Judy Kind of Love

Judy Taguiwalo1

Maraming seksyon ng lipunan ang kumokondena ngayon sa pagtanggi, nitong Agosto 17, ng Commission on Appointments sa pagkakatalaga ni Prop. Judy M. Taguiwalo bilang sekretaryo ng Department of Social Welfare and Development. Bukod sa Kaliwa, na maasahan na dahil matagal nang aktibista si Taguiwalo, nagsasalita ang mga pulitiko, pahayagan, personalidad, at maging “social media practitioners” na kilalang kakampi ni Pang. Rodrigo Duterte. Mismong CA ay hindi nakapagbigay ng batayan para sa desisyon at ang Malakanyang ay nagpahayag ng pagkalungkot. Para tuloy karaniwang krimen ang naganap – walang nagsasalita para ipagtanggol, pero nangyayari pa rin.

Alam ng marami, kung hindi man ng lahat, na pasado si Taguiwalo kung kwalipikasyon ang pag-uusapan. Matagal na siyang aktibista – nagtaya ng buhay sa paglaban sa diktadurang US-Marcos at namuhay nang simple – at sa gayo’y malapit sa mga maralita at kakampi nila. Progresibong guro siya ng kolehiyong laan sa Social Work at Community Development, angkop sa DSWD, at humawak ng iba’t ibang katungkulan sa Unibersidad ng Pilipinas. Kasama na ang pagiging kinatawan ng kaguruan sa Board of Regents, pinakamataas na lupong pampatakaran sa UP. At nitong naging sekretaryo siya ng DSWD, ipinakita niyang mahusay siya, maaasahan, at walang kapaguran.

Bakit kung gayon tinanggal ng CA si Taguiwalo sa kanyang katungkulan? Dahil tinutulan niya ang pagbabalik ng sistemang pork barrel ng mga mambabatas kaugnay ng DSWD. Serbisyo nga naman ang ibinibigay ng ahensya, hindi na dapat dumaan sa mga pulitikong gustong magpalakas sa “nasasakupan” at nagsisilbi pang hadlang. Dahil siya’y hindi maku-kurap o “incorruptible,” at ginamit ng mga nagdaang pangulo ang DSWD na daluyan ng kurakot. Paano, madaling magdeklara na ang ganito karaming tao, halimbawa, ay nabigyan ng serbisyo – kahit hindi naman. Dahil, sa madaling salita, hadlang siya sa burukrata-kapitalismo – paggamit ng katungkulan para magpayaman.

Dahil ang maraming maralitang lumalaban ay tiningnan ng DSWD ni Taguiwalo na maralita muna bago lumalaban, at tinulungan: mula sa mga kasapi ng Kadamay na nag-okupa sa Pandi, Bulacan hanggang sa mga Lumad na nakikipaglaban para sa kanilang mga komunidad laban sa militarisasyon. Dahil kinwestyon niya ang balangkas ng World Bank at iba pang makapangyarihang institusyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino at iba pang programa ng ahensya. Dahil tuluy-tuloy siyang nagsasalita mula sa loob ng gobyerno tungkol sa alternatibang programa at mga reporma laban sa kahirapan. Dahil, sa madaling salita, hadlang siya sa imperyalismo, sa paghahari ng US sa ating bayan.

Judy Taguiwalo2

Aktibista si Taguiwalo, at walang iba kundi ang National Democratic Front of the Philippines o NDFP ang nagnomina sa kanya sa pwesto. Progresibong propesor siya, at sa gayo’y namumuhay alinsunod sa prinsipyo – hindi katulad ng mga pulitiko na para sa sariling pakinabang. Babae siya, sariwang hangin sa gabineteng puro lalake at marami pa ang galing pa sa militar na patriyarkal na institusyon. Sa DSWD, inilinaw niyang hindi pwede ang katiwalian at pinabilis at pinaunlad ang mga serbisyo para sa maralita. Sumikat ang kanyang pagtanggi, sa harap ng isang matinding bagyo, na humingi ng tulong sa ibang bansa – sa solidong batayan na sapat ang pondo ng gobyerno.

Kaya tama ang sinabi ni Sass Rogando Sasot, social media practitioner na tagasuporta ni Duterte. Sa ilang pagkakataon, hindi siya kasundo ng mga progresibo, pero sa usapin ni Taguiwalo ay tumpak siya: ang pagkakatalaga ni Taguiwalo sa gobyerno ni Duterte ay nagbigay ng pag-asa sa marami na posible ang pagbabago, bagay na ipinangako ni Duterte mismo. Ngayon, sa pagkakatanggal sa kanya – at ni Gina Lopez, dating sekretaryo ng Department of Environment and Natural Resources – kinitil umano ng CA ang pag-asang ito. Napakalinaw ng kontradiksyon: ang lupon na dapat magtiyak na kwalipikado ang mga nasa gabinete ay nagtanggal ng isa sa pinaka-kwalipikado rito.

Pero hindi makakalusot si Duterte sa pananagutan. Hindi niya sinuportahan si Taguiwalo, tulad ni Lopez noon, sa harap ng CA. Hawak niya ang “supermayorya” ng Kongreso at Senado, at mas malaki ang posibilidad na hindi matatanggal si Taguiwalo kung direkta siyang nag-atas. Ayon pa sa balita, tinanggihan niya ang kahilingan ni Taguiwalo na magkaroon ng personal na pag-uusap. Sa pinakamainam, ginusto ni Duterte na kabigin ang Kaliwa sa pagtalaga kay Taguiwalo sa DSWD. Pero hindi niya kayang panindigan ang mga hakbangin ng maka-Kaliwang sekretaryo laban sa mga makapangyarihan. Manindigan o maging dekorasyon lang? Pinili ni Taguiwalo ang una.

Judy Taguiwalo3

Kabalintunaan, pero nasunod ang panawagan ni Sen. Antonio Trillanes III, dating kritiko ni Duterte bagamat nitong huli’y tahimik. Sabi ni Trillanes, ilang linggo bago ang desisyon ng CA, dapat nang sibakin ni Duterte si Taguiwalo at iba pang maka-Kaliwa sa gabinete. Aniya, may “daan-daang kadre ng CPP-NPA” na nasa mga ahensya ng gobyerno, nag-iipon ng “armas at pambala” na gagamitin laban sa mga sundalo. Wala siyang ebidensya at nagmumula lang ang akusasyon niya sa ideolohiyang anti-Kaliwa at anti-Komunista. Ang presensya pa lang ni Taguiwalo at mga kasamahan sa gabinete, tinitingnan nang masama at banta ng mga militarista’t maka-Kanan sa gobyerno.

Isa na namang masamang senyales ang pagkatanggal kay Taguiwalo ng pagtanggi ng rehimeng Duterte sa makabuluhang reporma at sa “tunay na pagbabago.” Hindi kataka-taka, naganap ito sa gitna ng mabilis na pihit pa-Kanan – pabor sa US at patakarang neoliberal at militarista – ng rehimeng Duterte. Sa gitna ng ekstensyon ng Martial Law sa Mindanao at ng pagpahintulot sa pakikialam ng militar ng Amerika. Sa gitna ng pagkabalam ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at NDFP na dapat ay tatalakay na sa mga repormang sosyo-ekonomiko. Sa gitna ng pagpapaigting ng kontra-maralitang “gera kontra-droga” at pambubuyo ni Duterte ng mas maramihan pang pagpatay.

Sa kalibre ni Taguiwalo, siguradong hindi niya haharapin ang pagkatanggal nang malungkot. May lungkot, marahil, dahil mas malamang ay babalik sa dating gawi ang ahensya, palayo sa paglilingkod sa maralita. Pero tiyak, saanmang porma ng pakikibaka, patuloy siyang maglilingkod sa mahihirap at sa sambayanan. Patok ang kanyang mga pahayag: Mayaman ang Pilipinas, pero naghihirap ang mga Pilipino. May pera ang gobyerno, pero marami ang hindi napupunta sa tao. Sanay akong mag-MRT. Ang pagiging maka-Kaliwa ay paglilingkod nang mahusay, may integridad, at pagmamahal sa bayan. Lagi akong Serve the People. Naghihintay na ang mga kasama ko sa labas.

Larawan ng pagmamahal sa bayan ang buong buhay ni Taguiwalo. “Judy kind of love,” kung hahalaw sa mang-aawit na si Phil Collins. Nitong huli, nagkaroon siya ng pagkakataong ipakita na kaya ng Kaliwa na maglingkod sa bayan nang mahusay kahit sa loob ng ganitong klaseng gobyerno. Pero nakatindig rin ang rekord niya, at ng Kaliwa, ng mas mahusay na paglilingkod sa bayan sa labas nito.

19 Agosto 2017

Galing ang mga larawan sa Facebook Page na Manay Judy Taguiwalo.

Advertisements

Mahusay pa rin ang Buwan at Baril

johnson-tsang1

Madalas mabanggit ang “Buwan at Baril” ni Chris Millado bilang isa sa mga klasikong dula na kontra sa diktadurang US-Marcos at isa sa mga klasikong dulang makabayan. Nang ipalabas ito ngayong taon, may mga kaibigang nagsabi sa aking manood, dahil maganda raw at nakakaiyak pa nga. Kaya naman nanood ako, at hindi ako nabigo.

Binubuo ang “Buwan at Baril” ng limang istorya ng mga taong lumaban sa diktadura, partikular noong umigting ang pakikibaka nang paslangin si Sen. Ninoy Aquino petsa Agosto 21, 1983. Sa mensahe niya sa souvenir program ng dula, sinabi ni Millado na isinulat niya ito noong 1984, panahong kahit ang UP School of Economics ay nagsasabing binabayo ng matinding krisis ang bansa. Nasa iba’t ibang bahagi ng dula ang mga palatandan ng panahon: Lakbayan, August Twenty-One Movement, dilaw na confetti sa Makati, mga kamisetang may laman ng panawagang boykoteo sa eleksyon at larawan ni Ninoy, at iba pa.

Pero ang mainam sa dula, makabuluhan ang mga kwento lampas sa partikular na panahon na inilalarawan nila. Ang una, tungkol sa pagtatagpo ng magkapatid na magsasakang aktibista at manggagawang unyonista’t welgista sa Lakbayan nang dumating ang huli sa Metro Manila. Ang ikalawa, ang pagkukwento ng babaeng Itawis, isang pambansang minorya, sa tulong ng isang paring kumukupkop sa kanya tungkol sa pagpatay ng militar sa kanyang ama sa batayan ng akusasyong kasapi ito ng New People’s Army o NPA.

Ang ikatlo, ang pakikipag-usap ng isang socialite sa kanyang kasambahay tungkol sa kanyang pakikisangkot sa pakikibakang anti-Marcos. Ang ikaapat, ang pagsundo ng isang babaeng aktibista sa bangkay ng asawa niyang NPA, ang pagluluksa sa pagkamatay nito, at pagpapaalam dito. At ikaapat, ang pag-aresto, interogasyon at pagtortyur ng pulisya sa isang estudyanteng aktibista.

Ang kagyat na mapapansing kapuri-puri sa dula ay ang script. Kongkreto at buhay ang mga karakter, ang mga kwento ng buhay nila, at ang kwento ng mga buhay na inilalahad nila. Sabi ni Millado, “Lahat ng karakter… ay batay sa mga aktwal na taong nakilala ko, nakatrabaho, naengkwentro nang saglit, nabasa at nabalitaan sa mga lihim na pulong, piketlayn, mahabang martsa, demonstrasyon, pakikipamuhay, at barikada.” Makikitang matalas magmasid ng mga tao si Millado at lumubog siya sa kanilang saya, pighati, pag-ibig, drama, kakwanan, kakengkuyan at iba pang emosyon. Ito siguro ang aspetong “Buwan” sa titulo.

johnson-tsang2

Pero ang mahusay rin sa dula ay kung paanong nagtutulungan ang bahaging personal na ito at ang pulitikal – ang komitment hindi lang sa pakikibakang anti-diktadura, kundi sa pakikibaka para sa rebolusyunaryong pagbabago ng lipunan. Ito naman siguro ang aspetong “Baril” sa titulo. Pinasok ng dula ang personal hindi para magpakaligaw at magpakulong dito, kundi para paglingkurin ang mga nilalaman nito sa personal na katatagan sa kolektibong pakikibaka, at sa pampulitikang pakikibaka mismo.

Kaya dadalhin ka ng dula sa samu’t saring emosyon – sa paraang may bahaging marahan at may bahaging todo – para ibalik sa aktibismo at rebolusyon. Dito, mahigpit na magkaugnay, hindi magkabangga, ang buwan ng personal na buhay at ang baril ng pulitikal na pakikibaka.

Pinakamatining ang kakayahang ito sa kwento tungkol sa babaeng kumuha ng bangkay ng asawa niyang NPA. Dumaan siya sa matinding pagkwestyon sa prinsipyo at pakikibaka, pero humantong sa mas matatag na pagtangan dito; sa pakiramdam ng pagiging mag-isa pero tumungo sa pakiramdam ng pagiging kasama ng marami; sa pag-aakala ng kawalang-saysay ng kanyang buhay at kamatayan pero dumulo sa pag-unawa sa ibayong kabuluhan nito. Marami sa mga kasabayan kong manonood na may pampulitikang kamulatan ang marahang nagpunas ng luha at narinig ang mga pigil na singhot. Narito na yata ang pinakamasakit pero pinakamatamis na flying kiss na nakita ko sa buong buhay ko.

Ang mahusay na script, nabigyang-buhay ng magaling na pagganap ng mga aktor sa ekspertong direksyon ni Andoy Ranay. Napakagaling ni Angeli Bayani na gumanap na babaeng Itawis. Ang pananalita niya, waring Ilocano, pero ibang wika pa. Hindi na naisalin ng tagapagsalin niyang pari na si JC Santos ang mga sinasabi niya, pero mauunawaan mo nang malinaw, sa tulong ng ilang susing salita at marubdob na emosyon. Marami ang nagtanong pagkatapos: talaga bang wika ni Bayani ang sinambit niya? Dahil galing sa puso, at tagos sa puso.

Napakahusay rin ni Mayen Estañero na gumanap na asawa ng patay na NPA. Mahusay niyang naipakita ang pagmamahal, lungkot, poot, saya, pangungulila, pagluluksa at samu’t saring emosyon sa tagpong iyun ng buhay. Asawang-asawa, nanay na nanay, aktibistang aktibista siya.

Dapat ding papurihan si Jackie Lou Blanco na gumanap na socialite – kalakhan nang suot ang bathrobe lang. Binigyang-buhay niya ang mahabang monologo at binigyang-ligaya niya ang manonood nang ipinapakita ang kanyang karakter, na siguro’y papasang isa sa “Titas of Manila” ngayon: ang kanyang mga tunggaliang pinasok, saya at lungkot, pagdadalawang-isip sa pakikibaka, at iba pa. May nagsabing ang modelo niya sa pagganap ay si Maita Gomez, aktibista at dating NPA, na lumabas ang larawan bago nagsimula ang kwento. Namulat si Maita noong First Quarter Storm ng 1970 habang ang karakter ni Blanco ay noong dekada 80 na, pero sinumang namangha kay Maita ay makakaalala sa kanya sa naging pagganap ni Blanco.

johnson-tsang3

Maraming interesante at nakakapagpaisip sa dula. Matapang ito sa pagpapakita ng mga panganib at sakripisyo na hinaharap ng mga aktibista at rebolusyunaryo, pero malinaw rin ito sa pagpapakita ng mga paninindigan, kwento, alaala, pagiging tuso sa kaaway, at iba pang rekurso nila sa pagharap at pag-alpas. Matapang bagamat maingat din ito sa pagdadala ng mga impormasyon lalo na kaugnay ng kilusang lihim: mula sa pagbilang ng babaeng Itawis sa 21 sundalong dumukot sa kanyang ama hanggang sa pagpapanggap ng asawa na pinsan niya ang patay, hanggang sa pagkatuklas ng nakasulat na talambuhay ng estudyanteng aktibista.

Ang sinasabing kagyat na dahilan kung bakit muling ipinapalabas ang dula ay para kontrahin ang rebisyunismo sa kasaysayan hinggil sa diktadurang US-Marcos na naglalatag naman ng landas para sa pagpapanumbalik ng mga Marcos sa Malakanyang. Idagdag pa marahil ang gisingin ang alaala para palakasin ang paglaban sa malaganap na ekstrahudisyal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Rodrigo Duterte.

Pero higit-higit pa diyan ang halaga at bisa ng “Buwan at Baril.” Kumbaga’y kinuhanan ni Millado ng larawan ang isang panahong malakas at maigting ang pakikibaka – hindi lamang laban sa diktadura kundi sa buong bulok na naghaharing sistema – at ipinapakita ang naturang larawan ngayon. Katulad rin marahil ng paggunita ng naunang henerasyon ng mga aktibista’t rebolusyunaryo sa FQS. Pinapalawak ang ating kaalaman at pag-unawa, binibigyan tayo ng inspirasyon at ahitasyon tungkol sa mga nagawa na at posible pang makamit na maaaring tanganan ngayon at lampasan sa hinaharap.

Sino nga ba iyung makatang nagsabing hindi mo pwedeng gawan ng buod ang isang tula? Ganoon pala iyun: Kapag napakaganda at napakahusay ng isang likhang-sining, walang anumang paliwanag o rebyu ang sasapat para ipagagap ito. Kailangang maranasan ito mismo ng mga tao. Kaya sinasabi ko sa lahat: panoorin ang “Buwan at Baril”! At marapat sabihan ang mga nasa likod ng dula: Padayon, itanghal sa buong bayan!

06 Pebrero 2017

Galing ang mga larawan dito.

Basahin at palaganapin natin ang magandang sulating ito ni Lizzie Presser na may mga larawan ni Kevin Kunishi tungkol sa kalagayan ng mga Pilipinong seaman. Maganda naman ang saliksik ni Arnold Padilla tungkol sa pagiging militaristang Amboy ni Delfin Lorenzana, secretary ng national defense.

Maging Hugo Chavez ng Pilipinas

Duterte4

“Si Rodrigo Duterte ay hindi ang Hugo Chavez ng Pilipinas, kaya hindi siya dapat suportahan ng Kaliwa at ng masang anakpawis.”

Ito ang buod ng sanaysay nina Herbert Docena at Gabriel Hetland na “Why Duterte is not – and is unlikely to be – a socialist” na inilimbag sa Rappler.com noong Hunyo 29 at pinaikli at inilimbag bilang “Why Duterte is unlikely to pursue socialism” sa Philippine Daily Inquirer noong Hunyo 30.

Dito, naglahad ang mga awtor ng sumada ng rekord ni Duterte sa pagiging mayor ng Davao City at ng kalipunan ng mga pahayag at hakbangin niya mula noong eleksyon hanggang bago ang panunumpa niya bilang pangulo ng Pilipinas nitong Hunyo 30. Ikinumpara nila ito sa mahigit isang dekadang rekord bilang pangulo ng Venezuela ni Hugo Chavez, na lumaban sa mga neoliberal at militaristang dikta ng US sa kanyang bansa at sa mundo, at nagsulong ng pang-ekonomiya at pampulitikang kagalingan ng kanyang mga kababayan.

Anila, may mga maka-Kaliwa at maging anti-Komunista pa nga na nagpapahiwatig na si Duterte ang Chavez ng Pilipinas o magiging Chavez ng Pilipinas. Pero ang totoo, kaya lumaganap ang pagbanggit kay Chavez kaugnay ni Duterte ay dahil sa mga pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) mismo at ng pambansa-demokratikong Kaliwa sa bansa. Hindi malinaw kung bakit hindi ito binanggit nina Docena at Hetland, pero ganyan ang karamihan ng mga sulatin ni Docena: kritikal sa CPP at sa pambansa-demokratikong Kaliwa, tahas man o hindi.

Sa kabuuan, sekundarya lang sa sanaysay ang mahabang paghahambing kina Duterte at Chavez, paraan lang para idiin ang pangunahin nilang punto: mali ang pakikipag-alyansa ng Kaliwa kay Duterte.

Pero ang pagbanggit ng CPP at Kaliwa kay Chavez kaugnay ni Duterte ay hindi bilang pagpapahayag ng pagsusuri, na si Duterte ay isang Chavez, kundi ng hamon – na si Duterte ay maging isang Chavez. Ibig sabihin, madaling makita na hindi si Duterte ang Chavez ng Pilipinas, o hindi pa. Pero ibig bang sabihin ay hindi na siya dapat suportahan ng Kaliwa at ng masang anakpawis, gaya ng sinasabi nina Docena at Hetland? Ibig bang sabihin ay mali ang taktika ng CPP at ng Kaliwa sa pagharap sa kanya, gaya ng sinasabi ng mga may-akda?

Malinaw na ang pagsisikap nina Docena at Hetland ay ang magbuo ng progresibong pagsusuri kay Duterte: gumamit sila ng makauring pagsusuri, dinala nila ang talakayan sa dapat na taktika ng Kaliwa, at tumatanaw sila sa tunay na pagbabagong panlipunan sa bansa.

Duterte3

Pero napakalimitado ng kanilang paraan ng pagsusuri – ang pagkukumpara kina Duterte at Chavez. Sa kanilang mga kamay, ang makulay na mga pahayag at hakbangin ni Chavez at maging ang makulay na mga pahayag at hakbangin ni Duterte ay ginagamit sa balangkas ng isang dahop at makitid na pagsusuri. Maaaring progresibo ang kanilang analisis, pero kulang na kulang para maging Marxista. Kulang na kulang din sa pagtatakda ng wastong pagharap na maka-Kaliwa kay Duterte.

Bantog na inilarawan ng Marxistang pilosopong si Georg Lukacs, sa History and Class Consciousness [1971] ang Marxismo, kaugnay ng makauring kamalayan ng proletaryado, na “pagsisikap patungo sa lipunan sa kabuuan nito (aspiration towards society in its totality).” Ibig sabihin, kailangan ng mapagbuo (totalizing) na paggagap sa lipunan: sa pang-ekonomiyang istruktura nito, sa mga uring panlipunan at pwersang pampulitika na bumubuo rito, sa kanilang mga obhetibong interes, sa kongkretong kasaysayan ng kanilang pagtutunggalian, at iba pa. Malayo sa ganito ang pagsusuri nina Docena at Hetland.

Una, wala silang pagkilala na may mga pahayag at hakbangin si Duterte na pabor sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino. Pinapalabas nila na ang tanging positibo sa mga pahayag at hakbangin niya ay kaugnay ng CPP at ng buong Kaliwa bilang mga organisasyon o pampulitikang pwersa: pagtatalaga ng mga maka-Kaliwang opisyal sa gabinete at muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.

Pero maraming pahayag at hakbangin si Duterte na para sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino – at iyan ang pangunahing tinatanganan ng Kaliwa. Nawala ang mga ito sa larawang nilikha nina Docena at Hetland. Mga pahayag at hakbangin itong nakadireksyon laban sa kontraktwalisasyon, mapanirang pagmimina, at katiwalian; libreng irigasyon para sa mga magsasaka; pamamahagi ng coco levy funds; Freedom of Information; mas mataas na badyet sa mga serbisyong panlipunan; dagdag-pensyon sa Social Security System; pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal; at iba pa. May mga pahayag siyang nakatanaw sa independyenteng patakarang panlabas, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Totoo, marami rito, wala sa kanyang “10-Point Economic Program.” Pero todong ibinida naman niya ang mga ito sa masang anakpawis at sambayanan at umani ng malawak na pagsuporta – higit pa nga sa nabanggit na programa. Magagamit na batayan ang mga ito para ipaglaban ng masa at sambayanan na tuparin niya.

Ikalawa, wala silang pagsusuri sa mga mayor na pampulitikang pwersa sa bansa. Ang nabanggit lang nila ay ang “masayang pagkilala” ng “Goldman Sachs, Bloomberg at iba pang grupong pang-negosyo” sa pagkakahalal ni Duterte. Paano naman ang pagdedeklarang muli ng gobyerno ng US na terorista ang CPP at New People’s Army bago binuksang muli ni Duterte ang usapang pangkapayapaan? Ang babala ng World Bank laban sa pangako ni Duterte na ipapatigil ang kontraktwalisasyon? Ang mga kumpanya ng pagmimina na nagprotesta sa itinalaga ni Duterte na sekretaryo na may saklaw sa operasyon nila?

Duterte8

Makaisang-panig sa negatibo ang pagsusuri nila kay Duterte mismo. Minaliit nila ang tatlong dekadang pakikipagtulungan nito sa Kaliwa, partikular sa NPA mismo. Hindi man siya nagpatupad ng sosyalismo sa Davao, may mga hakbangin siya doon na mas abante kaysa sa kalakaran sa Pilipinas. Hindi nila gagap ang importansya na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, may pangulo ng Pilipinas na nagmamalaking dating miyembro ng Kabataang Makabayan, miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan, “maka-Kaliwa” at “sosyalista” pa nga, at may malapit ang ugnayan sa mga Komunista at armadong Kaliwa – bukod pa sa maraming kritikal na pahayag laban sa oligalrkiya sa bansa at gobyerno ng US.

Mas mahalaga, wala sa kanilang pagsusuri ang malawak na masang anakpawis at sambayanang Pilipino. Sila na naghahanap ng pagbabago at nakatingin ngayon kay Duterte – dahil sa pagsahol ng krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal, dahil sa pagkalantad sa kabulukan ng neoliberal at militaristang paghahari ni Noynoy Aquino, dahil sa pag-upak ni Duterte sa rehimeng Aquino, at dahil sa mga pangako niyang tumutugon sa matagal nang mga kahilingan ng masang anakpawis at ipinakete pa nga sa “tunay na pagbabago.” Sila ang pinakamahalagang pwersang pampulitika dahil nasa kanilang kamalayan at pagkilos ang hinaharap ng administrasyong Duterte.

Ikatlo, wala silang pagsusuri sa tinakbo ng mga pangyayari na humantong sa pagkakahalal ni Duterte. Hindi nagsimulang malakas na kandidato si Duterte: noong una’y kaduda-duda kung may pondo at makinarya siya para sa isang pambansang kampanya at nagtuluy-tuloy lang ang pangunguna niya sa mga survey isang buwan bago ang halalan. Pero dahil sa kanyang pagdistansya at pagtuligsa sa rehimeng Aquino at maging sa bulok na sistemang pinaghaharian ng oligarkiya at dahil sa kanyang mababangong pangako, nagkaroon siya ng maraming masugid na tagasuporta, humamig siya ng napakaraming boto, at nabigo ang iskemang talunin siya sa pamamagitan ng pandaraya.

Dahil tahimik sina Docena at Hetland sa kung paano ipinatupad ni Chavez ang mga progresibong hakbangin, nalilikha ang impresyon na isang buhos ang mga ito – na mali. Sa kanyang sanaysay na “Social and Political Diversity and the Democratic Road to Change in Venezuela” [2014, nasa librong Latin America’s Radical Left: Challenges and Complexities of Political Power in the Twenty-First Century na inedit niya], sinabi ni Steve Ellner, propesor sa Venezuela, na dumaan sa limang yugto ang pagkapangulo ni Chavez.

Sa mga salita ni Ellner: Una, 1999-2000, moderatong patakarang pang-ekonomiya at moderatong diskurso. Ikalawa, 2001-2004, pagbubuo ng mga batas na anti-neoliberal. Ikatlo, 2005-2006, paglitaw ng balangkas ng bagong modelong pang-ekonomiya sang-ayon sa pagbibigay ng bagong kahulugan sa pribadong pag-aari at diskursong pabor sa sosyalismo. Ikaapat, 2007-2008, pagsasabansa ng mga batayang industriya. At ikalima, 2009-2013, pag-agaw sa pag-aari (“expropriation”) ng malalaking kumpanya pangunahin para makipagkumpitensya ang gobyerno sa pribadong sektor.

Duterte5

Paliwanag niya, “Naimpluwensyahan ang proseso ng radikalisasyon ng mga hangarin ng mga sektor na pampulitika at panlipunan sa loob ng [kilusang Chavista] at ng pang-ideolohiyang tanaw ng pamunuan, pero sa malaking bahagi ay tugon din ito sa mga aksyon at taktika ng mga kalaban ng gobyerno.”

Sa isang pakahulugan, kahit si Hugo Chavez, hindi nagsimula bilang Hugo Chavez ng Venezuela. Siya mismo, naging Hugo Chavez ng Venezuela sa takbo ng kanyang pamamahala, sa gitna ng pakikipagtunggali para sa mga progresibong mithiin niya at ng kilusang sumusuporta sa kanya kontra sa mga kalaban nito.

Mula sa kanilang makitid na pagsusuri, naghapag sina Docena at Hetland ng puna sa Kaliwa at panukalang dapat gawin ng Kaliwa. Tutol sila sa pakikipag-alyansa at Kaliwa kay Duterte. Kesyo hindi raw ito ang mas “mature” at mas “sopistikado” na “estratehiya para kamtin ang katarungang panlipunan.” Kung gaano kayaman ang kanilang karanasan sa pagsusulong ng rebolusyon at sa buong-panahong pakikibaka para sa tunay na pagbabagong panlipunan para gumawa ng ganitong paghusga, hindi natin alam.

At kung ano ang dapat na pagharap kay Duterte, hindi nila masabi nang direkta. Hindi raw Hugo Chavez ng Pilipinas si Duterte, pero dapat daw humalaw ng hakbangin sa mga mamamayang Venezuelan sa naging pagharap nila kay Chavez: “nanindigan sila, mapagbantay na ipinagtanggol ang kanilang awtonomiya, at pinaigting ang antagonistikong mga mobilisasyon laban sa mga elite ng Venezuela na suportado ng US at nagsisikap na patalsikin ang mga sosyalista – habang, kaalinsabay, patuloy na nagdidiin ng presyur sa mga sosyalista na nasa kapangyarihan.”

Ang mapupulot dito ay ang kagustuhan nina Docena at Hetland na ang Kaliwa ay magdiin ng presyur kay Duterte. Pero ang totoo, pumurol sa siping iyan ang direksyon ng sulatin nila. Ang lohikal na tinutumbok nila ay ang ilantad at labanan ang gobyerno ni Duterte, halos walang kaibahan sa naging pagharap ng Kaliwa sa kakatapos ng rehimeng Aquino. Iyan ang tinutungo ng mabangis nilang bansag-pagsusuri rito: “maka-Kanang populista na nagtatago sa kasuotang ‘sosyalista’,” “gustong palakasin ang neoliberalismo,” at may layuning “palakasin sa halip na hamunin ang kapitalismo.”

Dito na sila tinangay ng kanilang makitid na pagsusuri: Hugo Chavez lang ang susuportahan; kung hindi Hugo Chavez, ilantad at labanan. Hindi mahalaga ang mga partikular na kalagayan. Baka kahit sina Evo Morales ng Bolivia at Rafael Correa ng Ecuador, na itinuturing na hindi kasing-radikal ni Chavez, ay hindi pumasa sa kanilang gawa-gawang pamantayan.

Duterte7

Sa balangkas ng pakikipag-alyansa sa gobyernong Duterte, inilatag ni Prop. Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng CPP noong Hunyo 10 pa lang sa sulating “Prospects Under the Duterte Administration,” kung paanong matitiyak ang paglakas ng rebolusyonaryong pakikibaka sa ilalim ng gobyernong Duterte.

Aniya, “Anumang kasunduan at alyansa sa pagkapangulo ni Duterte ay dapat mabibigyang-katwiran sa paglilingkod sa pambansa at demokratikong mga karapatan at interes ng sambayanang Pilipino. Hangga’t ang naturang pagkapangulo ay umaabante sa ganitong direksyon, anumang pagkontra sa sarili, kagaspangan, o kakulangan dahil sa mga hakbanging ginawa o hindi ginawa ay maaaring maging paksa ng kritikal na pagsusuri at konstruktibong panukala. Papanatilihin ng mga makabayan at progresibong pwersa ang kanilang independensya at inisyatiba. Dapat magmantine ng balanse ng pakikiisa at pakikitunggali, na ang huli ay laging dapat nakatuntong sa makatarungan at makatwirang batayan, na may layuning paunlarin o palakasin ang alyansa.”

Mas mahalaga, malinaw ang pangunahing panawagan niya, hindi lang sa kabataang Pilipino marahil, kundi sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino: “ipagpatuloy ang lahat ng kanilang pagsisikap na pagkaisahin ang sambayanan para sa pagbabagsak sa sistemang malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng digmang bayan at sa paglubos sa pambansa-demokratikong rebolusyon.”

Pero kaduda-duda kung maniniwala rito sina Docena at Hetland. Isa pang problema sa kanila ang walang batayan, kung hindi man irasyunal, na galit sa Kaliwa – sa mga Komunista at sa mga kadikit nila.

Anila, si Duterte ay nakipag-alyansa lamang “sa isang seksyon ng kaliwa” bilang mayor ng Davao. Tahimik sila na ang tinutukoy ay ang pinakamalaki at pinakamilitanteng seksyon ng Kaliwa sa Davao at buong Mindanao na kinabibilangan pa ng armadong lakas.

Parang nakangising kinukutya nila ang mga sekretaryong maka-Kaliwa na itinalaga ni Duterte sa gabinete sa pagtawag sa kanilang “enthusiastic.” Ano kaya ang magandang salin nito? Sabik? Sabik sa kapangyarihan? Sabik sa tungkulin nang hindi alam ang buong kalagayan? Para bang bukod na pinagpala ng kaliwanagang progresibo sina Docena at Hetland.

Pinapalabas nilang makikipagkasundo ang CPP at NPA sa usapang pangkapayapaan sa gobyernong Duterte kahit pa mangangahulugan ito ng “mas malalim na pagpasok ng kapital” sa kanayunan. Malinaw ang unang pangungusap sa sipi kay Sison sa itaas, gayundin ang pangunahin niyang panawagan. Tanging mga galit sa CPP at NPA ang maniniwalang papayag silang maging kasangkapan para payapain ang kanayunan pabor sa mga imperyalista at mga lokal na naghaharing uri.

Hindi man nila naipaliwanag, ang huling panawagan ng kanilang sanaysay ay “Tungo sa isang nagsasarili, independyenteng Kaliwa.” Walang dahilan na isiping ang CPP o ang pambansa-demokratikong Kaliwa ang kanilang tinutukoy – kundi isang kilusan, nasaan man, na nakabukod at kritikal sa mga ito.

Duterte2

Bagamat may pana-panahong pakikiisa siya sa mga ipinapaglaban ng Kaliwa, tuluy-tuloy ang pagtuligsa ni Docena sa huli. Noon, mula sa perspektibang neoliberal at repormista gaya ng Akbayan; ngayon, mula sa perspektibang tila ultra-Kaliwa. Pero konsistent ang lapit: pagtuligsa.

Kaalinsabay ng kakapusan nina Docena at Hetland sa Marxistang analisis sa kongkretong mga kalagayan sa bansa ay ang kanilang di-kritikal na paggamit ng maka-Kaliwang teorya sa pagsuri sa kalagayan ng bansa.

Ang lagom nila sa magiging papel ng mga maka-Kaliwang opisyal ng gabinete ni Duterte: “mas malamang na hihilingin lang sa kanilang gawin ang papel na masayang ipinahintulot ng kapital sa kaliwa sa kasaysayan: ang linisin ang kanilang kalat – at akuin ang sisi.” Lapat ba sa kasaysayan ng Pilipinas ang ganitong paglalahat? Kaliwa ng anong bansa ang kanilang nilalait?

Pero mas malalim ang suliranin sa lagom nila sa “rebolusyon” na inilulunsad ni Duterte, hindi pa man nag-uumpisa, na galing sa Italyanong Komunistang pilosopo na si Antonio Gramsci. Anila, maglulunsad si Duterte ng “pasibong rebolusyon” – “isang rebolusyon mula sa taas na gumagamit ng maka-kaliwang retorika, gumagamit ng mga maka-kaliwang indibidwal, at nagpapakilos pa nga ng ‘masa’ para sa dulo ay palakasin sa halip na hamunin ang kapitalismo.”

Ayon kay Domenico Losurdo, Marxistang pilosopo, tinutukoy ng “pasibong rebolusyon” sa mga sulatin ni Gramsci “ang tuluy-tuloy na kakayahang mag-inisyatiba ng burgesya na nagtatagumpay, maging sa historikal na yugto kung kailan tumigil na itong maging tunay na rebolusyonaryong uri, na lumikha ng makabuluhang mga transpormasyong sosyo-pulitikal, pinapanatili nang may seguridad sa sariling mga kamay ang kapangyarihan, inisyatiba at hegemonya, at iniiwan ang mga uring anakpawis sa kanilang kalagayan ng pagkaduhagi (subalternity).”

Sa sanaysay niyang “The limits of passive revolution” [2010] kung saan galing ang sipi kay Losurdo, inilinaw ni Alex Callinicos, Marxistang iskolar, na ang tineorya ni Gramsci sa konseptong iyan ay ang pagpapanatili ng burgis na paghahari “sa isang epoka ng krisis, gera at rebolusyon.” Partikular ang mga mayor na pagbabago sa Italya – pangunahin ang Risorgimento ng ika-19 na siglo at sekundarya ang paghahari ng pasismo sa pangunguna ni Benito Mussolini. Ipinakita niyang binanat ni Gramsci ang konsepto mismo at tinuligsa niya ang lalong pagbanat dito sa kasalukuyan.

Kailangan ng malalimang pagsusuri, samakatwid, sa kalagayan sa Italya sa mga panahong nabanggit at sa Pilipinas sa kasalukuyan para mapangatwiranan ang paggamit ng konsepto ng “pasibong rebolusyon” sa gobyerno ni Duterte. Isang antas sa moda ng produksyon; isa pa sa pampulitikang sitwasyon. Hindi ito ginawa nina Docena at Hetland, sa kabila ng tila malaking pagkakaiba ng Risorgimento at pasismo sa kapitalistang Italya sa isang banda at ng malakolonyal at malapyudal na Pilipinas sa ilalim ni Duterte sa kabila.

Duterte6

Anuman ang kawastuhan ng paggamit ng konsepto ng “pasibong rebolusyon” ngayon sa Pilipinas, mali ang pagtingin nina Docena at Hetland na mas ang imperyalismong US at mga naghaharing uri sa bansa ang makikinabang sa pakikipag-alyansa ng Kaliwa sa gobyernong Duterte.

Malinaw ang mga pahayag ng Kaliwa kung paanong lalakas ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kasalukuyang kalagayan, ginagabayan ng mga prinsipyo ng pakikipag-alyansa, ng pagtatakwil sa repormismo at pagsusulong ng pakikibaka para sa reporma sa balangkas ng pagpapalakas ng rebolusyon, at tuluy-tuloy na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

Sa panig nina Docena at Hetland, naglahad sila ng sariling “estratehiya” ng pagharap sa gobyernong Duterte. Hindi natin alam kung tunay nilang maisasapraktika ito, labas sa paggamit dito para tuligsain ang Kaliwa at magpabango sa mga indibidwal at grupong anti-Komunista at anti-Kaliwa sa labas ng bansa.

Pero lumang tugtugin na ito: mas malamang na mangyari kaysa sa prediksyon nila sa Kaliwa na, pagkatapos ng ilang taon, dahil sa kadahupan sa ideolohiya, mananatiling walang rehistro sa pulitika ang kanilang kilusan at mananatiling maliit ito bilang organisasyon.

16 Hulyo 2016

Galing ang mga larawan sa Facebook Page na President Rodrigo Duterte.

Binhi ng Isang Aklat

recca-book

Magandang gabi po. Nang mapatay ng militar si Recca Noelle Monte noong Setyembre 2014, mabilis na bumuhos ang mga sulatin, mahaba at maikli, tungkol sa kanya. Naging araw-araw ang Throwback Thursday at naglabasan ang mga larawan kasama siya. Walang abi-abiso sa taba o payat, kinis o gaspang, kintab o tuyot ng mukha, laki o liit ng buhok ng mga kasama niya sa larawan. Sabihin pa, marami sa mga sulatin at larawang ito ang nakita at nabasa sa Facebook.

Para sa huling parangal ni Recca sa Church of the Risen Lord, tinipon ang mga sulatin at larawang ito ng matatalik na kaibigan at kasama niya at inilathala sa isang booklet. Kaunti lang ang kopyang inilimbag, dahil para lang talaga iyun sa pamilya Monte at malalapit na kasama’t kaibigan. Mahaba ang titulo ng booklet – Recca, karugtong ang lahat ng pangalan niya sa pakikibaka.

Ang booklet na ito ang binhi ng librong inilulunsad natin ngayon. Dahil sa pagluluksa at pangungulila, may mga kaibigan at kasamang paulit-ulit na binasa ang booklet. Napansin nila na iba’t ibang bahagi ng buhay at pakikibaka ni Recca ang pinaksa ng mga sulatin, at bihira ang puntong naulit. Samantala, nagtuluy-tuloy pa ang pagbuhos ng mga sulatin tungkol kay Recca at ang mga larawan niya.

Hanggang sa may nagkaroon ng ideyang palawigin ang booklet at gawin itong isang buo at “tunay” na libro. “Dapat lang!” ang sabi ng mga kaibigan at kasama ni Recca. Mahigit isang dekada siyang miyembro ng New People’s Army o NPA, bukod pa sa ilang taong naging aktibista. Noong namatay siya, isa na siyang lider ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng isa sa mga panrehiyong organo nito. Hindi kalabisang sabihing kasama siya sa “the best and the brightest” ng aming henerasyon – at “the warmest” din, patunay ang napakaraming nagmamahal sa kanya.

Ang huwaran ng mga kasama at kaibigan niyang nakaisip na gawin itong libro ay ang Edjop: The Unusual Journey of Edgar Jopson na isinulat ni Benjamin Pimentel, Jr. Ang tinutukoy ay iyung orihinal na bersyon na nalathala noong 1989, hindi iyung UG, An Underground Tale: The Journey of Edgar Jopson and the First Quarter Storm Generation na binagong bersyon ng nauna at inilathala noong 2006. Sa huli kasi, ginamit ang buhay at pakikibaka ni Edjop laban sa NPA at PKP, na kinakasapian at pinapamunuan ni Edjop noong napatay siya ng militar.

Anu’t anuman, mahalaga sa aming henerasyon ng mga kabataang aktibista noong ikalawang hati ng dekada ’90 at maagang bahagi ng mga taong 2000 ang librong Edjop. Buhay na kwento kasi ito ng puspusang pakikibaka ni Edjop sa panahong iyun ng batas militar – una sa kilusang paggawa, sa Metro Manila, at pagkatapos ay sa Mindanao. Mababasa sa libro kung paano siya tumindig sa gitna ng mga tunggalian, sa sarili at sa loob ng Kilusan. Itinatangi ng marami sa amin ang mga bahagi ng libro na naglalarawan ng pamumuno niya, kung paano siya bilang kadre ng PKP. Sabi sa libro, halimbawa, parang barkada lang ang mga namumuno sa Mindanao noong bago siya dumating, pero naging pormal ang mga pulong nang siya na ang kalihim.

Ngayon gabi, masayang-masaya tayo na narito na ang ating libro. Palakpakan natin ang napakagandang librong Recca: From Diliman to the Cordilleras! Para sa pagkuha niya sa proyektong ito, palakpakan natin ang larawan ng makabayang guro at editor ng libro, si Prop. Judy M. Taguiwalo! Para sa napakahusay niyang pagbubuo, paglalatag at pagdidisenyo ng mga sulatin at larawan, palakpakan natin si Karl Fredrick M. Castro! Para sa mahusay at mabilis na paglalathala sa libro, palakpakan natin ang Southern Voices! Para sa kanilang mahuhusay na ambag, palakpakan natin ang napakaraming kontribyutor sa librong ito!

Nagagalak man tayo ngayon sa paglulunsad ng aklat, lagi’t lagi nating inihahabol na may mga kaakibat na panawagan ang librong ito. Isigaw natin ang mga panawagang ito. Katarungan para sa mga martir ng Lacub, Abra! Palayain si Kennedy Bangibang, bilanggong pulitikal! Syempre pa: Mabuhay ang pambansa-demokratikong rebolusyon!

Nagagalak po tayo ngayong gabi na ang booklet na binhi ng librong ito ay sumibol na at naging isang magandang aklat. Hangad natin na ang librong ito, ang Recca: From Diliman to the Cordilleras, ay maihasik sa maraming bahagi ng bansa at maging binhi rin – ng maraming malayang kamalayan, ng maraming malayang bisig, lahat para sa isang malayang bayan!

07 Mayo 2015

* Talumpating hindi nabasa, dahil nahiya, sa paglulunsad ng Recca: From Diliman to the Cordilleras noong 22 Abril 2015 sa Quezon Hall, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Galing ang larawan sa Pinoy Weekly.

Hating the Left

Palparan Max Santiago Tudlaan Antipas Delotavo

“Pareho lang kayo.” Iyan, sa ordinaryong pananalita ng karaniwang tao, ang mensahe ni Patricio N. Abinales, nagsulat ng napakaraming artikulong kontra-Kaliwa na nagpapakilalang intelektwal, sa kanyang artikulong “Hating Palparan.” Ginamit niya ang pa-intelektwal at pa-sikolohikal na praseng “mirror image” para sabihing pareho lang ang kilusang Komunista o Kaliwa at si dating Major General Jovito Palparan: parehong may “panatisismong ideolohikal at pagmamahal sa baril,” sa mga salita niya.

Kakatwa ang paggamit ni Abinales ng sikolohiyang pop. Pseudo-teoretikal ang kanyang pagtatapos, para bang gumagaya sa mga intelektwal na kapwa niya gradweyt sa Cornell University pero hindi matularan: “At halos lagi, ang pagnanasa (desire) na wasakin ang nagpapaalala sa iyo ng sarili mo ang nagiging priyoridad.” Naks! Hindi natin alam kung kaya niyang humalaw sa mga sulatin nina Sigmund Freud o Jacques Lacan para sa deklarasyong iyan. O batay lang ba iyan sa danas niya sa kanyang magulang at kaanak?

Anu’t anuman, sa artikulong ito, nagboluntaryo si Abinales na maging tagapagsalita ni Palparan kontra sa Kaliwa. Wala siyang mabuting masabi tungkol sa Kaliwa pero nagpaulan siya ng papuri kay Palparan. Inuulit niya sa pamamagitan ng pagpapalagay ang linya ni Palparan: na lahat ng biniktima ng berdugo ay mga Komunista o mga tagasuporta nila. Ni hindi mabanggit ni Abinales ang praseng “human rights violations,” dahil tila pawang lehitimong target para sa kanya ang mga biniktima ng berdugo.

At naroon ang dahilan kung bakit galit ang Kaliwa kay Palparan, na pangunahing historikal at hindi sikolohikal. Napakarami niyang ginawang paglabag sa karapatang pantao – na hindi dapat sa mga aktibista at kahit sa mga miyembro ng New People’s Army. At para saan? Para ipagtanggol ang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo at ang sistemang pinaghaharian ng iilang mayaman at makapangyarihan. Sa pagtinging ito, masyado nang banat at abstrakto na sabihing magkapareho ang Kaliwa at si Palparan.

Pero lumang tema na ang umano’y pagiging magkapareho ng Kaliwa at Kanan. Sa Kanluran, maraming kilusang intelektwal at may iilang kilusang panlipunan na umusbong sa posisyong kontra sa “pasismo ng kapwa Kaliwa at Kanan.” Makikita sa hanay na ito ang mga nagpapakilalang liberal pero sumulpot din dito ang marami sa mga neo-konserbatibo. Mula sa hanay ng huli, marami ang nagtanggol sa mga gerang agresyon ng US laban sa mga bansang umano’y nagkakanlong ng mga terorista.

Dahil sa galit ni Abinales sa Kaliwa, ginamit niya ang temang ito sa isyu ni Palparan, at lalo tuloy nakita ang labis na pokus sa dahas. Dahil sa Pilipinas, napakalayo ng Kaliwa sa Kanan, at ang huli lang ang kilalang may “panatisismong ideolohikal at pagmamahal sa baril.” Sa Pilipinas, ang Kaliwa ay kalahok sa paglaban sa dayuhang mananakop, gulugod ng paglaban sa Batas Militar ni Marcos, at nangunguna sa paglaban sa mga pangulong kontra-maralita. Kapag lumalaban ang masa, ang kasama nila ay ang Kaliwa.

Eh ang Kanan? Maganda lang sa kahibangan ni Abinales, tagapagsalita ni Palparan.

20 Agosto 2014

Galing ang larawan dito.

Ibagsak ang Laosismo!

vilhelm_hammershoi1

Noong kakaaresto pa lang nina Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon, mga lider ng Communist Party of the Philippines, madali nang hulaan na may mga magsasabing lipas o irrelevant na ang Kaliwa sa bansa. Katulad ng pagsikat at paglubog ng araw at ng ekspresyong “Boom panes!” sa mga post at komento ng ilang kabataan, siguro’y batas na ng kalikasan na kapag may nangyaring masama sa Kaliwa ay may magsasabing laos na ito. Hindi mabibigo ang prediksyong may magsasabi ng ganito dahil tiyak na gagawin ng militar at ng rehimen, at ginawa nga nitong huli, nang pilit nagpapakita ng kumpyansa.

At ginawa rin ito ngayon ng mga taong ang pakilala sa sarili ay intelektwal o palaisip. Sinabi iyan ng isang dating kadre ng Kaliwa na ipinagyayabang ang paglaban sa diktadurang US-Marcos pero naging himod-tumbong sa rehimeng US-Arroyo. Ng isang intrigerong sa sobrang galit sa Kaliwa ay handang magsabing kumakain ang mga lider nito ng mga puso ng mga birhen kung may makikitang kahit katiting na ebidensya. At ng isang sosyal-demokrata na pakitang-taong sumisimpatya sa Kaliwa pero hindi ito mabanggit nang walang reserbasyon, kaiba sa todong pagsamba sa rehimeng US-Aquino.

Kapansin-pansin ang katahimikan ng mga Rejectionist, pangunahin ng Akbayan, o ng mga pinatalsik o bumaklas sa Kaliwa dahil sa pagkakaiba sa mga batayang prinsipyo. Maipagpapalagay sigurong halos magpiging sila sa galak sa nangyari sa mga Tiamzon, hindi lang nila maipahayag ang kaligayahan dahil lalong malalantad na kontra-Kaliwa sila, taliwas sa gusto nilang imahen sa bansa at labas nito. Tiyak, masaya sila na ang kasama o comrade nila ngayon ay si Benigno, hindi si Benito. Kung tutuusin, mga lider nila ang nanguna sa pagpapalutang sa pangalan ng mga Tiamzon, halos pagsusuplong.

Anu’t anuman, maraming ebidensyang pwedeng hilahin para patunayang hindi pa lipas ang Kaliwa — ang paglakas nito simula nang maitatag, ang mga tagumpay nito sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, ang pagpwersa nito sa mga naghaharing uri na kilalanin ito at magpatupad ng mga reporma, at iba pa. Mahalaga ang mga ebidensyang ito, pero mas mahalagang tumbukin ang pinag-ugatan nila. Bakit nga ba hindi pa lipas ang Kaliwa? Bakit nga ba sa halip na mamatay nang kusa ay patuloy itong nabubuhay, kung hindi man lumalakas, gaya ng pinapatunayan mismo ng mga deklarasyong lipas na ito?

Kakatwa na kasabay ng pagsasabing laos na ang Kaliwa ay idinedeklarang buhay na buhay ang rehimeng US-Aquino. Katulad din marahil ng pagsasabing laos na ang Marxismo at nagtagumpay ang kapitalismo. Ang una sa pahayag ay iniluluwal lang ng ikalawa: Ang Marxismo ay kritika ng kapitalismo, kaya’t habang buhay ang kapitalismo, mananatili itong buhay, at patuloy na ituturo at tuturuan ang mga tagahukay ng libingan ng naturang sistema at ang Kilusan nila. Ang mga kampeon ng “Laosismo” ang siyang tunay na panatiko, naniniwala sa doktrinang labag sa ipinapakita ng reyalidad.

vilhelm_hammershoi2

Sa mga salitang sosyo-ekonomiko, nagpapatuloy ang armadong pag-aalsa sa Pilipinas na pinapamunuan ng Kaliwa dahil sa sumasahol na kawalang-trabaho, kawalang-lupa, karalitaan at kagutuman. Ang mga ito ang dahilan kung bakit nananatiling buhay, hindi laos at lalong “hindi matalu-talo,” sa mga salita nga ni Austria-Tiamzon, ang Kaliwa. Hindi kinakailangang maging maka-Kaliwa o may simpatya sa Kaliwa para masabi ito. Malapit sa katotohanan kahit ang mga propagandista ng mga naghahari kapag sinasabi nilang kahirapan ang siyang nagluluwal ng armadong paglaban at ng Kaliwa sa kabuuan.

Kaya mahirap respetuhin ang mga nagsasabing laos o lipas na ang Kaliwa dahil sa pagkahuli ng mga Tiamzon — na syempre’y sinasamantala nila para ilitanya ang mga kahinaan at kasalanan, tunay man o inimbento, ng Kaliwa. Ni wala silang intelektwal na integridad para iturol sa rehimen o sistema ang sisi sa patuloy na pag-iral at paglakas ng Kaliwa. Hindi reporma o pagbabagong panlipunan ang pangunahin sa isip nila, kundi ang pag-upak sa Kaliwa, kung hindi man ang pagtatanggol sa naghaharing rehimen at sistema. Diyan nagmumula ang pagbaluktot nila ng lohika at maingay nilang ngawa.

Ang napakasamang lagay ng nakakarami sa bansa ang dahilan kung bakit hindi laos, bagkus lumalakas, ang Kaliwa. Sa katotohanang iyan nagmumula ang iba’t ibang tagumpay ng Kaliwa sa maraming larangan. Mahalagang banggitin ang naturang mga tagumpay, pero mas madaling isara ang debate sa publiko at mas malakas magpaalab ng pagkilos sa mga progresibo ang lagay ng nakakarami. Mas masaya ring tumanaw ng mas marami at mas malalaking tagumpay na kakamtin sa hinaharap. Nagkakamali ang mga kampeon ng Laosismo: ginagawa nilang mas kaakit-akit ang pagbabagsak sa kanila!

12 Abril 2014

Galing ang mga larawan dito.

Heto naman ang magagandang kolum nina Mong Palatino at Axel Pinpin tungkol sa pag-aresto sa mga Tiamzon. Nagsulat din si Rene Saguisag, dating abogadong pang-human rights at senador, tungkol sa mag-asawa.

Sulatin ni Luis V. Teodoro hinggil sa digmaang nagaganap sa bayan ni Juan: 118 taon na ngayon, aniya. Tinalakay ni Carlos Maningat ang matinding kawalang-trabaho na hinaharap ng bansa ngayon.

Lalo kong minahal si Katha Pollitt sa malinaw na tindig niya laban sa ligalisasyon ng prostitusyon, sintomas ng kaliwang hindi tumatanaw lampas sa kasalukuyang lipunan. Nakakapagpaisip na sanaysay ni David Graeber tungkol sa pagmamalasakit ng mga galing sa mga pinagsasamantalahang uri.

Masinsing pagsusuri ni Benjie Oliveros hinggil sa datos ng umano’y pag-unlad ng gobyerno. Nakakatawang mga plakard ng protesta: Kaya pala galit na galit ang may-hawak ng isang plakard, ngalay na ngalay na!

Matagumpay ang kakatapos na Pambansang Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan! Mabuhay! Ramdam ito ng mga lumahok, at may makabuluhang sinasabi tungkol sa pakikipagtuos ng Kaliwa sa rehimeng Arroyo. (Galing ang larawang kuha ni Edd Gumban sa itaas sa PhilStar.com at ang mga larawan sa ibaba sa site ni Patrill. Maraming salamat!)