Tag Archives: indie film

Lumad sa Puso ng Tu Pug Imatuy

Tu Pug Imatuy1

“Bobombahin ko iyan,” sabi ni Pang. Rodrigo Duterte patungkol sa mga paaralan ng mga Lumad matapos ang ikalawa niyang State of the Nation Address noong Hulyo 24. Ilang araw bago iyun, nagprotesta sa Kongreso at ikinulong ng pulisya ang ilang guro ng naturang mga eskwelahan. Tutol sila sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao na nagpapatindi sa militarisasyon sa mga komunidad at paaralan ng mga Lumad – ang mga katutubong mamamayan ng Mindanao na hindi Kristiyano at hindi rin Muslim.

Napanood ko ang indie film na Tu Pug Imatuy, may titulong Ingles na The Right to Kill, matapos ang mga pangyayaring ito. Simple ang kwento, na siguro’y sumasaklaw lang ng tatlo o apat na araw. Sinundan nito ang pang-araw-araw na buhay ng mag-asawang Lumad na sina Dawin at Ubonay. Hanggang sa dumating ang isang iskwad ng militar sa kanilang lugar, dahasin at bihagin sila, at pwersahin silang ituro ang kinaroroonan ng mga rebeldeng New People’s Army. Lumaban sila, tampok si Ubonay, at nanaig.

Huli ko nang napanood ang pelikula. Umani na ito ng maraming awards mula sa film festival na sinalihan nito. Tumanggap na rin ito ng maraming papuri mula sa mga manonood at manunuri. Kung ibabatay sa kasikatan nito sa ilang seksyon ng bansa, madaling makalimutang ngayong 2017 ito lumabas. Pero huli man daw ang manonood, kung mahusay ang pelikula at nananatiling napapanahon ang paksa, marapat pa ring magsulat ng rebyu. Napakahusay ng Tu Pug Imatuy, at lubhang napapanahon.

Una, malinaw at simpleng nailatag ng pelikula ang mas malawak na konteksto ng naratibo nito. At nagkwento lang ito, hindi nangaral. Bagamat hirap, may sariling kakanyahan ang pamumuhay ng Lumad. Nakasalalay ang simpleng buhay nila sa kanilang lupang ninuno o yutang kabilin. Matagal na silang nakatira rito at matagal na nila itong ipinaglalaban. Dumating ang mga kumpanya ng pagmimina at nangwasak. Tutol sila sa pagpasok na ito, kaya dumarating ang militar para ipwersa ito sa kanila.

Tu Pug Imatuy2

Ikalawa, ipinakita ng pelikula ang pandarahas sa mga Lumad, pangunahin kina Dawin at Ubonay, ang paglabag sa karapatang pantao nila. Sa husay ng pagpapakita, para na rin itong pagpapadanas sa manonood. Dahil sa pagsahol ng lagay ng bansa, hindi na tanong para sa marami kung totoo ba ang mga paglabag sa karapatang pantao o hindi. Ang totoo, nakakamanhid na ang dami ng ulat tungkol rito. Ito ang binasag ng Tu Pug Imatuy; ipinaramdam nito ang pambababoy, ang makahayop na pagtrato, sa Lumad.

Ikatlo, malinaw at makatotohanan ang paglalarawan sa mga pwersang pampulitika sa kwento. Ang Tu Pug Imatuy, higit sa anuman, ay pagdakila sa paglaban ng mga Lumad sa pang-aagaw sa kanilang yutang kabilin at pandarahas sa kanila. Hindi kataka-taka na pinahigpit nito ang pagkakaisa ng mga nanood na Lumad na nasa Haran, Davao dahil nagbakwit (evacuate) mula sa militarisasyon at ng mga tagasuporta nila. Ito ang kwento ng intelektwal at kolumnistang si Arnold P. Alamon na doon nanood ng pelikula.

Sa unang bahagi, ipinakita ang pagtatalo sa hanay ng militar, sa pagitan ng batang Lieutenant Olivar at matandang Sargeant Villamor – ang kanilang pangalan ay kumbinasyon ng mga mananakop na Amerikano at Espanyol. Ang una, tutol sa malupit na pagtrato sa Lumad ng ikalawa, tila naniniwala sa mabait na pagkuha ng “puso at isip” ng katutubo. Pero sa pagtakbo ng kwento, ipinakita ang pananaig ng malupit na pagtrato, na siya namang totoong nararanasan ng mga Lumad at mamamayang Pilipino.

Mahalaga ang papel ng NPA sa pelikula, bilang kakampi, katuwang at tagapaglingkod ng mga Lumad. Agad makikita ang kaibahan ng hukbo na may babaeng may susing papel kumpara sa militar na puro lalake. Ang NPA ang nagbigay ng kalagayan na sinamantala ni Ubonay para tumakas at lumaban muli. Mas maraming napatay si Ubonay kaysa sa NPA, bagamat ang mahalagang idiin ay magkaisang-hanay silang lumaban. Positibo ang katapusan ng pelikula dahil sa pagsisikap ni Ubonay, at dahil sa tulong ng NPA.

Tu Pug Imatuy3

Ikaapat, ipinasilip ang paaralang Lumad. Dahil may mga Lumad tulad ni Dawin na hindi marunong magbilang, nagsisikap ang komunidad na itaas ang karunungan. May mga nagsusuplong man sa mga eskwelahan bilang likha ng NPA, watawat ng Pilipinas ang nakawagayway rito at may larawan pa ni Noynoy Aquino, pangulong nagpaigting ng atake sa mga Lumad. Mayroon itong hukay para pagtaguan ng mga bata kapag binobomba ng mga militar ang eskwelahan, pero walang baril o anumang armas.

Nagtuturo ito ng pangangalaga sa kalikasan at ng “imperyalismong Amerikano” – na bahagi ng kasaysayan, simpleng depensa ng guro sa pelikula. Itong lugar ng pagkatuto ng mga Lumad, ginagawang target ng pandarahas ng militar at gobyerno. Dahil sa mga paaralang ito, ang isang anak ni Dawin ay nangangarap maging guro. Si Lieutenant Olivar, hindi si Sargeant Villamor, ang umihi sa mga gamit sa eskwela. Tila kahit para sa naliliwanagang militar, hindi kapani-paniwala ng nagsasariling pagkilos ng mga Lumad.

Ikalima, mahusay na nailahad ang nilalaman dahil pasado, kung hindi man mahusay, ang porma ng pelikula – mula sa simpleng kwento at payak na diyalogo hanggang sa mahuhusay na mga aktor, mula sa buhay na kuha ng kamera sa mga eksena hanggang sa mapagmuning tutok sa kalikasan. Maraming eksena ang nakakatindig-balahibo. Patunay ang pelikula ng natatanging lugar ng sining sa pagsusulong ng progresibong pulitika at ng pagiging materyal ng progresibong pulitika para sa mahusay na sining.

Pero may pagbaklas din sa mga kumbensyon ng pelikula ang Tu Pug Imatuy. Masasabi na bida ng pelikula si Ubonay, pero hindi siya ang bidang inapi-api lang. Lumaban siya, pero hindi rin sa karaniwang hulma ng mahusay o pinagpala. Masasabi ring nagtagumpay siya sa paglaban, pero hindi ito tagumpay na maningning, mapagbunyi, masigabong palakpakan. Natapos ang kwento, pero walang paramdam na tapos na ang laban. Mahirap at buwis-buhay ang paglaban ni Ubonay, parang ang pakikibaka mismo.

Kapuri-puri ang tapang, talas at husay ng mga nasa likod ng pelikula: Arbi Barbarona (direktor), Arnel Mardoquio (screenplay), Arbi Barbarona at Bryan Jimenez (cinematography), Norhaya Diabo Macusang, Milo Tolentino, Arnel Mardoquio, at Arnel Barbarona (producers) at Malona Sulatan, Jong Monzon, at iba pang artistang gumanap. Pagpupugay sa kanilang lahat! Ang dapat na humabol ngayon ay ang mga pagsisikap na maipalabas ang pelikula sa buong bayan at maging sa ibang bansa.

Tu Pug Imatuy4

Interesante ang pagmumuni ni Andrea Malaya M. Ragragio, propesor sa UP-Mindanao at kolumnista, hinggil sa pagpatay. Humalaw siya sa pilosopong si Walter Benjamin para sabihing bagamat kautusan sa Bibliya ang “Huwag kang papatay,” hindi ito nagbibigay ng lahatang paghusga sa mga taong pumatay. Humalaw naman siya kay Slavoj Zizek, isa pang pilosopo, para sabihing ang “banal na karahasan (divine violence)” gaya ng ginamit ni Ubonay ay patunay ng kawalang-katarungan sa mundo.

Ayon kay Ragragio, ang ibig sabihin ng praseng Manobo na “tu pug imatuy” ay “ang pumatay” at ang direktor na ng pelikula ang gumamit ng Ingles na prase para sa “karapatang pumatay.” Kinikilala ng lipunan, at katanggap-tanggap pa nga rito, ang karapatang pumatay sa isang eksaktong pakahulugan – pagdepensa sa sarili laban sa tangkang pagpatay. Ganito ang dinanas ni Ubonay sa kamay ng militar, ang dinadanas ng Lumad sa kalakarang panlipunan na nagsisilbi sa malalaking kapitalistang dayuhan.

Pero nakakapagpaisip ang matatagal na nakatingalang pagtutok ng kamera sa kalikasan. Nag-uudyok ito ng mga pakahulugan na katanggap-tanggap din. Antas-pilosopiya: batas ng kalikasan ang tunggalian, na kapag may nang-aapi, may lalaban, kasama na ang pagpatay sa mga pumapatay. Antas-pulitika, kaugnay ng nauna: sa kanayunan, malayo sa sentro ng kapangyarihan ng iilan, kinakayang magtayo ng Estado ng nakakarami, “espesyal na pampublikong pwersa” sa salita ni Engels, “organisasyon ng karahasan para sa pagsupil sa kung anong uri,” sa salita ni Lenin, may kapangyarihang pumatay.

Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan; ganyan ang pagpapalayas at pandarahas sa Lumad para sa bansa. Sagad ang pagsasamantala, mula manggagawa, magsasaka at iba pang maralita, umaabot sa pag-angkin sa yamang likas sa malayo. Ang mga kababayan nating walang-wala, nabuhay sa sariling kayod na parang kinalimutan na ng sentro ng kapangyarihan, ay biglang naalala – para apihin. Silang nagsisikap bumangon at sumulong, gamit ang kanilang paaralan, ay gustong patagin sa lupa.

Panoorin ang Tu Pug Imatuy at lalong pumanig sa Lumad at bayan.

15 Agosto 2017

Galing ang mga larawan sa Facebook page ng pelikula.

Advertisements

Sa kabila ng ilang kahinaan, mahusay na pelikula sa pangkalahatan ang Dukot. Nagbibigay ito ng simbolikong resolusyon sa suliraning panlipunan kaugnay ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot – sa pagpatay ng kapatid ng bida sa militar na nagpahirap at pumatay dito. (Galing ang mga imahen sa ibaba sa Multiply site ni Boy Dominguez, iginagalang na pintor at artista. Maraming salamat!)

Kalikot sa Dukot

Mahusay ang pagpapakita ng pagiging brutal ng karahasang pinawalan ng rehimeng Arroyo sa mga aktibista at maging sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at mamamahayag – na, katulad ng mga aktibista, ay nagsisiwalat ng lagay ng mga mamamayan. Mahusay rin ang pagpapakita kung paano nilalaro ng militar ang opinyong publiko sa pamamagitan ng simpleng pagbaligtad ng mga kwento – imbes na militar ang gumawa ng isang bagay, ibibintang ito sa New People’s Army o NPA.

Nakatulong ang paggamit sa pagbabalik-tanaw at hindi pagiging linyar ng naratibo. Ang hinala ko, solusyon ito sa praktikal na problemang hinarap ng mga gumawa ng pelikula, dahil nga nakatuon ito sa tortyur. Naiadya nito ang mga manonood sa tuluy-tuloy na panonood sa karahasang dinanas ng magkasintahan sa kamay ng militar.

Mahigpit ang pagkakatahi ng istorya, at lalong dapat itong papurihan dahil ayon kay Bonifacio P. Ilagan, sumulat ng script ng pelikula, batay ang lahat ng laman ng istorya sa mga kwentong naganap sa totoong buhay – ibig sabihin, sa mga aktwal na dinanas ng mga aktibista sa bansa. Sa matatag na pagharap nina Junix at Maricel sa pagpapahirap ng militar – hindi nagsuplong, walang ipinahamak – maaalala tuloy ang iba pang katulad na kwento ng iba pang progresibo at rebolusyunaryo sa bansa.

Isa pang martir sa labanang iyun sa Panay si Antonio Hilario (TonyHil), inaalala ng mga kasama kahit ngayon bilang “utak pang-organisasyon” ng Samahan ng Demokratikong Kabataan… [S]ugatan si TonyHil. Sabi ng mga nakasaksi, inilibing nang buhay si TonyHil ng mga sundalo ng kaaway. Nang nakataas ang kamao ng pagbabalikwas, sumisigaw siya ng “Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!” habang sadistang tinatabunan ng lupa ng kaaway. [Antonio Zumel, “Remembering the Martyrs,” 1992 nasa Radical Prose: Selected Writings, 2004.]

Sa mga hindi aktibista, ipinapakilala ng pelikula ang panganib na dulot ng cellular phone sa mga aktibista – na tumampok sa panahon ng paghahari ng rehimeng Arroyo. Para sa karaniwang tao, normal na gamit pangkomunikasyon lang ito at pinagmumulan ng kasiyahan sa araw-araw. Pero bukod sa narito ang mga taong kaugnayan ng isang aktibista, ginagamit din itong pang-tukoy ng kinaroroonan niya. Sa panahon ng rehimeng Arroyo, maraming kwento tungkol sa bagay na ito.

Sa isang probinsya, bago lumaganap sa mga aktibista ang kaalaman tungkol sa panganib ng cellphone, nagpupulong ang ilan sa kanila:
Aktibista 1: (Nakatingin sa
cellphone.) Oh, bakit nagte-text ka pa eh kaharap lang kita? Tsaka narinig mo naman ang sinabi niya, bakit itinatanong mo pa ulit?
Aktibista 2: Hindi ako nagte-
text.

Bagamat naipakita ng
pelikula na wasto at makatarungan ang ginagawa ng mga aktibista, mas madiin ito sa pagsasabi ng isang punto: Na kung inaakusahan man sila ng kung anong kasalanan ng Estado, hindi sila dapat basta na lang dukutin o barilin, kundi litisin at ipakulong. Ito naman talaga ang pagtinging mas makakahatak sa mas marami para tumutol at lumaban sa pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista.

Tiyak, gayunman, na mapapaisip ang mga nagpasyang maging kritikal sa pelikula kung bakit pinatay ng kapatid ni Junix ang militar na bagamat oo nga’t nagtortyur at pumatay sa kanyang kapatid ay dapat din sigurong iharap sa batas at parusahan batay dito. Hindi ba’t labag ito sa sinasabi ng pelikula?

Dito hirap ang maraming liberal sa bansa: ang igiit ang dapat habang kinikilala ang totoo – ang igiit na dapat parusahan sa batas ang mga inaakusahang nagkasala rito habang kinikilalang marami ang gumagamit ng dahas labas sa Estado para maghanap ng katarungan sa mga pandarahas ng militar.

Ano ang kaibahan ng liberal at Marxista?
Kapag nakakita sila ng pulubi sa kalsada…
Sasabihin ng liberal: Hindi gumagana ang sistema.
Sasabihin ng Marxista: Gumagana ang sistema.

Ang hinala ko, pinatay ng kapatid ni Junix ang militar sa dulo hindi bilang personal na paghihiganti, kundi bilang miyembro ng NPA. Ang pinangyarihan ng pagpatay – ang sabungan – ang batayan ko. May inilathala kasi dati ang Pinoy Weekly tungkol sa pagpatay ng NPA sa isang elemento ng militar na napatunayan nitong responsable sa pagdukot at pagpatay sa mga aktibista sa Bicol, na naganap din sa sabungan.

Pero ang hinala ko, hindi naunawaan ng mga manonood na NPA sa yugtong iyun ang kapatid ni Junix. Wala naman kasing anumang palatandaan sa pelikula na ganito nga. Pero NPA man o hindi, malamang na papalakpakan ang eksenang ito ng mga manonood – bunsod ng pagkasuklam sa pagpapahirap na ginawa kina Junix at Maricel.

Hindi makakawala ang Dukot sa paghahambing sa Orapronobis. Sila naman kasi ang pinakamatapang na mga pelikulang progresibo sa kasaysayan ng bansa. Pareho silang nag-endorso ng paggamit ng dahas, at nagpapatanggap sa mga manonood na may mga tao sa lipunan na naitutulak na gumamit nito – anuman ang paghusga natin sa kanila.

Lumabas ang Orapronobis noong 1987; ang Dukot, ngayong 2009. Pareho silang kumukwestyon sa “demokrasya” sa bansa. Pareho silang lumabas sa isang panahon ng paghupa ng pampulitikang panunupil – kumpara sa panahon ng diktadurang US-Marcos at kasagsagan ng pampulitikang pagpaslang ng rehimeng Arroyo.

May pagkagulat sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Orapronobis – na ang mga porma ng pampulitikang panunupil na namayagpag noong panahon ng diktadura ay nagpapatuloy sa bagong rehimeng tinatawag na “demokratiko.” May pagkagulat dahil may pag-asang namamayani sa bagong rehimen, bukod pa sa ang militarisasyon sa kanayunan na isiniwalat ng pelikula ay hindi gaanong malaganap sa kaalaaman lalo na ng mga manonood na nakabase sa urban at ibang probinsyang hindi naging puntirya.

Bagamat may pagkagulat din sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Dukot, mas dulot ito ng tindi ng brutalidad na ipinakita, na lingid sa kaalaman ng marami. May pangkalahatang kaalaman na kasi ang mga manonood sa isyu ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot. Wala rin kasing namamayaning pag-asa sa demokrasya, kundi papadausdos na pesimismo at sinisismo rito at sa posibilidad nito sa bansa.

Kinakaya pa ng ibang bansa na panatilihin ang mga relasyon sa pag-aari sa pamamagitan ng mga pamamaraang tila hindi kasing-marahas tulad ng gamit sa ibang bansa. Nagagawa pa ng demokrasya sa mga bansang ito ang pagkamit ng resultang siyang dahilan kung bakit kailangan ang karahasan sa iba – sa partikular, ang tiyakin ang pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. [Bertolt Brecht, “Writing the Truth: Five Difficulties,” nasa Galileo, 1966.]

Ang problema sa Dukot, gayunman, ay nasa karakter na si Junix. Bukod sa pagiging masigasig na aktibista at marubdob na mangingibig, wala nang ipinakita sa pagkatao niya. Sa panahong tinotortyur siya at si Maricel, mas matatandaan siyang nagbigay ng palaban at matalas-sa-pulitikang mga pahayag. Na para bang sapat na tanganan ang mga pahayag na ito para maging matatag sa harap ng matinding pagpapahirap.

Sa tingin ko, hindi. Marami ang kailangan para maging matatag sa gitna ng tortyur at banta ng kamatayan. At ito sana ang naisama sa mga pagbabalik-tanaw sa buhay ni Junix: ang mga kwento ng katatagan ng mga naharap sa parehong sitwasyon, ang epekto ng pagtataksil sa mga kapwa-aktibista sa kanila at sa mga inoorganisang anakpawis, ang pagmamahal sa mga kasama at masa, ang mga biruan, at iba pa. Hindi naipakita ang paghango ng isang aktibista sa kultura ng paglaban at pagrerebolusyon sa bansa ng lakas para kaharapin ang pandarahas at banta ng pagpatay. Pwedeng sa ganitong konteksto umangat ang personalidad niya, o maipakitang nahubog.

Tampok ang paghahambing kung paanong mula sa pag-oorganisa at pamumuhay ay ikinahon ang katawan nina Junix at Maricel hanggang sa tuluyang pinatay ang mga ito at kung paano, sa kabilang banda at kasabay naman, umalpas ang katawan ng kanilang mga magulang sa tradisyunal na mga espasyo ng mga ito patungo sa paglaban.

Salamat sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at sa buong kilusang progresibo, makatotohanan ang optimismo ng kwento ng pelikula: Na bagamat hindi mapapalitan ang mga aktibistang nagbuwis ng buhay, maging ang kamatayan nila ay pagkakataon para dumami ang mga lumalahok sa kilusang progresibo.

22 Nobyembre 2009

Sabi ni Jessica Zafra, kung sa Unibersidad ng Pilipinas naganap ang forum ni US State Sec. Hillary Clinton noong dumalaw siya sa bansa, malamang na nabulabog ito ng “mga aktibistang bibigkas ng 10-paragraph na talumpati nang napakabilis, sa malalim na Tagalog, nang hindi humihinga.”

Sobra naman ito si Jessica, sabi ko. Kaya tiningnan ko ang press release ng League of Filipino Students, na wala sa website nila. Ang sabi, plano pala ng mga aktibista na magbasa ng bukas na liham kay US Pres. Barack Obama sa nasabing okasyon. Hehe.

May “An Inconvenient Solution” na pala, ang bidyo-dokumentaryo na kasunod ng sikat na bidyo-dokumentaryo ni Al Gore. Posible kaya ang sinasabi nito?

May rebyu si Prop. Sarah Raymundo ng pelikulang Capitalism: A Love Story ni Michael Moore. Heto naman ang rebyu ni Diwa Dimagiba sa Dukot.

May isinulat si Barbara Foley, kilalang progresibong akademiko sa US, tungkol “anti-komunismo ni Barack Obama.”

Heto ang talumpati ni Kong. Mong Palatino sa pambansang kumbensyon ng kanyang party-list na Kabataan. Heto naman ang mga punto ni Dr. Carol Pagaduan-Araullo tungkol sa nasabing party-list.

Heto ang blog na laan sa ikalimang anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita na naganap noong 16 Nobyembre 2004.