Tag Archives: Martial Law

Marami Yankee Marawi

Hannah Hoch1

Mayo 23, nagsimula ang pag-atake ng Maute Group at Abu Sayyaf sa Marawi City – bilang tugon, huwag nating kalimutan, sa naunang pag-atake ng Armed Forces of the Philippines. Sa parehong araw, idineklara ni Pang. Rodrigo Duterte ang batas militar sa buong Mindanao.

Hunyo 09, mahigit tatlong linggo pagkatapos, nakitang lumilipad sa himpapawid ng Marawi ang eroplanong P3 Orion ng US Navy, ginagamit para sa paniniktik o intelligence sa mga submarine. Ilang araw pagkatapos, kinumpirma ng US Embassy ang “pagtulong” ng mga “special operations forces” ng US sa militar ng Pilipinas sa paglaban sa mga grupong terorista. Sinabi rin nitong ang gobyerno ng Pilipinas ang siyang humingi ng tulong.

Ayon sa tagapagsalita ng AFP, “Wala tayong sapat na kagamitang paniktik, kaya humingi tayo ng tulong sa militar ng US.” Paliwanag niya sa ibang balita, “Sa isang labanan o lugar ng labanan, ang pinakamahalagang bagay para sa isang kumander ay malaman kung ano ang nangyayari sa buong lugar… ang tinatawag na ‘kaalaman sa sitwasyon (situational awareness)’.”

Ayon naman sa isang opisyal-militar ng US, ang tulong ay sa porma ng “paniniktik at pagtarget mula sa himpapawid, paniktik sa larangang elektroniko, tulong sa komunikasyon, at pagsasanay.”

Madiin sa pagsasabi kapwa ang mga opisyal-militar ng US at Pilipinas na ang tulong ay teknikal, hindi sa pagsabak sa aktwal na labanan. “Walang bota sa lupa,” ang paborito nilang ekspresyon. Malinaw sa batas ng Pilipinas ang pagbabawal sa paglahok ng mga tropang dayuhan sa mga armadong labanan sa bansa.

Pero ayon sa Pentagon ng US, bukod sa 50-100 tropang Amerikano na nasa Mindanao para sa “rotational exercises” sa loob ng maraming taon bago ang pag-atake ng Maute Group at Abu Sayyaf, nagdagdag na ito ng 300-500 tropa sa Pilipinas para suportahan ang “mga regular na pagsasanay at aktibidad.”

Ayon muli sa opisyal-militar ng Pilipinas, pinapayagan ang mga tropang Kano na humawak ng mga baril. “Hindi sila sangkot sa aktwal na labanan pero kung ang mga (Maute) ay makalusot sa ating depensa at makapasok, kailangan din nilang protektahan ang kanilang sarili kaya pinapayagan namin silang [magdala ng mga armas].”

Hannah Hoch2

Bagamat lantad ang pagtulong ng US sa larangan ng paniktik, sa aktwal ay may pagbubukas sa, kung hindi pa man indikasyon ng, paglahok sa armadong labanan ng mga tropang Kano sa bansa. Bagamat katanggap-tanggap ito sa mga maka-US – dahil sa napakasamang imahen ng terorismo at sa napakamabuting imahen ng US, na hindi makatotohanan – paglabag ito sa soberanya ng Pilipinas, sa kontrol ng sambayanang Pilipino sa ating teritoryo.

Sa kanyang mga pahayag, dumistansya si Duterte sa paglahok ng mga tropang Amerikano sa krisis sa Marawi.

At inaasahan na ito. Matatandaang ilang beses siyang nagsalita nang palaban at nang kontrobersyal laban sa marahas na pananakop ng US sa bansa, sa nagpapatuloy nitong kontrol sa Pilipinas, at partikular sa presensyang militar nito sa bansa. Malinaw niyang sinabi na ang gusto niya ay “independyenteng patakarang panlabas.” Ipinahayag din niya ang pagbaling sa Russia at China mula sa US.

Ayon sa pangulo, “Wala akong nilapitang Amerikano para sabihin, ‘Tumulong kayo’.” Iginiit niya na kayang harapin ng militar ng Pilipinas ang krisis sa Marawi sa sarili nito.
Hindi raw niya alam ang pagtulong ng mga tropang Amerikano sa AFP sa Marawi bago naganap ang pagtulong. Aniya, “Hindi ko alam iyan, pero sa ilalim ng batas militar, ibinigay ko ang kapangyarihan sa defense department.” Matatandaang si Defense Sec. Delfin Lorenzana ang itinalaga niyang tagapangasiwa ng batas militar.

Anu’t anuman, aniya, “Nagpapasalamat na rin ako. Nandiyan na iyan.” Dagdag pa niya, at makahulugan ito, “ang ating mga sundalo ay maka-Amerikano, iyan ang hindi ko maitatanggi.”

Sa kagyat, inililigtas ni Duterte ang sarili sa harap ng hindi pagtutugma ng mga pahayag niyang palaban sa US at ng hakbanging ito na nakasunod sa US. Sa isang banda, maaaring oportunista ito: palusot para patuloy na makapagsalita laban sa US, at sa gayo’y maipagpatuloy ang pagpapanggap na makabayan at makakuha ng mga pakinabang sa pakikipag-usap sa Russia at China, habang sa aktwal ay tumatanggap pa rin ng tulong mula sa US – at nagbubukas pa nga sa pakikipagmabutihan ito.

Hannah Hoch3

Sa kabilang banda, maaaring prinsipyado ito: paggigiit ng anti-US na tindig sa isang antas, pag-atras sa kagyat para mas maipaglaban ang independyenteng patakarang panlabas sa hinaharap, habang kinikilala ang panganib na banggain ang totoo namang napakalakas na kontrol ng US sa militar at ang kakayahan ng huli na maglunsad ng kudeta laban sa kanya.

Tumitining din ang isang mahalagang kaibahan. Ang deklarasyon ng batas militar sa buong bansa ni Ferdinand Marcos noong 1972, nagmula sa malinaw na suporta ng US at kontrol sa militar. Ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanao ni Duterte ngayong 2017, nagpalakas sa kontrol ng US at militar sa kanya, at nagsasara ng mga pagbubukas na ginawa niya para makadistansya sa US at manyutralisa o makabig ang militar sa ganitong direksyon.

Maagap ang mga babala ng mga komentarista ng mga publikasyong kritikal sa US, mula sa perspektibang maka-Russia at maka-China. Ayon sa mga komentaryo nina Whitney Webb ng MintPress at Robert Bridge ng RT, ang paglahok ng mga tropang Amerikano sa krisis sa Marawi ay maaaring bahagi ng isang pakana para patalsikin si Duterte bilang pangulo.

Malinaw si Bridge sa pagsasabing ang ISIS ay likha ng US, at kasalukuyang ginagamit ng US para labanan at ibagsak ang gobyerno ni Pangulong Bashar Assad ng Syria na hindi sumusunod sa dikta ng US. Aniya, ang pagpakat ng mga pwersang militar ng US sa Pilipinas ay posibleng may ibang layunin bukod sa paglaban sa Maute Group at Abu Sayyaf sa Marawi – ang aktwal na patalsikin si Duterte.

Si Webb naman, sa kabilang banda, ay nagdiin sa malapit na ugnayan ng militar ng US at militar ng Pilipinas noon at ngayon. Aniya, ang mga kudeta sa Ikatlong Daigdig na suportado ng US sa kasaysayan ay humikayat sa mga militar na direktang patalsikin o huwag sundin ang pangulo sa pwesto. Bukod pa rito, aniya, ginagamit ng US ang ISIS para idestabilisa at ibagsak ang mga lider ng mga bansa na hindi sumusunod sa mga dikta ng US.

Hannah Hoch4

Pareho sina Bridge at Webb sa pagsasabing ang ugat ng ganitong pagkilos ng US laban kay Duterte ay ang pagtindig ng huli laban sa US at pabor sa Russia at China. At alam ni Duterte ang panganib ng kanyang mga hakbangin, sa sipi ni Webb: “May sinabi ako tungkol sa [pagtanggal] sa mga tropang Kano, isang araw, sa aking termino, kung makaligtas ako sa [Central Intelligence Agency], mayroon pa akong limang taon.”

Sa isang banda, masama ang mga layunin ng US: mula sa pwersahin si Duterte na sumunod sa mga dikta nito at kumalas sa Russia at China hanggang sa ilatag ang kalagayan para maging madali ang patalsikin siya sa pwesto. Marumi ang mga pamamaraan nito: gamitin ang Maute Group, Abu Sayyaf at ISIS, at maaaring ang militar; magdulot ng matinding pagdurusa sa mga mamamayan ng Marawi; lalong atakehin, sa balangkas ng batas militar, ang baseng masa ng Kaliwa na nagtutulak ng independyenteng patakarang panlabas at tunay na pagbabago; at palakasin ang kontrol nito sa militar at sa gobyerno.

Sa kabilang banda, ang naging tugon ni Duterte ay ang pagpapatianod o oportunistang pagsang-ayon nang may pagdistansya. Anuman ang kanyang mga pahayag at mga motibo niya sa mga ito, ayon nga sa Communist Party of the Philippines, “Sa pagdedeklara ng batas militar sa Mindanao, pagbibigay ng lubos na kapangyarihan sa militar at pulisya na sinanay ng US at nakaasa sa US, pagpapakat ng libu-libong naka-armor na tropang panlupa at pag-uutos ng pagbomba gamit ang mga bombang Amerikano, inilatag ng rehimeng Duterte ang perpektong palusot para makialam ang militar ng US.”

Sa dulo, ang nanganganib ay ang gobyerno ni Duterte mismo. Sa kagyat ay napahigpit ang kontrol dito ng US at ng mga maka-Kanan sa militar at gobyerno. Sa matagalan ay posible itong patalsikin ng naturang mga pwersang pampulitika. Pero ang kagyat at matagalang panganib ay sa sambayanan: kasama na ang pag-atras sa pagsusulong ng ipinangakong independyenteng patakarang panlabas at tunay na pagbabago, ang pagbabalik sa dating gawi, antas-Noynoy Aquino, dogmatikong maka-US, neoliberal at pasista.

“Ang kapangyarihang pampulitika,” sabi nga ni Mao Zedong, “ay nagmumula sa dulo ng baril.” Alam ito kapwa ng US at ng mga alagad nito sa militar at gobyerno sa isang banda, at ni Duterte sa kabila. At mahalaga ang kapangyarihang pampulitika para magdulot ng mga reporma hanggang at lalo na sa larangan ng ekonomiya. Sa pagpapahigpit ng US sa kontrol nito sa militar at gobyerno, at kung hindi papalag si Duterte at ang sambayanan, mahahadlangan ang anumang pagbabagong maaaring itulak ni Duterte sa patakarang panlabas, pulitika at ekonomiya ng bansa.

20 Hunyo 2017

Galing ang mga likhang-sining ni Hannah Hoch, rekomendado ni ng Komunistang historyador na si Eric Hobsbawm, dito.

Mahusay pa rin ang Buwan at Baril

johnson-tsang1

Madalas mabanggit ang “Buwan at Baril” ni Chris Millado bilang isa sa mga klasikong dula na kontra sa diktadurang US-Marcos at isa sa mga klasikong dulang makabayan. Nang ipalabas ito ngayong taon, may mga kaibigang nagsabi sa aking manood, dahil maganda raw at nakakaiyak pa nga. Kaya naman nanood ako, at hindi ako nabigo.

Binubuo ang “Buwan at Baril” ng limang istorya ng mga taong lumaban sa diktadura, partikular noong umigting ang pakikibaka nang paslangin si Sen. Ninoy Aquino petsa Agosto 21, 1983. Sa mensahe niya sa souvenir program ng dula, sinabi ni Millado na isinulat niya ito noong 1984, panahong kahit ang UP School of Economics ay nagsasabing binabayo ng matinding krisis ang bansa. Nasa iba’t ibang bahagi ng dula ang mga palatandan ng panahon: Lakbayan, August Twenty-One Movement, dilaw na confetti sa Makati, mga kamisetang may laman ng panawagang boykoteo sa eleksyon at larawan ni Ninoy, at iba pa.

Pero ang mainam sa dula, makabuluhan ang mga kwento lampas sa partikular na panahon na inilalarawan nila. Ang una, tungkol sa pagtatagpo ng magkapatid na magsasakang aktibista at manggagawang unyonista’t welgista sa Lakbayan nang dumating ang huli sa Metro Manila. Ang ikalawa, ang pagkukwento ng babaeng Itawis, isang pambansang minorya, sa tulong ng isang paring kumukupkop sa kanya tungkol sa pagpatay ng militar sa kanyang ama sa batayan ng akusasyong kasapi ito ng New People’s Army o NPA.

Ang ikatlo, ang pakikipag-usap ng isang socialite sa kanyang kasambahay tungkol sa kanyang pakikisangkot sa pakikibakang anti-Marcos. Ang ikaapat, ang pagsundo ng isang babaeng aktibista sa bangkay ng asawa niyang NPA, ang pagluluksa sa pagkamatay nito, at pagpapaalam dito. At ikaapat, ang pag-aresto, interogasyon at pagtortyur ng pulisya sa isang estudyanteng aktibista.

Ang kagyat na mapapansing kapuri-puri sa dula ay ang script. Kongkreto at buhay ang mga karakter, ang mga kwento ng buhay nila, at ang kwento ng mga buhay na inilalahad nila. Sabi ni Millado, “Lahat ng karakter… ay batay sa mga aktwal na taong nakilala ko, nakatrabaho, naengkwentro nang saglit, nabasa at nabalitaan sa mga lihim na pulong, piketlayn, mahabang martsa, demonstrasyon, pakikipamuhay, at barikada.” Makikitang matalas magmasid ng mga tao si Millado at lumubog siya sa kanilang saya, pighati, pag-ibig, drama, kakwanan, kakengkuyan at iba pang emosyon. Ito siguro ang aspetong “Buwan” sa titulo.

johnson-tsang2

Pero ang mahusay rin sa dula ay kung paanong nagtutulungan ang bahaging personal na ito at ang pulitikal – ang komitment hindi lang sa pakikibakang anti-diktadura, kundi sa pakikibaka para sa rebolusyunaryong pagbabago ng lipunan. Ito naman siguro ang aspetong “Baril” sa titulo. Pinasok ng dula ang personal hindi para magpakaligaw at magpakulong dito, kundi para paglingkurin ang mga nilalaman nito sa personal na katatagan sa kolektibong pakikibaka, at sa pampulitikang pakikibaka mismo.

Kaya dadalhin ka ng dula sa samu’t saring emosyon – sa paraang may bahaging marahan at may bahaging todo – para ibalik sa aktibismo at rebolusyon. Dito, mahigpit na magkaugnay, hindi magkabangga, ang buwan ng personal na buhay at ang baril ng pulitikal na pakikibaka.

Pinakamatining ang kakayahang ito sa kwento tungkol sa babaeng kumuha ng bangkay ng asawa niyang NPA. Dumaan siya sa matinding pagkwestyon sa prinsipyo at pakikibaka, pero humantong sa mas matatag na pagtangan dito; sa pakiramdam ng pagiging mag-isa pero tumungo sa pakiramdam ng pagiging kasama ng marami; sa pag-aakala ng kawalang-saysay ng kanyang buhay at kamatayan pero dumulo sa pag-unawa sa ibayong kabuluhan nito. Marami sa mga kasabayan kong manonood na may pampulitikang kamulatan ang marahang nagpunas ng luha at narinig ang mga pigil na singhot. Narito na yata ang pinakamasakit pero pinakamatamis na flying kiss na nakita ko sa buong buhay ko.

Ang mahusay na script, nabigyang-buhay ng magaling na pagganap ng mga aktor sa ekspertong direksyon ni Andoy Ranay. Napakagaling ni Angeli Bayani na gumanap na babaeng Itawis. Ang pananalita niya, waring Ilocano, pero ibang wika pa. Hindi na naisalin ng tagapagsalin niyang pari na si JC Santos ang mga sinasabi niya, pero mauunawaan mo nang malinaw, sa tulong ng ilang susing salita at marubdob na emosyon. Marami ang nagtanong pagkatapos: talaga bang wika ni Bayani ang sinambit niya? Dahil galing sa puso, at tagos sa puso.

Napakahusay rin ni Mayen Estañero na gumanap na asawa ng patay na NPA. Mahusay niyang naipakita ang pagmamahal, lungkot, poot, saya, pangungulila, pagluluksa at samu’t saring emosyon sa tagpong iyun ng buhay. Asawang-asawa, nanay na nanay, aktibistang aktibista siya.

Dapat ding papurihan si Jackie Lou Blanco na gumanap na socialite – kalakhan nang suot ang bathrobe lang. Binigyang-buhay niya ang mahabang monologo at binigyang-ligaya niya ang manonood nang ipinapakita ang kanyang karakter, na siguro’y papasang isa sa “Titas of Manila” ngayon: ang kanyang mga tunggaliang pinasok, saya at lungkot, pagdadalawang-isip sa pakikibaka, at iba pa. May nagsabing ang modelo niya sa pagganap ay si Maita Gomez, aktibista at dating NPA, na lumabas ang larawan bago nagsimula ang kwento. Namulat si Maita noong First Quarter Storm ng 1970 habang ang karakter ni Blanco ay noong dekada 80 na, pero sinumang namangha kay Maita ay makakaalala sa kanya sa naging pagganap ni Blanco.

johnson-tsang3

Maraming interesante at nakakapagpaisip sa dula. Matapang ito sa pagpapakita ng mga panganib at sakripisyo na hinaharap ng mga aktibista at rebolusyunaryo, pero malinaw rin ito sa pagpapakita ng mga paninindigan, kwento, alaala, pagiging tuso sa kaaway, at iba pang rekurso nila sa pagharap at pag-alpas. Matapang bagamat maingat din ito sa pagdadala ng mga impormasyon lalo na kaugnay ng kilusang lihim: mula sa pagbilang ng babaeng Itawis sa 21 sundalong dumukot sa kanyang ama hanggang sa pagpapanggap ng asawa na pinsan niya ang patay, hanggang sa pagkatuklas ng nakasulat na talambuhay ng estudyanteng aktibista.

Ang sinasabing kagyat na dahilan kung bakit muling ipinapalabas ang dula ay para kontrahin ang rebisyunismo sa kasaysayan hinggil sa diktadurang US-Marcos na naglalatag naman ng landas para sa pagpapanumbalik ng mga Marcos sa Malakanyang. Idagdag pa marahil ang gisingin ang alaala para palakasin ang paglaban sa malaganap na ekstrahudisyal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Rodrigo Duterte.

Pero higit-higit pa diyan ang halaga at bisa ng “Buwan at Baril.” Kumbaga’y kinuhanan ni Millado ng larawan ang isang panahong malakas at maigting ang pakikibaka – hindi lamang laban sa diktadura kundi sa buong bulok na naghaharing sistema – at ipinapakita ang naturang larawan ngayon. Katulad rin marahil ng paggunita ng naunang henerasyon ng mga aktibista’t rebolusyunaryo sa FQS. Pinapalawak ang ating kaalaman at pag-unawa, binibigyan tayo ng inspirasyon at ahitasyon tungkol sa mga nagawa na at posible pang makamit na maaaring tanganan ngayon at lampasan sa hinaharap.

Sino nga ba iyung makatang nagsabing hindi mo pwedeng gawan ng buod ang isang tula? Ganoon pala iyun: Kapag napakaganda at napakahusay ng isang likhang-sining, walang anumang paliwanag o rebyu ang sasapat para ipagagap ito. Kailangang maranasan ito mismo ng mga tao. Kaya sinasabi ko sa lahat: panoorin ang “Buwan at Baril”! At marapat sabihan ang mga nasa likod ng dula: Padayon, itanghal sa buong bayan!

06 Pebrero 2017

Galing ang mga larawan dito.

Basahin at palaganapin natin ang magandang sulating ito ni Lizzie Presser na may mga larawan ni Kevin Kunishi tungkol sa kalagayan ng mga Pilipinong seaman. Maganda naman ang saliksik ni Arnold Padilla tungkol sa pagiging militaristang Amboy ni Delfin Lorenzana, secretary ng national defense.

Rehimen Lampas 2010

 

Ang sigurado tayo, may inilulutong malaki ang rehimeng Arroyo. Wala nang ibang makabuluhang paliwanag sa mga ginawa nito sa nakaraang ilang linggo.

 

 

MOA sa MILF

 

Pangunahing tinutukoy ang pagtutulak nito ng isang memorandum of agreement (MOA) hinggil sa mga lupaing katutubo (ancestral domain) sa Mindanao kasama ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) – armadong grupong lumalaban para sa paglaya at pagsasarili ng sambayanang Moro. Malinaw ang suri ng maraming taong nagbasa sa nasabing MOA: Pabor na pabor ito sa MILF. Pero pahabol ng mga taong kritikal dito: Marami ang nakalatag na balakid sa pagkakaapruba nito. Para kang nagbigay ng kendi sa paslit, kending nakakandado sa kaha-de-yero. 

 

Bakit pabor sa MILF ang MOA? Dahil isang hakbang ito pasulong tungo sa pagkakaroon ng nagsasariling estado – malayo pa rin naman sa gayong layunin, pero isa nang hakbang pasulong: Panimulang pagtatakda ito ng teritoryo at pagtatakda ng awtoridad, tipong gobyerno, na sasaklaw sa teritoryo. Anu-ano ang balakid sa pag-apruba rito? Ang maingay na pagtutol ng mga komunidad ng mga Kristiyano at ng mga panginoong maylupa – na lokal ding mga pulitiko – na napasama sa teritoryo. Bukod pa ang pagtutol mula sa gobyerno at ibang lugar.

 

Paano mo ipapaliwanag na – taliwas sa kontra-Moro at kontra-mamamayang katangian nito – itinulak ng rehimen ang isang kasunduang positibong tugon sa mithiin ng sambayanang Moro na lumaya sa mapang-api at mapanupil na estado ng Pilipinas? Na – tugma naman sa kontra-Moro at kontra-mamamayang katangian nito – itinulak ng rehimen ang gayong kasunduang sa totoo lang ay imposibleng maaprubahan, dahil sa samu’t saring balakid dito – na iniluwal din, sa isang banda, ng napakamalihim at napakabilis na proseso ng pagbuo rito?

 

 

 

Cha-Cha ni Gloria

 

Mabilis ang pagbulong ng ilan, gayundin ang pagsigaw ng iba: “Cha-Cha!”

 

Ang tunay na layunin ay hindi ang ibigay ang mithiin ng MILF at sambayanang Moro – sabi nga ng isang kanta ng bandang The Jerks, “Walang libreng kalayaan! Ito’y pinagbabayaran!” – kundi ang takamin pang lalo ang pagnanasa nitong magkaroon ng sariling estado. Kung kikilos ang MILF para igiit ang mithiing ito – at sa kasaysayan ay marahas ang pagkilos nito – magkakaroon na ng isang pwersang maggigiit ng pagbabago, na pwedeng makaimpluwensya sa iba. Para mapatahimik ito, dapat dumulo sa pagbago sa Konstitusyong 1987.

 

Mantakin mo, ninyo, nating lahat: Ang lumalaganap noong hinala ng ilan, kinumpirma mismo ni Gloria Macapagal-Arroyo, nitong nanawagan siya ng paglipat patungong pederal na porma ng gobyerno. Iyun pala ang gustong tumbukin ng retorika ng mga “super-rehiyon” sa ilang State of the Nation Address niya! May pag-aaral na pinagbabatayan ang taktika at panawagan ng rehimen na itulak ang pederalismo – at hindi ito pag-aaral tungkol sa pang-ekonomiyang bentahe nito sa mga mamamayan kung ikukumpara sa kasalukuyang kaayusan.

 

Malamang, sang-ayon sa pag-aaral ng rehimen, pinakamagandang batayan para maggiit ng Cha-cha ang paglipat sa pederal na sistema. Kahit si Sen. Aquilino “Nene” Pimentel, Jr., lider-oposisyon, nakabig nito. Pero marami pa bukod sa kanya ang pwedeng makabig at mapakilos. Dahil ilang beses itong nahirapang pagkaisahin ang bansa sa kabutihan ng Cha-Cha, pinili ng rehimen na buklurin, pagkaisahin ang mga uring naghahari sa bansa – na nakatanim sa kanya-kanyang kaharian sa sari-sariling probinsya – na watak-watakin ang republika.

 

Idagdag pa ang mga akademikong pabor sa pederalismo, na tatanga-tangang nagpapagamit kay Gloria – malawak-lawak na ang hanay ng pabor sa Cha-Cha.

 

Sa tingin ko, napaka-insensitibong
gawing imahen ng MILF ang demonyo.
Wala na bang ibang maisip ang kartunistang
si Rene Aranda ng Philippine Star?

 

Interes ni Gloria, ng US

 

Oo nga naman, muntik na naman nating makalimutan – sa gitna ng kapal-mukhang pangangampanya ng mga gustong tumakbong presidente at opisyal ng gobyerno – na pinakamainam sa interes ng rehimeng Arroyo na maghari ito lampas 2010. Na laging mulat ang rehimen sa pinakamabuti sa interes nito – at tuso at brutal ito sa pagsusulong ng sariling interes. Palalabasin nitong taimtim itong naniniwalang mesiyas ang sarili, tagapagligtas ng ekonomiya, handang maging di-popular para lang magawa ang itinuturing nitong tama para sa bansa.

 

Mas gugustuhin nitong magmukhang baliw sa pagsusulong ng ikabubuti ng maralita kaysa maging matapat sa pagsusulong ng sariling kapakanan. Ang totoo, natatakot ang mga miyembro ng pangkating Arroyo sa kahihinatnan nila pagkatapos ng nakaw na termino sa 2010. Kapag wala na sa pwesto ang pangkatin, pwede na itong papanagutin, gipitin, gantihan – at gilitan? – ng mga kalaban nito, kahit iyung nasa mga uring naghahari. Layunin nitong baguhin ang Konstitusyon para makatagal sa pwesto, kahit maging punong ministro si Gloria.

 

Dahil wala pa ang malaki at tuluy-tuloy na protestang masang magtutulak ditong bitawan ang rehimen, handa pa ang US na “tumulong” sa rehimen na itulak ang Cha-Cha. Tugma ang interes ng rehimen at ng US dito. Sa maksimum, kung matutuloy ang Cha-Cha, gusto ng US na tanggalin ang natitirang mga probisyon ng Konstitusyon na naglalagay ng kaunting hadlang sa todong “paggo-globalisa” ng ekonomiya, sa todong liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon. Sa ganitong direksyon, itinulak na ng US na mag-Cha-Cha ang maraming bansa.

 

Sa minimum, sa paggamit ng MOA para itulak ang Cha-Cha, gusto ng US na pumuslit at magkaroon ng mas malaking papel sa Mindanao. Gusto nitong mas mahigpit na kontrolin ang likas na yaman sa lugar. Gusto rin nitong magpasok ng mas maraming tropa at kagamitang militar. Sabi nga ng maraming eksperto sa geo-politics, napaka-estratehiko ng Pilipinas, maging ang Mindanao, para sa anumang posibleng interbensyong militar ng US sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Panlinlang ang maamong itsura at kawanggawa ni Ambassador Kristie Kenney.

 

 

Tugon ng MILF?

 

Gaya ng inaasahan, ng rehimeng Arroyo una sa lahat, hindi napirmahan ang MOA. Naging sentro ito ng kontrobersya at puntirya ng batikos ng maraming panig ng lipunan. Tapos, pumutok ang gulo sa ilang probinsya sa Mindanao: ilang bayan ang sinunog, ninakawan ang mga bahay, pinagpapatay ang ilampung residente, at ilang bihag o pananggang tao ang kinuha. Nagkaroon ng pakikipaglaban sa militar at pambobomba. Ilang libong residente tuloy ang naitaboy sa kanilang mga tahanan, tumungong evacuation center ang marami.

 

Hindi inaamin o itinatanggi ni Eid Kabalu, tagapagsalita ng MILF – para aminin kaya kapag humupa na ang pagkondena? – kung sila nga ang nangubkob ng mga bayan. Aniya, inaalam pa ng pamunuan nila kung mga kumander nila ang lumusob, dahilan para tuligsain ang kawalan diumano ng kontrol ng pamunuan ng MILF sa mga lider nito “sa baba.” Pero MILF ang sinisi at sinisisi sa mga atake – ng rehimeng Arroyo sa pangunahin. “Deklarasyon ng digma” ang tawag ni Sek. Raul Gonzalez ng Department of Justice, halimbawa, sa nangyari.

 

Kung MILF nga ang gumawa ng mga paglusob, dapat itong matuto sa mga alituntunin ng NPA o New People’s Army, na katulad nitong grupong rebelde. Malinaw na binabawalan ng NPA ang mga miyembro nito na manakit o manlusob ng ordinaryong mga sibilyan – maliban na lang kung nagsusuplong sa militar, halimbawa, at sa gayo’y hindi na sibilyan lang. Dahil kung hindi, katulad ng nangyayari ngayon, aani ito ng batikos at pagkondena – gayundin ang mga mamamayang Moro, mulat na gustuhin man ng pamunuan ng MILF o hindi.

 

Kung MILF nga ang nanlusob, mahalagang idiing malaki ang pananagutan ng rehimeng Arroyo. Dapat inaral nito ang kasaysayan, mga prinsipyo at taktika ng pakikibaka ng sambayanang Moro, lalo na ng MILF – para malamang mahirap gaguhin, at hindi dapat ginago, ang MILF. Hindi kaila sa marami na batbat ng mararahas na aksyon ang kasaysayan ng paglaban ng mga Moro at ng MILF. Kung papaasahin mo rin lang ito sa wala, hindi ka na sana nagbigay ng pag-asa. May dugo ng inosenteng mga taga-Mindanao ang kamay ng rehimeng Arroyo.

 

 Si Edward W. Said, progresibong intelektwal na Palestino:
Kritikal sa imperyalismo at sa mga kapwa-Muslim

 

Batas Militar, Muli?

 

Ang nakakabahala, MILF man ang lumulusob o hindi, patuloy na rumaragasa ang mga pag-atake at labanan sa Mindanao. Pinapangambahan ding magkaroon ng pambobomba sa Kamaynilaan, bilang ganti ng mga Moro at pagpapalawig ng pakikidigma ng MILF. May mga nagsasabing inilalatag ang kalagayan para tanggapin ng publiko hindi lang ang Cha-Cha, kundi ang batas militar. Kung iisipin, grabeng ligalig nga naman ang kailangan para matanggap ng publiko ang Cha-Cha o batas militar, at ang pagtagal pa ng rehimeng Arroyo higit sa 2010.

 

May mga ispekulasyon kung pakana ng rehimen maging ang gulong nangyayari ngayon sa Mindanao – kung mulat nitong inudyukan ang MILF na magwala, o kung mga bayaran nito ang nanglulusob. Isang bagay na pangontra sa hinalang ito: May namatay nang mga sundalo, at kahit opisyal-militar, na masama para sa rehimen dahil, kung itinulak nito ang labanan, lalaganap ang galit sa hanay ng militar at mahihirapan itong magdeklara ng batas militar. Pero may isang bagay na nagpapatatag sa hinalang ito: Ang bantog na kasamaan ng rehimeng Arroyo.

 

Napakaganda ng kalagayan para muling sumulong ang kilusang patalsikin si Gloria. Malamang, hudyat ang huling mga pangyayari ng samu’t saring tangka ng rehimen na patagalin ang sarili sa kapangyarihan o protektahan ang sarili. Sa proseso, gagawa ito ng mga hakbanging grabeng kontra-mamamayan o ng iba’t ibang aksyong malalantad na katangahan paglaon. Nakaturol sa naturang kilusan ang hamong mabilis na paigtingin ang mga protesta at magtulungan para palawakin at ituluy-tuloy ang mga martsa sa lansangan laban sa rehimeng ito.

 

 

22 Agosto 2008 

 

Nitong nakaraang mga araw, nakatanggap ako sa e-mail ng listahan ng progresibong mga blog at website sa bansa, nakalagay ang kanilang ranggo sa Alexa.com, website na nagraranggo sa mga blog at website sa mundo batay sa kung anu-anong pamantayan. Hindi kasama sa tiningnan sa Alexa.com at iniranggo ang Kapirasong Kritika. Pero noong tiningnan ko ang ranggo ng blog na ito, natuwa akong malamang hindi naman pala ito nagpapahuli. Hehe. Salamat sa mga mambabasa! Sana’y magkomento kayo nang mas madalas!  

Pahabol: May ganitong sagutang nagaganap sa Uniffors.com. Hindi na ako nakapagpigil sa mga sinasabi doon. Maraming mapupulot na aral dito — kung gaano kalaganap at anu-ano ang maling mga pagtingin sa Marxismo at sosyalismo, halimbawa.