Tag Archives: Mining Philippines

GINAlingan MINAtamaan

Oligarchy

Mayo a-tres, tinanggihan ng Commission on Appointments ang pagkatalaga ni Gina Lopez bilang sekretaryo ng Department of Environment and Natural Resources. Ito na siguro ang pinakasikat na pagtanggi ng CA sa isang sekretaryo ng pangulo – na ang ibig sabihin ay pagsibak sa huli. Naglabasan ang galit at pagkondena, at nakaladkad ang CA mula sa dilim ng pagiging hindi kilala patungo sa liwanag ng kontrobersya.

Ang itinuturong salarin: mga higanteng korporasyon ng pagmimina, na pag-aari ng malalaking kapitalistang Pilipino – kabilang sa tinatawag na “oligarkiya” – at malalaking kapitalistang dayuhan. Tiyak na gumalaw ang milyun-milyong pisong “lobby money” para bilhin ang mga pulitikong nakaupo sa CA.

Maganda ang sinabi ng kolumnistang si Calixto V. Chikiamko: lahat ng “kingmaker” o makapangyarihang indibidwal na nakakapag-upo ng pangulo at mataas na opisyal ng gobyerno ay nasa pagmimina – “Manny Zamora, Paul Dominguez, Philip Romualdez, Manny Pangilinan, Manny Villar, at iba pa.” Ibig sabihin, nasa gobyerno, nasa hanay mismo ng mga pulitiko o napakalapit sa kanila, ang interes na ituloy ang malakihang pagmimina na hinadlangan ni Lopez. Burukrata-kapitalismo: paggamit ng katungkulan sa gobyerno para magkamal ng yaman at paglingkuran ang makauring interes.

Ang pagsibak ng CA kay Lopez, samakatwid, ay ganti ng malalaking kapitalista sa pagmimina nang kasangkapan ang gobyerno. Paglaban nila ito sa kautusan ni Lopez na ipasara ang 23 minahan, kanselahin ang 75 kontrata sa pagmimina, at ipagbawal ang pagmiminang open pit. Pagtindig nila ito na hindi na pwedeng may ipatigil pang pagmimina, kanselahing kontrata rito, o ipagbawal na porma nito. Pagbangga nila ito sa malakas na propaganda ni Lopez laban sa malakihang pagmimina.

At nakakabahala ito, sa kagyat para sa kalikasan na sinisira ng malakihang pagmimina; sa mga komunidad ng mga Lumad, katutubo at magsasaka na pinapalayas ng mga higanteng korporasyon sa pagmimina; at sa kabuuang patrimonya ng bansa, kung saan kasama ang yamang mineral, na dinadambong ng naturang mga korporasyon.

Dystopia

Kung mayroon mang tao na nasa pinakamainam na kalagayan para ipatigil ang pagmimina bilang sekretaryo ng DENR, isa na si Lopez doon.

Una, matatag ang paninindigan niya sa isyu: bagamat kasapi ng oligarkiya, sa kanyang kabataan ay nakipamuhay siya sa mahihirap sa Aprika at nitong mga nakaraang taon ay tumungo sa mga lugar na apektado ng malakihang pagmimina at pagkasira ng kalikasan sa bansa. Mas mahalaga, nakiisa siya sa mga komunidad na lumalaban sa naturang pagmimina at pagwasak sa kalikasan.

Galing siya sa kilusan para protektahan ang kalikasan – na ang adbokasya ay ginagamit ng mga monopolyo-kapitalista at institusyon nila para palabnawin ang pagsasamantala ng mga imperyalistang bansa sa mga neokolonya, ng malalaking kapitalista sa mga mamamayan: isyu ito ng lahat, dapat magtulungan ang lahat, wala dapat tunggalian. Pero sa Pilipinas, lantad na ang pagwasak sa kalikasan ay nag-uugat sa paghahari ng imperyalismo at mga naghaharing uring kasabwat nito. Kung magiging matapat lang ang mga maka-kalikasan sa kanilang prinsipyo, gaya ni Lopez, hahantong sila sa kongklusyong ito.

Ikalawa, may dagdag na makinarya si Lopez para ikampanya ang kanyang paninindigan at mga hakbangin: dahil mismo galing sa oligarkiya, partikular sa may-ari ng pinakamalaking kumpanya ng telebisyon, kaya niyang imobilisa ang kanyang yaman at pag-aari para tuluy-tuloy na ipaliwanag sa publiko ang kanyang ipinaglalaban at kontrahin ang kanyang mga kalaban.

May katotohanan ang sinabi ni Lopez sa isang panayam sa telebisyon: “Kung hindi ako mayaman, matagal na akong patay.” Dahil sa mga sinabi at ginawa niya laban sa malakihang pagmimina, tiyak na puntirya siya ng mga higanteng korporasyon. Pero may dagdag siyang proteksyon, dahil isa siyang oligarko.

Malinaw at malakas ang naging pagsuporta kay Lopez ng Kaliwa, kapwa hayag at underground. Sa kanyang tindig at mga hakbangin pa lang laban sa malakihang pagmimina, karapat-dapat na siyang suportahan. Ang totoo, bago maging sekretaryo ng DENR si Lopez, ang Kaliwa ang pinakamalakas sa paglaban sa pagmimina: mula sa mga pangayaw (tribal war) ng mga Lumad at protesta ng mga maka-kalikasan, magsasaka at iba pang katutubo hanggang sa mga pag-atake ng New People’s Army sa mga kumpanya ng pagmimina sa malayong kanayunan. Natural na papanigan ng Kaliwa si Lopez sa mga pahayag at hakbangin kontra sa pagmimina.

SCF1985003K394 001

Bukod pa diyan, may ipinakita si Lopez na natatangi at dapat tularan: ang pagiging matatag at konsistent sa kanyang prinsipyo. Hindi siya takot na sundan ang kanyang paniniwala kung saan siya dalhin nito, sa puntong kaya niyang kilalanin ang mga pwersang pampulitikang marapat kilalanin na kaisa niya sa paglaban sa malakihang pagmimina.

Sabi niya sa isang tanyag na panayam: “Mahal ko ang NPA. Mabait sila. (I love the NPA. They’re kind).” Aniya, “Tinanong ko na ang Presidente kung pwede akong makipagtulungan sa NPA. Ang totoo, nakapulong ko sila dalawang araw na ang nakakaraan. Gusto ko ang NPA (I already asked the President if I can work with the NPA. In fact, I met them two days ago. I like the NPA).”

Gaya ng inaasahan, sumagot ang militar sa sinabi ni Lopez at ibinidang sila ang tunay na kakampi ng mga mamamayan. Pero hindi ito kumagat sa opinyong publiko, dahil lantad nang umaakto silang pribadong pwersang panseguridad ng operasyon ng pagmimina sa kanayunan.

Ang pagsibak ng CA kay Lopez ay malupit na paalala na ang Pilipinas ay isang bansang neokolonyal na may ekonomiyang atrasadong agrikultural, na isa sa pangunahing silbi para sa mga monopolyo-kapitalista at pandaigdigang sistemang kapitalista ay ang pagkukunan ng hilaw na materyales. Sa ganitong konteksto, pupuntiryahin talaga ang isang sekretaryo ng departamentong dapat mangalaga sa kalikasan kapag ipinatigil niya ang pagmimina – kahit pa siya’y galing sa oligarkiya, sinusuportahan ng Kaliwa, sinusuportahan ng mga maka-kalikasan, at sinusuportahan ng malawak na hanay ng mga mamamayang Pilipino.

Paalala ito na sa kasalukuyang lipunan, hawak pa rin ng imperyalismo at mga alyado nitong oligarko ang gobyerno, kaya hindi maaasahan ang katungkulan dito para gumawa ng mga radikal at matagalang pagbabago. Ang masasandigan pa rin dahil wala sa kontrol ng mga ito ay ang iba’t ibang porma ng sama-samang paglaban at pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

At dapat palakasin ang naturang paglaban. Matapos ang paghadlang ni Lopez, gigil na gigil ngayon ang mga higanteng korporasyon sa pagmimina hindi lamang para bumalik sa dating gawi kundi paigtingin ang operasyon. Higit pa diyan, kailangan ng isang bagong gobyerno ng mga mamamayan para tuluyang mapatigil ang pagdambong sa pambansang patrimonya, pagwasak sa kalikasan, at pagpapalayas sa mga katutubo’t magsasaka na idinudulot ng maka-dayuhang pagmimina.

BAB1970044W00006/06A

Sa dulo, nakakabahala ang pagsibak ng CA kay Lopez para sa pangakong “tunay na pagbabago” ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang mga tulad nina Lopez, Sec. Rafael “Ka Paeng” Mariano ng Department of Agrarian Reform at Sec. Judy Taguiwalo ng Department of Social Welfare and Development ang mga tipo ng sekretaryo na makakapagsulong ng pagbabago, kahit paano, sa gobyernong Duterte.

Hindi magandang pangitain ang pagsibak ng CA kay Lopez para sa pangako ni Duterte. Dapat panindigan ni Duterte si Lopez at ang pulitikang kinakatawan niya. Sa pinakamainam ay maitalagang muli si Lopez na sekretaryo ng DENR. Kung hindi man, maitalaga pa rin sa departamento, gaya ng panukala ng kolumnistang si Solita Monsod, at mapakilos ni Duterte sa parehong kakayahan. At dapat tiyakin ni Duterte na makumpirma ng CA sina Mariano at Taguiwalo.

Sa pagtagal ng kanyang termino, dapat pa ngang paramihin ni Duterte ang mga progresibong sekretaryo sa gabinete – kung tutuparin niya ang pangakong “tunay na pagbabago” at kung seryoso siya sa pagtugon sa mga ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines.

Sa isang banda, dapat magagap ni Duterte na tanging sa pagsisikap magdulot ng “tunay na pagbabago” siya magkakaroon, kahit paano, ng kaligtasan sa aktwal at historikal na paghusga bunsod sa naganap nang pagpaslang sa libu-libong maralita kaugnay ng kanyang “gera kontra-droga.” Dapat itigil ang pagpatay mga maralita at dapat magpatupad ng mas maraming hakbangin para aktwal na iangat ang buhay at kabuhayan nila.

Sa kabilang banda, itinutulak ng Kaliwa si Duterte na tuparin ang pangako hindi dahil matutupad niya ito nang buo, kundi dahil nakakapagbigay siya, taliwas sa mga naunang pangulo, at makakapagbigay pa, ng mga pagkakataon para matupad ito. Hindi si Duterte ang magdudulot ng tunay na pagbabago, kundi ang sambayanang nakikibaka – pero nakakapagbigay at makakapagbigay siya ng mga pagkakataon sa huli para isulong ang tunay na pagbabago.

Matapos isulat ito, lumabas ang balita: itinalaga ni Duterte si Roy Cimatu, retiradong heneral at dating hepe ng Armed Forces of the Philippines, na sekretaryo ng DENR kapalit ni Lopez. Masamang balita ito, dahil dapat ay panindigan pa rin ni Duterte si Lopez.

Paano aakto si Cimatu sa pwesto? Sa isang banda, kilala si Duterte sa pagbibigay-laya sa mga sekretaryo na dalhin ang kanilang sariling prinsipyo sa katungkulan. Kung ganito ang mangyayari, tiyak na itutuloy lang ni Cimatu sa DENR ang tradisyon ng AFP na maging pwersang panseguridad ng mga minahan. Sa kabilang banda, si Duterte mismo ay may mga pahayag laban sa pagmimina, at ito ang dapat masunod kung talagang magpapatuloy si Cimatu sa katungkulan.

Anu’t anuman, masamang balita ito kaugnay ng progresibong tindig ni Lopez laban sa malakihang pagmimina. Sa pinakamainam, pagkabawas ito sa naturang tindig. Sa pinakamasama, aktwal itong pagbaligtad – maglilingkod sa pagkawasak ng kalikasan, pagpapalayas sa mga katutubo at magsasaka, at pagdambong sa likas na yaman ng bansa.

Malinaw ang mensahe sa sambayanang nakikibaka sa malakihang pagmimina: Alerto! Palakasin ang paglaban!

08 Mayo 2017

Galing ang mga imahen dito.