Tag Archives: neoliberalismo

Kontraktwalisasyon 101

1

Depinisyon. Sa kagyat na pakahulugan, ang “kontraktwal” ay isang katayuan sa trabaho kung saan ipinagkakait ang ugnayang employer-employee sa pagitan ng isang manggagawa at ng kapitalista o kumpanyang tunay na nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Ipinagkakait sa kanya ang katayuang “regular employee” ng naturang kumpanya o kapitalista. Tinutukoy naman ng “kontraktwalisasyon” ang kalagayan kung saan umiiral ang mga kontraktwal at katunaya’y pinaparami pa nga.

>>  Iligal ang isang masahol na modus operandi kung paano ito ipinapatupad: kukuha ang kapitalista o kumpanya ng manpower agency o cooperative para magsuplay ng mga manggagawa. Tatanggalin sa trabaho, o papalabasing tinatanggal sa trabaho, kada limang buwan ang manggagawa. Kadalasan, muling ire-rehire o papalabasing muling ni-rehire ang manggagawa sa parehong trabaho, paulit-ulit. Nakasaad kasi sa batas na kailangang  gawing regular ang manggagawa kapag umabot siya ng anim na buwan sa trabaho.

>> Pakitang-taong tinutuligsa ng malalaking kapitalista, ng gobyerno at mga tagapagsalita nila, ang naturang modus operandi; sinasabi nilang “pag-abuso” ito sa kontraktwalisasyon. Pinapalabas nila na ito lang ang kasingkahulugan ng “endo” o “end of contract” at “5-5-5” na siyang popular nang tawag, at karanasan, sa kontraktwalisasyon.

>> Mula noong rehimen ni Noynoy Aquino hanggang ngayon sa rehimen ni Rodrigo Duterte, pinapalabas ng gobyerno na ang mga manggagawa ay nareregular sa mga agency pagkatapos ng anim na buwan. Pangontra umano ito sa modus operandi na “endo” o “5-5-5.”

>> Pero kontraktwalisasyon pa rin ito. Pagkakait pa rin ito ng ugnayang employer-employee sa pagitan ng manggagawa at ng kumpanya o kapitalistang tunay na nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Wala pa ring seguridad sa trabaho ang manggagawa. Pwede siyang mawalan ng trabaho nang wala o may minimal lang na pananagutan ang kapitalista at agency sa batas.

>> Kahit pa sabihing ipinagbabawal ng batas at kinokondena ng mga kapitalista at gobyerno, talamak pa rin ang nabanggit na modus operandi. Marami ring pagkakataong tumatagal ang manggagawa sa kanyang trabaho, umaabot nang ilang taon, nang ang katayuan ay kontraktwal.

>> Atake ang kontraktwalisasyon sa karapatan sa seguridad sa trabaho ng manggagawa, at sa maraming batayang karapatang kaugnay nito. Sabihin pa, ipinapatupad ang kontraktwalisasyon para tiyakin ang papalaking tubo ng mga kapitalista.

Kalagayan. Kadalasan, ang mga kontraktwal ay tumatanggap ng napakababang sahod. Kadalasang mas mababa sa minimum ang pasahod sa kanila kahit bawal ito sa batas. Kadalasan silang pinagkakaitan ng mga benepisyong itinatakda ng batas. Ang mga empresang matindi ang paglabag sa mga istandard sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa, puno ng mga kontraktwal.

2

>> Sa pamamagitan ng kalagayang pwede silang tanggalin sa trabaho anumang oras, hinahadlangan silang mag-unyon. Sa kalagayan pa lang na kada limang buwan ay tinatanggal, mahirap nang mag-unyon. Kapag natuklasang nag-uunyon ang mga kontrakwal sa isang kumpanya, at wala silang paglaban, kadalasang maramihan silang tinatanggal. Mas masahol pa, dahil mismo sa kalagayang ito, pinupwersa silang magkumahog na gawin ang lahat ng gusto ng kumpanya o kapitalista, kahit mawasak ang pagkakaisa nila, at huwag gawin ang anumang ayaw nito, gaya ng pagtatayo ng unyon.

>> Sa pagpapahirap sa kanilang mag-unyon, pinagkakaitan sila ng armas para ipaglaban ang mas mataas na sahod, regularisasyon, mga benepisyo, ligtas na lugar ng paggawa at iba pang karapatan.

>> Sa kabila ng dambuhalang tubo at yaman nila, o para nga rito, ang pinakamalalaking kapitalistang dayuhan at lokal sa bansa ang mga pangunahing tagapagpatupad ng kontraktwalisasyon.

>> Espesyal na kaso ang mga empleyado sa sektor ng Business Process Outsourcing sa bansa. Sa kabila ng relatibong mas mataas nilang sahod at benepisyo, sa esensya’y kontraktwal ang katayuan ng kanilang pagtatrabaho.

Batas. Mismong Batas Paggawa o Labor Code ng 1974 ang nagsisilbing ligal na batayan ng kontraktwalisasyon. Dito, sinasabing bawal ang Labor-Only Contracting habang ligal ang tinatawag na Job Contracting. Binibigyan ng masaklaw na kapangyarihan ang Labor Secretary na maglabas ng mga alituntunin para sa pagpapatupad ng Job Contracting. Sa aktwal, ang naturang mga alituntunin ay pagtuturo sa mga kapitalista kung paano magkokontraktwalisa nang ligal.

>> Sa pakahulugan ng batas, tinutukoy ng Labor-Only Contracting ang kalagayan kung saan ang isang kumpanya ang tunay na may kontrol sa mga manggagawa at dummy lang nito ang agency. Tinutukoy naman ng Job Contracting ang kalagayan kung saan ang agency umano ang tunay na may kontrol sa manggagawa at nagagawa nito ang gawain nang walang pakikialam ng kumpanya.

>> Ipinataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Paggawa sa pamamagitan ng Presidential Decree 442. Kaakibat ng hakbanging ito ang pagtatayo ng mga Export-Processing Zones o EPZs na nagbibigay ng maraming insentiba sa malalaking kapitalistang dayuhan na mamuhunan sa bansa, at ang pagtatayo ng dilawan, maka-kapitalista at kontra-manggagawang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP.

>> Sa ilalim ni Cory Aquino, nagsabatas ng maraming pagsusog sa Batas Paggawa sa pamamagitan ng Republic Act 6715. Tinatawag itong “Herrera Law,” nakapangalan kay dating Sen. Ernesto Herrera na dating lider ng TUCP. Hindi nito binago ang mga probisyon ng Batas Paggawa kaugnay ng kontraktwalisasyon. Naging malaganap ang kontraktwalisasyon sa bansa sa panahon ng mga rehimen nina Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

3

>> Alinsunod sa Labor Code, naglabas ang mga sekretaryo ng Department of Labor and Employment ng mga Department Order (DO) na siyang nagsilbing alituntunin sa pagpapatupad ng kontraktwalisasyon. Sa ilalim ni Arroyo, ipinatupad ang DO 18-02. Pinalitan naman ito sa ilalim ni Noynoy Aquino ng DO 18-A Series of 2011.

Noynoy. Kumpara sa DO 18-02, may mga “papogi” ang DO 18-A Series of 2011. Una, itinaas nito ang mga pamantayan para matawag ang isang agency na “lehitimong kontraktor,” kumpara sa hindi. Ikalawa, itinakda nito ang pagtalima sa Labor Standards ng mga lehitimong kontraktor. Ikatlo, isinaad dito ang pagregularisa sa mga manggagawa ng agency, hindi ng mga pangunahing employer o kumpanya. Pero matatapos ang kontrata ng manggagawa-agency kasabay ng pagtatapos ng kontrata ng kapitalista-agency.

>> Sa isang banda, resulta ang naturang mga “papogi” ng mga pagkondena at protesta laban sa kontraktwalisasyon. Umigting ang pagtutol sa kontraktwalisasyon dahil sa pagtanggal, noong 2010, ng 2,600 regular at unyonisadong manggagawa sa Philippine Airlines o PAL at pagpapabalik sa kanila sa parehong trabaho nang kontraktwal, walang unyon, at sumasahod lang ng kalahati ng nauna nilang sahod. Si Lucio Tan, pangalawang pinakamayamang Pilipino, ang siyang may-ari ng PAL – at ang pagpayag sa tanggalan at kontraktwalisasyon sa kanyang kumpanya ay waring hudyat sa lahat ng kapitalista na pwede silang magkontraktwalisa sa ilalim ng rehimeng Aquino.

>> Pero sa kabilang banda, pakitang-tao lang ang naturang mga probisyon, at sa esensya’y nagliligalisa pa rin sa kontraktwalisasyon.

>> Datos ng gobyerno mismo ang nagpapakitang panlilinlang lang ang umano’y “regularisasyon” sa mga ahensya. Ayon sa Philippine Statistics Authority, lumundag nang 16.3 porsyento ang bilang ng kontraktwal noong 2014 mula noong 2012. Ayon dito, 30 porsyento, o 1.3 milyon, sa 4.5 milyong manggagawang ineempleyo ng mga negosyong may 20 pataas na manggagawa ang kontraktwal. Inilalabas ang naturang saliksik kada dalawang taon, at tiyak na konserbatibo ang bilang na inilalabas nito.

>> Ayon dito, ang konsentrasyon ng mga kontraktwal ay ang konstruksyon, manupaktura, wholesale at retail trade, bagamat dumami ang hindi regular sa agrikultura, pangisdaan at paggugubat, sa financial and insurance services, at sa repair ng mga kompyuter at iba pang gamit sa bahay. Sa pag-alam sa kalakaran ng empleyo sa mga sektor na ito, madaling masabing mas malaganap sa 30 porsyento ang kontraktwal.

Duterte. Nitong eleksyong 2016, nauna si noo’y presidentiable Rodrigo Duterte sa pangangakong tatapusin ang kontraktwalisasyon. At hindi lang ito pangakong inanunsyo ng midya; laman ito ng mga poster niya na nakadikit sa mga komunidad. Naghahabol siya noon ng boto, at malaganap ang diskuntento sa naturang iskema ng pag-eempleyo.

4

>> Ayon kay Duterte, nagdudulot ng kahirapan at kagutuman ang iskema, at sumisira sa lakas-paggawa at sa ekonomiya ng bansa. Malinaw sa kanya na bangga ang pangako sa interes ng mga kapitalista, at palaban niyang sinabihan sila na ilipat ang suporta kung ayaw sa kanyang pangako. Nagsunuran ang iba pang kandidato sa parehong pangako kaya para makaungos, malinaw niyang sinabi na tatapusin ang kontraktwalisasyon sa loob ng isang linggo matapos niyang manalo. Ilang beses din niyang inulit ang pangako matapos niyang manalo. Pero tiyak, igigiit ng mga maka-kapitalista sa gobyernong Duterte ang pamosong pag-iiba ni Budget Sec. Benjamin Diokno ng “Duterte bilang kandidato” at “Duterte bilang pangulo.”

>> Gaya rin ng inaasahan, tumutol ang malalaking kapitalista sa pangunguna ng mga organisasyon nila – pangunahin ang Employers Confederation of the Philippines o ECOP – at nagpanukala ng isang umano’y “win-win solution.” Ito ang sinang-ayunan ng Department of Labor and Employment sa pamumuno ni Sek. Silvestre Bello III. Dito iniluwal ang kasalukuyang alituntunin sa kontraktwalisasyon, ang DO 168. Noong una’y DO 30 dapat ang pangalan nito, pero binago dahil tiyak na makakasama sa pangalan ni Duterte.

>> Nakatuntong ang DO 168 sa DO 18-A Series of 2011 at pinapalabas nitong pinapahusay nito ang sinundan. Tulad ng DO 18-A Series of 2011, itinatakda ng DO 168 ang pagreregular sa mga manggagawa sa agency. Sa DO 18-A Series of 2011, matatapos ang kontratang manggagawa-agency kapag natapos ang kontratang agency-kapitalista. Sa DO 168, magpapatuloy ang kontratang manggagawa-agency kahit matapos ang kontratang agency-kapitalista. Kapag natapos daw ang kontratang agency-kapitalista, ihahanap ng agency ang manggagawa ng bagong trabaho at kung hindi makahanap ay bibigyan ang manggagawa ng separation pay.

>> Tulad ng DO 18-A Series 0f 2011, hindi tinatapos ng DO 168 ang kontraktwalisasyon. Pinapanatili nitong ligal ang kontraktwalisasyon at katunaya’y binibigyan pa ang iskema ng papogi para magmukhang katanggap-tanggap sa mga manggagawa at mamamayan. Noon, ipinagyabang ng DOLE ni Aquino na may mga manggagawang naregular dahil sa DO nito, taliwas sa aktwal na paglaganap ng kontraktwalisasyon. At ganito na rin ang ginagawa ng DOLE ni Duterte: nagsasabi ng mga gawa-gawang datos ng nareregular umano sa ilalim ng bagong DO.

Kapitalista. Tandaan: ang World Bank ang unang malakas na nagpahayag ng pagtutol sa pangako ni Duterte na tapusin ang kontraktwalisasyon. Sinundan ito ng mga maka-kapitalistang komentarista sa bansa: Gerardo P. Sicat, Raul J. Palabrica, Peter Wallace. Ang kanilang linya: Ang problema ay hindi ang kontraktwalisasyon, kundi ang “pag-abuso” rito. Ang kailangan ay hindi ang ibasura ang kontraktwalisasyon, kundi ang mahigpit na pagpapatupad ng DOLE sa mga probisyon ng batas laban sa mga agency na ilehitimong kontraktor.

5

>> Anila, magdurusa ang mga manggagawa kapag nawala ang kontraktwalisasyon dahil mababawasan ang mga trabahong nariyan. Mas maraming manggagawa raw ang nabibigyan ng trabaho dahil sa katayuang kontraktwal; kung magiging regular anila ang mga manggagawa, kaunti lang ang matatanggap sa trabaho. Sa madaling sabi, kapag ipinagbawal ang kontraktwalisasyon, magkakaroon ng maramihang tanggalan.

>> Pag-blackmail ito sa mga manggagawa para tanggapin ang kontraktwalisasyon at ang busabos na kalagayan sa paggawa na kaakibat nito. Lumang tugtugin na ito, katulad ng laging tugon ng malalaking kapitalista kapag lumalakas ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod. Balewala sa ganitong pagdadahilan ang masamang kalagayan at mga batayang karapatan ng mga manggagawa.

>> Totoong dahil sa malaganap na kawalang-trabaho sa bansa ay madali para sa mga kapitalista na magtanggal ng mga manggagawa at palitan ang huli ng mga bago. Totoo ring dahil sa ganitong kalagayan ay pinupwersa ng mga kapitalista ang mga manggagawa na tanggapin ang kontraktwal na katayuan at busabos na kalagayan sa paggawa. Pero hindi dahilan ang ganitong pananakot para maniwalang hindi kayang ibigay ng mga kapitalista ang kahilingan ng mga manggagawa para sa regularisasyon, lalo na sa harap ng pagtaas ng tubo ng mga kapitalista sa bansa.

>> Sa pagdadahilan ng mga kapitalista at tagapagsalita nila, ipinagpapalagay na makatwiran at mapagmalasakit ang mga kapitalista: magreregular sila batay sa kakayahan at mag-eempleyo ng pinakamaraming kakayanin. Saan ibinabatay ng mga kapitalista ang pagsasakatuparan ng naturang mga hakbangin? Walang iba kundi sa tubo nila. At sino ang nakakaalam kung magkano ang tunay na tubo nila? Walang iba kundi sila. Nakabatay samakatwid ang ganitong pagdadahilan sa kalkulasyon ng mga kapitalista sa kanilang tubo at sa katapatan o kabutihang loob nila. Hindi makatao at makatotohanan na ibatay ang kalagayan ng mga manggagawa sa kalkulasyon ng tubo o kabutihang loob ng mga kapitalista; kaya nga sa kasaysayan ay ipinaglaban ng mga manggagawa ang paniyak laban sa mga ito – ang kanilang mga karapatan.

>> At mahalagang idiin, laban sa ganitong pangangatwiran: ang kontraktwalisasyon ay paglabag sa lahat ng batayang karapatan ng mga manggagawa. Sa Pilipinas, laman ang naturang mga batayang karapatan sa mismong Konstitusyong 1987, na resulta ng malakas na pakikibaka ng mga manggagawa noong panahon ng diktadurang Marcos at kahit pagkatapos. Ang mga ginagarantiya ng Artikulo XIII ng Konstitusyon sa mga manggagawang Pilipino: lubos na proteksyon mula sa gobyerno, karapatang mag-organisa sa sarili at kolektibong makipagtawaran, magwelga, seguridad sa trabaho, makataong kalagayan sa paggawa, at nakabubuhay na sahod.

>> Mahalagang idagdag na kasama ang naturang probisyon sa matagal nang gustong baguhin ng mga malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at malalaking panginoong maylupa sa pamamagitan ng mga gobyernong nagtutulak ng Charter Change.

6

Pagkilos. Sa lahat ng ipinangako ni Duterte bago at pagkatapos ng eleksyon, ang pagtapos sa kontraktwalisasyon ang isa sa pinaka-kumakatawan ng pangako niyang “tunay na pagbabago,” at “tapang at malasakit.” Mahalagang sukatan ang pagsasakatuparan dito, o ang hindi pagsasakatuparan dito, kung nakakapagdulot siya ng tunay na pagbabago o hindi.

>> Marapat lang na kondenahin ang paglalabas sa DO 168, gayundin sina Bello at Duterte para sa kautusang ito. Marapat lang ipaglaban ang pagbasura sa DO 168, gayundin ng probisyon sa Labor Code na nagbibigay ng bisa rito mula sa pagpapahintulot sa Job Contracting. Dapat ipaglaban ang pagbabawal sa Job Contracting, ang regularisasyon ng mga kontraktwal, at ang pagpawi sa mga agency.

>> Pero ang kontraktwalisasyon ay hindi lang patakarang ipinatupad ng magkakasunod na rehimen. Naging patakaran ito ng magkakasunod na rehimen dahil dikta ito ng imperyalismong US at bahagi ng neoliberal na atake nito, kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri, sa mga manggagawa at kilusang paggawa sa bansa at sa buong mundo.

>> Napakakitid, halimbawa, ng pagdadala ni Herbert Docena ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa isyu para ilantad si Duterte na “hindi progresibo.” Mas dumudulo ito sa paglaban at pagpapatalsik sa pangulo na hindi karugtong ng pagsusulong ng tunay na pagbabagong panlipunan. Kapansin-pansing relatibong tahimik ang BMP laban sa kontraktwalisasyon noong panahon ni Aquino, na todong nagpatupad nito. Naging relatibong maingay naman ito sa kontraktwalisasyon sa panahon ni Duterte, na nangakong tatapusin ito. May panganib din na mahulog ang pagsusuri sa pangangailangan sa isang progresibong pangulo para mawala ang anti-manggagawang iskema sa empleyo. Sa direksyon ni Docena, magiging masaya si Leni na Robredo, pero hindi si Lenin na Vladimir.

>> Kasama ang kontraktwalisasyon sa mga neoliberal na atake sa mga manggagawa at kilusang paggawa. Ang pangkalahatang layunin: patuloy na palakihin ang tubo ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal kahit sa kalagayang may krisis ng labis na produksyon sa pamamagitan ng pagpapababa sa sahod at sa tinatawag ng Marxistang intelektwal na si David Harvey na “panlipunang sahod (social wage).” Kaakibat ng kontraktwalisasyon ang pagbasag sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at kawani sa pampublikong sektor, pagpapalaganap ng mga special economic zones, partikular ang mga EPZs at pagkonsentra rito ng mga manggagawang industriyal, at iba pang mayor na hakbangin.

>> Mawawakasan lang ang kontraktwalisasyon ng malawak at malakas na sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at mga tagasuporta nila. Isang antas ang paggigiit sa gobyerno na ibasura ang iskema sa empleyo. Kailangan ang tuluy-tuloy at papalawak at papalakas na protesta para igiit ang pagbabasura rito. Gaya ng nabanggit ni Teddy Casiño ng Bayan Muna, isang pagkakataon din para igiit ito sa gobyerno ni Duterte ang usapang pangkapayapaan nito sa National Democratic Front of the Philippines.

>> Pero magkakaroon ng lakas ang paggigiit sa gobyerno mula sa tuluy-tuloy at papalawak na pagkakaisa at pagkilos ng mga manggagawa sa antas ng empresa at konsentrasyon ng mga empresa. Sa karanasan, nalalabanan ang kontraktwalisasyon sa mga empresa sa iba’t ibang paraan: mula sa pagsasampa ng mga kasong nagpapakitang Labor-Only Contracting ang nagaganap at hindi Job Contracting, bagamat iilan ang tagumpay at matagal ang proseso; hanggang sa paglaban ng mga nakatayo nang unyon para maregular ang baha-bahagdan ng mga kontraktwal.

>> Nitong huli, sa pamumuno ng mga panrehiyong balangay ng Kilusang Mayo Uno sa Timog Katagalugan at Southern Mindanao Region, nagpuputok ng welga ang mga kontraktwal sa layuning maregular sila at maitayo ang kanilang unyon. Sa harap ng matinding pagsasamantala sa kanila at ng laging posibilidad ng malawakang tanggalan kapag natuklasang nag-uunyon sila, wala nang naiwang pagpipilian ang mga manggagawa kundi ang maghanda sa welga at magwelga sa tamang panahon para maregular at makilala ang kanilang unyon.

>> Sentral na usapin ang kontraktwalisasyon sa higit na paglawak at paglakas ng kilusang manggagawa sa bansa, sa paglaban sa atakeng neoliberal, sa pagtangan ng paparaming manggagawa sa kanilang mahalagang papel para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Ang totoo, magiging tiyak lang ang pagwakas sa kontraktwalisasyon sa isang lipunan na pinapamunuan ng mga manggagawa at magsasaka, hindi ng mga imperyalista, malalaking burges-komprador at haciendero tulad ngayon. Kailangan ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba para lubusang mawakasan ang kontraktwalisasyon sa pambansang antas.

>> Napakainam na pagkakataon samakatwid ng isyu at reyalidad ng kontraktwalisasyon para manawagan sa mga manggagawa, lalo na iyung pinagsasamantalahan ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista: Magkaisa at lumaban! Mag-unyon at makibaka! Ipaglaban ang sahod, trabaho at karapatan! Ipaglaban ang pambansang demokrasya at kalayaan! Makipag-ugnayan sa tunay, palaban at makabayang sentrong unyong Kilusang Mayo Uno para sa mga kongkretong hakbang!

17 Enero 2017

Galing ang mga larawan dito.

Isang inspirasyon sa Kapirasong Kritika: paalam at salamat, Mark Fisher, aka K-Punk: una at ikalawa.

Digong Mang May Layang Lumipad

museum-of-contemporary-art1

Laman ngayon ng maraming publikasyong internasyunal, kapwa online at limbag, ang Pilipinas. Ang dahilan: ang mga pahayag nitong Setyembre ni Pang. Rodrigo Duterte tungkol sa US, sa ugnayan ng Pilipinas dito, at sa ugnayan ng Pilipinas sa China at Rusya.

Sa esensya, ang mga pahayag na ito’y kritikal sa US, naggigiit ng kalayaan ng Pilipinas, at nakikipagmabutihan sa China at Rusya – na itinuturing na ngayong lumalakas bagamat mas mahina pa ring karibal ng US sa paghaharing pang-ekonomiya at pangmilitar sa daigdig. Ang pakete: ang pagsusulong ng “independyenteng patakarang panlabas” ng Pilipinas, ayon sa mga salita mismo ni Duterte.

Maagap ang Kaliwa sa pagpirmi ng datos mula sa mga pahayag: unang beses ito na ang nakaupong pangulo ng Pilipinas ay nagsalita nang kritikal sa pagdidikta ng US sa Pilipinas at nang pabor sa kalayaan ng Pilipinas mula sa US. Isang anomalya ang naturang mga pahayag sa kasaysayan ng mga pangulo ng Pilipinas, kaya naman nagtatagisan sa opinyong publiko, sa Pilipinas at sa mundo, ang dalawang balangkas ng pagbasa sa mahahalagang pahayag na ito.

Ang dominanteng balangkas ng pagbasa sa mga pahayag ni Duterte ay kaugnay ng kanyang “gera kontra-droga” na, ayon sa balita, ay responsable sa pagpatay sa mahigit 3,000 kataong pinaghihinalaang adik o tulak ng droga. Hindi maitatanggi, ito naman talaga ang kagyat na konteksto ng mga pahayag: ang pagtanggi ni Duterte sa posibilidad na mapangaralan ni US Pres. Barack Obama tungkol sa mga paglabag sa mga karapatang pantao kaugnay ng gera kontra-droga sa noo’y ilulunsad na pulong ng ASEAN sa Laos. Wala aniyang karapatan, sa masaklaw na pakahulugan nito, ang US na mangaral sa Pilipinas sa usapin ng karapatang pantao.

Walang duda: kasuklam-suklam ang mga pagpatay kaugnay ng gera kontra-droga ng gobyernong Duterte. Sa pangunahi’y usaping sosyo-ekomiko at hindi pulis-kriminal ang pagiging malaganap ng iligal na droga; sa ganitong pag-unawa dapat magmula ang paglunas dito. Sa nangyayari ngayon, nalalabag ang karapatan ng mga pinaghihinalaang adik o tulak ng droga, na ang ibayong nakakarami ay mahihirap, habang hindi napapanagot ang malalaking isda sa likod ng talamak na droga, at kahit nga ang mga adik at tulak ng droga na mayayaman.

museum-of-contemporary-art2

Pero may isa pang balangkas ng pagbasa sa mga pahayag ni Duterte – na may mga batayang matibay rin, kung hindi man mas matibay sa dominante. Totoong bumuhol ang alternatibong balangkas na ito sa dominanteng balangkas, dahil sa mga aksyon mismo ni Duterte at sa kondisyong kinalagyan niya, pero makabuluhang ihiwalay at, para sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino, itulak.

Ang alternatibong balangkas ng pagbasa: ang paglihis ni Duterte sa mga dikta ng gobyerno ng US sa gobyerno ng Pilipinas sa larangan ng militaristang pandarahas sa Kaliwa, ng maka-US na patakarang panlabas, at, bagamat minimal pa, ng neoliberal na patakarang pang-ekonomiya. Paglihis – para ilarawan ang maliliit na hakbang palayo sa naturang mga dikta; maliliit pero palayo, palayo pero maliit; masyado pang matapang ang “paghulagpos,” lalo na ang “pagbaklas.”

Ang isang pinakamalinaw na sukatan ng naturang paglihis, na siyang pinakamalinaw sa ngayon na kinatawan ng mga dikta ng gobyerno ng US sa gobyerno ng Pilipinas, ay ang panunungkulan ni dating Pang. Noynoy Aquino sa bansa. At hindi lang ito pagsisi sa pinalitang rehimen, tulad ng ginawa ni Aquino mismo sa rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Ipinatupad ng rehimeng Aquino ang mga dikta ng gobyerno ng US sa larangan ng militaristang pandarahas sa Kaliwa, maka-US na patakarang panlabas, at neoliberal na ekonomiya – mga diktang pinaka-angkop sa kasalukuyan. Masasabi nga na marahil ay mas masahol pa ang gusto nitong idikta ngayon, dahil sa pagsahol ng kronikong krisis ng sistemang malapyudal at malakolonyal sa bansa, at paglalim ng depresyong pang-ekonomiya sa daigdig at pag-igting ng tunggalian ng malalaking kapangyarihan sa mundo.

May paghupa sa ekstrahudisyal na pagpaslang sa mga aktibista kumpara sa panahon ni Aquino. Lahat ng konsultant ng National Democratic Front na ikinulong ni Aquino ang pinalaya ni Duterte, at may pangakong papalayain pa ang ibang detenidong pulitikal. Ang mga Lumad na pinalayas sa kanilang komunidad ni Aquino, nakabalik sa panahon ni Duterte. Ang usapang pangkapayapaan sa NDF na maagang sinabotahe ni Aquino, agad binuksan at isinulong ni Duterte. Ang mga maka-Kaliwa na todong inatake ni Aquino, pinapasok pa ni Duterte sa kanyang gabinete.

Noong panahon ni Aquino, mapayapa dahil mapagkaibigan ang relasyon ng Pilipinas sa US. Nasanay na ang mga tao sa kaliwa’t kanang balita tungkol sa pagpasok at pagdaong ng mga barkong pandigma ng US, mga magkasamang pagsasanay-militar ng mga sundalong Amerikano at Pilipino, at paglipad ng mga drones sa himpapawid ng Pilipinas. Malinaw na kontrabida ang China at Rusya. Ngayon, sa mga pahayag ni Duterte, maingay dahil kritikal ang ugnayan ng Pilipinas sa US, pinalayas ang special forces ng US sa Mindanao, at ipinapakitang pwede naman palang makipagkaibigan sa China at Rusya.

museum-of-contemporary-art3

Wala pang pagbabagong nagagawa si Duterte sa larangan ng ekonomiya, at sa pangkalahatan ay neoliberal ang mga patakarang namamayani rito, gayundin ang mga “eksperto” na pinagkakatiwalaan niya rito.

Pero makabuluhan kahit ang mga pahayag niya sa ekonomiya, may paglihis sa mga neoliberal na dikta ng gobyerno ng US:  Pambansang minimum na sahod, pagbasura sa kontraktwalisasyon at dagdag-pensyon para sa mga manggagawa. Walang demolisyon hangga’t walang relokasyon para sa mga maralitang lungsod. Pagpapauwi sa mga migranteng Pilipino. Binanggit niya ang industriyalisasyon sa kanyang unang State of the Nation Address, at tuluy-tuloy ang pagtuligsa niya sa tinatawag niyang “oligarkiya.”

Sinusuportahan din niya ang itinalaga niyang maka-Kaliwa sa Department of Agrarian Reform na mamahagi ng lupa sa mga magsasaka at ipatigil ang land-use conversion sa loob ng dalawang taon. Gayundin sa Department of Social Welfare and Development, na maghatid ng serbisyo ng gobyerno sa mga maralita at nasalanta.

Gaya ng paulit-ulit nang binabanggit ng Kaliwa, hindi mula sa kawalan ang mga hakbangin at pahayag na ito, kundi nasa rekord sa pulitika ni Duterte: Dating miyembro ng radikal na Kabataang Makabayan, estudyante ni Prop. Jose Maria Sison sa kolehiyo, at ipinagmamalaki ang mga ito. Kaibigan ng NDF, kundi man ng New People’s Army, sa Mindanao.

Bagamat kailangan pa niyang patunayan ang kanyang pagmamalaking siya’y sosyalista at unang maka-Kaliwang pangulo ng Pilipinas, ipinapakita na niyang nakikinig siya sa mga hinaing ng sambayanan, na madalas na isinasatinig ng Kaliwa.

Kritikal rin sa US sa pagtakas kay Michael Meiring, umano’y CIA na aksidenteng nagpasabog ng bomba sa isang hotel sa Davao, noong 2002. Tumutol sa paggamit sa Davao bilang base ng operasyon ng mga drones ng US at lunsaran ng magkasamang pagsasanay-militar ng mga tropang Amerikano at Pilipino.

museum-of-contemporary-art4

Sa kabilang banda, anumang paglihis ni Duterte sa mga dikta ng gobyerno ng US ay tulak din ng pagkilos at pagpanawagan ng sambayanang Pilipino. Nanalo siyang pangulo bilang botong protesta sa rehimeng US-Aquino at sa lahat ng kabulukang kinakatawan nito.

Ang pagiging bukas sa Kaliwa ay tulak din ng pagprotesta ng sambayanan sa mga paglabag ng rehimeng US-Aquino sa karapatang pantao, kalakhan ng mga aktibista, lider at tagasuporta ng Kaliwa. Ito ang nagtulak kay Duterte na humanap ng ibang paraan ng pagharap sa armadong rebolusyon at Kaliwa, tampok ang usapang pangkapayapaan. Rurok ng naturang pagprotesta ang malawak na pagkondena sa masaker sa Lianga noong Setyembre 2015 at sa pamamaril at pagpatay sa Kidapawan nitong Abril 2016, panahon ng kaigtingan ng pulitika sa bansa dahil sa eleksyon.

Ang pagiging kritikal sa US ay tulak din ng pagprotesta ng sambayanan sa papaigting na presensyang militar ng US sa bansa. Tuluy-tuloy ang mga protesta sa usaping ito, na ang mga susing salita ay Tubbataha at Jennifer Laude. Tampok, syempre pa, ang pagkamatay ng 44 kagawad ng Special Action Force sa isang operasyong pinamunuan ng US sa Maguindanao, na nagdulot ng pinakamatinding krisis pampulitika sa rehimeng US-Aquino.

Ang mga pahayag ni Duterte sa ekonomiya ay tulak din ng tuluy-tuloy, malawak at matunog na protesta laban sa mga pahirap na patakaran ng rehimeng US-Aquino.

Walang duda: hindi si Duterte ang magdudulot ng tunay na pagbabago sa bansa; nasa sambayanang Pilipino – kasama ang marami niyang tagasuporta – ang hamon, tungkulin at kapangyarihang iyan. At wala pa ring tunay na pagbabago sa ating bayan.

Pero nagpapakita si Duterte ng kahandaang tumulong sa pakikibaka para sa tunay na pagbabago. Mahalaga ang pagkilos ng sambayanan para patatagin siya sa paglihis sa mga dikta ng gobyerno ng US, at para tuparin ang mga pangako niya lalo na sa ekonomiya. At kahit magawa niya ang lahat ng ito, hindi pa rin lubos na giginhawa ang nakakaraming Pilipino hangga’t hindi naibabagsak ang naghaharing sistema sa bansa.

Sa ganitong kalagayan, makaisang-panig at hindi patas na basahin ang mga pahayag ni Duterte hinggil sa “independyenteng patakarang panlabas” sa balangkas lang ng “gera kontra-droga.” Mas masahol, ang ganitong balangkas ng pagbasa ay ginagamit ngayon ng gobyerno ng US para pagmukhaing masama ang gobyernong Duterte sa mata ng daigdig.

museum-of-contemporary-art5

Anuman ang paghusga ng mga Pilipino sa mga akusasyon ni Edgar Matobato, na nagpapakilalang dating mamamatay-tao ng Davao Death Squad, laban kay Duterte sa pagdinig ng Senado, ginagamit ang mga ito ngayon sa internasyunal na midya para patatagin ang dominanteng balangkas ng pagbasa sa pagtuligsa ni Duterte laban sa US – na ito’y pagtatakip lang sa mga paglabag sa karapatang pantao na ibinubunsod ng gera kontra-droga.

Marapat lang ang pagkondena at pagprotesta sa mga pagpatay bunsod ng gera kontra-droga ng gobyerno ni Duterte, pero hindi sa paraang minamaliit o niyuyurakan ang mga pahayag niya pabor sa independyenteng patakarang panlabas, at iba pang paglihis niya sa mga dikta ng gobyerno ng US. Nasa interes ng sambayanang Pilipino na itulak ang gobyernong Duterte na isulong ang independyenteng ugnayang panlabas.

Sa kabilang banda, sa totoo lang, minimal pa rin ang nagagawa ni Duterte sa pagsusulong ng independyenteng patakarang panlabas, kaya madaling mabansagan ang kanyang mga pahayag na “salita lang.” Pero, sa panimula, mahalaga ang mga salita; mahirap maisagawa ang mabibigat na hakbangin nang walang pag-aanunsyo ng mga ito. Kaya marapat lang ang ginagawa ng Kaliwa: ang papurihan ang mga pahayag kasabay ng paghamon na tapatan ito ng aksyon.

Kalimutan mo man ang kasaysayan, tiyak na hindi ka kakalimutan nito, sabi ng isang awtor. Magbulag-bulagan man ang mga komentarista sa mga paglihis ni Duterte sa mga dikta ng gobyerno ng US, tiyak na bantay-sarado at markado ang mga ito ng gobyerno ng US mismo. At mahalagang balik-aralan ang mahabang rekord nito sa destabilisasyon, pagkudeta, at paggera pa nga sa mga gobyernong sumasalunga rito.

Malinaw ang bidyo ng press conference ni Duterte: hindi niya minura si Obama, gaya ng ipinagpuputok ng butsi ng mga balita. Pero baka wala nang silbing maghabol na ituwid ang lumaganap. Interesante ang pagkakamaling ito ng kapitalistang midyang dayuhan at lokal: dahil sa totoo lang, sa mga pahayag at hakbangin niya sa simula ng kanyang termino, maliit pa man ang mga ito para sa sambayanang Pilipino, tiyak na para sa gobyerno ng US ay para na rin itong minura ng pangulo.

20 Setyembre 2016

Galing ang mga larawan sa Facebook account ng isang kaibigan.

Magandang artikulo ng historyador na si Ferdinand C. Llanes tungkol sa masaker sa Bud Dajo at Bud Bagsak na inilunsad ng mga Amerikano at pinatampok sa midya nitong nakaraan ni Duterte. Pinapalawak daw ni Duterte ang kaalaman ng mga tao, sabi ni Andrea Malaya M. Ragragio.

Isa, dalawang huling artikulo ni Prop. Jose Maria Sison at artikulo ni Mong Palatino, lahat tungkol sa gobyernong Duterte. Basahin din ang isinulat ni Paul L. Quintos at Arnold Alamon.

Doktrinang Gulantang

Neopandemic1

Nitong Disyembre, naglabas ng ulat ang isang komite ng Senado ng Estados Unidos tungkol sa pagtortyur na isinagawa ng Central Intelligence Agency sa ilalim ng rehimeng W. Bush pagkatapos ng 9-11 ng 2001. Nitong Disyembre rin, lalong nalantad ang pagsamantala ng gobyerno ni Noynoy Aquino sa harap ng bagyong Ruby o Hagupit, at ng superbagyong Yolanda o Haiyan mahigit isang taon na ang nakakaraan, para isulong ang interes ng malalaking kapitalista. Pitong taon pagkatapos nitong unang malathala, napapanahon pa rin para muling basahin at rebyuhin ang librong The Shock Doctrine [2007] ng progresibong mamamahayag na Canadian na si Naomi Klein. Magandang ihabol ang pagbasa sa nauna nang magandang reputasyon ng aklat.

Nasa titulo ng libro ang bukod-tangi rito: ang balangkas na nagbibigay ng organisasyon sa mga pangyayaring pinaksa nito. Inilahad ni Klein ang tuklas niya: ang ugnayan ng tortyur sa pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal. Aniya, sa mga eksperimento na pinondohan ng CIA noong dekada ’50 at ’60, layunin ng tortyur na bombahin ng sensasyon ang biktima, ang i-shock o gulantangin siya, para mapasunod siya sa gusto ng nangtotortyur. Sa kabilang banda, sa iba’t ibang pagkakataon simula noong dekada ’70, nilikha o sinamantala ng mga naghaharing uri ng US at ng maraming bansa ang pagkagulantang ng mga mamamayan para magpatupad ng mga patakarang neoliberal. At kaakibat ng naturang pagpapatupad ang pagtortyur at iba pang klase ng panunupil.

Matapos isalaysay ang mga karima-rimarim na eksperimento nina Dr. Donald Hebb at Dr. Ewen Cameron sa pagtortyur, sinubaybayan ni Klein ang pagpapatupad sa iba’t ibang bansa ng mga doktrina ng neoliberal na ekonomistang si Milton Friedman at ng kanyang “Chicago School.” Klasiko ang kaso ng Chile: marahas na kinudeta ng US noong 1973 ang gobyerno ng sosyalistang si Salvador Allende na inihalal ng mga mamamayan, ipinatupad ng diktadurang pumalit ang mga patakarang neoliberal, at kasabay nito’y nagsagawa ng malawakang pagtortyur at panunupil. Pagkatapos, tumungo na si Klein sa iba’t ibang bansa mula sa mga nasa Latin America hanggang Poland, mula sa mga nasa Asya hanggang US, at mula Rusya hanggang China.

Neopandemic2

At isinalaysay ang lahat ng ito ni Klein sa estilong siksik, ligalig at kapana-panabik. Sa pormang ito malinaw na nalampasan niya ang nauna niyang librong No Logo: Taking Aim at the Brand Bullies [2000] na medyo antukin. Matalas ang mga mata niya sa magagandang detalye: isang nagbabadyang graffiti sa Chile sa panahon ni Allende matapos bumagsak ang gobyerno ng makabayang si Sukarno sa Indonesia – “Parating na ang Jakarta!,”ang pagiging rebelde sa Chicago School ng progresibong si Andre Gunder Frank. “Ang reyalidad,” minsang paalala ng Marxistang intelektwal na si E. San Juan, Jr., “ay lihim na Marxista,” at sa salaysay ni Klein, nagsasalita ang Marxistang reyalidad, bagamat may pabugsu-bugsong saltik din sa tinatawag niyang “Stalinismo.”

Katulad ng maraming mahalagang libro, tumitindig ang The Shock Doctrine laban sa mga namamayaning pananaw. Tugon ito, sa partikular, sa ilusyong pinapalaganap ng imperyalismong US at mga komentaristang pampulitika nito tulad nina Samuel P. Huntington na ang malayang pamilihan ay kakambal ng demokrasya. Anila, inilatag ng pagpasok ng malayang pamilihan sa mga bansang pinapamunuan ng mga diktadura – tampok ang mga umano’y “sosyalista” – ang pagpasok ng demokrasya. Matibay ang argumento ni Klein: anti-demokratiko at duguang kamay na bakal ang kakambal ng “invisible hand” ng malayang pamilihan. Madalas na dahas ang komadronang nagluwal sa mga patakarang neoliberal at dahas din ang naging kakambal nila sa pagpapatupad.

May magandang seksyon ang libro tungkol sa pulitika, o pag-iwas sa pulitika, ng kilusan para sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao. Ayon kay Klein, sa Latin America ito unang sumulong at sa mga bansa sa naturang kontinente, hindi napanagot ang mga ekonomista ng Chicago School dahil sa makitid na pagpapakahulugan sa karapatang pantao. Aniya, itinali ang karapatang pantao sa literal na karahasan, hindi lumalagpas para saklawin ang mga patakarang pang-ekonomiyang sanhi ng mga paglabag dito. Aniya, mahalaga sa depolitisasyon ng karapatang pantao ang naging pagpondo ng Ford Foundation – na ginustong iligtas ang sariling reputasyon matapos magpagamit ang marami sa mga ekonomistang pinag-aral nito sa mga diktadura.

Neopandemic3

Kahanga-hanga ang pagsubaybay ni Klein sa mga alagad ni Friedman, mga miyembro ng Chicago School – sa kanilang pagkahubog at paglilingkod sa mga diktadura at sa mga epekto ng mga patakarang tulak nila. Sa panahong lantarang pinupuri ni Gerardo Sicat, ekonomista ng diktadurang Marcos, si Cesar Virata, punong ministro ng naturang diktadura, sana’y may ganito ring paglalantad sa mga neoliberal na ekonomista ng bansa na nagkakampo sa School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas. Hindi kataka-taka marahil na ang argumento ni Solita Monsod laban sa pagsubsidyo ng gobyerno sa sariling pamantasan – na mayayamang estudyante ang makikinabang rito – ay argumento rin ni Friedman laban sa pagsubsidyo sa serbisyong pangkalusugan.

Kwento ni Klein, matapos salantain ng tsunami ang Sri Lanka noong 2004, hindi na pinabalik ng gobyerno ang mga maralita sa mga tabing-dagat para makapagtayo ng mga resort ang malalaking kapitalista – isang halimbawa ng doktrinang gulantang. Aniya, sinasamantala ang kalagayang “blangkong papel” na dulot ng mga disaster para makapagpatupad ng bagong kaayusan. Maaalala ang dramatikong pagdating ng mga tropang Kano matapos ang superbagyong Yolanda – paghahanda sa pagpasa sa Enhanced Defense Cooperation Agreement pagkatapos. Gayundin ang “no-build zones” na kaakibat ng pagtatayo ng mga bunkhouses habang ang mga mall ay nasa parehong sona, ang halos-permanenteng pagposisyon ng mga internasyunal na NGO, at iba pa.

Sa dulo, nakakakumbinsi ang balangkas ni Klein at mainam na paalalang babala ito sa mga progresibo: sinasamantala, kung hindi man nililikha, ng mga naghahari ang iba’t ibang porma ng paggulantang para isulong ang kanilang proyektong maka-kapitalista. Ramdam ang pulitikang New Left ni Klein sa libro, katulad sa pagpuri niya sa umano’y mga desentralisadong organisasyon sa Latin America bilang pagsisikap ng mga mamamayan na biguin ang mga pagtatangkang gulantangin silang muli. Pero kung matutukoy at mailulugar ang ganitong mga pagkakataon, mabibigyang-halaga ang libro ni Klein bilang mahusay na buhay na salaysay ng pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal sa maraming bahagi ng daigdig – na mainam mabasa ng marami.

17 Disyembre 2014

Galing ang mga larawan dito.

Magandang sipi mula kay Bill Fletcher, Jr.: “Real politics… is not about flying the perfect flag, or giving the most radical speech, but instead concerns the process of giving a critical mass of people a sense of hope driven by a vision and strategy that suggests that not only must we win, but that we actually can win.”

Magandang obserbasyon mula kay Chris Rock: “Being a comedian, 80 percent of the job is just you notice shit, which is a trait of schizophrenics too. You notice things people don’t notice.” Magandang depensa ni Alain Badiou sa sarili at sa Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa Tsina laban sa isang naninira. Magandang panayam kay Angela Y. Davis.

Train of Thought

Albin Brunovsky

Noong Enero, inianunsyo ni Sek. Emilio Abaya ng Department of Tranportation and Communications na ipinagpapaliban muna ng gobyerno ang planong itaas ang pasahe sa MRT at LRT. Nitong Pebrero, pagkatapos ng kulang-kulang isang buwan, ipinagtanggol ni Pang. Noynoy Aquino ang hakbangin. Sabi ng pangulo, una, hindi patas na pinapasan ng buong bansa ang gastos sa mga tren gayung mga residente lang ng Metro Manila ang nakikinabang sa mga ito. Ikalawa, mas maganda ang serbisyo ng mga tren kumpara sa mga de-aircon na bus sa Edsa – na mas mahal ang singil kumpara sa mga tren – at dapat lang magbayad nang mas mahal para sa mas magandang serbisyo.

Ang unang dahilan, minsan nang sinagot ni Sen. Ralph Recto: Kalakhan ng buwis na nakokolekta sa bansa ay mula sa Metro Manila kaya masasabing walang buwis mula sa mga probinsya na napupunta sa MRT at LRT. Tapos na sana ang debate, at ipinapakita ng argumento ni Recto na kahit sa balangkas ng pangangatwiran ni Aquino ay talo ang pangulo. Pero may mapanganib na implikasyon ang naturang balangkas, kaya kauna-unawang hindi ginamit ng mga grupong tutol sa dagdag-pasahe ang argumento ni Recto. Ang balangkas nina Aquino at Recto: Ang serbisyong tinatamasa ng isang entidad, halimbawa’y lugar o tao, ay dapat tinutumbasan ng buwis na ibinabayad nito.

Sinagad ni G. Sammy Malunes, tagapagtipon ng Riles Laan sa Sambayanan (Riles) Network, ang naturang balangkas para ilantad ang problema rito: “Dapat bang itigil ng gobyerno ang pagpapatayo ng mga pampublikong paaralan at ospital sa malalayong lugar dahil hindi papakinabangan ang mga ito ng mga nagbabayad ng buwis mula sa ibang bahagi ng bansa? Dapat bang  bayaran ng indibidwal na mamamayan ang buong gastos sa lahat ng serbisyong panlipunang tinatamasa niya?” Sa ganitong batayan niya direktang sinabing patas lang – o hindi di-patas – na subsidyuhan ng mga Pilipino, kahit iyung mga hindi regular na sumasakay sa mga tren, ang pagtakbo ng MRT at LRT.

Iyun namang ikalawang dahilan ay mas madaling ilantad. May kakambal na normatibo ang paniniwalang dapat magbayad nang mas mahal para sa mas magandang serbisyo: Ang walang kakayahang magbayad nang mahal, walang karapatang magtamasa ng mas magandang serbisyo. Pagbibigay-katwiran ito sa pribilehiyo ng iilan sa lipunan, o sa elitismo. May ka-triplet na deskriptibo pa pala: Kaya ganyan lang ang mga serbisyong tinatamasa ng mahihirap ay dahil wala silang pambayad sa mas magandang serbisyo. Pagbibigay-katwiran ito sa umiiral na kalagayan ng nakakarami sa lipunan. Pagbibigay ito ng mababang halaga sa maralita at ng mataas na halaga, syempre pa, sa mayayaman.

Albin Brunovsky4

Ang wala sa eksena sa balangkas nina Aquino at Recto ay ang papel ng gobyerno – o ang papel ng gobyerno sang-ayon sa isang pag-unawa. Noon, ang gobyerno ay tinitingnan na mekanismo para magtulungan ang mga mamamayan, at ang buwis ay dapat ginagastos para sa kanilang pangkalahatang kapakanan at interes. Ito ang pag-unawa sa gobyerno na sistematikong tinibag at tinitibag ng neoliberalismo, ang doktrinang isinusulong ni Aquino at kahit ng inapo ng makabayang si Sen. Claro M. Recto. Itong gobyernong bukambibig ang “bayanihan,” sa aktwal ay kampeon ng pagpapabaya ng gobyerno, pagkakanya-kanya ng mga  mamamayan, at kawalang-tulong para sa nangangailangan.

Pagsusulong ng interes ng malalaking kapitalista ang esensya ng neoliberalismo. At ang pinaka-harapang paliwanag nito ay ang tinatawag na “trickle-down economics.” Pwede kaya itong isalin na “ekonomiks ng pagdaloy ng mga patak”? Taliwas sa paliwanag ni Nicole C. Curato, kolumnista ng Rappler, ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ay hindi sinisikap bigyang-katwiran sa batayan ng pagiging karapat-dapat sa premyong pinansyal ng mga kapitalistang lumilikha ng trabaho. Ang pseudo-siyentipikong paliwanag: Kapag nakokonsentra ang yaman sa iilan, papatak-patak itong dadaloy pababa, patungo sa mga karaniwang mamamayan – mula 1% patungo umanong 99%.

Anu’t anuman, isiniwalat ng unang State of the Nation Address ni Aquino ang isang katotohanan tungkol sa mga patakarang neoliberal – at sa kaso ng MRT mismo. Aniya, “ibinatay sa maling pulitika” ang pamasahe sa MRT at sinubukan daw ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo na “bilhin ang… pagmamahal” ng publiko kaya “pinilit ang operator na panatilihing mababa ang pamasahe.” Ibig lang sabihin, nagpapanggap mang may siyentipikong lohika ang mga patakarang neoliberal, ipinapailalim pa rin sila sa mga konsiderasyong pulitikal: Hindi naitaas ang pamasahe sa MRT dahil may panganib noong magdulot ito ng lalong galit sa nanganganib mapatalsik na si Arroyo.

05 Pebrero 2014

Galing ang mga larawan dito.

Maganda ang isinulat na ito ni Jeanette Winterson hinggil sa sining. Malinaw ang pagiging kritikal niya sa kapitalismo. “Walang nag-aaral sa akin maliban na lang kundi bilang kung anong buburahin,” sabi ng Aprikano-Amerikanong makatang si Audre Lorde sa magandang talakayan niya sa kapwa-Itim na manunulat na si James Baldwin. Sa talakayang iyan ng dalawa, malinaw kung sino ang mas matalas sa usapin ng pagsasamantala sa usapin ng lahi at kasarian.

Sinong pumatay kay Martin Luther King, Jr.? Malinaw ang sagot ng mga radikal na mamamahayag na sina Alexander Cockburn at Jeffrey St. Claire. “Co-burn” daw ang bigkas sa apelyido ng naunang awtor. Hehe. Artikulong maganda, bagamat luma, tungkol sa pulitika ng rapper na si Kanye West, mula kay Salim Muwakkil. Ang historyador na si Benedict Anderson tungkol sa masaker sa mga Komunista sa Indonesia noong 1965.

Lagay ng Panahon

Bago si Kuya Kim ay si Ernie Baron. At bago si Ernie Baron ay si Amado Pineda – isang empleyado ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pag-asa na naghahatid ng balita sa telebisyon. Noon iyun, nang hindi pa minamaksimisa ng mga estasyon sa telebisyon ang ulat hinggil sa lagay ng panahon para magpasikat ng talento nila.

Karakter si Amado Pineda: halatang mahiyain at nailagay lang sa harap ng telebisyon, nakasalamin sa mata at naka-polo barong. Sobrang karakter, ginaya-gaya siya noon ni Tessie Tomas. Pero noon iyun, bago pa si Jon Santos, sa panahong ang impersonator ay maraming kayang gayahing karakter – kaiba sa panahon nina Pooh, Ate Glow o, sige na nga, Angelica Panganiban.

Mukha talagang kawani ng gobyerno si Amado Pineda. Nawala siya sa tanaw ng publiko at hindi na napalitan ng katulad niyang kawani. Sa panahong wala siya, nagmukhang ahensya ng mga eksperto ang Pag-asa na pana-panahong kinaiinisan sa maling ulat, at bihirang mapuri sa wastong ulat. Nitong huli, mismong si Pang. Noynoy Aquino ang nangunguna sa pagsabon sa kanila.

Nitong huli, mga kawani ng Pag-asa ang naging laman ng balita. Nagprotesta sila sa pagtanggal sa ilang benepisyo at marami ang naantig sa kalagayan nila. Habang krusyal ang ulat nila kung may pasok o wala dahil sa bagyo, mayroon pala sa kanilang hindi makapasok sa opisina kahit maaraw dahil kulang ang sweldo. Habang krusyal ang ulat nila sa pagliligtas ng buhay, may namatay na pala sa kanila dahil kulang ang pambili ng gamot. Masama ang lagay ng mga taong inaasahan nating maagap na maghahatid sa atin ng eksaktong lagay ng panahon.

Nakakainis, gaya ng lagi na, ang tugon ng pangulo ng Pilipinas. Ang bali-balita – sige na nga, tsismis – sa Twitter, hindi pakikinig at pakikipagdiyalogo ang ginawa ni Aquino sa mga taga-Pag-asa. Sinermunan niya ang mga ito, na halata kahit sa balita. “Dumadanas tayo ng masamang panahon… at nagdurusa pa rin ang mga naapektuhan ng pagbaha. Huwag na tayong dumagdag pa,” sabi niya sa mga kawani, parang pikong haciendero kausap ang mga kasama. Hindi raw dapat maging hadlang ang isyu sa pagganap ng mga kawani sa kanilang “tungkulin” sa publiko.

Heto na naman tayo. Nagprotesta lang naman ang mga taga-Pag-asa, hindi pa nga nagbantang magwelga – na, ayon sa batas, ay bawal sa mga kawani ng gobyerno. Nangako naman si Aquino na ibibigay ang kahilingan ng mga kawani, bagamat sa kasunod na araw pa inanunsyo kung kailan. Pero hindi siya umako ng pananagutan sa kalagayan ng mga kawani ng Pag-asa – kung bakit tinanggal ang benepisyo nila, kung bakit mababa ang sahod nila, kahit ng matatagal na sa serbisyo. Siya pa nga itong galit, iritadong nagsasalita sa ngalan ng publiko.

Hindi lang iyan mauugat sa palaging pag-iwas ni Aquino sa sisi dahil baka bumaba ang kanyang popularity ratings, bagamat totoo rin iyan. Tinatawag ng insidente sa Pag-asa ang pansin natin sa pagiging sunud-sunuran ng gobyerno sa neoliberalismo na, ayon kay Prop. Jose Ma. Sison, “ay mahigpit na naninindigan laban sa pag-ari ng Estado sa anumang kagamitan sa produksyon at anumang interbensyon ng Estado sa ekonomiya, maliban kung binibigyang nito ang mga pribadong kapitalista ng pabor na mga oportunidad para magkamal ng tubo…”

Tinatawag ng insidente sa Pag-asa ang pansin natin sa kung paano ginagamit ng gobyerno, sa panahon ng neoliberalismo, ang retorika ng “tungkulin sa bayan” para takasan ang hindi pagtupad sa mga tungkulin nito sa bayan. Kakambal ito ng pagsisi sa mahihirap sa mga suliranin ng bansa. Bitag ito para sa mga nasa panggitnang uri na naghahangad ng pagbabago, tagahanga ng sinabi ni John F. Kennedy na “Huwag mong itanong kung ano ang magagawa para sa iyo ng bansa mo…,” mapagkawanggawa, at negatibo ang tingin sa pagpoprotesta.

Ang gobyerno ang dapat instrumento ng mga mamamayan para magtulungan, para magbayanihan – kahit pa binababoy ngayon ng gobyerno ang pakahulugan ng salitang iyan. Ito lang ang may potensyal, may kapangyarihan at rekurso, para matulungan ang nakakarami, kung hindi man lahat, ng mahihirap. Hindi sapat ang pagtulung-tulong, tuluy-tuloy man at lalo na kung pana-panahon; matutuwa lang diyan ang gobyerno dahil pinupunuan ang ipinagkakait nito.

Tungkulin nating labanan ang paggamit ng gobyerno sa “tungkulin sa bayan” laban sa kapakanan nating mga mamamayan. Sa panahong tinatakasan ng gobyerno ang mga pundamental na tungkulin nito sa mga mamamayan, lalong tungkulin nating mga mamamayan na maggiit sa gobyerno. At kung hindi pa rin ito tatalima sa ating mga panawagan, tulad ng nangyayari ngayon, tungkulin nating pag-isipan kung ano ang dapat gawin dito. Sa ganyan lang tayo magkakaroon ng tunay na pag-asa sa masamang lagay ng panahon ngayon.

24 Agosto 2012

Galing ang larawan dito.

Sa wakas! Naayos ko na rin ang Mga Links ng Kapirasong Kritika. Kung may nakalimutan o komento, magkomento na lang sa baba.

May maiksing parangal para si Jam Jacob kay Daniel Imperial. Mga paboritong awtor ni RM Topacio-Aplaon. Si Joma Sison? Amado Hernandez, Nick Joaquin at Gelacio Guillermo sa mga Pilipino at sina Ernest Hemingway, Bertolt Brecht at Pablo Neruda sa mga dayuhan.

Kasalanan ng Mahihirap

Nitong mga nakaraang taon, sa tuwi na lang may kalamidad sa bansa, nagkakaroon ng pyesta ng pagsisi sa mga maralita. Ang mga maralitang lungsod, sinisisi kung bakit naninirahan sa tabi ng estero at mapanganib na lugar. Ang lahat ng maralita, maging sa kanayunan, sinisisi kung bakit ayaw umalis sa kani-kanilang bahay kapag mataas na ang baha at pinipilit ilikas ng mga rescuer. Nitong huli, sinisisi sila sa pagbaha, dahil sila raw ang nagtatapon ng basura na bumabara sa mga daanan ng tubig.

Magandang itanong sa mga may-edad na: Dati na bang ganito? Noon pa ba sinisisi ang maralita sa pinsalang dulot ng mga kalamidad, mga pinsalang sila rin kadalasan ang biktima? Ang isang impresyon, sa pagtindi ng pinsalang dulot ng mga kalamidad, tumitindi rin ang pagsisi sa mahihirap. Kahit ang usong paliwanag na “global warming” at “climate change,” nakakalimutan kapag ibinubunton ang sisi sa kanila. Paanong inabot sa ating lipunan ang ganitong kalupitan sa pagtingin sa maralita?

(1) Isang maituturo ang kawalan ng pag-unawa sa mga maralita at ng pagsisikap na unawain sila – partikular sa pagiging limitado ng pagpipilian nila. Sa mga dominanteng pwersa sa lipunan, kahit iyung umano’y nagbubuo ng pag-uunawaan tulad ng midya at Simbahan, walang nagpapaliwanag nito. Lagi tuloy may sasagot ng “May choice, laging may choice!” kapag sinasabi ito. Para sa iba, kasalanan talaga ng napakarami nating kababayan ang pagtira nila sa mga estero at lugar na peligroso sa baha.

Kung tutuusin, panay na panay ang labas ng maralita sa midya. Masasabi pa ngang may pornograpiya sa karalitaan sa bansa. May mga dokumentaryong detalyado ang kwento tungkol sa lagay nila; sa mga palabas na tulad ng kay Willie Revillame, inuurirat ang mga buhay-buhay nila. Pero sa lahat ng ito, hindi naipapakita kung paanong nalilimitahan ang mga pagpipilian nila – na, sa kongkreto, ay dulot ng mga patakarang ipinapatupad ng gobyerno sa dikta ng mga naghahari-harian sa bansa.

Dahil walang pagtalakay sa mga patakarang pinag-uugatan, nagmumukhang indibidwal, partikular na kwento ang karalitaan, kanya-kanyang swerte at malas. Hindi nauugat ang mga dahilan ng pagdami ng maralitang lungsod, halimbawa. Patakaran ang pagpayag sa pagkamkam ng iilan ng lupa sa kanayunan, kaya walang trabaho doon. Patakaran ang pagwasak sa kalikasan na pinagkukunan ng kabuhayan. Patakaran din ang hindi pagbibigay sa lumikas na maralita ng mura at ligtas na pabahay.

Hindi rin nauugat ang mga patakarang nagdudulot at nagpapatindi sa baha. Patakaran ang pahintulutan ang mga kumpanya ng pagtotroso na kalbuhin ang kabundukan, at ang mga kumpanya ng pagmimina na wasakin ang kalikasan. Patakaran ang payagan ang mga kumpanyang may-ari ng mga dam na magpakawala ng tubig sa oras de peligro. Patakaran ang walang planong kaliwa’t kanang konstruksyon sa mga lungsod. Sa kabila ng lahat ng ito, patakaran ang kawalan ng disaster preparedness.

Nangingilag ang midya sa pagtalakay sa mga patakaran, at kahit anong abstrakto sa pangkalahatan; kwento-kwento ang laging gusto nito. Problematiko ito dahil, ayon nga kay Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, sa pandaigdigang sistemang kapitalista, “kung awtentiko ang indibidwal na karanasan, hindi ito pwedeng maging totoo; at kung totoo ang siyentipiko o kognitibong modelo ng naturang nilalaman, humuhulagpos, humihigit ito sa indibidwal na karanasan [“Cognitive Mapping,” 1988].”

(2) Maituturo rin, na kaugnay rin ng nabanggit, ang pagpapatupad sa mga patakarang neoliberal at ang katangian ng kasalukuyang gobyerno ni Noynoy Aquino. Pinalalabas ng dalawang ito ang kawalan ng kapangyarihan at pananagutan ng gobyerno sa mahahalagang usapin sa bansa, lalo na sa ekonomiya. Dahil kailangang may managot para sa pinsala ng mga disaster, sinisisi nila ang madaling ituro – ang mahihirap. Walang duda: napapatatag ang mga patakarang neoliberal at nakikinabang ang gobyernong Aquino kapag mga maralita ang sinisisi sa mga disaster.

Naaprubahan ang mga mayor na patakarang neoliberal sa huling bahagi ng dekada ’80 at buong dekada ’90. Mulat na itinali ng gobyerno ang mga kamay nito para bigyang-laya ang malalaking kapitalista at asyendero na magpalobo ng yaman. Magandang halimbawa ang tinakbo ng talakayan hinggil sa industriya ng langis pagkatapos: Kapag natutuligsa sa pagtaas ng presyo, sasabihin ng gobyerno na wala itong kapangyarihan, ituturo nito ang mga salik na labas sa kontrol nito (tulad ng pandaigdigang pamilihan), at ipapanakot ang umano’y masasamang epekto ng pagkontrol nito.

Ang gobyernong Aquino naman, nahuhumaling sa pagdepensa sa umano’y popularidad nito. Umiiwas ito sa pananagutan at may malakas na makinaryang pampropaganda. Mismong pagsuspinde ng klase, ipinapasa nito sa mga lokal na pamahalaan – na pwede nitong sisihin kapag pumalpak, tulad ng nangyari sa pagguho ng lupa sa Litex, Quezon City. Huwag nang banggitin pa ang paghuhugas-kamay nito sa napakaraming isyu. Ang katiting na aksyon nito, kailangang malakas na maipropaganda at magamit sa eleksyon – tulad ng relief operation kasama ang mga kandidatong senador nito.

Mahalagang idagdag ang obserbasyon ni Wendy Brown, progresibong intelektwal, hinggil sa neoliberalismo: “[B]agamat nakabatay ang neoliberal na pampulitikang rasyunalidad sa isang pag-unawa sa merkado, ang pag-oorganisa nito sa pamamahala at lipunan ay hindi lamang resulta ng pagtagos mula sa pang-ekonomiya patungo sa iba pang larangan, kundi ng lantad na pagpapataw ng partikular na porma ng rasyunalidad ng merkado sa mga larangang ito [“American Nightmare,” 2006].” Hindi umasenso ang mga maralita dahil tamad, hindi kayang makipagtagisan sa merkado.

Ganito ang disaster sa panahon ng neoliberalismo, makailang-ulit na bumibiktima sa mahihirap na Pilipino. Disaster ito sa kabuuang buhay at kabuhayan nila. Ginagawa pa sila nitong mas bulnerable sa mga natural na kalamidad habang pinapatindi rin ang mga naturang kalamidad. Sa mahabang panahon, tinanggalan sila nito ng pagkakataong maunawaan kahit ng mga nasa panggitnang uri. Sa dulo, sila rin ang sinisisi sa pinsalang dulot ng kalamidad na sila rin ang matinding tinatamaan. Masayang-masaya ang mga naghaharing uri: sila pa ngayon ang may ganang manisi!

13 Agosto 2012

Galing ang mga larawan dito. Tingnan kung alin ang poster mula sa Pilipinas.

Ang bise-presidente ni Mitt Romney, si Barack Obama ang pumili? Basahin dito. Crush ng bayan, pwede ring crush ng makabayan. Patok! Bakit hindi ko ito nakita sa Facebook?

Tsansa ng Tsina

(1) Sa mga kasaysayan ng neoliberalismo, na kinikilalang naging tampok na pwersang pampulitika sa mundo noong huling bahagi ng dekada ’70 at maagang bahagi ng dekada ’80, madalas na ang tinutukoy na mga lider-pasimuno ay sina Ronald Reagan ng US at Margaret Thatcher ng Britanya. May mahalagang dagdag si David Harvey, Marxistang intelektwal: si Deng Xiaoping ng Tsina. Kung ang neoliberalismo ay ang pagbuwag sa lahat ng hadlang sa mas matinding pagsasamantala ng mga kapitalista sa mga manggagawa at mamamayan, gamit ang makabagong mga teknolohiya sa harap ng krisis ng labis na produksyon at pag-atake sa Kaliwa, dapat ngang kasama si Deng.

(2) Nitong ika-10 anibersaryo ng teroristang atakeng 9-11 sa US, naglabas ng komentaryo si Francis Fukuyama, neo-konserbatibong manunuring pampulitika. Nakilala si Fukuyama sa kanyang pagsusuri tungkol sa “Katapusan ng Kasaysayan” o “End of History” – kung saan nagtagumpay na umano ang kapitalismo at demokrasyang liberal laban sa sosyalismo at diktadura noong 1989. Aniya, “Simula 2001, ang pinakamahalagang kwentong pandaigdig-pangkasaysayan ay ang pag-usbong ng Tsina. Pangyayari itong ang epekto ay halos tiyak na mararamdaman sa loob ng 50 taon.” Ipinapakita ng pahayag niya ang pagbabantay ng mga neo-konserbatibo sa Tsina.

(3) Simula noong dekada ’90, may grupo ng mga akademiko na nagsasabing natural na magkaakibat ang malayang pamilihan at demokrasya, at inilalatag ng malayang pamilihan ang mga kalagayan para manumbalik at sumigla ang demokrasya. Ito ang kinokontra ni Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian, sa madalas niyang sabihin tungkol sa Tsina. Aniya, lumalabas na ang Tsina ngayon ang ideyal na kapitalistang bansa – kung saan matinding pinagsasamantalahan ang mga manggagawa sa ilalim ng mapanupil na paghahari ng isang Partido Komunista. Ang nakakapangamba, sabi niya, ay posibleng Tsina ang hinaharap ng maraming bansa: kapitalista pero nasa ilalim ng diktadura.

(4) “Sosyalismo na may mga katangiang Tsino” ang islogan ni Mao Zedong na ginamit ng mga lider na pumalit sa kanya para ilarawan at bigyang-katwiran ang kanilang pagtahak sa kapitalistang landas. Ayon kay Orville Schell [Discos and Democracy: China in the Throes of Reform, 1988], ginamit ni Deng ang alaala at mga sinabi ni Mao para patatagin ang naghaharing Partido Komunista ng Tsina, kahit pa kontra-sosyalista na ito. Para mailugar si Mao, sinabing may mga “kaliwang oportunista” siyang pagkakamali at may panahon siyang “nawalay sa reyalidad.” Ginamit din laban kay Mao ang husga niya kay Joseph Stalin: 30% ang kahinaan at 70% ang kalakasan. Pinalabas ding maayos siya bago ang 1957 – bago ang simula ng Dakilang Hakbang Pasulong.

(5) Ayon sa Komite Sentral ng Communist Party of the Philippines, na malinaw na nagsasabing hindi na sosyalista ang mga naghahari sa Tsina kundi mga tumalikod at traydor sa sosyalismo, “Nasa katayuan ang China na makipagtulungan sa Pilipinas sa programa ng pambansang industriyalisasyon.” Nagsusulong ang CPP ng pambansang industriyalisasyon ng Pilipinas, kaya tawag-pansin ang pahayag na ito. Ang sabi ng isang kaibigan, ang sinasabi’y nasa katayuan ang Tsina; ibang bagay pa kung gusto talaga nito o, lalo na, kung gagawin talaga nito. Ang pinapatampok ay ang igting ng girian ng Tsina at US sa ngayon. Sa katulad na konteksto ng kontradiksyon ng mga makapangyarihang bansa, ng modernong rebisyunistang Rusya at Maoistang Tsina noon, tumulong ang Rusya sa industriyalisasyon ng kapitalistang India laban sa Tsina.

(6) Nitong Disyembre, nagpahayag ng pagkaalarma si Paul Krugman, ekonomistang kontra-neoliberal, hinggil sa posibleng pagkalugmok ng Tsina sa krisis. Bagsak ang kakayahan ng mga manggagawa at mamamayang Tsino na kumonsumo ng mga produktong nililikha nila. Dahil diyan, US ang kumokonsumo ng naturang mga produkto at dahil sa krisis sa US, hindi rin mabenta ang mga produktong likha ng Tsina. Ayon kay Krugman, tulad ng Japan noon at US nitong huli, nagmukhang umuunlad ang Tsina dahil sa lumalaking bula sa real estate, na nagbabantang pumutok ngayon. Posible raw na maging panibagong sentro ng krisis pang-ekonomiya ngayon ang Tsina.

(7) Maganda ang puntong pahiwatig ng isang artikulo sa China Left: Mahalaga ang uring manggagawa sa Tsina dahil dumanas sila ng 30 taon ng sosyalismo at 30 taon ng kapitalismo. Sabi ng isang editoryal ng New Left Review, masyadong tumaas ang pag-asa ng mga manggagawa at mamamayan sa mga bansang BRICS, kasama ang Tsina, na patuloy na uunlad ang mga ekonomiya nila, kaya posibleng maging mas mahapdi ang magiging hagupit ng krisis sa kanila. Mas tama: ang mga naghihirap na manggagawa at mamamayang Tsino, na pinapaasa ng paparating na “pagpatak” sa kanila ng kaunlaran, ay malulugmok sa mas matinding paghihirap, nang walang pag-asang uunlad sila.

(8) Ayon pa sa NLR, “Ang 200 milyong Tsinong manggagawa sa pabrika, minero at manggagawa sa konstruksyon ang pinakamapanganib na uri sa planeta. (Itanong mo pa sa State Council sa Beijing.) Ang kanilang lubos na pagkamulat mula sa bula ang maaaring magsabi kung posible pa o hindi na ang sosyalistang daigdig.” Medyo eksaherado, at nagpapakita ng tendensya ng mga intelektwal sa Kanluran na ipasa at iasa sa iba ang potensyal ng rebolusyon, pero nagbibigay ng hamon at optimismo.

11 Enero 2012

Galing ang mga larawan ni Paul Strand dito. Magandang basahin ng mga potograpo ang komento na sinipi sa rebyung ito ng libro ng kritikong pansining na si John Berger.

Hanggang pagkatapos mamatay ng neokonserbatibong si Christopher Hitchens, binanatan ni Alexander Cockburn, maka-kaliwang radikal na mamamahayag, ang dating kaibigan niya. May liham si Noam Chomsky kay Cockburn tungkol sa kakayao ring si Vaclav Havel. May magandang punto naman si Adam Kotsko, guro ng pilosopiya, na nagmula sa magandang tanong kaugnay ng pagkamatay ni Kim Jong-Il.

Isang pagmumuni sa pagtatapos o pagkatengga ng mga blog sa US. Koleksyon ng mga biro ni Slavoj Zizek. Isa pang pagmumuni, na mas maiksi, tungkol sa kapangyarihang militar at pang-ekonomiya ng Tsina.

Huwag Maging Drug Mule

Dapat masulat ito sa mga libro ng kasaysayan: nanawagan si Pang. Noynoy Aquino sa mga Pilipino na huwag maging drug mule. Mahigpit ang batas ng Tsina kontra rito, aniya. Bumubuti na rin ang kalagayang pang-ekonomiya ng bansa, dagdag pa niya. Sa kabilang banda, sabi pa niya, isang pandaigdigang problema rin talaga ang droga.

Muli, patunay ito ng magkahalong desperasyon at arogansya ng gobyernong Aquino sa propaganda. Desperasyon dahil ano nga naman ang masasabi nito na isa na namang Pilipino ang nakatakdang bitayin sa Tsina sa 08 Disyembre dahil sa pagiging drug mule? Arogansya dahil ayaw nitong kilalanin ang pananagutan sa kalagayang maraming Pilipino ang nagiging drug mule. Sa puntodebista nito, popular ito, maraming bayarang propagandista at makakalusot na sisihin ang mga sindikato o ang mga Pilipino mismo.

Kakatwa ang unang batayan nito: na mahigpit ang mga parusa ng Tsina laban sa mga drug mule. Eh kung ibang krimen, pwede kaya? Eh kung sa ibang bansa gawin, okey lang? Humahantong na ito sa simpleng pananakot, na parang payo ng sindikato sa kapwa-sindikato. Kakatwa rin ang mga salitang gamit nito: “pursigido at tuluy-tuloy (relentless)” na “bibigyang-babala (warning)” ang mga Pilipino hinggil sa pagiging drug mule. Umaasta itong mapagpasya sa napakalamyang hakbangin sa seryosong problema.

Higit pa diyan, patunay ang pahayag ng desperadong lagay ng ekonomiya ng bansa. Anong sahol ang inabot ng ekonomiya ng isang bansa na ang pangulo’y nananawagan na sa mga mamamayan na huwag maging drug mule, na para bang karaniwang pagpipiliang karera lang ito tulad ng pagiging guro o nars? Ang totoo, lahat ng salbabida ng ekonomiya ng bansa, nawawalan ng hangin ngayon. Ang remitans ng mga OFW, ang eksport ng bansa, ang pumapasok na dayuhang pamumuhunan – lahat lumiliit ngayon.

Pinipilit ni Aquino na paasahin ang mga mamamayan sa isang “pag-unlad” na hindi nila ramdam. Ipinapaalala nito ang “trickle-down economics” kung saan tinitiyak ng gobyerno ang paglaki ng tubo at kapital ng mga kapitalista. Ang paniwala, dahil mga kapitalista ang motor na nagpapaandar sa sistema, mainam na nakakonsentra sa kanila ang yaman. Kapag namumuhunan sila, pinapaandar nila ang ekonomiya, lumilikha sila ng empleyo. Hindi magtatagal, “papatak-patak” na aabot ang kaunlaran sa lahat.

Ang totoo, palusot ang naturang ekonomiks sa pagkaltas sa buwis na sinisingil sa mga kapitalista, sa paghahain sa kanila ng mura at siil na paggawa, at sa iba pang suporta ng gobyerno sa kanila. At ganyan naman talaga ang balangkas ng mga patakaran ng gobyernong Aquino: Public-Private Partnerships, Charter Change, at iba pa. Paglikha ito ng empleyo na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan, hindi sa internal na kakayahan at pangangailangan ng bansa. Kaya napakaraming walang trabaho, migrante at drug mule.

Sinisikap ng gobyerno ang pagkamit sa kaunlaran, pero pandaigdigan talaga ang problema ng droga. Iyan ang sinasabi ni Aquino. Nagsisikap naman ang gobyerno, kaya tanggapin na lang natin na may mga bibitayin pang drug mule sa hinaharap. Sa aktwal, walang pagbabago. Kulang-kulang 20 taon na ang nakakalipas, ang pagbanggit ng gobyerno sa daigdig ay paalala ng pangarap na kaunlaran na pwedeng kamtin. Ngayon, nagiging mas paalala ito ng mga suliraning hindi kayang solusyunan sa loob ng bansa.

Kakatwa rin ang pagkatao o subjectivity ng masa na ipinapasipat ng pahayag ni Aquino, na mas neoliberal kaysa sosyal-demokratiko: nag-aasam, kung hindi man desperado, sa kaunlaran at tanging banta ng dahas o kaparusahan ang nauunawaan. Sagot ng mga pangako ng mga patakarang neoliberal ang una. Ipinapakita naman ng ikalawa ang kakambal ng neoliberalismo: ang pasismo ng Estado. Kaya naman unti-unti, sa pagtindi ng pandaigdigan at lokal na krisis, pinapawalan na ang huli ni Aquino.

04 Disyembre 2011

Galing ang mga likhang-sining ni El Lissitzky dito.

Tumitindi pa ang krisis sa ekonomiya sa bansa at sa mundo. Rerebyuhin ko ang mga kaibigan sa KKLinks: iiwanan ko iyung mga regular pang nagba-blog at nabibisita ko. Baka may mga gustong humabol?

One Percent

May dalawang malaking hamon ang protestang Occupy sa USsa ating mga Pilipino. Una, ang magprotesta nang maramihan laban sa tumitinding kahirapan, kagutuman at kawalan ng pagkakapantay-pantay – ang kagyat na nararamdamang epekto ng krisis pang-ekonomiya. Ikalawa, ang magprotesta laban sa tinatawag na “1%” – na ang totoo’y mas kaunti pa sa one percent – ng US, bukod pa sa 1% na mga naghaharing uri sa bansa.

One percent ng US? Oo. Dahil sa kabila ng mga pagsusuring walang teorya o ideolohiya na gumagabay sa protestang Occupy, may isang mahalagang bagay rito na ikakatuwa ng isang mahusay na manunuri ng pandaigdigang sistemang kapitalista: ang puntirya nito, ang 1%, na madalas tawaging “bankers.” Ang matutuwa: si Lenin, na nagsabing sa ilalim ng sistemang imperyalista, pinakamakapangyarihan na ang “oligarkiya sa pinansya.”

(Sa ganitong pagtingin, pinakamalaking kabastusan sa protestang Occupy sa US ang inilulunsad ngayong “Occupy for Reproductive Health Bill” ng Akbayan at mga grupong kadikit nito. Una, sang-ayon ang oligarkiya sa pinansya sa pagkontrol sa populasyon (population control) na siyang balangkas ng kanilang panukalang batas. Pangalawa, may ayuda ang naturang kampanya mula sa mga daluyan ng oligarkiya sa pinansya.)

Sa ganitong pagtingin, ang oligarkiya sa pinansya sa US ang responsable sa maraming patakaran sa bansa na matagal nang kinokondena bilang maka-imperyalista. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sila ang nagpwersa sa Pilipinas sa mga hindi-pantay na kasunduang nagtali sa ekonomiya natin sa ekonomiya ng US. At hindi bilang kapantay, kundi bilang neokolonya: walang sariling pag-unlad, lubos na nakaasa sa US.

Sila ang naglulong sa gobyerno sa pautang, na suporta sa mga naghaharing uring tagapagpatupad ng kanilang mga dikta sa ekonomiya. Walang tunay na reporma sa lupa. Walang industriyalisasyon. Pagbawas sa subsidyo sa mga serbisyong panlipunan, debalwasyon ng salapi, pagpaparami ng eksport, pagbarat sa gastos sa paggawa. Tinuntungan at itinuloy ang mga ito ng mga patakarang neoliberal simula dekada ’80.

Sa madaling salita, tuluy-tuloy tayong pinautang habang tuluy-tuloy tayong inalisan ng kakayahang makabayad. Binigyan tayo ng pautang na ang paglago ng interes ay mas mabilis pa sa paglago ng tunay na ekonomiya ng bansa. Kapag pinag-uusapan ang utang panlabas, nakakarinig tayo ng “X ang utang ng bawat Pinoy,” na kadalasa’y napakalaki –halagang hindi natin kayang likhain dahil inalis ang oportunidad magtrabaho sa bansa.

Mauugat ang lahat ng pang-ekonomiyang isyung hinaharap ng mga Pilipino ngayon sa mga dikta ng oligarkiya sa pinansya: konsentrasyon ng lupa sa iilan; barat na sahod at kontraktwal na empleyo; demolisyon ng mga maralitang komunidad; pagsirit ng hinuhuthot sa langis, kuryente at kung anu-ano pa; at pagkaltas sa subsidyo sa mga serbisyong panlipunan. Lahat, pahirap sa nakararami at pagkonsentra ng yaman sa iilan.

Lahat, naipatupad sa pamamagitan din ng pautang na suporta sa iilan sa lipunan at maging sa mga kapitalistang dayuhan – pahirap, pinagbabayaran ng mamamayan.

27 Nobyembre 2011

Galing ang larawan sa Tumblr ng Mother Jones. Maligayang pagbabalik, Gingmaganda!

Pag-aaral na nagpapakitang isang maliit na grupo ng mga kumpanya, kalakhan bangko, ang may kontrol sa ekonomiya ng mundo. Salaysay ni Chris Hedges hinggil sa papel ng mga bangko sa bagsak na ekonomiya ng US. Si Prometheus Brown, nasa Occupy Wall Street at Al-Jazeera!

Pagmumuni ni Mong Palatino hinggil sa mga hashtag, ni Marocharim sa matamis na spaghetti nating mga Pinoy. Magandang sulatin ni Prop. Jose Maria Sison hinggil sa Marxistang kritika sa neoliberalismo. Magaganda rin ang mga sulatin hinggil sa krisis pampinansya ni Michael Hudson.

Dogmatikong Neoliberal

Ano kayang pumasok sa kukote ng mga tagapayo ng gobyernong Aquino at sunud-sunod nilang ipinapatupad ang mga patakarang lalong nagpapahirap sa mga mamamayan? Kahit ang posibilidad na magdudulot ang mga hakbanging ito ng malawak at matitinding protesta, parang hindi nila alintana.

Itataas na raw ang pamasahe sa MRT at LRT. Ipapatupad na ang 12% VAT sa toll fee. Pati ang singil sa kuryente, tataas na raw sa mga susunod na buwan, kahit isa na sa pinakamataas sa mundo ang singil sa kuryente sa bansa. Hindi sinunod ang malaganap na panawagang makabuluhang dagdag-sahod. Patuloy ang demolisyon ng mga komunidad ng maralitang-lungsod. Kahit ang mga panawagang ihinto ang overpricing sa langis, tanggalin ang VAT dito at ibasura ang Oil Deregulation Law. Patuloy ito sa pagkaltas sa subsidyo sa edukasyon at kalusugan. Wala pa ring programa para sa nakabubuhay na empleyo at tunay na reporma sa lupa.

Alam mong matindi ang krisis pang-ekonomiya kapag ang isang neoliberal na ekonomista tulad ni Prop. Solita “Winnie” Monsod ay nananawagan ng paggastos ng gobyerno. Sa mga panahong “normal” – na hindi pa rin normal dahil ang totoo’y nasa loob pa rin ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista – ayaw ng mga neoliberal ang paggastos ng gobyerno. Pero ngayon, ito ang panawagan ni Prop. Monsod. At ang gobyernong Aquino – na tila mas neoliberal sa neoliberal, mas Katoliko pa sa Papa – ay ayaw pa ring sumunod. Pagkontrol sa depisito ang laging gusto.

Sa isang banda, wala sa kukote ng mga tagapayong pang-ekonomiya ng gobyerno ang usapin. Nasa tindi ng pandaigdigan at lokal na krisis. Wala nga namang kaparis sa huling kasaysayan ang krisis na nagaganap ngayon sa US at Europa. Sinumang gustong magmulat tungkol sa kabulukan ng sistema at sumusubaybay sa balita o nakikiramdam sa mga sikmura ay sasang-ayon sa bukambibig ngayong prase ni Mao Zedong: “May matinding kaguluhan sa ilalim ng kalangitan; ang sitwasyon ay napakainam. (There is great chaos under heaven; the situation is excellent).”

Pero sa kabilang banda, may papel rin ang katangian ng gobyerno sa pagharap sa krisis. May indikasyong makukuha sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Aquino. Kaugnay ng ginawa ng gobyernong Arroyo sa MRT, aniya, “Sinubukan na namang bilhin ang ating pagmamahal. Pinilit ang operator na panatilihing mababa ang pamasahe. Hindi tuloy nagampanan [sic] ang garantiyang ibinigay sa operator na mababawi ang kanilang puhunan… Ang pera ng taumbayan, ipinagpalit [sic] sa isang naluluging operasyon.” Hayan na naman ang pilipit na Filipino niya.

Hindi na nga naman maitaas ni Gloria noon ang pamasahe sa MRT dahil gagatong pa ito sa nag-aapoy na pagkamuhi at protesta sa kanya ng mga mamamayan. Neoliberal rin naman si Gloria at ang mga tagapayong pang-ekonomiya niya. Ayaw rin nilang makikialam ang gobyerno sa malayang takbo ng pamilihan. Pero dahil sa matinding galit at protesta ng mga mamamayan, naobliga siyang papakialamin ang gobyerno sa merkado. Naprenuhan ng pulitika niya ang ekonomiks niya.

At mukhang hindi ganyan ang gobyernong Aquino. Lumilipad pa ito sa alapaap ng ilusyong popular ito at may “pampulitikang kapital” pang pwedeng lustayin para maipatupad ang mga patakarang pahirap sa mga mamamayan. Balewala rito ang pulitika, maisulong lang ang ekonomiks. Sa pagsugal nito sa posibleng paglakas ng protesta ng mga mamamayan sa pagiging dogmatikong neoliberal, kahit pa lalong maghirap ang marami, magbabayad ito nang mahal.

09 Setyembre 2011

Galing ang larawan dito.

Tama si Marck Ronald Rimorin: in fairness sa Chickenjoy, kaugnay ng turismo. Masinsin ang pagtalakay ni Mong Palatino sa Pantawid Pamilya Program.

Paalala ng Democracy Now!, maraming naganap noong 9-11, na kaugnay ng pinakapopular na nangyari. Pagtatasa ni Noam Chomsky at ni Joseph E. Stiglitz sa 9-11.

Nakakatuwang malaman na nasa wastong panig si Aijaz Ahmad, paboritong awtor, sa usapin ng Libya. May prediksyon si Michael Parenti sa magaganap sa bansang iyun. Si Richard Seymour, gumagawa pa ng palusot kung bakit bulok ang papalit kay Kaddafi.

Ang pinakamasasahol na kanta raw ng dekada ’90: marami ang hindi ko gusto kahit noon. Ganito kaya ang itsura kapag nag-Facebook si Jean-Paul Sartre ng kwento?