Etika para sa Eksperto

Earth

Nalantad at lalo pang nalalantad ang kriminal na kapabayaan ng rehimen ni Noynoy Aquino kaugnay ng pagragasa ng superbagyong Yolanda sa bansa. Sa ganitong kalagayan, may isang taktikang ginagamit ito sa social media, na larangang tiyak na sinusubaybayan-kinakapraningan at sinasangkutan-nilulunod nito: ang pagmukhaing masama ang magkomentaryo, lalo na nang negatibo, lalo na’t laban sa gobyerno. Tila para rito, ayos lang ang maglahad ng mga datos at impormasyon tungkol sa disaster, pero hindi ang maglabas ng mga opinyon tungkol dito. Isang porma nito ang meme na “Shhh… Tumulong ka na lang” na nagtangkang magpatahimik sa mga pagkokomentaryo pabor sa mas kagyat na pagtulong sa mga nasalanta, sa makitid na pakahulugan nito.

Kung para sa nakakaraming netizens ang naturang meme, para naman sa mga edukado at argumentatibo sa kanila ang “Ethics for Parachuters.. er.. Journalists,” isang note sa Facebook ni Sylvia Estrada-Claudio – propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, kilalang feminista, isa sa mga lider ng Akbayan, at nagpapakilala ritong sikolohista – na may petsang Nob. 13. Dito, ang pagsisikap na patahimikin ang pagkokomentaryo, partikular sa huling-huling relief operations, ay pabor sa “masinsing pagtatasa” sa naging pagtugon ng rehimen sa disaster. Apela ni Claudio, wala munang husga hangga’t wala ang naturang pagtatasa – na, pahiwatig niya, ay mangangailangan ng pagkadalubhasa (expertise) sa pangangasiwa at pagpaplanong pang-disaster, ng oras at sinsin, at iba pa.

Pero dahil pagtatanggol sa rehimeng Aquino, na kasalukuyang patron ng Akbayan, ang tunguhin ng sanaysay niya, hindi rin nagawa ni Claudio na pigilan ang magpauna ng husga kung bakit huling-huli ang relief operations ng gobyerno: “[M]ay napakaraming ebidensyang iniulat kahit ang CNN na ang pagkahuli ay dahil sa napakatinding pinsala. Sa mga tunay na problemang lohistikal. Sa pangkalahatang kawalan ng rekurso ng ating hukbong pandagat at hukbong katihan at burukrasya. Sa mga kahinaang pinatindi ng kahirapan ng ating mga komunidad.” Lumalabas tuloy na ang satsat tungkol sa “masinsing pagtatasa” at pagkadalubhasa ay pampatahimik lang sa mga tumutuligsa sa rehimeng Aquino; ang mga nagtatanggol, pwede namang magsabi ng kung anu-ano.

Pero ano ang eksaktong ipinagpuputok ng butse ni Claudio? Ang pagsasabi ng mga reporter ng CNN na dapat ay may planong pansalo (back-up plan) ang pambansang pamahalaan kung sakaling pumalpak ang lokal na pamahalaan ng Tacloban sa relief operations. Bago nito, inakusahan niya ang CNN ng panghahati at pang-uupat ng away sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan noong hiningi nito ang opinyon ng isang mambabatas ng Leyte tungkol sa sinabi ni Aquino na ang lokal na pamahalaan ang responsable sa makupad na relief operations. Hindi ba’t si Aquino ang nagsimula ng ganitong panghahati at pang-uudyok ng away nang sabihin niya ang sinabi niya, at nang paulit-ulit sa iba’t ibang pagkakataon? Pwede palang manisi basta hindi si Aquino?

JFK Media

At ano’ng masama sa sinabi ng mga reporter ng CNN? Hindi ba’t madaling makita na malaking kapalpakan kung hindi man kapabayaan ang ipaubaya ng pambansang pamahalaan ang walang katulad na bagyo sa kasaysayan sa lokal na pamahalaan, lalo na sa isa sa pinakamahirap na rehiyon sa bansa? Hindi ba’t madaling makita na dapat ay ginamit ang buong rekurso ng isang mahirap na bansang tulad ng Pilipinas para maghatid agad ng relief goods sa mga mamamayang matapos iligtas ang sarili sa bagyo ay ilang araw na walang pagkain, tubig, gamot, gatas at kuryente? Hindi ba’t binatikos nang husto kahit ang pambansang gobyerno ni W. Bush sa US nang nang ipaubaya nito sa isang estado na mas may kakayahan sa Tacloban ang mas mahinang bagyong Katrina?

May isa pang dahilan si Claudio kung bakit hindi raw ito dapat sinabi ng mga reporter ng CNN, bukod sa wala pa ang “masinsing pagtatasa”: Hindi raw ito ang kailangan nating mga Pilipino sa panahong iyun. Ang kailangan daw natin ay ang tanggaping “ang buhay ay pwedeng maging arbitraryo sa pangwawasak” at ang magtipon ng “lakas ng espiritu bilang bayan (strength of spirit as a nation)” – kung saan, aniya, taliwas ang paninisi (blaming). Tulad daw ng mga biktima ng sekswal na pandarahas, mahalagang matasa natin bilang isang bansa ang ating mga kahinaan, pero sa kabila nito’y kailangang tanggapin natin ang nabanggit na katotohanan. Kakatwa na ang halimbawa niya ng pagtipon ng naturang “lakas ng espiritu bilang bayan” ay ang rebolusyong 1896.

Sa bahaging ito, humahango si Claudio sa kanyang larangan ng pagkadalubhasa, sa sikolohiya, partikular ng mga kababaihang biktima ng sekswal na pandarahas. Sa bahaging ito rin pinakareaksyunaryo ang kanyang punto. Maaaring tama na tanggapin ng mga biktima ng sekswal na pandarahas na “arbitraryo sa pangwawasak” ang buhay, pero reaksyunaryong ipatanggap ito sa sambayanang inaapi ng mga dayuhang kapangyarihan at mga lokal na naghaharing uri. Magkaiba ang lebel ng antagonismo ng tunggaliang hinaharap ng biktima ng sekswal na pandarahas at ng sambayanang Pilipino. Pinapahupa nito ang galit ng sambayanan sa mga tuluy-tuloy na nang-aabuso rito, na siya ring responsable sa napakaraming problemang kinakaharap nito ngayon.

Anu’t anuman, pinatunayan ng mga pangyayari na mali si Claudio. Pinatunayan ng mga pangyayari na ang kailangan noon, noong Nob. 13, ng mga nasalanta ay ang inisyal na pagtatasa – at sasabihin ko, ang pagsisi sa gobyerno – na ginawa ng CNN. Tampok na noon na hindi umaabot ang relief goods sa napakaraming nasalanta. Marami ang nagagalit at naghahanap ng responsable sa sitwasyon. Sa araw na iyun, “Relief Now!” ang tampok na panawagan ng International Day of Solidarity and Action for the Victims of Yolanda na inilunsad ng mga progresibong grupo. Napwersa lang ang rehimen na mag-anunsyo ng plano sa relief operations matapos ng mahapding tuligsa ng midyang internasyunal – dahil ba kasabwat ng rehimen ang lokal na midya? – at ng mga protesta.

Paper Eye

Naghahamon ng pagtatasa si Claudio pero ipinauna na niya, syempre pa, ang pag-abswelto sa rehimen. Kahit daw matapos ang pagtatasa, matutuklasan natin at ng mga mamamahayag “na kahit ginagawa natin ang pinakamahusay, pwede pa rin tayong magkaroon ng resulta na matinding trahedya.” Lantad na lantad ang kahunghangan ni Claudio: Pinakamahusay ba na ipaubaya ng pambansang pamahalaan sa lokal na pamahalaan ang relief operations para sa isang bagyong walang kaparis sa kasaysayan? Pinakamahusay ba na maghintay pa ito ng ilang araw bago maglunsad ng relief operations para sa mga mamamayang nag-aagaw buhay? Iyun mismo ang punto: Hindi pinakamahusay ang ipinakita ng rehimeng Aquino kaya matinding trahedya ang resulta.

Ang nakakasuklam pa, ang pagtatanggol ni Claudio sa rehimeng Aquino ay ipinaloob niya sa balangkas ng “Pilipino bersus dayuhan.” Heto kami, hawak ang “malalaking espiritwal na katotohanan na kailangan namin ngayon,” habang kayo, hawak ang inyong mga pagtatasa at paghusga. Dapat ay gawin ninyong “sentrong pang-etika” ang aming mga “espiritwal na katotohanan.” Kung hahalaw sa diskurso ng Palestinong intelektwal na si Edward W. Said, binaligtad na Oryentalismo ang ginagawa ni Claudio: Pilipino-espiritwal bersus dayuhan-intelektwal. Sa perspektiba ng dayuhang Oryentalista: negatibo ang una at positibo ang ikalawa. Sa perspektiba ni Claudio: positibo ang una at negatibo ang ikalawa. Alinman sa dalawa, may bakod na artipisyal naman sa aktwal.

Kaugnay ng Yolanda, kailangan natin ng lakas ng espiritu bilang bayan hindi para sumuko lang sa posibilidad, na sa aktwal ay katiyakan, na paparating sa bansa ang mas masasahol na bagyo. Kailangan natin ito para baguhin ang umiiral na sistemang panlipunan para mas epektibo nating maharap ang paparating na mas matitinding hamon ng kalikasan. Kailangan din naman ng pagtatasa, gaya ng sinabi ni Claudio, at ang magandang panimula rito ay ang pagsisi sa gobyernong Aquino ng mga reporter ng CNN. Imposible ang maging tabula rasa sa simula ng pagtatasa, at hindi naman bawal magkaroon ng hinala (hypothesis) – lalo na kung ito naman ay lantad sa lahat, maliban sa may mga interes na inaalagaan, mga pondo at posisyon sa nakaupong pamahalaan.

22 Nobyembre 2013

Galing ang mga larawan dito.

Kritikal na pagsusuri sa “looting” na nangyari sa mga nasalanta ni Yolanda, mula kina Rebecca Solnit at Mark Fisher. Tandaan natin: pagbasa ni Jesse Colombo kung bakit bula(an) ng umano’y milagrong pang-ekonomiya ng Pilipinas.

Ano ang salin nito? Isang walang kwentang presidente na si Aquino, ayon kay Antonio Montalvan II. Dapat daw mag-alsa na tayo sabi ng agham, sabi ni Naomi Klein. Talaga? Sampung taon na pala si Sarah Geronimo? Hindi ito tungkol sa paghanga, kundi sa pagkagulat sa pagtakbo ng panahon. Hehe.

Shhh… Tumulong ka na lang.

Shh Tumulong ka na lang

Pagkatapos manalanta ng superbagyong “Yolanda,” napansin ko ang isang meme sa Facebook na nagsasabing “Shhh… Tumulong ka na lang.” Katabi ng teksto ang larawan ng gutay-gutay na bandila ng Pilipinas na nakatanaw sa isang pamilyar na eksena ng napinsala ng bagyo. Madaling isiping tuligsa ito sa mga nagyayabang o nagsasamantala ng kanilang pagtulong sa mga nasalanta. Sa karanasan, gayunman, pampapahiya at hindi malamyang “Shhh” ang inaabot ng mga pulitiko, halimbawa, na nagbabalandra ng pangalan at larawan sa pagtulong. Mas may batayang isiping tuligsa ito sa mga nagkokomento o namumuna sa iba’t ibang usapin kaugnay ng kalamidad – pangunahin, madalas, sa kapalpakan ng gobyerno, lalo na sa paghahatid ng tulong sa mga apektado.

Kung gagamitin laban sa mga nagyayabang sa pagtulong, humahalaw ito ng lakas sa Kristiyanong paniniwala sa tahimik na pagtulong na hindi nakikita ng kapwa-tao pero nakikita ng Panginoon. Pero kung gagamitin sa mga nagkokomento o tumutuligsa, humahalaw ito ng lakas sa lohika sa mga panahon ng emergency – personal o pulitikal, pero lalo na sa panahon ng gera – na ang turing sa mga nagsasalita pa, lalo na sa mga kumokontra, ay hindi nakakatulong o sagabal pa nga. Bagamat bago ang meme, hindi na bago ang sentimyentong ikinakalat nito. Sa kasagsagan at pagkatapos ng mga bagyo at iba pang disaster, pinapatahimik – kadalasan ng mga nagpapakilalang kampeon ng demokrasya – ang mga tumutuligsa: Tsaka na lang, o huwag na lang, daw magsalita.

Duguan ang kamay ng ideolohiyang nasa likod ng meme na ito. Naliligo ito sa dugo ng mga biktima ng superbagyong Yolanda at iba pang disaster sa bansa. Isa ito sa mga responsable sa matinding pinsalang idinudulot ng mga disaster sa ating mga kababayan. Ang katahimikang ipinapataw nito sa mga tumutuligsa ay karugtong ng katahimikan ng sementeryong ipinapataw nito sa mga biktima ng disaster. Nagsisilbi ito sa mga nasa gobyerno at sa elite ng bansa, at maipagpapalagay na mulat nilang pinapalaganap. Noong sinabi ng Kalikasan: People’s Network for the Environment na walang leksyong natutunan ang gobyernong Aquino matapos ang maraming krisis-disaster, naipapaalala nito na laging pinapatahimik ang mga naghahanap ng mga leksyon sa mga disaster.

Masdan ang tugon ng gobyernong Aquino sa Yolanda: sa esensya, ordinaryong tugon sa ekstraordinaryong Signal No. 4 na bagyo. Bago ang bagyo: Babala sa tindi at panawagan ng evacuation kasabay ng matikas na paggarantiya na nakahanda ang pamahalaan. Habang nagaganap: Kumpyansang pagsasabing magiging kaunti lang ang pinsala. Pagkatapos: Pagdalaw sa mga lugar na apektado at pagpapamidya ng pagtaya sa pinsala. Hindi sineryoso ng gobyernong Aquino ang sariling babala: Halatang inasahan nitong katulad ng mga naunang bagyo lang ang Yolanda. Inakala nitong lilipas din sa balita ang isyu tungkol sa pinsala. Napalampas ni Noynoy ang pagkakataong makabangon sa tatak na Pork Barrel King; lalo niyang ibinabaon ang sarili niya sa galit ng mga mamamayan.

Kung walang korap may relief agad ang mahirap

Nitong nakaraang mga taon, ilang beses nang nagsilbing panggising, pang-alerto, kung hindi man pang-alarma, ang mga disaster na hindi na tayo pwedeng magtiyaga sa bulok na sistema ng paggogobyerno sa bansa. Pero ang mga panggising na iyan ang laging nilulunod ng ideolohiya ng meme na “Shhh… Tumulong ka na lang.” Pinababalik nito ang mga kababayang namumulat sa agad na paghimbing, ikinakanal ang malasakit nila sa pagbibigay ng donasyon o pagtulong sa repacking ng mga ito, at ipinagpapalagay na magiging maayos ang lahat. Nagsisilbi itong unang linya ng depensa ng climate change, pagwasak sa kalikasan, kriminal na kapabayaan ng gobyerno, pagkurakot sa pondo sa disaster, at iba pang suliraning panlipunang tumatampok dahil sa mga disaster.

Isa ang ideolohiyang ito sa masisisi kung bakit tumigas nang tumigas ang konsepto ng Estado na isinabuhay ng gobyernong Aquino sa harap ni Yolanda: tagapagbigay ng babala, tagapagsinungaling tungkol sa mga paghahanda, tagapag-utos sa mga lokal na pamahalaan. Tila neoliberal ito, pero mas masahol na pang-Third World. Sintomas na pork barrel ang tampok na isyu bago humambalos si Yolanda: Estado itong hindi makaangkop para maigting na maghanda sa pagdating ng bagyong ekstraordinaryo dahil nahutok sa tanging ginagawa, ang payamanin ang iilang elite sa panahong pre-kalamidad o ordinaryo. Maagap na impormasyon at evacuation, pagtatayo ng matatag na evacuation centers, nakaimbak na relief goods – ni wala ito sa hinagap ng gobyerno.

Anu’t anuman, ipinapahiya ang meme ngayon ng nagpapahiya rin sa gobyernong Aquino: ang tindi ng pinsalang dulot ni Yolanda, partikular ang krisis humanitarian sa mga lugar na apektado; ang kawalan ng pagkain, tubig, gamot, gatas at kuryente sa mga ito. Sa ganitong kalagayan, lutang na lutang ang kapalpakan ng gobyernong Aquino na ihatid ang relief goods sa napakaraming nangangailangan. Marami ang tahimik na tumulong at nagbigay, bumuhos na rin ang donasyon mula sa ibang bansa, pero kasuklam-suklam na marami pa ring survivor ang hindi nakakatanggap ng relief goods. Lantad na salot ang “Shhh… Tumulong ka na lang” dahil ang kailangang tulong ay ang mag-ingay at kalampagin ang gobyernong Aquino na ihatid ang relief sa mga apektado.

Shhh…. Tumulong ka na lang? Makibaka…. Relief now!

15 Nobyembre 2013

Basahin ang parangal ni Carol P. Araullo at ng Kilusang Mayo Uno kay Fr. Joe Dizon, aktibistang pari at mukha ng pambansa-demokratikong kilusan sa bansa. Maganda’t may nagkomentaryo na si Cleve Arguelles sa isang kontrobersyal na palabas sa telebisyon. May rebyu ang paboritong kritikong si Terry Eagleton ng talambuhay ni Morrissey, mang-aawit na paborito ng mga kaibigan.

Vo Nguyen Giap

Vo Nguyen Giap 1

Mula sa kawalan, lumabas ang balitang si Vo Nguyen Giap – heneral at bayani ng deka-dekadang armadong paglaban ng sambayanang Vietnamese sa kolonyalismong Pranses at sa imperyalismong Hapon at US, pangalawa sa katungkulan at prestihiyo kay Ho Chi Minh, at binansagang “Pulang Napoleon” bilang pagkilala sa kahusayan sa estratehiya at taktika ng gera – ay namatay na sa edad na 102. Para sa marami, dahil namatay siya nang napakatanda at nawala sa tanaw ng publikong pandaigdig sa maraming taon, isang balita rin na buhay pa pala ang maalamat na si Vo Nguyen Giap hanggang nitong huli.

Isang araw iyun bago ang World Teachers’ Day. Akma dahil isang guro bago naging heneral si Vo Nguyen Giap, na ang buhay ay inialay sa pag-aarmas kapwa ng diwa at bisig ng sambayanang Vietnamese. Hindi ba’t sinabi rin ni Ho Chi Minh, sa isang sipi na pinatanyag sa bansa ng makatang New People’s Army na si Emmanuel Lacaba, na “ang makata’y kailangan ding matuto kung paano mamuno ng paglusob”? Maraming makata at iba pang klase ng tao ang tinuruan, tinuturuan at tuturuan pa ni Vo Nguyen Giap ng paglusob, siyang matama at mahusay na estudyante ng sambayanang Vietnamese.

Noong nasusukol na raw ang hukbong Pranses ng sambayanang Vietnamese na nasa mga burol ng Dien Bien Phu, inialok daw ni John Foster Dulles, Secretary of State ng US noon, ang paggamit ng armas-nukleyar laban sa mga pulang anay. Tumanggi ang mga Pranses, pero humalili ang gobyernong Amerikano sa pagtatangkang payukurin ang mga Vietnamese gamit ang brutal at barbarikong pandarahas: tone-toneladang bomba, Agent Orange, napalm… Pero ipinahiya ang imperyalismong US ng isang maliit na bansang pesante sa Asya: ang mga mamamayan, hindi mga bagay, ang mapagpasya!

Dahil sa paglaban ng sambayanang Vietnamese at kampanya ng mga progresibo sa US, nalantad sa US ang Gera sa Vietnam. Para sa mga saksi sa diktadurang ipinataw sa mga Aprikano-Amerikano at Kilusang Civil Rights, hindi kapani-paniwala ang palusot na ang gera ay maghahatid ng demokrasya sa Vietnam. Para sa maraming Amerikano, hakbang-hakbang ang pagbabagong-loob, kasabay ni Daniel Ellsberg, military analyst na nagsiwalat ng kabuktutan: mula problemang kailangang resolbahin, naging pantay-lakas na kailangang bitawan, naging krimen na kailangang ilantad, labanan, ipatigil.

Sabi ng ekonomistang si Meghnad Desai, ang Gera sa Vietnam ang nagturo sa pinakamarami sa Kanluran ng Marxismo. Sabi naman ng teoristang pangkulturang si Fredric Jameson, nagtapos ang rebeldeng dekada ’60 sa Kanluran sa pagbawi ng mga tropang Kano sa Vietnam noong 1973, na naging hudyat ng ibayong paghina ng New Left [“Periodizing the 60s,” 1984]. May nagsabi namang tinapos ng sambayanang Vietnamese ang panahon ng kolonyalismo sa daigdig noong 1954 nang talunin nila ang hukbong Pranses. At sila ang unang bayan na gumapi sa gera sa imperyalismong US.

Vo Nguyen Giap 2

Sa harap ng matinding kahirapang dinanas ng sambayanang Vietnamese, higit sa lahat, mababalanse ang bantog na pangangaral ng konserbatibong pilosopong si Hannah Arendt: “Ang mga rebolusyonaryo, hindi sila gumagawa ng rebolusyon! Ang mga rebolusyunaryo ay iyung alam kung kailan ang kapangyarihan ay nakalatag sa kalye (lying in the street) at kung kailan nila ito pwedeng pulutin [Crises of the Republic, 1972].” May mga oportunidad na sinasamantala ang mga rebolusyon, pero hindi lang kapangyarihan ang nasa kalsada, kundi dugo rin, sa salita ng makatang si Pablo Neruda.

Kahit sa isang artikulo na naglalaman ng paninira, makabuluhan ang mga sipi kay Vo Nguyen Giap: “Kung determinadong tumindig ang isang bayan, napakalakas nito. Kinailangan naming gamitin ang maliit laban sa malaki; atrasadong mga armas para gapiin ang modernong mga armas. Sa dulo, tao ang nagtakda ng tagumpay. Hindi sapat ang lakas namin para itaboy ang kalahating milyong tropang Kano, pero hindi iyun ang layunin namin. Ang layunin namin ay ang durugin ang kapasyahan ng gobyernong Kano na ituloy ang gera. Sa tagumpay ng Abril 30, [1975] ang mga alipin ay naging malaya.”

Sa librong The Military Art of People’s War [1970], koleksyon ng piling akda niya, maraming inulit-ulit si Vo Nguyen Giap. Magtatagumpay ang sambayanang Vietnamese dahil ang isinusulong nila ay digmang bayan. Digmaan ng mga mamamayan. Digmaang makatarungan. Dahil laban sa dayuhang mananakop. Dahil para sa pambansang paglaya. Dahil laban sa mga kolonyalista at imperyalista. Mabibigo ang imperyalismong US. Tiyak ang tagumpay. Payak ang mga pormulasyon, walang halong pagpapaganda. Tiyak, ang pinagsikapan nila ay ang gawing totoo, totoong-totoo, ang mga salita.

Tumanggap ng materyal na suporta mula Tsina ang mga rebolusyonaryo ng Vietnam, at malinaw sa kanila ang diwa ng internasyunal na pagkakapatiran ng mga sosyalista. Kwento ng aktibistang si Tariq Ali, na nagpunta sa Hanoi noong 1967, sa pulong daw ni Ho Chi Minh sa isang delegasyon ng politburo ng Partido Komunista ng Italya, tinanong ito kung anong klaseng tulong ang pinakamagagamit ng sambayanang Vietnamese. Sa gitna ng pangwawasak ng imperyalismong US, ang sagot ni Ho: “Ang pinakamagandang paraan na matutulungan ninyo kami ay ang isulong ang rebolusyon sa Italya.”

Para sa 99% ng daigdig na dumadanas ng pandarahas at pagpapahirap, hindi malilimutan si Vo Nguyen Giap. Sa pag-igting ng imperyalistang pandarambong at panggegera sa mundo, lalong mabubuhay ang diwa niya ngayon at sa hinaharap.

01 Nobyembre 2013

Galing ang unang larawan dito.

Tinalakay naman ni Karlo Mongaya ang mga tula ni Ho Chi Minh. Maganda ang isinulat ni Mong Palatino kontra sa mga paninira ngayon sa Kaliwa sa kalagayang nadedepensiba ang rehimeng Aquino dahil sa isyu ng pork barrel. Magandang artikulo tungkol sa “kolorismo.” Bakit daw bumagsak ang Levi’s, ang pantalon? Isang parangal kay Edward W. Said.

Bonifacio Unang Pangulo

AndresBonifacio150

Sa pagpapaliwanag niya sa konsepto ng “ideolohiya,” minsang tinuntungan ng pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek ang antropologong Pranses na si Claude Levi-Strauss. Mayroon daw pinag-aralan ang huli na isang tribo na nahahati sa dalawang grupo. Nang ipina-drowing niya sa dalawang grupo ang tanaw sa kanilang lugar mula sa itaas, dalawang larawan din ang lumabas: ang isa, bilog na may bilog pa sa loob habang ang ikalawa, bilog na may linyang humahati sa gitna. Itinuturo nito, ayon kay Zizek, ang “kung anong antagonismong panlipunan na bumabaluktot (distorts) sa tanaw ng mga miyembro ng tribo sa aktwal na pagkakahanay-hanay ng mga bahay sa kanilang lugar.”

Hindi kaya lantad din ang antagonismong panlipunan sa bansa ng iba’t ibang pagtingin kay Andres Bonifacio? Ayon sa balita, noong Agosto 23, naghain ng petisyon si Michael Xiao Chua, propesor ng kasaysayan, at ang Philippine Historian Association kay Pang. Noynoy Aquino at sa Kongreso na kilalanin si Bonifacio na unang pangulo ng Pilipinas. Simula raw Agosto 24, 1896, hindi na isang rebolusyonaryong kilusan lang kundi isang gobyerno na ang Katipunan, ang organisasyong itinatag ni Bonifacio. Ani Chua, na umaasa sa social media para itulak ang kahilingan, baka magsilbing “oomph” na tulak o inspirasyon sa bansa ang pagkilala. Hiling din nila ang state funeral para sa bayani.

Maaaring may kurot sa puso ang panawagang “unang pangulo;” sa madaling tingin ay pagpaparangal ito kay Bonifacio. O kaya ay “pagtinging muli sa mga tala ng kasaysayan at pagsulat nang patas sa pamamagitan ng paglalarawan sa kanya nang batay sa katotohanan,” na pinakamataas na pagpaparangal kay Bonifacio ayon sa isa sa kanyang mga inapo. Pero kaduda-duda: Sa unang balita hinggil dito, prominente ang Alliance of Progressive Labor (APL) – alyado ng Akbayan at malapit sa gobyernong Aquino. Kasama si Daniel Edralin, tagapangulo ng APL, sa mga lider ng Social Security System na nagbulsa ng P10 milyong bonus para sa 2012 mula sa pondo ng mga manggagawa.

Parangal ba kay Bonifacio ang ituring siyang unang pangulo? Hindi niya ikakaangat ang maihanay sa mga pangulo mula kina Aguinaldo at Quezon hanggang kina Arroyo at Aquino. Hindi karapat-dapat ang mga naging pangulo na maituring na kasunod ni Bonifacio; isa ring ilusyon ang isiping huhusay ang mga susunod na pangulo dahil sa ganyang pagkilala kay Bonifacio. Hahalaw lang sila ng makabayan at makamasang sinag kay Bonifacio kahit naglilingkod sa dayuhang kapangyarihan at kumakatawan sa iilang naghahari sa lipunan. Hindi parangal kay Bonifacio ang gusto nila, kundi pagbango ng sarili at sistemang naghahari, at paglabnaw sa imaheng rebelde-radikal ng bayani.

Sa kabilang banda, matagal nang dinadakila ng Kaliwa si Bonifacio. Inuugat nito sa kanya ang sariling proyekto: Para rito, ipinaglaban ni Bonifacio ang pambansang kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng armadong rebolusyonaryong pakikibaka, na kailangang ipagpatuloy at paunlarin ngayon. Ginawa nitong huwaran si Bonifacio, na mula sa uring anakpawis, para ipanawagan sa masang anakpawis ang paglahok sa pambansa-demokratikong pakikibaka at pagkabayani. Hindi ang pagkilala kay Bonifacio na unang pangulo ang iginiit nito, kundi bilang anakpawis na rebolusyonaryo. At pagkilala hindi ng namamayaning gobyerno, kundi ng masang anakpawis mismo.

Sa pagitan ng muling pagsulat ng kasaysayan at ng paglikha nito, ng pagpanawagan sa gobyerno at pagmumulat at pag-oorganisa sa karaniwang tao, malinaw kung alin ang pinakamataas na pagpaparangal ng sambayanang Pilipino kay Andres Bonifacio.

13 Oktubre 2013

Ang larawan sa itaas ay walang kahihiyang kinuha sa Facebook ng alagad ng sining na si Renan Ortiz.

Nakakapresyur ang mga bagong ka-kolumnistang sina Cleve Kevin Robert Arguelles at Mark Angeles! Pagpupugay sa kanila!

Napanood ko rin ang pagtatanghal ni Juana Change sa Million People March sa Ayala at tama si Katrina Stuart-Santiago, totoong-totoo ang pagtatanghal.

Pinakamataas na pagpupugay kay Vo Nguyen Giap! Laging titibok sa puso ng mga naghahangad ng kalayaan ang kanyang diwa!

Ninanakawan, Ginegera, Niloloko

Delotavo Deus Ex Machina

Kakatwa ang tatlong editoryal ng Philippine Daily Inquirer tungkol sa gera sa Mindanao, sa Zamboanga City sa partikular, na tinawag nang krisis, humanitarian pa nga. Ang una (“History’s spoiled child”) ay tungkol kay Nur Misuari, kritikal sa adbenturismo ng lider ng Moro National Liberation Front. Ang ikalawa (“The fog of politics”) ay tungkol kay Jejomar Binay, kritikal sa pakikipagnegosasyon ng bise-presidente kay Misuari. At ang ikatlo (“Cruel”) ay kumondena sa matinding pinsala ng gera sa mga taga-Zamboanga.

Syempre pa, sino ang pinalulusot ng kritikal na pagsusuri ng Philippine Daily Inquirer? Walang iba kundi si Pang. Noynoy Aquino at ang kanyang gobyerno. Lumalabas tuloy na kasalanan ni Misuari ang lahat, makabagbag-damdamin ang epekto ng gera pero dapat lang ituloy, at nakakabwisit ang maagang pamumulitika ni Binay. Sumasakay at nagpapalakas ang ganitong istorya sa sentimyentong kontra-Misuari. Ang hindi nailalahad na palagay: Tama lang ang mga hakbangin ni Aquino at ng gobyerno niya.

Ang sabi sa unang editoryal, nalaman ng militar ang gagawing “peace rally” ng MNLF tatlong araw bago ang mismong aktibidad. Ayon sa tagapagsalita ng MNLF, ang militar ang unang nagpaputok, pahayag na hindi kinontra ng militar. Ayon sa isang balita, nakarami na ng “peace rally” ang MNLF na hindi naman ginera ng gobyerno. Hindi na lingid sa kaalaman ng lahat ang grabeng karahasang pinawalan ng gobyernong Aquino pagkatapos: todo-paputok ng baril, mga kanyon, tangke, atake mula sa himpapawid.

Ipagpalagay na nating mali si Misuari at ang pamunuan ng MNLF sa pagpapamartsa sa mga tropa nito nang nakabaril sa isang lungsod. Pero dapat bang todong dahas agad ang itinugon ng gobyerno? Tandaan: Hindi hamak na mas superyor ang kakayahang militar ng gobyerno kumpara sa MNLF. Pwedeng ang naging sagot nito: “Mali iyang ginagawa mo Nur, ah. Mag-uusap ba tayo o uupakan namin kayo?” Walang ganyang ginawa ang gobyerno. Hindi ito naghanap ng paraan para mapayapang resolbahin ang usapin.

Maaga ring nag-alok ng negosasyon ang MNLF sa gitna ng putukan. Maaaring hindi gusto ng gobyernong Aquino ang panukalang may internasyunal na tagapamagitan, pero nag-alok naman si Speaker Sonny Belmonte na maging tagapamagitan ang Kongreso. Hindi kataka-taka na mag-alok ng negosasyon ang MNLF, dahil kaugnay ito ng dahilan ng kanilang pagkilos: ang pagkaka-etsapwera ng grupo sa mga “hakbanging pangkapayapaan” ng gobyernong Aquino kaugnay ng Moro Islamic Liberation Front.

Delotavo Trono ng Naghahari

Marami ang nagagalit sa umano’y pangho-hostage at paggamit ng human shield ng MNLF. Hindi malinaw ang katotohanan dito. Kung totoo ito, dapat lang na kondenahin ang MNLF sa paglabag na ito sa internasyunal na makataong batas tungkol sa gera. Hindi ito dapat gawin ng kahit sinong armadong grupo kahit pa nasusukol. Pero sa kabilang banda: Hindi ba ito naisip ng gobyernong Aquino? Na posibleng humantong sa ganito ng MNLF, batay sa katangian nito, kapag nasukol sa isang mataong lugar?

Malinaw ang nabubuong pagsusuri: Ginusto talaga ng gobyernong Aquino na ilunsad ang gera sa Zamboanga City. At wala nang ibang layunin kundi ang nagiging silbi ng naturang gera ngayon: ang ilihis ang atensyon ng mga Pilipino sa tangkang sawatain ang tumitinding galit sa pork barrel scam. Hindi kasi nakabuti, bagkus nakasama pa, sa gobyernong Aquino ang anunsyong bubuwagin ang Priority Development Assistance Fund o PDAF. Ganoon din ang pagsuko ni Janet Lim-Napoles. Kaya hayan: gera!

At matindi na ang pinsala. Mahigit 80 na ang napatay at mahigit 100 na ang sugatan. Mahigit 80,000 na ang lumikas, nasa evacuation center. Daan-daang bahay na ang nasunog. Matindi ang paglabag sa karapatang pantao. Hindi na nga nireresolba ng gobyerno ang kahirapang ugat ng pag-aalsa ng mga Moro, lalo pa nito silang inilulubog sa karalitaan. Biktima rin ang katotohanan, sa pagpapatampok sa mga evacuation center at pagtulong sa mga lumikas – nang hindi isinisiwalat ang dahilan ng gera.

Lumilinaw pa lang ang papel ni Aquino sa pork barrel scam. Pero napakalinaw na ng papel niya sa tangkang pagtakpan ang naturang scam sa paglulunsad ng gerang labis na mapaminsala. Ninanakawan, ginegera, niloloko – ang Pilipino sa ilalim ni Aquino.

20 Setyembre 2013

Galing ang mga larawan dito.

Magandang parangal sa Marxistang intelektwal na si Marshall Berman ng aktibistang Amerikanong si Todd Gitlin.

May ulat pala si Angela Stuart-Santiago tungkol sa pagsama niya sa rali sa Luneta noong Agosto 26, na hindi ko nadaluhan. At may bago siyang libro tungkol sa mga pag-aalsang Edsa, na sigurado akong maganda tulad ng una.

Madaling-maintindihan pero matalinong rebyu ng pelikulang On The Job ng aking online kaibigan na si Richard Bolisay. Heto naman ang rebyu ng kapwa-kolumnista kong si Steven Abada.

Pagmumuni ni Mong Palatino kaugnay ng pampublikong espasyo. Magagandang librong nabasa ni Karlo Mongaya ngayong taon.

Kumander Nini

Alalay Jaypee Samson

Mano Po2 Jaypee Samson

Una, naglabasan ang mga status sa Facebook na nagpupugay sa kabayanihan ng isang hindi pinangalanan. Nagkaroon na agad siya ng hinala, batay sa kung sinu-sino ang mga nag-post. Pagkatapos, bulungan sa inbox – kung sino, paano ang bangkay, kailan ang parangal, pero hindi kung paanong naging martir ang kaibigan. Kumpirmado. Pero pumatak lang ang luha niya, biglaan, nang naging status na ang parangal kay Felenina Kriselda “Nini” Lagmay, kasapi ng New People’s Army na napatay sa kabundukan ng Luzon noong isang linggo. Umasa ba siyang hindi totoo ang balita? Totoo na ito.

Syempre, kilala niya si Nini, aktibong kasapi ng Anakbayan sa UP Integrated School, kasabayan ni Erica Salang, namatay ring NPA sa Kabikolan. Kung ang iba’y tawag-pansin ang laki at ingay, tawag-pansin ang pagiging payat at tahimik ni Nini. Mas makikilala niya ito sa pagdaan ng panahon: mahusay na organisador, masigasig na edukador, at kasamang laging handang makiramay at makinig. Mababalitaan niya na si Nini, tulad ng maraming kasabayan, kahit mas huli kumpara sa iba, ay nagpasya nang mag-NPA. Laging masaya ang ganoong balita, kahit may kaakibat na tanong: “At ikaw?”

Naalala niya ang nobelang The Book of Daniel [1971] ni E. L. Doctorow. Batay ito sa kwento nina Julius at Ethel Rosenberg, Komunistang mag-asawang binitay ng US noong 1953 dahil nagnakaw umano ng sikreto sa paggawa ng bomba atomika para sa Unyong Sobyet. Sa pagmumuni ni Daniel, ang anak, naisip niyang natunton ng mga magulang niya ang Komunismo mula sa magkaibang landas: ang nanay niya, dahil personal na dumanas ng kahirapan; ang tatay niya, dahil naunawaan ang kalagayan ng mahihirap at ang Komunismo. May pagka-seksista ang iskema: pandama sa babae, kaisipan sa lalake.

Anomalya si Nini at marami pang iba sa ganitong balangkas. Ang landas niya patungong NPA ay ang dalisay niyang puso. Si Nini ang tipo ng taong puno ng malasakit sa kapwa, kumbaga’y walang masamang tinapay sa iba, at walang pagkamakasarili sa harap ng kahirapan, sakripisyo at nitong huli nga’y kamatayan. Tampok sa gabi ng parangal sa kanya ang testimonya ng mga kabataang maralita na ang iba’y aminadong patungo noon sa pagiging adik, sugarol, at lasenggo. Salamat anila kay Nini na nagtyaga sa kanila – nakisama, nakipamuhay, nagmulat – naging mga aktibista sila at nagpapatuloy ngayon.

Kung medyo babaguhin ang sabi ni Theodor W. Adorno, “Ang pagmamalasakit ay naroon lamang sa pinakamagaspang na panawagan: na wala nang magugutom [Minima Moralia, 1974].” Tulad ng marami pang iba, pinanghawakan ni Nini ang malasakit sa kapwa hanggang sa lohikal na kongklusyon nito, ang mag-ambag sa Kilusang ang layunin ay sapatan ang mga materyal na pangangailangan ng nakakarami at ng lahat. Kaya naman isinasakdal ng pagkamatay niya, ng mga tulad niya, ang mga naghahari sa lipunan: Pinaslang siya sa panahong kinakalinga ng gobyerno si Napoles at mga katulad.

Kumander Nini. Kakatwa ang bansag na iyan para sa mga nakakilala sa kanya na palangiti, tahimik, hindi makabasag-pinggan kahit mas matigas pa sa bakal ang paninindigan. Pero hindi iyan dahil sa katungkulan niya sa NPA, bagamat maaari rin, kundi sa kanyang buhay na inspirasyon ng marami pasulong sa patuloy na paglaban.

11 Setyembre 2013

Galing ang mga larawan dito.

Basahin ang sanaysay ni Patricia Evangelista tungkol kay Jovito Palparan. Pagbibigay-halaga ni Slavoj Zizek sa mga whistleblowers na sina Snowden, Manning at Assange. Interesanteng panayam sa iskolar ng nasyunalismo na si Benedict Anderson: Mahalaga sa nasyunalismo ang kakayahang mapahiya para sa bayan.

Mas Opyo kaysa Opinyon

Romare Bearden1

Syempre pa, kabilang ang mga manggagawa sa mga uring pinagsasamantalahan ng imperyalismong US sa Pilipinas. Mahaba na rin ang kasaysayan ng mga manggagawang Pilipino sa paglaban sa imperyalismo, simula pa noong bago ang unang kilos-protesta sa Araw ng Paggawa sa bansa, noong 1903, na may sentral na panawagang “Kamatayan sa Imperyalismo!” Sa pagitan ng dalawang puntong ito, ng pagsasamantala at paglaban, mailulugar ang mga obserbasyon niyang inudyukan ng titulo-probokasyon ng isang pang-akademikong kumperensyang nakita niya sa Facebook – “Wika at Imperyalismo.”

Pero saan siya kukuha ng kalipunan ng wika ng mga manggagawa? Wala siyang kopya ng mga mensaheng text mula sa kanilang mga cellular phones. O ng mga liham na ipinapadala ng mangilan-ngilan kanila sa pamilya sa probinsya. Bihira sa kanila ang aktibo sa mga social networking sites. Lalong mahirap makahanap ng sanaysay ng nakakarami sa kanila. Sa ganitong pagtatanong niya natumbok na kailangan niyang humango sa limitadong karanasan niya sa kilusang paggawa. Kailangan niyang tandaan ang mga napakinggan niya sa anumang inabot ng pakikisalamuha sa mga manggagawa.

Dahil hindi pa rin masigla ang wikang nakasulat sa hanay ng mga manggagawa habang masigla ang wikang pabigkas. Sa huli nila mas naisasatinig ang iba’t ibang hinaing at saloobin. Pero mula pagrereklamo sa mabigat na trabaho at maliit na sahod hanggang sa usap-usapan ng pagtatayo ng unyon, mula pagpaplano ng pag-uunyon hanggang mga talakayan at pag-aaral – lahat ng iyan, sa wika dumadaan. Sa sama-samang pagkilos naipaglalaban ng mga manggagawa ang kanilang mga karapatan at kahilingan, at inihahanda ang pagkilos na iyan ng pagsasalita, na nananalaytay rin sa mga pagkilos.

Armas ng mga manggagawa ang wika, na mahalagang uliting wikang pabigkas, sa paglaban para sa kanilang mga karapatan at kahilingan. (Pansining ang “salita” na “word” sa Filipino, na pwedeng nakasulat o binibigkas, ay malapit na agad sa “pagsasalita” o “to speak.”) Kapansin-pansing makulay ang mga salita nila sa pagbansag sa mga itinuturing na kalaban, tao man o patakaran. Sa bagay na ito, lumalabas ang kanilang kakayahan at hilig sa pagpapatawa, na nagiging pangungutya. Pedagohikal din: mabilis kumapit sa alaala ang iba’t ibang pangalan sa ganitong mga pagbabansag.

Romare Bearden2

Ang tawag nila sa mga porma ng patakarang neoliberal: LAPIDA, para sa Liberalisasyon, Pribatisasyon at Deregulasyon.
Sa kontraktwal na empleyo na pumuputol sa kontrata ng manggagawa matapos ang limang buwan para hindi umabot sa anim at maging regular, sa paraang nagpapaalala ng sardinas na laging kinakain sa sahod sa ganitong trabaho: 5-5-5.
Sa napakababang sahod, malayo sa antas na nakakabuhay o living wage: Libing wage.
Kay Noynoy Aquino na maihahalintulad sa nabugok na itlog: Penoy.
Sa sekretaryo ng paggawa na nag-assume ng jurisdiction sa Hacienda Luisita at nagligalisa sa masaker doon: Patricia Santatanas (Sto. Tomas).
Sa kasalukuyang sekretaryo ng paggawa na nagpatupad ng malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon sa Philippine Airlines: Rosalinda Baldozer (Baldoz).
Sa PTGWO o Philippine Trade and General Workers’ Organization, pederasyon ng dilawang Trade Union Congress of the Philippines na pahirap sa mga manggagawang miyembro nito: Pitong Taong Gutom at Walang Omento.
Ilan na nga ba ang kaso ni Lucio Tan? Walang nakakaalam? Hindi bale, lagi naman niyang nalu-Lucio Tan.

Kahit ang wikang nakasulat para sa mga manggagawa, nakabatay sa wikang pasalita. Ang polyeto para sa kanila, bukod sa dapat maka-manggagawa ang nilalaman, dapat epektibo ang porma: gumagamit ng pang-araw-araw na salita at maiikling pangungusap. Kahit parang prase o hirit ang ilang pangungusap, walang problema; hindi kailangang buo tulad sa mga sulatin sa mga paaralan o opisina. Mas madulas din ang ganitong porma para sa paghahayag ng galit. Ang isang sukatan: Hindi hihingalin ang nagbabasa. Pinakamainam kung ang mga pangungusap, nasasabi ng karaniwang manggagawa.

Sa kabilang banda, ano ang sinasabi ng mga kapitalista, sa pamamagitan ng mga manedyer at superbisor, sa mga manggagawa? Bukod sa dapat gawin sa trabaho, samu’t saring pagbabawal: mula pagpapahaba ng break hanggang pagkukumparahan ng pay slip, mula pagkuha ng larawan ng empresa hanggang pagpapahayag sa mga social networking sites. Wala masyadong paliwanag, maliban sa pangangalaga sa pangalan ng kumpanya. Pero may dalang takot, dahil sinusuportahan ng mga parusa – ultimo ang matanggal sa trabaho. Laging may nasasampolan, ginagawang panakot sa mga naiiwan.

Romare Bearden3

Anu’t anuman, hindi buu-buong doktrina ang ipinapatanggap sa mga manggagawa para magtrabaho nang payapa alinsunod sa “industrial peace” na ipinapataw ng gobyerno. Walang sistematikong paliwanag kung bakit maganda ang kapitalismo at malayang pamilihan o tungkol sa “Katapusan ng Kasaysayan.” Mas madalas, sa antas ng empresa, pilit pinapasunod ang mga manggagawa gamit ang banta ng pagtanggal sa trabaho. Ang mga kapitalista, matipid sa paliwanag sa mga manggagawa, pero sandamakmak naman ang mga mapanupil na patakarang ipinapatupad ng gobyerno pabor sa kanila.

Kung paggamit ng wika ng mga kapitalista sa antas-empresa sa layuning kumbinsihin ang mga manggagawa, mas ang pinakamalapit ay ang paggamit sa piling aspekto ng relihiyong Katoliko. Isa na diyan ang pagiging mapagpasalamat (“grateful”) sa lahat ng nangyayari, mabuti man o masama. Bukod pa ang pagpapahalaga sa pamilya at trabaho – na batayan para manawagang huwag alintanain ang masamang kalagayan sa paggawa at magbuhos pa ng sipag sa pagtatrabaho. Ang paggamit ng mga kapitalista sa wika, mas pagbabawal-pananakot kaysa pagkumbinsi, at kung sa huli, mas opyo kaysa opinyon.

Sa dulo, madaling mapansin ang pagbabawal at pananakot sa paggamit ng wikang Filipino ng imperyalismo at mga alyado nitong naghaharing uri kapag kausap ang mga manggagawa – sa loob ng empresa, mahalagang idiin. Madali ring mapansin ang pagbabansag at katatawanan na tampok sa paggamit ng wika ng mga manggagawang lumalaban. Kontra sa pira-pirasong paniniwala na inilalahad ng mga naghahari sa mga manggagawa, makikita sa wika ng mga lumalabang manggagawa ang pagsisikap kamtin ang lampas-empresa, mas malawak, kung hindi man buo, na pag-unawa sa kalagayan.

06 Setyembre 2013

Pahabol ang artikulong ito sa Buwan ng Wika. Galing ang mga larawan dito.

Marami nang nagrebyu sa libro ni Jonathan Crary tungkol sa pagtulog at kapitalismo, at mukhang interesante ito. Heto ang isa, na may magandang sipi mula sa libro: iyun daw mga aktibistang nag-oorganisa sa Internet “voluntarily kettle themselves in cyberspace, where state surveillance, sabotage and manipulation are far easier than in lived communities.”

Nakaka-miss maging bata. Kapag tumanda ka, maiintindihan mo. Mauunawaan sa isinulat ng makatang si Charles Simic. Basahin: artikulong maraming impormasyon tungkol sa Brazil, at nagbibigay ng silip sa mga posibilidad sa hinaharap ng pagdami ng mga maralitang lungsod sa mundo. Interesanteng artikulo ni Vicente L. Rafael tungkol kina Edward Snowden at Trayvon Martin.

NGO Superpower

Bernard Safran 1

Ayon sa mga balita, susi ang papel ng mga “pekeng non-government organization” o NGO sa sumabog na eskandalo kaugnay ng pork barrel ng mga kongresista at senador. Pinadaloy ng mga mambabatas ang kabang-bayan sa mga pekeng NGO, na itinuring sigurong hindi kakwestyon-kwestyon, kapani-paniwala at kapuri-puri pa nga na paglagakan ng pera. Sa gitna ng kontrobersya, nagpahayag ng pagkabahala ang Caucus of Development NGOs o Code-NGO na nakakaladkad daw ang reputasyon ng mga “lehitimong NGO” sa putikan ng anomalya. Kung magsalita, parang napakalinis ng grupong ito, na nasangkot din sa eskandalo sa tumataginting na halos P2 bilyon noong bungad ng rehimeng Arroyo, binigyan umano ng premyo kapalit ng pagtulong sa pagpapabagsak sa rehimeng Estrada.

Tama man o mali, batay sa maraming NGO sa bansa, peke man o totoo, mayroong reputasyon ang Pilipinas sa buong mundo na “NGO Superpower.” Humahango ng lakas ang reputasyong ito hindi sa kung anumang “pag-unlad” o “pagbabago” na iniluluwal ng napakaraming NGO sa bansa, kundi sa tuluy-tuloy at sumasambulat na mga protesta laban sa kawalan ng pag-unlad at pagbabago. Sa kung anong dahilan, ang naturang mga protesta ay inaangkasan ng mga NGO o naididikit sa kanila ng mga NGO sa daigdig at ng mga funding agency na sumusuporta sa kanila. Tiyak, may paghanga ang ibang tumatawag sa Pilipinas nang ganito; pero tiyak ding may pagkutya, lalo na ang mga nakakaalam sa pagiging kwestyonable, kung hindi man maanomalya, ng marami sa mga NGO sa bansa, at maging sa mundo.

Ayon sa anti-imperyalistang sosyologong si James Petras, lumaganap ang mga NGO sa Ikatlong Daigdig sa tatlong konteksto: Una, sa panahon ng mga diktadura, bilang ligtas na atrasan ng mga kritikal na intelektwal. Ikalawa, sa panahon ng paglakas ng mga kilusang masang anti-diktadura, bilang tagapagsulong ng pagpapatalsik sa diktadura nang kaiba, kung hindi man kontra, sa mga kilusang anti-imperyalista at nang pakitang-tao lang ang pananawagan ng pagbabagong pang-ekonomiya. At ikatlo, sa panahon ng pag-igting ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista bilang tagapagpahina sa paglaban sa mga patakarang dikta ng mga imperyalista – direktang tagapagpabango ng mga patakarang ito o tagapaglihis ng atensyon mula sa mga ito tungo sa mga gawaing pang-ekonomiya na hiwalay sa pulitika.

Bernard Safran 2

Malinaw na binabanggit ni Petras ang Pilipinas bilang halimbawa. Ang tinutukoy: ang dekada ’80 at pagkatapos, mula paghina ng diktadurang Marcos hanggang pagkatapos nito. Nasa transisyon noon ang pagsuporta ng imperyalismong US mula sa mga lantad na pasistang diktadura sa Ikatlong Daigdig tungo sa mga pasistang diktadurang may pagpapanggap na demokratiko. Bumuhos ang pondo galing sa mga imperyalistang bansa patungo sa mga NGO sa Ikatlong Daigdig. Namayagpag pa ang mga NGO sa dekada ’90, panahon ng “Katapusan ng Kasaysayan,” “Pax Americana,” at todo-todong neoliberalismo sa daigdig. Pinalabas ang “civil society,” sa pangunguna ng mga NGO, na pambalanse sa makapangyarihang Estado at Merkado (hindi sinasabing malalaking kapitalista) pabor sa mga mamamayan.

Magandang isingit ang tendensyang “popular na demokrasya” o “pop-dem” na sumulpot sa Kaliwa sa Pilipinas noong dekada ’80. Ayon kay Alex Magno, pop-dem na akademiko noon, layunin ng pop-dem ang pagkakaroon ng “masiglang atmospera ng pampulitikang pluralismo at malalakas na inisyatiba mula sa mga… non-governmental organizations.” Sa mga sanaysay niya sa librong Power Without Form [1991], makikita ang modus operandi nila noon: ang ambisyong pagkaisahin ang lahat ng pwersang kontra-diktadura ala Nicaragua at ang paghahain ng “Estadong popular-demokratiko” na katanggap-tanggap sa lahat ng naturang pwersa sa layuning isantabi ang tunay na alternatibang pambansa-demokratiko. Naging kapalit ng pag-agaw sa kapangyarihang Estado ang paggigiit sa Estado gamit ang mga NGO.

Paano uunawain, kung gayon, ang reputasyong “NGO Superpower” ang Pilipinas? Ang tiyak na nagdiriwang dito, ang nakakaraming pera-perang NGO na sa ibang bahagi ng bansa ay nagsusulputan sa bawat kanto, salamat sa mabilis na pagkilala sa mga NGO sa Pilipinas. Desisyon at hakbangin ito ng imperyalismo at mga naghaharing uri, ang gawing NGO Superpower ang Pilipinas, para tapatan ang malakas na anti-imperyalistang kilusan dito. Ang naturang kilusan, inilalantad ang ugat ng naturang bansag, habang may mga progresibong NGO na tunay na nagsusulong ng pagbabago – binabaligtad ang mesa kumbaga, at ang mumong ibinibigay ng mga imperyalista sa layuning pahupain ang rebolusyonaryong paglaban ng masa ay sinasamsam, kumbaga sa armas, para paglagablabin ang huli.

04 Agosto 2013

Galing ang mga larawan dito. Napalapit ang sikat na ekonomistang si Paul Krugman sa Marxismo, hindi lang niya magawang yakapin ito.

Nauubusan ng Bala

Che Guevara Bernard Safran

Katulad ng maraming aktibista at Pilipinong sawa na sa pambobola niya, hindi ako nakinig sa ikaapat na State of the Nation Address ni Pang. Noynoy Aquino nitong Hulyo 22. Kasama ako sa protesta sa Commonwealth Avenue na sa balita ay umagaw ng atensyon sa talumpati ni Aquino kung hindi man sumapaw sa huli. Isa sa mga ahitasyon ng protesta ang hindi pakikinig sa sasabihin ni Aquino, dahil luma at gasgas na ito.

Pero binasa ko rin ang SONA. Dahil siguro sa kung anong masokismo pero mas para maunawaan at matuligsa ang nilalaman nito. Dahil sa estilo ng pagbabasa, este pagtatalumpati, ni Aquino, halos naririnig ko ang boses niya habang binabasa. Ang nabuong impresyon sa akin: Kumbaga sa gera, nauubusan na ng bala sa panloloko ang gobyernong Aquino. Pursigido itong manloko, pero halatang nahihirapan na ito.

Narito ang lahat ng gasgas-nang sangkap ng mga nakaraang SONA at talumpati ni Aquino. Hindi mawawala ang pagpapaalalang anak siya nina Ninoy at Cory. Nariyan ang pagyayabang hinggil sa mga naitayong imprastruktura, pati ang paghahayag ng lahat ng napulot na “mabuting balita.” Pero pagdating sa masasama, patuloy na sinisisi si Gloria. Ang bago, pati ang panenermon ni Aquino sa mga ahensya, ipinasok na.

Maraming nakakatawa sa mga pilit-pinalaking batayan ng pagyayabang. Lumago raw ang agrikultura nang “triple,” pero mula 1.1% sa unang kwarto ng 2012 patungong 3.3% sa unang kwarto ng 2013. Napakalaki naman! Kaya na rin daw nating tumulong sa mga mamamayan ng ibang bansa na lumikas mula sa mga delikadong lugar. Kaya pala hindi mailikas ng gobyerno ang mga Pilipinong stranded sa Saudi Arabia! At marami pang iba.

Pagdating sa plano, wala masyadong pasabog pero maraming kongkretong pahirap: taas-pasahe sa MRT at LRT, pagtaas ng kontribusyon sa Social Security System, at iba pa. Sa ganitong mga isyu lalong malulustay ang ipinagmamalaking pampulitikang kapital niya. Inulit lang niya ang mga dating boladas, tulad sa magkakambal na mga programang PPP at CCT, na nginangatngat ng kritisismo mula pa nang unang ianunsyo.

Fidel Castro Bernard Safran

Dahil duda kung makakapangumbinsi ang umano’y magagandang balita at salita, inilabas na ni Aquino ang alas, patunay ng desperasyon: “Mga Boss, isipin nga po natin: Saan ba tayo nagmula? Kung may agam-agam kayo ngayon, ano ba naman ito kumpara sa agam-agam natin noong 2010? Di ba’t masaya na tayo noon na tapos na ang panahon ng kadiliman? Di ba’t noon, sapat nang mapalitan ang mga nasa kapangyarihan?”

Mas mahaba ang talumpati ni Aquino ngayong taon, sabi sa balita. Kung babasahin ang SONA, makikitang hindi ito dahil maraming maipagmamalaki at maipapangako ang rehimen. Ang kabaligtaran ang totoo: Nag-aapuhap ito ng ipagyayabang, nag-aala-tsamba na sa dami ng inilahad nito ay may kakagatin ang publiko. Ang kakapusan nito sa nilalaman, binawi nito sa porma – partikular sa aspekto ng haba. Lalo tuloy nahalata.

“Pwede mong maloko ang ilang tao sa ilang panahon, pero hindi mo kayang maloko ang lahat ng tao sa lahat ng panahon,” paalala ng mang-aawit na si Bob Marley. Ipinapakita ng SONA ngayong 2013 ni Aquino ang isang larawan kung bakit totoo ito. Humahabol ang ekonomiya sa talumpati ng pangulo, ang materyal na reyalidad sa mga kinakathang ilusyon, ang mga hangganan ng sistema sa inaakalang lawak ng saklaw ng retorika.

25 Hulyo 2013

Galing ang mga larawan dito.

Magandang sulatin ni Robin D. G. Kelley, eksperto sa rasismo, hinggil sa kaso ni Trayvon Martin, partikular tungkol sa “settler colonialism.” Panoorin ang interbyu ni Patricia Evangelista kay Risa Hontiveros. Pinakamasarap ang mula 4:58 hanggang 6:25 kung saan hirap na hirap ang kinapanayam.

Sulatin ni Carlos Maningat hinggil sa umiyak na pulis sa kakatapos na SONA. Ilang nakakaaliw na impormasyon hinggil sa magkatambal na pilosopong sina Deleuze at Guattari. Magandang panukala mula sa makatang si Bertolt Brecht.

Batas + Katarungan

Ryszard Kaja 1

Maraming naglalabasang reaksyon kapag lumalaban ang maralita sa demolisyon. At sa lahat ng reaksyong iyan, pinaka-nakakabwisit ang mga reaksyon ng mga legalista, iyung mga naghuhumiyaw na may naganap na paglabag sa batas at dapat parusahan ang mga lumabag. Sa mga iyan, may pakitang-tao pang nagsasabing sumisimpatya sila sa maralita at tutol sila sa demolisyon, pero hindi dapat nilalabag ang batas. Bagamat malapit sa larangan ng batas ang usapin ng paglaban ng maralita, ang mga legalista’y parang mga dentista o dermatologist na nagsisihusga batay sa kitid ng propesyon nila.

Iba kasi ang batas sa katarungan. Dapat ay instrumento ng katarungan ang batas, pero hindi laging ganyan ang nangyayari. Mas madaling makikita ang punto kung titingnan sa kasaysayan, na tadtad ng mga batas na hindi makatarungan. Halimbawa ang mga batas na nagpanatili ng kolonyalismong Espanyol, Amerikano at Hapon sa bansa. Ganoon din ang mga batas na nagsilbing suporta ng Batas Militar ni Marcos. Mga batas ito, pero hindi-makatarungang mga batas. Sa ganitong mga kalagayan, ang lubos na pagtataguyod ng batas ng mga legalistang komentarista ay pagtapak sa katarungan.

Pero sino ang magsasabi kung ang isang batas ay hindi makatarungan? Hindi lang ang Korte Suprema, taliwas sa isasagot ng mga legalista. Maraming pagkakataon din sa kasaysayan na ang mga mamamayan ang naggigiit na hindi makatarungan ang batas, at sumusunod lamang ang hudikatura. Ang mga batas na nagbabawal sa kababaihan na bumoto, ang mga batas ng pang-aalipin at segregasyon sa mga Negro, ang mga batas na nagpapatrabaho nang lampas sa walong oras, ang mga batas na nagtataguyod ng kolonyalismo – mga mamamayan ang nagprotesta para maibasura ang mga batas na ito.

Hindi ba delikadong ipaubaya sa mga mamamayan ang pagtatakda ng kung aling batas ang makatarungan at alin ang hindi? Hindi, lalo na kung ikukumpara sa pagbabawal sa mga mamamayan na kumwestyon, magprotesta at lumabag sa mga batas na itinuturing na hindi makatarungan. Diktadura ang bagsak ng ganitong pagbabawal, isang lipunan kung saan kailangang laging sumunod sa batas at tanging sa legal na daluyan pwedeng kwestyonin ang batas. Makukwestyon ang maraming batas, pero hindi naman ibig sabihin ng pagtatapon sa bulok na mangga ay hindi na kakain ng maayos na mangga.

Para saan pa ang eleksyon, ang mekanismo ng lipunang nagpapakilalang demokratiko para mapalitan ang mga batas? Napapalitan ang mga namumuno pero hindi ang mga hindi-makatarungang batas. Kitang-kita ang kahungkagan ng eleksyon pagdating sa demolisyon – bagay na ipinatupad sa Pilipinas ng lahat ng administrasyon at maraming lokal na gobyerno. Sa panahon ng kampanya sa eleksyon, lahat ay maka-maralita at kaibigan pa nga ng maralitang lungsod. Pagkatapos ng eleksyon, demolisyon. Pwede bang sisihin ang maralita? Gayung kahit sino ang manalo, nagdudulot ng demolisyon?

Ryszard Kaja 2

Muli, lumaban ang mga maralita ng Sitio San Roque sa demolisyon nitong Hulyo 1. Nagtayo ng barikada at may mga lumipad na bato. Napakababaw ng isang pangontra ng mga legalista, nagpabitag sa propaganda ng lokal na gobyerno: Walang demolisyon sa araw na iyun. Pero may deadline na natanggap ang mga residente, talagang may banta ng demolisyon at mismong si Mayor Herbert Bautista ang nagtutulak. Kung ako ang tatanungin, mabisa ang taktika ng mga maralita: ang itakda ang labanan kung kailan sila handa, hindi ang maghintay ng todong lakas ng malulupit na pwersa ng demolisyon.

Makatarungan ang paglaban nila. Marami sa kanila, napwersang tumira doon dahil sa pagpapalayas – sa pamamagitan man ng demolisyon sa ibang lugar o kagutuman at kawalang-trabaho sa kanayunan. Marami sa kanila ang walang trabaho, dahil sa pagkabigo ng gobyerno na lumikha ng sapat na trabaho, at gumawa sila ng paraan para maghanap-buhay. Wala silang naengkwentro o natamasang programa ng gobyerno para sa disente at abot-kayang pabahay – kahit pa may programa ito para sa maramihan at malupitang demolisyon. Nasaan ang katarungan sa basta-bastang pagtataboy sa kanila?

Lalong naging hindi katanggap-tanggap sa gobyerno ang paglaban ng Sitio San Roque dahil naganap ito matapos ang puspusan at paspasang kampanya na palayasin ang kulang-kulang 20,000 pamilyang maralita sa mga estero. Nalantad ang motibo ng panunuhol ng P18,000 sa isang taon sa mga maralita at pananakot ng pag-aresto kung babalik sa dating tirahan: Hindi ang alisin ang sanhi ng baha, ang iligtas ang maralita sa sakuna, o ang makatipid sa paglilikas tuwing may bagyo. Kundi ang hawanin ang pagtatayuan ng negosyo ng malalaking kapitalistang walang kabusugan sa lupa at tubo.

Sa lipunang ito, larawan ng paglabag sa batas – pwede ba ang salitang “kawalang-batas” o lawlessness? – ang maralita, lalo na ang maralitang lungsod. Napapahigpit ang kapit ng ibang nasa panggitnang uri sa kanilang bag at gaheto kapag nakikita ang mga maralita. Pero taliwas sa panghoholdap o pagnanakaw, na may malalim ding ugat sa karalitaan, hindi pampersonal ang paglabag sa batas ng mga maralita sa paglaban sa demolisyon. Paglaban ito ng lahat ng maralita, lalo na iyung nasa katulad na kalagayan. Sa kanilang paglabag sa batas, inilalantad at nilalabanan nila ang kawalang-katarungan.

Maaaring magpahayag ng makabayan o progresibong tindig ang mga legalista sa iba’t ibang isyu, pero napaka-konserbatibo ng absolutong paggigiit nilang ipatupad ang kasalukuyang mga batas at parusahan ang mga lumalabag – nang ang tinutukoy ay ang mga maralita. Malay man sila o hindi, tunay silang naniniwala sa “Katapusan ng Kasaysayan”: ngayon ang rurok ng kasaysayan at hanggang dito na lang tayo. Hindi nila seryosong naiisip na ang mga batas ngayon ay maaaring ituring na hindi makatarungan sa hinaharap. Kahit pa ang batas ay pagpapalayas lang ng mga naghahari sa mahihirap.

14 Hulyo 2013

Malaking tulong ang mga sulatin ni Howard Zinn, lalo na ang laman ng The Zinn Reader: Writings on Disobedience and Democracy [1997], sa kalinawan hinggil sa batas, katarungan at paglabag sa batas.

Galing ang mga larawan dito.

Nakakaaliw basahin ang kumpisal ni Ralph “Karate Kid” Macchio tungkol sa pagiging sikat na panandang-bato sa isang panahon ng pagkabata.

Isang interesanteng personalidad sa nakaraan at kasalukuyan ng pakikibaka ng mga mamamayan ng South Africa: Si Ronnie Kasrils. Basahin ang kanyang kritisismo sa tinakbo ng pulitika sa kanyang bansa.

Maagap kaya tila mula sa kaibuturan ang tugon ni Bill Fletcher Jr. sa hatol sa kaso ni Trayvon Martin. Panawagan ng anti-imperyalistang intelektwal na si Richard Falk: End the Snowden circus now.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 182 other followers