Tag Archives: Lumad

Lumad sa Puso ng Tu Pug Imatuy

Tu Pug Imatuy1

“Bobombahin ko iyan,” sabi ni Pang. Rodrigo Duterte patungkol sa mga paaralan ng mga Lumad matapos ang ikalawa niyang State of the Nation Address noong Hulyo 24. Ilang araw bago iyun, nagprotesta sa Kongreso at ikinulong ng pulisya ang ilang guro ng naturang mga eskwelahan. Tutol sila sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao na nagpapatindi sa militarisasyon sa mga komunidad at paaralan ng mga Lumad – ang mga katutubong mamamayan ng Mindanao na hindi Kristiyano at hindi rin Muslim.

Napanood ko ang indie film na Tu Pug Imatuy, may titulong Ingles na The Right to Kill, matapos ang mga pangyayaring ito. Simple ang kwento, na siguro’y sumasaklaw lang ng tatlo o apat na araw. Sinundan nito ang pang-araw-araw na buhay ng mag-asawang Lumad na sina Dawin at Ubonay. Hanggang sa dumating ang isang iskwad ng militar sa kanilang lugar, dahasin at bihagin sila, at pwersahin silang ituro ang kinaroroonan ng mga rebeldeng New People’s Army. Lumaban sila, tampok si Ubonay, at nanaig.

Huli ko nang napanood ang pelikula. Umani na ito ng maraming awards mula sa film festival na sinalihan nito. Tumanggap na rin ito ng maraming papuri mula sa mga manonood at manunuri. Kung ibabatay sa kasikatan nito sa ilang seksyon ng bansa, madaling makalimutang ngayong 2017 ito lumabas. Pero huli man daw ang manonood, kung mahusay ang pelikula at nananatiling napapanahon ang paksa, marapat pa ring magsulat ng rebyu. Napakahusay ng Tu Pug Imatuy, at lubhang napapanahon.

Una, malinaw at simpleng nailatag ng pelikula ang mas malawak na konteksto ng naratibo nito. At nagkwento lang ito, hindi nangaral. Bagamat hirap, may sariling kakanyahan ang pamumuhay ng Lumad. Nakasalalay ang simpleng buhay nila sa kanilang lupang ninuno o yutang kabilin. Matagal na silang nakatira rito at matagal na nila itong ipinaglalaban. Dumating ang mga kumpanya ng pagmimina at nangwasak. Tutol sila sa pagpasok na ito, kaya dumarating ang militar para ipwersa ito sa kanila.

Tu Pug Imatuy2

Ikalawa, ipinakita ng pelikula ang pandarahas sa mga Lumad, pangunahin kina Dawin at Ubonay, ang paglabag sa karapatang pantao nila. Sa husay ng pagpapakita, para na rin itong pagpapadanas sa manonood. Dahil sa pagsahol ng lagay ng bansa, hindi na tanong para sa marami kung totoo ba ang mga paglabag sa karapatang pantao o hindi. Ang totoo, nakakamanhid na ang dami ng ulat tungkol rito. Ito ang binasag ng Tu Pug Imatuy; ipinaramdam nito ang pambababoy, ang makahayop na pagtrato, sa Lumad.

Ikatlo, malinaw at makatotohanan ang paglalarawan sa mga pwersang pampulitika sa kwento. Ang Tu Pug Imatuy, higit sa anuman, ay pagdakila sa paglaban ng mga Lumad sa pang-aagaw sa kanilang yutang kabilin at pandarahas sa kanila. Hindi kataka-taka na pinahigpit nito ang pagkakaisa ng mga nanood na Lumad na nasa Haran, Davao dahil nagbakwit (evacuate) mula sa militarisasyon at ng mga tagasuporta nila. Ito ang kwento ng intelektwal at kolumnistang si Arnold P. Alamon na doon nanood ng pelikula.

Sa unang bahagi, ipinakita ang pagtatalo sa hanay ng militar, sa pagitan ng batang Lieutenant Olivar at matandang Sargeant Villamor – ang kanilang pangalan ay kumbinasyon ng mga mananakop na Amerikano at Espanyol. Ang una, tutol sa malupit na pagtrato sa Lumad ng ikalawa, tila naniniwala sa mabait na pagkuha ng “puso at isip” ng katutubo. Pero sa pagtakbo ng kwento, ipinakita ang pananaig ng malupit na pagtrato, na siya namang totoong nararanasan ng mga Lumad at mamamayang Pilipino.

Mahalaga ang papel ng NPA sa pelikula, bilang kakampi, katuwang at tagapaglingkod ng mga Lumad. Agad makikita ang kaibahan ng hukbo na may babaeng may susing papel kumpara sa militar na puro lalake. Ang NPA ang nagbigay ng kalagayan na sinamantala ni Ubonay para tumakas at lumaban muli. Mas maraming napatay si Ubonay kaysa sa NPA, bagamat ang mahalagang idiin ay magkaisang-hanay silang lumaban. Positibo ang katapusan ng pelikula dahil sa pagsisikap ni Ubonay, at dahil sa tulong ng NPA.

Tu Pug Imatuy3

Ikaapat, ipinasilip ang paaralang Lumad. Dahil may mga Lumad tulad ni Dawin na hindi marunong magbilang, nagsisikap ang komunidad na itaas ang karunungan. May mga nagsusuplong man sa mga eskwelahan bilang likha ng NPA, watawat ng Pilipinas ang nakawagayway rito at may larawan pa ni Noynoy Aquino, pangulong nagpaigting ng atake sa mga Lumad. Mayroon itong hukay para pagtaguan ng mga bata kapag binobomba ng mga militar ang eskwelahan, pero walang baril o anumang armas.

Nagtuturo ito ng pangangalaga sa kalikasan at ng “imperyalismong Amerikano” – na bahagi ng kasaysayan, simpleng depensa ng guro sa pelikula. Itong lugar ng pagkatuto ng mga Lumad, ginagawang target ng pandarahas ng militar at gobyerno. Dahil sa mga paaralang ito, ang isang anak ni Dawin ay nangangarap maging guro. Si Lieutenant Olivar, hindi si Sargeant Villamor, ang umihi sa mga gamit sa eskwela. Tila kahit para sa naliliwanagang militar, hindi kapani-paniwala ng nagsasariling pagkilos ng mga Lumad.

Ikalima, mahusay na nailahad ang nilalaman dahil pasado, kung hindi man mahusay, ang porma ng pelikula – mula sa simpleng kwento at payak na diyalogo hanggang sa mahuhusay na mga aktor, mula sa buhay na kuha ng kamera sa mga eksena hanggang sa mapagmuning tutok sa kalikasan. Maraming eksena ang nakakatindig-balahibo. Patunay ang pelikula ng natatanging lugar ng sining sa pagsusulong ng progresibong pulitika at ng pagiging materyal ng progresibong pulitika para sa mahusay na sining.

Pero may pagbaklas din sa mga kumbensyon ng pelikula ang Tu Pug Imatuy. Masasabi na bida ng pelikula si Ubonay, pero hindi siya ang bidang inapi-api lang. Lumaban siya, pero hindi rin sa karaniwang hulma ng mahusay o pinagpala. Masasabi ring nagtagumpay siya sa paglaban, pero hindi ito tagumpay na maningning, mapagbunyi, masigabong palakpakan. Natapos ang kwento, pero walang paramdam na tapos na ang laban. Mahirap at buwis-buhay ang paglaban ni Ubonay, parang ang pakikibaka mismo.

Kapuri-puri ang tapang, talas at husay ng mga nasa likod ng pelikula: Arbi Barbarona (direktor), Arnel Mardoquio (screenplay), Arbi Barbarona at Bryan Jimenez (cinematography), Norhaya Diabo Macusang, Milo Tolentino, Arnel Mardoquio, at Arnel Barbarona (producers) at Malona Sulatan, Jong Monzon, at iba pang artistang gumanap. Pagpupugay sa kanilang lahat! Ang dapat na humabol ngayon ay ang mga pagsisikap na maipalabas ang pelikula sa buong bayan at maging sa ibang bansa.

Tu Pug Imatuy4

Interesante ang pagmumuni ni Andrea Malaya M. Ragragio, propesor sa UP-Mindanao at kolumnista, hinggil sa pagpatay. Humalaw siya sa pilosopong si Walter Benjamin para sabihing bagamat kautusan sa Bibliya ang “Huwag kang papatay,” hindi ito nagbibigay ng lahatang paghusga sa mga taong pumatay. Humalaw naman siya kay Slavoj Zizek, isa pang pilosopo, para sabihing ang “banal na karahasan (divine violence)” gaya ng ginamit ni Ubonay ay patunay ng kawalang-katarungan sa mundo.

Ayon kay Ragragio, ang ibig sabihin ng praseng Manobo na “tu pug imatuy” ay “ang pumatay” at ang direktor na ng pelikula ang gumamit ng Ingles na prase para sa “karapatang pumatay.” Kinikilala ng lipunan, at katanggap-tanggap pa nga rito, ang karapatang pumatay sa isang eksaktong pakahulugan – pagdepensa sa sarili laban sa tangkang pagpatay. Ganito ang dinanas ni Ubonay sa kamay ng militar, ang dinadanas ng Lumad sa kalakarang panlipunan na nagsisilbi sa malalaking kapitalistang dayuhan.

Pero nakakapagpaisip ang matatagal na nakatingalang pagtutok ng kamera sa kalikasan. Nag-uudyok ito ng mga pakahulugan na katanggap-tanggap din. Antas-pilosopiya: batas ng kalikasan ang tunggalian, na kapag may nang-aapi, may lalaban, kasama na ang pagpatay sa mga pumapatay. Antas-pulitika, kaugnay ng nauna: sa kanayunan, malayo sa sentro ng kapangyarihan ng iilan, kinakayang magtayo ng Estado ng nakakarami, “espesyal na pampublikong pwersa” sa salita ni Engels, “organisasyon ng karahasan para sa pagsupil sa kung anong uri,” sa salita ni Lenin, may kapangyarihang pumatay.

Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan; ganyan ang pagpapalayas at pandarahas sa Lumad para sa bansa. Sagad ang pagsasamantala, mula manggagawa, magsasaka at iba pang maralita, umaabot sa pag-angkin sa yamang likas sa malayo. Ang mga kababayan nating walang-wala, nabuhay sa sariling kayod na parang kinalimutan na ng sentro ng kapangyarihan, ay biglang naalala – para apihin. Silang nagsisikap bumangon at sumulong, gamit ang kanilang paaralan, ay gustong patagin sa lupa.

Panoorin ang Tu Pug Imatuy at lalong pumanig sa Lumad at bayan.

15 Agosto 2017

Galing ang mga larawan sa Facebook page ng pelikula.

Advertisements