Kontraktwalisasyon 101

1

Depinisyon. Sa kagyat na pakahulugan, ang “kontraktwal” ay isang katayuan sa trabaho kung saan ipinagkakait ang ugnayang employer-employee sa pagitan ng isang manggagawa at ng kapitalista o kumpanyang tunay na nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Ipinagkakait sa kanya ang katayuang “regular employee” ng naturang kumpanya o kapitalista. Tinutukoy naman ng “kontraktwalisasyon” ang kalagayan kung saan umiiral ang mga kontraktwal at katunaya’y pinaparami pa nga.

>>  Iligal ang isang masahol na modus operandi kung paano ito ipinapatupad: kukuha ang kapitalista o kumpanya ng manpower agency o cooperative para magsuplay ng mga manggagawa. Tatanggalin sa trabaho, o papalabasing tinatanggal sa trabaho, kada limang buwan ang manggagawa. Kadalasan, muling ire-rehire o papalabasing muling ni-rehire ang manggagawa sa parehong trabaho, paulit-ulit. Nakasaad kasi sa batas na kailangang  gawing regular ang manggagawa kapag umabot siya ng anim na buwan sa trabaho.

>> Pakitang-taong tinutuligsa ng malalaking kapitalista, ng gobyerno at mga tagapagsalita nila, ang naturang modus operandi; sinasabi nilang “pag-abuso” ito sa kontraktwalisasyon. Pinapalabas nila na ito lang ang kasingkahulugan ng “endo” o “end of contract” at “5-5-5” na siyang popular nang tawag, at karanasan, sa kontraktwalisasyon.

>> Mula noong rehimen ni Noynoy Aquino hanggang ngayon sa rehimen ni Rodrigo Duterte, pinapalabas ng gobyerno na ang mga manggagawa ay nareregular sa mga agency pagkatapos ng anim na buwan. Pangontra umano ito sa modus operandi na “endo” o “5-5-5.”

>> Pero kontraktwalisasyon pa rin ito. Pagkakait pa rin ito ng ugnayang employer-employee sa pagitan ng manggagawa at ng kumpanya o kapitalistang tunay na nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Wala pa ring seguridad sa trabaho ang manggagawa. Pwede siyang mawalan ng trabaho nang wala o may minimal lang na pananagutan ang kapitalista at agency sa batas.

>> Kahit pa sabihing ipinagbabawal ng batas at kinokondena ng mga kapitalista at gobyerno, talamak pa rin ang nabanggit na modus operandi. Marami ring pagkakataong tumatagal ang manggagawa sa kanyang trabaho, umaabot nang ilang taon, nang ang katayuan ay kontraktwal.

>> Atake ang kontraktwalisasyon sa karapatan sa seguridad sa trabaho ng manggagawa, at sa maraming batayang karapatang kaugnay nito. Sabihin pa, ipinapatupad ang kontraktwalisasyon para tiyakin ang papalaking tubo ng mga kapitalista.

Kalagayan. Kadalasan, ang mga kontraktwal ay tumatanggap ng napakababang sahod. Kadalasang mas mababa sa minimum ang pasahod sa kanila kahit bawal ito sa batas. Kadalasan silang pinagkakaitan ng mga benepisyong itinatakda ng batas. Ang mga empresang matindi ang paglabag sa mga istandard sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa, puno ng mga kontraktwal.

2

>> Sa pamamagitan ng kalagayang pwede silang tanggalin sa trabaho anumang oras, hinahadlangan silang mag-unyon. Sa kalagayan pa lang na kada limang buwan ay tinatanggal, mahirap nang mag-unyon. Kapag natuklasang nag-uunyon ang mga kontrakwal sa isang kumpanya, at wala silang paglaban, kadalasang maramihan silang tinatanggal. Mas masahol pa, dahil mismo sa kalagayang ito, pinupwersa silang magkumahog na gawin ang lahat ng gusto ng kumpanya o kapitalista, kahit mawasak ang pagkakaisa nila, at huwag gawin ang anumang ayaw nito, gaya ng pagtatayo ng unyon.

>> Sa pagpapahirap sa kanilang mag-unyon, pinagkakaitan sila ng armas para ipaglaban ang mas mataas na sahod, regularisasyon, mga benepisyo, ligtas na lugar ng paggawa at iba pang karapatan.

>> Sa kabila ng dambuhalang tubo at yaman nila, o para nga rito, ang pinakamalalaking kapitalistang dayuhan at lokal sa bansa ang mga pangunahing tagapagpatupad ng kontraktwalisasyon.

>> Espesyal na kaso ang mga empleyado sa sektor ng Business Process Outsourcing sa bansa. Sa kabila ng relatibong mas mataas nilang sahod at benepisyo, sa esensya’y kontraktwal ang katayuan ng kanilang pagtatrabaho.

Batas. Mismong Batas Paggawa o Labor Code ng 1974 ang nagsisilbing ligal na batayan ng kontraktwalisasyon. Dito, sinasabing bawal ang Labor-Only Contracting habang ligal ang tinatawag na Job Contracting. Binibigyan ng masaklaw na kapangyarihan ang Labor Secretary na maglabas ng mga alituntunin para sa pagpapatupad ng Job Contracting. Sa aktwal, ang naturang mga alituntunin ay pagtuturo sa mga kapitalista kung paano magkokontraktwalisa nang ligal.

>> Sa pakahulugan ng batas, tinutukoy ng Labor-Only Contracting ang kalagayan kung saan ang isang kumpanya ang tunay na may kontrol sa mga manggagawa at dummy lang nito ang agency. Tinutukoy naman ng Job Contracting ang kalagayan kung saan ang agency umano ang tunay na may kontrol sa manggagawa at nagagawa nito ang gawain nang walang pakikialam ng kumpanya.

>> Ipinataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Paggawa sa pamamagitan ng Presidential Decree 442. Kaakibat ng hakbanging ito ang pagtatayo ng mga Export-Processing Zones o EPZs na nagbibigay ng maraming insentiba sa malalaking kapitalistang dayuhan na mamuhunan sa bansa, at ang pagtatayo ng dilawan, maka-kapitalista at kontra-manggagawang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP.

>> Sa ilalim ni Cory Aquino, nagsabatas ng maraming pagsusog sa Batas Paggawa sa pamamagitan ng Republic Act 6715. Tinatawag itong “Herrera Law,” nakapangalan kay dating Sen. Ernesto Herrera na dating lider ng TUCP. Hindi nito binago ang mga probisyon ng Batas Paggawa kaugnay ng kontraktwalisasyon. Naging malaganap ang kontraktwalisasyon sa bansa sa panahon ng mga rehimen nina Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

3

>> Alinsunod sa Labor Code, naglabas ang mga sekretaryo ng Department of Labor and Employment ng mga Department Order (DO) na siyang nagsilbing alituntunin sa pagpapatupad ng kontraktwalisasyon. Sa ilalim ni Arroyo, ipinatupad ang DO 18-02. Pinalitan naman ito sa ilalim ni Noynoy Aquino ng DO 18-A Series of 2011.

Noynoy. Kumpara sa DO 18-02, may mga “papogi” ang DO 18-A Series of 2011. Una, itinaas nito ang mga pamantayan para matawag ang isang agency na “lehitimong kontraktor,” kumpara sa hindi. Ikalawa, itinakda nito ang pagtalima sa Labor Standards ng mga lehitimong kontraktor. Ikatlo, isinaad dito ang pagregularisa sa mga manggagawa ng agency, hindi ng mga pangunahing employer o kumpanya. Pero matatapos ang kontrata ng manggagawa-agency kasabay ng pagtatapos ng kontrata ng kapitalista-agency.

>> Sa isang banda, resulta ang naturang mga “papogi” ng mga pagkondena at protesta laban sa kontraktwalisasyon. Umigting ang pagtutol sa kontraktwalisasyon dahil sa pagtanggal, noong 2010, ng 2,600 regular at unyonisadong manggagawa sa Philippine Airlines o PAL at pagpapabalik sa kanila sa parehong trabaho nang kontraktwal, walang unyon, at sumasahod lang ng kalahati ng nauna nilang sahod. Si Lucio Tan, pangalawang pinakamayamang Pilipino, ang siyang may-ari ng PAL – at ang pagpayag sa tanggalan at kontraktwalisasyon sa kanyang kumpanya ay waring hudyat sa lahat ng kapitalista na pwede silang magkontraktwalisa sa ilalim ng rehimeng Aquino.

>> Pero sa kabilang banda, pakitang-tao lang ang naturang mga probisyon, at sa esensya’y nagliligalisa pa rin sa kontraktwalisasyon.

>> Datos ng gobyerno mismo ang nagpapakitang panlilinlang lang ang umano’y “regularisasyon” sa mga ahensya. Ayon sa Philippine Statistics Authority, lumundag nang 16.3 porsyento ang bilang ng kontraktwal noong 2014 mula noong 2012. Ayon dito, 30 porsyento, o 1.3 milyon, sa 4.5 milyong manggagawang ineempleyo ng mga negosyong may 20 pataas na manggagawa ang kontraktwal. Inilalabas ang naturang saliksik kada dalawang taon, at tiyak na konserbatibo ang bilang na inilalabas nito.

>> Ayon dito, ang konsentrasyon ng mga kontraktwal ay ang konstruksyon, manupaktura, wholesale at retail trade, bagamat dumami ang hindi regular sa agrikultura, pangisdaan at paggugubat, sa financial and insurance services, at sa repair ng mga kompyuter at iba pang gamit sa bahay. Sa pag-alam sa kalakaran ng empleyo sa mga sektor na ito, madaling masabing mas malaganap sa 30 porsyento ang kontraktwal.

Duterte. Nitong eleksyong 2016, nauna si noo’y presidentiable Rodrigo Duterte sa pangangakong tatapusin ang kontraktwalisasyon. At hindi lang ito pangakong inanunsyo ng midya; laman ito ng mga poster niya na nakadikit sa mga komunidad. Naghahabol siya noon ng boto, at malaganap ang diskuntento sa naturang iskema ng pag-eempleyo.

4

>> Ayon kay Duterte, nagdudulot ng kahirapan at kagutuman ang iskema, at sumisira sa lakas-paggawa at sa ekonomiya ng bansa. Malinaw sa kanya na bangga ang pangako sa interes ng mga kapitalista, at palaban niyang sinabihan sila na ilipat ang suporta kung ayaw sa kanyang pangako. Nagsunuran ang iba pang kandidato sa parehong pangako kaya para makaungos, malinaw niyang sinabi na tatapusin ang kontraktwalisasyon sa loob ng isang linggo matapos niyang manalo. Ilang beses din niyang inulit ang pangako matapos niyang manalo. Pero tiyak, igigiit ng mga maka-kapitalista sa gobyernong Duterte ang pamosong pag-iiba ni Budget Sec. Benjamin Diokno ng “Duterte bilang kandidato” at “Duterte bilang pangulo.”

>> Gaya rin ng inaasahan, tumutol ang malalaking kapitalista sa pangunguna ng mga organisasyon nila – pangunahin ang Employers Confederation of the Philippines o ECOP – at nagpanukala ng isang umano’y “win-win solution.” Ito ang sinang-ayunan ng Department of Labor and Employment sa pamumuno ni Sek. Silvestre Bello III. Dito iniluwal ang kasalukuyang alituntunin sa kontraktwalisasyon, ang DO 168. Noong una’y DO 30 dapat ang pangalan nito, pero binago dahil tiyak na makakasama sa pangalan ni Duterte.

>> Nakatuntong ang DO 168 sa DO 18-A Series of 2011 at pinapalabas nitong pinapahusay nito ang sinundan. Tulad ng DO 18-A Series of 2011, itinatakda ng DO 168 ang pagreregular sa mga manggagawa sa agency. Sa DO 18-A Series of 2011, matatapos ang kontratang manggagawa-agency kapag natapos ang kontratang agency-kapitalista. Sa DO 168, magpapatuloy ang kontratang manggagawa-agency kahit matapos ang kontratang agency-kapitalista. Kapag natapos daw ang kontratang agency-kapitalista, ihahanap ng agency ang manggagawa ng bagong trabaho at kung hindi makahanap ay bibigyan ang manggagawa ng separation pay.

>> Tulad ng DO 18-A Series 0f 2011, hindi tinatapos ng DO 168 ang kontraktwalisasyon. Pinapanatili nitong ligal ang kontraktwalisasyon at katunaya’y binibigyan pa ang iskema ng papogi para magmukhang katanggap-tanggap sa mga manggagawa at mamamayan. Noon, ipinagyabang ng DOLE ni Aquino na may mga manggagawang naregular dahil sa DO nito, taliwas sa aktwal na paglaganap ng kontraktwalisasyon. At ganito na rin ang ginagawa ng DOLE ni Duterte: nagsasabi ng mga gawa-gawang datos ng nareregular umano sa ilalim ng bagong DO.

Kapitalista. Tandaan: ang World Bank ang unang malakas na nagpahayag ng pagtutol sa pangako ni Duterte na tapusin ang kontraktwalisasyon. Sinundan ito ng mga maka-kapitalistang komentarista sa bansa: Gerardo P. Sicat, Raul J. Palabrica, Peter Wallace. Ang kanilang linya: Ang problema ay hindi ang kontraktwalisasyon, kundi ang “pag-abuso” rito. Ang kailangan ay hindi ang ibasura ang kontraktwalisasyon, kundi ang mahigpit na pagpapatupad ng DOLE sa mga probisyon ng batas laban sa mga agency na ilehitimong kontraktor.

5

>> Anila, magdurusa ang mga manggagawa kapag nawala ang kontraktwalisasyon dahil mababawasan ang mga trabahong nariyan. Mas maraming manggagawa raw ang nabibigyan ng trabaho dahil sa katayuang kontraktwal; kung magiging regular anila ang mga manggagawa, kaunti lang ang matatanggap sa trabaho. Sa madaling sabi, kapag ipinagbawal ang kontraktwalisasyon, magkakaroon ng maramihang tanggalan.

>> Pag-blackmail ito sa mga manggagawa para tanggapin ang kontraktwalisasyon at ang busabos na kalagayan sa paggawa na kaakibat nito. Lumang tugtugin na ito, katulad ng laging tugon ng malalaking kapitalista kapag lumalakas ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod. Balewala sa ganitong pagdadahilan ang masamang kalagayan at mga batayang karapatan ng mga manggagawa.

>> Totoong dahil sa malaganap na kawalang-trabaho sa bansa ay madali para sa mga kapitalista na magtanggal ng mga manggagawa at palitan ang huli ng mga bago. Totoo ring dahil sa ganitong kalagayan ay pinupwersa ng mga kapitalista ang mga manggagawa na tanggapin ang kontraktwal na katayuan at busabos na kalagayan sa paggawa. Pero hindi dahilan ang ganitong pananakot para maniwalang hindi kayang ibigay ng mga kapitalista ang kahilingan ng mga manggagawa para sa regularisasyon, lalo na sa harap ng pagtaas ng tubo ng mga kapitalista sa bansa.

>> Sa pagdadahilan ng mga kapitalista at tagapagsalita nila, ipinagpapalagay na makatwiran at mapagmalasakit ang mga kapitalista: magreregular sila batay sa kakayahan at mag-eempleyo ng pinakamaraming kakayanin. Saan ibinabatay ng mga kapitalista ang pagsasakatuparan ng naturang mga hakbangin? Walang iba kundi sa tubo nila. At sino ang nakakaalam kung magkano ang tunay na tubo nila? Walang iba kundi sila. Nakabatay samakatwid ang ganitong pagdadahilan sa kalkulasyon ng mga kapitalista sa kanilang tubo at sa katapatan o kabutihang loob nila. Hindi makatao at makatotohanan na ibatay ang kalagayan ng mga manggagawa sa kalkulasyon ng tubo o kabutihang loob ng mga kapitalista; kaya nga sa kasaysayan ay ipinaglaban ng mga manggagawa ang paniyak laban sa mga ito – ang kanilang mga karapatan.

>> At mahalagang idiin, laban sa ganitong pangangatwiran: ang kontraktwalisasyon ay paglabag sa lahat ng batayang karapatan ng mga manggagawa. Sa Pilipinas, laman ang naturang mga batayang karapatan sa mismong Konstitusyong 1987, na resulta ng malakas na pakikibaka ng mga manggagawa noong panahon ng diktadurang Marcos at kahit pagkatapos. Ang mga ginagarantiya ng Artikulo XIII ng Konstitusyon sa mga manggagawang Pilipino: lubos na proteksyon mula sa gobyerno, karapatang mag-organisa sa sarili at kolektibong makipagtawaran, magwelga, seguridad sa trabaho, makataong kalagayan sa paggawa, at nakabubuhay na sahod.

>> Mahalagang idagdag na kasama ang naturang probisyon sa matagal nang gustong baguhin ng mga malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at malalaking panginoong maylupa sa pamamagitan ng mga gobyernong nagtutulak ng Charter Change.

6

Pagkilos. Sa lahat ng ipinangako ni Duterte bago at pagkatapos ng eleksyon, ang pagtapos sa kontraktwalisasyon ang isa sa pinaka-kumakatawan ng pangako niyang “tunay na pagbabago,” at “tapang at malasakit.” Mahalagang sukatan ang pagsasakatuparan dito, o ang hindi pagsasakatuparan dito, kung nakakapagdulot siya ng tunay na pagbabago o hindi.

>> Marapat lang na kondenahin ang paglalabas sa DO 168, gayundin sina Bello at Duterte para sa kautusang ito. Marapat lang ipaglaban ang pagbasura sa DO 168, gayundin ng probisyon sa Labor Code na nagbibigay ng bisa rito mula sa pagpapahintulot sa Job Contracting. Dapat ipaglaban ang pagbabawal sa Job Contracting, ang regularisasyon ng mga kontraktwal, at ang pagpawi sa mga agency.

>> Pero ang kontraktwalisasyon ay hindi lang patakarang ipinatupad ng magkakasunod na rehimen. Naging patakaran ito ng magkakasunod na rehimen dahil dikta ito ng imperyalismong US at bahagi ng neoliberal na atake nito, kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri, sa mga manggagawa at kilusang paggawa sa bansa at sa buong mundo.

>> Napakakitid, halimbawa, ng pagdadala ni Herbert Docena ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa isyu para ilantad si Duterte na “hindi progresibo.” Mas dumudulo ito sa paglaban at pagpapatalsik sa pangulo na hindi karugtong ng pagsusulong ng tunay na pagbabagong panlipunan. Kapansin-pansing relatibong tahimik ang BMP laban sa kontraktwalisasyon noong panahon ni Aquino, na todong nagpatupad nito. Naging relatibong maingay naman ito sa kontraktwalisasyon sa panahon ni Duterte, na nangakong tatapusin ito. May panganib din na mahulog ang pagsusuri sa pangangailangan sa isang progresibong pangulo para mawala ang anti-manggagawang iskema sa empleyo. Sa direksyon ni Docena, magiging masaya si Leni na Robredo, pero hindi si Lenin na Vladimir.

>> Kasama ang kontraktwalisasyon sa mga neoliberal na atake sa mga manggagawa at kilusang paggawa. Ang pangkalahatang layunin: patuloy na palakihin ang tubo ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal kahit sa kalagayang may krisis ng labis na produksyon sa pamamagitan ng pagpapababa sa sahod at sa tinatawag ng Marxistang intelektwal na si David Harvey na “panlipunang sahod (social wage).” Kaakibat ng kontraktwalisasyon ang pagbasag sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at kawani sa pampublikong sektor, pagpapalaganap ng mga special economic zones, partikular ang mga EPZs at pagkonsentra rito ng mga manggagawang industriyal, at iba pang mayor na hakbangin.

>> Mawawakasan lang ang kontraktwalisasyon ng malawak at malakas na sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at mga tagasuporta nila. Isang antas ang paggigiit sa gobyerno na ibasura ang iskema sa empleyo. Kailangan ang tuluy-tuloy at papalawak at papalakas na protesta para igiit ang pagbabasura rito. Gaya ng nabanggit ni Teddy Casiño ng Bayan Muna, isang pagkakataon din para igiit ito sa gobyerno ni Duterte ang usapang pangkapayapaan nito sa National Democratic Front of the Philippines.

>> Pero magkakaroon ng lakas ang paggigiit sa gobyerno mula sa tuluy-tuloy at papalawak na pagkakaisa at pagkilos ng mga manggagawa sa antas ng empresa at konsentrasyon ng mga empresa. Sa karanasan, nalalabanan ang kontraktwalisasyon sa mga empresa sa iba’t ibang paraan: mula sa pagsasampa ng mga kasong nagpapakitang Labor-Only Contracting ang nagaganap at hindi Job Contracting, bagamat iilan ang tagumpay at matagal ang proseso; hanggang sa paglaban ng mga nakatayo nang unyon para maregular ang baha-bahagdan ng mga kontraktwal.

>> Nitong huli, sa pamumuno ng mga panrehiyong balangay ng Kilusang Mayo Uno sa Timog Katagalugan at Southern Mindanao Region, nagpuputok ng welga ang mga kontraktwal sa layuning maregular sila at maitayo ang kanilang unyon. Sa harap ng matinding pagsasamantala sa kanila at ng laging posibilidad ng malawakang tanggalan kapag natuklasang nag-uunyon sila, wala nang naiwang pagpipilian ang mga manggagawa kundi ang maghanda sa welga at magwelga sa tamang panahon para maregular at makilala ang kanilang unyon.

>> Sentral na usapin ang kontraktwalisasyon sa higit na paglawak at paglakas ng kilusang manggagawa sa bansa, sa paglaban sa atakeng neoliberal, sa pagtangan ng paparaming manggagawa sa kanilang mahalagang papel para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Ang totoo, magiging tiyak lang ang pagwakas sa kontraktwalisasyon sa isang lipunan na pinapamunuan ng mga manggagawa at magsasaka, hindi ng mga imperyalista, malalaking burges-komprador at haciendero tulad ngayon. Kailangan ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba para lubusang mawakasan ang kontraktwalisasyon sa pambansang antas.

>> Napakainam na pagkakataon samakatwid ng isyu at reyalidad ng kontraktwalisasyon para manawagan sa mga manggagawa, lalo na iyung pinagsasamantalahan ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista: Magkaisa at lumaban! Mag-unyon at makibaka! Ipaglaban ang sahod, trabaho at karapatan! Ipaglaban ang pambansang demokrasya at kalayaan! Makipag-ugnayan sa tunay, palaban at makabayang sentrong unyong Kilusang Mayo Uno para sa mga kongkretong hakbang!

17 Enero 2017

Galing ang mga larawan dito.

Isang inspirasyon sa Kapirasong Kritika: paalam at salamat, Mark Fisher, aka K-Punk: una at ikalawa.

Advertisements

Hindi kasama sa konsepto ng “malayang midya” at “malayang pamamahayag” ng sistemang ito ang lagi at malalim na pagbabalita sa lagay at laban ng mga manggagawa – silang pangalawa sa pinakamarami sa bansa. Sa mismong mga kumpanya ng midya, hindi malaya – ni hindi maganda – ang lagay ng mga manggagawa. (Galing ang unang larawan kay Che, ang ikalawa kay Patrill.)

Walang Manggagawa sa Midya

Para sa pagdiriwang ng Mayo Uno ngayong taon, plano ng militanteng kilusang paggawa sa bansa, sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno, na kondenahin ang mahigit siyam na taong paghahari ng rehimeng US-Arroyo – partikular ang matinding pag-atake nito sa sahod, trabaho at karapatan ng mga manggagawang Pilipino. Igigiit nito ang pagparusa kay Gloria Macapagal-Arroyo para sa malulubhang krimen niya sa mga manggagawa at sambayanan – tampok ang pagpapatupad ng mga patakarang nagdulot ng malawakang kahirapan at kagutuman, pagdambong sa kabang-bayan, paglulunsad ng ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista, at iba pa.

Ayon kay Michael Parenti, manunuring pampulitikang Amerikano, malinaw ang pagkiling ng midya ng US sa malaking negosyo o business. Wastong-wasto rin ang mga obserbasyon niya sa tinatakbo ng midya sa bansa: “Walang seksyon hinggil sa paggawa ang pinakamalalaking dyaryo… kaakibat ng seksyon nila para sa negosyo. May buu-buong staff silang nag-uulat ng balitang negosyo pero may nag-iisang labor reporter lang, kung mayroon man. At kadalasan, ang mga ‘labor’ reporter, batay sa mga nakilala ko, ay hindi nagpapakita ng partikular na paggagap sa mga pakikibaka ng mga manggagawa o ng pagiging sensitibo sa mga isyu nila. Kung ipakita man nila iyan, hindi sila tatagal sa assignment at mahuhusgahan pang ‘masyadong napapalapit’ sa pinapaksa nila.”

Dagdag pa niya, “Regular na iniuulat ng mga panggabing balita ng mga network ang Dow Jones average pero hindi sila nagbibigay ng lingguhang kwenta ng tanggalan, aksidenteng industriyal, at matagalang sakit dulot ng trabaho. Kapag mahusay ang araw para sa stock market, itinuturing itong magandang balita para sa ating lahat sa kung anong kadahilanan. Bihirang pansinin ng press ang pulitiko-ekonomikong kapangyarihan ng mga korporasyon. Inilalarawan ang ekonomiya bilang pinapatakbo ng gobyerno at negosyo, habang nakakaladkad lang ang organisadong paggawa bilang napakaliit at madalas na magulong kaakibat.” Sabi pa niya, “Kapag hindi nakawelga, halos naglalaho na ang mga manggagawa at mga unyon sa pambansang midya.”

Sabi pa niya, “Tinatrato ng midya ang mga alitang paggawa-negosyo bilang mga hiwa-hiwalay na insidenteng walang kaugnayan sa mas malalaking pwersang pang-ekonomiya.” Dagdag pa niya, “Itinuturing ang mga welga bilang aberyang panggulo sa normal na buhay, hindi sistemikong tunggaliang likas sa industriyal na kapitalismo.” Ang gobyerno, sa kabilang banda, “ay nyutral na tagapamagitan na kumikilos para sa ‘pambansang interes’… Ipinagpapalagay na pinakamahusay na napaglilingkuran ang interes ng publiko sa pag-iwas sa mga welga o pagpapabalik sa mga welgista sa trabaho, sa pinakamabilis na paraan, nang walang pakialam sa mga kondisyon ng pagkakaayos.” Hindi rin inilalarawan ang mga aparato ng Estado bilang “mga tagapagtanggol ng pag-aari ng mga korporasyon at bodyguard ng mga eskirol.”

Sabi pa ni Parenti, “Hindi na dapat ikagulat ang pagkiling na kontra-paggawa ng midya. Ang mga may-ari ng midya mismo ang ilan sa pinakamapagsamantala, kontra-unyong mga employer at tagabuwag ng mga welga.” Lagi raw sabi noon ni Katharine Graham, tanyag na may-ari ng Washington Post: “Nakakasagka ang mga unyon sa kalayaan sa pamamamahayag.” Hindi malaya ang midya kung maka-manggagawa?


Sa Pilipinas, may nakapagsabi sa akin ng trato ng malalaking estasyong pantelebisyon sa isang bungkos ng mga usaping pangmanggagawa: “Masyadong pribado” raw ang maraming isyu, lalo na iyung kaugnay ng Collective Bargaining Agreement o CBA sa loob ng isang kumpanya. Ayaw raw “manghimasok” ng mga estasyon sa ganito, kahit mga alitan sa CBA ang siyang madalas na ugat ng mga welga ng manggagawa. “Pero ibang bagay na kapag may mga manggagawang pinapatay at bumubulagta…” Parang masamang biro sa mga manggagawa at kakampi nila: kung gusto mong lumabas ang isyu ng mga manggagawa, ang mga welga nila, sa midya, kailangang may mamatay.

Pero minsan, kahit sa mga pagkakataong may namatay, hindi pa rin maayos ang pagbabalita ng midya. Nang paslangin noong 2005 si Diosdado “Ka Fort” Fortuna, presidente ng unyon ng mga manggagawa sa Nestle, ni hindi binanggit ng balita sa telebisyon at malalaking dyaryo ang pangalan ng kumpanyang pinagtrabahuan niya, tinawag lang siyang “lider-manggagawa.” Hindi ito mapapalampas dahil mainit pa ang welga ng mga manggagawa ng Nestle noon, at si Ka Fort na ang ikatlong presidente ng unyon sa Nestle na pinaslang. Dahil sa dami ng patalastas na ipinapasok nito sa midya, nagagawa ng Nestle na kontrolin ang huli. Kaya hindi man lang nabanggit ng midya ang ngalan nito, na mahalagang impormasyon sa pag-unawa sa pagpatay kay Ka Fort.

May mga kumpanyang pang-midya sa bansa na isinasapraktika ang mga patakaran sa paggawa na lihim nilang sinasang-ayunan. Ang ABS-CBN, halimbawa. Sabi ng isang kakilala, noong 2004, mahigit 1,200 pa ang regular na empleyado ng Kapamilya. Pero matapos kuhanin ng ABS-CBN ang isang dating opisyal ng kumpanya ni Danding Cojuangco – na kilala rin sa mga patakarang kontra-manggagawa sa mga kumpanya niya – naging 300 na lang ang bilang. Dumami ang kontraktwal, pero pinarami ang oras ng pagtatrabaho nila at pinababa ang sahod. At nitong nag-organisa ng unyon ang mga kontraktwal at nagtulak ng eleksyon para sa unyon, ang sagot ng ABS-CBN: hindi sila empleyado ng kumpanya – kahit taliwas ang maraming ebidensya sa pahayag na ito.

Hindi lumalabas sa midya ang nangyayari ngayon sa Dole Philippines – epekto marahil ng lakas sa patalastas ng kumpanya ng prinosesong pinya. Mahigit 6,000 ang manggagawa nito sa plantasyon ng pinya sa Timog Cotabato, na sa mahabang panahon ay pinapamunuan ng Amado Kadena, militanteng unyong nasa ilalim ng Kilusang Mayo Uno. Kakahalal lang muli sa mga militanteng opisyal ng unyon noong Agosto ng nakaraang taon. Ibig sabihin, may bago silang mandato ng mga manggagawa. Sa pamumuno ng Amado Kadena, naipagtagumpay ng mga manggagawa ng Dole ang pagregularisa sa mahigit 1,000 kontraktwal na manggagawa noong nakaraang taon.

Rumesbak ang kumpanya. Matapos ang mahabang panahon ng kampanya ng paninira sa unyon, naghanap ito ng mga butas na ligal sa pagpapatakbo ng unyon – mga papeles na hindi raw maayos at iba pa. Nagtulak ang unyong gawa ng manedsment ng Dole, ang UR Dole, ng pag-impeach sa mga militanteng opisyal ng unyon. Nanawagan ang UR Dole ng general assembly o GA. Noong hindi tumugon ang mga opisyal ng unyon, nagpatawag ang UR Dole ng sariling GA. Tinulungan ito ng manedsment, at mga sasakyan ng kumpanya ang ginamit sa paghakot sa mga manggagawa para dumalo sa GA. Sa iligal na GA na ito, in-impeach ang mga opisyal ng unyon at naghalal ng bagong opisyales. Kinilala ng Dole ang iligal na prosesong ito, at isinusulong na ngayon.


Hindi rin lumalabas sa midya ang kaso ni Vincent “Ka Bebot” Borja, lider-manggagawa at miyembro ng National Council ng KMU mula sa Silangang Visayas. Noong Abril 2007, ilang araw bago ang eleksyon, inaresto siya ng militar, hindi ng pulisya, sa isang pulong ng mga party-list coordinators sa rehiyon. Nasa pulong na iyun si Cong. Teddy Casiño, na noong nag-usisa sa ligal na batayan ng pag-aresto ay sinagot ng opisyal ng militar ng “Gusto mo, idamay kita?” Inakusahan si Ka Bebot ng pagiging opisyal ng New People’s Army, sa kabila ng mahaba at tuluy-tuloy na rekord niya ng pagkilos bilang lider-manggagawa, at pagdalo pa nga sa mga aktibidad ng KMU.

Pagpatay ang kasong isinampa sa kanya. Nakabatay ang kaso sa testimonya ng isang “saksi” na nagturo rin sa isa pang suspek na nauna pa ngang namatay – nang ilang buwan – sa sinasabing pinatay nila ni Ka Bebot. Hindi dumadalo ang “saksi” sa pagdinig ng kaso ni Ka Bebot, kaya napakabagal ng pagtakbo – este, pag-usad – ng kaso. Nakakulong pa rin si Ka Bebot hanggang ngayon at ang nakatakdang susunod na pagdinig ay tungkol sa petisyon niya para magpyansa. Isang eleksyon na naman ang idadaos ng bansa pero nakakulong pa rin siya – sa malabong batayan, sa iligal at marahas na paraan, sa napakabagal na prosesong malinaw na pagkakait ng katarungan.

Walang manggagawa sa midya. Ngayong malapit na ang Mayo Uno, nasa midya na sila uli, hanggang matapos na naman ang taun-taong ritwal na ito at babalik na naman sila sa ibang pagkatao nila sa mata ng midya – kriminal, biktima, karaniwang tao sa kalsada, pero hindi manggagawa. “Hindi naganap ang gera sa Iraq,” pamosong sabi ng pilosopong Pranses na si Jean Baudrillard noong maagang bahagi ng dekada ’90 – hindi para itangging naganap ang agresyong militar, tulad ng sabi ng mga kritiko niya, kundi para idiing hindi tradisyunal na “gera” ang natunghayan. Walang manggagawa sa midya, dahil hindi na tradisyunal na manggagawa ang nagtatrabaho rito. Inaalerto ang publiko sa bagong itsura ng paggawa: kontraktwal na ang mga bagong manggagawa.

30 Abril 2010

Nakakagalit ang mga huling pahayag ng senatoriable na si Risa Hontiveros-Baraquel – maka-Kanan na nagpapanggap na aktibista. Para lang manalo sa eleksyon, pinapalalim niya ang hidwaan ng Akbayan at ng pambansa-demokratikong Kaliwa. Dapat diyan, hindi lang hindi iboto, kundi ikampanya ang pagkatalo. Magandang laban? Ang baho ng pulitika mo!

May isa, dalawang magandang entri si Anton Dulce tungkol dito. Mayroon din sina Arnold Padilla at Mong Palatino.

May isinulat si Marocharim, pangkalahatang balik-tanaw sa bulok na rehimen ni Gloria.

Heto ang isang sulatin tungkol sa pinagmulan ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa sa Mayo Uno.

Mukhang may inilulutong mayor na hakbangin ang mga Maoista sa Nepal para ngayong Mayo Uno.

May maikling ulat si Naomi Klein tungkol sa kumperensya hinggil sa kalikasan at climate change na naganap sa Bolivia.

Tingnan ang komento ni Manuel Buencamino sa blog ni Angela Stuart-Santiago. Kasunod noon ang komento ko. May bukas pa, oy!

Chill. Ito ang mensahe ni Ina Silverio-Gargar sa mga maka-Noynoy na kandarapa sa pagtanggi sa pag-endorso ni Andal Ampatuan, Jr.

Natawa ako, may rebyu ng isang album ni Whitney Houston sa The Feminist Review.