Tag Archives: Ferdinand Marcos

Libing ni Marcos Pagkatapos

Diego Rivera3.jpg

Eksakto ang salitang “panakaw” para ilarawan ang paglibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani nitong Nobyembre 18: palihim noong una, paspasang ginawa, at hindi sinasang-ayunan ng marami. Pero hindi pa rin napigilan ng ganitong paraan ang reaksyon ng marami: ang kapal ng mukha!

Bago ang araw na iyun, may mga usap-usapan nang mabilisang ililibing ang dating diktador sa LNMB. Nagising na lang ang bansa na nagkalat ang kapulisan at militar sa Kamaynilaan. At naalarma na lang ang marami nang nabalita noong umagang iyun na inililipad na ang bangkay ni Marcos mula Ilocos Norte patungong Kamaynilaan. Noong hapon, naglabasan na ang mga larawan at bidyo ng pagpaparangal at paglilibing sa bangkay ng pamilya Marcos.

Bago nito, syempre pa, nagdesisyon ang Korte Suprema noong Nobyembre 8 nang pabor sa naturang libing. Nag-apela ang mga tutol, pero inilagak na ang bangkay sa LNMB kahit wala pang desisyon sa naturang apela. Kaakibat nito ang tuluy-tuloy, walang atras, at wala sa katwiran na pagdadahilan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa hakbangin.

Malawak na galit at pagkondena, at malalaking protesta ang naging tugon ng sambayanan. Agad na naging malinaw na hindi lang ito isang maliit na pagkakamali ng gobyerno o presidente. Kahanay ito ng iba’t ibang isyu sa nakaraan na nagpahina, kundi man nagpatalsik, ng mga dating pangulo.

Mula nang ilibing si Marcos, agad nagkaroon ng sunud-sunod na malalaking protesta sa Kamaynilaan at buong bansa. Tumampok ang mga kabataang estudyante, ang mga “millennial” na kamakailan lang ay kinukutya ng ilan dahil raw lulong sa sariling mundo, walang pakialam sa mga isyung panlipunan. Parang anunsyo ng pagdating nila sa pulitika ang galit na wika ng kanilang mga plakard, sariwa at nakikita lang noong una sa social media.

Diego Rivera.jpg

Sa Facebook at social media, humantong ang mga trolls na maka-Marcos at maka-Duterte sa lantarang panghaharas na sekswal – sa layuning pigilan ang ispontanyong pagpapahayag ng galit at pagtutol ng mga karaniwang tao, kasama ang kababaihan. Tila karugtong ng patalastas sa midya ni Marcos noong eleksyong 1986 na pangkama at pambahay lang ang mga babae. Nitong huli, inatake na ng mga trolls ang mga personal na account ng mga tutol at tumutuligsa, tampok ang sa mamamahayag na si Inday Espina-Varona.

Sa Kamaynilaan at buong bansa, ang namumuno ng protesta ay ang pambansa-demokratikong Kaliwa. Hindi naging hadlang ang mabubuting hakbangin at pangako ni Duterte para maging napaka-kritikal nito sa libing-bayani kay Marcos, sa alyansa ni Duterte sa mga Marcos, at kay Duterte mismo; katunayan, naulapan ang naturang mga hakbangin at pangako ng kawalang-hiyaan ng libing sa LNMB. Hindi man nito pinapalusot ang pananagutan ng mga naunang rehimen, ng US at mga naghaharing uri sa muling pagpapalakas sa pamilya Marcos, na matagal nang nagaganap, malinaw ritong naging susi si Duterte sa libing-bayani kay Marcos.

Sabi ni Satur Ocampo ng Bayan Muna, kailangang “muling pag-isipan” ng pambansa-demokratikong Kaliwa ang “taktikal na alyansa” kay Duterte dahil sa nangyari, at kung magtutuluy-tuloy ang ganitong mga hakbangin. Kinwestyon ng Communist Party of the Philippines kung tunay ngang maka-Kaliwa si Duterte gaya ng sinasabi nito at binansagan itong “bulok na trapo.” Sabi naman ni Prop. Jose Maria Sison, tagapagtatag na tagapangulo ng CPP, bunsod ng libing-bayani at ng tinakbo ng mga unang buwan ng administrasyon, na magiging mas malinaw sa darating na anim na buwan ang direksyon ng gobyernong Duterte.

Ang pambansa-demokratikong Kaliwa ang namuno sa noise barrage sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan noong tanghali, at sa protesta sa Unibersidad ng Pilipinas, Miriam College, Ateneo de Manila at buong bansa noong hapon at gabi ng Nobyembre 18. Kasama rin ito sa mga namuno ng malalaking protesta sa Luneta at buong bansa noong Nobyembre 25 at sa Mendiola at buong bansa noong Nobyembre 30, Araw ni Bonifacio. Tiyak na nagpapalakas ito para sa mga susunod na labanan.

Diego Rivera4.jpg

Sa kabilang banda, namumuno rin ng mga protesta ang pangkatin ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Mula sa tuluy-tuloy na pagtuligsa kay Duterte at hindi rito pagbibigay man lang ng tsansa simula’t sapul, mas madiin na ang kanilang pagkondena ngayon, at lumalaro na sa panawagan ng pagpapatalsik. Ang akala ng mababantot na personalidad ng gobyerno ni Aquino ay bumango na sila dahil sa isyu, kaya nagpapakita na sa mga protesta.

Sila ang namuno sa protesta sa Edsa Shrine noong Nobyembre 18 at 30. Lehitimong lunsaran ng protesta ang lugar, pero kilala rin ito sa pagpapatalsik sa pangulo. Mamamayan ang bida sa protesta sa Edsa pero, sa kasaysayan, bahagi ito ng panawagan sa militar na tanggalin ang suporta sa presidenteng nakaupo. Simbolo ng paglaban sa diktadurang US-Marcos ang Edsa, pero ginagamit din ito ng mga Aquino para palakasin ang inaangkin nilang prangkisa sa naturang paglaban.

Tila sinisikap ng pangkatin ni Noynoy Aquino na makuha ang suporta ng US para sa pagpapatalsik kay Duterte, lalo na kung itutuloy nito ang pagsusulong ng “independyenteng patakarang panlabas” gaya ng ipinangako nito. Sintomas ang sagad-sagaring mga pahayag sa social media ni Leah Navarro, dating mang-aawit, pinunong troll ng mga Aquino, at anti-Kaliwa. Imbes na himukin ang paglakas ng lahat ng protesta laban sa libing-bayani kay Marcos, nanawagan siyang huwag daluhan ang mga protesta ng pambansa-demokratikong Kaliwa, dahil umano’y maka-Duterte ito.

Hindi nakakakumbinsi ang mga palusot ni Duterte sa libing-bayani para kay Marcos. Halatang mababaw na palusot lang ang mga ito para sikaping bigyang-matuwid ang paglilibing sa dating diktador at pampulitikang alyansa niya sa mga Marcos. Pinatampok ang naturang kababawan ng sinabi niyang walang pelikulang nagdidiin sa Batas Militar kaugnay ng mga krimeng inaakusa rito.

Ang tiyak, may utang na loob si Duterte sa mga Marcos, dahil tumulong sila sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo, bukod sa iba pang posibleng dahilan. Tiyak na pambayad-utang niya ang libing-bayani sa dating diktador, at iba pang hakbangin marahil. May alyansa siya ngayon sa mga Marcos, kahit pa mas kailangan siya ng mga ito kaysa kailangan niya sila.

Itinulak ni Duterte ang paglilibing kay Marcos sa LNMB sa loob ng unang anim na buwan ng termino niya, habang popular pa siya at pwede pang mabawasan, sa tantya niya marahil, ng pampulitikang kapital.

Diego Rivera2.jpg

Ngayon pa lang, malinaw: Talagang nababawasan ang kanyang popularidad at pampulitikang kapital dahil sa libing-bayani para kay Marcos. At magtutuluy-tuloy ito kung patuloy siyang papabor sa masasamang pangkatin sa bansa – sa mga Marcos, kay Gloria Macapagal-Arroyo, hanggang sa mga haciendero, malalaking kapitalista at sa US. Kaalinsabay, tuluy-tuloy ang mulat na pagsasamantala ng pangkating Aquino sa sitwasyon para patalsikin siya sa pwesto.

Nagpakita si Duterte ng pagiging bukas sa mga ideyang hindi pinanghahawakan ng mga dating pangulo. Kailangang niyang maunawaan na sinuportahan siya ng maraming Pilipino sa kabila ng, hindi dahil sa, alyansa niya sa masasamang pangkating ito. Kailangan niyang maunawaan na naghahanap ng tunay na pagbabago ang sambayanang Pilipino, hindi ng dating gawi pabor sa mga imahen ng tradisyunal na kalakaran ng pulitika at ekonomiya sa bansa. At ibang antas talaga ng kasalanan ang pagpabor sa mga Marcos at maging kay Arroyo.

Malinaw ang pagbasa ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan: para sa mga Marcos, hindi katapusan ang libing-bayani para sa dating diktador. Bahagi lang ito ng mga hakbangin para bumalik sa kapangyarihan, partikular sa Malakanyang, bago ang 2022 o sa taong ito. Bahagi ang libing-bayani ni Marcos ng pagrebisa at pagbaluktot sa kasaysayan pabor sa kanya at kanyang pamilya at sa kanilang ambisyon. At panimula pa lang ito; tiyak, sa maitim na puso nina Imelda, Bongbong, Imee, Ireene at kaanak, pumipintig ang kasabihang isinusulat ang kasaysayan ng mga nagwawagi sa labanan.

Kagyat at nag-aalab ang panawagang “Never again!” Nakatakda na ang susunod na protesta sa Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. Hindi na muli sa mga Marcos at sa Batas Militar!

04 Disyembre 2016

Galing ang mga larawan dito.

Parangal ni Carol P. Araullo kay Fidel Castro. Pagsusuri ni Samir Amin sa pagkapanalo sa pagkapresidente ng US ni Donald Trump.

Drawing A Blank
Parang nabura ang utak, nakikipagkoro si Rigoberto Tiglao kay dating Sen. Jovito R. Salonga sa pagsisi sa Kaliwa sa pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971. Mas masahol kay Salonga, sinasabi ni Tiglao na pwede na sanang bumaba sa kapangyarihan si Ferdinand Marcos noong 1976, kung hindi lang ito natakot na magantihan dahil sa nasabing pagbomba. Ang Kaliwa kasi! Nasaan ang ebidensya?

Tiglao Tsk, Tsk

…doesn’t only sell out on the revolution,
he sells the revolution,
he sells his own selling out
.
– Neferti Xina M. Tadiar

Wala bang blog si Rigoberto Tiglao? Sana kasi doon na lang niya inilagay ang mga materyal umano para sa isinusulat niyang libro. Marami rin namang basurang inilalathala ang Philippine Daily Inquirer, pero ibang lebel itong huling isinulat niya.

Sa sanaysay niyang “Why we are where we are,” na nalathala sa isang buong pahina ng Inquirer nitong 30 Agosto, naghapag si Tiglao – dating “kadre” ng Partido Komunista ng Pilipinas, dating susing tao sa gabinete ng pekeng pangulo, at ngayo’y embahador ng bansa sa Greece – ng kakaibang suri kung bakit nananatiling mahirap ang Pilipinas. Dito, sa kabila ng pagpapanggap na “obhetibo” ang pampulitikang suri niya, kitang-kita ang dalawang bagay: ang galit niya sa Kaliwa at ang paglilingkod niya sa rehimeng Arroyo – na may matagalang gamit, syempre pa, para sa mga maka-Kanan sa bansa.

Beatriz Milhazes 1

KOLONYALISMO NG SIBILISASYON

Kakatwa ang isa sa unang mga tanong ni Tiglao: “Bakit umungos nang husto ang mga ekonomiya ng Europeong sibilisasyon habang nabansot ang karamihan ng ekonomiya sa Asya, Aprika at Latina Amerika?” Syempre, umungos naman talaga ang US at Europa sa ibang kontinente, pero bakit “ekonomiya ng Europeong sibilisasyon” ang praseng ginamit niya? Wala bang “sibilisasyon” ang ibang kontinenteng binanggit? Sa buong sanaysay niya, ramdam ang ganitong paghanga sa naturang “sibilisasyon.”

Inisa-isa niya ang napakaraming posibleng sagot sa tanong, bagamat humantong siya sa kolonyalismo – na para bang hindi siya resolbado sa huli. Sabi niya, grabeng sinamantala ang kolonyalismo bilang paliwanag sa kahirapan ng iba’t ibang bansa. Sabi niya, noong Cold War, kahit tapos na ang “Panahon ng Kolonyalismo,” ginawang kagamitan sa propaganda (propaganda tool) ng Rusya at Tsina ang “mga epekto” nito – para umano magalit ang mga bansa sa mundo sa US at ibang kapangyarihang Kanluranin. Para rin daw kontrahin ang malaganap na anti-komunismo noon.

Pero epekto na lang ba ng “kolonyalismo” ang mayroon noong Cold War, na masasabing nagsimula noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Hindi. Nagpatuloy at tumindi pa nga ang pang-ekonomiyang pandarambong at panggegera ng mga bansang imperyalista sa panahong ito, bagamat hindi na sa dating dominanteng porma ng direktang pananakop, kundi sa porma ng mga relasyong sinasaklaw ng salitang “neokolonyalismo.” At mahirap sabihing epekto lang ng kolonyalismo ang neokolonyalismo. Una, dahil ang mga bansang dominante sa naunang bugso ng kolonyalismo ay iba sa mga bansang dominante sa panahon ng neokolonyalismo. Pangalawa, dahil may sariling daynamismo ang ikalawa sa una.

Kung anumang galit ang naramdaman ng mga mamamayan ng tinatawag na Ikatlong Daigdig sa US at iba pang kapangyarihang Kanluranin, iyan ay dahil sa umiiral noong – at ngayong – relasyon ng pagsasamantala sa pagitan ng huli at nauna. Ibig sabihin, hindi lang kagamitan sa propaganda ang paglalantad sa mapagsamantalang relasyong ito, kundi wastong pagsusuring pampulitikang dapat kilalanin ng iba’t ibang bansa.

Pakiwaring ironic pa si Tiglao: aniya, imperyalismong US pa rin ang tinutukoy ng naiwan-sa-dating-panahong mga komunista (time-warped communists) sa Pilipinas na pangunahing ugat ng kahirapan – kahit dalawang dekada nang nawala ang terminong ito sa propaganda ng Rusya at Tsina. Hindi na uso, pero gamit pa rin ng mga ungas.

Bakit, pagiging uso ba ang batayan ng pagiging wasto? Mahirap na pagtingin ito: Kung nasa Germany si Tiglao noong sinunggaban ni Adolf Hitler ang kapangyarihan, sasabihin siguro niyang ito ang rurok ng sibilisasyon, katulad ng ginawa ng ibang intelektwal noon. Sabagay, noong malakas ang Kaliwa sa bansa, nandoon si Tiglao; nitong nasa kapangyarihan ang rehimeng Arroyo, naroon din siya. Weder-weder lang. Pero nahahadlangan si Tiglao ng mga prehuwisyo ng ideolohiya niya: Hindi ba’t nauuso na uli ngayon ang “imperyalismo” dahil sa mga hakbangin ng mismong US?

Beatriz Milhazes 2

KONTRA-KALIWA, PALUSOT NG MGA MARCOS

Noong ipinapaliwanag na niya kung bakit naiwan ang Pilipinas ng pag-unlad ng Malaysia, Thailand at Indonesia – dahil umano sa tatlong “malalakas na bagyong pampulitika at pang-ekonomiya (perfect political-economic storms)” na tumama sa bansa – lumabas na talaga ang pagiging kontra-Kaliwa, maka-Gloria at maka-Kanan niya.

Tatlong beses daw tumama ang bagyong tinutukoy niya: noong bukana ng dekada ’70, noong bukana ng dekada ’80, at noong pagkatapos ng Edsa People Power 1. At tamang-tama ang paggamit niya sa salitang “bagyo,” dahil itinuturing niyang pangunahing ugat ng mga ito ang mga bagay na wala sa kontrol ng mga Pilipino — at sekundaryong ugat ang Kaliwa. Sabi niya, “At noong nagsikap ang iba pang mahirap na bansa na maging mas mayaman noong dekada ’70 at ’80, nadiskaril tayo sa isang bahagi ng mga insurhensyang komunista at separatista, pero mas mahalaga, ng bukod-tanging pagsasalimbayan ng mga pangyayaring humantong at tapos ay sumunod sa 1986.”

Unang Bagyo. Ang ugat daw ng pampulitika at pang-ekonomiyang bagyong yumanig sa bansa noong bukana ng dekada ’70 ay ang krisis sa langis sa mundo, na sinabayan at pinasahol pa ng “walang kaparis na mararahas na kumprontasyon sa lansangan noong 1970” – na nakilalang “Sigwa ng Unang Kwarto” o “First Quarter Storm,” syempre pa.

Mas kakatwa ang sumunod: Pinagtibay ni Tiglao ang kasinungalingang tuluy-tuloy na inilalako ni dating Sen. Jovito R. Salonga, na ang Kaliwa ang nasa likod ng pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971. Syempre, ginagamit dito ni Tiglao ang awtoridad at yabang ng isang dating “tagaloob” o “insider” sa Kilusan. Pero ano ang ebidensya niya? Ilang beses nang napasinungalingan ang akusasyon ni Salonga sa mismong larangang nagtuturing sa kanyang dalubhasa – sa korte ng batas ng kontra-Kaliwang gobyerno.

Pagkatapos, ang kakatwa, naging ispekulatibo: “Ibang-iba ang kasaysayan at kalagayang pang-ekonomiya ngayon ng Pilipinas kung inilipat ni [dating Pangulong Ferdinand] Marcos ang kapangyarihan sa isang halal na kapalit matapos ang 1976.” Akin ang pagdidiin sa “kung” sa sipi, dahil walang kung sa kasaysayan. Ispekulasyon ito, na kapag sinuong at pinatulan ay pwedeng tapatan ng ibang kontra-ispekulasyon.

At ang kakatwang naging ispekulatibo, naging pantastiko: “Pero ang takot niya sa marahas na paghihiganti sa pagbomba sa Plaza Miranda, na isinisi ng lahat sa kanya, ang malamang na kumumbinsi kay Marcos na kumapit sa kapangyarihan.” Simple ang gustong sabihin: Kung ang Kaliwa ang utak sa pagbomba sa Plaza Miranda, at hindi bumaba sa kapangyarihan si Marcos dahil sa nasabing pagbomba, may kasalanan ang Kaliwa sa deklarasyo ng Batas Militar, sa pagtagal sa kapangyarihan ni Marcos, at sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansa – lalo na noong matapos ang 1976, sabi ni Tiglao.

Ang galing! Bakit nga naman hindi naisip ng mga Marcos ito? Bukod sa pwede nang magkaisa sina Jovito Salonga at Imelda Marcos sa paghanap ng katarungan para sa pagbomba sa Plaza Miranda, mas magaling itong palusot ng mga Marcos sa pagtagal sa kapangyarihan ni Ferdinand kaysa sa pagturo sa umano’y lakas ng mga Komunista noon! Hindi naman talaga gahaman sa yaman at kapangyarihan si Ferdinand – gulay nga raw ang paboritong kainin, sabi ni Imee – talagang napwersa lang siyang manatili sa kapangyarihan dahil lagot siya kapag bumaba sa pwesto! Salamat sa Kaliwa! Ang maraming yaman sa mga bangko, ang mga ginto, ang mga sapatos – wala lang iyun!

Pwede rin itong pahayag sa krisis ngayon ni Gng. Arroyo. Ginagawa kasing mahirap ng mga kontra-Arroyo ang pagbaba sa pwesto ni Gng. Arroyo, dahil isinisi na sa kanya ang lahat ng kasalanan sa mundo – mula sa “Hello Garci” hanggang sa pagpatay at pagdukot sa mga aktibista. Hinay-hinay naman kayo sa pagbabanta ng kaso at iba pang parusa – dahil baka hindi siya bumaba sa pwesto at makatwiran lang naman iyun.

Pero nasaan ang ebidensya ni Tiglao? Una sa lahat, may indikasyon bang pinag-isipan ni Marcos na bumaba sa kapangyarihan matapos ang 1976? May indikasyon bang ginusto niyang magpatawag ng halalan noon para mapalitan siya sa pwesto? Noon ngang 1986, mahigit isang dekada matapos ideklara ang Batas Militar, gusto pa rin niyang manatili sa kapangyarihan, kahit mandaya. Dahil walang ebidensya, nagiging malinaw na sa sobrang pagkontra ni Tiglao sa Kaliwa, nahulog na siya sa pagyakap at pagbibigay-katwiran sa mapanupil at mapagsamantalang mga hakbangin ni Marcos.

Beatriz Milhazes 3

1986 AT PAGKATAPOS, TEORYA NG PAG-UNLAD

Ikalawang Bagyo. Ang bagyo naman noong bukana ng dekada ’80, aniya, ay itinulak ng hindi pagbabayad ng mga bansa sa Latina Amerika sa kanilang utang panlabas. Malabo ang paliwanag ni Tiglao, parang nakadroga: “Lumikha ang malaganap na opinyong publiko na nandaya nang todo si Marcos sa pampresidenteng halalang snap noong Pebrero 7, 1986 ng eksplosibong sitwasyong pampulitika na humantong sa pinakamatinding resesyon ng ekonomiya sa buong kasaysayan, bumagsak nang 7% kada taon noong 1984 at 1985.” Ano raw? Idinulot ng nahuling pangyayari ang nauna?

Ikatlong Bagyo. Pagkatapos naman ng 1986, naganap ang krisis sa kuryente – dahil daw hindi pinaandar ang Bataan Nuclear Power Plant. Sumabay pa ang kudeta ng mga maka-Kanan at ang “pagwawala sa pamamagitan ng pagpaslang sa kilalang mga personalidad” ng New People’s Army. Lumikha raw ito ng imaheng anarkiya ang nananaig sa bansa. Pumutok pa ang Mt. Pinatubo. Napakaraming kamalasan ng bansa.

Kahit sagasa sa integridad ng daloy niya, pinatampok ni Tiglao sa isang subseksyon ang pagdukot ng NPA sa negosyanteng si Noboyuki Wakaoji noong Nobyembre 1986. Kauna-unawa ang sabi niya: Kaya lumikas ang mga mamumuhunang Hapon sa bansa. Pero binanat niya ang punto: Umunlad daw ang Malaysia, Thailand at Indonesia pagkatapos. Na para bang hindi umunlad ang bansa dahil sa NPA. Syempre, hindi niya sinabing mga nagkamali at pinatalsik na elemento ng NPA ang responsable sa nangyari  kahit iyun ang totoo. Oo nga naman, ang layunin niya ay ang pasamain ang Kaliwa.

Makikita sa pagbabalik-tanaw ni Tiglao – at hindi naman sa gusto niyang itago – ang teorya niya kung paano uunlad ang bansa.  Nakasandig ang teorya ng pag-unlad niya sa pamumuhunan – pangkalahatan kunwari pero sa aktwal ay ng mga dayuhan. Malikot ang isip niya sa pagbago ng unawa sa kasaysayan, nang kontra sa Kaliwa at pabor sa mga naghaharing rehimen, pero napakakumbensyunal at konserbatibo niya sa usapin ng pag-unlad. Ito pa rin ang pag-unlad ng mga export-processing zones, agricorporations – pagpapamura at paniniil sa lakas-paggawa, todong biyaya at benepisyo para sa mga namumuhunan, para lang akitin silang pumunta sa bansa.

Sa ganito niya itinutuntong ang lagom niyang “ang batayang rekisito para sa pang-ekonomiyang pag-unlad ay pampulitikang istabilidad.” Hindi ito dapat pagdudahan, sa gitna ng todong paninira niya sa Kaliwa: Panawagan ito para supilin ang Kaliwa. Natural, maging ang ligal na pagkilos sa larangang parlamentaryo ay tinutuligsa niya. Sabi niya, ang “ochlocracy – ang paghahari ng sigawan, hibang na mob o hanay, na tinuligsa na ng mga sinaunang Griyegong siyang nag-imbento ng demokrasya 2,500 na ang nakakaraan – ay isang salaula, maling pag-unawa sa rebolusyong Edsa.”

Muli, makikita rito ang paglilingkod niya sa rehimeng Arroyo. Dahil kailangan ang pampulitikang istabilidad, at durugin ang mga nanggugulo, dapat unawain ang mga hakbangin ng rehimen na mapanupil sa Kaliwa, dapat pa nga itong papurihan. Ginagawa lang nito ang kailangan para umunlad ang bansa. Tama lang din ang rehimen sa hindi pagpansin sa mga nagpoprotesta sa lansangan para sa pagbitiw nito sa kapangyarihan. Lahat ng ito para sa pampulitikang istabilidad – at kaunlaran. Kapansin-pansing hindi tinuligsa ni Tiglao ang Edsa 2 kahit mas maliit na pag-aalsa ito – sa dami ng lumahok at sa kabulukan ng rehimen ipinalit – kumpara sa Edsa 1.

Ginagawa ang pagpapasamang ito sa Kaliwa ni Tiglao sa pamamagitan ng isang porma ng pag-unawa sa ugnayan ng sitwasyon ng lipunan at sa progresibong kilusan dito, ng krisis at Kaliwa. Kapag binabanggit niya ang krisis, maingat niyang iniiwasang ipakitang dito kumukuha ng lakas ang Kaliwa. Bagamat kailangan talaga ang Kaliwa para magkaroon ng epektibong pagkilos ang mga mamamayan sa panahon ng krisis, walang silbi ang Kaliwa kung walang krisis. Ibig sabihin, kaya lumakas ang Kaliwa sa mga panahong binabanggit ni Tiglao, at hanggang ngayon, iyan ay dahil sa krisis ng lipunan – sa kahirapan, gutom at pagkabusabos na dulot nito sa mga mamamayan.

Iniiwasan iyan ni Tiglao. Kaya kahit mukhang kasaysayan ang tinatalakay niya, pagtalikod talaga ito sa kasaysayan. Gusto lang talaga niyang pagmukhaing masama ang Kaliwa. Narito ang krisis, sinasamantala pa. Na para bang hindi ang krisis ang nagpapalakas sa Kaliwa – syempre sa tamang pagkilos din ng huli. Hindi lang sa lumulutang na masama ang Kaliwa sa ganitong pagsusuri, pwede na itong tingnan na madaling pawiin. Kung hindi nakatuntong ang Kaliwa sa hirap, gutom at pagsasamantalang dinaranas ng sambayanan, madali lang itong dahasin at durugin.

Beatriz Milhazes 4

REYALIDAD, PAMPALUBAG-LOOB

Bagamat gusto ni Tiglao na mabahala ang mga mambabasa niya – ang mga naghahari at panggitnang uri sa bansa – sa pag-iral ng Kaliwa sa bansa, sa pangkalahatan ay gusto rin niyang magbigay sa kanila ng pampalubag-loob. “Nasa landas na tayo,” sabi niya nang parang maluha-luha sa pilit at pekeng kaligayahan, “tungo sa maaliwalas na papawirin ng pampulitikang istabilidad at sa gayon ay pang-ekonomiyang pag-unlad.”

Heto ang makabagbag-damdaming panawagan niya: “Tingnan ang mas malaking larawan, tingnan ang mga kongkretong datos, at ang ating bansa ay malayung-malayo sa pagiging, sa mga salita ng isang kolumnista, ‘naghihingalong maysakit.’ Umuunlad ito, hindi katulad ng gusto natin, pero kahit paano, may pag-unlad, habang lumalakas ang ating pampulitikang istabilidad at iba pang demokratikong institusyon.”

Aling datos? Ang halos pagpantay natin sa gross national o domestic product ng mga karatig-bansa? Hindi naman makikita rito ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng hatian ng yamang nalilikha sa bansa – ang patuloy na pagyaman ng mayayaman at paghirap ng mahihirap – na patunay ng lalong pagkabulok ng sistema sa bansa. Hindi rin dito makikita kung pangmatagalan ang pag-unlad. Sa huling State of the Nation Address ni Gng. Arroyo, kinilala niyang hindi na sa elektroniks nakaasa ang ekonomiya, kundi sa ibang larangan ng dayuhang pamumuhunan – business process outsourcing at turismo. Ito ba ang pag-unlad na gusto natin? Nakaasa sa uso sa mundo?

Gaya nga ng palaging sabi nila, “malayo sa sikmura” ang mga datos na ipinagyayabang ni Tiglao. Hindi ito nagbibigay ng kapanatagan sa mga mamamayang alam ang tunay na lagay ng bansa – ang tindi ng kawalang-trabaho at kawalang-hanapbuhay; gutom at mahal ng pagkain at ibang bilihin; kabaratan ng sahod, mga benepisyo, at kita sa pangkalahatan; at kawalan ng akses sa mga serbisyong panlipunan. Si Tiglao ang dapat magising sa katotohanan. Masyado na siyang nagtatagal sa yaman at kapangyarihan, hindi na niya alam ang nagaganap sa mayorya ng mga mamamayan sa bansa.

Sa dulo, ang papel ni Tiglao ang tipong bibigyan ng gradong 5.0 o bagsak sa usapin ng estilo ng pagkakasulat, lohika ng laman, at lalim ng saliksik. Masyado na siyang sunud-sunuran sa rehimen at sistema, at nasusuklam sa Kaliwa, para matinong makapag-isip.

03 Setyembre 2009

Ang Cory Aquino na Gusto ko

Kahit naging aktibista ako, hindi ako tumigil sa paghanga kay Cory Aquino. Pero hindi sa buong buhay at buhay-pulitika niya, kundi sa ilang tampok – o pinakatampok pa nga – na bahagi nito. Syempre, kritikal ako sa rekord niya ng pamumuno. Ang kakatwa sa mga parangal sa kanya ngayon, parang hindi ang pagkapangulo niya ang tumatampok, kundi ang ibang bagay tungkol sa kanya.

Hinahangaan ko si Cory, ang maybahay na walang interes lumahok sa pulitika, pero todong sumuong dito noong naramdaman niya ang pangangailangan at aktwal na hiniling ng mga mamamayan na palitan niya ang kinamumuhiang pangulo. Hinahangaan ko ang tapang at tatag niyang labanan ang diktador na si Marcos, at ang pagtitiwala niya sa mga mamamayan na hindi lang sila boboto nang tama, kundi ay magpoprotesta kapag dinaya ni Marcos ang halalan.

Hinahangaan ko si Cory, ang dating pangulong lumabas sa pagreretiro at lumabag sa katandaan at sakit para makisangkot sa paglaban sa pinakabuktot na mga hakbangin ng mga rehimeng pumalit sa kanya. Hinahangaan ko ang kahandaan niyang sunugin ang kanyang tulay, kahit pansamantala, sa mga nasa kapangyarihan – na desperadong kunin ang suporta niya. Hinahangaan ko ang giting at gilas niya sa pagsasalita at pagkilos kasama ang mga mamamayan.

Cory Doy Marcos Bust

cory_aquino_obit_04

Ano ang laman ng paghangang ito? Ano ang nagbibigay-buhay rito?

Ang mga larawan niya kasama ang mga mamamayan, lalo na sa lansangan, sa paghahangad ng pagbabago – noong paglaban sa diktadura, Edsa 1, Edsa 2, mga protesta kontra sa rehimeng Arroyo. Lagi niyang dala ang malambing na ngiti niya, na parang nagsasabing natural lang na hakbangin ang magrali laban sa masamang pamahalaan. May dating siyang nagsasabing tama ang ipinaglalaban. Hindi ko masyadong gusto ang mga larawan niya sa pwesto, bilang pangulo – bagamat marahan niyang ipinapakita sa mga ito na siya, hindi iba, ang pinuno.

Ang mga kwento ng kalmadong tapang niya sa paglaban, tampok ang maanghang na mga pahayag niya kontra kay Marcos, ang kagustuhan niyang sumama agad sa pagkilos sa Edsa 1, ang mga pahayag at pagkilos niya laban kina Estrada noon at Arroyo nitong huli, maging ang pagharap niya sa “standoff” sa Fort Bonifacio noong Pebrero 2006. Noong pinipigilan siyang magpakita sa Edsa 1, dahil baka siya mabaril, sabi niya, “Hindi ba, ang sabi natin, tuluy-tuloy ang laban na ito?” Hindi siya takot sa harapan ng hanay, sa linya ng dangal.

Ang mga panayam niyang anekdota-dito-anekdota-doon ang estilo. Laging nakatanim sa mga kwento ang mga batayan niya sa isang tindig o pagkilos, at kung paano niya nasumpungan ito. “Alam mo… Sabi sa akin ni… Sabi ko naman…” Napakapersonal ng dating ng pakikisangkot niya sa pulitika sa ganitong mga kwento. Mararamdaman kung paano siya inudyukan ng mga mamamayan sa iba’t ibang panahon na makiisa sa pagkilos. Damang-dama niya ang hamon, nang laging may pagpapakumbaba sa ano ang maiaambag niya.

Ang mga pagbabalik-tanaw niya sa mga sakripisyo at kahirapang sinuong. Bagamat kalakhan nito ay may temang relihiyoso, makikita ang mahigpit niyang paniniwala sa kawastuhan ng ipinaglalaban niya, sa mga taong malapit sa kanya, at sa wisyo at aksyon ng mga mamamayan. Makikita ang pag-asa niyang maaalpasan din ang anumang kahirapan. Tulad ng mga aktibista, ipinapakita niya na posibleng tumanda sa tuluy-tuloy na paglaban nang hindi nagpipighati at nagkukwenta ng sakripisyo, at nang napapayabong nito, hindi naigugupo.

Obit Philippines Corazon Aquino

cory_aquino_obit_06

Kapansin-pansin ngayon sa mga parangal kay Cory ang pagpapasalamat ng iba’t ibang tao, karaniwan at hindi karaniwan, sa kanya. Sa abang pagtingin ko, nagpapasalamat ang mga tao sa kanya hindi dahil tinitingnan siyang nagbigay nang todo-todo sa paglilingkod sa bayan – hindi lang dahil dito.

Mas mahalaga, nagpapasalamat sa kanya ang mga tao dahil, sa tingin ng marami, mahirap man para sa kanya, ibinigay niya ang hiniling sa kanya ng mga mamamayan sa mahahalagang yugto ng kasaysayan: ang lumaban at mamuno sa paglaban sa mga diktadura at ilehitimong pamumuno.

04 Agosto 2009