Tag Archives: Donald Trump

Ilang Suri sa Marawi

Jacob Lawrence1

(1) Ayon sa balita, nagsimula ang kaguluhan sa Marawi City sa pag-reyd ng militar sa isang bahay sa lungsod na pinagtataguan umano ni Isnilon Hapilon, lider ng Abu Sayyaf, noong Mayo 23. Lumaban ang mga pwersa ni Hapilon at humingi ng tulong sa Maute Group. Sa paglaban ng huli, kinubkob ang mga pasilidad ng mga sibilyan, nagkaroon ng sunog sa iba pang katulad na pasilidad, at ilang pulis at militar ang agad napatay. Sa social media at midya ng malalaking kapitalista, balitang-balita ang pagkaipit at pagkagipit sa mga sibilyan.

Dahil sa ganitong kwento, malakas ang opinyong publiko pabor sa pagdurog sa Maute Group at sa Abu Sayyaf. Una sa lahat ay nakatatak na sa naturang mga grupo ang bansag na “terorista.” Pagkatapos, gumawa pa sila muli ng mga hakbangin na ikinapahamak ng mga sibilyan. Ikatlo, nagpakilala silang kabahagi o kaugnay ng “ISIS” o Islamic State in Iraq and Syria o IS, isang grupong lalong nakikilala ng mga Pilipino bilang brutal na internasyunal na grupong terorista.

Pero mahalagang alalahanin ang ilang taon nang karanasan ng bansa sa Abu Sayyaf. Ang grupong ito na sinasabing likha ng Central Intelligence Agency ng US ay hindi nadurug-durog ng militar ng Pilipinas na sinanay at kontrolado ng gobyerno ng US. Tuluy-tuloy itong naging palusot para imilitarisa at dahasin ang mga komunidad ng Moro at iba pang Pilipino, palakihin ang badyet ng militar, at paramihin pa nga ang mga tropang militar ng US sa Pilipinas.

Bukod sa pagtatanggol kay Hapilon, may nagsasabing ang layunin ng Maute Group ay lalong magpapansin sa internasyunal na grupong ISIS para humingi ng suporta. Sa tangkang pagdakip kay Hapilon, may nagsasabing ang layunin ng militar ay sindihan ang tiyak na paglaban ng Abu Sayyaf at Maute Group – kasingtiyak ng naging paglaban na ikinasawi ng SAF 44 noong Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao – at sa gayon ay ilatag ang kalagayan para pwersahin si Pang. Rodrigo Duterte na magdeklara ng batas militar.

Sa ganitong kalagayan na ang Maute Group-Abu Sayyaf sa isang banda at ang militar sa kabilang banda ay parehong naghahangad ng armadong komprontasyon at kaguluhan, at gustong makinabang sa ganitong sitwasyon, marapat at kagyat ang panawagan para iligtas ang mga sibilyan sa Marawi City.

(2) Alam na natin, na bilang tugon sa kaguluhan sa Marawi ay nagdeklara si Duterte ng martial law o batas militar hindi lang sa lungsod kundi sa buong Mindanao noong gabi rin ng Mayo 23. Sinundan niya ito ng pagsuspinde sa writ of habeas corpus sa isla.

Jacob Lawrence2

Sa pinakamabait na pag-unawa, ang ganitong deklarasyon ay maaaring pag-iingat sa posibleng ganting salakay ng Maute Group at Abu Sayyaf sa ibang bahagi ng Mindanao. Ito ang pinakamainam na iniisip ni Duterte sa kanyang deklarasyon. Pamilyar na ang kanyang matatapang at palabang pahayag, gaya ng magiging kasing-bagsik ng batas militar ni Ferdinand Marcos ang kanyang idineklara. Pansindak ito sa itinuturing niyang kalaban, na sa kaso ng “gera kontra-droga” ay tinapatan din ng pamamaslang at iba pang mararahas na hakbangin. Sa kagustuhang manakot noon, ikinumpara niya ang sarili kay Hitler; sa kagustuhang manakot ngayon, sinabi niyang palulusutin niya kahit ang panggagahasa ng mga militar.

Pero humabol agad si Defense Sec. Delfin Lorenzana: saklaw ng batas militar maging ang rebolusyunaryong grupong New People’s Army o NPA. Binawi niya ang pahayag, matapos ulanin ng tuligsa, pero makabuluhan na ang nauna niyang pahayag. Ang kagyat na maitatanong: hindi ba mababanat ang pwersa ng militar kung paparamihin nito ang puntirya ng atake at isasama ang NPA? Hindi ba hihina ang pagsisikap na durugin ang Maute Group at Abu Sayyaf sa Marawi?

Noon pa man, binansagan na si Lorenzana na isa sa mga lider ng pangkating maka-Kanan at militarista, na suportado ng US, sa gobyerno ni Duterte. At muli niyang kinumpirma ang pagsusuring ito sa pahayag niyang iyan.

Sa kasaysayan, ang ibig sabihin ng batas militar ay malaganap na paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan: ekstrahudisyal na pagpaslang, iligal na pag-aresto, pagdukot, pagtortyur, militarisasyon at pambobomba ng mga komunidad at iba pa. Syempre pa, mangangahulugan ito ng todong pagpasok ng mga kumpanya ng pagmimina, plantasyon at iba pa sa Mindanao para dambungin ang likas na yaman nito, na nangangahulugan ng pagpapalayas sa mga Lumad at magsasaka sa kanilang lupa at pagwasak sa kalikasan.

Sa nangyayari ngayon, halos mawasak na ang buong lungsod ng Marawi dahil sa mga atake mula sa himpapawid na pilit tinatawag na “surgical” para palabasing eksakto pero sa katunaya’y hindi pinag-iiba ang mga sibilyan at mga armadong target. Sa naunang mga ulat, sinasabing umaabot na sa 90 porsyento ng 200,000 populasyon ng lungsod ang lumikas – hindi dahil sa mga atake ng Maute Group kundi dahil sa pagbomba ng militar.

Ipinapakita ng pahayag ni Lorenzana na sasamantalahin ng mga maka-Kanan, militarista at maka-US sa militar at gobyerno ang batas militar para paigtingin ang paglaban sa NPA at sa gayon ay sa mga progresibong organisasyong katulad nitong lumalaban para sa tunay na pagbabago.

Jacob Lawrence3

At nakita ito sa sunud-sunod na pambobomba at atakeng militar sa iba’t ibang komunidad ng mga sibilyan sa Mindanao matapos ang deklarasyon ng batas militar: Davao City, Baganga sa Davao Oriental, Matanao sa Davao del Sur, Compostela Valley, Bukidnon, at iba pang lugar. Nanaig din ang pananabotahe sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno kapwa sa National Democratic Front of the Philippines at Moro Islamic Liberation Front matapos ikansela ng mga negosyador ng gobyerno ang paglahok nila sa ikalimang round ng usapang pangkapayapaan.

Malinaw na kailangang ibasura ang deklarasyon ng batas militar sa buong Mindanao, dahil magdudulot ito ng lalong paglaganap ng mga paglabag sa karapatang pantao sa buong isla. Paiigtingin nito ang armadong tunggalian sa iba’t ibang grupong rebelde doon, taliwas sa pahayag at pangako ni Duterte na tutugunan ang mga sosyo-ekonomikong ugat ng naturang mga tunggalian. Sa dulo, papalakasin nito ang kontrol ng mga maka-US, maka-Kanan at militarista sa gobyernong Duterte.

(3) Ayon kay Carol P. Araullo, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan, ang rehimeng Duterte ay “unfolding.” Pwede kaya itong isalin na “nagpapakilala pa lang ng sarili”? Sa isang banda hinihila ito ng mga pwersang kinabibilangan ni Lorenzana, na siyang dominante: maka-Kanan, militarista, maka-US, neoliberal at anti-mamamayan. Sa kabilang banda, hinihila ito ng mga progresibo, ang gusto’y lunasan ang mga sosyo-ekonomikong ugat ng armadong tunggalian, isulong ang independyenteng patakarang panlabas, makabayan sa ekonomiya, at maka-mamamayan.

Nakatindig ang pagsusuri ng mga progresibo sa bansa at sa daigdig: ang mga armadong grupo ng mga ekstremistang Muslim ay likha ng imperyalismong US. Sa porma man ng pagtatatag at direktang pag-aarmas, o pagluluwal sa pamamagitan ng paglikha ng pangkalahatang konteksto ng militarismo at gerang agresyon, ang imperyalismong US ang nasa likod ng mga grupong gaya ng Maute Group, Abu Sayyaf at ISIS.

Marami na rin ang nakapansin sa tyempo ng pag-atake sa Marawi: habang nasa Russia si Duterte. Ang pagbisitang ito ni Duterte, syempre pa, ay bahagi ng pagbaling niya pagdating sa paghingi ng tulong mula sa US patungo sa China at Russia – bagay na ikinababahala at tinututulan ng US. Sa karanasan ng bansa, ang ganitong mga atake ay laging ginagamit na tuntungan para pahigpitin ang pakikipagtulungang panseguridad sa US, paramihin ang tropang militar ng US sa bansa, at iba pang katulad na hakbangin.

Jacob Lawrence4

Kaya naman batay sa katangian ng grupong umatake, sa tyempo ng pag-atake nito, sa pangkalahatang kontekstong pampulitika, at sa inaasahang tugon mula sa pamahalaan, ang agad na mabubuong hinala: ang US ang nasa likod ng pag-atake sa mga sibilyan sa Marawi.

(4) At pinatibay ang ganitong pagsusuri ng naging tugon kapwa ng ISIS, at ng gobyerno ng US mismo, sa panununog ng isang armadong lalake sa Resorts World Manila lampas hatinggabi ng Biyernes, Hunyo 02, na pumatay ng 37 katao.

Sa loob ng ilang oras matapos ang panununog, at habang nagaganap pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa bansa, inako ng ISIS ang “pag-atake,” habang ISIS din ang itinuro ng gobyerno ng US – sa pamamagitan ng isang grupong panseguridad na nagpapakilalang SITE at ni Pang. Donald Trump ng US mismo. Malinaw na pagtatangka itong impluwensyahan ang resulta ng imbestigasyon ng mga kapulisan sa bansa – pabor, syempre pa, sa gustong palabasin at interes ng US.

(Pahabol: Habang nirerebisa ito, balitang-balita ang panggigipit ng mga karatig-bansa ng Qatar dito. Pinutol ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Egypt, Bahrain at Yemen ang diplomatikong ugnayan sa bansa, itinigil ang anumang paglalakbay mula at papunta sa bansa, at papalayasin ang mga mamamayan ng Qatar sa kanilang bansa. Ang gusto ng mga bansang ito: itigil ng Qatar ang independyenteng patakarang panlabas nito at patahimikin ang Al-Jazeera, midyang pag-aari ng Qatar na kritikal sa US at mga alyado nito sa rehiyon. Ang kagyat na nagtulak: ang pagdalaw ni Trump. Sa Pilipinas at sa Middle East, nagbababala si Trump ng “terorismo” para pasunurin ang mga bansa sa gusto ng imperyalismong US.)

Mababanaag sa ganito ang mga layuning taktikal ng US: palakihin ang banta ng terorismo, lalo na ng ISIS, sa bansa at itulak ang batas militar hindi lang sa Mindanao kundi sa buong bansa. Huwag nating kakalimutang sinuportahan ng US ang deklarasyon ng batas militar ni Marcos noong 1972 at napwersa lang itong bitawan si Marcos noong 1986 dahil sa lakas ng protesta at armadong paglaban ng mga mamamayan.

Sa batas militar, gusto ng US na palakasin ang mga maka-US sa gobyerno ni Duterte, tampok ang militar, para lalong mahatak ang huli sa direksyong gusto ng US. Gusto rin nitong atakehin ang mga pwersang panlipunan na nagtutulak ng independyenteng patakarang panlabas at tunay na pagbabago palayo sa US.

Jacob Lawrence5

Sa mga hakbangin ng US kaugnay ng Marawi at Resorts World Manila, makikita ang paggalaw ng US para ilayo ang Pilipinas sa landas ng independyenteng patakarang panlabas na magpapahina ng kontrol ng US sa bansa at maglalapit ng bansa sa mga karibal ng US na China at sa Russia. Mga hakbang rin ito palayo, syempre pa, sa tunay na pagbabagong ipinangako ni Duterte.

Marami ang namamatay, maraming ari-arian ang nawawasak, at ang buong bansa ay nasa anino ng mas matinding karahasan. Tiyak ang masinsing pagsusuri sa sitwasyon ng mga progresibo at pagpapalakas ng iba’t ibang protesta pabor sa mamamayan, sa independyenteng patakarang panlabas, at tunay na pagbabagong panlipunan.

25 Mayo / 06 Hunyo 2017

Galing dito ang mga larawan ng likha ni Jacob Lawrence.

Salita sa Panalo ni Trump

trump-win1

Maraming nagulat sa pagkapanalo ni Donald Trump ng Republican Party sa kakatapos na eleksyong pampresidente sa US. Hindi inakala ng marami na ang bilyonaryong sumikat dahil sa reality show na The Apprentice at sa galit na linyang “You’re fired!” ang papalit kay Barack Obama sa White House.

Ang pagkagulat na ito siguro ang dahilan ng pagdagsa sa social media ng mga artikulong nagpapaliwanag kung bakit siya nanalo. At kung bakit natalo si Hillary Clinton – Secretary of State ni Obama, kandidato sa pagka-presidente ng Democratic Party, at idineklarang mananalo ng midya ng malalaking kapitalista.

Mula sa mga artikulong ito mahahalaw ang mga sumusunod na mga salita, na kung hindi man susi ay interesante sa pag-unawa sa panalo ni Trump.

Popular vote. Ang totoo, panalo si Hillary sa “popular vote” o aktwal na boto ng mga mamamayang Amerikano. Ayon sa pinakahuling balita habang isinusulat ito, nakakuha siya ng botong 63.4 milyon, lamang sa 61.2 milyon ni Trump. Pangalawa pa nga raw siya kay Obama sa pinakamataas na botong natanggap ng sinumang kandidato sa pagkapangulo ng US sa kasaysayan. Masasabi, batay sa boto, na hati ang mga mamamayang Amerikano.

Electoral college. Pero may sistema ang US sa paghalal ng presidente at bise-presidente na ang tawag ay “electoral college.” Dito, may nakatalagang “electors” ang bawat state na kasing-dami ng senador at representante nito; napupunta ang kanilang boto sa kandidatong nanalo sa popular vote sa kanilang state.

Ang mahalagang punto: pwedeng tinambakan ni Hillary si Trump sa popular vote ng ilang state na may kaunting elector; pero sa dulo, iyung bilang lang ng elector ng naturang state ang mapupunta sa kanya. Sa huli, 306 ang electoral college voters na nakuha ni Trump kumpara sa 232 ni Hillary. Panlima si Hillary na mga kandidato sa pagkapangulo ng US na panalo sa popular vote pero hindi sa electoral college at sa gayo’y hindi naging presidente. Marami ang kumukwestyon sa sistemang ito, lalo na pagkatapos ng eleksyon, pero ito ang ginagamit ng US ngayon.

trump-win2

Upset win. Anu’t anuman, panalo si Trump, nang malakas dahil hindi inaasahan. Noong Hulyo, nang maging opisyal siyang nominado ng Republican Party, kinailangang magbabala ng progresibong direktor na si Michael Moore na seryosohin siya – patunay na hindi siya itinuring na malakas na kalaban ng mga Democrats. Nagkaisa rin ang mga huling sarbey sa US bago ang eleksyon, kasama na ang maka-Trump na Fox News: mananalo si Hillary. Ang mga mukha ng mga tagasuporta ni Hillary habang dumadating ang mga resulta, larawan ng kawalan ng kahandaang matalo.

Halos lahat ng mayor na pahayagan sa US, si Hillary ang inendorso. At sa lahat ng nabubuhay na dating pangulo ng US, kahit ang mag-amang George Bush, walang sumuporta kay Trump. Napakarami ring sikat na artista at mang-aawit ang sumuporta kay Hillary. Marami ring kilalang Republican ang hindi sumuporta kay Trump.

Marahil, patunay ang ganitong pagpapakita ng suporta kay Hillary ng nararamdamang lakas ni Trump, na pinilit nilang kontrahin. At lalong naging matindi ang dating ng panalo ni Trump dahil sa malawak na pag-endorso, direkta o hindi, sa kanyang kalaban.

White, white working class. Ang mga Puti, na bumubuo ng 69 porsyento ng lahat ng botante, ang pinakamalaking hanay ng bumoto kay Trump. Karaniwan man o mayaman, babae man o lalake – karamihan ng Puti ang bumoto sa kanya. Sa kabilang banda, bagamat nanalo si Hillary sa mga Latino, Aprikano-Amerikano at kabataang botante gaya ng estratehiya niya, mas mahina ang hatak niya rito kumpara sa naging hatak ni Obama sa nakaraang mga eleksyon.

Tawag-pansin ang panalo ni Trump sa hanay ng mga manggagawang Puti, lalo na ang pag-agaw niya sa mga dating bumoto kay Obama. May naglilinaw, gayunman, na ang tinutukoy ng “working class” sa US ay iyung mga may trabaho pero hindi kabilang sa mga propesyunal. Sa aktwal, ang kita at kabuhayan nila ay hindi mahirap kundi middle class, at ang pinaka-hangad nila ay istableng trabaho.

trump-win3

Ayon sa isang komentarista, mulat si Trump na manawagan sa “working class,” habang si Hillary ay nanawagan sa “middle class.” Positibo ang pagtingin ng mga botante ni Trump sa nakaraan, at pesimistiko ang kanilang pagtingin sa hinaharap. Hinahanap nila ang kinalakhang kalakaran kung saan may istableng trabaho at nakabubuhay na sahod, gayundin ang matagalang katayuan sa isang matatag na komunidad.

Promises. Ang pagbotong ito ng mga working class na Puti, at maging ng iba pang botante, kay Trump ang isa sa mga sinisikap ipaliwanag ng mga artikulo. Tawag-pansin ang mga pangako niya: pangunahin ang disenteng trabaho, de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan, “buhayin ang manupaktura sa US, magbawas ng buwis, pahusayin ang edukasyon, magbigay ng childcare, bawasan ang depisito, gapiin ang ‘radikal na terorismong Islamiko,’ pigilan ang imigrasyon,” at itayo ang isang pader sa pagitan ng US at Mexico para hadlangan ang pagpasok ng mga migrante.

Sa batayang nagdudulot ang “malayang kalakalan” ng pagkawala ng trabaho sa US, kinondena niya ang North America Free Trade Agreement o NAFTA at nagsabing ipapatigil niya ang Trans-Pacific Partnership o TPP. Inaprubahan ng US ang NAFTA noong pangulo si Bill Clinton, asawa ni Hillary, at isa si Hillary sa nagtulak ng TPP sa ilalim ni Obama, pero napwersa siyang sabihing tutol siya rito nang tumutol na si Trump.

Russia. Taliwas sa palaban, at paladigma pa nga, na tindig ni Hillary sa usapin ng Russia, isang bansang lumalakas at naggigiit ng soberanya laban sa US, nagpahayag si Trump ng kahandaang makipagmabutihan sa naturang bansa. Kinondena rin niya ang paggastos ng US sa mga hakbanging militar sa labas nito, tulad ng pagsuporta sa North Atlantic Treaty Organization o NATO – mga usaping dikit kay Hillary na kasalukuyang Secretary of State.

Neoliberalism. Ang punto, kinilala at sinamantala ni Trump ang masamang kalagayang pang-ekonomiya ng mga mamamayang Amerikano. Sumakay siya sa ngitngit nila sa kalagayang ito: tanggalan sa trabaho, kawalang trabaho, mababang sahod, mahal na serbisyong pangkalusugan at edukasyon, at iba pa.

trump-win4

Isama pa ang pagkawala ng bahay o halaga ng mga bahay kaakibat ng binansagang “Great Recession” na pumutok noong 2008. Gayundin ang matinding kawalan ng pagkakapantay-pantay sa pagitan ng 1 porsyento at 99 porsyento na ipinrotesta ng kilusang Occupy. At ang umano’y pagbangon ng ekonomiya nitong mga huling taon na mas pinapakinabangan ng mga maykaya at mayayaman.

Kalagayan itong iniluwal ng mga patakarang neoliberal na ipinatupad ng mga Republican at Democrat na pangulo ng US: ang paglipat ng mga pabrika sa mga bansang may mababang pasahod habang patuloy namang binabarat ang sahod sa US, ang pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan at ang paglobo ng mga bayarin sa mga ito, ang mga scam sa pinansya, at pagkaltas sa buwis ng mayayaman habang dinudurog ang unyon ng mga manggagawa.

Ipinapatanaw ng tema ng kampanya ni Trump na “Make America great again” ang imposibleng pagbabalik sa panahon bago ang neoliberalismo sa Amerika – panahon ng relatibong mas malakas na ekonomiya, regular na trabaho, mataas na sahod, at maayos na serbisyong panlipunan. Bukod pa sa kontrolado ang mga gera sa ibayong dagat at hindi tampok ang banta ng terorismo.

Racism, xenophobia, Islamophobia.
Matagal nang tinatawag si Trump na rasista, xenophobic, at Islamophobic – at batay mismo sa mga pahayag niya. Nitong nanalo na siya, nagbabala si Bernie Sanders, “demokratikong sosyalista” na nabigong maging nominado ng Democratic Party, na lalabanan niya ang mga patakaran ni Trump na may ganitong mga tunguhin. Sinundan din ang panalo niya ng mga pandarahas at pahayag laban sa mga hindi Puti sa US.

Ayon sa mga kritiko, kaakibat ng pangako ni Trump na lumikha ng trabaho sa US ang pagpapalayas sa mga dayuhang migrante, tampok ang mga Mexicano at Hispanics, at paghadlang sa pagpasok nila sa US. Laman naman ng maraming progresibong babasahin ang silbi ng rasismo, xenophobia, Islamophobia at iba pang katulad para sa malalaking kapitalista sa buong mundo: ang itago sa mga manggagawa at mamamayan ng daigdig ang ugat ng problema, na nasa sistema mismo ng monopolyo-kapitalismo.

Dog whistle. Maraming komentarista ang gumamit ng praseng “dog whistle” para ilarawan ang paraan ni Trump ng paghahatid ng mensaheng rasista, xenophobic o Islamophobic. Hindi lantaran o pasabog para sa lahat, kundi pasimple pero tiyak na mauunawaan ng mga may katulad na paniniwala.

trump-win-5

Liberal feminism. Sa kabilang banda, kinatawan ni Hillary ang pagpapatuloy sa mga patakaran ng rehimen ni Obama. Na pagpapatuloy naman ng mga patakaran kahit ni George W. Bush na nauna sa kanya. Gusto ng mga Amerikano ng pagbabago, kahit binaluktot ni Trump ang kahulugan nito, at kinatawan ni Hillary ang dating gawi.

Laban sa mga sexistang pahayag ni Trump, pinatampok ni Hillary ang kampanyang magkaroon ng unang pangulong babae ang US. Ipinanawagan niya sa mga botante ang pagbasag sa “glass ceiling” – ang hindi nakikitang hadlang sa pag-angat ng mga babae sa lipunang Amerikano tungo sa pinakamataas. Halimbawa ito ng feminismong liberal – nagagalak sa pagtaas ng katayuan ng mayayamang kababaihan sa sistemang kapitalista, sa halip na baguhin ang katayuan ng nakakaraming kababaihan sa pamamagitan ng pagbago sa naturang sistema.

Tinuligsa rin ng kampanya niya ang rasismo, xenophobia at Islamophobia ng kampanya ni Trump, pero hindi tinumbok ang pang-ekonomiyang kalagayan ng mamamayang Amerikano na siyang dahilan kung bakit may kagat ang mga ito.

Democratic Party. Kaakibat at dagdag sa lahat ng ito ang pagiging mayorya ng Republican Party sa parehong Kongreso at Senado ng US.

Imperialism. Sa dulo, si Trump na ang pangulo ng imperyalismong US. Naging pangulo siya ng US sa panahong binabayo ito ng iba’t ibang krisis. Sabi ng isang komentarista, “Ang Amerika ay isang bansang imperyal, at maaaring nakikita na ngayon ang pagkabulok nito. Ang kapangyarihan na naghatid ng napakaraming pakinabang sa bansa – para sa mga Puti – ay kinakapos ngayon ng kakayahang ibigay ang naturang mga pakinabang sa mga Puti.”

Anuman ang kanyang mga ipinangako para manalo sa eleksyon, tiyak na mas papasunurin siya ng kalakarang pang-ekonomiya at pampulitika ng imperyalismo. Mas malamang, babalewalain niya ang mga positibong pangako niya sa mga mamamayang Amerikano, habang isinusulong ang reaksyunaryong interes ng imperyalismo, katuwang ang kanyang rasismo, xenophobia, Islamophobia at sexismo.

Left organizing. Sa harap ng panalo ni Trump, malakas ang panawagan ng mga maka-Kaliwa sa US na isulong ang iba’t ibang laban ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano at palakasin ang pag-oorganisa sa hanay nila. Matagal na ring pinupuna ang mga progresibong grupo sa US dahil sa kanilang pagpapailalim at pagbuntot sa Democratic Party, lalo na nang maging pangulo si Obama.

Sa pagiging pangulo ni Trump, lantad at kagyat na ang banta, at lalong wala nang ilusyon para hindi ibayong mag-organisa ang Kaliwa at lumaban ang mga manggagawa at mamamayan ng Amerika.

14 Oktubre 2016

Galing dito ang mga larawan.