Higit kay Gina at sa Mina

Energy

Nitong 06 Marso, pumunta ako sa UP-Diliman para dumalo sa “People’s Mining Forum” na inilunsad ng Kalikasan People’s Network for the Environment at iba pang organisasyon. Ang konteksto: ang mainit na debate sa midya tungkol sa kautusan ni Sec. Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipatigil ang operasyon ng 23 kumpanya ng pagmimina at ipasuspinde ang operasyon ng lima pang kumpanya. Ang sabi sa titulo, tungkol ang porum sa “mining audit” na isinagawa ng DENR sa 41 kumpanya at sa pangangailangan ng pambansang industriyalisasyon sa bansa.

Nakakamangha: nagsimula at tumakbo ang porum na may unawaan ang mga dumalo na negatibo ang kabuuang epekto ng malakihang pagmimina sa mga komunidad, kalikasan, karapatang pantao at ekonomiya. Hindi na kinailangang patunayan pa sa mga dumalo ang masasamang epekto. Masasabing tagumpay ang ganitong kalagayan ng paglaban at paglalantad ng mga Lumad, mga pambansang minorya, magsasaka, at iba pang sektor ng lipunan na sumusuporta sa kanila. Tagumpay rin ito ng mga pahayag at ulat ni Lopez mismo sa tulong ng midyang pag-aari ng kanyang pamilya, ang ABS-CBN.

Kaya naman sa social media, nalalantad ang mga tagapagtanggol ng malalaking minahan bilang mga direktang nakikinabang sa naturang negosyo. Nangunguna na ang dyaryong Philippine Daily Inquirer, na ang presidenteng si Sandy Prieto-Romualdez ay asawa ni Philip Romualdez, pangulo ng Chamber of Mines of the Philippines at ng Benguet Corporation, kumpanyang kasama sa ipinasara ni Lopez. Bahaging may-ari rin ng dyaryo ang malaking kapitalistang si Manny Pangilinan, chairman ng Philex Mines at namumuhunan sa pagmimina.

Lumulutang din si Dr. Carlo Arcilla, na nagpapakilalang “environmental expert” o eksperto sa kalikasan at propesor ng geosciences sa UP. Katunayan, kaunting Google lang ang kailangan para maipakitang tuluy-tuloy siyang naglingkod sa mga kumpanya ng pagmimina – at sa gayo’y hindi isang tagamasid na nyutral, obhetibo o akademiko gaya ng gusto niyang ipakita. Siyang umano’y eksperto sa kalikasan, matagal nang lingkod ng mga sertipikadong eksperto sa pagsira sa kalikasan.

Sa bungad pa lang ng programa, nasabi na ng tagapagpadaloy na isang hakbang patungo sa tamang direksyon ang pagpapatigil at pagsuspinde ni Lopez. Pero kung hindi nagdulot ng kaunlaran sa bansa ang malakihang pagmimina, hindi rin magdudulot ng kaunlaran ang simpleng pagpapatigil rito. Bahagi ang malakihang pagmimina ng isang modelo ng “kaunlaran” na pabor sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal. Posible bang maging bahagi ito ng modelo ng kaunlaran na tunay na pabor sa nakakarami, sa mga mamamayang Pilipino?

Dollar

Sa unang bahagi ng kanyang presentasyon, inilatag ni Engr. Rodolfo Velasco, Jr. ng DENR ang mga probisyon ng Philippine Mining Act of 1995 hinggil sa umano’y pagtulong ng pagmimina sa mga komunidad at pangangalaga sa kalikasan. Sa ikalawang bahagi, inilahad na niya ang “mining audit” na isinagawa ng DENR. Ang layunin nito, aniya: malaman ang pagtupad o hindi pagtupad ng mga kumpanya sa mga probisyon ng batas hinggil sa pangangalaga sa kalikasan. Pagkatapos, inilitanya na niya ang bilang ng mga kumpanyang ipinapatigil at ipinapasuspinde ang operasyon.

Sa isang banda, taliwas kay Lopez, walang maalab na paglalarawan at pagkondena si Velasco sa pagwasak sa kalikasan ng pagmimina. Sa kabilang banda, naipakita niyang tanging batayang ligal ang ginamit para sa kautusang ipatigil ang operasyon ng mga minahan. Sa isang banda, malinaw ang panawagan sa porum na ibasura ang mismong Mining Act of 1995. Sa kabilang banda, naipakita ni Velasco na kahit ang batas na ito na pumapabor sa mga kapitalista sa pagmimina ay nilalabag mismo ng naturang mga kapitalista.

Sa panig naman ni Dr. Giovanni Tapang, tagapangulo ng AGHAM-Advocates of Science and Technology for the People at propesor sa UP, ipinakita niya na ang pagkawasak ng kalikasan na dulot ng malakihang pagmimina sa kasalukuyan ay bahagi ng kalakaran ngayon ng ekonomiya ng bansa. Ang problema sa malakihang pagmimina sa ngayon, aniya, ay bahagi ito ng kalakarang naglilingkod sa mga dayuhan at iilan sa kapinsalaan ng masang katutubo, magsasaka at bayan.

Ani Tapang, ang malakihang pagmimina ngayon sa bansa ay: (1) kalakhang nakalaan sa eksport, sa pagtugon ng pangangailangan ng ibang bansa, hindi ng Pilipinas, (2) pag-aari ng, at naglilingkod sa, malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, hindi ng mamamayan, (3) nakasandig sa dayuhang kapital at teknolohiya, (4) walang karugtong sa ekonomiya pagdating sa pagpoproseso ng mga naminang mineral patungo sa kalakal, (5) hindi naglilingkod sa matinding pangangailangan ng mekanisasyon ng agrikultura, at (6) parte ng sistema ng produksyon kung saan ang Pilipinas ay tumatanggap ng maliit na dagdag na halaga o “low-value added” lang.

Aniya, posible na ang pagmimina ay maging bahagi ng pambansang pag-unlad, kung magiging bahagi ito ng mga programang magsusulong sa tunay na kaunlaran – ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Para rito, kailangan aniya na isabansa ang mismong industriya ng mineral sa bansa. Kailangan itong maglingkod sa agrikultura, kagyat ang paglikha ng mga traktora. Kailangan itong maging bahagi ng pagpapalakas sa mga industriyang magaan at mabigat, at ang huli ang maghahawan ng landas patungo ibayo pang pag-unlad.

Naging madiin si Tapang sa aspetong “bagay” ng usapin: mga mineral, mga kalakal na nililikha mula mineral sa ibang bansa, mga kalakal na bumabalik sa bansa na yari na, mga traktora at mga kalakal na na dapat likhain sa bansa, at iba pa. Mahalagang idagdag ang aspetong “tao” sa isyu: na ang malakihang pagmimina sa kasalukuyan ay karugtong ng kalagayan ngayon ng lakas-paggawa ng bansa: migranteng manggagawa, magsasakang walang sariling lupa, empleyado ng Business Process Outsourcing, manggagawa sa sektor ng serbisyo, at iba pa.

Posthuman.png

Ibig sabihin, ganito ang mga kinasasadlakang trabaho ng mga Pilipino – naglilingkod sa mga dayuhan at iilan, mapagsamantala, at kumikitil sa mapanlikhang potensyal – dahil walang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa ating bansa. Ibig sabihin, dapat makita ng mga estudyante ng mga kurso sa UP na karugtong ng pagmimina – na nag-iingay ngayon sa isyu – na ang kanilang hinaharap ay mahigpit na kaugnay ng hinaharap ng buong bayan; na ang isyu nila, hindi maiiwasan, ay isyu rin ng buong bayan.

Si Kong. Karlos Ysagani Zarate ng Bayan Muna naman, tinalakay ang People’s Mining Bill bilang alternatiba sa Mining Act of 1995. Ipinaalala niya na noong 2004, sinabi na ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyong 1987 ang Mining Act of 1995. Pero binaligtad din ang naturang hatol dahil sa presyur ni Gloria Macapagal-Arroyo, na noo’y presidente. Nabanggit niyang may mga aral na mahahalaw sa industriyalisasyon ng South Korea, na imbitasyon para palalimin ang pag-unawa sa karanasan ng iba’t ibang bansa sa industriyalisasyon at pagmimina.

Sabi Zarate, kung ang umiiral na batas ay tungkol sa pagbibigay-insentiba sa mga namumuhunan sa pagmimina, ang panukalang batas ay tungkol sa pagsasabansa ng mga minahan, independyenteng patakarang pang-ekonomiya at pagtiyak ng maksimum na pakinabang ng bansa sa pagmimina. Kung sa una ay bukas ang lahat ng lugar sa bansa sa pagmimina at aaprubahan na lang ng presidente, sa ikalawa ay sarado, at nangangailangang aprubahan ng tinatawag na Multisectoral Mining Council.

Sa open forum at pangwakas na pananalita ni Piya Macliing Malayao, pangkalahatang kalihim ng Kabataan para sa Tribung Pilipino o Katribu, nailatag ang iba’t ibang porma ng paglaban sa malakihang pagmimina: mula pagtutulak ng moratoryo sa mga lokal na pamahalaan hanggang sa protesta sa lansangan, mula pagla-lobby para sa People’s Mining Bill hanggang sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front, at mula sa pangayaw o tribal war ng mga katutubo hanggang pag-atake ng New People’s Army sa mga minahan.

Mainam idugtong: anuman ang ganda at husay ng mga nakahaing alternatiba sa malakihang pagmimina ay hindi agad ipapatupad ng gobyerno, at anuman ang sama at pinsala ng malakihang pagmimina ay hindi rin agad ipapatigil nito. Ang ugat: ang umiiral na relasyon ng pagmamay-ari sa bansa, na pabor sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at haciendero na ipinagtatanggol ng gobyerno. Ang masasamang interes, bulag sa masasahol na epekto ng kanilang hakbangin at bingi sa magagandang panukala para sila ay mabago.

Sa dulo, positibo ang hakbangin ni Lopez at ang pagpapalawak at pagpapalakas sa iba’t ibang paglaban sa malakihang pagmimina ngayon. Tuntungan ang lahat ng ito para mapalakas ang pakikibaka para tapusin ang paghahari ng mga dayuhan at iilan sa bansa, pabor sa pananaig ng nakakaraming Pilipino. Ito lang ang tatapos sa pamiminsala ng malakihang pagmimina sa ngayon at maglalagay ng pagmimina sa bagong balangkas ng tunay na pambansang kalayaan at pag-unlad.

11 Marso 2017

Galing dito ang mga larawan. Interesanteng artikulo tungkol sa kakaibang pagkahubog kay Gina Lopez.

Advertisements