Ang Kalaban ng Bayan sa 2016

Otto Dix1

Noong eleksyong 2010, sinikap ng Kaliwa, sa abot ng makakaya nito, na ang kampanya sa eleksyon ay maging tungkol sa pagpapatalsik sa kinasusuklamang pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo. Ibig sabihin, pagkondena sa kanyang matitinding krimen sa sambayanan at mga patakarang kontra-maralita, at paghadlang sa pagtatangka niyang magpatuloy sa kapangyarihan sa pamamagitan man ng Charter Change o pagluklok sa inendorso niyang si Gilbert Teodoro.

Mahalaga ang pariralang “sa abot ng makakaya” sa itaas, dahil hawak naman talaga ang eleksyon ng malalaking kapitalista at haciendero na sunud-sunuran sa US, at sekundaryang larangan lang ito ng pakikibaka para sa Kaliwa. Alam natin ang aktwal na nangyari: biglang namatay si dating Pang. Cory Aquino at ang pagluluksa sa pagkamatay niya ay naging pagsasakdal-protesta laban kay Arroyo. Sa ganitong kalagayan nagdeklarang tatakbo sa pagkapangulo ang anak niyang si Noynoy. Nagkaisa ang pinakamalalaking kapitalista at haciendero sa pagsuporta sa kanya at, gamit ang kanilang midya, inilarawan siya na tunay na kalaban ni Arroyo.

Sinikap ng Kaliwa na makipag-ugnayan sa batang Aquino para sa posibleng pakikipagtulungan, pero todong tumanggi ito. Sinisikap pa noon ng kampo niya na baligtarin, at palabasing ang Kaliwa ang galit at ayaw makipag-usap sa kanya. Pero limang taon pagkatapos, ngayon, malinaw na kung sino ang malalim ang galit kanino. Malinaw kung sino ang tumangging makipag-usap kanino at sumabotahe pa nga kahit sa matagal nang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga rebeldeng grupo at ng gobyerno.

Sa ganitong kalagayan, sinuportahan ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan ang isa sa mga nangungunang kandidato noon sa pagkapangulo, si Manny Villar. Ang lantad na batayan: pagkakaisa sa plataporma. Pero malinaw na para sa Makabayan, nasa balangkas ito ng pagtapos sa paghahari ni Arroyo at pagpreno man lang sa mga patakaran niya, na pawang mapaminsala sa nakakarami.

Anu’t anuman, dahil si Villar ang nangungunang kalaban noon, pinuntirya siya ng makapangyarihang makinaryang pampropaganda ni Aquino, at pinalabas na siya ang lihim na kandidato ni Arroyo – kaya “Villarroyo.” Kaakibat nito, kinutya ang Makabayan, at ang buong Kaliwa, ng mga propagandista ni Aquino na napasubo sa pagsuporta sa kandidato ni Arroyo, kundi man, hindi na kinilabutan, aktwal na kasabwat ng huli.

Nakatala sa kasaysayan ang pagsisikap ng Makabayan at Kaliwa na hikayatin-itulak si Villar na magsalita laban kay Arroyo, para pasinungalingan ang akusasyon, pero masyado nang huli at masyadong mahina ang ginawa niyang pagtuligsa. Sa dulo, hindi man naniwala ang Kaliwa na si Villar ang lihim na kandidato ni Arroyo, ito mismo ang nagsabing isa iyan sa mga dahilan kung bakit siya natalo – ang pagtanggi niyang tuligsain si Arroyo.

Otto Dix2

Nagawang angkinin ni Aquino, na huli at bahagya lang lumaban kay Arroyo, ang pakikibaka laban dito. Mula sa ganitong pag-angkin, inatake niya ang kandidato sa pagkapangulo na inendorso ng Makabayan, at ang Kaliwa mismo. Sa kabila iyan ng katotohanan na ang Kaliwa ang pinakamaaga at pinakapursigidong lumaban kay Arroyo, magiting na humarap sa pinakamarurumi at pinakamatitinding atake nito tulad ng ekstrahudisyal na pagpaslang, militarisasyon at mga paglabag sa karapatang pantao. Sa paglaban sa rehimeng Arroyo, hindi lang matatalim na salita kundi puspusang pakikibaka ang ginawa ng Kaliwa, buhay man ay ialay.

Mahalagang magbalik-tanaw sa eleksyong 2010 para linawin ang isa sa mga pangunahing motibo ng Makabayan sa pag-endorso ng kandidato sa pagkapangulo noon – ang mag-ambag sa paglalantad at paglaban sa nakaupong pangulo, paghadlang sa patuloy niyang pananatili sa pwesto, at pagpreno man lang sa pagpapatupad sa kanyang mga patakaran. Natabunan ang motibong ito ng naging takbo ng mga pangyayari sa eleksyong iyun, ngunit mahalagang muling ipakita sa harap ng eleksyong 2016.

Matindi ang labanan ng mga paksyon ng naghaharing uri ngayong eleksyong 2016, dahilan para marami sa kanila, kung hindi man lahat sila, ang manligaw sa suporta ng Makabayan. Maaaring may gampanang malaking papel ang Kaliwa sa halalang ito, at dapat gamitin ng Kaliwa ang naturang papel nang makabuluhan – kahit pa sekundaryang larangan lang  ang eleksyon para rito at wala itong ilusyong napakabuti sa maralita at mamamayan ang magiging resulta.

Sa eleksyong 2016, malinaw na ang nakaupong pangulo, at ang inendorso nitong isa sa mga nangungunang kandidato sa pagkapangulo, ang kalaban ng sambayanan at sa gayon ay ng Kaliwa. Wala silang idudulot kundi ang pagpapatindi ng nagaganap na gera kontra-maralita sa ekonomiya at pulitika ng kasalukuyang gobyerno. Isang mayor na hamon at tungkulin sa sambayanan at sa Kaliwa ang iwaksi ang pangulo at ang inendorso niya. Mahalagang idagdag na may potensyal na magtagumpay sa layuning ito ang sambayanan at ang Kaliwa.

Para sa eleksyong 2016, inendorso na ng Makabayan si Sen. Grace Poe. Na hindi nangangahulugang naging Kaliwa na siya, syempre pa, at ipinapakita iyan ng ilan niyang pahayag. Pero ang batayan, ayon mismo sa Makabayan: “Komitment sa platapormang nagtataguyod ng makabuluhang repormang sosyo-ekonomiko at pulitikal; mabuting rekord bilang lingkod-bayan; at pagiging bukas sa pakikipagtulungan sa mga progresibong pwersa.”

Nakatulong syempre na sa kabila ng nangunguna niyang pwesto sa mga sarbey, malakas na makinarya, at hatak sa iba’t ibang pwersang pampulitika, maagap, bukas at tuluy-tuloy niyang kinausap ang Makabayan para sa iba’t ibang porma ng pagtutulungan. At isa na nga diyan ang pagtakbo ni Neri Colmenares, kandidato sa pagka-senador ng koalisyon, sa kanyang tiket.

Otto Dix3.jpg

Kung matatandaan, niligawan nang todo at napakapubliko ni Aquino si Poe para tumakbong bise-presidente ni Mar Roxas, na siyang inendorso ng pangulo. Pero malinaw at napakapubliko rin, syempre pa, ng naging pagtanggi ni Poe sa alok. Sa kabila iyan ng “guns, goons, gold,” mga sarbey, midya, at iskema ng pandaraya na maaaring maitulong ni Aquino sa kanyang kandidatura. Malinaw na indikasyon ang pagtanggi niya na ang hangad niya ay pagkapangulo, hindi alinmang posisyong mas mababa.

Sa aktwal at potensyal na pakikipagtulungan sa Makabayan, at sa pagbubuo ng platapormang pinagsasaluhan dito, pinag-iba na ni Poe ang sarili kina Aquino at Roxas. Kung itutulak ang lohika ng plataporma, masasabing handa si Poe na pigilan ang ilang mayor na patakaran nina Aquino at Roxas at banggain pa nga ang mga ito: pagbarat sa sahod, pagpiga ng malaking buwis, pagkaltas sa badyet ng mga serbisyong panlipunan, todo-gera sa mga rebeldeng grupo.

Bukod pa diyan, si Prop. Jose Maria Sison ng Kaliwa na rin ang pumansin: “napatunayan na ni Poe ang kanyang katatagan sa Senado sa mga mayor na isyu gaya ng Mamasapano, [PNP chief Alan] Purisima, at ang kapalpakan sa MRT” – na pawang nakaturol kina Aquino at Roxas. Ito aniya ang dahilan kung bakit naging Numero Uno siya sa mga sarbey.

Sa pagdedesisyon ng Second Divison ng Commission on Elections nitong Disyembre 1 na hadlangan si Poe sa pagtakbong pangulo, lalong lumaki ang pagkakahati niya sa pangkatin nina Aquino at Roxas. Hindi naman kailangang maging henyo, bukod pa sa aktwal na ebidensya, para matukoy na ang naturang pangkatin ang nasa likod ng mga kaso ng diskwalipikasyon laban kay Poe. Nagsalita na rin sina Aquino at Roxas na ipinagtatanggol ang desisyon ng Second Division ng Comelec.

Kaya maaasahang lalo pang lalaki ang pagkakahati. Buhong na buhong na si Roxas na matupad ang buong-buhay na pangarap niya na maging pangalawang kapamilya na nailuklok sa Malakanyang. Sa harap ng tuluy-tuloy na mababang ranggo sa mga sarbey at lantad na kawalan ng kahit anong dating sa masa, tiyak na gagawa siya ng maruruming pakana laban sa pangunahin niyang katunggali.

Ang suma-tutal, itinutulak ng mga pangyayari ang pagtampok ng motibo ng Makabayan sa pag-endorso ng kandidato sa pagkapangulo, o kay Poe sa partikular: ang lalong ilantad ang mga patakaran ni Aquino, tapusin ang paghahari niya na tiyak na todo-todong ipapagpatuloy ni Roxas, at ipatigil man lang ang mga patakaran niya na pawang kontra-maralita, kung hindi pa man ibasura ang ilan dito. Walang ilusyon ng malawakang pagbabago o pagtatagumpay ng pakikibaka, kundi tanaw na magkaroon ng ginhawa, kahit pansamantala, para sa sambayanan, at magkamit ng maliit na hakbang pasulong sa pakikibaka.

Otto Dix4.jpg

Kaugnay ng katayuang ligal ng mga kaso laban kay Poe, magandang basahin ang malinaw na tindig ni dating Chief Justice Artemio Panganiban sa dalawa niyang kolum. Aniya, “nagmumula ang natural-born citizenship o pagkamamamayan ni Sen. Poe hindi sa pagkakaampon sa kanya kundi sa katanggap-tanggap sa pangkalahatan na mga prinsipyo ng pandaigdigang batas hinggil sa ipinagpapalagay na pagkamamamayan ng mga foundling o batang napulot.” Sabi pa niya, “naniniwala akong malalampasan ni Sen. Poe ang rekisitong 10-taong paninirahan pagdating ng Araw ng Eleksyon, Mayo 9, 2016.”

Pero, gaya ng maraming bagay sa ating bayan, hindi ang wastong interpretasyon ng batas ang mananaig sa mga kasong diskwalipikasyon laban kay Poe, kundi ang pulitikal na kagustuhan ng mga may hawak ng batas. Kung talagang desperado sina Aquino at Roxas, hahanap at hahanap ang kanilang kampo ng butas para idiskwalipika si Poe nang tuluyan. At talagang desperado na sila.

Ibig sabihin, pulitikal at hindi ligal ang isyung ito. Mas mahalaga ang pampublikong opinyon at pampulitikang presyur kaysa matalas na pagbasa sa batas. Ibig sabihin, ayaw man ni Poe na palakasin ang paglaban kina Roxas at Aquino, ang dalawa na mismo ang nagtutulak sa kanya para gawin iyan mismo.

Paano naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte? Totoo at walang duda, may mahaba, mahusay at hindi matatawaran siyang rekord ng pakikipagtulungan sa Kaliwa.

Pero hindi nakatulong na huli siyang nagpasya kumpara sa pagpapasya ng Makabayan. Malayo na ang inabot ng pakikipag-usap kay Poe, at sa katunaya’y naideklara na ng Makabayan ang suporta kay Poe, bago siya nagdeklara. Kailangan ding ilinaw na bagamat may mga tindig siya na pareho sa tindig ng Kaliwa, makikita sa mga pahayag niya na hindi purong plataporma ng Kaliwa ang dala niya para tumanggap ng awtomatikong suporta mula rito.

Balita ngayong umaga ang pangunguna niya sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations na ginawa lima hanggang anim na araw matapos niyang magdeklara ng pagtakbo. Lumalabas na nakatulong sa kanya ang huling pagdedeklara ng kandidatura, at ang walang patid na pagsubaybay rito ng midya. Maaaring mas marami ang nahatak niya kumpara sa mga nanlamig ang suporta bunsod ng pag-uurong-sulong niya sa pagtakbo at huling pagdeklara.

Hindi pa saklaw ng sarbey ang panahong nagpakawala siya ng maraming kontrobersyal na pahayag: tungkol sa pagsugpo sa kriminalidad, pambababae, Simbahang Katoliko at iba pa. Ngayon, malinaw na binawasan na niya ang ganyang mga pahayag. Maaaring nagmumula ito sa pagkilala na ang naturang mga pahayag ay maaaring aliw kapag sinasabi ng isang lokal na pulitiko, pero asiwa para sa marami kapag sinasabi ng isang kandidato sa pagkapangulo.

Otto Dix7.jpg

Sa pangunguna niya sa sarbey, tiyak na papatindihin ang pag-atake sa kanya ng ibang kandidato sa pagkapangulo, pangunahin ang kampo ni Roxas. Tiyak na mauungkat ang samu’t saring isyu laban sa kanya, at dapat niyang labanan nang malakas ang mga ito.

Anu’t anuman, may batayan pa ring maniwala sa pagsusuri ng komentaristang si Inday Espina-Varona, na taliwas sa pahayag ng kampo ni Duterte, wala siyang malaking kakayahang pampinansya. Isang malinaw na ebidensya ang kawalan niya ng tiket ng mga kandidatong senador. Tiyak na may epekto ito sa kakayahan niyang maglunsad ng isang pambansang kampanya.

Gaya ng paulit-ulit na ipinakita ng eleksyon sa Pilipinas, mas mahalaga kumpara sa popularidad sa sarbey sa maagang bahagi ng kampanya ang pagkakaroon ng malakas na kakayahan para sa isang pambansang kampanya. Maaaring ang kawalan niya ng naturang kakayahan ay napagtatakpan ng ingay ng kampanya niya ngayon, pero tiyak na lalabas din paglaon. Posibleng kapusin ng hangin ang kanyang kampanya habang lumalapit ang araw ng eleksyon.

Sa dulo: Tama na si Aquino! Sobra na kung may Roxas pa! Palitan na!

07 Disyembre 2015

Galing ang mga likhang-sining ni Otto Dix dito.

Nagpunta sa North Korea ang paboritong blogger na si Roland Boer at marami siyang iwinawastong maling pagtingin hinggil sa bansa. Natapos na rin niya ang pagbabasa kay Stalin, at dapat ngang aralin ang karanasan ng sosyalismo sa kapangyarihan. Namatay na pala ang Amerikanong pilosopong pampulitikang si Sheldon Wolin.

Isinalin ni Marocharim sa Filipino ang isang sanaysay niya tungkol sa mga Marcos, sa udyok ng pagiging cover sa magasing Philippine Tatler ni Imee Marcos, naging viral. Yehey! Aliw na sanaysay ni Teddy Casiño: “Kung ako si Duterte.”

Magandang pagsusuma ni Adam Kotsko sa mga komentaryong pampulitika ni Slavoj Zizek. Magandang tanong: “Do we really gain much by going through a series of dialectical reversals if we are going to wind up in the ballpark of a Paul Krugman column?”

Advertisements

King of Trolls

San Francisco's Ocean Beach   1002765

Sa Facebook at online sa pangkalahatan, marami nang nasulat at nasabi tungkol sa kampanya ng gobyernong Aquino na siraan ang pamilya ni Mary Jane Veloso, na ang ginamit na tuntungan ay ang pagtuligsa, at hindi pagpapasalamat, ng pamilya sa gobyerno. May ilan lang akong gustong idiin at sana’y idagdag:

(1) Ang paninira sa pamilya Veloso ay operasyon ng makinarya sa propaganda ng Malakanyang kasabwat ang midya ng malalaking kapitalista. Mas malamang, may malaking kinalaman dito sina Ricky Carandang, Manuel L. Quezon III, Jim Paredes at Leah Navarro. Pinakilos ang mga may tunay na account sa social media at pinakilos ang mga ineempleyo para magtayo ng maraming gawa-gawang account. Kung wala silang masyadong imik sa social media para iligtas ang buhay ni Mary Jane, naging hyper-aktibo sila sa paninira sa kanyang pamilya pagkatapos siyang mailigtas sa bingit ng kamatayan. Nakahanda naman ang midya ng malalaking kapitalista, tampok ang Philippine Daily Inquirer, para itambol sa pamamagitan ng pagbabalita ang masasahol na mensahe ng paninira sa pamilya Veloso, at sa gayo’y palaganapin pa ito.

(2) Marami nang nasulat tungkol sa pagpapabaya, sa kulang na kulang at halos-huling tugon ng gobyernong Aquino sa nabinbing pagbitay kay Mary Jane Veloso. Ang gusto kong idagdag: Kung susubaybayan ang mga aksyon at pahayag ng gobyernong Aquino bago nabinbin ang pagbitay, masasabing ang tindig talaga nito ay hindi ang iligtas si Mary Jane, kundi ang hayaan siyang mabitay para magsilbing babala sa mga Pilipino para huwag umanong maloko o magamit ng mga human at drug traffickers. Ganito ang paulit-ulit na mensahe ng Department of Labor and Employment at Department of Foreign Affairs bago ang takdang pagbitay. Pakitang-tao na lang ang ginawang pag-apela ng gobyerno, at kahit ang mga protesta ay hindi sinuportahan bagkus tinambakan ng kapulisan. Napwersa na lang talaga si Aquino na umaksyon dahil lumakas ang protesta at nagbanta ang malawak at malakas na pagkondena.

(3) Interes ng gobyernong Aquino sa kampanya ng paninira na pagtakpan ang pagpapabaya nito kay Mary Jane. Natatakot ito na matransporma ang nagkakaisang tinig para sa pagliligtas kay Mary Jane patungo sa pagkondena sa kapabayaan nito sa kanyang kaso. Gusto rin nitong  hadlangan ang paglabas ng mga datos na nagpapakita ng kawalang-puso nito kaugnay ng kaso. Halimbawa ang hindi pagsasabi sa pamilya na ibininbin na ang pagbitay kay Mary Jane noong nabinbin na ito; hinayaan silang makinig sa mga putok ng baril at isiping napatay na si Mary Jane kahit ligtas na pala ito. Patunay rin ito ng tindig ng gobyerno na magbigay ng babala sa mga Pilipino. Pwede namang kinilala na lang ang mga sinabi ni Nanay Celia Veloso na kauna-unawang pahayag ng isang ina, nagpaliwanag ng mga ginawa, at nagpatuloy sa panawagang palayain na si Mary Jane. Sa halip, isang higanteng kampanya ng paninira ang pinawalan nito – patunay na makasarili at hindi mabuti ang layunin nito.

Protect and Survive

(4) Ang problema, pinapahina rin ng gobyernong Aquino sa ganitong paninira ang mismong laban para sa tuluyang pagliligtas kay Mary Jane mula sa parusang kamatayan at para sa pagpapalaya sa kanya. Sa ganito, nagtutugma ang interes ng gobyernong Aquino at ng sindikato ng droga. Tandaan: Interes ng naturang sindikato na protektahan si Maria Kristina “Tintin” Sergio, ang rekruter ni Mary Jane at ng iba pa, at mas malamang na tauhan talaga nito. Si Sergio na ang susunod na usapin at sa pagpapahina sa pagkakaisa ng sambayanan para kay Mary Jane, mas madali para sa sindikato at sa mga kapit nito sa gobyerno na palayain si Sergio, at posibleng sa kapinsalaan ni Mary Jane. Ang naturang sindikato kaya ang nasa likod ng napakalupit na tinungo ng kampanya ng paninira, na may bahaging nananawagan ng pagbabalik kay Mary Jane sa death penalty at firing squad para sa nanay niya?

(5) Maraming nakakagalit sa kampanya ng paninira sa pamilya Veloso. Tinumbok na nina Prop. Sarah Raymundo at Gerry Lanuza ang isa: ang pag-insulto sa mga maralitang naninindigan. May isa pa para sa akin: Kakatwa na ginagamit ngayon ang salitang “brainwashing” para ilarawan ang ginagawa umano ng mga militanteng grupo sa pamilya Veloso. Pero totoo, arogante ang rehimeng Aquino, nag-aakalang kayang-kaya nitong linlangin ang mga Pilipino. Parang multo ang arogansyang ito na tumatahi sa maraming bagay: Sa pekeng pag-abolish sa PDAF bago ang Million People March. Sa galit ni Aquino sa dapat na presscon matapos ang Yolanda: “You did not die, right?” Sa pagtuligsa niya sa Simbahang Katoliko para sapawan ang pagtuligsa ni Pope Francis sa korupsyon sa pamahalaan niya. Sa kagustuhan niyang manalo ng Nobel Peace Prize na humantong sa pagdanak ng dugo sa Mamasapano.

04 Mayo 2015

Galing ang mga larawan dito.

Magandang pagsusuri ni Ben Norton sa paninira ni Michael Eric Dyson, Aprikano-Amerikanong intelektwal kay Cornel West: “He illustrates the liberal tendency to emphasize that the personal is political to such a degree that the non-personal, systemic political is ignored.”

Isang parangal kay Robert Weil, na ang libro’y pamilyar ang pabalat: “he was always willing to do the gritty, non-glamorous work related to political struggles.”

Magandang salaysay kaugnay ng Syriza sa Greece, galing kay Alexander Clapp. Maganda ang pagtalakay sa papel ng kilalang pilosopong Althusserian na si Nikos Poulantzas sa naturang kilusan.

Magagandang sulatin nina Patricia Evangelista, Carlos Maningat at Carol P. Araullo.

Pera ang Nagsasalita

Jeremy Geddes3

Nabasa ko ang pahayag ng Akbayan para sa ika-29 na anibersaryo ng pag-aalsang Edsa People Power. Ang titulo: “Realize Edsa’s unfulfilled promises; shield it from opportunists, vultures and usurpers.” Inilathala ang pahayag, syempre pa, pagkatapos ng pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25. Sa gitna ng pinakamatinding eskandalong yumanig sa gobyerno ni Noynoy Aquino, hindi pa rin nayayanig ang matinding suporta ng Akbayan sa kanya. Masasabi pa nga na minamarkahan ng pahayag ang panibagong antas ng pagkabulok ng Akbayan mula sa grupong may pseudo-progresibong pagpapanggap patungong sagad-sagaring bayaran.

Sa kaso ng Mamasapano, ang panawagan ng Akbayan kay Aquino: “igiit ang kanyang solidong pamumuno sa isyu at gumawa ng mapagpasyang hakbangin para ilabas ang buong katotohanan at magbigay ng hustisya sa lahat ng biktima.” Para kang nanawagan kay Gloria Macapagal-Arroyo na ilabas ang katotohanan sa “Hello Garci.” Ayon pa rito, may “mga seryosong pagkakamali sa paghusga at command sa mga kritikal na yugto ng engkwentro.” Sa ganitong pahayag, ang itinuturing lang na biktima ay ang 44 na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force, hindi kasama ang maraming Moro na napatay dahil sa operasyon – rebelde man o karaniwang sibilyan.

Pero ang mas mahalagang punto: Ang ugat ng pagdanak ng dugo ay wala sa anumang detalye ng operasyon, kundi sa buong plano nito. Dumanak ang dugo dahil ang plano ay pagpatay sa isang pinagbibintangang terorista na nasa loob ng isang komunidad kung saan maraming armadong grupo. Dumanak ang dugo dahil ipinatupad ni Aquino ang patakaran ng US ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang terorista sa isang delikadong konteksto. Mahalagang punto ito kung gusto nating matuto sa nangyari, dahil lantad nang may patakaran ang gobyerno ng US ng asasinasyon sa mga pinaghihinalaang terorista, ayon nga kay Glenn Greenwald at iba pang imbestigatibong mamamahayag.

Jeremy Geddes4

Syempre pa, ramdam na tinutunggali ng Akbayan ang Kaliwa sa pahayag. Sabi nito patungkol sa mga tumutuligsa kay Aquino: “sa kalakhan ng kanilang buhay ay nag-instrumentalisa, nang-abuso at nang-angkin sa makatarungang pakikibaka ng bayan para sa pagbabagong panlipunan.” Ang Kaliwa ang tinutukoy rito, dahil ang iba pang personalidad at pwersa na idinidikit sa Kaliwa ay direktang kumalaban, hindi nakisakay, sa naturang pakikibaka. Sa kabilang banda, tiyak na sarili ang tinutukoy ng Akbayan nang sinabi nitong nagbukas ang Edsa ng “mga bagong oportunidad para ituloy ng mga kilusang panlipunan ang pakikibaka para sa tunay na pagbabagong panlipunan.”

Pero nasaan ang ebidensya ng retorikang ito? Gustong palabasin ng Akbayan na nagsusulong ng mga reporma ang gobyernong Aquino, pero puro mga hakbangin ang ibinibida nito, hindi resulta – sa pagbawas sa kahirapan at kagutuman, halimbawa. Participatory budget process? Tapos pwedeng baguhin ng pangulo gaya ng ginawa sa Disbursement Acceleration Program. Disenteng paninirahan para sa mga “informal settlers”? Tatak ng gobyernong Aquino ang mararahas na demolisyon at bulok na relokasyon. Proteksyong panlipunan? Lalong lumaganap ang kawalang-trabaho, kontraktwal na empleyo, at kawalang-lupa. Ito ang katuparan ng mga pangako ng Edsa?

Sobrang labag na sa katwiran ang mga pahayag ng Akbayan hinggil sa gobyernong Aquino. Halatang hindi na katwiran, at lalong hindi paninindigan, ang nagsasalita sa mga ito, kundi pera. Makikita rin ito sa paggamit ng Akbayan sa retorika ng Edsa: Sa panawagan nitong kamtin ang pangako ng Edsa ngayon, pinapalabnaw ng Akbayan ang naging bisa at silbi ng Edsa para sa mga Pilipino – ang magpatalsik ng kinamumuhiang pangulo. Higit pa riyan, pinapatatag nito ang ilusyong makakamit ang mga pangako ng Edsa sa kasalukuyang sistema at gobyerno. Malinaw, kung susuriin lang, kung sino ang tunay na “oportunista, buwitre at mang-aagaw” sa pakikibaka para sa pagbabago.

25 Pebrero 2015

Galing dito ang mga larawan.

Pagmumuni sa anibersaryo ng Edsa People Power sa ilalim ni Noynoy ni Angela Stuart-Santiago. Ulat at mga larawan ng Pinoy Weekly sa naturang anibersaryo.

Si Yannis Varoufakis ng Syriza, kung paano siya naging Marxista. Kritisismo ni Stathis Kouvelakis sa tinatakbo ng Syriza, lalo na’t kaugnay ng Eurozone.

Mabuhay ang kaboses kong si John Legend! Glory!

At What Cost Daw

Sky

Sa kanyang kolum na “Resignation at what cost?” nitong 07 Pebrero, tinanong ni Solita Collas-Monsod ang mga nananawagang magbitiw sa pwesto si Pang. Noynoy Aquino: Nababaliw na ba kayo? Ayon sa propesor ng ekonomiks sa Unibersidad ng Pilipinas, sa usapin ng pagtutulak na mag-resign si Aquino, mas malaki ang magiging gastos ng sambayanan kaysa sa magiging pakinabang nito. Sabi pa niya, kahit pagsama-samahin ang mga kritisismo niya kay Aquino, mas matimbang pa rin ang mga positibo rito at mas mainam pa rin ito sa posibleng pumalit na si Bise-Presidente Jejomar Binay.

Malamang, dahil napakababaw naman ng mga kritisismo niya kay Aquino. Lalabas nga, tutol siya sa pagbitiw nito sa pwesto dahil wala siyang nakikitang mabigat na kasalanan nito, hindi pa dahil ayaw niya kay Binay. Anu-ano ang mga tuligsa niya kay Aquino? Tungkol lang sa pagtatalaga ng mga tao sa iba’t ibang pwesto sa gobyerno – interes ng mga akademikong may pamantayan sa mga lingkod-bayan, interes din ng mga gustong magpwesto ng sariling mga kaibigan. Ano ang teorya sa likod nito? Na huhusay na lang ang gobyerno kung maitatalaga rito ang mga maabilidad na tao? Hindi ba’t makitid ito?

Sa kaso ng pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao noong 25 Enero, ligal at hindi moral ang nakikita niyang pinakamabigat na kasalanan ni Aquino: paglabag sa chain of command ng gobyerno. Ni hindi ang resulta ng paglabag na ito – ang pagkamatay ng 44 operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force, 18 mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front, at walong sibilyan. Hindi rin ang paglalagay sa panganib ng usapang pangkapayapaan sa MILF. Hindi rin ang pagsugal at paglustay ng buhay ng mga Pilipino dahil sa utos ng US na walang malasakit sa buhay.

Ang totoo, hindi kinonsidera ni Monsod ang matitinding kritisismo kay Aquino. Hindi ang pagkabigo sa paglikha ng trabaho, bukod pa sa disenteng trabaho, na mahalagang indikasyon ng lagay ng ekonomiya. Hindi ang pagkabigong sumaklolo sa ating mga kababayang nasalanta ng superbagyong Yolanda. Hindi ang pagkopo ng iilang malaking kapitalista sa mga kontrata sa pribatisasyon. Hindi ang militarisasyon sa kanayunan at patuloy na paglabag sa mga karapatang pantao. Para kay Monsod, abswelto na agad si Aquino sa korupsyon, kahit ipinagtanggol at pinalaki nito ang pork barrel sa gobyerno.

Coastline

Binanggit lang ni Monsod ang mga tuligsa niya kay Aquino para palabasing nyutral siya, na pwede siyang maging hukom at magbaba ng kapani-paniwalang hatol. Pero hindi pwede, dahil hindi niya pinakinggan ang prosekusyon. O mas eksakto: dahil simula’t sapul ay nasa depensa siya. At ano ang depensang ito? Isang hanay sa lipunan na kumbinsido sa mga batayang patakaran ng gobyerno, maalwan ang buhay sa gitna ng lahat ng ito, at humahatol lang batay sa mga itinatalaga ng pangulo. Hindi mula sa batayan ng nakakaraming matagal nang naghihirap at naghahanap ng pagbabago.

Marami nang sumagot nang diretso sa akusasyon ni Monsod. Ang mga gustong mag-resign si Aquino, gusto ba nilang si Binay ang pumalit? Hindi, kahit pa iba ang igiit ni Monsod. Posible bang si Binay ang pumalit? Oo, dahil isinasaad sa Konstitusyon na bise ang papalit sa presidente. Pero pwede at mas mainam ang isang konsehong transisyon– tulad ng pinlano noong pinapatalsik si Ferdinand Marcos at si Joseph Estrada. Ang programa nito: itigil ang mga krimen ni Aquino, panagutin siya sa mga ito, magpatupad ng mga maka-mamamayang reporma, at magdaos ng eleksyon ng papalit na pangulo.

Ang kakatwa, sumuporta si Monsod sa Edsa 1 at Edsa 2; alam niya, kung huhukayin lang sa alaala, ang ideya ng konsehong transisyon bilang pamalit sa pangulo. May mga sinserong nangangamba na si Binay ang papalit kay Aquino. Pero mayroon din namang mga mulat na maka-Aquino na ginagamit si Binay bilang panakot para huwag nang matalakay ang mga krimen ng pangulo. Alam nila, na kung kikintal ang mga krimen ni Aquino sa bayan, hindi nito iisiping mas malaki ang gastos kaysa pakinabang sa pagre-resign ng pangulong tuta, kurakot, maka-elite, sinungaling at duguan ang mga kamay.

Dahil, sa totoo lang, may konsiderasyong mas mabigat kaysa timbangan ng gastos at pakinabang. Kung tutuusin, parang sirang plaka na ngayon si Monsod. Ganyan din ang sinasabi niya noon sa gitna ng madilim na paghahari ni Gloria Macapagal-Arroyo: mas malaki ang gastos kaysa pakinabang kung papalit ang bise-presidenteng si Noli de Castro. Kaya natapos ang paghahari ni Arroyo na nakahanay si Monsod sa mga kakampi nito. May konsiderasyong mas mabigat kaysa timbangan ng gastos at pakinabang. Mas mahalaga ang pagtindig sa tama – at hindi si Monsod ang magandang halimbawa.

08 Pebrero 2015

Galing ang mga larawan dito.

Nakakaaliw na mga pangalan na kaugnay sa pagkapanalo sa eleksyon ng Syriza, alyansang kontra-austerity sa Greece: Costas Lapavitsas, Stathis Kouvelakis, at Yannis Varoufakis. Mahalaga raw ang mga propesor na naging pulitiko sa pangyayaring ito.

Tiyak na Kapahamakan

Commandeath in Chief

Apatnapu’t apat na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF). Labing-walong mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). At dalawa hanggang anim na sibilyan. Kabisado na ng marami ang mga datos na ito tungkol sa madugong operasyon ng PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 18. Makaisang-panig na tumampok sa midya ang maraming namatay sa hanay ng PNP-SAF, kaya naging mabilis ang pagsisi sa MILF. At sa pamumuno ni dating Pangulong Joseph Estrada, lumakas ang panawagan para maglunsad ng todo-gera laban sa MILF.

Pero mas malawak ang pagkondena kay Pang. Noynoy Aquino. Itinanggi niya ang direktang pananagutan sa nangyari sa kanyang talumpati sa telebisyon noong Enero 28. Wala siya sa parangal noong dumating ang mga bangkay ng napatay na PNP-SAF sa Villamor Air Base noong Enero 29. Nahuli rin siya ng pagdating sa parangal sa burol ng mga ito noong Enero 30. Sa mga aksyon niyang ito nagmula ang bansag sa kanyang “traydor” sa mga napatay na elite na pwersa ng kapulisan. Sa paglakad ng mga araw, tumatalas din ang pagsisi sa kanya dahil sa pag-uutos niyang ilunsad ang operasyon.

Marami nang nasabi at nasulat tungkol sa nangyari sa Mamasapano. Alam mong galit ang publiko at delikado ang pangulo kapag bumabaha ng salita at imahen sa Facebook at iba pang social media, kapwa sa istatus at komento ng mga tao. Sa ganitong mga panahon, ang mga selfie at larawan ng pagkain, alagang hayop at anak ay nagiging sekundarya sa mga balita at komentaryo tungkol sa pulitika. Naganap ang pagdanak ng dugo sa Mamasapano sa panahong lumalalim din ang galit ng publiko sa gobyernong Aquino dahil sa pagtaas ng pamasahe sa MRT-LRT at ng iba pang singilin sa serbisyo.

Anu’t anuman, heto ang mga aspeto ng isyu na tawag-pansin at interesante para sa akin:

(1) Papel ng US. Binansagang internasyunal na terorista ang target ng operasyon. Ang US ang matagal nang tumutugis sa kanya. Umano’y eksakto ang impormasyon tungkol sa lokasyon ng target. Nagkumahog si Noynoy, matapat na tuta ng US, para ipatupad ang operasyon. At lihim itong ipinatupad. Lahat ng ito, indikasyon na ang US, kasabwat si Aquino, ang pangunahing nagtulak ng operasyon at responsable rito. Kumpirmasyon na lang ang mga larawan ng mga sundalong Kano na tumutulong sa paglilikas sa mga napatay sa labanan – at kung hindi ito nakunan ng larawan, posibleng itatanggi rin ito.

Police Black Ribbon

Mas malamang na ang US ang nakatunton sa target na terorista, nag-utos ng operasyon, nagdisenyo nito, at namuno sa pagpapatupad nito. Antas-imperyalista ang kumpyansa, kaya nga ipinwesto na si Aquino sa Zamboanga City para sa press conference na magbubunyi dapat sa harap ng internasyunal na midya ng noo’y inaasahang tagumpay. Itinanggi na ng US Embassy ang anumang mahalagang papel sa operasyon, pero sinong naniniwala rito? Hindi ang mga mamamayang alam ang madugong rekord ng US sa buong mundo at ang kasinungalingan ng mga embahada nito sa iba’t ibang bansa.

(2) Paggamit sa mga Pilipino, pagmaliit sa paglaban ng sambayanang Moro. Kung direktang sakop ng US ang Pilipinas, mga tropang Kano ang lalaban sa mga Pilipino. Pero dahil neo-kolonya ng US ang Pilipinas, at tuta nito ang gobyerno, Pilipino mismo ang ginamit laban sa Pilipino. Patunay ng kumpyansang imperyalista ang paggamit ng kapulisan at hindi militar sa operasyong ito. Sa pagpakat ng mahigit 400 pulis sa Mamasapano, malinaw na labanan ang pakay nila. Pero patunay ang madugong resulta na lubhang minaliit ng US at ni Aquino ang paglaban ng sambayanang Moro.

(3) Paglabas ng katotohanan. Lumalakas ang panawagan para sa katotohanan hinggil sa nangyari, na dapat lang. Pero magandang itanong: anong katotohanan ang hinahanap? Iyung pamperyodismo? Iyung ligal? Dapat hanapin ang mga ito, pero dapat kilalanin din ang isang katotohanan: na kayang-kayang itago, baluktutin, o ipitin ng mga naghahari ang mga ito. Dapat ding kilalanin ang isa pang katotohanan: Na sa kasaysayan ng People Power, lumalabas ang katotohanan kapag ang sambayanan ay nagpoprotesta, naggigiit ng pananagutan batay sa pinapaniwalaan nitong katotohanan.

(4) Gera kontra-terorismo. Inilunsad ang operasyon sa balangkas ng tinatawag na “gera kontra-terorismo” ng US. Maaalala ang tuligsa ni Michel Chossudovsky, progresibong intelektwal: ang “gera kontra-terorismo” mismo ay terorismo – atake sa mga mamamayan ng daigdig para sa interes ng malalaking kapitalista at gobyerno ng US. Kailangang palawakin ang pag-unawa lampas sa mga indibidwal na terorista at mga kaso ng terorismo, patungo sa kalagayang nagluluwal ng mga binabansagang terorista – na hinuhubog ng mga mapaminsalang patakarang imperyalista sa ekonomiya at militar.

Larawan ng “gera kontra-terorismo” ng US ang nangyari sa Mamasapano. Sa panahong ipinagyayabang ng US ang mga abanteng kagamitan para sa presisong pagtukoy at pagbigwas sa umano’y terorista, mas maraming mamamayan ang namamatay. Sa panahong ipinagyayabang nito na isinusulong ng mga gera nito ang “demokrasya,” pinakilos nito ang gobyerno sa paraang palihim at di-demokratiko. Sa panahong ginagamit nito ang mga usapang pangkapayapaan para pasukuin ang mga armadong grupo, ipinakita nito na hindi ito magpapapigil sa paglulunsad ng mga atake at gera.

03 Pebrero 2015

Galing ang mga larawan sa timeline ni Teddy Casiño sa Facebook.

Disiplina para sa Bisita

Manila Times Pope Francis1

Isa sa mga tawag-pansin na salitang tumampok sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas ang “disiplina.” Sabi ni Pang. Noynoy Aquino bago dumating ang Santo Papa, “I call on Filipinos to exercise the utmost discipline, in order to ensure that our gatherings are peaceful and orderly.” Sa unang gabi ng pagdating ni Pope Francis, sinabi ni Kris Aquino, kapatid ni Noynoy, sa kanyang sikat na palabas sa telebisyon na “proud” siya dahil “disiplinado” ang mga Pilipino. Pinaalingawngaw na ang naturang salita, at ang positibong pagpapahalaga rito, ng iba’t ibang ulat ng midya ng malalaking kapitalista kaugnay ng pagdalaw ni Pope Francis. Sa ikalawang gabi ni Pope Francis sa Pilipinas, si Ces Oreña-Drilon ng impluwensyal na ABS-CBN ang narinig kong nagbalita nito.

Syempre pa, pumapatungkol ang disiplina sa isang disposisyon kaugnay ng mga patakaran o prinsipyo na nagmumula sa isang awtoridad labas sa indibidwal. Sa partikular, disposisyon ito ng pagsunod – at hindi nga lang ng pagsunod, kundi ng mulat at kusang pagsunod. Maaaring maging disposisyon ito ng marami, pero dahil usapin ito ng mulat at kusang pagsunod, mas matitingnang disposisyon ito ng indibidwal. Madalas na imahen nito, dahil na rin sa propaganda ng gobyerno na dumadaloy sa midya at sistemang pang-edukasyon, ang pagtawid sa tamang tawiran – gawain ng indibidwal, pagtalima sa patakaran ng gobyerno, at larawan ng pag-abante sa modernidad. Susing salita rin ito, syempre pa, ng Martial Law ni Ferdinand Marcos.

Paano gumagana ang “disiplina” sa kaso ng pagdalaw ni Pope Francis? Una sa lahat, maraming patakarang ipinatupad ang gobyernong Aquino na mapanupil sa normal na kalakaran ng mga mamamayan bago ang pagdalaw, at lampas sa panunupil sa mga protesta ng kilusang masa sa bansa: nilinyahan ng mga pulis ang kalsada; nilimitahan ang transportasyon ng mga tao sa kalsada, himpapawid, at dagat; pinatay ang signal ng mga cellular phones, hadlang sa pagpapadala at pagtanggap ng mga mensaheng text; at iba pa. Ipinatupad ang mga ito ng gobyerno nang nagsasarili, walang konsultasyon sa publiko, at mabilisan. Ipinatupad ang mga ito sa paraang wala nang magagawa ang karaniwang mamamayang gustong sumalubong kay Pope Francis kundi ang sumunod.

Pagkatapos obligahing sumunod ang mga mamamayan, papapurihan sila ng mga makinarya ng propaganda ng gobyerno dahil “disiplinado” sila, dahil nagpakita sila ng “disiplina.” Maririnig din sa ibang reporter sa midya ang linya ni Kris Aquino: Kadikit ng pagiging disiplinado umano ng mga Pilipino ang pagiging “proud” o pagmamalaki. Na kadikit naman ng tahimik na pagkilala na nanonood ang mundo sa Pilipinas sa panahong narito si Pope Francis – at para bang pagiging disiplinado ang inaasahan nilang makita sa mga Pilipino. Sa ganito, ang diskurso tungkol sa disiplina ay nagsisilbing premyo sa mga mamamayan sa pagiging disiplinado umano, at sa gayon ay bahagi rin ng mismong mga mekanismo ng pagpapataw ng disiplina sa kanila.

Manila Times Pope Francis2

Sa kabilang banda, marami-rami na ring komentarista ang nagpahayag tungkol sa kababawan ng pagbabalita ng midya ng malalaking kapitalista tungkol sa pagdalaw ni Pope Francis. Pangunahin dito ang pagpokus sa maliliit na detalye kaugnay ng pagdalaw, sa kapinsalaan ng pag-uulat tungkol sa kabuluhan nito at ng mga pahayag ng Santo Papa. Sa isang pakahulugan, “walang disiplina” ang midya ng malalaking kapitalista kaugnay ng mga prinsipyo ng pamamahayag o journalism. Madalas, ang mga komentaryo hinggil sa kawalang-disiplinang ito ay inilalabas sa social media, sa pampublikong larangan na may akses ang mga komentarista, para mabasa ng marami. Parang sinasabihan nila ang midya ng malalaking kapitalista: “Mahiya naman kayo!”

Kung walang disiplina ang midya ng malalaking kapitalista sa gitna ng pagdalaw ng Santo Papa, wala ring disiplina si Pang. Aquino mismo. Sa kanyang talumpati sa harap ni Pope Francis, tinuligsa ni Aquino ang lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko dahil sa pagiging kritikal nito sa kanya. Masasabing kawalang-disiplina rin ito: sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, sinamantala ni Aquino ang okasyon para i-ere ang kanyang mga isyu sa Simbahan, sa halip na tugunan ang mga isyu ng korupsyon at kawalan ng pagkakapantay-pantay na tinuligsa ng Santo Papa. Sabi naman ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, “isang kahihiyan para sa buong bansa” ang mga pahayag ni Aquino. “Nakakahiya!”

Ang nabubuong larawan: Disiplina para sa mga mamamayan, kawalang-disiplina para sa midya ng malalaking kapitalista at kay Aquino mismo. Madali ring makita ang pakinabang ng malalaking kapitalista. Hindi kataka-taka, sa unang buong araw ng Santo Papa sa Pilipinas, dinala siya sa Malakanyang ng gobyerno, sa Manila Cathedral ng Simbahang Katoliko, at pagkatapos ay sa Mall of Asia o MOA ng malalaking kapitalista. Mismong pamilya ni Henry Sy – pinakamayamang Pilipino, may-ari ng MOA, at pangunahing tagapagpatupad ng kontraktwalisasyon sa mga manggagawa – ang sumalubong sa Santo Papa sa lugar. Kitang-kita rin ang pagpapaanod lang ng lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko, sunud-sunuran lang sa gobyernong Aquino.

(Sa isang pagtingin, sa pagpataw ng panunupil sa mamamayan, sinuspinde ng gobyernong Aquino ang mga batas, at sa gayon ay nagpataw sa bansa ng “state of emergency.” Maaalala ang bantog na depinisyon ng pilosopong Nazi na si Carl Schmitt: “Sovereign is he who decides on the exception.” Sa ibang salita, ang makapangyarihan ang siyang nagtatakda ng “eksepsyon” – kailan lalagpas sa mga batas para umano sa interes ng publiko. Isang porma ng “estado ng eksepsyon” ang “estado ng emergency” at makikita natin sa pagtatakda nito kung sino ang makapangyarihan sa bansa. At dugtong ng pilosopong si Walter Benjamin: “Itinuturo ng tradisyon ng mga inaapi, na ang ‘estado ng eksepsyon,’ kung saan tayo nabubuhay, ay ang normal na kalagayan.”)

Manila Times Pope Francis3

Anu’t anuman, mahalagang suriin ang “nakakahiya” na “kawalang-disiplina” na ipinakita ni Aquino sa talumpati niya sa harap ni Pope Francis. Mayor na pahayag ito, at tiyak na hindi aksidente, kundi sinadya. Tila mababaw na katatawanan lang ang pagbanggit niya sa kanyang pagkapanot, pero itinatago nito ang kaakibat na tahimik pero matinding panawagan kay Pope Francis na gawin sa pamunuan ng lokal na Simbahan ang pampublikong pagtuligsa na ginawa ng Santo Papa sa Curia sa Roma. Sa kanyang talumpati bago dumating si Pope Francis, ipininta ni Aquino ang worst-case scenario sa kaguluhan ng publiko. Tiyak, naghanda rin ang kanyang gobyerno sa worst-case scenario sa posibleng pahayag ng Papa na kritikal sa kanyang gobyerno.

Sa pag-upak sa lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko, ang gustong unahan at kung sakali’y banggain ni Aquino ay ang posibleng kritisismo ni Pope Francis sa kanyang gobyerno. Ang gusto niyang palabasin: kaaway niya ang lokal na pamunuan ng Simbahan, kaya mali o malisyoso ang ulat nito sa Santo Papa. Hindi na mahalaga kung ano ang posibleng tuligsa ng Santo Papa; ang mahalaga ay batuhin ng duda, pagkwestyon, o malisya ang posibleng pinagmulan ng naturang tuligsa. Maaaring ito rin ang pangamba na pinagmumulan ng mga mapanupil na hakbangin ng gobyerno: ang takot sa kritisismong posibleng sabihin ni Pope Francis sa gobyernong Aquino. Dinidisiplina ng gobyernong Aquino ang mga Pilipino para sa sariling interes nito.

17 Enero 2015

Galing sa Manila Times sa Facebook ang magagandang editorial cartoons.

Magandang salaysay ni Raymund Villanueva hinggil sa pagdiriwang sa anibersaryo ng CPP kasama ang NPA. Ang ganda naman ng sanaysay ni Mong Palatino tungkol sa pagsuko ng green card sa US Embassy, nakakaiyak.

Bakit ngayon ko lang nakita ito? Napakagandang sanaysay ni Delia Aguilar na tumatalakay sa kasaysayan at mga kompromiso ng bantog na konseptong feminista ng intersectionality. Magandang panayam kay Tariq Ali tungkol sa Islamophobia sa France, matapos ang Charlie Hebdo.

Sa Bayan ang 2014

Steve McCurry

Ngayong bisperas ng bagong taon, sigurado, may mga kapit-bahay tayo na gagamit ng mga paputok na sobrang lakas na para bang tuwang-tuwa ang lahat ng tao sa ginagawa nila. Kasing-sigurado, maglalabas ang midya ng malalaking kapitalista ng kanilang year-end specials. At mas malamang, dahil sa kanilang maiksing memorya o pagkampi sa gobyerno ni Noynoy Aquino, o pareho, papalabasin nilang kay Noynoy ang 2014.

Pero ang totoo, hindi kay Noynoy ang 2014. Kung may taon mang lumabas ang tunay na kulay niya, itong 2014 na iyun. Sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa DAP, naidiing siya talaga ang Pork Barrel King. Sa pagpasa niya sa EDCA kahit pa sinabi ni Barack Obama na hindi ipagtatanggol ng US ang Pilipinas laban sa Tsina, at pagkampi sa sundalong Kano na pumatay kay Jennifer Laude, tumampok na tuta siya ng Kano.

Sa pagtimo ng kawalan ng rehabilitasyon sa Silangang Visayas isang taon matapos ang superbagyong Yolanda, napatampok na pabaya siya sa harap ng mga kalamidad. Sa pagdami ng mga paglabag sa karapatang pantao lalo na sa Mindanao, naidiin na marahas at pasista rin siya. At sa pagdami ng mga walang trabaho at kontraktwal, pagtaas ng presyo ng bilihin at singil sa kuryente, malinaw na pahirap siya sa masa.

Siguro, kung may tao na ayaw ng matapat na year-end specials, si Noynoy na iyun. Alam niyang lalong aalingasaw ang baho niya sa ganitong mga balik-tanaw. Alam niyang hindi maganda ang 2014 sa kanya, kaya nga pilit siyang nagpabango gamit ang pagpapakulong kina Pogi, Sexy at Tanda; paglutang kay Palparan; at paninira sa pamilya Binay na larawan ng pagiging duwag o tiwali ng kanilang paksyon ng elite.

Sa bayan ang 2014. Sa taong ito naganap ang maraming malalaking protesta, ang ilan ay mas malaki pa sa mga huling taon ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo. Lalong lumawak ang mga walang tiwala at kritikal sa gobyerno ni Noynoy, maging sa mga nasa panggitnang uri. Kahit ang New People’s Army na gusto niyang durugin at ayaw harapin sa usapang pangkapayapaan, nagpapatuloy kung hindi man lalong lumalakas.

Sa bayan ang 2014. Ipaalala natin iyan sa lahat. At angkinin nating muli ang 2015!

27 Disyembre 2014

Galing ang larawan dito.

Ang pilosopong si Michel Foucault, simpatisador ng neoliberalismo? Sabi ng sosyologong si Daniel Zamora. Mas matinding pinsala ng neoliberalismo, mas maraming NGO, sabi ni Arundhati Roy. Maganda at nakakapagpaisip itong mga pahayag ni Pablo Iglesias, lider ng progresibong organisasyon sa Espanya.

Nakakahilakbot na artikulo tungkol kay Sen. Ping Lacson ng isang Rodel Rodis sa Philippine Daily Inquirer. Artikulong babalik-balikan: mga tagumpay ng sambayanang Cubano sa pamumuno ni Fidel Castro. Magandang artikulo tungkol sa lakas ng Syriza sa Greece, na may silip sa iba pang maka-Kaliwang partido sa Europa. Hindi nag-iisa si Adam Kotsko sa kanyang nararamdaman tungkol sa mga bagong kantang pamasko.

Kilala sa kanyang kontrobersyal na atake sa teoryang post-kolonyal, heto ang hindi kasing-kontrobersyal, pero matalas na tuligsa ni Vivek Chibber sa isang aklat ng sikat na ekonomistang si Amartya Sen. Magandang rebyu ni Arnold Alamon ng pelikulang “Bonifacio: Unang Pangulo.”