Category Archives: Pelikula

Lumad sa Puso ng Tu Pug Imatuy

Tu Pug Imatuy1

“Bobombahin ko iyan,” sabi ni Pang. Rodrigo Duterte patungkol sa mga paaralan ng mga Lumad matapos ang ikalawa niyang State of the Nation Address noong Hulyo 24. Ilang araw bago iyun, nagprotesta sa Kongreso at ikinulong ng pulisya ang ilang guro ng naturang mga eskwelahan. Tutol sila sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao na nagpapatindi sa militarisasyon sa mga komunidad at paaralan ng mga Lumad – ang mga katutubong mamamayan ng Mindanao na hindi Kristiyano at hindi rin Muslim.

Napanood ko ang indie film na Tu Pug Imatuy, may titulong Ingles na The Right to Kill, matapos ang mga pangyayaring ito. Simple ang kwento, na siguro’y sumasaklaw lang ng tatlo o apat na araw. Sinundan nito ang pang-araw-araw na buhay ng mag-asawang Lumad na sina Dawin at Ubonay. Hanggang sa dumating ang isang iskwad ng militar sa kanilang lugar, dahasin at bihagin sila, at pwersahin silang ituro ang kinaroroonan ng mga rebeldeng New People’s Army. Lumaban sila, tampok si Ubonay, at nanaig.

Huli ko nang napanood ang pelikula. Umani na ito ng maraming awards mula sa film festival na sinalihan nito. Tumanggap na rin ito ng maraming papuri mula sa mga manonood at manunuri. Kung ibabatay sa kasikatan nito sa ilang seksyon ng bansa, madaling makalimutang ngayong 2017 ito lumabas. Pero huli man daw ang manonood, kung mahusay ang pelikula at nananatiling napapanahon ang paksa, marapat pa ring magsulat ng rebyu. Napakahusay ng Tu Pug Imatuy, at lubhang napapanahon.

Una, malinaw at simpleng nailatag ng pelikula ang mas malawak na konteksto ng naratibo nito. At nagkwento lang ito, hindi nangaral. Bagamat hirap, may sariling kakanyahan ang pamumuhay ng Lumad. Nakasalalay ang simpleng buhay nila sa kanilang lupang ninuno o yutang kabilin. Matagal na silang nakatira rito at matagal na nila itong ipinaglalaban. Dumating ang mga kumpanya ng pagmimina at nangwasak. Tutol sila sa pagpasok na ito, kaya dumarating ang militar para ipwersa ito sa kanila.

Tu Pug Imatuy2

Ikalawa, ipinakita ng pelikula ang pandarahas sa mga Lumad, pangunahin kina Dawin at Ubonay, ang paglabag sa karapatang pantao nila. Sa husay ng pagpapakita, para na rin itong pagpapadanas sa manonood. Dahil sa pagsahol ng lagay ng bansa, hindi na tanong para sa marami kung totoo ba ang mga paglabag sa karapatang pantao o hindi. Ang totoo, nakakamanhid na ang dami ng ulat tungkol rito. Ito ang binasag ng Tu Pug Imatuy; ipinaramdam nito ang pambababoy, ang makahayop na pagtrato, sa Lumad.

Ikatlo, malinaw at makatotohanan ang paglalarawan sa mga pwersang pampulitika sa kwento. Ang Tu Pug Imatuy, higit sa anuman, ay pagdakila sa paglaban ng mga Lumad sa pang-aagaw sa kanilang yutang kabilin at pandarahas sa kanila. Hindi kataka-taka na pinahigpit nito ang pagkakaisa ng mga nanood na Lumad na nasa Haran, Davao dahil nagbakwit (evacuate) mula sa militarisasyon at ng mga tagasuporta nila. Ito ang kwento ng intelektwal at kolumnistang si Arnold P. Alamon na doon nanood ng pelikula.

Sa unang bahagi, ipinakita ang pagtatalo sa hanay ng militar, sa pagitan ng batang Lieutenant Olivar at matandang Sargeant Villamor – ang kanilang pangalan ay kumbinasyon ng mga mananakop na Amerikano at Espanyol. Ang una, tutol sa malupit na pagtrato sa Lumad ng ikalawa, tila naniniwala sa mabait na pagkuha ng “puso at isip” ng katutubo. Pero sa pagtakbo ng kwento, ipinakita ang pananaig ng malupit na pagtrato, na siya namang totoong nararanasan ng mga Lumad at mamamayang Pilipino.

Mahalaga ang papel ng NPA sa pelikula, bilang kakampi, katuwang at tagapaglingkod ng mga Lumad. Agad makikita ang kaibahan ng hukbo na may babaeng may susing papel kumpara sa militar na puro lalake. Ang NPA ang nagbigay ng kalagayan na sinamantala ni Ubonay para tumakas at lumaban muli. Mas maraming napatay si Ubonay kaysa sa NPA, bagamat ang mahalagang idiin ay magkaisang-hanay silang lumaban. Positibo ang katapusan ng pelikula dahil sa pagsisikap ni Ubonay, at dahil sa tulong ng NPA.

Tu Pug Imatuy3

Ikaapat, ipinasilip ang paaralang Lumad. Dahil may mga Lumad tulad ni Dawin na hindi marunong magbilang, nagsisikap ang komunidad na itaas ang karunungan. May mga nagsusuplong man sa mga eskwelahan bilang likha ng NPA, watawat ng Pilipinas ang nakawagayway rito at may larawan pa ni Noynoy Aquino, pangulong nagpaigting ng atake sa mga Lumad. Mayroon itong hukay para pagtaguan ng mga bata kapag binobomba ng mga militar ang eskwelahan, pero walang baril o anumang armas.

Nagtuturo ito ng pangangalaga sa kalikasan at ng “imperyalismong Amerikano” – na bahagi ng kasaysayan, simpleng depensa ng guro sa pelikula. Itong lugar ng pagkatuto ng mga Lumad, ginagawang target ng pandarahas ng militar at gobyerno. Dahil sa mga paaralang ito, ang isang anak ni Dawin ay nangangarap maging guro. Si Lieutenant Olivar, hindi si Sargeant Villamor, ang umihi sa mga gamit sa eskwela. Tila kahit para sa naliliwanagang militar, hindi kapani-paniwala ng nagsasariling pagkilos ng mga Lumad.

Ikalima, mahusay na nailahad ang nilalaman dahil pasado, kung hindi man mahusay, ang porma ng pelikula – mula sa simpleng kwento at payak na diyalogo hanggang sa mahuhusay na mga aktor, mula sa buhay na kuha ng kamera sa mga eksena hanggang sa mapagmuning tutok sa kalikasan. Maraming eksena ang nakakatindig-balahibo. Patunay ang pelikula ng natatanging lugar ng sining sa pagsusulong ng progresibong pulitika at ng pagiging materyal ng progresibong pulitika para sa mahusay na sining.

Pero may pagbaklas din sa mga kumbensyon ng pelikula ang Tu Pug Imatuy. Masasabi na bida ng pelikula si Ubonay, pero hindi siya ang bidang inapi-api lang. Lumaban siya, pero hindi rin sa karaniwang hulma ng mahusay o pinagpala. Masasabi ring nagtagumpay siya sa paglaban, pero hindi ito tagumpay na maningning, mapagbunyi, masigabong palakpakan. Natapos ang kwento, pero walang paramdam na tapos na ang laban. Mahirap at buwis-buhay ang paglaban ni Ubonay, parang ang pakikibaka mismo.

Kapuri-puri ang tapang, talas at husay ng mga nasa likod ng pelikula: Arbi Barbarona (direktor), Arnel Mardoquio (screenplay), Arbi Barbarona at Bryan Jimenez (cinematography), Norhaya Diabo Macusang, Milo Tolentino, Arnel Mardoquio, at Arnel Barbarona (producers) at Malona Sulatan, Jong Monzon, at iba pang artistang gumanap. Pagpupugay sa kanilang lahat! Ang dapat na humabol ngayon ay ang mga pagsisikap na maipalabas ang pelikula sa buong bayan at maging sa ibang bansa.

Tu Pug Imatuy4

Interesante ang pagmumuni ni Andrea Malaya M. Ragragio, propesor sa UP-Mindanao at kolumnista, hinggil sa pagpatay. Humalaw siya sa pilosopong si Walter Benjamin para sabihing bagamat kautusan sa Bibliya ang “Huwag kang papatay,” hindi ito nagbibigay ng lahatang paghusga sa mga taong pumatay. Humalaw naman siya kay Slavoj Zizek, isa pang pilosopo, para sabihing ang “banal na karahasan (divine violence)” gaya ng ginamit ni Ubonay ay patunay ng kawalang-katarungan sa mundo.

Ayon kay Ragragio, ang ibig sabihin ng praseng Manobo na “tu pug imatuy” ay “ang pumatay” at ang direktor na ng pelikula ang gumamit ng Ingles na prase para sa “karapatang pumatay.” Kinikilala ng lipunan, at katanggap-tanggap pa nga rito, ang karapatang pumatay sa isang eksaktong pakahulugan – pagdepensa sa sarili laban sa tangkang pagpatay. Ganito ang dinanas ni Ubonay sa kamay ng militar, ang dinadanas ng Lumad sa kalakarang panlipunan na nagsisilbi sa malalaking kapitalistang dayuhan.

Pero nakakapagpaisip ang matatagal na nakatingalang pagtutok ng kamera sa kalikasan. Nag-uudyok ito ng mga pakahulugan na katanggap-tanggap din. Antas-pilosopiya: batas ng kalikasan ang tunggalian, na kapag may nang-aapi, may lalaban, kasama na ang pagpatay sa mga pumapatay. Antas-pulitika, kaugnay ng nauna: sa kanayunan, malayo sa sentro ng kapangyarihan ng iilan, kinakayang magtayo ng Estado ng nakakarami, “espesyal na pampublikong pwersa” sa salita ni Engels, “organisasyon ng karahasan para sa pagsupil sa kung anong uri,” sa salita ni Lenin, may kapangyarihang pumatay.

Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan; ganyan ang pagpapalayas at pandarahas sa Lumad para sa bansa. Sagad ang pagsasamantala, mula manggagawa, magsasaka at iba pang maralita, umaabot sa pag-angkin sa yamang likas sa malayo. Ang mga kababayan nating walang-wala, nabuhay sa sariling kayod na parang kinalimutan na ng sentro ng kapangyarihan, ay biglang naalala – para apihin. Silang nagsisikap bumangon at sumulong, gamit ang kanilang paaralan, ay gustong patagin sa lupa.

Panoorin ang Tu Pug Imatuy at lalong pumanig sa Lumad at bayan.

15 Agosto 2017

Galing ang mga larawan sa Facebook page ng pelikula.

Advertisements

Segunda Mano, Segunda Klase

Kung hindi ako nagkakamali, madalas na may lahok na pelikulang katatakutan o horror sa taunang Metro Manila Film Festival. Higit pa siguro sa usapin ng paghahain ng de-kalidad na sine, na umano’y dahilan ng MMFF, kumikita ang ganitong mga pelikula. Sa hirap ng buhay, tiyak na magtatatlong-isip ang kahit sino na maglabas ng P180 para lang manood sa sinehan – kumpara sa di-hamak na mas murang DVD. Pero may pang-akit ang panonood ng katatakutan sa mismong sinehan, dahil swak ang dilim at buong sitwasyon at sensasyon sa ganitong palabas.

Pero parang may bago rin sa pelikulang katatakutan. Dati, parang ang layunin talaga ay matakot ang manonood at multuhin siya hanggang panaginip, ang magdulot ng bangungot, ang maalala bilang nakakatakot. Ngayon, sa panahong marami na siguro ang hindi naniniwala sa multo at lalo na sa aswang, may mga pelikulang katatakutan na mas haluan ng gulat at takot ang iniaalok. Paano kung biglang may magpakitang multo sa isang sitwasyong hindi inaasahan, dahil hindi na talaga inaasahan?

Ganyan ang pelikulang Segunda Mano – na dahil hindi ko pa naririnig dati ay inakala kong kaserye ng Mano Po, hindi pala. Umikot ang istorya kay Kris Aquino, may-ari ng shop na nagbebenta ng antigo pero may minumulto ng nakalipas: nawala, ipinagpalagay nang namatay, ang mas batang kapatid niyang babae habang nagtatakbuhan sila sa gilid ng dagat na malakas ang alon. Para maging kapani-paniwalang may malulunod sa pagtangay ng malakas na alon, may karatula: San Juan – na siguro’y sa La Union, kung saan pamatay ang mga alon. Ipinapakita si Kris na minumulto sa panaginip ng kapatid.

Magtatagpo ang landas nila ni Dingdong Dantes, mayamang negosyante. Naghahanap si Dingdong ng asawa, dahil nawala na lang bigla ang asawa niyang si Angelica Panganiban. Magkakaroon ng relasyon sina Kris at Dingdong pero hindi makaabante dahil nagsimula nang multuhin ni Angelica si Kris. Kung bakit naman kasi naaagnas na si Angelica kapag nagpapakita. Tulad siguro ng mga narinig kong manonood na tumitili – mas sa pandidiri, hindi sa kilig – nabagabag si Angelica sa love team ng kapatid ng pangulo at kampanyador ng pangulo noong eleksyon.

Spoiler alert! Sa dulo, malalantad na nawala si Angelica, hindi dahil pinatay ito ng kalaguyo, gaya ng ipinapahiwatig ng pelikula sa una. Pinatay ni Dingdong si Angelica, matapos matunton ang isang pakikipagkita nito sa kabit – na oo nga pala’t si Rico Blanco. Kung ayaw may dahilan; kung gusto, palaging mayroong paraan. Syempre, kasama si Rico sa pinatay ni Dingdong.

Mas malamang, gusto ng mga gumawa ng pelikula na sabihin ng mga nagrerebyu na ang kapana-panabik ay kung paano tumakbo ang istorya. Dahil nga nasa negosyong segunda mano si Kris, gayundin ang kaibigan niyang nagbebenta ng mga segunda-manong bag, dito dumaloy ang pagpaparamdam. Parang OFW si Angelica, ipinadala ang lahat kay Kris at sa kaibigan nito mula sa kabilang buhay: bag, damit at ang kotseng pinalubog sa ilog ni Dingdong matapos patayin ang dalawa. Hindi kapana-panabik ang dating, kundi overkill. Hindi ko lang alam kung may epektong takot talaga ang kwento sa mga bumibili ng mga segunda mano.

Matutuklasan, at ipapaliwanag talaga ng pelikula – sa paraang berbal, dahil kinapos sa paraang biswal – na kaya pala nagmumulto si Angelica ay para protektahan si Kris at iba pang tao laban kay Dingdong. O para ba ipaghiganti ang pagkamatay nila ni Rico? Lahat ng namatay sa pelikula, pinagpakitaan ni Angelica, pero dahil papatayin na pala ni Dingdong. Ang pelikulang katatakutan, magiging pisikalan at habulan sa dulo. Mananaig si Kris, sa tulong ni Angelica na buhay na buhay lang kung makialam sa mga bakbakan.

Ang hindi ko maintindihan, pinalabas na ang nawawalang kapatid ni Kris at ang asawa ni Dingdong ay iisa – si Angelica. Sa yugtong ito, ang katatakutang Japanese (ala-Sadako ang ramdam ng mga eksena) at Amerikano (may pisikalan sa dulo laban sa taong nananakot at pumapatay) ay naging telenobelang Pinoy (may malalantad na magkamag-anak sa dulo ng istorya). Kaya ano? Tanga lang sina Kris at ang nanay niyang si Helen Gamboa – na nakakatakot nang unang lumabas dahil kamukha nina Nida Blanca at Charito Solis – sa buong panahong pagdadrama dahil sa nawalang kapamilya.

Ang sabi ng kasama kong manood pagkatapos ng sine: “Magasin ka ba? Kasi andami mong isyu!” Totoo. Halatang nagtagal ang pagpaplano ng Segunda Mano. Sobrang tagal. Sa puntong wala nang pokus at hindi na nasinsin ang pagpaparurok sa kwento. At dahil sala-salabid ang mga istorya, maraming balik-tanaw o flashbacks. Kung ganito lang ang flashbacks sa kasaysayan sa totoong buhay, napakarami na sana ng aktibista. Ayos naman ang hindi dire-diretsong naratibo, pero parang niloloko ang manonood sa isang buhos na pagsisiwalat sa dulo, hindi unti-unti.

Bakit nga ba naging bayolente at mamamatay-tao si Dingdong? Dahil nasaksihan ng tatay niyang baldado ang madrasta niyang umuwi nang may kabit. Nakita niyang magpakamatay ang tatay niya dahil sa nakita. Mas grabe ang dinanas ni Dingdong kaysa kay Kris. Pero bakit si Dingdong, naging mamamatay-tao at si Kris ay naging tindera lang ng antigo? Okey naman ang pagkwestyon sa hatiang masama bersus mabuti sa mga karakter, pero bakit ang karakter ni Kris, malinis lang? Tipong ekstensyon ng pagiging celebrity ni Kris sa kabila ni Joey Marquez at ng masaker sa Luisita.

Kung panandaliang gulatan at mababaw na takutan lang ang hanap, mayroon namang pambayad, at kayang tagalan ang pag-arte ni Kris, ayos ang Segunda Mano. Ang nakakaaliw sa pelikula ay si Bangs Garcia, kaibigan ni Kris. Hindi mo alam kung umaarte siya o ganoon lang talaga siya bilang kikay. Pero sana sa buong pelikula siya nabigyan ng puwang para mang-aliw. Ayos ding umarte ang anak ni Dingdong, na nagpahirap kay Kris bilang madrasta.

30 Disyembre 2011

Galing ang mga larawan dito at dito.

Maligayang bagong taon sa lahat! Hangad ko para sa mga kapwa-aktibista ang matalas pero balanseng pagtatasa at pangahas pero lapat na plano ng pagsulong sa bagong taon! Syempre, para sa pambansa at panlipunang paglaya!

Ibang Lebel ang Dokyung Ka Bel

 

Isang komentong narinig ko tungkol sa bidyo-dokumentaryong Ka Bel ng Mayday Multimedia ang pagiging “masalita,” lalo na simula sa ikalawang hati. Sana raw ay mas marami ang ginawang pagsasadula o “pagsasapelikula” ng buhay at pakikibaka ni Crispin “Ka Bel” Beltran, makabayang lider-anakpawis at lider-manggagawa. Patungkol ito, na tiyak na nakaugat sa limitadong pondo at rekurso ng mga independyenteng pagsisikap na ganito sa bidyo, sa biswalidad na mahalagang salik ng anumang bidyo.

Sa kabilang banda, narinig ko rin ang komentong “nakakaiyak” ang pelikula, para man sa mga personal na nakakilala kay Ka Bel o sa mga hindi. Ikinangiti ng mga mata kong kakaiyak lang din ang komentong ito; hindi pala ako nag-iisa. Sabi ng isang kaibigan, “Ngayon lang ako ulit umiyak sa isang pelikula,” na sinabi rin daw ng isa pang kaibigan. Kakatwang ang bidyo-dokumentaryong makokomentuhan ng kahinaan sa biswalidad ay humahatak ng napakapisikal na reaksyon ng pagluha sa pandamang biswal ng tao.

Bakit nga kaya? Sa tingin ko, dahil naipakita ng bidyo-dokumentaryo ang tatag at pagpupunyagi ni Ka Bel sa pakikibaka. Buhay na buhay na ipinakita ng Ka Bel kung paanong sinuong ni Ka Bel ang lahat ng karaniwang salik na pwedeng magtulak sa isang aktibista o rebolusyunaryo na “mag-lie-low” sa pakikibaka: pangangailangang pampinansya na laging karugtong ng pagpapamilya, tunggalian at alitan sa mismong organisasyon, matinding pasistang panunupil ng Estado, at panunuhol ng kaaway.

“Ang mga rebolusyunaryo,” kung tama ang alala ko sa sinabi ng isang makata, “kung hindi man pinagtataksilan ng sariling uri ay dinudurog ng kabila.” Nagpakatatag si Ka Bel laban sa atrasadong hatak ng kanyang uri at ng tambalang panunupil-panunuhol ng mga kalaban niyang uring naghahari sa bansa. Nagpakatatag siya sa puntong parang naalpasan na niya ang mga ito – para tuluy-tuloy, pursigido at mahusay na gumampan sa mga tungkulin, malaki man o maliit ang mga ito, bilang aktibista at rebolusyunaryo.

Ipinapaalala ng buhay at pakikibaka ni Ka Bel sa mga aktibista at rebolusyunaryo na “Internal ang Mapagpasya” sa pag-aambag at pagsuong-pagsulong sa pakikibaka – bagay na kailangang ulit-ulitin at tanganan para hindi bumagsak sa pagiging overrated o labis-labis na napapahalagahan na mito lang ng pagsisimula. Ipinakita ng Ka Bel ang mga ambag ng mga mahal sa buhay at kasama ni Ka Bel sa kanyang pakikibaka – na iniluwal ng pagpapasya ni Ka Bel at paglaon ay nila rin sa landas na tatahakin sa buhay.

Sa proseso, ipinakita ng bidyo-dokumentaryo ang pagpapanibagong-kahulugan ng kilusang aktibista at rebolusyunaryo sa bansa sa “tagumpay” sa antas na personal. Walang yumaman sa pelikulang ito; namatay si Ka Bel na pinakamahirap na kongresista habang pinipilit kumpunihin ang butas na bubong ng bahay. Ipinakita ng dokyu ang inaani sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa para sa kanilang interes at pagbabagong panlipunan: ang igalang at mahalin ng masa gayundin ng mga kasama.

Sa kabilang banda, hindi isang krusadang moral lang ang kilusang aktibista at rebolusyunaryo na pinamunuan ni Ka Bel. Hindi lang ito tungkol sa pamumuhay nang matuwid at makamasa sa balangkas ng kasalukuyang sistema. Hindi ito sub-kultura kundi kilusang may layuning magtagumpay sa pagbago ng lipunan. Sa panahong lumalakas ang panawagan at pagkilos ng sambayanan para sa pagbabago, ipinapakita ng dokyu ang isang huwaran sa ating buhay, para matanganan natin ang ating papel.

Payong aktibista: Gawin ninyo ang lahat ng makakaya para mapanood ang Ka Bel.

30 Marso 2011

Galing ang mga larawan dito.

Maraming paglilinaw si James Petras sa mga nagaganap sa Libya, isa na ang hindi langis o pang-ekonomiya ang interes dito ng US, kundi geo-pulitikal. Kasabay ng pagpaparusa ng kamatayan sa tatlong Pilipinong napatunayang maysala sa drug trafficking sa Tsina, ibinebenta ni Noynoy Aquino ang bansa, sabi ni Carlos Maningat.

May mahabang panunuri si Karlo Mikhail Mongaya sa maiksing nobelang Widows ni Ariel Dorfman. May siyam na punto naman si E. San Juan, Jr. kaugnay ng mga posibilidad ng Cultural Studies sa bansa.

Aliw lang: mga alaalang pang-hayskul ng isang blogger sa US kaugnay ng bandang Journey. Kapag kinabisado ko ito, magagawa ko ang nagagawa dati ng tatay ko: ang pangalanan ang bawat singer sa kantang “We are the World” habang kumakanta. Hehe.

Sine Sigwa

Ilalatag ko ang baraha ko: Ang totoo, mas malinaw at mas kagyat ang pagkagustong naramdaman ko matapos mapanood ang pelikulang Dukot kaysa matapos mapanood ang pelikulang Sigwa. Hindi maiiwasan ang maghambing, sa tingin ko, dahil pareho silang gawa ng tambalang Joel Lamangan sa direksyon at Bonifacio Ilagan sa panulat, progresibo ang paksa at tema, at nagsangkot ng mga artista sa pelikulang mainstream.

Bilang aktibista, sinubaybayan ko kung paano hinabi ng dalawang progresibong alagad ng sining ang kwento, kung kapani-paniwala ba o hindi. Kailangan kong sabihin ito dahil aaminin kong hindi ako kasing-mapagmatyag sa bagay na ito kapag pelikulang gawa ng mga hindi progresibo ang pinapanood. Hindi ko rin alam kung naging o magiging kasing-mapagmatyag ko ang mga manonood na hindi aktibista sa isyung ito.

Anu’t anuman, karamihan sa mga kapwa-aktibistang tinanong ko pagkatapos ng pelikula ang nagsabing nagustuhan nila ang Sigwa, at mas nagustuhan pa nga nila sa Dukot. Nagdagdag ito ng hamon sa akin bilang magrerebyu ng pelikula: Hindi ko lang tungkuling ilahad ang pagtingin ko, kundi ang gagapin din ang pagtingin ng iba. Para kasi sa mga progresibo, mahalaga ang paghatol ng mga manonood sa isang pelikula.

May ilang kaibigan ang nagtanong: Bakit 2009 lang binalikan sa Pilipinas ng Pilipino-Amerikanong si Dolly (Dawn Zulueta) ang sanggol na anak niya, na naiwan niya matapos siyang arestuhin at ideport noong unang mga taon ng Batas Militar at pagkatapos ay nabalitang namatay? Pwede naman daw noong 1986, nang mapatalsik ang diktador? Sa pagbalik ni Dolly uminog ang pelikula, kaya mahalaga para sa kanila.

Sa tingin ko, mas kapani-paniwala kung binalikang agad ni Dolly ang anak noong 1986. Pero kapani-paniwala pa rin ang hindi niya pagbalik kahit noon. Maaaring binalik-balikan at ipinagluksa niya ang pagkamatay ng anak, pero maaaring hindi ito naging ganoon ka-lakas na tulak para bumalik sa bansa. Kapani-paniwala ang paliwanag ng pelikula sa nahuling pagbalik niya: na may nakapagsabing buhay pa ang anak niya.

May kaibigan namang bumilib sa pagsisiwalat ng kwento mula sa pagdating at pagtingin ni Dolly. Hindi ko alam sa pelikulang Pilipino, pero inugat pa ng kritikong pangkulturang si Edel E. Garcellano kay Simoun ng El Filibusterismo ni Jose Rizal ang ganitong estilo ng paglalahad: ang balikbayan “bilang pangkulturang tagapag-ingat ng tensyon, ang nawalay na sipat para tasahin ang pagkakaiba [Interventions, 1998].”

Nagsimula ang agam-agam ko sa istorya ng pelikula sa rurok nito, sa pagsasagutan nina Dolly, Cita (Zsa-zsa Padilla), Rading (Jaime Pebanco) at Oliver (Tirso Cruz III) sa burol ng propesor na naging mahalaga sa pagiging aktibista nila – eksenang alam kong paborito ng maraming kapwa-aktibista. Hindi pa dahil imposibleng ang amasonang tulad ni Cita ay pupunta, o babastusin ni Oliver ang mga aktibista, sa isang burol.

Nahabaan ako sa polemika at, sa tingin ko, pwede pang napalambot – masyadong hardcore! – ang mga sinabi para nakasabay ang manonood na hindi aktibista. Parang sinikap ilahad ang lahat ng paninira sa Kaliwa at sagutin ang mga ito. Sa kabilang banda, malulutong ang linya at mas mahusay na pangsara ang “praktikang panlipunan (social practice)” kontra kay Oliver kumpara sa pagsasabi halimbawang burgis na siya.

Sa tingin ko, higit sa mga linyang binitawan, nagustuhan ng mga kapwa-aktibista ang eksena dahil paghaharap ito ng naging mga buhay ng mga dating kabataang aktibista: ng isang nanatiling New People’s Army at isang nagturo sa militar ng mga kapwa-aktibista at naging tagapagsalita ng rehimeng Arroyo. Inusig ng una ang ikalawa, mula sa tanaw ng dati nilang pinagsaluhang paniniwala. Paano mo nagawa iyan, Oliver?

Sa pagdating ni Cita sa burol – nang ang armas lang ay isang “Shhh!” at hintuturo sa tapat ng labi para sa mga nakakakilala at isang maliit at payat na babaeng kasama – ipinakita ang pagkatao niya na isang amasona. Lalo pa itong nakita noong kinumpronta niya si Oliver sa kabila ng maraming bodyguard nito. Kakatwang palaisipan: naipakita niya ang pagkatao sa pagsugal sa seguridad niya, na hindi ko alam kung reyalistiko.

Spoiler alert! Sa tingin ko, hindi nabigyan ng sapat na halaga ang pagpanaw ni Azon (Gina Alajar) at paghahabilin niya sa anak at apo ni Dolly sa huli. Ang punto ba ay ipakitang higit sa usaping personal ang bumukas kay Dolly sa pagbalik sa bansa? Ito naman ang ipinakita ng pelikula – nang hindi nagmukhang nakalimutan ang hibla ng kwento niya. Pero mas buo sana ang kwento kung napahalagahan ang nasabing eksena.

Nakakatuwa pero parang pilit ang pagpapakilala ng anak ni Rading na isa na siyang unyonista sa dulo ng pelikula. Sa tingin ko, ang sana’y naging aktibista sa pelikula ay ang anak ni Dolly na pinalaki ni Azon. Maaaring nagtatalo sila ni Azon tungkol sa aktibismo, pero aktibista siya. Sa ganito, naging simbolo rin sana siya ng isa pang bagay na iniwan ni Dolly sa iba pero lumago sa kabila ng lahat ng nangyari – ang rebolusyon.

Ilan pang tanong: Bakit babalik sa US si Dolly nang wala man lang pangakong magsusulong ng pakikibaka? Maipagpapalagay na ba iyun? O background lang ang nasaksihan niya sa paghahanap ng anak? Bakit sinabi ni Dolly na nagpapakabuti sila noong namatay ang asawa niya, gayung wala naman itong ipinakitang pagsisisi sa pagiging ahente ng militar? Bakit walang masayang may-asawa sa mga karakter?

Sa “Unmasking Lino Brocka” [Sites of Review, 1996], ang kontrobersyal niyang tuligsa sa pulitika ng mga pelikula ng sikat na direktor, iginiit ng kritikong pangkulturang si Patrick D. Flores na “kontra-mahirap” talaga si Brocka. Aniya, “matapos suungin ang lahat ng hirap ng paglalantad sa mga kasalanang panlipunan…, humahantong ang mga karakter ni Brocka sa dahas at nagiging kriminal, hindi detenidong pulitikal…”

Bagamat may mga butil ng katotohanan sa sanaysay ni Flores, hindi niya isinama sa pagsuri ang bantog na Orapronobis ni Brocka. Dito, ang pangunahing karakter na si Jimmy Cordero ay ipinakitang naitulak na humawak muli ng baril at lumahok sa kilusang underground dahil sa pagpapatuloy ng mga kabulukan ng diktadurang Marcos sa noo’y bagong rehimen ni Cory Aquino. Hindi siya naging kriminal kundi rebelde.

Kung gagamitin ang pamantayan ni Flores, malinaw na kampi sa rebolusyon – kung hindi man sa mahihirap sa lipunang Pilipino – ang Sigwa. Kung hahawak pa lang ng baril si Jimmy Cordero sa dulo ng Orapronobis, dito ay NPA na si Cita, pumatay ng mga ahente ng militar na nagtangkang pumatay sa kanya, at nakipagtuos – at magpaparusa? – kay Oliver, miyembro ng gabinete. Hindi laos ang NPA dito, kundi lumalaban.

Sa kabila ng ilang sa tingin ko’y kahinaan, positibo sa pangunahin ang Sigwa. Matapang itong pelikula hindi lang sa tema kundi bilang proyekto. Kasama ng Dukot, paghawan ito ng espasyo sa larangan ng mga pelikulang indie kung saan nagsasanib ang pulitikang Kaliwa at ang mainstream na paggawa ng pelikula. Nangahas din itong maging mas kumplikado, sa kwento at sa mga pagbabalik-tanaw, kaysa sa Dukot.

Matapang din ito sa isa pang pakahulugan. Masalimuot ang paglalarawan nito sa mga aktibista: may ahente ng militar at kumanta noong tinortyur – pero hindi paborable ang paglalarawan sa kanila rito. May iginupo ng sakit at tortyur, galing sa ibang bansang nahimok makibaka, binagabag ng mga suliranin, at nagpupunyagi – at sila ang mga bida ng Sigwa. Hindi lang sila makikita sa naunang henerasyon ng mga aktibista.

May kanya-kanyang paboritong eksena sa Sigwa ang mga aktibista. Ang sa akin, hindi iyung nasa rurok na kumprontasyon, o sa pagkatapos nito. Ang paborito ko ay iyung ipinagtatapat ni Azon kay Cita ang pagsisinungaling niya tungkol sa anak ni Dolly. Hindi pa nagtatagal na nasabi ni Azon na “Hindi ko naman masabing mali ang ginawa ko…,” sumagot kaagad si Cita: “Mali ang ginawa mo.” Ewan ko, pero totoong-totoo!

10 Agosto 2010

Galing ang mga larawan dito. Nasa Tumblr na rin si Tanglad. Sana patuloy pa rin ang blog niya. Basahin ang napakagandang artikulo ni Linh Dinh, reaksyon sa balitang pumupunta na lang sa US ang mga Iraqi ngayon. Talaga palang minanmanan ng Federal Bureau of Investigation ng US si Howard Zinn. Kahit tagahanga tayo ni Lauryn Hill at ng The Fugees, hindi okey si Wyclef Jean bilang presidente ng Haiti. Hindi lang trabaho ang dapat panawagan ng kababaihan, sabi ni Nina Power. Paghusga nina Levi R. Bryant at iba pang blogger sa epekto ng dekonstruksyon sa pilosopiya.

Muli, isang magandang sulatin ni Edgar Allan Paule tungkol sa kolum ni Conrado de Quiros hinggil sa Hacienda Luisita! Kumusta naman si Cris Pablo Neruda? Mapapalampas ba natin si Angela Stuart-Santiago kapag binanatan niya si Kris Aquino? May mga pagmumuni sa wika si Oliver Ortega sa buwang ito. Ang galing ng banat ni Mong Palatino sa taong ayaw magpatawag sa pangalan niya sa plenaryo! Nagulat naman ako sa bagong disenyo ng blog ni Kenneth Guda: good, ah. Entri ni Diwa Dimagiba tungkol sa sigalot sa Philippine Airlines. Mabuhay ang mamamahayag na si Raissa Robles para sa magagandang (1, 2, 3) artikulo tungkol sa gulo sa PAL!

Sa kabila ng ilang kahinaan, mahusay na pelikula sa pangkalahatan ang Dukot. Nagbibigay ito ng simbolikong resolusyon sa suliraning panlipunan kaugnay ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot – sa pagpatay ng kapatid ng bida sa militar na nagpahirap at pumatay dito. (Galing ang mga imahen sa ibaba sa Multiply site ni Boy Dominguez, iginagalang na pintor at artista. Maraming salamat!)

Kalikot sa Dukot

Mahusay ang pagpapakita ng pagiging brutal ng karahasang pinawalan ng rehimeng Arroyo sa mga aktibista at maging sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at mamamahayag – na, katulad ng mga aktibista, ay nagsisiwalat ng lagay ng mga mamamayan. Mahusay rin ang pagpapakita kung paano nilalaro ng militar ang opinyong publiko sa pamamagitan ng simpleng pagbaligtad ng mga kwento – imbes na militar ang gumawa ng isang bagay, ibibintang ito sa New People’s Army o NPA.

Nakatulong ang paggamit sa pagbabalik-tanaw at hindi pagiging linyar ng naratibo. Ang hinala ko, solusyon ito sa praktikal na problemang hinarap ng mga gumawa ng pelikula, dahil nga nakatuon ito sa tortyur. Naiadya nito ang mga manonood sa tuluy-tuloy na panonood sa karahasang dinanas ng magkasintahan sa kamay ng militar.

Mahigpit ang pagkakatahi ng istorya, at lalong dapat itong papurihan dahil ayon kay Bonifacio P. Ilagan, sumulat ng script ng pelikula, batay ang lahat ng laman ng istorya sa mga kwentong naganap sa totoong buhay – ibig sabihin, sa mga aktwal na dinanas ng mga aktibista sa bansa. Sa matatag na pagharap nina Junix at Maricel sa pagpapahirap ng militar – hindi nagsuplong, walang ipinahamak – maaalala tuloy ang iba pang katulad na kwento ng iba pang progresibo at rebolusyunaryo sa bansa.

Isa pang martir sa labanang iyun sa Panay si Antonio Hilario (TonyHil), inaalala ng mga kasama kahit ngayon bilang “utak pang-organisasyon” ng Samahan ng Demokratikong Kabataan… [S]ugatan si TonyHil. Sabi ng mga nakasaksi, inilibing nang buhay si TonyHil ng mga sundalo ng kaaway. Nang nakataas ang kamao ng pagbabalikwas, sumisigaw siya ng “Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!” habang sadistang tinatabunan ng lupa ng kaaway. [Antonio Zumel, “Remembering the Martyrs,” 1992 nasa Radical Prose: Selected Writings, 2004.]

Sa mga hindi aktibista, ipinapakilala ng pelikula ang panganib na dulot ng cellular phone sa mga aktibista – na tumampok sa panahon ng paghahari ng rehimeng Arroyo. Para sa karaniwang tao, normal na gamit pangkomunikasyon lang ito at pinagmumulan ng kasiyahan sa araw-araw. Pero bukod sa narito ang mga taong kaugnayan ng isang aktibista, ginagamit din itong pang-tukoy ng kinaroroonan niya. Sa panahon ng rehimeng Arroyo, maraming kwento tungkol sa bagay na ito.

Sa isang probinsya, bago lumaganap sa mga aktibista ang kaalaman tungkol sa panganib ng cellphone, nagpupulong ang ilan sa kanila:
Aktibista 1: (Nakatingin sa
cellphone.) Oh, bakit nagte-text ka pa eh kaharap lang kita? Tsaka narinig mo naman ang sinabi niya, bakit itinatanong mo pa ulit?
Aktibista 2: Hindi ako nagte-
text.

Bagamat naipakita ng
pelikula na wasto at makatarungan ang ginagawa ng mga aktibista, mas madiin ito sa pagsasabi ng isang punto: Na kung inaakusahan man sila ng kung anong kasalanan ng Estado, hindi sila dapat basta na lang dukutin o barilin, kundi litisin at ipakulong. Ito naman talaga ang pagtinging mas makakahatak sa mas marami para tumutol at lumaban sa pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista.

Tiyak, gayunman, na mapapaisip ang mga nagpasyang maging kritikal sa pelikula kung bakit pinatay ng kapatid ni Junix ang militar na bagamat oo nga’t nagtortyur at pumatay sa kanyang kapatid ay dapat din sigurong iharap sa batas at parusahan batay dito. Hindi ba’t labag ito sa sinasabi ng pelikula?

Dito hirap ang maraming liberal sa bansa: ang igiit ang dapat habang kinikilala ang totoo – ang igiit na dapat parusahan sa batas ang mga inaakusahang nagkasala rito habang kinikilalang marami ang gumagamit ng dahas labas sa Estado para maghanap ng katarungan sa mga pandarahas ng militar.

Ano ang kaibahan ng liberal at Marxista?
Kapag nakakita sila ng pulubi sa kalsada…
Sasabihin ng liberal: Hindi gumagana ang sistema.
Sasabihin ng Marxista: Gumagana ang sistema.

Ang hinala ko, pinatay ng kapatid ni Junix ang militar sa dulo hindi bilang personal na paghihiganti, kundi bilang miyembro ng NPA. Ang pinangyarihan ng pagpatay – ang sabungan – ang batayan ko. May inilathala kasi dati ang Pinoy Weekly tungkol sa pagpatay ng NPA sa isang elemento ng militar na napatunayan nitong responsable sa pagdukot at pagpatay sa mga aktibista sa Bicol, na naganap din sa sabungan.

Pero ang hinala ko, hindi naunawaan ng mga manonood na NPA sa yugtong iyun ang kapatid ni Junix. Wala naman kasing anumang palatandaan sa pelikula na ganito nga. Pero NPA man o hindi, malamang na papalakpakan ang eksenang ito ng mga manonood – bunsod ng pagkasuklam sa pagpapahirap na ginawa kina Junix at Maricel.

Hindi makakawala ang Dukot sa paghahambing sa Orapronobis. Sila naman kasi ang pinakamatapang na mga pelikulang progresibo sa kasaysayan ng bansa. Pareho silang nag-endorso ng paggamit ng dahas, at nagpapatanggap sa mga manonood na may mga tao sa lipunan na naitutulak na gumamit nito – anuman ang paghusga natin sa kanila.

Lumabas ang Orapronobis noong 1987; ang Dukot, ngayong 2009. Pareho silang kumukwestyon sa “demokrasya” sa bansa. Pareho silang lumabas sa isang panahon ng paghupa ng pampulitikang panunupil – kumpara sa panahon ng diktadurang US-Marcos at kasagsagan ng pampulitikang pagpaslang ng rehimeng Arroyo.

May pagkagulat sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Orapronobis – na ang mga porma ng pampulitikang panunupil na namayagpag noong panahon ng diktadura ay nagpapatuloy sa bagong rehimeng tinatawag na “demokratiko.” May pagkagulat dahil may pag-asang namamayani sa bagong rehimen, bukod pa sa ang militarisasyon sa kanayunan na isiniwalat ng pelikula ay hindi gaanong malaganap sa kaalaaman lalo na ng mga manonood na nakabase sa urban at ibang probinsyang hindi naging puntirya.

Bagamat may pagkagulat din sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Dukot, mas dulot ito ng tindi ng brutalidad na ipinakita, na lingid sa kaalaman ng marami. May pangkalahatang kaalaman na kasi ang mga manonood sa isyu ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot. Wala rin kasing namamayaning pag-asa sa demokrasya, kundi papadausdos na pesimismo at sinisismo rito at sa posibilidad nito sa bansa.

Kinakaya pa ng ibang bansa na panatilihin ang mga relasyon sa pag-aari sa pamamagitan ng mga pamamaraang tila hindi kasing-marahas tulad ng gamit sa ibang bansa. Nagagawa pa ng demokrasya sa mga bansang ito ang pagkamit ng resultang siyang dahilan kung bakit kailangan ang karahasan sa iba – sa partikular, ang tiyakin ang pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. [Bertolt Brecht, “Writing the Truth: Five Difficulties,” nasa Galileo, 1966.]

Ang problema sa Dukot, gayunman, ay nasa karakter na si Junix. Bukod sa pagiging masigasig na aktibista at marubdob na mangingibig, wala nang ipinakita sa pagkatao niya. Sa panahong tinotortyur siya at si Maricel, mas matatandaan siyang nagbigay ng palaban at matalas-sa-pulitikang mga pahayag. Na para bang sapat na tanganan ang mga pahayag na ito para maging matatag sa harap ng matinding pagpapahirap.

Sa tingin ko, hindi. Marami ang kailangan para maging matatag sa gitna ng tortyur at banta ng kamatayan. At ito sana ang naisama sa mga pagbabalik-tanaw sa buhay ni Junix: ang mga kwento ng katatagan ng mga naharap sa parehong sitwasyon, ang epekto ng pagtataksil sa mga kapwa-aktibista sa kanila at sa mga inoorganisang anakpawis, ang pagmamahal sa mga kasama at masa, ang mga biruan, at iba pa. Hindi naipakita ang paghango ng isang aktibista sa kultura ng paglaban at pagrerebolusyon sa bansa ng lakas para kaharapin ang pandarahas at banta ng pagpatay. Pwedeng sa ganitong konteksto umangat ang personalidad niya, o maipakitang nahubog.

Tampok ang paghahambing kung paanong mula sa pag-oorganisa at pamumuhay ay ikinahon ang katawan nina Junix at Maricel hanggang sa tuluyang pinatay ang mga ito at kung paano, sa kabilang banda at kasabay naman, umalpas ang katawan ng kanilang mga magulang sa tradisyunal na mga espasyo ng mga ito patungo sa paglaban.

Salamat sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at sa buong kilusang progresibo, makatotohanan ang optimismo ng kwento ng pelikula: Na bagamat hindi mapapalitan ang mga aktibistang nagbuwis ng buhay, maging ang kamatayan nila ay pagkakataon para dumami ang mga lumalahok sa kilusang progresibo.

22 Nobyembre 2009

Sabi ni Jessica Zafra, kung sa Unibersidad ng Pilipinas naganap ang forum ni US State Sec. Hillary Clinton noong dumalaw siya sa bansa, malamang na nabulabog ito ng “mga aktibistang bibigkas ng 10-paragraph na talumpati nang napakabilis, sa malalim na Tagalog, nang hindi humihinga.”

Sobra naman ito si Jessica, sabi ko. Kaya tiningnan ko ang press release ng League of Filipino Students, na wala sa website nila. Ang sabi, plano pala ng mga aktibista na magbasa ng bukas na liham kay US Pres. Barack Obama sa nasabing okasyon. Hehe.

May “An Inconvenient Solution” na pala, ang bidyo-dokumentaryo na kasunod ng sikat na bidyo-dokumentaryo ni Al Gore. Posible kaya ang sinasabi nito?

May rebyu si Prop. Sarah Raymundo ng pelikulang Capitalism: A Love Story ni Michael Moore. Heto naman ang rebyu ni Diwa Dimagiba sa Dukot.

May isinulat si Barbara Foley, kilalang progresibong akademiko sa US, tungkol “anti-komunismo ni Barack Obama.”

Heto ang talumpati ni Kong. Mong Palatino sa pambansang kumbensyon ng kanyang party-list na Kabataan. Heto naman ang mga punto ni Dr. Carol Pagaduan-Araullo tungkol sa nasabing party-list.

Heto ang blog na laan sa ikalimang anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita na naganap noong 16 Nobyembre 2004.

onemorechancepage.jpg

Katulad ng maraming produkto ng kulturang popular, haluan ng mga salik na progresibo at konserbatibo ang pelikulang One More Chance na idinirehe ni Cathy Garcia-Molina.

Pagkakataon para sa Pelikulang Pinoy

Nabubuwisit ang marami sa pelikulang Pilipino. Parang de-kahon ang mga istorya. Parang alam mo na kung ano ang makikita. Pero lintek. Minsan, tumatama pa rin sila.

Simple lang naman ang kuwento ng One More Chance na idinirehe ni Cathy Garcia-Molina. Tungkol ito sa magkarelasyong sina Popoy (John Lloyd Cruz) at Basha o Bash (Bea Alonzo) na nagkasundo nang magpakasal pero humarap sa mga suliranin, naghiwalay at – siyempre pa – nagbalikan din. Tungkol din ito sa kanilang makulay at masayang barkada, at matulunging mga pamilya, na umagapay sa kanilang dalawa.

Nagsimula ang lahat nang makaramdam ng “pagkasakal” si Bea sa relasyon nila ni John Lloyd, sa panahong isang taon na lang ay ikakasal na sila. Seryoso si John Lloyd sa trabaho para makapag-ipon para sa pagpapamilya. Unti-unti, nabuo sa isip ni Bea na hindi na siya masaya sa kanyang trabaho – bilang arkitekto kasama ng inhinyerong si John Lloyd – at sa mga imposisyon at kagawian nito. Matatag na nakipaghiwalay si Bea, lumipat ng trabaho. Nawindang si John Lloyd – at para ipakita ito, nagkaroon siya ng bigoteng gubat – pero nakaabante rin sa bagong karelasyon. Tapos, naisip ni Bea na mahal pa rin niya si John Lloyd. Ganoon din ang naisip ni John Lloyd. Nakipaghiwalay siya sa bagong karelasyon, nangibang-bansa, at nakipagbalikan pagkatapos kay Bea.

Pero nailahad ang kuwento sa pangkalahatang paraang mahirit, kuwela at nakakaaliw. Madamdamin din kapag kailangan. Parang pinagsama-sama at pinagdugtung-dugtong na mga kuwentong sasabihin mo sa kaibigan. Parang kabarkadang makulit ang nagdirehe. Patok ang pasok ng kantang “Nanghihinayang” ng Jeremiah sa isang eksena. Sa madamdaming mga linya, klasiko ang kay John Lloyd: “She loved me at my worst while you had me at my best.” Pati na rin ang “You chose to break my heart”.

Katulad ng maraming produkto sa midya na tumatarget sa kababaihan, gayunman, may mga elemento ng One More Chance na kontra-kababaihan. Sa pakikipaghiwalay kay John Lloyd, puwedeng tingnang malakas na babae si Bea, iginiit ang kalayaan at pagbabago ng sarili laban sa planong pagpapakasal. Naipakita ang mga batayan ng ganitong giit niya. Pero sa kabilang banda, dahil hindi gaanong ipinakita ang mga batayan sa pakikipagbalikan, tumutugma si Bea sa istiryutipo ng lipunan natin laban sa babae: pabagu-bago ang isip, mahirap ispelengin. Kaya pambabae ang pangalan ng bagyo noon, hindi ba? Kapag gusto mo, ayaw niya; kapag ayaw mo, gusto niya.

Saka bakit hindi nagkaroon ng karelasyon si Bea noong panahong nagkahiwalay sila ni John Lloyd, at nagkaroon naman ng karelasyon ang huli? At bakit naging hudyat kay John Lloyd na muling magustuhan si Bea nang malamang walang naging karelasyon ito noong magkahiwalay pa sila? Mahirap bang balikan ang babaeng naghanap ng sariling kaligayahan at nagkaroon ng karelasyon? Bakit, nagiging marumi ba siya? Marahil, tugma ito sa petisismo sa pagiging dalisay ng babae sa kultura natin at ng ibang bansa. Lumalabas tuloy na panlilinlang ang pagpili kay Derek Ramsey para sa papel niya – puwede palang naipasa sa kung sinong aktor lang. Tipong Rainier Castillo, halimbawa.

Sa kabilang banda, marami rin ang mapapahalagahan sa One More Chance. Kontra sa ideyalismo sa pag-ibig ang ipinakitang sitwasyon ng relasyon nina John Lloyd at Bea: Dumaraan sa maraming pagsubok at hindi puwedeng – madyik! – wagas na nagsimula at banayad lamang na nagmamahalan hanggang huli. Sa pagkakasundo nilang magpakasal, tumatag ang ilang disposisyon ni John Lloyd. Patuloy, gayunman, ang pagbabago at paghahanap ng sarili ni Bea – na hindi lamang takot sa pagpapakasal o paggigiit ng kalayaang pansarili, kundi paghahanap sa mga esensiyal ng pagkatao niya.

Nakakatuwa ang masayang pagtulong ng barkada ng dalawa. Sensitibo rin ang mga tauhang lalake rito, na mahalaga sa magandang katapusan ng pelikula. Kahanga-hanga ang naging disposisyon ng karakter na ginampanan ni Maja Salvador – ang naging karelasyon ni John Lloyd – noong naramdaman na nitong gusto pa rin ni John Lloyd si Bea. Marangal: Hindi siya humadlang. Mahinahon at maayos niyang pinalabas ang katotohanan sa nararamdaman ni John Lloyd – at tinanggap ito. Dapat i-mass produce ang eksena nila ng paghihiwalay at puwersahang ipapanood sa mga ayaw pang makipaghiwalay dahil lamang bitter o kaya naman ay talagang malupit sa nanlamig.

Nakakatuwa rin ang pagbabalikan sa huli, dahil masayang wakas ito sa masalimuot na pinagdaanan. Dahil romantiko ito sa pag-asang magsasalubong pa rin ang mga dating nagmamahalan kahit nagbago sila. Dahil pagbalik ito sa napakasayang pagmamahalan noong kolehiyo. Malinaw ang sagot ni John Lloyd sa tanong ng Eagles na “Are you gonna stay with the one who loves you? Or are you coming back to the one you love?

Pero hindi naipakita ang mga batayan ng pagbabalikan. Ano’ng nangyari sa pagpipinta ni Bea ng mga t-shirt? Nagsimula ang pelikula sa makatotohanang karanasan ng mga nagmamahalan, pero nagtapos sa ideyalismong “kung sila, sila; kung hindi, hindi”. Parang nagkataon lang lahat. Iyun ba ang ibig sabihin ng “One more chance”? Siguro, batang dekada ’80 lang ako, pero mas nagustuhan ko siguro ang eksena ng balikan kung ang pinatugtog ay “Hang On” ni Gary Valenciano. Nakakabanas ang pagbanggit sa isang eksena sa “Biogesic” – produktong iniindorso ni John Lloyd sa totoong buhay.

May dalawang gamit ang uring kinapalooban ng mga karakter sa pelikulang ito. Sa isang banda, dahil uring petiburgis ang kayang asamin ng mga maralita nating kababayan, pangganyak ito sa ganoong pamumuhay. Sa kabilang banda, nasasapatan sa isang antas ang materyal na mga pangangailangan sa uring ito. Kaya puwedeng palutangin dito ang mga isyu ng puso at pagmamahalan. Puwedeng pumasok-lumabas sa relasyon habang nasa trabahong mas maluwag kaysa sa todong pagkayod ng mga maralita.

Mahusay ang pag-arte nina John Lloyd at Bea. Parang masarap umibig at mangarap kasabay nila. May isa pang Bea na tumining: si Beatriz Saw ng Pinoy Big Brother. Sa barkada nila, parang siya si Lisa Kudrow sa Friends: ang matalas at prangkang kaisipang jologs. Para sa mga marxista, siya ang tinatawag ni Bertolt Brecht na plumpes Denken: matalas, bagamat minsan ay masakit, na pambalanse sa magugulong isip.

Katulad ng maraming produkto ng kulturang popular, haluan ng mga salik na progresibo at konserbatibo ang One More Chance. Kung gagamit tayo ng mapanuring lente – at magiging mapagbantay sa konserbatibo pero kaakit-akit na mga bitag nito – hindi masamang itulak nitong bigyan pa natin ng one more chance ang pelikulang Pilipino. Maaaring mapaluha o maiyak tayo, pero sana’y kritikal tayo sa mga ideolohiya nito.


17 Nobyembre 2007

Maraming punto na ang naisulat ko para sa isang sanaysay hinggil sa pagpapakamatay ng 12-taong gulang na bata sa Lungsod ng Davao, nang biglang nanawagan si Mayor Rodrigo Duterte ng imbestigasyon. At may paunang resulta na nga kahapon. Dahil sa sumunod na mga pangyayari, kailangan kong baguhin ang mga puntong nabuo ko. Sa lahat ng may pakialam, paumanhin sa paglalabas ko ng sanaysay tungkol sa isang pelikula, sa halip na sanaysay tungkol sa kanya. Sa isang banda, iresponsable ito.

sakada.jpg

Sa buhay at pakikibaka ng mga sakada sa Negros Occidental uminog ang pelikulang Sakada ni Behn Cervantes. (Galing sa Bulatlat.com ang larawan sa itaas. Galing naman sa pelikulang Insiang ang mga larawan nina Hilda Koronel at Bembol Roco sa ibaba.)

Panayam sa Sarili hinggil sa ‘Sakada’ ni Behn Cervantes

Marami nang nagkomento nang paborable sa pelikulang Sakada ni Behn Cervantes, kilalang progresibong manggagawang pangkultura sa bansa. Pero alam nating hindi na ito umiikot sa mga sinehan. Hindi ko lang din alam kung may bersiyong CD o DVD na nito. Paano mo ito napanood? Ano ang alam mo sa background ng pelikulang ito?

Napanood ko ito nitong Setyembre 21, ika-35 anibersaryo ng pagdeklara ni dating Pang. Ferdinand Marcos ng batas militar, sa sinehan ng mall sa likod ng Edsa Shrine. May kamag-anak akong dinalaw sa kalapit na lugar, kaya naisip ko na ring magpagabi para mapanood ito. Parang wala pa rin akong nakitang indikasyong may bersiyong CD o DVD na ito. Kung anuman, nakakatuwang ipinalabas ito – at sa okasyong iyon. Tulad ng alam ng marami, ipinagbawal ito ni Marcos. Natutuwa marahil ang mga nasa likod ng pelikula, gayundin ang mga may simpatya rito, na nahigitan ng buhay nito ang batas militar at maging ang yumaong diktador. Higit pa rito, gayunman, mainam ituring ang pelikula na bahagi ng tuluy-tuloy na paglaban ng sambayanan – ng masang anakpawis at kilusang makabayan, kung totoo mang nanahimik maging ang panggitnang uri – sa diktadura. Sa isang pagtingin, parte ito ng dahilan kung bakit natapos, o tinapos, ang batas militar. Hindi lamang nito nahigitan ng buhay ang diktadura, nag-ambag ito para makamit ng bayan ang isang panahong lilingon sa batas militar bilang isang bangungot – sa perspektiba, gayunman, ng rehimeng Arroyo na isa ring bangungot ng bansa.

Ang dinig ko, kontrobersiyal ang pelikulang ito. Isipin mo nga naman: ginawa ito noong 1975 sa Bacolod, Negros Occidental. Saglit itong ipinalabas sa ilang sinehan noong 1976, bago ipinagbawal ni Marcos. Isipin mo: 1975! Kakadeklara lang ni Marcos ng batas militar noong 1972. Mga sakada ang paksa nito, na hindi pa yata gaanong kilala ng marami noon. At hanggang ngayon, patunay ang mga sakada ng kalupitan ng sistema at iilang tao sa napakaraming tao. Hindi mo malaman kung baliw o matapang si Cervantes – binaliw ng tapang o pinatapang ng kabaliwan. Batay sa narinig ko, marami ngang paborableng komento ang inani ng Sakada. Pero ang nakakalungkot, sa ilang librong nabasa ko, nababanggit lang ito at nabibigyan ng maikling pakilala. Parang wala gaanong seryosong komentaryo katulad, halimbawa, sa Himala o ibang pelikulang makabayan. Kahit sa internet, sa Google, ganoon – na mahalaga sana kung itatawid ang alaala ng pelikula sa mga kabataan. Wala ring mga still shot o promotional material nito sa internet. Mauugat siguro ito sa pagiging kritikal sa sistema at lipunan ng laman nito – kaya may dapat talagang magkusang magpalaganap ng kaalaman hinggil dito.


Bago ang mga komento mo, puwede ka bang magbigay ng maikling
synopsissynopsis na nga, maikli pa – ng pelikula? Ano ba ang kuwento nito?

Nagsimula ang pelikula sa pagpatay sa lider ng mga manggagawang bukid at sakada, na ginampanan ni Artemio Marquez, ng goon ni Pancho Magallona, may-ari ng asyenda. Namuno si Marquez sa sama-samang pagkilos ng mga nagtatrabaho sa asyenda. Sinubaybayan ng pelikula ang magkadugtong na buhay at pakikibaka ng pamilya ni Marquez at ni Magallona. Opisyal na asawa ng babaerong si Magallona si Gloria Romero, na abala sa pagpapaganda sa mga aktibidad ng pamilya. May dalawa silang anak: sang-ayon ang isa at tutol ang isa sa palakad ng pamilya sa asyenda. Naging aktibista ang tutol at inaswang ng sang-ayon ang babaeng anak ni Marquez. Asawa naman ni Marquez si Rosa Rosal, na nangasiwa sa pamilyang naiwan ng nauna. Tatlo ang anak nila, sina Robert Arevalo, Bembol Roco at Hilda Koronel. Matapos mabigo sa pagsisikap na paunlarin ang kabuhayan ng pamilya, ibinuhos ni Arevalo ang lakas sa pagtatayo ng unyon sa asyenda. Asawa niya ang emosyonal na si Alicia Alonso. Nag-aral sa Maynila at naging aktibista si Roco, kasama ng isang anak ni Magallona. Matapos aswangin ng isang anak ni Magallona, naging prostitute sa Maynila si Koronel. Natipon ang lahat sa dulo, noong nagputok muli ng welga sa asyenda.


Mahigit tatlong dekada na mula noong ginawa ang pelikula. Natural na may distansiya sa pagitan nito at natin ngayon. Paano natin dapat panoorin ang pelikulang ito?

Nang tapat sa progresibong pulitika – o sa masang anakpawis na pinaglilingkuran nito – una sa lahat. Sa ganito natin mailulugar ang kakaibang papel ng Sakada sa kasaysayan ng pakikibakang kontra-diktadura. Idadagdag ko lang na 1976 din naiputok nina Edgar Jopson ang unang welga ng mga manggagawa sa Kamaynilaan noong batas militar – patunay ng tapang ng pelikula. Dito rin natin sisikaping gagapin ang kontemporaryong pagtunghay rito ng dalawang klase ng manonood: iyung karaniwang mga manonood, na sa tingin ko ay pangunahin, at mga nakapag-aral o eksperto sa larangan ng pelikula. Sa dalawa, mas mahalaga sa akin ang karaniwang mga manonood dahil sentral na panata ng progresibong pulitika ang pagsusulong ng sama-samang pagkilos ng masang anakpawis. Para maging mabisa, kung gayon, ang progresibong sining, kailangan nitong makaugnay sa masang anakpawis nang nag-aambag sa progresibong pulitika. “Kilalanin ang mga tao at kilalanin sila nang mahusay,” panawagan ni Mao Zedong sa mga artista. Mahalaga rin ang pagtingin ng mga nakapag-aral o eksperto sa pelikula dahil makakapagturo sila sa praktika ng paggawa ng progresibong pelikula at pagtunghay rito.

hkoronel.jpg

Sinabi rin ni Mao na gaano man katalas ang linyang pampulitika ng isang likhang-sining, hindi ito magiging epektibo kung kapos sa isang antas ng kasiningan. Puwede ba tayong pumasok sa usaping ito? Ano ang masasabi mo sa pagiging likhang-sining ng Sakada? May kakayahan ka bang sumuri sa pagiging likhang-sining nito? Sa porma nito?

Sang-ayon ako sa sipi mo kay Mao. Duda ako kung may kakayahan akong magsuri sa pagiging likhang-sining ng Sakada, pero susubukan ko. Tingin ko, hindi mababawasan ang kadakilaan ng pelikula at mga gumawa nito kung sasabihin kong sa pangkalahatan, marahil, sumasapat ito sa pamantayan ng kasiningan ng isang panahon, ng panahong iyon. May pag-iingat ng “marahil” dahil pagtaya pa rin ito sa pamantayan ng kasiningan ng panahong iyon. Walang dudang umiiral at malaganap pa rin ngayon ang piyudal na pagsasamantala at pagkabusabos na ininugan ng pelikula – at magpapalalim ako rito mamaya. Pero duda ako, halimbawa, sa hypothetical na proyektong palaganapin ito bilang CD sa mga komunidad ng maralitang tagalungsod, mga pabrika, o maging sa mga sakahan. Hindi ako sigurado kung magkakaroon ito ng “dating” o “kagat” na katulad ng ibang pelikula o bidyo-dokumentaryo ngayon. Ang dahilan, sa tingin ko, ay ang klase ng kasiningan na nagamit nito. Huwag ipagkamaling pagmaliit ito sa pelikula, kumpara halimbawa sa “unibersal” na mga likhang-sining – wala namang ganoon. Pagtaya ko lang ito sa kontemporaryong pagtunghay ng sinasabi kong karaniwang mga manonood.


Ano ang ibig mong sabihin? Puwede ka bang magpartikularisa sa mga aspekto ng pelikula?

Ikukumpara ko ang pelikula sa pagtaya ko sa namamayaning mga kulturang biswal – hindi lamang pampelikula – ngayon sa panahon ng MTV, YouTube, DVD, at todong Hollywood. Una, bihira na ngayon ang porma at dalas ng pagpapakita ng sidhi ng damdamin na nakita sa pelikula. Hindi ko alam kung sa porma ng pag-arte ito, pagdirehe o kung ano. Pero para sa mga kabataan ngayon, halimbawa, kinutya na ang ganoong klase ng pag-arte ng seksiyong “Bahaw” ng comedy show na Tropang Trumpo. Ikalawa, bihira na rin ang porma at dalas ng ganoong klase ng dumadagundong, tila historikal, na tugtog. Lumang mga pelikula, lalo na ng mga Tsino, ang naaalala. “Musical score” ba ang tawag dito? Ikatlo, may mga eksenang parang teatro na kinuhanan ng kamera – mga artista ang gumagalaw sa harap ng nakatutok na kamera. Ikaapat, bukod sa ganoong lalim ng wika – na maipagpapalagay na – bihira na ang ganoong klase ng mga palitan ng salita, na parang nagpipilosopohan sa klase. Ikalima, bagamat maliit na punto lamang, nakakaapekto sa inisyal na panonood ang pag-apuhap sa maiuugnay na artista ngayon sa mga artista sa pelikula: Anak ni Rosal si Toni Rose Gayda, ni Magallona si Francis M., ang rapper, at ni Marquez ang mga komedyanteng sina Joey at Melanie.


Ibig mong sabihin, wala nang kuwenta ang pelikula? Wala ba itong kabuluhan ngayon?

Hindi sa walang kuwenta. Ang ibig ko lang sabihin, baka hindi na maging kasing-epektibo ang pelikula – kumpara noong unang inilabas ito, at kumpara sa ibang pelikula – kung papanoorin ng kontemporaryong mga manonood. At narito, sa tingin ko, ang isang kabuluhan ng Sakada kung porma nito ang pag-uusapan. Dito ko rin tinatawag ang pansin ng mga nakapag-aral at eksperto sa larangan ng pelikula. Produktibo, sa tingin ko, na itanong: Bakit hindi na magiging kasing-epektibo ang Sakada kung ipapalabas ngayon? Ano ang sinasabi nito tungkol sa namamayaning mga kulturang biswal sa bansa? Tungkol sa mga manonood? Anu-ano ang mga pagbabago mula noong 1976 sa mga larangang ito? Mahalagang maging malay sa nararamdaman nating pagiging “luma” ng pelikula para makapag-ambag ito sa paggawa ng progresibong mga pelikula at sining ngayon. Halimbawa, kumpara sa “bagal” ng Sakada, ano ang sinasabi patungkol sa mga kulturang biswal o pang-araw-araw na buhay ng mga tao ng madalas-sabihing “bilis” ng mga imahen at ikli ng atensiyon ngayon? Kumpara sa grandiyosong musical score nito, ano ang sinasabi ng pagiging uso ng mga kanta ngayong parang bugtungan ng mga batang naglalaro ang tunog? “My umbrella, ella, ella, eh, eh.”

Okey. Ano ang pagtingin mo sa nilalaman ng pelikula, partikular sa naratibo nito? Puwede kang magsimula sa tinitingnan mong mga kahinaan?

Sa isang eksena, iniiyakan ni Alonso ang asawa niyang si Arevalo sa mesa ng bahay, dumadaing na puro unyon na lang ang inaasikaso ng huli. Nagalit lamang si Arevalo, sininghalan ang asawa at pagkatapos ay pasagasang lumabas ng bahay. Naiwang umiiyak si Alonso. Pagkatapos, walang kaabug-abog, kasama na si Alonso sa pag-aalsang pinamunuan ng asawa niyang mainitin ang ulo. Paanong nangyari ito? Ganoon ba ang mainam na paraan ng pagkabig ng isang lider-unyonista sa pamilya? O napuwersa lamang si Alonso? Sa isa pang eksena, matatag si Magallona sa pagtutol sa paggigiit ni Arevalo at ng mga kasamahan nito ng mga kahilingan at panawagan ng unyon. Pero sa harap ng mga stockholder ng asyenda, lalabas na nahila si Magallona nina Arevalo pabor sa daing ng mga manggagawang bukid at sakada. Na para bang petiburgis ang panginoong maylupa – pabagu-bago ng isip at pabaling-baling pabor sa interes ng mga nagsasamantala at ng mga pinagsasamantalahan. Bagamat inilantad nito ang demokrasya sa hanay ng mga panginoong maylupa na diktadura laban sa masang anakpawis, nabago rito ang konsistent na pagbuo sa tauhan ni Magallona.

Sa isang banda, kahanga-hangang tinugaygayan ng pelikula sa iba’t ibang tensiyon at kontradiksiyon sa pagitan ng mga uri, ng babae at lalake, ng mga henerasyon… Pero maraming binuksang usapin ang pelikula na hindi nito naibuhol sa pag-usad at pagtatapos ng naratibo. Ano ang nangyari sa anak ni Magallona matapos mabigo itong akiting makipagbalikan si Koronel? Ano ang nangyari kay Padre na nasobrahan sa radikalismo ni Roco? Bakit tumigil sa prostitusyon si Koronel at umuwi tiyempo sa pag-aaklas? Ano ang nangyari sa pambababae ni Magallona – na inilatag sa kuwento? Mas malaking palaisipan, gayunman, kung bakit lumabas na ang pagsupil sa pag-aaklas ay barumbado at adelentadong aksiyon ng armadong mga tauhan lamang ng mga asendero na nawala sa kontrol ng huli. Pansawata pa nga ang mga pulis na puwersa ng estado sa gayong pagwawala ng mga tauhan. Hindi ba’t kakampi ng mga pulis ang pribadong goons ng mga asendero? Mahalagang pansining sa kabila nito, sinupil pa rin ni Marcos ang pagpapalabas ng pelikula – mas dahil marahil sa pagpaksa sa pag-aalsa, higit sa anumang dahilan. Iyon pa lang marahil, hindi na matagalan ng diktador.

Maaaring bahagi ng mulat na pagsisikap na “lumaro” sa sensura ang posisyon ni Magallona sa harap ng mga stockholder ng asyenda, laluna ang pagpapakita sa mga tauhan ng estado bilang tagapayapa sa brutal na pandarahas ng mga matong upahan ng mga asendero. Kapansin-pansin din ang ganitong pagsisikap sa wika ng mga aktibistang ipinakita – abstrakto at masyadong pilosopikal. Noong sinabihan, halimbawa, ni Gloria Romero ang anak niyang naging aktibista na may pananagutan ito sa pamilya, sinagot siya nito ng pagsasabing may pananagutan din siya sa “katotohanan.” Hindi mo tuloy mawari kung rebolusyunaryong Kabataang Makabayan ang sinalihan ng pobreng binata o Black and White Movement lamang. At si Padre! Hindi siya marunong sumagot nang matino! Sinusunggaban niya ang bawat pagkakataon, ang bawat usapan para magsalsal sa harap ng kamera – intelektuwal na pagsasalsal. Dahil Heswita siya, sabi sa pelikula ni Romero; dahil nasobrahan ng gumawa ng script, sa tingin ko, ang pagkakahon sa kanya. Hindi natin masisi ang pelikula – dahil nga 1975 ito ginawa. Kung anuman, tagumpay na sana kahit naipalabas sa mga sinehan ang pinal na bersiyon nito.

broco.jpg

Ano naman ang mga kalakasan ng pelikula?

Walang dudang rurok ng pelikula ang pulong ng mga manggagawang bukid at sakada sa bisperas ng pag-aalsa – kakumpitensiya sa halaga ng pagmasaker sa kanila sa dulo ng pelikula. Nagsasalita si Arevalo, hihihimok ang mga dumalo na mag-alsa. Sa tanaw o paningin ni Rosal, sumapaw ang napatay niyang asawa kay Arevalo. Iisa ang pagsusuri ng lider ng nauna at ng kasalukuyang pag-aalsa. Parang solidong alingawngaw si Arevalo ng mga sinabi ni Marquez, na luma pero nananatiling totoo. Mula sa pagpapakita ng pelikula sa pagbubuo at paghahapag ng mga panawagang pang-ekonomiya ng mga manggagawang bukid at sakada, iba ang naging diin ng talumpati ni Arevalo/Marquez. Sinabi niyang kaya libre ang gamot sa klinika ng asyenda ay para patuloy silang makapagtrabaho. Na kaya may sinehan na nagpapalabas ng mga pelikulang walang kuwenta ang nilalaman ay para aliwin sila nang panandalian at patuloy silang makapagtrabaho. Mula sa pagkamalay ng mga manggagawang bukid at sakada sa pagsasamantala nila, inilantad ni Arevalo/Marquez ang “aliwan” at mga “alwan”, mga “biyaya,” ng pagtatrabahong alipin bilang bahagi ng pagsasamantala.

Noong dumako na ang pulong-paghahanda sa isyu ng pagpapalahok sa kababaihan at mga bata, at sinabi ng isang ayaw niyang mapasali ang asawa at mga anak niya, tumayo si Rosal at nagtalumpati. Puno ng damdamin ang sinabi niya, at kung hinggil sa pagsasamantala sa produksiyon at pagtatakip dito ang mga sinabi ni Arevalo/Marquez, nagsalita si Rosal bilang inang sumubaybay sa pamilya, sa mga paghihirap at pasakit na dinanas ng kanyang asawa at mga anak. Bago pa man ang pulong, lumuluhang kinuha niya ang itak, lumakad patungo sa tubuhan kung saan walang makakakita, at ibinuhos ang sama ng loob sa pagtaga sa mga tubo at lalong pag-iyak. Ipinakita ang mga eksena ng sakit na kanyang dinarama: pagpatay sa kanyang asawa, paggantso at paninikil kay Arevalo, pananakit sa welga kay Roco, pagpuputa kay Koronel. Pagkatapos magsalita, mapanghamong tinanong niya ang mga kapwa-babae kung katulad niyang mabigat ang kanilang nararamdaman. Sumang-ayon ang mga ito at palabang nagsabing lalahok sa pag-aalsa. Signipikante ito: nilaman ng pelikula ang nauna nang historikal na paggigiit ng kababaihan na lumahok sa mga pag-aaklas at sa pagrerebolusyon pa nga.

Sa puntong ito makikita ang mainam sa mga sinabi nina Arevalo/Marquez at Rosal bilang mga tauhan – bilang lider-unyonista at bilang asawa’t ina – at sa Sakada bilang pelikula o likhang-sining. Mapagbuong kamalayan o totalizing consciousness ang ipinakita rito kapwa nina Arevalo/Marquez at Rosal, gayundin ng pelikula. Hinggil sa produksiyon at lipunan ang sinabi ni Arevalo/Marquez, kung paanong ang ibang aspekto ng lipunan na tinitingnang hindi bahagi ng pang-aalipin, o na masarap na kapalit ng pagpapahirap, ay mahalagang bahagi ng pagsasamantala – na pinapakinabangan ng iilan. Hinggil sa pamilya at mga mahal sa buhay ang sinabi ni Rosal, kung paanong ang mga paghihirap ng kalooban na dinaranas nila ay nag-uugat sa kahirapan ng buhay, kung paanong ang kahirapan ay may epektong tumatarak sa laman at tumatagos sa puso. Kaiba ang ahitasyong ibinigay ni Rosal, ngunit kasing-halaga. Paglalantad o demistipikasyon (demystification) ang pamamaraan ni Arevalo/Marquez, na humalaw sa praktikal na kaalaman at nagdulot ng pagbaligtad ng unawa. Pagsasama-sama ng mga imahen (montage) ang pamamaraan ni Rosal, na nagdulot ng pagkakabuo ng loob.


Hindi ba palasuko ang katapusan ng pelikula? Matapos ang madugong pag-aalsa, pumila na lang si Roco sa hanay ng bagong mga sakadang papasok sa asyenda?

Hindi naman. Tala ng tatlong yugto ng isang nagpapatuloy na pag-aalsa ang ipinakita ng pelikula. Rurok-katapusan ng una ang pagpatay kay Marquez. Paghahanda para sa ikalawang rurok-katapusan ang kalakhan ng pelikula. Nagtapos ito sa simula ng panibagong yugto, kung saan pumila si Roco sa paglakad ng bagong mga sakada. Agad masasabing palasuko ang katapusan ng pelikula kung hindi ito titingnan sa konteksto ng buong naratibo. Hindi agad maunawaan ng manonood kung paano pinatay si Marquez dahil walang kaparis ang eksena sa anumang protestang nakatatak sa utak ng marami: Nasa gitna sila ng natabas na damuhan, nagbubugbugan. Naipakita kung gayon kung paanong umunlad ang ikalawang yugto mula sa nauna: nagtayo ng unyon, nagbuo ng mga panawagan, nagpaunlad ng mga taktika, at lumahok ang kababaihan. Hindi dapat maliiting si Roco ang pumila sa paglakad ng bagong mga sakadang papasok sa trabaho sa katapusan ng pelikula at simula ng ikatlo o bagong yugto. Alalahaning naging estudyanteng aktibista siya, beterano ng welga sa Maynila, at ng ikalawang yugto ng pag-aalsa sa asyenda. Tiyak iyon: mas mataas na ang antas ng susunod na pakikibaka!

Mahalagang pansining ipinakita ng pelikula maging ang pag-unlad ng mga taktika ng naghaharing mga uri sa pagsamantala at pagbuwag sa paglaban ng mga sakada at manggagawang bukid: pagpapapasok ng mga tauhan sa hanay ng mga nag-aalsa, paggahasa sa asawa ng mga unyonista, ibayong pandarahas at terorismo, simpleng pagpapalit ng bago sa lumang mga sakada. Kung anuman, nakakaakit sipiin ang sinabi ni Salud Algabre, isang lider ng pag-aalsang Sakdal noong dekada ’30: “Walang pag-aalsang nabibigo. Lahat ay hakbang patungo sa tamang direksiyon.” Hindi lamang ito ang ipinakita ng pelikula, gayunman. Ipinakita ng Sakada kung paanong ang bawat pag-aalsa ay “hakbang patungo sa tamang direksiyon” – dahil natututo ang mga pinagsasamantalahan, at sa bawat taktikal na pagkatalo ay lalong namumulat, lalong tumatapang ang diwa at kamalayan para ipagtagumpay ang estratehikong digma.

03 Oktubre 2007