Tag Archives: Benjamin Diokno

Joke No Education

Klaus Rinke

(1) Nitong Agosto 4, pinirmahan ni Pang. Rodrigo Duterte ang panukalang batas na magpapatupad ng libreng matrikula at ibang bayarin sa mga paaralang pangkolehiyo at panteknikal-bokasyunal na pinapatakbo ng gobyerno. Labag ito sa panawagan ng mga kampon ng mga neoliberal na patakaran sa kanyang gabinete sa pangunguna ni Budget Sec. Benjamin Diokno. Hindi rin hinintay ni Duterte na kusang maging batas ang panukala na ipinasa ng Kongreso at Senado, na siyang mangyayari kung hindi niya ito pinirmahan.

Kailangan pa ring bantayan at itulak ang pagpapatupad sa tinawag na Universal Access to Quality Tertiary Education Act hanggang sa aktwal na hindi mangolekta ng bayarin ang mga paaralan at hindi magbayad ang mga estudyante. Kailangan pa rin ang iba’t ibang pagkilos at protesta at malalaki pa nga. Pero makabuluhan na ang pagpirma rito ni Duterte.

Tagumpay ito ng sama-samang pagkilos ng mga estudyante, kabataan at sambayanang Pilipino – partikular para sa panawagang libreng edukasyon at pangkalahatan para sa mga makabuluhang reporma. Samu’t saring pagkilos at panawagan ang ginawa ng estudyante at kabataan sa pangunguna ng mga militanteng organisasyong masa at alyansa. Nitong huli, mabigat na presyur ang inabot ng rehimeng Duterte dahil sa papalakas na pagkondena ng sambayanan sa pamumuno ng Kaliwa laban sa papasahol na tunguhin nitong maka-US, maka-Kanan, at militarista lalo na pagkatapos ng krisis sa Marawi City.

Naipakita sa publiko ang pagiging makatwiran ng hakbangin. Para takutin si Duterte na huwag pirmahan ang batas at ang publiko na huwag itong suportahan, nagpalutang si Diokno ng malaking badyet na kailangan umano para maipatupad ito – P100 bilyon. Maagap naman itong kinontra ni Commissioner Prospero de Vera ng mismong Commission on Higher Education o CHED: ang kailangan lang, aniya ay P34.1 bilyon. Larawan ito ng pagtutunggalian ng mga neoliberal gaya ni Diokno sa isang banda at ng mga naliliwanagan gaya ni de Vera sa gabinete ni Duterte.

Christopher Baron

Signipikante na ipinasa ang batas kapwa ng Kongreso at Senado. Patunay ito ng matagal nang paggigiit ng mga estudyante at kabataan para sa libreng edukasyon, lalo na sa kolehiyo. Kapansin-pansin din ang kanilang pag-abot sa mga kandidato noong eleksyon at mga pulitiko pagkatapos para sa kahilingan. Sa panig nina Sen. Bam Aquino at mga sagad-sagaring “dilawan,” mga alyado ng nakaraang rehimeng Noynoy Aquino, ang layunin ay ipakitang hindi kaya ni Duterte na ibigay ang pangako nitong tunay na pagbabago, at umastang kung hindi man biktima ay bida sa harap ng publiko.

Ang pagpirma ni Duterte sa batas ay isang paglihis, bagamat bahagya, sa mga neoliberal na patakaran sa edukasyon at lakas-paggawa; pakikinig ito, kahit bahagya, sa panawagan ng mga estudyante, kabataan at bayan. Maikukumpara ang dogmatikong neoliberal na si Noynoy Aquino: humadlang sa panukalang batas para sa dagdag-pensyon sa Social Security System nang umabot ito sa kanyang mesa.

Maaaring tingnan ito na bahagi ng astang “populista” ni Duterte, na ayon sa popular na pakahulugan ng mga teoristang pampulitikang sina Ernesto Laclau at Chantal Mouffe ay “ang paglikha ng hangganan sa pagitan ng isang ‘natin’ at isang ‘nila,’ sa pagitan ng bayan at ng mga naghahari (establishment).” Maaari ring tingnan si Duterte na pragmatikong pulitiko – napupwersang sumalubong sa mga kahilingang iginiit ng sambayanan at ng mga makabuluhang pwersang panlipunan tulad ng Kaliwa, kahit pa papalakas ang hatak ng US, mga elitista at militarista sa pangulo.

(2) Sa kanyang kampanya laban sa noo’y panukalang batas, sinabi ni Diokno: “ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Marami ang tumutol agad. Marami rin ang nagpigil sa pagtutol pero nahiwagaan sa ibig niyang sabihin. Hindi matanggap ng nakakarami ang sinabi, na bumabangga sa malalim na pagpapahalaga sa edukasyon, na parang sentido-kumon na sa ating lipunan.

Kaya marami ang napatanong: Saan galing iyun? Mahalagang paliwanag kung bakit nakapagsabi ng ganyan si Diokno ang pagiging propesor siya sa UP School of Economics – kilalang balwarte ng neoliberal na kaisipan at patakaran sa bansa.

Buzzkill

Bahagi ang sinabi ni Diokno ng mga kaisipang pinapalaganap ng mga propesor ng UP School of Economics, na ang marami’y naglilingkod din sa gobyerno at malalaking korporasyon. Ang tinutumbok ng mga ideyang ito: hindi dapat subsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo: (1) Dahil umano marami nang estudyante ng kolehiyo ang mayayaman, (2) dahil umano ang serbisyong naihahatid nang mas mabuti ng pribadong sektor ay hindi na dapat ibigay pa ng gobyerno, (3) dahil umano hindi karapatan ang edukasyong pangkolehiyo, pero dapat suportahan ng gobyerno dahil marami itong idinudulot na “positibong externalities,” o hindi-sinasadyang mabubuting epekto, para sa lipunan.

Pero mas pinili ni Diokno na magbigay ng pangkalahatang pahayag: “Ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Sa kanyang desperasyon, arogansya, o pareho, sumandig siya sa isang prinsipyong neoliberal na pinagmumukhang unibersal na batas ng lipunan ng mga katulad niyang kampon ng mga patakarang neoliberal.

Saan nga ba nagmumula ang sinabi ni Diokno? Sa layunin, proyekto, at ideyal na larawan ng mga neoliberal: na gawing sapat na ang edukasyong pang-hayskul para makapagtrabaho, at gawing ang pagkokolehiyo ay pagsusulong na lang ng mas mataas na pag-aaral o pag-abante sa karera. Tampok na kinatawan nito ngayon ang programang K+12, na ang layunin ay maging handa nang magtrabaho ang mga gradweyt ng hayskul. Pero anong trabaho? Iyung murang lakas-paggawa para sa negosyo ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal.

Kasuklam-suklam itong layunin, proyekto at ideyal na larawan. Una, pagsasadlak ito sa nakakaraming estudyante at kabataan sa murang lakas-paggawa – barat ang sahod, kontraktwal, walang karapatang mag-unyon – at sa di-disenteng trabahong laganap sa bansa at siyang gustong palaganapin pa ng mga makapangyarihan. Ikalawa, nangangahulugan ito ng pagpapalaki pa ng dambuhalang pagkakahating pang-ekonomiya, kung pwedeng humiram ng prase sa historyador na si Zeus A. Salazar, sa pagitan ng mayaman at mahirap sa ating lipunan: walang aangat sa mahihirap. At ikatlo, paglilingkod ito sa interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, hindi sa tunay at matagalang interes ng sambayanan para sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Quaglino

Sa makaisang-panig na pagdidiin nito sa paghahanda sa trabaho bilang pangunahing sukatan ng “kapaki-pakinabang” na edukasyon, bangga rin ang neoliberalismong ito kahit sa mga paniniwalang liberal tungkol sa edukasyong pangkolehiyo. Sabi nga ng titulo ng artikulo ng isang administrador ng unibersidad sa US: “Hindi ka dapat ihanda ng kolehiyo para sa unang trabaho mo. Dapat ihanda ka nito para sa buhay.” At liberal na paniniwala pa lang ito, hindi pa radikal. Dahil kahandaan sa pagtatrabaho ang tangi nilang sukatan, nasasabi ni Diokno at mga neoliberal na sapat na ang hayskul, at ang kolehiyo ay para sa personal nang pag-angat – hindi kapaki-pakinabang sa lipunan.

Ang suma-tutal ng pangangatwiran ng mga neoliberal: hindi susubsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo at magiging kalakal ito ng malalaking kapitalista. Ang pagiging karapatan ng edukasyon na sinasabi sa salita ng burges na demokrasya, sinasabotahe sa gawa ng neoliberal na kapitalismo. Lalong ipagkakait ito sa nakakarami sa lipunan. Ang nakikinabang, paalala ng progresibong ekonomistang si Sonny Africa sa Facebook, ay sina Henry Sy, Lucio Tan, Jaime Zobel de Ayala, Emilio Yap, Alfonso Yuchengco, Lourdes Montinola, Ramon del Rosario, Jr., at iba pang malalaking kapitalista.

(3) Wala nga bang pakinabang sa lipunan ang edukasyong pangkolehiyo?

Sa kasalukuyan, ang nagtatakda ng mga kurso at priyoridad sa mga ito ay ang pangangailangan ng merkado, o ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at panginoong maylupa. At ang pagsisikap ng huli ay ipakitang tinutugunan nila ang mga pangangailangan ng lipunan. Kaya naman malawak ang madaling pagtutol sa pahayag ni Diokno: kahit karaniwang taong nag-aral sa kolehiyo ay ipinagpapalagay na naglilingkod sa kapakanan ng lipunan ang kanyang pagtatapos ng pag-aaral at pagtatrabaho.

Pero tunay na papakinabangan ng lipunan ang edukasyong pangkolehiyo kung nakabatay ito sa mga patakarang pang-ekonomiya na maglilingkod sa interes ng nakakarami sa lipunan, hindi ng iilan. Ibig sabihin, kung maglilingkod ito sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Malinaw na ang mga dominanteng kursong pangkolehiyo ngayon ay hindi tumutugon sa mga batayang pangangailangan natin bilang bansa: pakainin ang mga gutom, bigyang-edukasyon ang lahat, gamutin ang mga maysakit, paunlarin ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan, itaguyod ang dignidad at soberanya ng bansa.

Redd Angelo

(4) Pero maaalala, sa pagbanggit ni Diokno, ang pamosong sinabi ni Margaret Thatcher, pasimuno ng neoliberalismo sa Inglatera at buong mundo: “There is no such thing as society.” Pwede kayang isalin ito na “Walang ganoong bagay, itong lipunan”? Na ayon sa pampulitikang teoristang si Corey Robin ay nangangahulugan ng pagpapahalaga sa indibidwal at pamilya, hindi sa buong lipunan.

Mas totoo si Thatcher sa diwa ng neoliberalismo kaysa kay Diokno. Sa pagtanggal ng anumang pagsuporta ng lipunan, sa pamamagitan ng Estado, sa karapatan at kagalingan ng mga mamamayan, naiiwan ang huli sa kamay ng malalaking kapitalista – nagkakarera, nagkakanya-kanya. Sa trabaho, walang pag-uunyon, kundi indibidwal na pagtatrabaho, kundi man kumpetisyon sa promosyon. Sa mga serbisyong panlipunan, kanya-kanyang diskarte. Sa lipunan at maging social media, pagandahan ng buhay.

Kaya kakatwa: silang nagtutulak ng indibidwalismo ang may gana ngayong palabasing nagmamaliit sa indibidwal na interes. Silang mga sumisira sa konsepto ng lipunan ang may gana ngayong magwasiwas ng lipunan kontra sa patakarang tinututulan. Hindi konsistent si Diokno kay Thatcher at larawan ito ng pagpapatupad ng neoliberalismo sa isang lipunan kung saan makabuluhang pwersa sa lipunan at talastasan ang Kaliwa – na naggigiit, halimbawa, na ang edukasyon ay hindi kalakal kundi karapatan.

(5) Nasa likod ng pahayag ni Diokno ang isang larawan ng neoliberalismo bilang pagkakamal ng tubo ng malalaking kapitalista mula sa dapat ay serbisyong panlipunan na dapat ay ibinibigay ng Estado – at ang pagsisikap na bigyang-katwiran ito gamit ang umano’y mga unibersal na prinsipyo ng Ekonomiks.

Ang totoo, kinakatawan ng neoliberalismo ang pagbuwag sa kalakaran sa edukasyong pangkolehiyo kung saan malaki ang papel ng Estado – kalakarang rumurok at naging istable pagkatapos World War II.

Sa panahong ito, relatibong mahusay ang lagay ng ekonomiya ng US at Inglatera bunsod ng gera. Mahalaga ang papel ng Estado sa rekonstruksyon ng Germany at Japan. Sangkatlo ng sangkatauhan sa Rusya at China ang nasa ilalim ng sosyalismo. Iniluwal ang tinatawag na “welfare state” sa Europa bunsod ng banta ng mga sosyalistang bansa at kilusan. Nagaganap ang dekolonisasyon sa Ikatlong Daigdig. Lahat ng ito, sa konteksto ng Cold War. At sa lahat ng ito, mahalaga ang papel ng Estado sa edukasyon at buong lipunan.

Nagpapanggap na unibersal na prinsipyo ang neoliberalismo, gaya ng pahayag ni Diokno, pero nakaugat at nakatali ito sa isang partikular na yugto ng kasaysayan. Sa partikular, simula noong dekada 1980, kung saan bunsod ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, mas pinahigpit ng mga monopolyo-kapitalista sa buong mundo ang kontrol sa edukasyon at sa pamilihan ng lakas-paggawa.

May simula ang neoliberalismo, at sa paglakas ng paglaban ng mga estudyante, kabataan at mamamayan ng daigdig, magwawakas din ito.

06 Agosto 2017

Galing ang mga imahen dito.

Akala mo si Jojo Acuin: Nasa balita ngayon si Prop. Benjamin Diokno, ekonomista mula sa UP School of Economics, kaugnay ng magiging epekto sa Pilipinas ng krisis pampinansyang bumabayo ngayon sa ekonomiya ng US. (Sa susunod na entri, ilalahad naman ang pagtingin ng progresibong ekonomistang si Paul L. Quintos, direktor-ehekutibo ng EILER o Ecumenical Institute for Labor Education and Research.)

Epekto sa Pinas ng Krisis sa US (1)

 

Nasa balita ngayon si Prop. Benjamin Diokno – ekonomista, propesor sa School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas, at naging sekretaryo ng Department of Budget and Management sa panahon ni dating Pang. Joseph “Erap” Estrada. Nitong huli, mapanuligsa siya sa mga pahayag at patakaran sa ekonomiya ng gobyernong Arroyo. Ngayon, nagsasalita siya tungkol sa mga epekto sa Pilipinas ng nagaganap at tumitinding krisis sa US gayundin sa kaugnay na mga usapin.

 

Parang nananakot si Prop. Diokno. Aniya, “tuyo” ang Paskong naghihintay sa mga Pinoy ngayong taon. Bagamat salin ito ng “dry” na nakasulat sa balita, sa pakahulugang madalas na kaugnay ng mga sampay, alam ng nakakaraming matagal nang gipit ang kabuhayan na nangangahulugan din talaga ito ng isang klase ng isda – “Paskong tuyo” nga ang tawag ng iba. Sabi ni Prop. Diokno, baka mas maalwan pa ang Pasko noong isang taon kaysa sa darating. Diyos ko po!

 

Naniniwala si Prop. Diokno na maaapektuhan ang bansa ng krisis sa ekonomiya ng US. Kinontra niya ang pahayag ng Bangko Sentral na hindi tatamaan ang mga bangko at kompanya ng insurance sa bansa dahil sapat daw ang kapital ng mga ito. Aniya, kung bumagsak ang “isang malaking bangko” tulad ng sikat na Lehman Brothers, “babagsak din ang mas maliliit na bangko.” Pero hindi raw ang mga nagdeposito sa mga bangko ang tatamaan, kundi ang mga mamumuhunan.

 

Pero ang pinakamatinding epekto sa mga Pinoy, ani Prop. Diokno ay “ang pagkabawas sa pamumuhunan na pwedeng magdulot ng kawalang-trabaho at ang matataas na presyo ng mga bilihin.” Malungkot talagang Pasko iyun: Nasisante ka na nga, mahal pa ang mga bilihin. Kung kamag-anak o kaibigan mo naman ang natanggal sa trabaho, malulungkot ka rin – kasi wala siyang trabaho at posibleng utangan ka. Tuwing Pasko na nga lang tayo nagiging masaya…

 

Owwws? Talaga?

 

(Kakatanggap ko lang ng mensaheng text ng isang kaibigan: Itatayo na mamayang umaga ang welga ng mga manggagawa ng Kowloon West – isang restawrang matagal nang sikat sa Quezon City at kilala ng marami. Marami ang nagdaos ng debut, JS Prom at kung anu-anong pagdiriwang dito. Ayon sa nag-text sa akin, 73 manggagawa ang tatanggalin sa trabaho. Hinala ko, pagkalugi ang dahilan ng manedsment. Magandang marinig ang mga kontra-argumento.)

 

Sa isa pang balita, nasabi niyang “Malaki ang epekto ng pagbagal ng ekonomiya ng US sa atin dahil sa ating mga eksport.” Hindi na ipinaliwanag ng balita ang malamang pahayag na ito. Malamang, gayunman, na ang tinutukoy ay ang pagkitid ng demand para sa ating mga eksport, pagkaunti ng mabebenta sa mga ito, pagkabawas ng papasok na dolyar, posibleng pagsasara ng mga pabrikang ang produkto’y pang-eksport, at kawalang-trabaho ng mga manggagawa.  

 

Sinita rin ni Prop. Diokno ang naunang pagsasabi ng Department of Finance na nagkaroon ng P1.7 Bilyong surplas sa badyet ng gobyerno. “Sa halip na surplas, dapat mayroong depisito dahil dapat ginagamit ng gobyerno ang badyet sa pagtulong sa mga tao.” Alam mong matindi ang pangangailangang tulungan ang mga tao kapag isang ekonomistang tulad ni Prop. Diokno ang nagsasabi nito – neo-liberal pa rin naman bagamat naging bahagi ng isang populistang gobyerno.

 

Pinuri niya ang pagpapahayag ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ng kumpyansa na patuloy na matatag na haharapin ng mga Pinoy ang krisis sa ekonomiya ng daigdig. Parang ganito ang sinasabi niya: “Wala namang magagawa eh. Kailangang ganoon ang gawin ng gobyerno.” Kailangan daw kasing mahikayat ang mga tao na gumastos, kaya kailangang magpaka-optimistiko ng gobyerno. Kung hindi gagastos ang mga tao, talagang lalong babagsak ang ekonomiya.

 

 

“Napakahaba at napakamapanghamon ng susunod na mga araw,” sabi niya. Inaasahan daw na aabot ng katapusan ng 2009 ang krisis sa US, at dahil dito’y mahigit kalahati ng mga bansa sa mundo ang papasok sa resesyon – o sunud-sunod na panahon ng kawalan ng paglago sa ekonomiya. Kakatwa, gayunman, na nasabi niyang malayo sa isang resesyon ang bansa. Ano kaya ang nasa likod ng paniniwalang ito? Na kumpara sa iba’y mas maayos pa ang lagay ng bansa? 

 

Anu-ano ang mga payo niya? (1) Ibigay na ang pampaskong bonus para gumastos ang mga tao at sumigla ang ekonomiya. Palakpakan po natin, si Prop. Diokno at ang… Aegis! “Kaya’t ibigay mo na ang aking Christmas bonus…” (2) Huwag mag-panic. Kapag naririnig mo iyan, parang lalong nakakataranta. (3) Magpatupad ng mga reporma sa pagbubuwis. Ewan ko, mula noong ipinanukala ng Econ 11 ang E-VAT, hindi ko na sila gustong naririnig magsabi ng ganyan.

 

Sa karaniwang tao, ito ang panukala niya: Magtipid – “maging kuripot” yata ang salin ng nasa balita – at “pagbutihin ang trabaho.” Kaya siguro nagulat akong marami akong singko at diyes sentimos sa bulsa. Inilabas siguro nang katakut-takot ng gobyerno – para hanggang sa ganoong sinsin, mabadyet natin. Pagbutihin daw ang trabaho dahil posibleng tumungo ang krisis sa tanggalan. Ganoon? Parang sinabi sa iyong mahalin mo ang nanay mong 90 taong gulang.

 

Pero mahal naman ng mga Pinoy ang trabaho; sila ang hindi minamahal ng huli.

 

 

19 Setyembre 2008

 

Magandang balita: Kung pagri-release ng Christmas bonus ang panawagan ni Prop. Diokno, pagri-release naman ng militar kina Karen Empeño, Sherlyn Cadapan at Manuel Merino ang atas ng Court of Appeals! Sabi ng CA sa desisyon nito, may “ilang nalihis, hambog (self-righteous) na tao na humantong sa ekstrahudisyal na proseso ng pagnyutralisa sa mga tutol sa demokratikong sistema ng pamamahala sa bansa.” Ilan? Demokratiko? Posibleng magmatigas pa rin ang militar na wala sa kanilang “kustodiya” ang tatlo. Ang mainam, pagkakataon muli ito para palakasin ang panawagan natin. Sugod mga kapatid!