Sa kapuluan ng Solentiname, Nicaragua, pinadaloy ng rebolusyunaryong paring si Ernesto Cardenal sa mga magsasaka at mangingisda ang pagtalakay sa pagkapanganak kay Hesus ni Maria. Sa proseso, marami silang itinuro – si Cardenal at ang mga kasama niya – hinggil sa rebolusyunaryong pagbasa sa Bibliya. (Galing ang mga larawan sa ibaba kay Nansan. Maraming salamat!)

Cardenal Sin, o Mapagpalayang Pasko

Sino’ng sawa? Sino’ng galit?
Sumigaw ngayong gabi:
Hallelujah!
— Bamboo

(1) Matagal na akong may librong The Gospel in Solentiname, Tomo 1, limbag ng progresibong Orbis Books noong 1976, ni Ernesto Cardenal — makata, pari at rebolusyunaryo ng pag-aalsang Sandinista sa Nicaragua. Matagal na kasi akong interesado sa tinatawag na “liberation theology” na mas pinipili yatang tawagin ngayong “theology of liberation” ng mga progresibong taong simbahan sa bansa. Matagal ko na ring gustong basahin ang libro, at naging mainam na pagkakataon ang nakaraang Pasko para gawin ito, at alamin ang rebolusyunaryong pagpapakahulugan sa okasyong itong taun-taong ipinagdiriwang ng marami.

Hindi pangaral ni Cardenal ang laman ng libro, hindi monologo niya o “diyalogo” sa mambabasa, ni hindi rin diyalogo sa pagitan ng dalawang tao. Diskusyon ang nilalaman, na pinangasiwaan ni Cardenal sa kapuluan ng Solentiname sa Nicaragua sa loob ng mahigit isang dekada kasama ang mga magsasaka at mangingisdang tinatawag nilang campesinos — dahil nakatira sa “campo” o probinsya o sakahan. Sa halip daw na sermon ang gawin sa mga misa, ang mga talakayang ito ang pinadaloy ni Cardenal. Ang ginagawa: may nagbabasa ng mga sipi sa Bibliya, at pagkatapos ay malayang talakayan na.

Sa introduksyon, ipinagtapat ni Cardenal na may mga lumahok na mas madalas magsalita. May mistikal, teolohikal at konserbatibo. May laging nagdidiin sa pag-ibig, pagkakapantay-pantay at pagkakaisa. May laging nag-uugnay sa “pakikibakang proletaryo” at sa “perpektong lipunan ng hinaharap.” Mayroon ding matandang hindi marunong magbasa pero malalim ang sinasabi, habang may lider na laging patungkol sa kabataan ang sinasabi. Ang kapansin-pansing wala sa hanay nila, kung ibabatay sa teksto? Kahit isang taong may katatawanan sa katawan. Sa palitang-kuro nila luminaw ang ebanghelyo sa Solentiname.


(2) Siguro, dahil rebolusyunaryong pari si Cardenal, marami siyang nasiwalat na mahalagang impormasyon hinggil sa Bibliya sa walong kabanatang binasa ko.

Ang dulo pala ng “At ang Salita ay naging laman at namuhay kasama natin,” sa wikang Griyego ay “nagtayo ng tolda sa ating gitna” — na mas akma sa sitwasyon ng mga Hudyo noong exodo, kung kailan namuhay sila sa mga tolda. Sa ngayon, sabi ni Cardenal, pwede itong isalin na “nagtayo ng barung-barong sa ating gitna” kung sa mga lugar na urbanisado, o “kubo” sa mga lugar na rural.

Bagamat “tagapagligtas” o “kaligtasan” ang laging salin ng pangalang “Hesus,” sabi ni Cardenal, mas angkop — batay sa kalagayan noon sa Nicaragua, at kahit ngayon, at sa orihinal na Hebreo — na isalin itong “tagapagpalaya” o “paglaya.”

May bahagi palang subersibo ang Awit ni Maria, ang Magnificat, na ikinasindak maging ng mga tsar noon ng Rusya. “Kinakaladkad Niya ang makapangyarihan mula sa kanilang mga trono at itinataas ang mapagpakumbaba. Pinupuno Niya ang nagugutom ng magagandang bagay at wala Siyang itinitira sa mayaman.” Kung ngayon ito sasabihin ng kahit na sino, sabi ng katalakayan ni Cardenal, tatawagin o paparatangan siyang “baliw.” O kaya naman ay “komunista.”

Noong lumaya ang sambayanang Hudyo sa Ehipto, pinagbawalan ng Diyos ang mga tao na magkaroong muli ng alipin at maralita sa hanay nila. Sa tingin ni Cardenal, ito ang dahilan kung bakit kailangan ang “pagpapalaya” ni Hesus.

Ang mga pastol sa Bethlehem na pinagpakitaan ng anghel at sinabihan nito ng mabuting balita tungkol sa pagsilang ng tagapagpalaya, sila pala ang nasa pinakamababang antas ng lipunan sa Israel noon. Ano kaya sila sa ngayon?


(3) Sa isang banda, hindi mahirap makahanap ng pampulitikang kabuluhan sa kwento ng pagkakapanganak kay Hesus — lalo na ang mga naghahanap dito, at lalo na kung maka-Kaliwa. Inanunsyo ang pagkakapanganak sa kanya na pagsilang ng tagapagpalaya sa kawalang-katarungan. Maralita ang naging ina at ama-amahan niya, at isinilang siya sa sabsaban. Sa mga pastol ipinaalam ang pagdating niya — kaya nga ang hinala ng isang katalakayan ni Cardenal, ang “bituin” na gumiya sa “tatlong hari” ay walang iba kundi ang sambayanang nag-uumapaw sa usap-usapan tungkol sa pagsilang ng kanilang tagapagligtas.

Ipinanganak pa si Hesus sa panahon ni Herodes, na nag-utos na patayin sa sakal ang dalawang anak niyang lalake sa hinalang nagsasabwatan ang mga ito, at pumatay din sa isa sa mga asawa niya. Noong ipinanganak si Hesus, ipinag-utos din niya ang pagpatay sa 300 kawani ng gobyerno dahil din sa hinala ng pagsasabwatan. Ipinanganak samakatwid si Hesus hindi lang sa gitna ng kawalan ng pagkakapantay-pantay, sa gitna ng pagsasamantala at pang-aapi. Ipinanganak siya sa “atmospera ng panunupil at terorismo,” sabi ni Cardenal.


(4) Sa kwentong ito, at sa mga kaugnay pang kwento, marami nang lilitaw na negatibong komentaryo sa takbo ng lipunan, sa Nicaragua man o Pilipinas.

Ang pagdiriwang ng Pasko na hindi selebrasyon ng pagdating ni Hesus bilang tagapagpalaya, kundi “pagdiriwang para gumastos ng pera (para sa mga may pera), magkaroon ng good time, sumayaw o gumawa ng kung ano.”

Ginagaya ng marami ang “tatlong hari” sa pagbibigayan ng regalo tuwing Pasko, pero ang mayayaman, sa kapwa-mayaman din nagbibigay ng maraming regalo.

Noong ipinatawag ni Herodes ang mga pari, nagsidatingan naman ang mga ito, na tila mga tagasuporta niya at payag sa mga pagpaslang na ipinatupad niya.

Laging sinasabi ng mga taong-simbahan na isinilang sa sabsaban si Hesus, na ipinanganak siyang mahirap, pero ang lagi nilang pinupuntahan sa buong taon, at kahit siguro tuwing Pasko, ay ang mga bahay at palasyo ng mayayaman.


(5) Tinalakay nina Cardenal ang mga bersong tungkol mismo sa pagsilang kay Hesus ilang araw matapos yanigin ng isang malakas na lindol ang Managua, kapitolyo ng Nicaragua. May kabuluhan ang mga punto nila para sa atin, na sinalanta ng Ondoy at Pepeng, at sinasalanta ngayon ng pagputok ng Mayon.

Sabi ng isa, na malinaw na naniniwalang panig ang Diyos sa maralita, hindi parusa ng Diyos ang mga pasakit “dahil ang maralita ang laging nagdurusa nang husto” sa mga kalamidad. Madali nga namang tumakas ang mayayaman.

Sabi pa ng isa, na para bang sumasagot sa mga haka-haka ng marami, “Hindi nangyari ang lindol dahil sa mga kasalanan. Pero nangyari ang mga epekto ng lindol dahil sa mga kasalanan, dahil ang pagkamakasarili ay kasalanan.”

Sa Pilipinas, matutukoy siguro ang pagkamakasarili ng mga kapitalistang “developer” at administrador ng dam, halimbawa, na dahil inuna ang tubo sa kapakanan ng lipunan ay nagpatindi sa pagbaha at nagdulot ng kamatayan.


(6) Makikita sa diskusyon nila ang paghalaw sa Bibliya ng mga lumahok ng oryentasyon sa pakikibaka, paano ituturing ang sarili, ang kapwa at ang kalaban. Pero ang talagang bago sa akin sa mga talakayan nina Cardenal ay ang pagbibigay-kahulugan sa naging mga aksyon nina Maria, Jose at Hesus.

Luma na ang kay Hesus: “Siya ang pinakamagaling na rebolusyunaryo. Dahil bilang Diyos, pumanig siya sa maralita at bumaba siya sa langit para maging miyembro ng mababang uri at ibinigay niya ang buhay niya para sa ating lahat.”

Simple lang ang kay Jose: Tinanggap niya ang maging ama ng tagapagpalaya nang may kasiyahan, at may sakit din — dahil alam niyang may pagdurusa at sakripisyong kaakibat ang pagpapalaya. Itinuring itong aral para sa mga magulang ng mga kabataang sangkot sa pagpapalaya ng mga komunidad.

Bago sa akin ang kay Maria: Sa pagtanggap niya sa mensaheng ipagdadalang-tao niya ang tagapagligtas, na dapat ilihim, sumali na rin siya sa hanay ng mga subersibo. “Pakiramdam siguro niya,” hinala ng isa, “sumali siya sa kung anong underground.” Sabi naman ng isa, tulad ni Maria, hindi dapat matakot ang mga tao na maging mahalaga — ang lumahok sa mahalagang misyon sa lipunan.

Paglalagom ng isa: “Dapat hangaan natin higit sa lahat ang kanyang pagiging masunurin (obedience). Dapat handa rin tayong sumunod. Rebolusyunaryo ang pagsunod na ito dahil pagsunod ito sa pag-ibig. Napaka-rebolusyunaryo ng pagsunod sa pag-ibig, dahil inaatasan tayo nitong labagin ang lahat.”


(7) Sabi sa dulo ng libro, nagtagumpay ang “rebolusyong Sandinista” sa Nicaragua noong 19 Hulyo 1979 — ibig sabihin, 30 taon na ngayon. Hindi man tama ang paggigiit ng ilan sa pambansa-demokratikong kilusan noong unang hati ng dekada ’80 na ang “modelong Nicaraguan” ang dapat tularan at hindi ang “modelong Tsino,” at malabo man ang “sosyalismo” na itinaguyod nila, mabibigyang-halaga ang pag-aalsa sa Nicaragua bilang kontra-imperyalista.

Sa mga kabanatang nabasa ko, makikita sa libro ni Cardenal ang pagsusuring kapitalista ang lipunan sa Nicaragua. Halos walang pagbanggit sa mga dayuhang nagsasamantala o nang-aapi sa kanilang bansa, at isang beses lang nabanggit ang salitang “imperyalista” — kaugnay pa ng gera sa Vietnam, na para bang pwede lang banggitin ang salita kung may kinalaman sa militarismo.

(8) Taong 1979 din nalathala ang mahalagang librong Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto. Dito, sistematikong ipinakita ni Ileto kung paanong ang pasyong mahal — oo, ang binabasa sa mga pabasa kapag mahal na araw — ang naging “wika” o “balangkas” ng pag-unawa ng mga lumahok sa rebolusyong 1896 sa kanilang pagkilos. Aniya, nagamit ng mga nag-alsa ang buhay at kamatayan ni Hesus bilang moda nila ng paggagap sa pakikibakang inilulunsad nila noon.

Sa kasaysayan ng bansa, marami sa mayor na pagkilos ng sambayanan — mula sa rebolusyong 1896 hanggang sa Edsa 1986 at Edsa 2001, pero parang hindi tampok ang paglaban sa mga Hapon at malinaw na hindi kasama ang Sigwa ng Unang Kwarto — ang may tampok na elementong relihiyoso, iba-iba man siguro ang silbi ng relihiyon o pananampalataya sa mga pagkilos na ito ng sambayanan.

Sa isang bahagi ng talakayan, ipinaliwanag ng kausap ni Cardenal ang bagay na ito: “sa kanilang pagkaalipin, kailangang bumaling ng maralita sa Diyos kada araw.” Kung sasandigan natin ito, magtitiwala tayong patuloy na magiging mahalaga sa buhay at pakikibaka ng maralita ang relihiyon at pananampalataya. Pero mahalaga pa kaya ito sa buhay nila, lalo na ng mga kabataan sa hanay nila?

28 Disyembre 2009


Mabuhay si Kasamang Joseph Stalin! Ika-130 taon ng kapanganakan pala niya noong 21 Disyembre. Narito ang mga parangal sa kanya ng mga rebolusyunaryo sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Pansinin ang parangal ni Ernesto “Che” Guevara ng Cuba. Heto naman ang mga kritika sa numero unong kritiko ni Stalin na si Leon Trotsky.

Mabuhay si Mong Palatino! Heto ang mga pagmumuni-muni niya sa ilang panahon niya ng paglilingkod sa Kongreso bilang kinatawan ng Kabataan Partylist.

Mabuhay si Herb Gamberg! Heto ang artikulo niyang tumatalakay sa madalas kaligtaan ng progresibong mga intelektwal sa gitna ng pagtalakay sa kung anu-ano – ang demokratikong sentralismo at ang halaga nito sa pakikibaka para sa pagbabagong panlipunan.

Mabuhay si Kenneth Guda! Nailipat na niya sa WordPress ang mga entri niya sa dati niyang blog sa Motime.

Mukhang ganyan talaga siya tumingin sa Kaliwa. Eh paano siya ieendorso nito, katulad ng gusto ng ibang tagasuporta niya? Lumalabas na, taliwas sa sinabi ng isang maka-Noynoy na kolumnista, si Noynoy ang galit sa Kaliwa, at hindi totoo ang kabaligtaran. (Galing ang larawan sa Bayaning Filipino. Salamat, kahit hindi bayani si Noynoy!)

Si Noynoy ang Galit sa Kaliwa

(1)

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Manuel L. Quezon III, kolumnistang propagandista ni Noynoy Aquino, na galit ang Kaliwa sa manok niya, kaya ginamit umano nito si Chiz Escudero para banatan si Noynoy. Ngayon, matapos ang maraming pangyayari, malinaw na ang katotohanan: si Noynoy ang galit sa Kaliwa, hindi ang kabaligtaran.

Malinaw ang ipinapakita ng datos. Ang Kaliwa ang nagpursige para makausap si Noynoy para sa posibleng pagtutulungan sa plataporma at kampanyang elektoral. Pero hindi agad tumugon si Noynoy sa alok ng Kaliwa na makipag-usap. At noong nakipag-usap na siya sa Kaliwa, sa wakas, himutok pa ang sinabi niya – partikular sa pagpiket ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa bahay ng pamilya Aquino noong 2005.

Ang hinala ko, ang mafia” sa Liberal Party na ikinabwisit ni Serge Osmeña at naging dahilan ng pag-alis niya rito ay binubuo ng mga sosyal-demokrata at opisyal ng Akbayan. Mas galit sa Kaliwa ang mga grupong ito kung ikukumpara sa ibang tradisyunal na pulitiko. Bukod sa personal na “sama ng loob” ni Noynoy sa Kaliwa, malamang na malakas din ang tulak – o hawak ba? – ng mga ito kay Noynoy.

Makikita ang paghawak nila kay Noynoy sa dalawang bagay. Una, itinulak nilang magsalita si Noynoy nang pabor sa reproductive health bill, paborito nilang isyu. Maayos ang laman ng batas. Pero mapanganib na isyu ito para sa isang pulitiko dahil, tulad ng nangyari, iniimbita nito ang galit ng Simbahang Katoliko. Na ayos pa rin sana. Kaya lang, halatang hindi kayang tindigan ni Noynoy ang posisyon, kaya umatras siya.

Ikalawa, pragmatiko ang mga pwersang ito pagdating sa pulitika. Handa silang makipagtulungan sa mga tradisyunal na pulitiko para sa interes nila. Pero pagdating sa Kaliwa, ideolohikal ang galit nila. Kaya naman binuo ang tiket pangsenado ng Liberal Party ng mga kandidatong hindi gaanong kilala – gayung bukod sa may makabayang rekord sina Satur Ocampo at Liza Maza ay mas popular din sila sa mga mamamayan.

Sa dalawang bagay na ito, makikita ang makasariling interes ng mga sosyal-demokrata at opisyal ng Akbayan na nananaig sa kandidatura ni Noynoy. Sa una, pinagsalita nila ito sa isang isyung naghiwalay rito sa inaasahan nitong isang base ng suporta. Sa ikalawa, pinahina nila ang tiket pangsenado nito sa pagpili sa mga kandidatong maaaring may malinis na rekord, pero hindi gaanong kilala, para kontrahin ang Kaliwa.

(2)

May mahalagang punto, lagi naman, si Angela Stuart-Santiago, iskolar at tagahanga ng mga akda ni Ninoy Aquino. Aniya, taliwas sa rekord ni Ninoy ang pag-ilag, kung hindi man galit, ni Noynoy sa Kaliwa. “Kung buhay si Ninoy, hindi siya magdadalawang-isip na makuha sina Satur at Liza para tumakbo sa Senado bilang mga [Liberal Party].”

Inungkat pa ni Stuart-Santiago ang sulatin ni Ninoy na nagpapakita ng pagkilala, kung hindi man pagrespeto, nito sa mga nagagawa ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army sa kanayunan at sa bansa, at ang mga tala sa kasaysayan na sumuporta umano si Ninoy sa mga grupong ito. Ibig sabihin, bagamat may pagtunggali si Ninoy sa Kaliwa, bukas ang isip niya rito, kahit sa radikal na Kaliwa pa nga sa bansa.

Sa puntong ito, mahalagang ipasok ang sentral na argumento ni Conrado de Quiros para itulak na tumakbo si Noynoy at suportahan ang kandidatura niya. Hindi umano nito lalapastanganin ang alaala at pamana ng mga magulang niya. Pero paano kung malinaw na taliwas o katunggali ng tindig ni Noynoy ang tindig ni Ninoy? Sa tingin ko, panimula pa lang ang usapin ng Kaliwa sa mga isyung makikita ang pagkakaibang ito.

Lagi pa namang sinusundan ang mga pangalan nina Ninoy at Cory ng salitang “demokrasya.” At ang Kaliwa, batay sa kasaysayan ng bansa, ay may mahalagang papel sa pagtatanggol at pagpapalawak pa nga sa demokrasyang umiiral sa Pilipinas. Maaaring hindi kayo sang-ayon sa sinasabi kong papel ng Kaliwa, pero ang punto: mahalagang usapin ang pagkakaiba ng pagtingin sa Kaliwa nina Ninoy at Noynoy.

Mayroon ding buhay na patunay ng isang inapo na nagtaksil at sumalaula sa alaala at pamana ng mga ninuno niya. Clue: tumatakbo siyang senador sa tiket ni Noynoy at dahilan ng pag-alis doon ni Osmeña. Sagot: Ralph Recto. Hindi ba’t napakalaki ng ambag ni dating Sen. Claro Mayo Recto sa pagsusulong ng nasyunalismo sa bansa? Pero ang inapo niya, mas dikit sa kalaban niyang kolonyal na si Carlos P. Romulo.

Nakakapagtaka ang “sama ng loob” ni Noynoy sa pagpiket ng mga magsasaka sa bahay ng pamilya Aquino. Hindi ito dapat ikasama ng loob at personalin – “personalize” daw, sabi ni Satur Ocampo – ng matagal nang pulitikong tulad niya. Natural ito sa pulitika. Pero kung mapagkaisa kang lider, lalo na’t nananawagan ka ng “pagbabago,” hahanap ka ng mapagkakaisahan sa Kaliwa, na isang mahalagang pwersa sa bansa.

(3)

Sa kongkreto, ang mga nanggagalaiti kontra sa Kaliwa dahil sinuportahan nito si Manny Villar, ay iyung mga tagasuporta ni Noynoy. Nahawa na sila sa laging pantasya ng mga sosyal-demokrata at opisyal ng Akbayan na nalalamangan nila ang Kaliwa – na kung hindi ito bumubuntot sa kanila ay nagpapakatrapo ito sa iba’t ibang larangan.

Paano naman susuportahan ng Kaliwa si Noynoy, eh ni hindi niya itinuring na tao ang Kaliwa? Iniwasan niyang kausapin at noong nakausap na’y puro bakod pa ang itinayo. Ang gusto yata ng mga tagasuporta ni Noynoy ay basta na lang sumuporta ang Kaliwa sa kandidato nila. Pwede ba naman iyun? Ni hindi tampok sa paglaban sa rehimeng Arroyo ang manok nila para basta na lang suportahan. Ang nanay niya, oo; siya, hindi.

Samantalang si Villar, todo-kayod para makipag-usap at makipagtulungan sa Kaliwa. Tradisyunal na pulitiko siya. Si Noynoy ba, hindi? May kaso si Villar ng korupsyon. Dapat imbestigahan siya at harapin niya. Pero hindi rin malinis ang rekord ni Noynoy sa mga mamamayan. Si Villar daw ang tunay na manok ni Gloria. Dapat mapatunayan iyan, dahil ang pinakamaingay sa pagsasabi niyan ay mga tagasuporta ni Noynoy.

Ang kakatwa pa, itong mga kontra-Kaliwang ito, gusto pang palabasing isinusuko ng Kaliwa ang rebolusyon sa pag-endorso kay Villar. Galit na galit sila sa rebolusyon, pero ngayon, ginagamit nila ito na para bang iginagalang man lang nila ang rebolusyon. Gusto nilang palabasing inirerespeto nila ang Kaliwa, pero gusto nilang lampasuhin ang Kaliwa dahil lang sa tindig nito sa eleksyon – na sekundaryo lang para sa Kaliwa.

Ang problema kasi, gusto nilang palabasing “nasa gitna” sila. Uupak sa rehimeng Arroyo kapag may ginawang mali. Uupak din sa Kaliwa kapag sa tingin nila’y may ginawang mali. May “simpatya” raw dito. Pero minsan, nadudulas magsabing walang pinagkaiba ang rehimen at Kaliwa. Nakakatawa ang pantasya ng mga “manunulat” na ito sa kanilang sarili. Ang iniisip nila, nasa gitna sila. Ang totoo naman, nasa Kanan.

Sa tingin ko kasi, kung talagang galit ka sa rehimeng Arroyo at gusto mong itaguyod ngayong eleksyon ang mga tunay na lumaban sa rehimeng ito, dapat ang katapatan mo ay sa Kaliwa. Dahil ito talaga ang matatag na lumaban sa rehimeng Arroyo kahit pa pinagpapatay, dinukot at dinahas ang mga lider at miyembro nito. Sa Kaliwa dapat ang katapatan, hindi kay Villar at lalong hindi kay Noynoy. Nasaan ba siya noon?

21 Disyembre 2009

Mahusay ang pagtuligsa ni Noam Chomsky, Amerikanong intelektwal at anarkista, sa mga hakbangin ng US sa ibang bansa sa kanyang sulating kaugnay ng ika-20 anibersaryo ng pagbagsak ng Berlin Wall noong 1989. May iba namang ginawa sa mga sanaysay nila sina Tariq Ali, aktibista at intelektwal na Pakistani, at Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian.

Berlin Wall: Tatlong Tanaw

Taun-taon, ipinagdiriwang ng mga tagapagdiwang ng kapitalismo ang anibersaryo ng pagbagsak ng Berlin Wall, na siyang kinikilalang hudyat ng pagguho ng dating Unyong Sobyet. Para sa kanila, nangangahulugan ito ng pagtatagumpay ng kapitalismo sa sosyalismo at ng Estados Unidos sa Unyong Sobyet sa Cold War na tunggalian nila. Para sa ilan sa kanila, nangangahulugan din ito ng “katapusan ng kasaysayan,” sa mga salita ng “intelektwal” ng State Department ng US na si Francis Fukuyama. Ang tambalan daw ng kapitalismo at liberal na demokrasya ang hantungan ng kasaysayan, at ang anumang tunggaliang susulpot pa sa hinaharap ay nasa balangkas na lang nito.

Malinaw ang sagot ng mga Marxista. Hindi sosyalista ang Unyong Sobyet noong bumagsak ito, kundi sosyalismo sa salita pero kapitalismo sa gawa. Dulot ito ng pagkaluklok sa poder ng mga tinatawag na “modernong rebisyunista,” mga dating komunistang sistematikong bumago sa batayang mga prinsipyo ng Marxismo at nagdala sa mga bansa nila sa kapitalismo. Anila, hindi sosyalismo ang bumagsak sa Unyong Sobyet kaya hindi sosyalismo ang namatay kasama nito. Ang totoo, anila, habang nagdiriwang ang kapitalismo, nananatiling batbat ito ng krisis. Ang totoo, sabi pa nila, ipinapakita ng krisis ng kapitalismo na kailangang-kailangan ang sosyalismo.

Nitong Nobyembre 9, 20 taon na ang pagbagsak ng Berlin Wall. Kakatwa ang mahalagang pagdiriwang, dahil nataon ito sa pinakamatinding krisis ng kapitalismo simula noong dekada 1930. Nahirapan siguro ang mga lagi nang tagapagdiwang nito kung paano bibigyang-parangal ang pangyayari. Maging si Mikhail Gorbachev, susing tao sa pagbagsak ng pader, ay nagsabing bagamat kailangang maganap ng nangyari, hindi pa rin mahusay ang mga sitwasyon sa kasalukuyan. Nanawagan pa nga siya ng perestroika – o pagbabago ng ekonomiya – sa iba’t ibang bansa, kasama ang US. Tiyak, gayunman, na hindi na sosyalismo, o anumang katulad nito, ang tinutukoy niya.

Mainam naman na sinamantala ang okasyon ng iba’t ibang intelektwal na maka-Kaliwa para maglabas ng mga popular na sulatin. Dapat lang, dahil napakainam ng sitwasyon ng daigdig ngayon para maglinaw sa iba’t ibang usapin kaugnay ng kapitalismo at pakikibaka para sa sosyalismo. Bukod pa sa nakakatuwa kapag ang mga intelektwal na laging sangkot sa matatayog na mga teorya at pilosopiya ay nagpipilit na mangusap sa mas malawak na publiko nang inilalapat ang kanilang kaalaman sa kongkretong mga usapin. Sa ganitong pagkakataon, hindi lang sila nangungusap sa mga organisador ng mga manggagawa at magsasaka, halimbawa, kundi nagbubukas din sa paghatol nila.

Sa sanaysay niyang “The Legacy of 1989, in Two Hemispheres,” pinili ng sikat na kontra-imperyalista at anarkistang intelektwal na si Noam Chomsky na tuligsain ang US sa mga hakbangin nito. Dapat daw ibagsak ang mga pader na itinatayo ng Israel sa mga lupain ng Palestina. Nagbalik-tanaw rin siya sa pagpatay sa El Salvador ng anim na intelektwal, pari at tauhan nila noong 1989, kasabay ng pagbagsak ng Berlin Wall. Kasabay raw ng paglakas ng pag-asa sa Silangang Europa ang pagguho nito sa Latina Amerika. Tinurol niya ang responsable sa mga pagpatay, at sa pagpatay sa teolohiya ng paglaya (liberation theology) sa Latina Amerika: School of the Americas ng US at Vatican.

Mahalaga ang punto niya, na ipinagdiriwang ng US ang pagbagsak ng mga diktador na hindi nito hawak habang pinapalakas ang mga diktador na hawak nito. Ipinapakita ng mga salaysay niya na nananatiling marahas ang US kahit sa panahon ng pagbagsak ng Berlin Wall, dahil nga patuloy itong binabayo ng krisis ng sistema ng monopolyo-kapitalismo. Pero ito lang ba ang kaya niyang sabihin sa paggunita sa pagbagsak ng Berlin Wall? Isa na namang pagtuligsa, bagamat bukod-tangi, sa imperyalismong US? Hindi ba’t napakainam ng okasyon para palutangin ang usapin ng ano ang dapat gawin ng mga mamamayan at ano ang dapat ipalit sa nabubulok na sistemang ito?

Sa panayam naman niyang “The Idea of Communism,” tinalakay ng Trotskyistang intelektwal na Pakistani na si Tariq Ali ang itinuturing niyang negatibong aspekto ng pakikibaka para sa komunismo sa mundo kaugnay ng bago niyang libro. Aniya, bagamat ayaw nina Marx at Engels na ituring na relihiyon ang kaisipan nila, ganito ang nangyari sa maraming kilusan sa mundo. Ipinaliwanag niya ang itinuturing niyang sanhi ng mga naging suliranin sa mga bansang naging sosyalista: atrasadong lagay ng ekonomiya, nagkaroon ng Estadong awtoritaryan, nagkaroon ng monopolyo ang Estado sa daluyan ng komunikasyon, at nasyunalismo ang lumaganap na kaisipan.

Bagamat mahalagang balik-aralan ang kasaysayan ng progresibong kilusan sa mundo, hindi ko alam kung ano ang mapapala sa mga padaskul-daskol na paghahambing – Marxismo at relihiyon, sosyalismo at kapitalismo – katulad ng ginawa ni Ali, at madalas ding gawin ng mga pa-intelektwal sa mga anti-komunista sa bansa tulad ni P. N. Abinales. Nakakabilib siguro kapag bata ka pa na makarinig ng ganito. Pero ano ang punto? Eh ano kung parang relihiyon? May mga nagsasabing hindi masama agad para sa Marxismo ang ganito. Guilt by association? Lahat ng masama sa sistema na “makikita” rin sa Marxismo at sosyalismo, kasiraan na ng huli? Anu-ano naman ang pagkakaiba?

Ang problema sa partikular na paghahambing ni Ali ay hindi nito tinuturol ang mayor na mga usapin sa mga bansang naging sosyalista. Kaya ba nanumbalik ang kapitalismo sa Tsina at Unyong Sobyet ay dahil naging relihiyoso ang pagtanggap ng mga tao sa desisyon ng mga namumuno? Hindi. Bukod pa rito, mas kumikiling ito sa maling paghalaw ng aral sa karanasan ng mga bansang ito. Relihiyon ang naging turing ng mga tao sa Marxismo, kaya ba hindi na ito dapat ituro sa kanila? Hindi rin. Mauugat nga ang mga mayor na kahinaan ng mga bansang naging sosyalista sa hindi sapat na pag-aaral sa Marxismo, at hindi paglalapat nito sa praktika ng sariling bansa.

Kailangang lagyan ng mga pahabol ang mga kahirapang ayon kay Ali ay hinarap ng mga bansang naging sosyalista. Oo, atrasado ang mga bansang nagtagumpay sa paglaban para sa sosyalismo – at nagiging matapat dito si Ali sa pagiging Trotskyista, sa paniniwalang kailangang sa mga bansang abanteng kapitalista magsimula ang pagtatagumpay ng rebolusyon sa mundo. Dapat kilalanin ang pagiging atrasado ng mga bansang ito, pero hindi ito ang buong paliwanag sa kahinaang dinanas nila. Kaibang nasyunalismo naman ang naimbento sa mga bansang tinutukoy niya – kontra-imperyalista, mapagpalaya at nakabatay sa alyansa ng iba’t ibang uri sa lipunan.

Totoong nagkaroon ng kahinaan si Stalin sa pagharap sa mga kontradiksyong sumulpot sa Unyong Sobyet noong magtagumpay ito, na dumulo sa paggamit niya ng mga mapanupil na hakbangin. Ipinagpatuloy ang mga hakbanging ito ng mga pumalit sa kanya kasabay ng pagtuligsa sa kanya at sa tinawag nilang “Stalinismo.” Pero natukoy ito ni Mao Zedong sa paglalagom niya sa karanasan ng rebolusyong Ruso. At sinikap itong alpasan ni Mao. Kahit ang pagwawasto ba ni Mao sa mga kahinaan ni Stalin, itunuturing pa rin ni Ali na bahagi ng sinasabi niyang kawalan ng debate sa iba’t ibang antas ng lipunan? Kahit ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura?

Madalas sabihing “diktador,” o “awtoritaryan” si Mao. Mas kumplikado rito ang reyalidad. Nasapul ng pilosopong Pranses na si Alain Badiou ang hindi nasapul ng mga historyador at mamamayahag na katulad ni Ali, at Abinales na rin, tungkol sa pagkatao niya. Ayon kay Badiou, “Sa lahat ng aspekto, ang ‘Mao’ ay pangalan ng isang paradox: ang rebelde sa kapangyarihan, ang diyalektisyan na nasubok ng nagpapatuloy na mga pangangailangan ng ‘pag-unlad,’ ang simbolo ng partido-estado na naghahanap ng pag-alpas, ang hepe ng militar na nangangaral ng pagsuway sa mga awtoridad…” [“The Cultural Revolution: The Last Revolution?” 2002, nasa Polemics, 2006.]

Ang pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek naman, sa kanyang “20 Years of Collapse,” ay nagsimula sa pagsuri sa tatlong penomenong iniluwal ng pagbagsak ng mga nagpakilalang sosyalistang rehimen at ng “di maiiwasang pagkadismaya” sa “reyalidad na demokratiko-kapitalista.” Tinutukoy niya ang pagbabalik-tanaw sa “mabuting lumang” panahong Komunista, makabayang populismo, at nahuling kapraningang kontra-Komunista. Pagluluksa lang daw ang una, at ang ikalawa ay hindi partikular sa Silangang Europa. Kaya mas nagpokus siya sa ikatlo. Aniya, ang tinutuligsa ng mga kontra-Komunista ay walang iba kundi ang mismong kapitalismo.

Sabi niya, mas nakaangkop sa reyalidad ng kapitalismo ang mga dating Komunista. Malamang: naniniwala sila sa tunggalian ng mga uri, pero nagbago na ng panig. Naniniwala silang komiteng tagapagpaganap ng naghaharing uri ang Estado kaya mulat nilang ginawang ganito ang kanilang Estado. Inulit ni Zizek ang pangamba niya: Na hindi lalakas ang liberal na demokrasya sa Tsina kaalinsabay ng paglakas doon ng kapitalismo, gaya ng sinasabi ng iba. Sa halip, itinuturo ng Tsina ang hinaharap ng sangkatauhan: mas matinding kapitalismo sa ilalim ng awtoritaryan na Estado. Paano kung hadlang lang talaga sa pang-ekonomiyang pag-unlad ang demokrasya?

Paglilinaw niya: “Noong ipinrotesta ng mga tao ang mga rehimeng Komunista sa Silangang Europa, ang malaking mayorya sa kanila, hindi kapitalismo ang gusto. Gusto nila ng kalayaang mabuhay nang labas sa kontrol ng estado, magsama-sama at mag-usap batay sa kagustuhan nila…” Dagdag pa niya, “ang mga layuning nagtulak sa mga nagprotesta, sa malaking bahagi, ay galing sa namamayaning ideolohiyang Sosyalista mismo – gusto ng mga tao ng bagay na pinakaakmang tawaging ‘Sosyalismong may mukhang makatao.’ Siguro, karapat-dapat itong bigyan ng ikalawang pagkakataon.” Modelo niya si Victor Kravchenko, kontra-Stalin na naging kontra-kapitalismo rin.

Matagal nang sinasabi ni Zizek ang pangamba niyang ang kasalukuyang Tsina, na tinatawag niyang “awtoritaryang kapitalismo” ang hinaharap ng mga bansa sa mundo. Makabuluhang pangamba ito, dahil kahit naman ang demokrasya sa mga bansang kapitalista ay pinalawak – mulat man o hindi – ng mga pakikibaka ng mga mamamayan sa pamumuno ng Kaliwa sa mundo. Kaya nga may pagka-pesimista ang pagsusuri niya, na para bang wala siyang natatanaw na paglakas ng mga kilusang Kaliwa sa daigdig. O baka naman nang-aalarma lang siya sa pwedeng kasadlakan ng sangkatauhan kung mananatili ang mga kahinaan sa Kaliwa na pinupuna niya.

Pero ngayon ko lang nabasa ang matatag niyang pag-endorso sa “Sosyalismong may mukhang makatao (Socialism with a human face).” Kung babalikan pala sa kasaysayan, islogan ito ni Alexander Dubcek na naging lider ng Czechoslovakia noong 1968-1969 at nagsikap maglunsad ng mga reporma sa bansa niyang sosyalista. Sinupil ang mga pagsisikap niya ng pamunuan ng Unyong Sobyet, na sa panahong ito’y pinapamunuan na ng mga modernong rebisyunista. Ang problema ko rito, malamang na ang itinuturing na kalaban ng ganitong klase ng sosyalismo ay ang tinatawag ng mga maka-Kaliwang Europeo-Amerikano na “Stalinismo” – diktadoryal, awtoritaryan, mapanupil.

Laging sinasabi ni Zizek na ang Leninismo ay imbensyong Stalinista. Pero ang Stalinismo, sa kalakhan, ay imbensyon ng mga modernong rebisyunista at anti-komunista. Labis nilang pinalaki ang mga pagkakamali ni Stalin sa pagharap sa mga kontradiksyon sa pagitan ng mga mamamayan, ang mapanupil at burukratikong mga paraang ginamit niya. Ito, sa tingin ko, ang pag-unawa kay Stalin na laging kasama ng katagang “Stalinista” – na, ang kakatwa, ay ginagamit din sa mga modernong rebisyunistang kontra-Stalin pero mapanupil. Tinuligsa rin si Stalin ni Mao Zedong sa puntong ito, pero hindi niya iniendorso ang ganitong lahatang pagbasura kay Stalin.

Sabi ni Zizek, “Nalinlang ng Komunismo ng ika-20 siglo at nadisilusyon sa kapitalismo ng ika-21 siglo, wala tayong magawa kundi mag-asam ng mga bagong Kravchenkos – at ng mas masayang wakas nila. Sa paghanap sa katarungan, kailangan nilang magsimula sa wala…, mag-imbento ng kanilang sariling mga ideolohiya.” Kakatwang panawagan ito mula sa intelektwal na malawak at malalim ang kaalaman sa pilosopiya at iba pang larangan ng kaalaman. Magsimula sa wala? Taliwas ito kahit sa pagbabalik-aral niya sa kasaysayan ng komunismo sa daigdig. O sinasabi ba niyang walang anumang mapupulot ang mga progresibo sa kasalukuyan sa kasaysayang inaral niya?

Mas malamang, eksaherasyon lang ito ni Zizek. Baka mas gusto lang niyang idiing kailangan ang pag-aaral sa kasalukuyan ng mga progresibo, sa halip na ang palaging pagbabalik-tanaw sa nakalipas. Pero problematiko rin kahit ang ganitong pag-unawa. Kailangan ang pag-aaral sa kasalukuyan, at ang pag-aaral din sa nakalipas. Kung tutuusin, ang mga takot na makikita sa Kaliwa sa ibang bansa – takot sa organisasyon, sa dahas, sa mahirap na pakikibaka at pagbubuo ng sosyalismo, halimbawa – ay nakaugat sa hindi masinsing pag-unawa sa kasaysayan ng Kaliwa sa mundo. Sa panahong pinapawi ang progresibong alaala sa nakaraan, mas mahalaga ang ganito.

Hindi man nila gusto, ipinapakita ng mga sanaysay nina Chomsky, Ali at Zizek ang mga kahinaan ng Kaliwa sa Kanluran at iba pang bansa: ang pagkakasya sa pagtuligsa sa sistema, lalo na sa pinakabulok na aspekto nito, bagamat makabuluhan ang pagtuligsa at bago ang mga punto; at ang pangkalahatang pag-unawa sa kasaysayan ng kilusang progresibo sa mundo, na nauulapan pa ng mga pagsusuring Trotskyista. Sa tingin ko, kailangang idagdag sa mahusay na pag-aaral sa kasalukuyan ang pangangailangan sa mahusay ding pag-aaral sa kasaysayan para wastong matukoy ang mga kahinaan at pagkakamali, at mahango ang mga paglilinaw na kailangan ngayon.

10 Disyembre 2009

Mabuhay ang mga lumusob sa UP Diliman sa nakaplanong pagdalaw ni Gloria! Narito ang mga larawan sa Arkibong Bayan sa nangyari. Narito naman ang nakakatawa at nakakatuwang tala ni Prop. Sylvia Estrada-Claudio sa kanyang partisipasyon sa protesta.

Kasunod ng matatagumpay na lektura sa Inglatera tungkol sa kasalukuyang krisis pampinansya at pang-ekonomiya – kasama ang lekturang ito ni Zizek – may reyalisasyon o naisip si Nina Power, progresibong blogger at teorista, tungkol sa posibilidad ng “proletaryong unibersidad” sa kanilang bansa. Ubra kaya ito sa Pilipinas?

May mahahalagang punto si Mike Ely, komunistang Amerikano, tungkol sa militaristang patakaran ni Presidente Barack Obama ng US, at sa ilusyon ng ilang maka-Kaliwa, liberal at repormista sa kanya.

May isa, dalawang isinulat ang Marxistang intelektwal na si E. San Juan, Jr. tungkol sa madugong rekord ng rehimeng US-Arroyo, kaugnay sa partikular ng kakatapos na masaker sa Maguindanao. Heto naman ang kay Ellen Tordesillas, mamamahayag.

Sinuma ni Gingmaganda ang sentimyento ko tungkol sa Facebook. Pero baka para sa aming nakakaunawa lang sa kantang “At Seventeen” ni Janis Ian ang modang ito? Hehe.

May sulatin si Harpal Brar tungkol sa ugnayan ni Stalin sa rebolusyong Tsino.

Anibersaryo noong Disyembre 4 ng pagpatay ng FBI kay Fred Hampton, lider ng Black Panther Party sa US.

Muli na palang nailibing si Victor Jara, ang progresibong musikerong Chileano na minsan nang naging paksa ng isang entri sa blog na ito.

Ang doktrina ng strained relations na mahalaga sa mga maka-manggagawa sa bansa, ayon kay Atty. Remigio Saladero, Jr.

Parang ganito ang mga utak ng pagpatay sa Maguindanao. Walang damdamin sa pagpaplano pero parang makina sa pagiging sistematiko. Pero tao rin sila, dahil partikular ang brutalidad nila sa kababaihan – na nakasalalay rin sa pinagsasaluhang mga pagtingin sa kababaihan ng lipunan. (Galing ang mga larawan sa ibaba ni Rolfe Horn sa Scott Nichols Gallery. Salamat!)

Magui / Boni

Magui. Pansinin ang lugar ng kababaihan sa nangyaring masaker sa Maguindanao. Malamang, inisip ni Vice Mayor Esmael Mangudadatu ng Buluan na hindi dadahasin ng mga kalaban niya sa pulitika ang kanyang asawa, dalawang anak na babae at dalawang abogadong babae – kaya sila ang pinag-file ng sertipiko ng kandidatura niya.

Totoo nga naman, sa maraming marahas na labanan ng mga pangkating dominante ang lalake – mula sa “digmaan” ng mga fraternity hanggang sa digmaan ng mga militar ng mga bansa – itinuturing ang kababaihan na labas sa labanan. (Sa isang pelikula tungkol sa gera sa Vietnam noong dekada 1960 at 1970, nakakagulat na ang magaling na sniper na Vietcong ay isang babae.) Nakasandig ito sa pinagsasaluhang “pagrespeto” sa mga  babae ng dalawang kampo – dapat igalang, walang kakayahang manlaban, at iba pa.

Sa naganap na masaker sa Maguindanao, tila itinuring na hamon o pusta ng mga pumaslang – na, syempre pa, ay pinaghihinalaang mga tauhan ni Mayor Andal Ampatuan, Jr. ng Datu Unsay – ang pagdahas at pagpaslang sa mga babae. “Akala ninyo, hindi kami papatay ng babae, ha.” Kaya pinagpapatay nila ang mga babae.

Pero hindi lang sila basta pinatay. Ayon sa mga ulat, bukas ang mga zipper ng mga pantalon nila, indikasyon na posibleng ginahasa sila bago – o pagkatapos? – patayin. Binaril at nilaslas din daw ang kanilang mga ari at suso. Hindi lang sila basta pinatay, sinalaula ang kanilang mga katawan o “pagkababae” bago o pagkatapos silang patayin.

Hindi malayong maisip, batay sa ganitong mga datos, na gustong ipangalandakan, gustong ipakita sa bansa at sa mundo, ang paraan ng pagpatay sa kanila. Tila gustong ipakitang hindi lang mga lalake ang kayang patayin, kundi mga babae rin. At hindi lang kayang patayin ang mga babae, kaya rin silang “salaulain” bilang mga babae.

Malamang, ang layunin ay maghasik ng mas matinding pinaghalong takot at pagkasuklam. Marahil, ang gusto nila ay masuklam ang mga tao hindi lang sa pagpatay kundi sa kawalan din ng magagawa sa kaso, bunsod ng takot. At matakot dahil sa kawalan ng magagawa sa harap ng kasuklam-suklam na kakayahan ng mga kriminal.

Pero dahil maagang nabuking ang karumal-dumal na krimen, mas tampok ngayon ang pagkasuklam kaysa takot sa nangyari. Hindi pagmamaliit sa pagkasuklam na ito, at lalong hindi pagpuri sa nagawa ng mga pumaslang, gayunman, ang sabihing kasalo pa rin ang pagkasuklam na ito ng pagtingin sa kababaihan na ipinakita ng mga Mangudadatu at pwersa ng mga Ampatuan. Hindi dapat dinadahas ang mga babae, kundi iginagalang – at, ayon sa isang kasabihan, minamahal. Pero ang pagtratong ito rin ang pinag-ugatan ng todong pagdahas sa mga babaeng namatay sa masaker. At ang pagtratong ito ang pinag-uugatan ng matinding pagkondena ngayon sa naganap.

Paano matatapos ang salimbayang ito ng pagrespeto at paglampaso sa kababaihan?

Boni. Ang Araw ni Bonifacio ngayong taon, isang araw bago ang deadline ng pag-file ng kandidatura sa Comelec para sa eleksyong 2010. Ginugunita ang pagsisimula ng buhay ng rebolusyunaryo isang araw bago pormal na matapos ang pagsasampa ng kandidatura sa isang eleksyong natatangi – dahil higit sa huling mga eleksyon, tampok ito ngayon ng kagustuhan ng mga mamamayan na magkaroon ng “pagbabago.”

Pero radikal na pagbabago ang gusto ni Bonifacio. Gusto niya ang paglaya sa mga dayuhang mananakop ng Pilipinas. Gusto niya ang pamamahagi ng lupain ng mga panginoong maylupa at Simbahan sa bansa. Kalayaan at pagkakapantay-pantay – ito ang dahilan kung bakit tinawag itong isang pambansa-demokratikong rebolusyon. Sabi ng makabayang iskolar na si Alice G. Guillermo, mas naging tampok ang pagiging “pambansa” kaysa “demokratiko” ng rebolusyong ito na nagsimula noong 1896.

At radikal din ang pagsusulong niya sa pagbabagong ito. Sabi ng isang historyador, bagamat laging iniisip ng publiko na bolo ang laging armas ni Bonifacio, ang totoo’y ang pistola niya, ang baril niya, ang paborito niya. Kontra sa pormal na pangangaral ng Simbahang Katoliko – “Huwag kang papatay” – kahit pa marami itong pinapatay sa aktwal at sistemikong dahas na ipinapatupad at itinataguyod nito – pinamunuan niya ang mga Pilipino na mag-armas, lumaban sa mga Espanyol at angkinin ang kalayaan.

Kapag hinahawakan ng pesante ang baril sa kanyang mga kamay, namumutla ang mga lumang mito, at isa-isang nalilimutan ang mga ipinagbabawal. Ang armas ng rebelde ang patunay ng pagkatao niya. Dahil sa mga unang araw ng pag-aaklas, kailangan mong pumatay: ang bumaril at pumatay ng Europeo ay ang pumatay ng dalawang ibon gamit ang isang bato, ang paslangin ang nang-aapi at ang taong inaapi nang magkasabay: naiiwan ang taong patay at taong malaya; ang nakaligtas, sa unang pagkakataon, ay nakakasalat ng lupang pambansa sa kanyang mga paa. – Jean-Paul Sartre, “Preface” sa Frantz Fanon, The Wretched of the Earth, 1963.

Noong una kong narinig, napakalakas ng dating sa akin ng palaging itinatanong kaugnay ng mga ipinaglaban ni Bonifacio, ng Katipunan at ng Rebolusyong 1896. Nakamit na ba natin ang mga pinangarap niya para sa bayan? Nabubuhay ba tayo sa bansang pinangarap niya mahigit sandaang taon na ang nakakaraan? Tunay na malaya na ba ang Pilipinas? May tunay na pagkakapantay-pantay at reporma sa lupa?

Malinaw ang sagot sa mga tanong na ito para sa akin noon at, sa tingin ko, kahit sa marami ngayon. Pero malakas ang dating ng sagot sa tanong dahil may isang implikasyon: na may kailangan tayong gawin nang higit sa ating pang-araw-araw na buhay. Na, sa isang pagtingin, kailangan nga nating humulagpos dito at magpakasakit para sa katuparan ng mga pangarap ng ating mga bayani na matagal nang nabibinbin. Na hindi sapat na sumatsat tungkol sa pagbabago; ang kailangan ay ipaglaban ito.

Sa panahong bukambibig ang abstraktong “pagbabago,” mahalagang mapaalala sa atin kung ano ang ibig sabihin nito para kay Bonifacio at mga katulad niyang Katipunero. Hindi ito maihahatid ng eleksyon lang na, gaya ng obserbasyon ng Kilusang Mayo Uno, ay pumapatak sa petsa ng pagpatay kay Bonifacio – bunsod ng paglaban niya sa resulta ng eleksyong ipinatawag ng mga panginoong maylupa sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo. Mas pananatili ng sistema, hindi pagbabago nito, ang dulot ng eleksyon.

Bagamat nagtapos sa trahedya ang buhay ni Bonifacio, at bagamat hindi niya nakamit ang tagumpay sa ipinaglaban niya, may kung anong matamis isipin sa nangyari sa kanya. Ngayon, mahigit sandaang taon matapos niyang mabuhay, ilunsad ang armadong rebolusyon laban sa mga mananakop ng bayan, at mamatay, pinapasalamatan siya ng mga salinlahi ng bayang pinaglingkuran at ipinaglaban niya.

Pilit mang supilin ng mga naghahari ang alaala ni Bonifacio, nananatili siyang buhay at bayani para sa sambayanan. Pwedeng ang mga rebolusyunaryo ngayon ang maging pambansang bayani sa hinaharap – dahil kaya at posibleng mabago ang kasalukuyan.

01 Disyembre 2009

Sa kabila ng ilang kahinaan, mahusay na pelikula sa pangkalahatan ang Dukot. Nagbibigay ito ng simbolikong resolusyon sa suliraning panlipunan kaugnay ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot – sa pagpatay ng kapatid ng bida sa militar na nagpahirap at pumatay dito. (Galing ang mga imahen sa ibaba sa Multiply site ni Boy Dominguez, iginagalang na pintor at artista. Maraming salamat!)

Kalikot sa Dukot

Mahusay ang pagpapakita ng pagiging brutal ng karahasang pinawalan ng rehimeng Arroyo sa mga aktibista at maging sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at mamamahayag – na, katulad ng mga aktibista, ay nagsisiwalat ng lagay ng mga mamamayan. Mahusay rin ang pagpapakita kung paano nilalaro ng militar ang opinyong publiko sa pamamagitan ng simpleng pagbaligtad ng mga kwento – imbes na militar ang gumawa ng isang bagay, ibibintang ito sa New People’s Army o NPA.

Nakatulong ang paggamit sa pagbabalik-tanaw at hindi pagiging linyar ng naratibo. Ang hinala ko, solusyon ito sa praktikal na problemang hinarap ng mga gumawa ng pelikula, dahil nga nakatuon ito sa tortyur. Naiadya nito ang mga manonood sa tuluy-tuloy na panonood sa karahasang dinanas ng magkasintahan sa kamay ng militar.

Mahigpit ang pagkakatahi ng istorya, at lalong dapat itong papurihan dahil ayon kay Bonifacio P. Ilagan, sumulat ng script ng pelikula, batay ang lahat ng laman ng istorya sa mga kwentong naganap sa totoong buhay – ibig sabihin, sa mga aktwal na dinanas ng mga aktibista sa bansa. Sa matatag na pagharap nina Junix at Maricel sa pagpapahirap ng militar – hindi nagsuplong, walang ipinahamak – maaalala tuloy ang iba pang katulad na kwento ng iba pang progresibo at rebolusyunaryo sa bansa.

Isa pang martir sa labanang iyun sa Panay si Antonio Hilario (TonyHil), inaalala ng mga kasama kahit ngayon bilang “utak pang-organisasyon” ng Samahan ng Demokratikong Kabataan… [S]ugatan si TonyHil. Sabi ng mga nakasaksi, inilibing nang buhay si TonyHil ng mga sundalo ng kaaway. Nang nakataas ang kamao ng pagbabalikwas, sumisigaw siya ng “Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!” habang sadistang tinatabunan ng lupa ng kaaway. [Antonio Zumel, “Remembering the Martyrs,” 1992 nasa Radical Prose: Selected Writings, 2004.]

Sa mga hindi aktibista, ipinapakilala ng pelikula ang panganib na dulot ng cellular phone sa mga aktibista – na tumampok sa panahon ng paghahari ng rehimeng Arroyo. Para sa karaniwang tao, normal na gamit pangkomunikasyon lang ito at pinagmumulan ng kasiyahan sa araw-araw. Pero bukod sa narito ang mga taong kaugnayan ng isang aktibista, ginagamit din itong pang-tukoy ng kinaroroonan niya. Sa panahon ng rehimeng Arroyo, maraming kwento tungkol sa bagay na ito.

Sa isang probinsya, bago lumaganap sa mga aktibista ang kaalaman tungkol sa panganib ng cellphone, nagpupulong ang ilan sa kanila:
Aktibista 1: (Nakatingin sa
cellphone.) Oh, bakit nagte-text ka pa eh kaharap lang kita? Tsaka narinig mo naman ang sinabi niya, bakit itinatanong mo pa ulit?
Aktibista 2: Hindi ako nagte-
text.

Bagamat naipakita ng
pelikula na wasto at makatarungan ang ginagawa ng mga aktibista, mas madiin ito sa pagsasabi ng isang punto: Na kung inaakusahan man sila ng kung anong kasalanan ng Estado, hindi sila dapat basta na lang dukutin o barilin, kundi litisin at ipakulong. Ito naman talaga ang pagtinging mas makakahatak sa mas marami para tumutol at lumaban sa pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista.

Tiyak, gayunman, na mapapaisip ang mga nagpasyang maging kritikal sa pelikula kung bakit pinatay ng kapatid ni Junix ang militar na bagamat oo nga’t nagtortyur at pumatay sa kanyang kapatid ay dapat din sigurong iharap sa batas at parusahan batay dito. Hindi ba’t labag ito sa sinasabi ng pelikula?

Dito hirap ang maraming liberal sa bansa: ang igiit ang dapat habang kinikilala ang totoo – ang igiit na dapat parusahan sa batas ang mga inaakusahang nagkasala rito habang kinikilalang marami ang gumagamit ng dahas labas sa Estado para maghanap ng katarungan sa mga pandarahas ng militar.

Ano ang kaibahan ng liberal at Marxista?
Kapag nakakita sila ng pulubi sa kalsada…
Sasabihin ng liberal: Hindi gumagana ang sistema.
Sasabihin ng Marxista: Gumagana ang sistema.

Ang hinala ko, pinatay ng kapatid ni Junix ang militar sa dulo hindi bilang personal na paghihiganti, kundi bilang miyembro ng NPA. Ang pinangyarihan ng pagpatay – ang sabungan – ang batayan ko. May inilathala kasi dati ang Pinoy Weekly tungkol sa pagpatay ng NPA sa isang elemento ng militar na napatunayan nitong responsable sa pagdukot at pagpatay sa mga aktibista sa Bicol, na naganap din sa sabungan.

Pero ang hinala ko, hindi naunawaan ng mga manonood na NPA sa yugtong iyun ang kapatid ni Junix. Wala naman kasing anumang palatandaan sa pelikula na ganito nga. Pero NPA man o hindi, malamang na papalakpakan ang eksenang ito ng mga manonood – bunsod ng pagkasuklam sa pagpapahirap na ginawa kina Junix at Maricel.

Hindi makakawala ang Dukot sa paghahambing sa Orapronobis. Sila naman kasi ang pinakamatapang na mga pelikulang progresibo sa kasaysayan ng bansa. Pareho silang nag-endorso ng paggamit ng dahas, at nagpapatanggap sa mga manonood na may mga tao sa lipunan na naitutulak na gumamit nito – anuman ang paghusga natin sa kanila.

Lumabas ang Orapronobis noong 1987; ang Dukot, ngayong 2009. Pareho silang kumukwestyon sa “demokrasya” sa bansa. Pareho silang lumabas sa isang panahon ng paghupa ng pampulitikang panunupil – kumpara sa panahon ng diktadurang US-Marcos at kasagsagan ng pampulitikang pagpaslang ng rehimeng Arroyo.

May pagkagulat sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Orapronobis – na ang mga porma ng pampulitikang panunupil na namayagpag noong panahon ng diktadura ay nagpapatuloy sa bagong rehimeng tinatawag na “demokratiko.” May pagkagulat dahil may pag-asang namamayani sa bagong rehimen, bukod pa sa ang militarisasyon sa kanayunan na isiniwalat ng pelikula ay hindi gaanong malaganap sa kaalaaman lalo na ng mga manonood na nakabase sa urban at ibang probinsyang hindi naging puntirya.

Bagamat may pagkagulat din sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Dukot, mas dulot ito ng tindi ng brutalidad na ipinakita, na lingid sa kaalaman ng marami. May pangkalahatang kaalaman na kasi ang mga manonood sa isyu ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot. Wala rin kasing namamayaning pag-asa sa demokrasya, kundi papadausdos na pesimismo at sinisismo rito at sa posibilidad nito sa bansa.

Kinakaya pa ng ibang bansa na panatilihin ang mga relasyon sa pag-aari sa pamamagitan ng mga pamamaraang tila hindi kasing-marahas tulad ng gamit sa ibang bansa. Nagagawa pa ng demokrasya sa mga bansang ito ang pagkamit ng resultang siyang dahilan kung bakit kailangan ang karahasan sa iba – sa partikular, ang tiyakin ang pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. [Bertolt Brecht, “Writing the Truth: Five Difficulties,” nasa Galileo, 1966.]

Ang problema sa Dukot, gayunman, ay nasa karakter na si Junix. Bukod sa pagiging masigasig na aktibista at marubdob na mangingibig, wala nang ipinakita sa pagkatao niya. Sa panahong tinotortyur siya at si Maricel, mas matatandaan siyang nagbigay ng palaban at matalas-sa-pulitikang mga pahayag. Na para bang sapat na tanganan ang mga pahayag na ito para maging matatag sa harap ng matinding pagpapahirap.

Sa tingin ko, hindi. Marami ang kailangan para maging matatag sa gitna ng tortyur at banta ng kamatayan. At ito sana ang naisama sa mga pagbabalik-tanaw sa buhay ni Junix: ang mga kwento ng katatagan ng mga naharap sa parehong sitwasyon, ang epekto ng pagtataksil sa mga kapwa-aktibista sa kanila at sa mga inoorganisang anakpawis, ang pagmamahal sa mga kasama at masa, ang mga biruan, at iba pa. Hindi naipakita ang paghango ng isang aktibista sa kultura ng paglaban at pagrerebolusyon sa bansa ng lakas para kaharapin ang pandarahas at banta ng pagpatay. Pwedeng sa ganitong konteksto umangat ang personalidad niya, o maipakitang nahubog.

Tampok ang paghahambing kung paanong mula sa pag-oorganisa at pamumuhay ay ikinahon ang katawan nina Junix at Maricel hanggang sa tuluyang pinatay ang mga ito at kung paano, sa kabilang banda at kasabay naman, umalpas ang katawan ng kanilang mga magulang sa tradisyunal na mga espasyo ng mga ito patungo sa paglaban.

Salamat sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at sa buong kilusang progresibo, makatotohanan ang optimismo ng kwento ng pelikula: Na bagamat hindi mapapalitan ang mga aktibistang nagbuwis ng buhay, maging ang kamatayan nila ay pagkakataon para dumami ang mga lumalahok sa kilusang progresibo.

22 Nobyembre 2009

Sabi ni Jessica Zafra, kung sa Unibersidad ng Pilipinas naganap ang forum ni US State Sec. Hillary Clinton noong dumalaw siya sa bansa, malamang na nabulabog ito ng “mga aktibistang bibigkas ng 10-paragraph na talumpati nang napakabilis, sa malalim na Tagalog, nang hindi humihinga.”

Sobra naman ito si Jessica, sabi ko. Kaya tiningnan ko ang press release ng League of Filipino Students, na wala sa website nila. Ang sabi, plano pala ng mga aktibista na magbasa ng bukas na liham kay US Pres. Barack Obama sa nasabing okasyon. Hehe.

May “An Inconvenient Solution” na pala, ang bidyo-dokumentaryo na kasunod ng sikat na bidyo-dokumentaryo ni Al Gore. Posible kaya ang sinasabi nito?

May rebyu si Prop. Sarah Raymundo ng pelikulang Capitalism: A Love Story ni Michael Moore. Heto naman ang rebyu ni Diwa Dimagiba sa Dukot.

May isinulat si Barbara Foley, kilalang progresibong akademiko sa US, tungkol “anti-komunismo ni Barack Obama.”

Heto ang talumpati ni Kong. Mong Palatino sa pambansang kumbensyon ng kanyang party-list na Kabataan. Heto naman ang mga punto ni Dr. Carol Pagaduan-Araullo tungkol sa nasabing party-list.

Heto ang blog na laan sa ikalimang anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita na naganap noong 16 Nobyembre 2004.