Neoliberalism Reloaded

(1) Sa hanay ng mga kapanalig ni Presidente Noynoy Aquino, may isang paraan para mapag-iba ang mga sagad-sagarin sa mga kahit paano’y kritikal kung magsuri, iyung may katapatan pangunahin sa pangulo at iyung pangunahin sa bayan: Paano nila hinuhusgahan ang unang State of the Nation Address ni Noynoy? Kung puro papuri, nakahanay sila sa nauna; kung kahit paano’y may papitik-pitik na pagpuna, sa ikalawa.

Paano, malaki talaga ang problema sa unang SONA ni Noynoy. Matapos ipagmalaki ng mga propagandista niya ang halaga ng kanyang “mandato” para sa “pagbabago,” karaniwang klaseng SONA lang ang binigkas niya. Sa usapin ni Gloria Macapagal-Arroyo, kung saan tama ang tunguhin niya, napakalamya ng hakbangin niya. Kontra-mamamayan ang diin ng talumpati at napakaraming panawagang hindi tinugunan.

(2) Lumalabas na nasa unang hanay ang nagsulat ng editoryal na We think not ng Philippine Daily Inquirer. Sa titulo pa lang, halatang naobliga ang sumulat na kilalaning marami ang tumutuligsa sa SONA, ipakitang panig siya sa kontra sa mga ito, at isantabi ang pagpapanggap na “obhetibo” ang pagtingin niya. Lumabas ang editoryal dalawang araw lang pagkatapos ng SONA – lalong patunay na depensibo ang opensibang ito.

Idiniin ng editoryal ang halaga ng mga paglalantad ni Noynoy kontra sa rehimeng Arroyo at ikinahon ang mga tumutuligsa sa SONA sa mga nakinabang o namanhid na sa nasabing kabuktutan. Mahalaga ang mga inilantad, pero kapos pa rin sa inaasahan sa SONA na ito at kahit ang mga paglalantad, hindi itinuloy sa dapat kahantungan: ang malinaw na pagsasabing kakasuhan at paparusahan si Gloria at mga kasapakat niya.

(3) Hindi na kasi kandidato sa pagkapangulo si Noynoy, na para manalo’y kailangang umupak nang umupak sa nakaupo. Presidente na siya, kaya kailangan ang mga kongkretong hakbangin niya kaugnay ng mga tinuligsa niya noong eleksyon. Sariwa pa ang pinapaniwalaan niyang “mandato” para sa “pagbabago,” kaya dapat lang na matapang ang mga pahayag niya at mapagpasya ang mga hakbangin niya. Kaso, hindi.

Mula sa pagiging kandidatong nangako ng “pagbabago,” pangulo na siya ng bulok na sistema, kaya sangkot siya ngayon sa pagkontrol sa mga ekspektasyon ng mga tao – bagay na hinarap din ni Barack Obama sa US. Kaya nga hindi na siya nanawagan ng “boluntarismo” tulad noong eleksyon, sabi nga ni Conrado de Quiros – taliwas sa argumento ni Caffeine Sparks, bagamat tama ang huli sa isang punto: pagbawas din sa ekspektasyon ng mga tao ang paglalantad ni Noynoy na walang pondo ang gobyerno.

(4) Tapos, iyun namang ipinangako niyang gagawin ay kontra-mamamayan. Kung mayroon mang tampok na mensahe ang unang SONA ni Noynoy, iyan ay walang iba kundi ang pagyakap niya sa mga patakarang neoliberal, ang pagtiyak niya sa mga imperyalista at mga naghaharing uri na sila ang boss niya. Ang tulungang gobyerno-pribadong sektor (public-private partnership) ay mas mabangong termino lang para rito.

Ang nakakagalit, kung titingnan ang daloy ng SONA, ikinakanal ang sentimyentong kontra-Gloria sa pagsamba sa mga patakarang neoliberal: wala nang pondo ang gobyerno kaya kailangang mangalap. Na para bang hindi reynang neoliberal si Gloria at dahilan din ang mga patakarang neoliberal kung bakit naubos ang kabang-bayan. Na para bang katiwalian lang ang ugat ng problema, tulad ng sabi ng IMF-World Bank.

(5) Naalala ko ang paliwanag ng aktibistang manunulat na Canadian na si Naomi Klein sa tinatawag niyang shock doctrine,” lalo na noong sinabing magdudulot ng “shock ang SONA ni Noynoy. Aniya, sa kasaysayan, sinamantala ng imperyalismong US at mga kasabwat nitong lokal na naghaharing uri sa iba’t ibang bansa ang mga pangyayaring “shock” sa mga mamamayan para isalaksak ang mga patakarang maka-“free market.”

Papasang shock ang batas militar ni Ferdinand Marcos, pero sa mga sumunod na rehimen, tila hindi pagsamantala sa anumang “pagkagimbal” ang ginamit para ilusot ang mga patakarang neoliberal. Itinulak nila ang mga patakarang ito sa balangkas ng paglayo sa moda ng nauna sa kanila at paglikha ng pag-asa sa paparating na pag-unlad. Ginagawang malinaw ng moda ni Noynoy ang moda ng mga nauna sa kanya.

(6) Tampok din sa SONA 2010 ang pagpostura ni Noynoy na pabor sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front o NDF kasabay ng pagtuligsa rito: puro raw reklamo, wala namang mungkahing kongkreto. Ginawa pang prekondisyon sa pagbubukas muli ng negosasyon ang tigil-putukan. Hinahadlangan niya ang usapang pangkapayapaan kasabay ng pagbibigay-katwiran sa posibleng pagsupil sa Kaliwa.

May magandang sagot si Angela Stuart-Santiago, blogger na bagamat makabayan ay hindi miyembro ng pambansa-demokratikong Kaliwa. May ekstrang talas pa siya: galing rin daw ang “pulbura” sa Kanan, katulad sa masaker sa Hacienda Luisita. At talagang kaakibat ng mga patakarang neoliberal ng mga rehimen ang mga programang kontra-insurhensya, na laging umaatake rin sa mga aktibista sa larangang ligal.

(7) “Puwede na muling mangarap,” sabi ni Noynoy sa SONA. Na para bang kailangang hudyatan ng pangulo ang pangangarap nating mga Pinoy. Ipinakita ng talumpati niya kung paanong sinusunggaban ng sistema ang mga pangarap natin para gamitin kontra sa interes natin: Nangarap tayo ng pagbabago palayo sa rehimen ni Gloria, sinakmal ito ni Noynoy sa SONA, at pinapalabas na mga patakarang neoliberal ang kahulugan nito.

Sabi ni Karl Marx, “matagal nang nangangarap ang mundo na maangkin ang kung anong kailangan lang nitong mamalayan para maangkin ito sa reyalidad.” Patuloy na nangangarap tayong mga Pinoy. Pero walang magaganap na pagbabago at pag-unlad kung mangangarap lang tayo pero mananaig naman ang sistema sa pagkanal sa mga pangarap natin. Kailangan nating magising at mamulat sa ating mga pangarap.

30 Hulyo 2010

Galing ang mga imahen sa itaas sa blog na Fractal Ontology.

Magagandang reaksyon sa SONA: Vencer Crisostomo, Arnold Padilla, Carol P. Araullo. Mga bata, biktima rin ng Oplan Bantay Laya.

Naaalala ninyo si Fran Drescher ng The Nanny? May progresibong adbokasiya siya, bilang survivor pala ng kanser. Bakit kontrobersyal ang bagong pelikula ni Oliver Stone? “Pwede bang magrebolusyon nang hindi binabangga ang Imperyo?” tanong dati ni Hugo Chavez. Eh ang Simbahang Katoliko? Recovery para sa iilan, austerity para sa nakararami – ito ang suri ni Rick Wolff sa nagaganap sa kasalukuyang krisis. Huwag gamitin ang Colombia laban sa mga gobyernong maka-Kaliwa sa Latin America, panawagan ni Mark Weisbrot.

Rasismo kaugnay ng kakatapos na World Cup: baboons daw ang mga migranteng Aprikano. Napaka-interesante ng pagpapakilala ni Karen sa sarili. Magandang sipi ni Karlo Mikhail Mongaya sa pagtuligsa ni E. San Juan, Jr. sa pilosopong Pranses na si Jean Baudrillard. Baka makatulong sa mga anti-komunista diyan: 40 payo para sa mga anti-komunista. Baka kasi kung magsalita kayo akala ninyo, mangmang ang mga aktibista.

The Black Book of Oplan Bantay Laya

rebyu ng: Ibon Foundation, Oplan Bantay Laya: The US-Arroyo Campaign of Terror and Counterinsurgency in the Philippines. Quezon City: Ibon Books, 2010.

Simula nang maging pangulo ng Pilipinas si Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001, mahigit 1,000 aktibista na ang bumulagta, biktima ng tanyag nang ekstrahudisyal na pamamaslang sa bansa. Kinatangian ang rehimen ni Arroyo, na sinuportahan hanggang dulo ng US, ng malalaking kontrobersya kaugnay ng pagdambong sa kabang-bayan, pandaraya sa halalan, pagsalaula sa mga institusyon ng pamahalaan, at pagpapatupad sa neoliberal na mga patakarang kontra-mamamayan. Kinatangian din ito, syempre pa, ng matitinding paglabag sa karapatang pantao, tampok ang ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot sa mga aktibistang kumikilos sa larangang ligal at di-armado.

Nitong Hunyo 30, nanumpang bagong pangulo si Benigno “Noynoy” Aquino III, na noong eleksyon ay sumakay sa malakas na sentimyentong kontra-Arroyo ng mga mamamayan. Itinatanghal siya ngayon ng pinakamakapangyarihang mga institusyong pangmidya sa bansa at sa mundo bilang maydala ng “pagbabago” at “pag-asa” sa Pilipinas. “Can Noynoy save the Philippines?” pa nga ang sigaw ng pabalat ng Time Magazine noong kampanya, hudyat kung sino ang itinuturing ng US na Mesiyas sa mga kandidato. Itinutulad ang pagkapanalo niya sa pagkaluklok na pangulo noong 1986 ng ina niyang si Corazon “Cory” Aquino, pumalit sa diktador na si Ferdinand Marcos.

Pero sampung araw pa lang sa pwesto si Aquino, tatlong aktibista na ang napatay nang ekstrahudisyal. Dahil dito, isa ang ekstrahudisyal na pamamaslang sa pinakaunang mga isyu na sumalubong sa bagong rehimen. Binasag ang ingay ng pagdiriwang sa pagkapanalo ni Aquino ng mga putok ng baril na nakatuon sa mga aktibista. Sabi ni Aquino, hindi ito patakaran ng gobyerno niya. Pero hindi pagdidiin ang pahayag na ito sa gobyerno ni Arroyo dahil, kaalinsabay, nag-utos siya ng imbestigasyon. Binalaan niya ang militar pero hindi naman inaming ito ang nagsasagawa ng pagpatay. Sinabi rin niyang marami sa mga nababalitang pagpaslang ang personal lang ang dahilan.

Bilang tugon, nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, alyansa ng mga pambansa-demokratikong organisasyong target ng ekstrahudisyal na pagpaslang, sa rehimeng Aquino na ibasura ang Oplan Bantay Laya (OBL), programang kontra-insurhensya ng rehimeng Arroyo at itinuturong sanhi ng mga pagpatay. Ipinatupad noong 2002, layon ng OBL na durugin ang kilusang komunista sa bansa pagdating ng 2010. Bukod sa dati nang mga hakbangin kontra sa New People’s Army, armadong grupo ng kilusang komunista, laman nito ang “pag-nyutralisa” o pagpatay sa mga lider at miyembro ng mga tinukoy na mga “prenteng organisasyon” ng mga komunista.

Sa ganitong yugto lumalabas ngayong buwan ang librong Oplan Bantay Laya: The US-Arroyo Campaign of Terror and Counterinsurgency in the Philippines ng Ibon Foundation. Napapanahon, dahil bukambibig ngayon ang operation plan na ito ng mga tumututol sa ekstrahudisyal na pagpaslang at nagmamalasakit sa karapatang pantao. Sa tyempo ng paglalabas ng libro – taon ng pagbaba ni Arroyo sa pwesto at ng dedlayn ng oplan – parang gusto nang tuldukan ng libro ang OBL, gayung patuloy pa itong nananalasa. Pero dahil mismo sa lumalabas na patuloy na pagpapatupad sa nasabing oplan kaya lalong tumatampok, hindi nababawasan, ang pangangailangang basahin ang libro.

Sa unang seksyon, nagbigay si John Paul Corpus ng pangkalahatang tanaw sa OBL. Inugat naman ni Jennifer del Rosario-Malonzo ang oplan sa kasaysayan ng mga kampanyang kontra-insurhensya ng US sa bansa. Inilantad at kinutya ni Leandro Natividad ang mga absurdong pangangatwiran ng militar sa mga dokumento nito kaugnay ng OBL. Sa ikalawang seksyon naman, binaybay ni Paul Quintos ang mahabang kasaysayan ng pagpapalit-palit ng pagbibigay-katwiran ng US sa mga agresyong militar nito sa ibang bansa. Sa isa pa niyang ambag sa koleksyon, kongkretong ipinakita ni Malonzo ang suportang pampinansya at militar ng US sa OBL.

Sa una nitong ambag, tinipon ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler) ang lahat ng kasamaan – pagpwesto sa mga pasistang diktador at pagsuporta sa terorismo ng estado, pampulitikang asasinasyon, pagpapatakbo sa mga death squads – ng tinawag nitong “pandaigdigang militarismo” ng US. Sa ikalawa nitong ambag, binaybay sa kasaysayan ng bansa hanggang sa rehimeng Arroyo ang paggamit ng US at neokolonyal na Estado sa mga death squads laban sa mga itinuturing nitong kalaban. Pinalitaw rin nito ang pagkakapareho at koneksyon ng pag-iral ng mga death squads sa Pilipinas sa katulad na penomenon sa Vietnam (60s-70s) at El Salvador (80s).

Sa ikatlong seksyon, isa-isang inilarawan ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao na tumampok sa paglaban sa mga paglabag ng rehimeng Arroyo, ang mga epekto ng OBL. Nagbigay naman ng pagsipat si Neferti X. M. Tadiar sa kulturang humuhubog sa, at hinuhubog ng, mga paglabag sa karapatang pantao – ipinapaalalang hindi lang nangahulugan ang pasismo ng dahas ng Estado kundi ng pwersa ng kultura. Magkakahalong lungkot, saya, pag-asa at galit ang makikita sa pag-uulat ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, sa mga hakbangin sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Arroyo at sa mga tagumpay at kabiguan nito.

Sa ikaapat na seksyon naman, tinasa ni United Nations Special Rapporteur Philip Alston ang antas ng pagtalima ng rehimeng Arroyo sa mga rekomendasyong inihapag niya sa kanyang misyon sa bansa noong 2007 at ipinakitang sa kalakhan ay hindi ito tumalima. Inilahad naman ni Leila de Lima, mahusay na dating hepe ng Commission on Human Rights, ang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa – na bagamat nagdiin sa kaso ng mga Ampatuan sa Maguindanao ay sumaklaw sa maraming isyu. Tinanaw naman ni Bobby Tuazon ang prospek ng usapang pangkapayapaan, at ng lipunang Pilipino sa kabuuan, sa ilalim ng rehimeng Aquino – at hindi maganda ang nakita niya.

May Annexes sa dulo ng libro na naglalaman ng magagandang dokumento. Prangkang inihanay ni National Security Adviser Norberto Gonzales ang mga hakbangin ng rehimeng pinaglingkuran niya para sugpuin ang kilusang rebolusyunaryo. Masinsing ipinakita naman ng artikulong “US Government Roles in COIN,” ang papel ng iba’t ibang departamento ng gobyerno ng US sa kampanyang kontra-insurhensya nito sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ipinasilip naman ng mga pahayag ng Ecumenical Voice for Peace and Human Rights, delegasyon ng mga taguyod ng karapatang pantao, ang pang-internasyunal na paglaban sa OBL at mga paglabag sa karapatang pantao.

Sa pasadang ito, mapapansin ang isang kahinaan: Hindi naglaan ng puwang ang aklat sa kung paano tumulong ang maliliit na grupong pseudo-progresibo sa bansa sa OBL. Paanong ang mga lider nila sa lokalidad ay nagsilbing paniktik ng militar, paanong mahina ang pagkondena nila sa mga paglabag sa karapatang pantao, paanong pinagmumukha nilang masama ang kilusang komunista kasabay ng “pagpapatotoo” na mga prente nga nito ang mga organisasyong inaakusahan. Nagpapasikat pa naman ang mga grupong ito sa mundo, lumilikom ng pinansya. May katulad kaya sila sa karanasan ng ibang bansa? Sa husay ng libro, gayunman, maliit lang ang kahinaang ito.

Magandang halimbawa ang librong ito kung bakit kilala na ang Ibon Foundation sa bansa bilang nakapagturo sa maraming estudyante at mamamayan ng kritikal na pagsusuri at progresibong pananaw, nakapag-ambag sa pagiging aktibista ng kung ilan na ring henerasyon ng kabataan, at patuloy na nagpapaalab sa apoy ng pag-aaral sa lipunan at kasaysayan ng mga progresibo sa bansa. Tatak-Ibon ang libro: progresibo ang perspektiba, komprehensibo ang saklaw sa paksa, matalisik ang iskolarsyip at popular ang porma. Masinop ang pagkakabuo ng koleksyong ito, salamat sa editor; ang mga artikulo – hindi malawig, direkta sa punto, at bihirang nag-ulit ng nasabi na.

Dahil sa husay ng libro, magagawa nitong ihabol sa kamalayan ng mga progresibo sa daigdig ang Pilipinas sa listahang Iraq, Afghanistan, Palestina – na pinakamalulubhang biktima ng karahasan ng US simula noong ilunsad nito ang pandaigdigang “gera kontra terorismo” matapos ang 9/11. Habang ang unang dalawa ay direktang sinakop ng US at ang ikatlo ay sakop ng isang alyado ng US, nominal na malayang bansa ang Pilipinas, kahanay marahil ng ilang bansa sa Latina Amerika. At habang lantad ang salpukang militar at kalagayang gera sa tatlong bansa, nagaganap ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas sa konteksto ng “kapayapaan” ng isang “demokrasya.”

Sa pamamagitan ng librong ito, sinasalat ng bayan ang katawan, dinadama at inaalala ang pinakahuling mga sugat at marka ng tortyur, binabalik-tanawan ang mga dating yugto ng pandarahas, at inihahambing ang lahat sa danas sa dahas ng ibang bansa. Walang makakabasa sa librong ito na hindi makukumbinsi sa kung sino ang salarin: ang imperyalismong US sa pangunahin at ang kasabwat nitong mga lokal na uring naghahari. Hindi unang beses ang Oplan Bantay Laya sa Pilipinas at hindi ito nag-iisa sa buong mundo. Ang masamang balita: hindi rin ito ang huli, hangga’t hindi naibabagsak ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig ang imperyalismo.

19 Hulyo 2010

Para kay Risa Hontiveros

Paano ba ang magandang pagbati – “Magandang araw” o “Magandang laban”? Teka, bago ang lahat: bakit nga ba iyan ang islogan mo noong eleksyon? Hindi ba, sinasabi ang “It was a good fight” kapag tapos na ang kumpetisyon at natalo ang sinasabihan pero lumaban naman nang maayos? Ganoon nga ang nangyari. Pero iyun ba ang gusto mo?

Anu’t anuman, sumusulat ako sa iyo kaugnay ng pahayag mo tungkol sa nabalitang pagtatalaga ni Presidente Noynoy Aquino kay Rep. Etta Rosales, kapanalig mo sa Akbayan, bilang hepe ng Commission on Human Rights (CHR). Sabi mo, “perpekto” si Etta para sa nasabing posisyon. Todo-benta ka, ah. Paghanga? Desperasyon? O pareho?

Ang lumalabas na batayan mo sa pahayag ay ang pamumuno ni Etta sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao noong diktadurang Marcos sa pagsasampa ng class suit laban kay Marcos. Hinatulan ng Hawaii District Court, ayon sa iyo, si Marcos na lumabag sa karapatang tao at inutusan siyang magbayad-pinsala ng US 1.9 Bilyon.

Pero iba ang larawang ipinapakita ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao na tumampok nitong rehimeng Arroyo. Ayon dito, nagdulot ng pagkakahati si Etta sa mga biktima dahil ginusto niyang magkaroon ng kasunduan ng pagkikipagkompromiso (compromise agreement) sa mga Marcos – na, lumalabas, hindi gusto ng lahat ng biktima.

Tapos, ayon pa sa Karapatan, nagtayo siya ng hiwalay na grupo ng mga biktima na ang gusto ay resolusyon sa salapi (monetary settlement), hindi katarungan para sa lahat. Noon pa man, ipinakita na ni Etta ang pulitika ninyo sa Akbayan – pagkakamit ng kagyat na mga “pakinabang” sa kasalukuyan, sa kapinsalaan ng matagalang laban.

Risa, hindi ko alam kung bakit iniisip mong makakabuti ito sa imahe ni Etta. Pinili niya ang resolusyon sa pera kumpara sa mas malalaking tagumpay na, oo, makakamit lang sa mas matagal na paglaban. Ikakatuwa ng militar na ganyan ang maupo sa CHR; magbabayad lang naman pala sila eh. Magkano kaya ang anak na pinatay o winala?

Tapos, sabi mo, “Biktima si Etta ng mga krimen (atrocities) na ginawa ng rehimeng Marcos.” Dahil dito, ayon sa iyo, “labag sa lohika” na sabihing “may pagkiling kontra (biased against)” sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao at mga taguyod ng karapatang tao si Etta. Sabi mo, “malakas ang pakikiisa (strongly identifies)” niya sa huli.

Ikaw ang labag sa lohika. Isang fallacy iyang sinasabi mo: non-sequitur. Paano iyung mga biktima ng paglabag sa karapatang tao na naglingkod sa rehimeng Arroyo na tampok na matinding lumabag sa mga karapatang tao? O sa rehimeng Marcos? O sa iba pang rehimen? Hindi porke na-tortyur ang isang tao eh habambuhay na siyang progresibo.

Maganda ang sagot sa iyo ng Kilusang Mayo Uno. Ayon dito, hindi naging dahilan ang paglabag ng diktadurang Marcos sa mga karapatang tao ni Etta para huwag niyang ilabas ang mga pahayag niya at ng grupo ninyong Akbayan na nag-uugnay sa mga ligal na progresibong organisasyon sa underground na kilusang rebolusyunaryo at armado.

Ayon sa KMU, iyan mismo ang dahilan o palusot ng militar at rehimeng Arroyo para sa mga paglabag sa mga karapatang tao, tampok ang ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot, ng mga progresibo o aktibista. Kaya nga may pagkiling talaga si Etta kontra sa mga organisasyong pangunahing target ngayon ng mga paglabag sa karapatang tao.

Pero ayos pa iyan, na ibenta mo si Etta. Ang masahol at hindi katanggap-tanggap sa pahayag mo, idinugtong mong posibleng “nabwisit (irked) ang ilang grupo tulad ng Communist Party of the Philippines (CPP)” dahil umano sa “matapang na tindig (strong stance)” ni Etta laban sa mga “private armies” tulad ng New People’s Army (NPA).

Talagang nagpapakadalubhasa ka na sa taktikang pampropaganda ng militar at mga katulad mong sosyal-demokrata – ang iugnay ang lahat ng pagtutol sa CPP at NPA. Sabi nga ng KMU, mga ligal na organisasyon ang tumututol sa pagtatalaga kay Etta. Bakit nadawit na naman ang CPP at NPA sa usapan na ni walang pahayag sa isyu?

Grabe ka. Gustuhin mo man o hindi, ang mga ganyang pahayag ninyo ang ginagamit ng militar at gobyerno para bigyang-katwiran ang paglabag sa karapatang tao ng mga aktibistang kumikilos sa larangang ligal. Hindi ba, lima ang anak mo? Hindi mo ba naiisip na may mga anak, magulang at kapatid ang mga pinapaslang at dinudukot?

Isang private army lang ang NPA? Hindi ba, dati kang negosyador ng gobyerno sa usapang pangkapayapaan? Nakipagnegosasyon ka pala noon sa isang pribadong hukbo? O nabago na ang isip mo ng kapwa mo sosyal-demokratang si Norberto Gonzales? Ibang klaseng private army iyan, sinusuportahan ng masang anakpawis.

Sabi mo, ang mga tutol sa paghirang kay Etta sa CHR ay “sobrang biased” at “tumatangging itaguyod ang unibersalidad ng karapatang tao.” Heto na naman kayo. Gusto ninyong saklawin ng konsepto ng karapatang tao ang mga tinatawag ninyong “biktima” ng paglabag sa karapatang tao ng NPA. Ito ang ibig mong sabihin, hindi ba?

Hindi nga saklaw ng konsepto ng karapatang tao, na nakatuon sa Estado, ang mga pinatay halimbawa ng NPA. Posibleng paglabag sa International Humanitarian Law ang gawin ng NPA, pero hindi sa karapatang tao. Patunay ang giit ninyo na hindi dapat si Etta sa CHR: pahihirapan lang niya ang mga itinuturo ninyong maka-NPA.

Risa, malinaw naman kung bakit kayo naggigiit na italaga si Etta sa CHR. Kapalit iyan ng suporta ninyo kay Noynoy nitong eleksyon. Hindi man ubra ang kampanya mong makapasok sa Senado kahit natalo ka, inanunsyo mo na ring magiging bahagi ka ng gabinete matapos ang isang taong pagbabawal. Tapos isa pang pwesto para kay Etta.

Pero nabalitaan mo na ba? O wala kang pakialam? Tatlong aktibista na ang pinapatay simula nang maupo si Noynoy. Pambansa-demokratiko sila, hindi sosyal-demokratiko, hindi Akbayan. Iyan ba talaga ang taktika ninyo? Ipagpatuloy ang mga paglabag sa karapatang tao ng rehimeng Arroyo tapos isara ang kahit paano’y nagbukas na CHR?

Hindi para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao ang paghirang kay Etta sa CHR. Para sa inyo iyan sa Akbayan. Hindi lang iyan pagiging dupang, kundi kalupitan.

15 Hulyo 2010

Ang unang larawan sa itaas, galing dito; ang ikalawa, dito.

Maganda ang sulatin ng feministang pilosopong si Nina Power ng blog na Infinite Thought tungkol sa feminismo sa kasalukuyan.

May bagong sulatin ang mahusay na manunulat na si Eduardo Galeano tungkol sa kakatapos na World Cup!

Para kay Etta Rosales

Hindi mo ako kilala. Hindi ka na bahagi ng pambansa-demokratikong Kaliwa noong namulat ako. Pero natatandaan kita kahit noon dahil naging lider-masa ka ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Pero mas nakilala na kitang lider ng Akbayan.

Sumusulat ako sa iyo ngayon, syempre pa, kaugnay ng ibinalita mong paghirang sa iyo ni Presidente Noynoy Aquino bilang lider ng Commission on Human Rights. Medyo nakakaasiwa nga dahil ikaw pa ang nag-anunsyo. Bakit ba, para tiyakin ang pangako ni Noynoy sa iyo at sa Akbayan? Nabansagan ka tuloy na “Etta-t” – atat! – ng mga tao.

Hindi naman siguro lingid sa kaalaman mo na tumutol na ang iba’t ibang grupo – oo, mula sa pambansa-demokratikong Kaliwa – sa paghirang sa iyo. Maraming nagsalita: ang Karapatan, grupong tampok sa paglaban sa mga paglabag sa karapatang tao sa ilalim ng rehimen ni Gloria Arroyo, ang Kilusang Mayo Uno, Anakbayan at iba pa.

Nitong huli, nagulat ako dahil may nagpadala sa akin ng isang larawan mula sa Facebook: ikaw, nakataas ang kamao, aktibistang-aktibista, at may tekstong “We want Etta Rosales as chief of the Commission on Human Rights.” Kampanya na pala ang pagiging hepe mo ng CHR. May permiso mo ba ang kampanyang ito? Sang-ayon ka ba rito?

Simple lang ang punto ko kaugnay nito at sa paghirang sa iyong pinuno ng CHR: delicadeza o, dahil minsang naging islogan ng Akbayan ang “Marangal,” dangal. Hinihimok o hinahamon kita: Tanggihan mo na lang ang paghirang sa iyo sa nasabing posisyon, kung may delicadeza o dangal ka bilang tao o nagpapakilalang aktibista.

“Bakit naman?” maitatanong mo. Kasi ayaw ka ng maraming organisasyon. Tama ka sa isasagot mo, puro pambansa-demokratiko naman ang tutol sa paghirang sa iyo. Pero kahit saang anggulo mo tingnan, dapat silang ituring na mahalagang boses sa pagpili ng mamumuno sa CHR: karamihan ng paglabag sa karapatang tao, sa kanilang hanay.

Tumaas din kasi ang ekspektasyon ng mga aktibista sa posisyon ng hepe ng CHR dahil kay Leila de Lima na huling humawak dito. Ipinakita niya na posibleng kahit hindi aktibista ang maupo rito, basta bukas ang isip, walang galit sa Kaliwa, at malinaw ang konsepto ng karapatang tao, may maiaambag sa pagtatanggol sa karapatang tao.

Walang tiwala sa iyo ang mga aktibista, na siyang puntirya ng malulubhang paglabag sa karapatang tao. Marami nang nasabi: ang paghati mo sa paglaban para sa katarungan para sa mga biktima diktadurang Marcos, kawalang-aksyon mo noong pinuno ka ng House Committee on Human Rights, pagiging red-baiter mo at iba pa.

Sigurado, marami kang sasabihin para ipagtanggol ang rekord mo. Iyun lang, tiwala akong hindi mo masasagot nang sapat ang mga tuligsa sa iyo. Datos kasi ang batayan ng mga akusasyon at galing, muli, sa hanay ng mga nilalabag ang karapatang pantao – na dapat ituring, sa wika ng civil society na nauunawaan mo, na “stakeholders” sa CHR.

Pero kahit huwag na nating pasukin iyan. Isang tanong lang: Gusto mo bang matulungan ng CHR, sa kabila ng mga limitasyon nito, ang mga biktima ng paglabag sa karapatang tao? Kung oo, dapat maunawaan mong hindi magiging epektibo ang pinuno nito kung hindi siya pinagkakatiwalaan ng mga biktima at mga grupo nila.

Ang tantya ko, may pahabol kang sagot sa tanong na ito: “Pero kailangan din ng katarungan ang mga biktima ng paglabag ng New People’s Army sa karapatang tao.” Oo nga pala, bagamat wala ka sigurong nasabing magandang nagawa ng NPA mula nang mamuno ka sa Akbayan, pinuri mo na minsan ang militar at pulisya.

Mismo. Bagamat institusyon ng reaksyunaryong Estado ang CHR, wala pa yata akong alam na termino diyan na todong nag-imbestiga sa mga “paglabag sa karapatang tao” ng NPA. Kapag nagkataon, unang beses na magaganap ito sa ilalim mo, ng isang nagpapakilalang progresibo. Hindi ko alam kung ituturing mong karangalan ito.

Higit pa riyan, pumapatungkol ang paglabag sa mga karapatang pantao sa Estado, hindi sa ibang pwersang pampulitika katulad ng NPA o National Democratic Front. Dapat alam mo na iyan, pero binabaluktot ng mga kapanalig mo ang konsepto ng karapatang pantao para saklawin ang huli. Para diyan mo ba papamunuan ang CHR?

Tanggihan mo na lang ang posisyon, Etta. Batay sa isang panayam kina Frank Pascual, Sonny Melencio at Ricardo Reyes, masama ang loob ninyo dahil hindi sinuportahan ni Noynoy ang pagiging senador ng ika-13 si Risa Hontiveros. Pero marami namang ibang posisyon. Huwag din sigurong Repormang Agraryo, Paggawa, Edukasyon o iba pa.

Tagapagsalita ni Noynoy, ayaw mo? Sakto kayo diyan. Kaunting dangal naman.

13 Hulyo 2010

Grabe talaga si Risa Hontiveros. Ayos lang sanang sabihin niyang “perfect” si Etta Rosales para maging hepe ng CHR. Kaso, red-baiting na naman siya: nabwisit daw kasi ang CPP sa posibleng pagkakatalaga kay Etta kaya maraming tumututol. At isang private army lang daw ang NPA! Talagang minamaster na niya ang mga taktika sa propaganda ng militar. Binanatan tuloy siya ng Kilusang Mayo Uno.

Maraming magandang babasahin para sa mga progresibo ang ipinapaukala ng paboritong website na Kasama Project, kasama ang mga sulatin mula sa rebolusyong Pilipino.

Pagmamahal sa Bayan ayon kay Noel Cabangon

Sa tatlong kinanta ng mang-aawit na si Noel Cabangon sa inagurasyon ni Pres. Noynoy Aquino – “Tungo sa Pagbabago, Para sa Pagbabago,” “Ako’y Isang Mabuting Pilipino,” at “Kanlungan” – ang naunang dalawa ang may malinaw na komentaryo sa lipunan at naghahayag ng pagmamahal sa bayan. Pero ano’ng klaseng komentaryo sa lipunan? Ano’ng klaseng pagmamahal sa bayan? Magandang suriin.

Nagsimula ang “Tungo…” sa panawagang tingnan ang mga suliranin ng lipunan, na maririnig sa mga aktibista pero kahit sa mayayaman at makapangyarihan: “Kay daming batang lansangan / Bahay na nagsisiksikan…” Tumungo ito sa mga panawagan kung saan ang una lang ang kongkreto: “Iwaksi ang katiwalian / Tuloy pa rin ang laban / Tayo’y kumilos na.” Sumunod ang isang prinsipyo:

Ang pagbabagong nais mo sa ’ting bayan
Sa sarili ay dapat nang simulan
Dapat ipakita na kaya nating mabuhay
Nang marangal, matapat, mapagmahal at mahusay

May rap sa kanta, na naglalaman ng mga pangarap para sa bayan. Sinasabi ng mga progresibo ang mga pangarap na ito, pero pakitang-tao ring sinasabi ng mga uring naghahari sa ekonomiya at pulitika ng bansa. Maliban pala sa isa: “Utang ng bayan na baya’y di nakinabang / Dapat nang putulin at huwag nang bayaran” – bagay na hindi sinunod ng nanay ni Noynoy dahil may palabra de honor daw tayo.

“Ligtas” o “safe” ang tuligsa sa lipunan at pangarap para sa bayan ng kanta – pwede sa Kaliwa, pwede rin sa Kanan. Pero kung makikilala ang puno sa bunga nito, makikilala ang pulitika sa aksyong itinataguyod nito. Nariyan ang suliranin sa dalawang kanta ni Cabangon – sa itinutulak na maging hakbangin ng mga Pilipino. Lalo itong makikita sa “Ako’y Isang Mabuting Pilipino” na mas kongkreto ang laman.

Madiin ang “Ako’y Isang…” sa pang-araw-araw na mga hakbangin (pagtawid sa tama, pagsakay sa tama) at mabubuting gawi (hindi pagdodroga, hindi pagbebenta ng boto) ng “mabuting Pilipino.” May isang talatang laan sa pulitiko (hindi tumatanggap ng pabor o lagay, tapat na naglilingkod, hindi nagnanakaw sa kabang-bayan) at isa pa sa mga pangkalahatan (karapatan, paggalang, dangal).

Ako’y isang mabuting Pilipino
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin

Inuugat ng mga kanta ang mga suliranin ng lipunan, at ang mga solusyon dito, sa indibidwal. Mataas na kung sa kagawian o kultura. Hindi inuugnay o inuugat ang mga ito sa mga istrukturang pang-ekonomiya at pampulitika, sa pagdomina ng imperyalismong US at ng mga naghaharing uri. Nasa pagbabago ng indibidwal, kagawian o kultura ang “pagbabago” at pagiging “mabuting Pilipino.”

Totoo: kapos ang pagsisikap na baguhin ang mga istrukturang panlipunan kung hindi babaguhin ang indibidwal, kagawian o kultura. Pero kung hindi hahantong sa nauna, kapos din ang ikalawa – magpapanatili sa mapagsamantalang kaayusan at magbibigay lang dito ng makataong itsura. Sa pagturing ng mga awit na pulitikal ang pang-araw-araw na mga hakbangin at tindig, inilalayo sa pagsangkot sa pulitika ang tagapakinig.

Ang nakakasuya, pagmamahal daw sa bayan ang mga sentimyentong ito. Paalala ng Marxistang kritikong pangkulturang si E. San Juan, Jr., tugma sa ganyan ang laman ng iskolarsyip ng mga konserbatibong dayuhan tungkol sa bansa: “Ginawa ng US ang lahat ng makakaya pero…” Pero nananatili ang bulok na indibidwalidad, kagawian at kultura. Ang mga Pinoy na naman ang may pananagutan at ligtas na naman sila.

Kung tutuusin, kung palalalimin sa mga istrukturang pang-ekonomiya’t pampulitika ang mga suliranin ng bansa, kung kikilalaning kailangang baguhin ang mga ito ng “mabuting Pilipino” para magkaroon ng “pagbabago,” mangangahulugan ang pagiging “marangal, matapat, mapagmahal at mahusay,” hindi ng pagsunod sa mga alituntunin ng bulok na lipunang ito, kundi ng paglabag, pagsuway at pag-aaklas.

Hindi ng pagpapahulma sa namamayaning mga alituntunin at tradisyon, kundi ng pagsusulong sa rebolusyon.

10 Hulyo 2010

[Simula ngayon, aabot na sa 600 salita ang mga entri sa Kapirasong Kritika.]

Galing ang magagandang larawan sa account sa Flickr ni Ging Flores.

Hindi mahirap ang ekonomiks, pagwawasto ni Dean Baker kay Robert Samuelson, ekonomistang neo-klasikal. Balik-balikan ang mga pahayag ni Kong. Teddyboy Locsin, pasimuno ng eleksyong automated: palpak daw dahil hindi maberipika kung may pandaraya. Natatalo ang US sa Afghanistan, pag-amin ng mga opisyal-militar nito.

Pinakahuling pagbasa ng kaliwa-liberal na ekonomistang si Paul Krugman: nasa maagang yugto na tayo ng bagong depresyong pandaigdig. Ipinamalita na naman ni Slavoj Zizek na may diabetes siya, pero maganda ang payo niya sa mga anak niya. Anekdota tungkol sa pagka-wild ni Zizek at kung paano dapat harapin. Mga librong inirerekomenda ni Ralph Nader.

Sulatin ni Carlos Conde tungkol sa napabalitang paghirang ni Noynoy kay Etta Rosales ng Akbayan bilang pinuno ng Commission on Human Rights. Isinulat ni Joan Hinton tungkol sa pagpapalaya sa kababaihan sa paglaban para sa sosyalismo. Ilang kwento mula sa librong Silage Choppers and Snake Spirits ni Joan Hinton na hinalaw ni All-in-1 Day.

Parangal kay Patrice Lumumba, dating punong ministro ng Congo, na inidolo nina Jose Maria Sison ayon kay Prop. Luis V. Teodoro. Parangal kay Kasamang Azad, tagapagsalita ng Communist Party of India (Maoist). Sayang, hindi itinuloy itong blog ng reading group para sa mga sulatin ni Mao Zedong.

Inauguration Porn

Nakakasuya manood ng balita sa telebisyon ilang araw bago ang inagurasyon ni Pangulong Noynoy. Lalo na sa ABS-CBN; akala mo artista nila ang naging pangulo. Lahat na lang ng kaliit-liitang detalye kaugnay ng inagurasyon, ibinalita: ano ang isusuot, saan dadaan, ano ang gagawin, ano ang kakainin, sinu-sino ang dadalo, sinu-sino ang magtatanghal, ano ang kakantahin, magkano ang gagastahin, walang katapusang kung anik-anik.

Na wala namang masama kung naibabalita ang mahahalagang kwento. Sa bakuran mismo ng ABS-CBN, mahigit 25 manggagawa ang tinanggal sa trabaho at daan-daan ang nalagay sa panganib dahil sa desisyon ng pangulo nitong si Eugenio “Gabby” Lopez III. Kaugnay naman ng inagurasyon, kanya-kanyang pagsisikap ang mga militanteng organisasyon ng iba’t ibang sektor na tawagin ang pansin ng bagong pangulo sa kani-kanyang isyu.

Higit pa diyan, itinambol ang panunumpa ni Noynoy bilang mahalaga para sa sambayanan. Na mahalaga naman, dahil hudyat ng pagpapalayas at pagpalit kay Gloria, at ng posibilidad na maparusahan na siya. Pero ano na bang mahalaga sa sambayanan ang ginawa ni Noynoy? Binuo ang Truth Commission para parusahan si Gloria. Eh bakit ang maka-Gloria na si Hilario Davide, Jr. ang mamumuno? Nagbuo ng gabinete. Karamihan naman, negosyante o dati ring burukrata, at ang iba’y naglingkod kay Gloria mismo.

Kahit ang trato niya kay Bise-Presidente Jejomar Binay, hindi nagpapakita ng pagbabago. Magsasampa ng reklamong elektoral si Mar Roxas at malinaw na hindi pa nito tanggap ang pagkatalo. Pero bakit parang hindi rin matanggap ni Noynoy? Si Binay ang biktima, gagawing spare tire ang dark horse noong eleksyon. (Bakit puro pang-maitim ang metaporang Ingles na ito?) Eh talaga namang kontra-Gloria si Binay at may suporta ng publiko?

Siguro, kung may malalaking hakbanging para sa sambayanan si Noynoy, hindi na kailangan ang mga detalyeng iniulat. Pero dahil hindi siya nagpakitang-gilas, gumawa na lang ang midya ng mababaw na palabas.

02 Hulyo 2010

Apat na Taon nang Nawawala

Kahapon, apat na taon nang nawawala sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas, at si Manuel Meriño, magsasakang kapwa-organisador ng dalawa. Para sa mga nakasubaybay sa isyu, wala nang dudang dinukot sila ng militar sa ilalim ni Hen. Jovito Palparan, berdugong militarista. Isang taon pagkatapos, ilang minutong nagpakita sa bahay ng byenan niya si Sherlyn. Ayon sa magkapatid na Reynaldo’t Raymond Manalo, na nakatakas sa pagkakadukot ng militar, grabeng tinortyur ang dalawa pagbalik ni Sherlyn sa kampo dahil nagplano itong tumakas — bukod pa sa tinotortyur talaga sila. Wala nang balita sa kanila pagkatapos.

Organisador sila ng mga magsasaka, umalis sa pagiging estudyante bagamat naging tunay na iskolar ng bayan. Tinalikuran nila ang relatibong magandang hinaharap ng mga iskolar ng bayan sa kasalukuyang sistema, dahil hindi maganda ang hinaharap dito ng bayan. Habang patungo sa mga lungsod at ibang bayan ang migrasyong itinutulak ng sistema, tumungo sila sa kanayunan para ialay ang kanilang natutunang kakayahan at ang kakayahan nilang matuto. Sa mga taong walang guro, doktor, abogado, negosyador, katuwang – dito sila sumanib para maging katulad, hindi para punuan ang kakulangan ng sistema kundi para palitan ito ng komunidad na makatao.

Bahagi sila ng hanay ng mga nakapag-aral na lumubog sa nakakaraming maralita para isulong ang pagbabagong panlipunan. Na bahagi naman, ayon kay Eqbal Ahmad, progresibong intelektwal na Pakistani, ng tradisyong mauugat sa Marxismo. Aniya, nakamit ng Marxismo ang mga tagumpay nito “sa konteksto ng pagpopokus ng kaisipan ng uring nakapag-aral, ng isang seksyon nito kahit paano, sa mga tao bukod sa sarili nila – sa mahihirap, uring anakpawis, inaapi, mahina, maging sa nasa malayo.” Bago nito, relihiyon ang siyang nagtuturo ng ganito. Ipinakilala ng Marxismo, aniya, ang sekular na “konsepto ng kabutihan, ng di-narsisistikong pagtingin sa buhay.”

Katarungan para kina Karen, Sherlyn at maraming iba pa!

27 Hunyo 2010

Galing ang magandang larawan sa itaas kay Karl Castro. Salamat!

Paghahambing ni Prop. Danny Arao sa alyansang Satur-Liza-NP sa isang banda at ng Risa-LP at JV-PMP sa kabilang banda. Kalakhan ng mga manggagawa sa bansa ngayon, nasa special economic zones; may komentaryo si Atty. Remigio Saladero, Jr. Pinakahuling balita sa mga manggagawang tinanggal ng manedsment ng ABS-CBN.

Dominante na nga ba ang kababaihan sa US? Hindi pa rin ang sagot ng feministang si Katha Pollitt. Pagkakataon naman ng intelektwal na si Scott McLemee na ibuhos ang pagkayamot sa memoir ni Christopher “Kaibigan ko si ganito, kaibigan ko si ganyan, star ako” Hitchens. Nakakatawang larawan ng laging napakaseryosong pilosopong si Theodor Adorno.

Pinakamahal sa kasaysayan ang paghahandang panseguridad na ginawa sa pulong ng G8/G20 sa Toronto, Canada. Bagong panayam sa pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek.

Pagsabog ng Impormasyon

Mahusay ang artikulong “The Most Trusted Name in News?” ni Deborah Campbell, nasa magasing Utne. Ipinapakilala nito ang Al Jazeera, ang nag-iisang pandaigdigang estasyong pambalita na galing sa “global South,” hindi sa mga sentrong imperyalista. Dahil sa tatak nitong “kalayaang editoryal, diin sa pag-uulat mula sa field, at… staff ng mga empleyadong naninirahan sa mga rehiyong kanilang kino-cover,” inani ng estasyon ang galit kapwa ng rehimen ni Saddam Hussein at ni George W. Bush. Dalawang himpilan lang naman ng binansagang “Terror TV”ang binomba ng US – iyung nasa Kabul at iyung nasa Baghdad.

Hinihimok tayo ng artikulong pag-isipan ang malaganap na pagtinging may nagaganap ngayong “information explosion,” na asiwa sigurong isaling “pagsabog ng impormasyon.” Ang totoo raw, nababawasan ang ginagawang propesyunal na pamamahayag (journalism) sa buong mundo. Dahil sa paglakas ng Internet, kumakaunti ang mga tumatangkilik maging sa malalaking pahayagan at estasyong pantelebisyong laan sa balita. Noong 2008 daw, nabawasan nang 40% ang pag-uulat na internasyunal ng midyang Amerikano. Ang sabi, balitang showbiz at mga kontrobersya ang pumalit sa dating reaksyunaryong pagbabalita.

Tatlong obserbasyon: Una, lumalabas na bukod sa pagkontrol ng impormasyon galing ibang bansa, tumutungo ang imperyalistang midya sa pagbura na lang sa malaking bahagi nito. At bagamat nakakatulong, sabi ng isa sa artikulo, ang citizen journalism ay parang “citizen dentistry” – pwede naman pero kulang. Ikalawa, sabi ng awtor, kasabay ng paghigpit ng pag-uugnayan sa mundo ang pagbabaw ng impormasyon mula sa iba’t ibang panig nito. Mas matalas: kasabay ng pagkubabaw sa daigdig ng nag-iisang kapangyarihang pang-ekonomiya at pang-militar ang pagbabaw ng impormasyong nakukuha ng mga mamamayan ng Imperyo.

Ikatlo, masahol ang lagay sa Pinas at mga bansang katulad. May naghahari at panggitnang uri na hyper-aktibo sa pagsagap ng impormasyon sa iba’t ibang midya, habang may nakakaraming naghihirap na inaktibo ang pagsagap – at solong binobomba ng impormasyon ng reaksyunaryong midya.

23 Hunyo 2010

Galing ang likhang-sining ni Jean Tinguely dito.

Magaling daw na ahente ang mga kontra-babae? Pag-uugnay ng pandarahas sa kababaihan at homosekswal sa Kaliwa sa pandarahas ng Estado sa mga radikal – sa US. May mga nage-NGO na hindi NGOista. Itong artikulo ni James Petras, tungkol sa mga NGOista. Larawan ng alon na nilalason ng langis sa oil spill sa Gulf of Mexico.

Ngayong Hunyo 26, apat na taon na ang pagdukot kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan; may magandang sulatin si Kenneth Guda. May hindi raw sinabi si Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang talumpati ng pamamaalam, sabi ni Arnold Padilla. Wow! Nanumpa na pala si Kong. Mong Palatino kay Sen. Chiz Escudero. Congrats! Malinaw ang mga panawagan ni Carol P. Araullo kay Pangulong Noynoy Aquino.

May mga kwento si Tine Sabillo tungkol sa mga progresibo sa parlamento. May ulat naman si Carlos Maningat tungkol sa pagsang-ayon ng Department of Labor and Employment sa malawakang tanggalan sa Philippine Airlines. Patuloy ang pagpaparangal sa Komunistang si Joan Hinton; heto ang kay Prop. Giovanni Tapang.

Daniel, My Brother


Bihira akong magbasa ng fiction at hindi ko alam kung “katha” nga ang tamang salin nito. Pero itinuro ni Fredric Jameson, Marxistang akademiko, ang mga nobela ni E. L. Doctorow na halimbawa ng postmodernong pagkabigo ng kasalukuyan na bigyang-representasyon ang kasaysayan. Sa mga nobela ni Doctorow sa BookSale, isa lang ang natipuhan ko agad – ang The Book of Daniel [1971], na batay sa tunay na nangyari sa mag-asawang Komunistang Hudyo-Amerikanong sina Julius at Ethel Rosenberg.

Hindi ito sosyal-reyalistiko. Hindi rin pagpula ng silangan ang katapusan; mas ang kabaligtaran pa nga. Pero nawili ako sa paglalarawan sa buhay-Komunista sa US noong dekada ’40 – kalakasan ng Komunismo doon. Si “Ethel” raw, naging Komunista dahil naranasan ang mahirap na buhay; si “Julius,” dahil nasapul na tama ang Komunismo. Tulad ng mga progresibo ngayon, na tagatangkilik ng acupuncture at macrobiotic diet, sumusunod ang mga Komunistang Kano noon sa alternatibong mga uso sa kalusugan.

Sumikat ang nangyari sa mga Rosenberg, na sinilya-elektrika noong 1953 sa kasong paniniktik (espionage) pabor sa Unyong Sobyet. Kakasimula lang ng Cold War ng dalawang kapangyarihan at papatindi ang sentimyentong kontra-Komunista sa US. Inakusahan ang mag-asawa ng pagnanakaw sa US ng sikreto ng paggawa ng bomba-atomika – na ginamit ng US sa dulo ng World War 2 laban sa Japan. (Ibinintang rin pala ito sa kakayaong physicist at Maoistang si Joan Hinton.) Itinanggi nila ang akusasyon.

Sa nobela, sa isang pagmumuni ni Daniel – panganay na anak nina “Julius” at “Ethel” at sentral na karakter – nasabi niyang kung totoo ang nasabing akusasyon, iniligtas ng mga magulang niya ang mundo. Kahit naman sa pagtingin ng maraming manunuring pampulitika ngayon, kung walang bomba-atomika ang Unyong Sobyet noon, maaaring naging mas arogante ang US – tinakot-takot, dinikta-diktahan at ginera-gera ang nauna at maging ang ibang bansa. Deterrence ang tawag sa ganitong teoryang pampulitika.

Magandang basahin ang nobela.

19 Hunyo 2010

Ang maghimagsik sa mga taksil sa sosyalismo ay makatarungan! Heto ang larawan ng pag-aalsa ng mga manggagawa ngayon sa Tsina. Heto naman ang pahayag ng matatandang rebolusyunaryo hinggil sa nagaganap. Heto naman ang katarantaduhang ginagawa ng manedsment ng ABS-CBN sa mga manggagawa nito.

Galit daw ang mga Pranses kay Noam Chomsky, anti-imperyalistang intelektwal? Magagandang tanong ni Uri Avnery tungkol sa pag-atake ng gobyernong Israeli sa Freedom Flotilla. Lumalaki ang papel ng kababaihan sa lipunan, ayon sa ulat na ito.

Paano ilalantad sa mga US Marines ang kontra-kababaihang katangian ng pornograpiya? Heto ang isang magandang pagtatangka. Football fever! May kakatwa pero nakakapagpaisip na komentaryo si Terry Eagleton, Marxistang Ingles, sa ugnayan ng palakasan at kapitalismo. Hindi kumbinsido si Alexander Cockburn sa talumpati ni Barack Obama tungkol sa malubhang oil spill ngayon sa Gulf of Mexico.

Patay na ang Komunistang manunulat na Portuges na si Jose Saramago. Paborito siya ni Kong. Mong Palatino, na may mahusay na paliwanag sa “irasyunalidad” na ipinakita ng masa nitong nakaraang eleksyon. Gusto nina Louis Proyect at Jodi Dean, mga Marxista, ang Sex and the City 2. May artikulo si Alice Salvacion tungkol sa mga NPA na malapit nang maging senior citizens.

Maraming salamat kay Jose Dennio Lim sa pagkilala sa blog na ito! Sabagay, hindi naman edad ng isang blog o ng kahit ano ang batayan para matawag na “emerging.” Pero sapat na ang pagkilala ng mga kapwa-progresibo tulad niya. Salamat!

Inquirer Idiotorial

“Susuportahan kita. Pero kapag nanalo ka, magiging kritiko ako.” Ito, ayon kay Cornel West, progresibong intelektwal na Aprikano-Amerikano, ang pangako niya kay Barack Obama noong tumatakbo pa lang ang huling pangulo ng US. Batay sa editoryal nitong “Noynoy’s choices,” malayo sa ganyan ang pakikitungo ngayon ng Philippine Daily Inquirer kay Noynoy Aquino – na sinuportahan nito noong eleksyon.

Totoo ang “batayang prinsipyo” na sinasabi nito, na dapat “pipili ang president-elect ng mga taong tutulong sa kanyang tuparin ang mandato niya.” Pero ano ang sinasabi ng kasaysayan ng bansa? Na ang mga itinalaga ng mga pangulo, ang sarili, uri at pangulo ang pangunahing pinaglilingkuran – hindi ang anakpawis at bayan. Na, kadalasan, bayad-utang ang batayan ng pangulo sa pagtalaga sa isang tao, hindi ang kakayahang maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng isang pwesto.

Kaya hindi nakakagulat sa Pamalakaya, militanteng grupo ng mga mangingisda, na kondenahin ang natsismis na pagpasok sa gabinete ni Noynoy ng isang opisyal ng Makati Business Club. Ang nakakagulat, ayon sa editoryal, pananaw na “economically deterministic” ang sabihing hindi maisusulong ang interes-publiko ng mga sangkot sa “laro ng malaking negosyo.” Pa-intelektwal! Nagbasa ng tuligsa sa Marxismo at hindi lubusang naunawaan. John Nery, ikaw na naman ba iyan?

Sabi ng editoryal, dahil iba ang ibinoto ng lider-Pamalakaya sa pangulo, wala itong karapatang “magdikta” sa paano bubuuin ni Noynoy ang gobyerno para tuparin ang kanyang mandato. At sino ang mayroon? Ang mga sumuporta? Eh naetsapwera na ang mga volunteers ni Noynoy, ayon kay Juana Change. Ang Inquirer, ABS-CBN, Time Magazine, MBC, mga burgis-komprador, panginoong maylupa at imperyalista? Mabuhay ang demokrasya ng iilang mayaman at makapangyarihan!

Hindi dapat diktahan si Noynoy ng mga grupo ng maralita na hindi sumuporta sa kanya. Sa mga mambabasang panggitnang uri: tapos na ang eleksyon, dapat na tayong magpahinga. Magtiwala tayo kay Noy; alam niya ang mandato niya.

14 Hunyo 2010

[Salamat kay JP Corpus para sa larawan!]

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 159 other followers