Tag Archives: Pandi

Tagumpay ang #OccupyPabahay

Defaced

Nitong Marso 27, idineklara ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na tagumpay ang pag-okupa ng mga maralita sa mga tiwangwang na pabahay sa Pandi, Bulacan na nagsimula noong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Pagkatapos ito ng isang diyalogo kaharap ang pamunuan ng National Housing Authority (NHA) kung saan binawi ng huli ang naunang banta ng ebiksyon o pagpapalayas sa mga maralita sa mga inookupang yunit ng pabahay.

Mainam na pagtatapos ito, kung pagtatapos na nga, ng isang yugto ng paglaban ng mga maralita na naging pambansang isyu at araw-araw na laman ng balita, umani ng iba’t ibang reaksyon, at muling nagpatampok sa sitwasyon ng mga maralita at kanilang panawagan para sa libre at pangmasang pabahay.

Maraming tampok na aspeto ang pakikibakang ito ng mga maralita.

Una, ang pagiging makatarungan ng kahilingan na madaling makita. Ang mga may kahilingan: mga maralita na haluan ng mga manggagawang may trabaho at mala-manggagawang pana-panahong may trabaho pero kadalasang naghahanap-buhay sa pagtitinda-tinda, pamamasukan, at iba pa. Mga napwersang umalis sa dating tinitirhan dahil sa kawalan ng lupang masasaka, kawalan ng trabaho, demolisyon ng dating tirahan, at relokasyon ng gobyerno.

Ang kahilingan: ang manirahan sa proyektong pabahay ng gobyerno na tatlo o higit pang taon nang walang residente, nakatiwangwang, unti-unting nasisira, tinutubuan ng mga damo’t halaman at pinamamahayan ng mga insekto. Tipikal na relokasyon ito na tinutuligsa ng Kadamay: hindi maayos lalo na ang palikuran, walang kuryente at tubig, at higit sa lahat ay malayo sa mga pagkakataong magkatrabaho. “Parang impyerno” ang paglalarawan ng isang nagsasalita para sa mga sundalo, na kabilang sa mga pinaglaanan umano ng mga yunit ng pabahay.

Ayon sa mga ulat, mahigit 5,000 pamilya ang nag-okupa ng mga tiwangwang na pabahay – kapiranggot lang ng mahigit 52,000 tiwangwang na yunit ng pabahay ng rehimen ni Noynoy Aquino para sa mga sundalo at pulis sa Bulacan at iba’t bang bahagi ng bansa. Wala pa sa bilang na iyan ang mga tiwangwang na yunit sa ilalim ng ibang proyektong pabahay ni Noynoy.

Sa kasong ito, ang kahilingan ay hindi lang marapat ibigay ng gobyerno; ang hindi pagbibigay ng kahilingan ay naglantad sa kagyat na kabulukan ng gobyerno – sa kapalpakan o katiwalian nito. Kapalpakan: mula nang tanggihan ang pabahay ng mga pulis at sundalo na pinaglaanan nito, sa mga dahilang nabanggit sa itaas, hindi na ito napatirhan sa napakaraming nangangailangan. Katiwalian: ipinatayo ito gamit ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program o DAP ni Noynoy, kontraktor ang isa niyang dating kaklaseng si Chito Cruz, at posibleng ipinatayo mas para maibulsa ang pondo kaysa maging serbisyo.

Imperialism

Ang larawan: mga walang-wala na natulak kunin ang napapanis nang mumo mula sa mesa ng gobyerno. Nalantad na walang puso ang gobyerno sa hindi pagbibigay ng mumo. Pero malalantad pa itong malupit kung itutuloy nito ang bantang bawiin pa ang mumo sa bibig ng mga nangangailangan.

Ang sabi ng mga rebolusyunaryong German na sina Karl Marx at Friedrich Engels, “Ang mga ideya ng mga naghaharing uri ang sa bawat epoka ang siyang mga naghaharing ideya.” Maraming pagkikinis at paglulugar na ginawa ang mga Marxistang intelektwal para maipakita ang katotohanan ng pahayag na ito. Pero isang malinaw na patunay nito sa Pilipinas ngayon ang pagtingin sa mga maralitang lungsod. Pagdating sa kanila, maraming utak-mayaman at matapobre pa nga, kahit hindi naman mga kabilang sa mga naghaharing uri.

Sa halip na sikaping sagutin ang pagiging makatarungan ng kahilingan ng mga maralita, madaling inilabas ng mga galit na panggitnang uri at bulag na tagapagtanggol ng gobyerno ang mga lumang paninira at pang-iinsulto: mga tamad at parasitiko sa gobyerno, “ginagamit” ng Kadamay, bayaran ng mga Dilaw para sa pakanang destabilisasyon laban kay Pang. Rodrigo Duterte, ginugwardyahan ng mga New People’s Army o NPA, at kung anu-ano pa.

Hindi rin gaanong nagsalita tungkol sa Pandi ang mga nag-iingay laban sa maramihang pagpatay sa maralita ng “gera kontra-droga” ng rehimen. Bagamat positibo ang kanilang pagtindig laban sa mga pamamaslang, ipinapakita ng pananahimik nila sa tinawag na “Occupy Pabahay” ang kakapusan nila sa pag-uugnay ng mga karapatang pantao sa mga karapatang sosyo-ekonomiko, o sa kalagayang sosyo-ekonomiko sa kabuuan. Hindi pa nila handang yakapin ang tunguhin ng paninindigan nila: na kailangang wakasan ang pagiging maralita ng maralita para mawakasan ang pagpaslang sa kanila at paglabag sa kanilang mga karapatang pantao.

Sa mga argumento ng mga tutol, ang “pinakadisente” ay sinabi ni Duterte mismo: anarkiya ito, paglabag sa batas at kaayusan. Kakatwang pahayag ito ng pangulo na namumuno sa panahong kanya-kanyang pagpatay ang ginagawa ng mga pulis sa ilalim ng Oplan Tokhang at ng mga militar sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Sumagot ang National Union of People’s Lawyers o NUPL: may batayang ligal ang pag-okupa ng mga maralita sa Konstitusyong 1987 at iba pang dokumento.

Pero kaso ito kung saan ang puso, ang sentido-kumon ay mas malapit sa katarungan kaysa sa batas. Kung walang batas na nagliligalisa sa ginawa ng mga maralita sa Pandi, dapat gumawa ng ganoong batas. At kung wala sa batas ang ginawa nila, mas di-makatarungan ang kabulukan ng gobyerno. Tama si Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay: “Nasaan sa batas na iyung mga pabahay ng gobyerno ay dapat hayaang mabulok at nakatiwangwang? Saan sa batas nakasulat na kapag ika’y mahirap at tumitindig para sa iyong karapatan, dapat kang dahasin?”

Marx Tomb

Ikalawa, ang pagkakaisa at pagkilos ng mga maralita. Dinala nila ang desperasyon at matinding pangangailangan sa pagkakaisa at pagkilos para magkamit ng kagyat na lunas. Inalpasan nila ang takot – na gustong itanim sa kanila ng mararahas na demolisyon sa panahon ni Noynoy at mga naunang pangulo, ng mga pamamaslang sa ilalim ni Duterte, at ng naunang banta mismo ni Duterte, na malamang ay ibinoto rin ng marami sa kanila, ng pagpapalayas sa inokupa nilang pabahay.

Isa siguro ito sa idinudulot ng tuluy-tuloy na pandarahas ng gobyerno sa mga maralita. Nalalagay sila sa kalagayang walang mawawala sa kanila kung “manlaban.” Sabi ng isang welgistang manggagawang bukid sa militar sa Hacienda Luisita noong 2004, na nakunan sa bidyo: “Pinapatay na rin lang ninyo kami, mamamatay na kaming lumalaban.” Lalo na kung ang hinihingi ay kaunti lang naman at makatarungan, at kung ang ihaharap sa kanila sa paghinging ito ay karahasan.

At ang pagkakaisa at pagkilos ng mga maralita ang naglagay ng pwersa sa kanilang makatarungang panawagan. Ang kanilang pagkakaisa at pagkilos ang nagpatampok sa buong bansa na totoong may mga tiwangwang na pabahay, na totoong marami ang matinding nangangailangan, na totoong makatarungan ang hayaan nang may mga tumira sa mga pabahay na ito.

May panahong paboritong gawin ng midya ng malalaking kapitalista ang interbyuhin ang mga maralitang sumasama sa mga rali at tanungin: Ano po ang ipinaglalaban natin? Ang layunin: palabasing hindi nila alam. Sa kaso ng Pandi, isang hukbo ng tagapagpaliwanag ang mga maralita, dahil ang isyu ay alam na alam nila. Sa mga bidyo, sa iba’t ibang ulat tungkol sa kanilang pagkilos, maririnig mula sa kanilang mga bibig mismo ang kanilang kalagayan at karaingan.

Malamang, alam nila kung paano sila ituring ng marami sa lipunan, pero hindi nila ito alintana. At ipinakita nila na kaya ng mga minamaliit at hinahamak na maralita na makakita ng makatarungan na hindi nakikita ng marami at ituro ito sa ating lahat. Na kailangang ibukas ng umano’y mauutak nating kababayan ang pag-unawa sa dunong ng kumakalam na sikmura na dumulo sa sama-samang pagkilos. Sa proseso, hinimok nila ang marami na umunawa, magmalasakit, at dumamay.

Ikatlo, ang mahigpit at maagap na pagsuporta ng kilusang masa sa bansa. Sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, at sa tampok na paglahok ng mga kabataan-estudyante sa pangunguna ng Anakbayan at League of Filipino Students, sinuportahan ang mga maralita: nagsikap ipaunawa sa publiko ang paglaban, minaksimisa ang social media para rito, nag-caravan patungong Pandi para ipakita ang suporta at makipamuhay, niralihan ang NHA at Malakanyang, naghatid ng pagkain at iba pang tulong.

Montferrand

Aktibong nakiisa ang mga mambabatas ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan. Hindi nagpapigil sa banta ng pagtuligsa at aktibong tumugon sa tuligsa, naghatid ng pagkain ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa pangunguna ng maka-Kaliwang si Sec. Judy Taguiwalo. Maraming kaibigan ng maralita sa Taiwan, Rome at iba pang bansa ang nagpakita ng suporta.

Ang lahat ng ito ang nagtulak kay Duterte na makinig at iatras ang nauna niyang banta ng pagpapalayas. Kakatwang sabihin, pero kasama na ito sa humahabang listahan ng mga positibong pagbabagu-bago ng pahayag ng pangulo.

Sa harap ng humihigpit na atensyon ng pandaigdigang midya sa mga pagpaslang kaugnay ng kanyang “gera kontra-droga,” tiyak na hindi niya gugustuhing magpakita ng isa pang patunay ng kalupitan sa maralita. Tiyak ding hindi niya gugustuhing iantagonisa ang Kaliwa na bagamat lalong nagiging kritikal sa kanya ay sumusuporta pa rin sa mabubuting hakbangin niya.

Mahirap ang maghina-hinala sa kasaysayan, mga tanong na tipong “Paano kaya kung…?” Pero may batayang sabihin na kung naganap ang ganitong okupasyon sa panahon ni Noynoy Aquino, tiyak na dinahas na at dinahas agad ang mga maralita. Talagang malaganap ang mararahas na demolisyon noon, gayundin ang pandarahas sa mismong mga protesta. Masamang ehemplo na dapat ay huwag tularan ni Duterte ang rekord na ito ni Aquino.

Tagumpay ang mga maralita sa Pandi. Pero gaya nga ng nasabi minsan kaugnay ng paglaban ng mga maralita ng Sitio San Roque sa Quezon City noong 2010: ang tagumpay ng maralita sa lipunang ito ay laging bahagya kumpara sa nararapat at laging delikado, nanganganib bawiin ng mga naghaharing uri.

Sabi nga ni Engels sa “The Housing Question”: “Hangga’t patuloy na umiiral ang kapitalistang moda ng produksyon, isang kahibangan ang umasa sa nakahiwalay (isolated) na solusyon sa usapin ng pabahay o kahit anong usaping panlipunan na nakakaapekto sa kalagayan ng mga manggagawa. Ang solusyon ay nasa pagbabagsak sa kapitalistang moda ng produksyon at sa pag-angkin (appropriation) ng lahat ng kagamitan (means) ng buhay at paggawa ng masang anakpawis mismo.”

Marami pang dapat ipaglaban ang mga maralita: mula disenteng trabaho, serbisyong tubig at kuryente, libre at pangmasang pabahay, at iba pa hanggang sa tunay na pagbabagong panlipunan kung saan may libre at pangmasang pabahay. Mahalagang hakbang patungo diyan ang kanilang tagumpay na nakamit sa Pandi at ang kanilang nagpapatuloy na pagkakaisa at pagkilos.

01 Abril 2017

Galing ang mga imahen dito.

At nasundan pa ang artikulong ito ng balitang pagpayag ni Duterte na ipamahagi sa mga maralita ang mga yunit ng pabahay na nasa Pandi, Bulacan.