg, military analyst na nagsiwalat ng kabuktutan: mula problemang kailangang resolbahin, naging pantay-lakas na kailangang bitawan, naging krimen na kailangang ilantad, labanan, ipatigil.

Sabi ng ekonomistang si Meghnad Desai, ang Gera sa Vietnam ang nagturo sa pinakamarami sa Kanluran ng Marxismo. Sabi naman ng teoristang pangkulturang si Fredric Jameson, nagtapos ang rebeldeng dekada ’60 sa Kanluran sa pagbawi ng mga tropang Kano sa Vietnam noong 1973, na naging hudyat ng ibayong paghina ng New Left [“Periodizing the 60s,” 1984]. May nagsabi namang tinapos ng sambayanang Vietnamese ang panahon ng kolonyalismo sa daigdig noong 1954 nang talunin nila ang hukbong Pranses. At sila ang unang bayan na gumapi sa gera sa imperyalismong US.

Vo Nguyen Giap 2

Sa harap ng matinding kahirapang dinanas ng sambayanang Vietnamese, higit sa lahat, mababalanse ang bantog na pangangaral ng konserbatibong pilosopong si Hannah Arendt: “Ang mga rebolusyonaryo, hindi sila gumagawa ng rebolusyon! Ang mga rebolusyunaryo ay iyung alam kung kailan ang kapangyarihan ay nakalatag sa kalye (lying in the street) at kung kailan nila ito pwedeng pulutin [Crises of the Republic, 1972].” May mga oportunidad na sinasamantala ang mga rebolusyon, pero hindi lang kapangyarihan ang nasa kalsada, kundi dugo rin, sa salita ng makatang si Pablo Neruda.

Kahit sa isang artikulo na naglalaman ng paninira, makabuluhan ang mga sipi kay Vo Nguyen Giap: “Kung determinadong tumindig ang isang bayan, napakalakas nito. Kinailangan naming gamitin ang maliit laban sa malaki; atrasadong mga armas para gapiin ang modernong mga armas. Sa dulo, tao ang nagtakda ng tagumpay. Hindi sapat ang lakas namin para itaboy ang kalahating milyong tropang Kano, pero hindi iyun ang layunin namin. Ang layunin namin ay ang durugin ang kapasyahan ng gobyernong Kano na ituloy ang gera. Sa tagumpay ng Abril 30, [1975] ang mga alipin ay naging malaya.”

Sa librong The Military Art of People’s War [1970], koleksyon ng piling akda niya, maraming inulit-ulit si Vo Nguyen Giap. Magtatagumpay ang sambayanang Vietnamese dahil ang isinusulong nila ay digmang bayan. Digmaan ng mga mamamayan. Digmaang makatarungan. Dahil laban sa dayuhang mananakop. Dahil para sa pambansang paglaya. Dahil laban sa mga kolonyalista at imperyalista. Mabibigo ang imperyalismong US. Tiyak ang tagumpay. Payak ang mga pormulasyon, walang halong pagpapaganda. Tiyak, ang pinagsikapan nila ay ang gawing totoo, totoong-totoo, ang mga salita.

Tumanggap ng materyal na suporta mula Tsina ang mga rebolusyonaryo ng Vietnam, at malinaw sa kanila ang diwa ng internasyunal na pagkakapatiran ng mga sosyalista. Kwento ng aktibistang si Tariq Ali, na nagpunta sa Hanoi noong 1967, sa pulong daw ni Ho Chi Minh sa isang delegasyon ng politburo ng Partido Komunista ng Italya, tinanong ito kung anong klaseng tulong ang pinakamagagamit ng sambayanang Vietnamese. Sa gitna ng pangwawasak ng imperyalismong US, ang sagot ni Ho: “Ang pinakamagandang paraan na matutulungan ninyo kami ay ang isulong ang rebolusyon sa Italya.”

Para sa 99% ng daigdig na dumadanas ng pandarahas at pagpapahirap, hindi malilimutan si Vo Nguyen Giap. Sa pag-igting ng imperyalistang pandarambong at panggegera sa mundo, lalong mabubuhay ang diwa niya ngayon at sa hinaharap.

01 Nobyembre 2013

Galing ang unang larawan dito.

Tinalakay naman ni Karlo Mongaya ang mga tula ni Ho Chi Minh. Maganda ang isinulat ni Mong Palatino kontra sa mga paninira ngayon sa Kaliwa sa kalagayang nadedepensiba ang rehimeng Aquino dahil sa isyu ng pork barrel. Magandang artikulo tungkol sa “kolorismo.” Bakit daw bumagsak ang Levi’s, ang pantalon? Isang parangal kay Edward W. Said.