Tag Archives: Rodrigo Duterte

Peace Talks at Pangakong Pagbabago

diego-rivera1

Masama ang mga pinakahuling balita tungkol sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Masama rin ang implikasyon ng mga ito sa ipinangakong “tunay na pagbabago” ni Pang. Rodrigo Duterte.

(1) Kung matatandaan, ilang buwan nang kinokondena ng NDFP ang mga paglabag ng militar sa ceasefire o tigil-putukan na idineklara ng mismong gobyerno. Inilista ang mga paglabag na ito ni Atty. Edre Olalia ng NDFP: “pag-okupa… sa mga istrukturang sibilyan gaya ng paaralan, health center, tahanan; pagpaslang at pagdukot sa mga magsasaka at sibilyan; pagbansag at pagbanta sa mga sibilyan na umano’y tagasuporta o simpatisador ng [New People’s Army] o mga adik sa droga; pagpakat sa mga erya na itinuturing ng NDFP na teritoryo nito sa tabing ng ‘civil relations’ o ‘peace and development operations’.”

Nagbanta na nga noon ang Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA na tatapusin ang kanilang idineklarang tigil-putukan. Agrabyado nga naman ang NPA kung hindi ito makakalaban sa harap ng mga atake ng militar. Mas agrabyado pa ang mga magsasaka at pambansang minorya na dumadanas ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao.

At binawi nga ng CPP at NPA ang kanilang tigil-putukan at naglunsad ng depensibong mga aksyon laban sa mga atake ng militar. Pero malinaw ang pahayag nito: Pwede at dapat ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan kahit naglalabanan ang militar at NPA. Kung tutuusin, ganito ang matagal nang kalakaran – usapan habang may putukan – at ngayon lang ulit sa ilalim ni Duterte ang mga tigil-putukan.

Pero malabis ang tugon ni Duterte, bukod sa pagbawi sa tigil-putukan na idineklara ng gobyerno: tinapos ang usapang pangkapayapaan, pinawalang-bisa ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG na mahalaga sa pagpapatuloy ng negosasyon, tinawag na “terorista” ang CPP at NPA, at nagdeklara ng “all-out war” o “todo-gera.” Kaalinsabay nito ang iba’t ibang atake sa NPA at paglabag sa karapatang pantao ng mga inaakusahang tagasuporta nito.

diego-rivera2

Ang tugon ng CPP-NPA-NDFP: paglaban sa todo-gera ng militar, habang nagbababala sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga pinagbibintangang kasapi o tagasuporta nila. Pero malinaw pa rin nilang binubuksan ang pinto para sa usapang pangkapayapaan. Tampok sa panawagang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan si Prop. Jose Maria Sison, punong pampulitikang konsultant ng NDFP, tagapangulong tagapagtatag ng CPP, at dating propesor sa kolehiyo ni Duterte.

(2) Noong eleksyon, matatandaang maraming ipinangako si Duterte na pabor sa mamamayan sa pakete ng “tunay na pagbabago,” kahit pa babangga sa mga tinawag niyang “oligarkiya” o iilang mayayaman at makapangyarihan sa bansa. Inunawa ang islogan niyang “tapang at malasakit” na malasakit para sa karaniwang mamamayan at tapang laban sa mga bumabangga sa interes nila.

Hindi magandang indikasyon ang pagtapos ni Duterte sa peace talks sa NDFP sa ipinangako niyang pagbabago. Una, sa isang pakahulugan, maliit na pagbabago na ito: isa ito sa ipinag-iba niya sa mga sinundang pangulong sina Noynoy Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo na sumabotahe sa usapang pangkapayapaan at naglunsad ng todo-gera sa NDFP.

Ikalawa, daluyan ang usapang pangkapayapaan ng mga panukalang reporma at pagbabago na maaari niyang ipatupad. Saktong ang pinag-uusapan ay ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms o CASER na siyang esensya ng usapang pangkapayapaan. Ang panukala ng NDFP: tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, karapatan ng masang anakpawis at mamamayan, proteksyon ng kalikasan, kapakanan ng mga pambansang minorya, progresibong patakarang panlabas at pampinansya, at iba pa.

Ikatlo, pagbubukas ito sa mga pwersa ng pagbabago sa bansa. Kung tunay mang magsusulong si Duterte ng pagbabago, ang makakakampi talaga niya ay ang Kaliwa at ang mga mamamayan mismo. At kung tunay mang magsusulong siya ng pagbabago, dapat maging malinaw na kampi siya sa Kaliwa at mga mamamayan kaysa sa US, sa kampo nina Noynoy at Leni Robredo, sa mga oligarkiya at militar.

diego-rivera3

(3) Sa kabilang banda, balansehin natin: Ito na ang pinakamalayong narating ng usapang pangkapayapaan, ang pinakamatagal na tigil-putukan sa pagitan ng gobyerno at CPP, at makasaysayang muling nakapagpalaya ng mga bilanggong pulitikal. Lahat ng ito, kaugnay ng isa sa pinakamatagal na armadong insurhensya sa buong Asya at mundo. Sa puntong ito, lamang si Duterte kina Noynoy at Arroyo. Pero “tunay na pagbabago” ang ipinangako niya, at wala pa ito sa kalingkingan at sa makatarungan.

(4) Kung tutuusin, ang pagtapos sa usapang pangkapayapaan ay ang pinakahuli sa mga napakong ipinangakong pagbabago ni Duterte. Independyenteng patakarang panlabas daw, pero patuloy ang US sa ehersisyo ng mga pwersang militar nito at ang pagtatayo ng mga base-militar nito sa bansa. Ibabasura raw ang kontraktwalisasyon, pero regularisasyon lang pala sa mga agency. Ngayon, pati pagbabawal ni Sec. Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources sa mapangwasak na pagmimina, nanganganib baligtarin.

Itataas ang pensyon sa Social Security System, pero may dagdag-premium din. Libreng edukasyon sa kolehiyo raw, pero modus operandi pala para magpatupad ng iskemang ladderized tuition sa maraming paaralan. Papalayain daw ang mga bilanggong pulitikal, iyun pala, itinuturing silang “alas” sa usapang pangkapayapaan. Lahat ng ito, sa konteksto ng malaganap na ekstra-hudisyal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao dahil sa “gera kontra-droga.”

(5) Lalong nagiging malinaw, samakatwid, na hindi maaasahan si Duterte na magdulot ng pagbabago sa sarili niya – kahit pa ito ang ipinangako niya at kahit nagpakita siya ng kahandaang magpatupad ng maliliit na pagbabago. Ginagamit pa ngayon ng US, ng oligarkiya at militar, at ng pangkatin nina Noynoy at Robredo ang mga paglabag sa karapatang pantao dulot ng gera kontra-droga para bantaan ng pagpapatalsik, gipitin at pasunurin si Duterte. Kahit siyang pangulong nangako ng pagbabago ay kailangang pwersahin ng mga mamamayan na magdulot nito.

Ang mga pahayag at pagkilos na mismo ni Duterte ang lalong naglilinaw sa mamamayan na kailangang palakasin ang mga protesta at ang paglaban para sa tunay na pagbabago sa ating bayan.

14 Pebrero 2017

Galing ang mga larawan ng mural ni Diego Rivera rito.

Libing ni Marcos Pagkatapos

Diego Rivera3.jpg

Eksakto ang salitang “panakaw” para ilarawan ang paglibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani nitong Nobyembre 18: palihim noong una, paspasang ginawa, at hindi sinasang-ayunan ng marami. Pero hindi pa rin napigilan ng ganitong paraan ang reaksyon ng marami: ang kapal ng mukha!

Bago ang araw na iyun, may mga usap-usapan nang mabilisang ililibing ang dating diktador sa LNMB. Nagising na lang ang bansa na nagkalat ang kapulisan at militar sa Kamaynilaan. At naalarma na lang ang marami nang nabalita noong umagang iyun na inililipad na ang bangkay ni Marcos mula Ilocos Norte patungong Kamaynilaan. Noong hapon, naglabasan na ang mga larawan at bidyo ng pagpaparangal at paglilibing sa bangkay ng pamilya Marcos.

Bago nito, syempre pa, nagdesisyon ang Korte Suprema noong Nobyembre 8 nang pabor sa naturang libing. Nag-apela ang mga tutol, pero inilagak na ang bangkay sa LNMB kahit wala pang desisyon sa naturang apela. Kaakibat nito ang tuluy-tuloy, walang atras, at wala sa katwiran na pagdadahilan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa hakbangin.

Malawak na galit at pagkondena, at malalaking protesta ang naging tugon ng sambayanan. Agad na naging malinaw na hindi lang ito isang maliit na pagkakamali ng gobyerno o presidente. Kahanay ito ng iba’t ibang isyu sa nakaraan na nagpahina, kundi man nagpatalsik, ng mga dating pangulo.

Mula nang ilibing si Marcos, agad nagkaroon ng sunud-sunod na malalaking protesta sa Kamaynilaan at buong bansa. Tumampok ang mga kabataang estudyante, ang mga “millennial” na kamakailan lang ay kinukutya ng ilan dahil raw lulong sa sariling mundo, walang pakialam sa mga isyung panlipunan. Parang anunsyo ng pagdating nila sa pulitika ang galit na wika ng kanilang mga plakard, sariwa at nakikita lang noong una sa social media.

Diego Rivera.jpg

Sa Facebook at social media, humantong ang mga trolls na maka-Marcos at maka-Duterte sa lantarang panghaharas na sekswal – sa layuning pigilan ang ispontanyong pagpapahayag ng galit at pagtutol ng mga karaniwang tao, kasama ang kababaihan. Tila karugtong ng patalastas sa midya ni Marcos noong eleksyong 1986 na pangkama at pambahay lang ang mga babae. Nitong huli, inatake na ng mga trolls ang mga personal na account ng mga tutol at tumutuligsa, tampok ang sa mamamahayag na si Inday Espina-Varona.

Sa Kamaynilaan at buong bansa, ang namumuno ng protesta ay ang pambansa-demokratikong Kaliwa. Hindi naging hadlang ang mabubuting hakbangin at pangako ni Duterte para maging napaka-kritikal nito sa libing-bayani kay Marcos, sa alyansa ni Duterte sa mga Marcos, at kay Duterte mismo; katunayan, naulapan ang naturang mga hakbangin at pangako ng kawalang-hiyaan ng libing sa LNMB. Hindi man nito pinapalusot ang pananagutan ng mga naunang rehimen, ng US at mga naghaharing uri sa muling pagpapalakas sa pamilya Marcos, na matagal nang nagaganap, malinaw ritong naging susi si Duterte sa libing-bayani kay Marcos.

Sabi ni Satur Ocampo ng Bayan Muna, kailangang “muling pag-isipan” ng pambansa-demokratikong Kaliwa ang “taktikal na alyansa” kay Duterte dahil sa nangyari, at kung magtutuluy-tuloy ang ganitong mga hakbangin. Kinwestyon ng Communist Party of the Philippines kung tunay ngang maka-Kaliwa si Duterte gaya ng sinasabi nito at binansagan itong “bulok na trapo.” Sabi naman ni Prop. Jose Maria Sison, tagapagtatag na tagapangulo ng CPP, bunsod ng libing-bayani at ng tinakbo ng mga unang buwan ng administrasyon, na magiging mas malinaw sa darating na anim na buwan ang direksyon ng gobyernong Duterte.

Ang pambansa-demokratikong Kaliwa ang namuno sa noise barrage sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan noong tanghali, at sa protesta sa Unibersidad ng Pilipinas, Miriam College, Ateneo de Manila at buong bansa noong hapon at gabi ng Nobyembre 18. Kasama rin ito sa mga namuno ng malalaking protesta sa Luneta at buong bansa noong Nobyembre 25 at sa Mendiola at buong bansa noong Nobyembre 30, Araw ni Bonifacio. Tiyak na nagpapalakas ito para sa mga susunod na labanan.

Diego Rivera4.jpg

Sa kabilang banda, namumuno rin ng mga protesta ang pangkatin ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Mula sa tuluy-tuloy na pagtuligsa kay Duterte at hindi rito pagbibigay man lang ng tsansa simula’t sapul, mas madiin na ang kanilang pagkondena ngayon, at lumalaro na sa panawagan ng pagpapatalsik. Ang akala ng mababantot na personalidad ng gobyerno ni Aquino ay bumango na sila dahil sa isyu, kaya nagpapakita na sa mga protesta.

Sila ang namuno sa protesta sa Edsa Shrine noong Nobyembre 18 at 30. Lehitimong lunsaran ng protesta ang lugar, pero kilala rin ito sa pagpapatalsik sa pangulo. Mamamayan ang bida sa protesta sa Edsa pero, sa kasaysayan, bahagi ito ng panawagan sa militar na tanggalin ang suporta sa presidenteng nakaupo. Simbolo ng paglaban sa diktadurang US-Marcos ang Edsa, pero ginagamit din ito ng mga Aquino para palakasin ang inaangkin nilang prangkisa sa naturang paglaban.

Tila sinisikap ng pangkatin ni Noynoy Aquino na makuha ang suporta ng US para sa pagpapatalsik kay Duterte, lalo na kung itutuloy nito ang pagsusulong ng “independyenteng patakarang panlabas” gaya ng ipinangako nito. Sintomas ang sagad-sagaring mga pahayag sa social media ni Leah Navarro, dating mang-aawit, pinunong troll ng mga Aquino, at anti-Kaliwa. Imbes na himukin ang paglakas ng lahat ng protesta laban sa libing-bayani kay Marcos, nanawagan siyang huwag daluhan ang mga protesta ng pambansa-demokratikong Kaliwa, dahil umano’y maka-Duterte ito.

Hindi nakakakumbinsi ang mga palusot ni Duterte sa libing-bayani para kay Marcos. Halatang mababaw na palusot lang ang mga ito para sikaping bigyang-matuwid ang paglilibing sa dating diktador at pampulitikang alyansa niya sa mga Marcos. Pinatampok ang naturang kababawan ng sinabi niyang walang pelikulang nagdidiin sa Batas Militar kaugnay ng mga krimeng inaakusa rito.

Ang tiyak, may utang na loob si Duterte sa mga Marcos, dahil tumulong sila sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo, bukod sa iba pang posibleng dahilan. Tiyak na pambayad-utang niya ang libing-bayani sa dating diktador, at iba pang hakbangin marahil. May alyansa siya ngayon sa mga Marcos, kahit pa mas kailangan siya ng mga ito kaysa kailangan niya sila.

Itinulak ni Duterte ang paglilibing kay Marcos sa LNMB sa loob ng unang anim na buwan ng termino niya, habang popular pa siya at pwede pang mabawasan, sa tantya niya marahil, ng pampulitikang kapital.

Diego Rivera2.jpg

Ngayon pa lang, malinaw: Talagang nababawasan ang kanyang popularidad at pampulitikang kapital dahil sa libing-bayani para kay Marcos. At magtutuluy-tuloy ito kung patuloy siyang papabor sa masasamang pangkatin sa bansa – sa mga Marcos, kay Gloria Macapagal-Arroyo, hanggang sa mga haciendero, malalaking kapitalista at sa US. Kaalinsabay, tuluy-tuloy ang mulat na pagsasamantala ng pangkating Aquino sa sitwasyon para patalsikin siya sa pwesto.

Nagpakita si Duterte ng pagiging bukas sa mga ideyang hindi pinanghahawakan ng mga dating pangulo. Kailangang niyang maunawaan na sinuportahan siya ng maraming Pilipino sa kabila ng, hindi dahil sa, alyansa niya sa masasamang pangkating ito. Kailangan niyang maunawaan na naghahanap ng tunay na pagbabago ang sambayanang Pilipino, hindi ng dating gawi pabor sa mga imahen ng tradisyunal na kalakaran ng pulitika at ekonomiya sa bansa. At ibang antas talaga ng kasalanan ang pagpabor sa mga Marcos at maging kay Arroyo.

Malinaw ang pagbasa ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan: para sa mga Marcos, hindi katapusan ang libing-bayani para sa dating diktador. Bahagi lang ito ng mga hakbangin para bumalik sa kapangyarihan, partikular sa Malakanyang, bago ang 2022 o sa taong ito. Bahagi ang libing-bayani ni Marcos ng pagrebisa at pagbaluktot sa kasaysayan pabor sa kanya at kanyang pamilya at sa kanilang ambisyon. At panimula pa lang ito; tiyak, sa maitim na puso nina Imelda, Bongbong, Imee, Ireene at kaanak, pumipintig ang kasabihang isinusulat ang kasaysayan ng mga nagwawagi sa labanan.

Kagyat at nag-aalab ang panawagang “Never again!” Nakatakda na ang susunod na protesta sa Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. Hindi na muli sa mga Marcos at sa Batas Militar!

04 Disyembre 2016

Galing ang mga larawan dito.

Parangal ni Carol P. Araullo kay Fidel Castro. Pagsusuri ni Samir Amin sa pagkapanalo sa pagkapresidente ng US ni Donald Trump.

Ang Tunay na Kalaban ni Duterte Ngayon

oswaldo-guayasamin1

Oktubre 19, nagprotesta ang mga pambansang minorya – Igorot, Aeta, Lumad, Moro, at iba pa – sa US Embassy, kasama ang mga sumusuporta sa kanilang organisasyong kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Bago nito, ilang araw na sila sa Kamaynilaan, sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman sa partikular, para iprotesta ang patuloy na militarisasyon at operasyon ng mga minahan at plantasyon sa mga lupaing ninuno. Itinayo rin nila ang kanilang pambansang alyansa, ang Sandugo.

Sa araw na iyun, tema ng protesta ang pagsuporta sa panawagan ni Pang. Rodrigo Duterte para sa “independyenteng patakarang panlabas.” Tinuligsa ng mga pambansang minorya ang papel ng US kaugnay ng kanilang mga isyu: mga kumpanyang Amerikano sa pagmimina at plantasyon, pagsasanay ng militar ng US sa mga sundalong Pilipino, paglahok ng mga sundalong Amerikano sa mga operasyong militar, at pagtutulak ng gobyerno ng US ng mga patakarang neoliberal kaugnay ng pagmimina at plantasyon.

Nasa China si Duterte habang nagaganap ang protesta. Mahalaga ang pagbisita para sa tinawag ng isang manunuring pampulitika na “Pivot to China” ng pangulo – pagbaling palayo sa US na may nauna namang patakarang “Pivot to Asia” kung saan mahalaga ang Pilipinas. Sa China, palaban, gaya ng lagi, ang mga pahayag ni Duterte: “paghiwalay” sa US hindi lang sa larangang militar, kundi sa ekonomiya; paghanay sa China at Rusya – na naggigiit ng kanilang soberanya laban sa US at may ambisyong maging imperyalista.

Pero nakakagulat, sa panahon ni Duterte kahit paano, ang naging tugon ng kapulisan. Nang patapos na ang programa ng mga nagpoprotesta, marahas na binuwag ang kanilang hanay ng mga pulis. Bukod sa pamalo at panangga, na karaniwan na, ang mga pulis ay nagpaputok ng warning shots at gumamit ng teargas, na hindi karaniwan. Tampok na imahen ng protesta ang trak ng mga pulis na umararo-sumagasa sa mga nagpoprotesta. Gayundin ang grabeng pamamalo at maramihang pag-aresto sa kanila.

oswaldo-guayasamin2

Marami ang sugatan, nasaktan, at isinugod sa ospital. Totoo, nagpumilit sila, nilampasan ang humarang na hanay ng pulis, pero bahagi ito ng paggigiit ng karapatang magprotesta. Totoo, nagsulat sila ng mga islogan sa pader ng embahada, pero minsang pagpapakita lang ito ng galit sa araw-araw na krimen laban sa kanila sa kanilang mga komunidad. Hindi sila karapat-dapat sa tangkang pagpatay gamit ang trak ng pulis, na ang pag-atras-abante ay larawan ng kawalan ng pagkilala sa halaga ng buhay nila.

Isang araw bago nito, hindi gaanong tumampok sa balita, ginamitan din ng militar ng water cannon ang mga pambansang minorya sa protesta ng huli sa Camp Aguinaldo. Kinondena ng mga pambansang minorya ang militarisasyon sa kanilang komunidad, na nagpapatuloy sa kabila ng unilateral ceasefire na idineklara ng militar laban sa New People’s Army. Tinuligsa rin nila ang magkasunod na pagpaslang kina Anoy Pasaporte, kabataang aktibista, at Jimmy Saypan, lider-magsasaka, sa Compostela Valley.

Sa isang banda, nakakagulat din ang naging tugon ng mga troll na tagasuporta ni Duterte, na labas sa Kaliwa, sa social media. Ipinagtanggol nila ang pandarahas sa mga nagprotesta, dinepensahan ang kapulisan, at siniraan ang mga aktibista: kesyo hindi tunay na tagasuporta ni Duterte, mga bayaran sa pagpoprotesta, at, pinakamasahol sa lahat, kampon ng mga dilawan – ibig sabihin, bayaran ni Noynoy Aquino. “Hindi ka-DDS” o Die-hard Duterte Supporters ang sabi ng mga ito tungkol sa mga aktibista.

Kaya silang pinapalayas at dinadahas sa kanilang mga komunidad, tumungo sa Kamaynilaan para iparinig ang kanilang kalagayan at panawagan, ay dinahas at pinalayas muli. Silang humihingi ng katuparan ng mga pangako ni Duterte ay pilit pinatahimik ng pulisya at militar niya. Silang nagsusulong sa “independyenteng patakarang panlabas” ay nilusob ng mga dapat ay sumusuporta sa pangulo. At sila pa, sa dulo, ang inaakusahang kalaban ni Duterte, kakampi ng mga dating nandahas sa kanila.

oswaldo-guayasamin3

Sa loob ng isang buwan pagkatapos ideklara ni Duterte ang “independyenteng patakarang panlabas,” humanay ang mga tutol rito. Sa panig ng gobyerno ng US, tila nagbabala ng pagpapatalsik si Assistant Secretary of State Daniel Russel nang sabihin nitong “seryosong pagkakamali… na maliitin ang pagiging malapit ng publiko sa US. People power iyun.” Todo agad ang banat ni dating Pang. Fidel V. Ramos, dating alyado ni Duterte, grabeng maka-US, at ngayon lang tumuligsa sa bagong-upong presidente.

Tuluy-tuloy sa pagpuna si Alberto del Rosario, dating kalihim ng Foreign Affairs ng rehimeng Noynoy Aquino, na tumawag pang “pambansang trahedya” sa mga pahayag at hakbangin ni Duterte. Si Bise-presidente Leni Robredo naman, binanggit agad ang “international aid” sa bansa – parang tinuturuan ang US kung ano ang gagawin para saktan, sa akala niya, ang gobyernong Duterte. At parang nagtatawag na ng kudeta ng militar si Sen. Antonio Trillanes IV sa pagbansag kay Duterte na “Komunista.”

Ayon sa Editorial Board ng New York Times, “liberal” na tinig ng imperyalismong US, halos araw-araw ay “nilalason” ni Duterte ang ugnayan ng US at Pilipinas. Umaasa raw ito na magbabago ang isip ng pangulo, “Pero matinding pinsala ang posibleng magawa sa kanyang bansa…” Nitong huli, sabi ni Russel, nagdudulot ang mga pahayag ni Duterte ng pagkabahala hindi lang sa gobyerno ng US, “hindi lang sa mga gobyerno, kundi maging… sa ibang komunidad,… sa mga pamunuan ng mga korporasyon.”

Kakaiba ang ganito kaaga at katalim na banat ng US at mga pulitiko sa pangulo, taliwas sa nagpapatuloy na malawak na suporta sa kanya ng mga Pilipino. Totoo ang pagsusuri ng Communist Party of the Philippines, na nagdeklara ng kahandaang magbuo ng “patriyotikong alyansa” sa pagitan nito at ng “rehimeng anti-US” ni Duterte: “Ang kanyang mga birang anti-US ay nagpapalalim sa hidwaan ng mga naghaharing uri.” Hindi na maitatago: may bigat at lalim ang mga pahayag at hakbangin ng pangulo.

oswaldo-guayasamin4

May bigat at may lalim dahil posible batay sa mga materyal na kalagayan sa Pilipinas at mundo, na inihanay rin ng CPP: ang nagpapatuloy na krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal, pagkalantad ng kabuktutan ng mga patakarang neoliberal ng US sa mundo, pagkabanat at paghina ng US sa larangang militar, at pag-usbong ng China bilang malakas na kapitalistang bansa na dikit sa Rusya at kalaban ng US. Ilang taon nang kapansin-pansin ang pag-igting ng girian sa pagitan ng US at China-Rusya.

Sabi ng isang komentarista, lumalaganap ang impluwensya ng China sa Timog-Silangang Asya – sa Thailand, Myanmar, at Malaysia. Ayon sa isa pa, walang bansa sa rehiyon, pati na Australia, ang handang tumindig para sa US. Maaari raw ang Vietnam, pero mas malamang ay hindi. Ayon naman sa isa pa, posibleng gumaya sa Pilipinas ang ibang bansa: “Kung magmumukhang kapaki-pakinabang sa Pilipinas na maging malapit sa Beijing, magiging indikasyon iyun ng paghina ng impluwensya ng US sa Asya.”

Sa ganitong pagsusuri mainam tingnan ang pandarahas sa mga protesta ng mga pambansang minorya at tagasuporta nila, at maging ang naging reaksyon sa social media. Hindi na lang ito repleksyon ng matagal na at sistemikong “bayas (bias)” ng kapulisan at militar, maging ng mga trolls, laban sa mga pambansang minorya at maralita – bagamat tiyak na kasama ito. Maaaring galaw na ito ng mga maka-US na paksyon ng “oligarkiya,” kahit iyung nasa hanay ng mga tagasuporta ni Duterte.

Ganito ang tunguhin ng analisis ni Fidel V. Agcaoili, bagong chief peace negotiator ng National Democratic Front of the Philippines, nang sabihin niyang may mga elemento ng kapulisan at militar na gustong isabotahe ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pinakahuling kaso ng pagdahas sa mga pambansang minorya at mga tagasuporta nila. Tiyak na hindi sila masaya sa usapang pangkapayapaan, kahit mabuti ito sa bansa, at sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, kahit kulang pa nga.

oswaldo-guayasamin5

Malaking bloke ang Kaliwa sa hanay ng mga nagsusulong ng tunay na independyenteng patakarang panlabas sa panig ng mga sumusuporta kay Duterte. Nasa interes ng mga maka-US at maka-Kanan na elemento sa bansa, maging iyung nasa hanay ng mga maka-Duterte, na kumbaga’y sagasaan at hindi pakinggan ang tinig ng Kaliwa. Kahit pa ang nasa puso at paninindigan talaga ni Duterte sa iba’t ibang pagkakataon ay mas dikit sa Kaliwa kaysa sa maka-US at maka-Kanan – lalo na sa usapin ng patakarang panlabas.

Naninindigan si Duterte para sa “independyenteng patakarang panlabas.” At sa mga pwersang pampulitika sa bansa, ang Kaliwa ang tunay at matagal nang tumitindig para rito. Ito ang makakapagbigay ng kongkretong nilalaman sa naturang islogan. Suportado nito ang panawagan ni Duterte, pero iginigiit din nito sa kanya ang mga kongkretong aksyon para rito. Mahalagang pakinggan ng gobyernong Duterte ang Kaliwa, para hindi mauwi lang ang islogan sa pampabango ng paghahari sa Pilipinas ng US man o China.

Kung susundin, samakatwid, ang “independyenteng patakarang panlabas” ni Duterte, hindi ang mga pambansang minorya o ang Kaliwa ang dapat tinutuligsa ng “mga tunay na ka-DDS” o iyung mga naniniwala sa puso at paninindigan ng pangulo. Ang dapat tinutuligsa ay ang mga kumokontra sa nagsasariling patakarang panlabas – ang US at mga paksyon ng oligarkiya na malinaw na naghahandang ibagsak si Duterte, kahit nagsisimula pa lang siya, kung hindi siya mapapasunod sa kanilang dikta.

Ang dapat, suportahan ng mga ka-DDS ang mga pambansang minorya at ang Kaliwa.

22 Oktubre 2016

Galing ang mga likhang-sining ni Oswaldo Guayasamin dito.

Magagandang kolum ni Arnold Alamon tungkol sa nangyaring dispersal sa US Embassy at sa papel ng Rappler sa panahon ni Duterte. May sulatin naman si Arnold Padilla na naglilinaw sa pangamba ng ibang kababayan tungkol sa tulong ng Amerika.

Sulatin tungkol sa protesta ng mga pambansang minorya at sa pagpapa-ban sa blog ni Mocha Uson, galing kay Mark Ambay III. Tila “lackadaisical” raw ang paghahanda ng gobyerno ng Pilipinas sa huling pagpupulong para sa usapang pangkapayapaan, sabi ni Carol P. Araullo, bahagi ng “mixed signals” galing dito.

“O siguro magpapasya ang susunod na administrasyon na isang ‘pagbabago ng rehimen’ gamit ang CIA ang dapat para sa presidente ng Pilipinas na independyente kung mag-isip,” palipad-hangin ni Ron Paul, konserbatibong pulitiko sa US.

Digong Mang May Layang Lumipad

museum-of-contemporary-art1

Laman ngayon ng maraming publikasyong internasyunal, kapwa online at limbag, ang Pilipinas. Ang dahilan: ang mga pahayag nitong Setyembre ni Pang. Rodrigo Duterte tungkol sa US, sa ugnayan ng Pilipinas dito, at sa ugnayan ng Pilipinas sa China at Rusya.

Sa esensya, ang mga pahayag na ito’y kritikal sa US, naggigiit ng kalayaan ng Pilipinas, at nakikipagmabutihan sa China at Rusya – na itinuturing na ngayong lumalakas bagamat mas mahina pa ring karibal ng US sa paghaharing pang-ekonomiya at pangmilitar sa daigdig. Ang pakete: ang pagsusulong ng “independyenteng patakarang panlabas” ng Pilipinas, ayon sa mga salita mismo ni Duterte.

Maagap ang Kaliwa sa pagpirmi ng datos mula sa mga pahayag: unang beses ito na ang nakaupong pangulo ng Pilipinas ay nagsalita nang kritikal sa pagdidikta ng US sa Pilipinas at nang pabor sa kalayaan ng Pilipinas mula sa US. Isang anomalya ang naturang mga pahayag sa kasaysayan ng mga pangulo ng Pilipinas, kaya naman nagtatagisan sa opinyong publiko, sa Pilipinas at sa mundo, ang dalawang balangkas ng pagbasa sa mahahalagang pahayag na ito.

Ang dominanteng balangkas ng pagbasa sa mga pahayag ni Duterte ay kaugnay ng kanyang “gera kontra-droga” na, ayon sa balita, ay responsable sa pagpatay sa mahigit 3,000 kataong pinaghihinalaang adik o tulak ng droga. Hindi maitatanggi, ito naman talaga ang kagyat na konteksto ng mga pahayag: ang pagtanggi ni Duterte sa posibilidad na mapangaralan ni US Pres. Barack Obama tungkol sa mga paglabag sa mga karapatang pantao kaugnay ng gera kontra-droga sa noo’y ilulunsad na pulong ng ASEAN sa Laos. Wala aniyang karapatan, sa masaklaw na pakahulugan nito, ang US na mangaral sa Pilipinas sa usapin ng karapatang pantao.

Walang duda: kasuklam-suklam ang mga pagpatay kaugnay ng gera kontra-droga ng gobyernong Duterte. Sa pangunahi’y usaping sosyo-ekomiko at hindi pulis-kriminal ang pagiging malaganap ng iligal na droga; sa ganitong pag-unawa dapat magmula ang paglunas dito. Sa nangyayari ngayon, nalalabag ang karapatan ng mga pinaghihinalaang adik o tulak ng droga, na ang ibayong nakakarami ay mahihirap, habang hindi napapanagot ang malalaking isda sa likod ng talamak na droga, at kahit nga ang mga adik at tulak ng droga na mayayaman.

museum-of-contemporary-art2

Pero may isa pang balangkas ng pagbasa sa mga pahayag ni Duterte – na may mga batayang matibay rin, kung hindi man mas matibay sa dominante. Totoong bumuhol ang alternatibong balangkas na ito sa dominanteng balangkas, dahil sa mga aksyon mismo ni Duterte at sa kondisyong kinalagyan niya, pero makabuluhang ihiwalay at, para sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino, itulak.

Ang alternatibong balangkas ng pagbasa: ang paglihis ni Duterte sa mga dikta ng gobyerno ng US sa gobyerno ng Pilipinas sa larangan ng militaristang pandarahas sa Kaliwa, ng maka-US na patakarang panlabas, at, bagamat minimal pa, ng neoliberal na patakarang pang-ekonomiya. Paglihis – para ilarawan ang maliliit na hakbang palayo sa naturang mga dikta; maliliit pero palayo, palayo pero maliit; masyado pang matapang ang “paghulagpos,” lalo na ang “pagbaklas.”

Ang isang pinakamalinaw na sukatan ng naturang paglihis, na siyang pinakamalinaw sa ngayon na kinatawan ng mga dikta ng gobyerno ng US sa gobyerno ng Pilipinas, ay ang panunungkulan ni dating Pang. Noynoy Aquino sa bansa. At hindi lang ito pagsisi sa pinalitang rehimen, tulad ng ginawa ni Aquino mismo sa rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Ipinatupad ng rehimeng Aquino ang mga dikta ng gobyerno ng US sa larangan ng militaristang pandarahas sa Kaliwa, maka-US na patakarang panlabas, at neoliberal na ekonomiya – mga diktang pinaka-angkop sa kasalukuyan. Masasabi nga na marahil ay mas masahol pa ang gusto nitong idikta ngayon, dahil sa pagsahol ng kronikong krisis ng sistemang malapyudal at malakolonyal sa bansa, at paglalim ng depresyong pang-ekonomiya sa daigdig at pag-igting ng tunggalian ng malalaking kapangyarihan sa mundo.

May paghupa sa ekstrahudisyal na pagpaslang sa mga aktibista kumpara sa panahon ni Aquino. Lahat ng konsultant ng National Democratic Front na ikinulong ni Aquino ang pinalaya ni Duterte, at may pangakong papalayain pa ang ibang detenidong pulitikal. Ang mga Lumad na pinalayas sa kanilang komunidad ni Aquino, nakabalik sa panahon ni Duterte. Ang usapang pangkapayapaan sa NDF na maagang sinabotahe ni Aquino, agad binuksan at isinulong ni Duterte. Ang mga maka-Kaliwa na todong inatake ni Aquino, pinapasok pa ni Duterte sa kanyang gabinete.

Noong panahon ni Aquino, mapayapa dahil mapagkaibigan ang relasyon ng Pilipinas sa US. Nasanay na ang mga tao sa kaliwa’t kanang balita tungkol sa pagpasok at pagdaong ng mga barkong pandigma ng US, mga magkasamang pagsasanay-militar ng mga sundalong Amerikano at Pilipino, at paglipad ng mga drones sa himpapawid ng Pilipinas. Malinaw na kontrabida ang China at Rusya. Ngayon, sa mga pahayag ni Duterte, maingay dahil kritikal ang ugnayan ng Pilipinas sa US, pinalayas ang special forces ng US sa Mindanao, at ipinapakitang pwede naman palang makipagkaibigan sa China at Rusya.

museum-of-contemporary-art3

Wala pang pagbabagong nagagawa si Duterte sa larangan ng ekonomiya, at sa pangkalahatan ay neoliberal ang mga patakarang namamayani rito, gayundin ang mga “eksperto” na pinagkakatiwalaan niya rito.

Pero makabuluhan kahit ang mga pahayag niya sa ekonomiya, may paglihis sa mga neoliberal na dikta ng gobyerno ng US:  Pambansang minimum na sahod, pagbasura sa kontraktwalisasyon at dagdag-pensyon para sa mga manggagawa. Walang demolisyon hangga’t walang relokasyon para sa mga maralitang lungsod. Pagpapauwi sa mga migranteng Pilipino. Binanggit niya ang industriyalisasyon sa kanyang unang State of the Nation Address, at tuluy-tuloy ang pagtuligsa niya sa tinatawag niyang “oligarkiya.”

Sinusuportahan din niya ang itinalaga niyang maka-Kaliwa sa Department of Agrarian Reform na mamahagi ng lupa sa mga magsasaka at ipatigil ang land-use conversion sa loob ng dalawang taon. Gayundin sa Department of Social Welfare and Development, na maghatid ng serbisyo ng gobyerno sa mga maralita at nasalanta.

Gaya ng paulit-ulit nang binabanggit ng Kaliwa, hindi mula sa kawalan ang mga hakbangin at pahayag na ito, kundi nasa rekord sa pulitika ni Duterte: Dating miyembro ng radikal na Kabataang Makabayan, estudyante ni Prop. Jose Maria Sison sa kolehiyo, at ipinagmamalaki ang mga ito. Kaibigan ng NDF, kundi man ng New People’s Army, sa Mindanao.

Bagamat kailangan pa niyang patunayan ang kanyang pagmamalaking siya’y sosyalista at unang maka-Kaliwang pangulo ng Pilipinas, ipinapakita na niyang nakikinig siya sa mga hinaing ng sambayanan, na madalas na isinasatinig ng Kaliwa.

Kritikal rin sa US sa pagtakas kay Michael Meiring, umano’y CIA na aksidenteng nagpasabog ng bomba sa isang hotel sa Davao, noong 2002. Tumutol sa paggamit sa Davao bilang base ng operasyon ng mga drones ng US at lunsaran ng magkasamang pagsasanay-militar ng mga tropang Amerikano at Pilipino.

museum-of-contemporary-art4

Sa kabilang banda, anumang paglihis ni Duterte sa mga dikta ng gobyerno ng US ay tulak din ng pagkilos at pagpanawagan ng sambayanang Pilipino. Nanalo siyang pangulo bilang botong protesta sa rehimeng US-Aquino at sa lahat ng kabulukang kinakatawan nito.

Ang pagiging bukas sa Kaliwa ay tulak din ng pagprotesta ng sambayanan sa mga paglabag ng rehimeng US-Aquino sa karapatang pantao, kalakhan ng mga aktibista, lider at tagasuporta ng Kaliwa. Ito ang nagtulak kay Duterte na humanap ng ibang paraan ng pagharap sa armadong rebolusyon at Kaliwa, tampok ang usapang pangkapayapaan. Rurok ng naturang pagprotesta ang malawak na pagkondena sa masaker sa Lianga noong Setyembre 2015 at sa pamamaril at pagpatay sa Kidapawan nitong Abril 2016, panahon ng kaigtingan ng pulitika sa bansa dahil sa eleksyon.

Ang pagiging kritikal sa US ay tulak din ng pagprotesta ng sambayanan sa papaigting na presensyang militar ng US sa bansa. Tuluy-tuloy ang mga protesta sa usaping ito, na ang mga susing salita ay Tubbataha at Jennifer Laude. Tampok, syempre pa, ang pagkamatay ng 44 kagawad ng Special Action Force sa isang operasyong pinamunuan ng US sa Maguindanao, na nagdulot ng pinakamatinding krisis pampulitika sa rehimeng US-Aquino.

Ang mga pahayag ni Duterte sa ekonomiya ay tulak din ng tuluy-tuloy, malawak at matunog na protesta laban sa mga pahirap na patakaran ng rehimeng US-Aquino.

Walang duda: hindi si Duterte ang magdudulot ng tunay na pagbabago sa bansa; nasa sambayanang Pilipino – kasama ang marami niyang tagasuporta – ang hamon, tungkulin at kapangyarihang iyan. At wala pa ring tunay na pagbabago sa ating bayan.

Pero nagpapakita si Duterte ng kahandaang tumulong sa pakikibaka para sa tunay na pagbabago. Mahalaga ang pagkilos ng sambayanan para patatagin siya sa paglihis sa mga dikta ng gobyerno ng US, at para tuparin ang mga pangako niya lalo na sa ekonomiya. At kahit magawa niya ang lahat ng ito, hindi pa rin lubos na giginhawa ang nakakaraming Pilipino hangga’t hindi naibabagsak ang naghaharing sistema sa bansa.

Sa ganitong kalagayan, makaisang-panig at hindi patas na basahin ang mga pahayag ni Duterte hinggil sa “independyenteng patakarang panlabas” sa balangkas lang ng “gera kontra-droga.” Mas masahol, ang ganitong balangkas ng pagbasa ay ginagamit ngayon ng gobyerno ng US para pagmukhaing masama ang gobyernong Duterte sa mata ng daigdig.

museum-of-contemporary-art5

Anuman ang paghusga ng mga Pilipino sa mga akusasyon ni Edgar Matobato, na nagpapakilalang dating mamamatay-tao ng Davao Death Squad, laban kay Duterte sa pagdinig ng Senado, ginagamit ang mga ito ngayon sa internasyunal na midya para patatagin ang dominanteng balangkas ng pagbasa sa pagtuligsa ni Duterte laban sa US – na ito’y pagtatakip lang sa mga paglabag sa karapatang pantao na ibinubunsod ng gera kontra-droga.

Marapat lang ang pagkondena at pagprotesta sa mga pagpatay bunsod ng gera kontra-droga ng gobyerno ni Duterte, pero hindi sa paraang minamaliit o niyuyurakan ang mga pahayag niya pabor sa independyenteng patakarang panlabas, at iba pang paglihis niya sa mga dikta ng gobyerno ng US. Nasa interes ng sambayanang Pilipino na itulak ang gobyernong Duterte na isulong ang independyenteng ugnayang panlabas.

Sa kabilang banda, sa totoo lang, minimal pa rin ang nagagawa ni Duterte sa pagsusulong ng independyenteng patakarang panlabas, kaya madaling mabansagan ang kanyang mga pahayag na “salita lang.” Pero, sa panimula, mahalaga ang mga salita; mahirap maisagawa ang mabibigat na hakbangin nang walang pag-aanunsyo ng mga ito. Kaya marapat lang ang ginagawa ng Kaliwa: ang papurihan ang mga pahayag kasabay ng paghamon na tapatan ito ng aksyon.

Kalimutan mo man ang kasaysayan, tiyak na hindi ka kakalimutan nito, sabi ng isang awtor. Magbulag-bulagan man ang mga komentarista sa mga paglihis ni Duterte sa mga dikta ng gobyerno ng US, tiyak na bantay-sarado at markado ang mga ito ng gobyerno ng US mismo. At mahalagang balik-aralan ang mahabang rekord nito sa destabilisasyon, pagkudeta, at paggera pa nga sa mga gobyernong sumasalunga rito.

Malinaw ang bidyo ng press conference ni Duterte: hindi niya minura si Obama, gaya ng ipinagpuputok ng butsi ng mga balita. Pero baka wala nang silbing maghabol na ituwid ang lumaganap. Interesante ang pagkakamaling ito ng kapitalistang midyang dayuhan at lokal: dahil sa totoo lang, sa mga pahayag at hakbangin niya sa simula ng kanyang termino, maliit pa man ang mga ito para sa sambayanang Pilipino, tiyak na para sa gobyerno ng US ay para na rin itong minura ng pangulo.

20 Setyembre 2016

Galing ang mga larawan sa Facebook account ng isang kaibigan.

Magandang artikulo ng historyador na si Ferdinand C. Llanes tungkol sa masaker sa Bud Dajo at Bud Bagsak na inilunsad ng mga Amerikano at pinatampok sa midya nitong nakaraan ni Duterte. Pinapalawak daw ni Duterte ang kaalaman ng mga tao, sabi ni Andrea Malaya M. Ragragio.

Isa, dalawang huling artikulo ni Prop. Jose Maria Sison at artikulo ni Mong Palatino, lahat tungkol sa gobyernong Duterte. Basahin din ang isinulat ni Paul L. Quintos at Arnold Alamon.

Maging Hugo Chavez ng Pilipinas

Duterte4

“Si Rodrigo Duterte ay hindi ang Hugo Chavez ng Pilipinas, kaya hindi siya dapat suportahan ng Kaliwa at ng masang anakpawis.”

Ito ang buod ng sanaysay nina Herbert Docena at Gabriel Hetland na “Why Duterte is not – and is unlikely to be – a socialist” na inilimbag sa Rappler.com noong Hunyo 29 at pinaikli at inilimbag bilang “Why Duterte is unlikely to pursue socialism” sa Philippine Daily Inquirer noong Hunyo 30.

Dito, naglahad ang mga awtor ng sumada ng rekord ni Duterte sa pagiging mayor ng Davao City at ng kalipunan ng mga pahayag at hakbangin niya mula noong eleksyon hanggang bago ang panunumpa niya bilang pangulo ng Pilipinas nitong Hunyo 30. Ikinumpara nila ito sa mahigit isang dekadang rekord bilang pangulo ng Venezuela ni Hugo Chavez, na lumaban sa mga neoliberal at militaristang dikta ng US sa kanyang bansa at sa mundo, at nagsulong ng pang-ekonomiya at pampulitikang kagalingan ng kanyang mga kababayan.

Anila, may mga maka-Kaliwa at maging anti-Komunista pa nga na nagpapahiwatig na si Duterte ang Chavez ng Pilipinas o magiging Chavez ng Pilipinas. Pero ang totoo, kaya lumaganap ang pagbanggit kay Chavez kaugnay ni Duterte ay dahil sa mga pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) mismo at ng pambansa-demokratikong Kaliwa sa bansa. Hindi malinaw kung bakit hindi ito binanggit nina Docena at Hetland, pero ganyan ang karamihan ng mga sulatin ni Docena: kritikal sa CPP at sa pambansa-demokratikong Kaliwa, tahas man o hindi.

Sa kabuuan, sekundarya lang sa sanaysay ang mahabang paghahambing kina Duterte at Chavez, paraan lang para idiin ang pangunahin nilang punto: mali ang pakikipag-alyansa ng Kaliwa kay Duterte.

Pero ang pagbanggit ng CPP at Kaliwa kay Chavez kaugnay ni Duterte ay hindi bilang pagpapahayag ng pagsusuri, na si Duterte ay isang Chavez, kundi ng hamon – na si Duterte ay maging isang Chavez. Ibig sabihin, madaling makita na hindi si Duterte ang Chavez ng Pilipinas, o hindi pa. Pero ibig bang sabihin ay hindi na siya dapat suportahan ng Kaliwa at ng masang anakpawis, gaya ng sinasabi nina Docena at Hetland? Ibig bang sabihin ay mali ang taktika ng CPP at ng Kaliwa sa pagharap sa kanya, gaya ng sinasabi ng mga may-akda?

Malinaw na ang pagsisikap nina Docena at Hetland ay ang magbuo ng progresibong pagsusuri kay Duterte: gumamit sila ng makauring pagsusuri, dinala nila ang talakayan sa dapat na taktika ng Kaliwa, at tumatanaw sila sa tunay na pagbabagong panlipunan sa bansa.

Duterte3

Pero napakalimitado ng kanilang paraan ng pagsusuri – ang pagkukumpara kina Duterte at Chavez. Sa kanilang mga kamay, ang makulay na mga pahayag at hakbangin ni Chavez at maging ang makulay na mga pahayag at hakbangin ni Duterte ay ginagamit sa balangkas ng isang dahop at makitid na pagsusuri. Maaaring progresibo ang kanilang analisis, pero kulang na kulang para maging Marxista. Kulang na kulang din sa pagtatakda ng wastong pagharap na maka-Kaliwa kay Duterte.

Bantog na inilarawan ng Marxistang pilosopong si Georg Lukacs, sa History and Class Consciousness [1971] ang Marxismo, kaugnay ng makauring kamalayan ng proletaryado, na “pagsisikap patungo sa lipunan sa kabuuan nito (aspiration towards society in its totality).” Ibig sabihin, kailangan ng mapagbuo (totalizing) na paggagap sa lipunan: sa pang-ekonomiyang istruktura nito, sa mga uring panlipunan at pwersang pampulitika na bumubuo rito, sa kanilang mga obhetibong interes, sa kongkretong kasaysayan ng kanilang pagtutunggalian, at iba pa. Malayo sa ganito ang pagsusuri nina Docena at Hetland.

Una, wala silang pagkilala na may mga pahayag at hakbangin si Duterte na pabor sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino. Pinapalabas nila na ang tanging positibo sa mga pahayag at hakbangin niya ay kaugnay ng CPP at ng buong Kaliwa bilang mga organisasyon o pampulitikang pwersa: pagtatalaga ng mga maka-Kaliwang opisyal sa gabinete at muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.

Pero maraming pahayag at hakbangin si Duterte na para sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino – at iyan ang pangunahing tinatanganan ng Kaliwa. Nawala ang mga ito sa larawang nilikha nina Docena at Hetland. Mga pahayag at hakbangin itong nakadireksyon laban sa kontraktwalisasyon, mapanirang pagmimina, at katiwalian; libreng irigasyon para sa mga magsasaka; pamamahagi ng coco levy funds; Freedom of Information; mas mataas na badyet sa mga serbisyong panlipunan; dagdag-pensyon sa Social Security System; pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal; at iba pa. May mga pahayag siyang nakatanaw sa independyenteng patakarang panlabas, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Totoo, marami rito, wala sa kanyang “10-Point Economic Program.” Pero todong ibinida naman niya ang mga ito sa masang anakpawis at sambayanan at umani ng malawak na pagsuporta – higit pa nga sa nabanggit na programa. Magagamit na batayan ang mga ito para ipaglaban ng masa at sambayanan na tuparin niya.

Ikalawa, wala silang pagsusuri sa mga mayor na pampulitikang pwersa sa bansa. Ang nabanggit lang nila ay ang “masayang pagkilala” ng “Goldman Sachs, Bloomberg at iba pang grupong pang-negosyo” sa pagkakahalal ni Duterte. Paano naman ang pagdedeklarang muli ng gobyerno ng US na terorista ang CPP at New People’s Army bago binuksang muli ni Duterte ang usapang pangkapayapaan? Ang babala ng World Bank laban sa pangako ni Duterte na ipapatigil ang kontraktwalisasyon? Ang mga kumpanya ng pagmimina na nagprotesta sa itinalaga ni Duterte na sekretaryo na may saklaw sa operasyon nila?

Duterte8

Makaisang-panig sa negatibo ang pagsusuri nila kay Duterte mismo. Minaliit nila ang tatlong dekadang pakikipagtulungan nito sa Kaliwa, partikular sa NPA mismo. Hindi man siya nagpatupad ng sosyalismo sa Davao, may mga hakbangin siya doon na mas abante kaysa sa kalakaran sa Pilipinas. Hindi nila gagap ang importansya na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, may pangulo ng Pilipinas na nagmamalaking dating miyembro ng Kabataang Makabayan, miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan, “maka-Kaliwa” at “sosyalista” pa nga, at may malapit ang ugnayan sa mga Komunista at armadong Kaliwa – bukod pa sa maraming kritikal na pahayag laban sa oligalrkiya sa bansa at gobyerno ng US.

Mas mahalaga, wala sa kanilang pagsusuri ang malawak na masang anakpawis at sambayanang Pilipino. Sila na naghahanap ng pagbabago at nakatingin ngayon kay Duterte – dahil sa pagsahol ng krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal, dahil sa pagkalantad sa kabulukan ng neoliberal at militaristang paghahari ni Noynoy Aquino, dahil sa pag-upak ni Duterte sa rehimeng Aquino, at dahil sa mga pangako niyang tumutugon sa matagal nang mga kahilingan ng masang anakpawis at ipinakete pa nga sa “tunay na pagbabago.” Sila ang pinakamahalagang pwersang pampulitika dahil nasa kanilang kamalayan at pagkilos ang hinaharap ng administrasyong Duterte.

Ikatlo, wala silang pagsusuri sa tinakbo ng mga pangyayari na humantong sa pagkakahalal ni Duterte. Hindi nagsimulang malakas na kandidato si Duterte: noong una’y kaduda-duda kung may pondo at makinarya siya para sa isang pambansang kampanya at nagtuluy-tuloy lang ang pangunguna niya sa mga survey isang buwan bago ang halalan. Pero dahil sa kanyang pagdistansya at pagtuligsa sa rehimeng Aquino at maging sa bulok na sistemang pinaghaharian ng oligarkiya at dahil sa kanyang mababangong pangako, nagkaroon siya ng maraming masugid na tagasuporta, humamig siya ng napakaraming boto, at nabigo ang iskemang talunin siya sa pamamagitan ng pandaraya.

Dahil tahimik sina Docena at Hetland sa kung paano ipinatupad ni Chavez ang mga progresibong hakbangin, nalilikha ang impresyon na isang buhos ang mga ito – na mali. Sa kanyang sanaysay na “Social and Political Diversity and the Democratic Road to Change in Venezuela” [2014, nasa librong Latin America’s Radical Left: Challenges and Complexities of Political Power in the Twenty-First Century na inedit niya], sinabi ni Steve Ellner, propesor sa Venezuela, na dumaan sa limang yugto ang pagkapangulo ni Chavez.

Sa mga salita ni Ellner: Una, 1999-2000, moderatong patakarang pang-ekonomiya at moderatong diskurso. Ikalawa, 2001-2004, pagbubuo ng mga batas na anti-neoliberal. Ikatlo, 2005-2006, paglitaw ng balangkas ng bagong modelong pang-ekonomiya sang-ayon sa pagbibigay ng bagong kahulugan sa pribadong pag-aari at diskursong pabor sa sosyalismo. Ikaapat, 2007-2008, pagsasabansa ng mga batayang industriya. At ikalima, 2009-2013, pag-agaw sa pag-aari (“expropriation”) ng malalaking kumpanya pangunahin para makipagkumpitensya ang gobyerno sa pribadong sektor.

Duterte5

Paliwanag niya, “Naimpluwensyahan ang proseso ng radikalisasyon ng mga hangarin ng mga sektor na pampulitika at panlipunan sa loob ng [kilusang Chavista] at ng pang-ideolohiyang tanaw ng pamunuan, pero sa malaking bahagi ay tugon din ito sa mga aksyon at taktika ng mga kalaban ng gobyerno.”

Sa isang pakahulugan, kahit si Hugo Chavez, hindi nagsimula bilang Hugo Chavez ng Venezuela. Siya mismo, naging Hugo Chavez ng Venezuela sa takbo ng kanyang pamamahala, sa gitna ng pakikipagtunggali para sa mga progresibong mithiin niya at ng kilusang sumusuporta sa kanya kontra sa mga kalaban nito.

Mula sa kanilang makitid na pagsusuri, naghapag sina Docena at Hetland ng puna sa Kaliwa at panukalang dapat gawin ng Kaliwa. Tutol sila sa pakikipag-alyansa at Kaliwa kay Duterte. Kesyo hindi raw ito ang mas “mature” at mas “sopistikado” na “estratehiya para kamtin ang katarungang panlipunan.” Kung gaano kayaman ang kanilang karanasan sa pagsusulong ng rebolusyon at sa buong-panahong pakikibaka para sa tunay na pagbabagong panlipunan para gumawa ng ganitong paghusga, hindi natin alam.

At kung ano ang dapat na pagharap kay Duterte, hindi nila masabi nang direkta. Hindi raw Hugo Chavez ng Pilipinas si Duterte, pero dapat daw humalaw ng hakbangin sa mga mamamayang Venezuelan sa naging pagharap nila kay Chavez: “nanindigan sila, mapagbantay na ipinagtanggol ang kanilang awtonomiya, at pinaigting ang antagonistikong mga mobilisasyon laban sa mga elite ng Venezuela na suportado ng US at nagsisikap na patalsikin ang mga sosyalista – habang, kaalinsabay, patuloy na nagdidiin ng presyur sa mga sosyalista na nasa kapangyarihan.”

Ang mapupulot dito ay ang kagustuhan nina Docena at Hetland na ang Kaliwa ay magdiin ng presyur kay Duterte. Pero ang totoo, pumurol sa siping iyan ang direksyon ng sulatin nila. Ang lohikal na tinutumbok nila ay ang ilantad at labanan ang gobyerno ni Duterte, halos walang kaibahan sa naging pagharap ng Kaliwa sa kakatapos ng rehimeng Aquino. Iyan ang tinutungo ng mabangis nilang bansag-pagsusuri rito: “maka-Kanang populista na nagtatago sa kasuotang ‘sosyalista’,” “gustong palakasin ang neoliberalismo,” at may layuning “palakasin sa halip na hamunin ang kapitalismo.”

Dito na sila tinangay ng kanilang makitid na pagsusuri: Hugo Chavez lang ang susuportahan; kung hindi Hugo Chavez, ilantad at labanan. Hindi mahalaga ang mga partikular na kalagayan. Baka kahit sina Evo Morales ng Bolivia at Rafael Correa ng Ecuador, na itinuturing na hindi kasing-radikal ni Chavez, ay hindi pumasa sa kanilang gawa-gawang pamantayan.

Duterte7

Sa balangkas ng pakikipag-alyansa sa gobyernong Duterte, inilatag ni Prop. Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng CPP noong Hunyo 10 pa lang sa sulating “Prospects Under the Duterte Administration,” kung paanong matitiyak ang paglakas ng rebolusyonaryong pakikibaka sa ilalim ng gobyernong Duterte.

Aniya, “Anumang kasunduan at alyansa sa pagkapangulo ni Duterte ay dapat mabibigyang-katwiran sa paglilingkod sa pambansa at demokratikong mga karapatan at interes ng sambayanang Pilipino. Hangga’t ang naturang pagkapangulo ay umaabante sa ganitong direksyon, anumang pagkontra sa sarili, kagaspangan, o kakulangan dahil sa mga hakbanging ginawa o hindi ginawa ay maaaring maging paksa ng kritikal na pagsusuri at konstruktibong panukala. Papanatilihin ng mga makabayan at progresibong pwersa ang kanilang independensya at inisyatiba. Dapat magmantine ng balanse ng pakikiisa at pakikitunggali, na ang huli ay laging dapat nakatuntong sa makatarungan at makatwirang batayan, na may layuning paunlarin o palakasin ang alyansa.”

Mas mahalaga, malinaw ang pangunahing panawagan niya, hindi lang sa kabataang Pilipino marahil, kundi sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino: “ipagpatuloy ang lahat ng kanilang pagsisikap na pagkaisahin ang sambayanan para sa pagbabagsak sa sistemang malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng digmang bayan at sa paglubos sa pambansa-demokratikong rebolusyon.”

Pero kaduda-duda kung maniniwala rito sina Docena at Hetland. Isa pang problema sa kanila ang walang batayan, kung hindi man irasyunal, na galit sa Kaliwa – sa mga Komunista at sa mga kadikit nila.

Anila, si Duterte ay nakipag-alyansa lamang “sa isang seksyon ng kaliwa” bilang mayor ng Davao. Tahimik sila na ang tinutukoy ay ang pinakamalaki at pinakamilitanteng seksyon ng Kaliwa sa Davao at buong Mindanao na kinabibilangan pa ng armadong lakas.

Parang nakangising kinukutya nila ang mga sekretaryong maka-Kaliwa na itinalaga ni Duterte sa gabinete sa pagtawag sa kanilang “enthusiastic.” Ano kaya ang magandang salin nito? Sabik? Sabik sa kapangyarihan? Sabik sa tungkulin nang hindi alam ang buong kalagayan? Para bang bukod na pinagpala ng kaliwanagang progresibo sina Docena at Hetland.

Pinapalabas nilang makikipagkasundo ang CPP at NPA sa usapang pangkapayapaan sa gobyernong Duterte kahit pa mangangahulugan ito ng “mas malalim na pagpasok ng kapital” sa kanayunan. Malinaw ang unang pangungusap sa sipi kay Sison sa itaas, gayundin ang pangunahin niyang panawagan. Tanging mga galit sa CPP at NPA ang maniniwalang papayag silang maging kasangkapan para payapain ang kanayunan pabor sa mga imperyalista at mga lokal na naghaharing uri.

Hindi man nila naipaliwanag, ang huling panawagan ng kanilang sanaysay ay “Tungo sa isang nagsasarili, independyenteng Kaliwa.” Walang dahilan na isiping ang CPP o ang pambansa-demokratikong Kaliwa ang kanilang tinutukoy – kundi isang kilusan, nasaan man, na nakabukod at kritikal sa mga ito.

Duterte2

Bagamat may pana-panahong pakikiisa siya sa mga ipinapaglaban ng Kaliwa, tuluy-tuloy ang pagtuligsa ni Docena sa huli. Noon, mula sa perspektibang neoliberal at repormista gaya ng Akbayan; ngayon, mula sa perspektibang tila ultra-Kaliwa. Pero konsistent ang lapit: pagtuligsa.

Kaalinsabay ng kakapusan nina Docena at Hetland sa Marxistang analisis sa kongkretong mga kalagayan sa bansa ay ang kanilang di-kritikal na paggamit ng maka-Kaliwang teorya sa pagsuri sa kalagayan ng bansa.

Ang lagom nila sa magiging papel ng mga maka-Kaliwang opisyal ng gabinete ni Duterte: “mas malamang na hihilingin lang sa kanilang gawin ang papel na masayang ipinahintulot ng kapital sa kaliwa sa kasaysayan: ang linisin ang kanilang kalat – at akuin ang sisi.” Lapat ba sa kasaysayan ng Pilipinas ang ganitong paglalahat? Kaliwa ng anong bansa ang kanilang nilalait?

Pero mas malalim ang suliranin sa lagom nila sa “rebolusyon” na inilulunsad ni Duterte, hindi pa man nag-uumpisa, na galing sa Italyanong Komunistang pilosopo na si Antonio Gramsci. Anila, maglulunsad si Duterte ng “pasibong rebolusyon” – “isang rebolusyon mula sa taas na gumagamit ng maka-kaliwang retorika, gumagamit ng mga maka-kaliwang indibidwal, at nagpapakilos pa nga ng ‘masa’ para sa dulo ay palakasin sa halip na hamunin ang kapitalismo.”

Ayon kay Domenico Losurdo, Marxistang pilosopo, tinutukoy ng “pasibong rebolusyon” sa mga sulatin ni Gramsci “ang tuluy-tuloy na kakayahang mag-inisyatiba ng burgesya na nagtatagumpay, maging sa historikal na yugto kung kailan tumigil na itong maging tunay na rebolusyonaryong uri, na lumikha ng makabuluhang mga transpormasyong sosyo-pulitikal, pinapanatili nang may seguridad sa sariling mga kamay ang kapangyarihan, inisyatiba at hegemonya, at iniiwan ang mga uring anakpawis sa kanilang kalagayan ng pagkaduhagi (subalternity).”

Sa sanaysay niyang “The limits of passive revolution” [2010] kung saan galing ang sipi kay Losurdo, inilinaw ni Alex Callinicos, Marxistang iskolar, na ang tineorya ni Gramsci sa konseptong iyan ay ang pagpapanatili ng burgis na paghahari “sa isang epoka ng krisis, gera at rebolusyon.” Partikular ang mga mayor na pagbabago sa Italya – pangunahin ang Risorgimento ng ika-19 na siglo at sekundarya ang paghahari ng pasismo sa pangunguna ni Benito Mussolini. Ipinakita niyang binanat ni Gramsci ang konsepto mismo at tinuligsa niya ang lalong pagbanat dito sa kasalukuyan.

Kailangan ng malalimang pagsusuri, samakatwid, sa kalagayan sa Italya sa mga panahong nabanggit at sa Pilipinas sa kasalukuyan para mapangatwiranan ang paggamit ng konsepto ng “pasibong rebolusyon” sa gobyerno ni Duterte. Isang antas sa moda ng produksyon; isa pa sa pampulitikang sitwasyon. Hindi ito ginawa nina Docena at Hetland, sa kabila ng tila malaking pagkakaiba ng Risorgimento at pasismo sa kapitalistang Italya sa isang banda at ng malakolonyal at malapyudal na Pilipinas sa ilalim ni Duterte sa kabila.

Duterte6

Anuman ang kawastuhan ng paggamit ng konsepto ng “pasibong rebolusyon” ngayon sa Pilipinas, mali ang pagtingin nina Docena at Hetland na mas ang imperyalismong US at mga naghaharing uri sa bansa ang makikinabang sa pakikipag-alyansa ng Kaliwa sa gobyernong Duterte.

Malinaw ang mga pahayag ng Kaliwa kung paanong lalakas ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kasalukuyang kalagayan, ginagabayan ng mga prinsipyo ng pakikipag-alyansa, ng pagtatakwil sa repormismo at pagsusulong ng pakikibaka para sa reporma sa balangkas ng pagpapalakas ng rebolusyon, at tuluy-tuloy na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

Sa panig nina Docena at Hetland, naglahad sila ng sariling “estratehiya” ng pagharap sa gobyernong Duterte. Hindi natin alam kung tunay nilang maisasapraktika ito, labas sa paggamit dito para tuligsain ang Kaliwa at magpabango sa mga indibidwal at grupong anti-Komunista at anti-Kaliwa sa labas ng bansa.

Pero lumang tugtugin na ito: mas malamang na mangyari kaysa sa prediksyon nila sa Kaliwa na, pagkatapos ng ilang taon, dahil sa kadahupan sa ideolohiya, mananatiling walang rehistro sa pulitika ang kanilang kilusan at mananatiling maliit ito bilang organisasyon.

16 Hulyo 2016

Galing ang mga larawan sa Facebook Page na President Rodrigo Duterte.

Botong Protesta sa Eleksyong 2016

Duterte1

(1) Botong protesta laban sa gobyerno ni Pang. Noynoy Aquino. Ito ang isa sa pinakamatibay na paliwanag sa pagkapanalo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang pangulo sa eleksyong 2016. Kung paano, iyan ang magandang bigyan ng masinsing paliwanag.

Ilang hinala: Una, sa lahat ng tumakbong pangulo, si Duterte ang pinakamatalas sa paglalarawan sa kasalukuyan ng bansa bilang negatibo, bilang may kakulangan: malaganap ang krimen at paglabag sa batas, at iba pa. Ikalawa, sa lahat ng tumakbong pangulo, at marahil hindi lang sa eleksyong ito kundi maging sa mga nauna, siya ang nagbigay ng pinakamatapang na mga pangako: paparusahan ang mga kriminal at lumalabag sa batas, at iba pa. Sa diagnosis at prognosis na ito nakasuporta ang track record niya bilang mayor ng Davao City.

Ikatlo, sa lahat ng tumakbong pangulo, siya ang tuluy-tuloy na tumuligsa sa inendorso ni Aquino na si dating Interior and Local Government Sec. Mar Roxas at kay Aquino mismo. Ang tatlong nabanggit ang ibinalot sa pakete ng “Tunay na Pagbabago” na ipinangako niya. Ikaapat, ginawa niya ang lahat ng ito sa paraang mauunawaan at matatandaan ng masa: matapang laban sa masasama, may malasakit sa mahihirap, may kapasyahan sa pamumuno, at pana-panahong kengkoy.

(2) Hindi nagsimulang malakas ang kampanya ni Duterte. Pero mayroon ito, simula’t sapul, ng pursigidong makinarya mula sa samu’t saring pwersang pampulitika: mga tagasuporta sa Davao at Mindanao, loyalista ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, loyalista ni Sen. Bongbong Marcos, seksyon ng militar at pulisya, grupong kontra-krimen, at iba pa.

Naging gasolina ng makinaryang ito ang mga pinasok na kontrobersya – positibo at negatibo – ni Duterte sa panahon ng kampanya. Minaksimisa nila ang social media at ang masayang tawaging “daldal media” – iyung tinatawag na “word of mouth” na sinasabing nananatiling pinaka-epektibo sa pagbebenta ng kalakal – para ikampanya si Duterte.

Sa paglakas ng popularidad ni Duterte, at sa mga pahayag niyang pabor sa malalaking negosyo – kasabay ng minsan ay direktang kakontrang mga pahayag pabor sa maralita – bumuhos ang suporta ng malalaking kapitalista. Sa dulo, nakikipagtagisan na siya sa mga kalaban sa dami ng patalastas sa midya ng mga burges-komprador. Sa dulo, panay na ang pahayag ng malalaking kapitalista na kahit sino ang manalo sa eleksyon ay tatanggapin nila at patuloy na “uunlad” ang bansa. Ang pagsuportang ito ng mga burgesya-komprador ang malinaw na repleksyon ng pagsuporta, bagamat nahuli at napilitan lang, ng imperyalismong US sa kanyang kandidatura.

Duterte2

Malinaw na inihanda ng rehimeng Aquino ang makinarya at elektronikong pamamaraan para ipandaya si Roxas. Nagsikap itong gawing kapani-paniwala ang pinaplano noong pandaraya sa pamamagitan ng opensiba sa propaganda. Pero masyadong huli na ito sa tinakbo ng kampanyang elektoral, abstrakto (diktadura bersus demokrasya), at elitista (disente bersus bastos). Hindi na nito nagawang itaas si Roxas sa mga sarbey para maging kapani-paniwala ang pandaraya pabor sa kanya.

Sa ganitong kalagayan, malakas ang naging dating ng mga pagbabanta ng iba’t ibang grupo, kasama ang Kaliwa, laban sa pandaraya – na walang iba kundi pandaraya laban kay Duterte. Gayundin ang napakalaking pagtitipon ng mga tagasuporta niya sa Luneta noong Sabado na bisperas ng eleksyon. Naging malinaw sa lahat na mananalo lang si Roxas sa pamamagitan ng pandaraya, at si Duterte ang pangunahing biktima. Sa dulo, hindi na nagawang nakawin pa kay Duterte ang pagkapanalo bilang pangulo ng bansa.

(3) Dito mahalagang ilugar ang pagpapalutang ng Communist Party of the Philippines ng posibilidad kay Duterte na maging isang Hugo Chavez – pangulo ng Venezuela na noong una’y nagpatupad lang ng mga makabuluhang reporma para sa maralita at mamamayan at paglao’y mulat nang lumaban sa pinakamasasahol na diktang neoliberal at militarista ng imperyalismong US sa kanyang bansa. Bilang pangulo, naging kampeon siya ng masa, kakampi ng Kaliwa at kalaban ng mga naghaharing uri at ng imperyalismong US.

Nanalo si Duterte dahil sa paglawak ng kanyang popularidad sa hanay ng masa at mamamayan, dahil sa pagbabantay at pagbabanta nila laban sa anumang pandaraya laban sa kanya. Noong una’y tila direktang tutol ang mga naghaharing uri at ang imperyalismong US sa kandidatura niya, pero nitong huli’y napwersa na silang sumuporta.

Malinaw rin ang mga pahayag ni Duterte: “tunay na pagbabago” ang pangako niya, bagamat sa balangkas ng namamayaning sistemang panlipunan. Aniya, siya ay “sosyalista,” siya ang magiging unang pangulo ng Pilipinas na “maka-Kaliwa,” at ang ipapatupad niya kung manalo ay halaw sa “sosyalismo.” Hindi rin niya itinago ang matagal na niyang ugnayan sa Kaliwa, hanggang sa mismong CPP at New People’s Army.

Anuman ang pagtanggap sa mga pahayag na ito ng malawak niyang tagasuporta, malinaw namang pagbabago ang sigaw nila. At ito ang mabigat na presyur ngayon kay Duterte. Ngayong nanalo na siya, ibibigay ba niya ang tunay na pagbabagong ipinapanawagan ng malawak na masa at mamamayang nagtiwala sa kanya?

Duterte3

Kung oo, kailangan niyang sumandig sa masa at mga mamamayan at sa Kaliwa mismo. Tiyak na lalabanan siya ng mga naghaharing uri at imperyalismong US. Tiyak na kakasangkapanin nila ang bise-presidente, Senado, at Kongreso laban sa kanya. Kung hindi naman, malalantad at mahihiwalay siya sa malawak na mamamayang bumoto sa kanya, gayundin sa Kaliwa na prinsipyadong pumupuri kapag may dapat purihin at tumutuligsa kapag may dapat tuligsain.

(4) Hindi nangangahulugan ang pagkapanalo ni Duterte na walang pandaraya sa eleksyon sa pagkapangulo. Sa naging resulta, pumangalawa si Roxas, pumangatlo si Sen. Grace Poe, pumang-apat si Bise-presidente Jejomar Binay, at pumanglima si Sen. Miriam Defensor-Santiago. Malaking anomalya ito kung ibabatay sa tinakbo ng eleksyon.

Ang hinala ko, at maging ng ibang napagtanungan, binawasan ang boto nina Duterte, Poe, at Binay para palabasing pangalawa si Roxas. Pinakamalaking binawasan si Poe, na konsistent na pinakamalapit na kalaban ni Duterte. Ang naging hudyat para palabasing kapani-paniwala ang paglipat ng mga botante ni Poe kay Roxas: ang panawagan nina Roxas at Aquino kay Poe na umatras. Nang tumanggi ang huli, pinalabas na masama siya, kaya naglipatan umano ang mga botante patungo kay Roxas – na malaking kasinungalingan. Hindi naman kumagat sa opinyong publiko ang paspasang pananakot nina Roxas at Aquino laban sa pagkapanalo ni Duterte, kaya imposibleng naging masama ang imahen ni Poe nang tumanggi itong umatras. Kaya imposibleng lumipat ang mga botante niya kay Roxas.

Bakit kailangang pumangalawa ni Roxas? Una, para sa dangal ng paksyon ng naghaharing uri na kinakatawan niya at ng rehimeng Aquino: mga lumang lahi ng komprador-haciendero-pulitiko, na hindi pwedeng basta ilampaso na lang ng dalawang bagong salta na sina Duterte at Poe. Matatandaan ang eleksyong 2010: hindi pinayagang maging pangalawa si Sen. Manny Villar, at kinailangang ilagay rito si dating Pang. Joseph Estrada. Ikalawa, para maging kapani-paniwala ang pagkapanalo ni Cong. Leni Robredo bilang bise-presidente.

(5) Marami ang naniniwalang hindi man nagawang ipanalo si Roxas sa pamamagitan ng tambalan ng propaganda-pandaraya ay naipanalo naman si Robredo sa pamamagitan nito. Alam ng lahat na ang kapangyarihan, pondo, makinarya, at pamamaraan para mandaya ay hawak ng rehimeng Aquino.

Narito rin ang motibo para mandaya at iluklok na bise-presidente si Robredo: ang kagustuhang makaligtas sa pagpapanagot sa malulubhang krimen laban sa sambayanang Pilipino. Sa pagkakahalal ni Robredo, magkaroon ng pwersa sa gobyerno ni Duterte na hahadlang, o kahit paano’y pepreno, sa pagpapanagot kay Aquino at mga susing opisyal ng rehimen nito.

Duterte4

Ngayon, may dagdag pang pakinabang ang rehimeng Aquino sa pagpapanalo sa kanya: ang pasunurin si Duterte sa kanilang mga kagustuhan – sa galawan sa pulitika, patakarang pang-ekonomiya, patakarang panlabas, at iba pa – sa pamamagitan ng banta ng pagpapatalsik at pagpalit ni Robredo.

Sa nakaraan, walang nagagawa ang bise-presidente kapag presidente na ang nagtulak ng hakbangin o patakaran. Ang kaibahan ngayon, hawak ng Liberal Party, kasama ang mga loyalista pa nga nina Aquino at Roxas, ang Senado at Kongreso. Maaaring mauso muli ang mga balimbing at maglipatan patungo kay Duterte; maaari ring hindi at maging mga kakampi ni Robredo.

(6) Bakit posibleng si Marcos talaga ang nanalo sa eleksyon sa pagka-bise? Una, ang pangunahing penomenon ng eleksyong 2016 ay si Duterte at ang botong protestang kinakatawan niya. Si Marcos, higit pa nga sa katiket ni Duterte na si Sen. Alan Peter Cayetano, ang nakaangkas sa paglakas ni Duterte at sumakay rin sa naturang botong protesta: sa usapin ng mensahe ng kampanya, bagamat hindi direktang tuligsa sa rehimeng Aquino, at makinarya sa kampanya.

Ikalawa, may pagmumulan ng boto si Marcos: bukod sa solidong Norte ay ang Silangang Visayas kung nasaan ang mga kaanak niyang Romualdez at ang ilang balwarte ng mga kapanalig ni Arroyo. Bukod pa diyan, usap-usapan sa mga komunidad na matagal nang naglatag ang kandidatura ni Marcos ng makinarya: iba’t ibang paraan ng pagrerekluta ng mga lider sa barangay kapalit ng pera. Hindi kataka-takang maliban lang kay Roxas, lahat ng kandidato sa pagkapangulo ay nakipaglaro sa kanya.

(7) Sa kabilang banda, naging kapani-paniwala ang paglakas sa mga sarbey ni Robredo at pagkapanalo niya. Siya ang kalaban na talagang tumuligsa kay Marcos – bagay na nagpatampok sa umano’y pagiging walang bahid niya ng korupsyon. Hindi gaanong nakaupak si Sen. Chiz Escudero, dahil naglingkod ang tatay niya sa diktadurang Marcos, bagamat hindi rin naman lumutang ang datos na ito.

Sa paglaban sa pagkapanalo ni Marcos, posible talagang lumipat ang mga botante mula kay Escudero patungo kay Robredo. Mas totoo ang pangamba, lalo na ng mga nasa panggitnang uri, sa pagkahalal kay Marcos kaysa sa pangamba sa pagkahalal kay Duterte na likha ng rehimeng Aquino. Nariyan, syempre pa, ang buong pondo at makinarya para sa pangangampanya ng rehimen para kay Robredo.

(8) Muling pinatunayan ng resulta ng eleksyon sa Senado na iba ang paggalaw nito kumpara sa paggalaw ng eleksyon sa presidente at bise-presidente. Ang nanalo ay iyung matagal nang kilala o nakilala ng mga botante sa iba’t ibang dahilan at may pondo at makinarya para manalo. Tiyak ding ipinandaya ang mga kandidato sa pagkasenador na kakampi nina Aquino at Roxas. Hindi porke’t galing sa partido ni Aquino na Liberal Party ang karamihan ng nanalo ay hindi totoong may botong protesta sa presidente at bise-presidente. Mas maipagpapalagay na inaasahan ng mga mamamayan na susunod ang Senado sa sasabihin ng mahahalal na presidente.

Duterte5

Nanalong senador, matapos ang dalawang pagtatangka, si Cong. Risa Hontiveros ng pseudo-progresibong grupong Akbayan. Nakamit niya ang panalong ito sa pamamagitan ng tuluyang pagtanggal ng pagpapanggap na progresibo sa pagiging reaksyunaryo niya. Sa laki ng ginastos niya sa patalastas sa midya ng malaking kapitalista, imposibleng hindi galing iyun sa pondo ng gobyerno.

Lumiit ang botong natanggap ng Akbayan, naging mahigit 590,000 na lamang, bumagsak mula sa pangunguna sa eleksyong partylist noong 2010. Hindi naisalba ng malaking pondong galing sa gobyerno ang lalong pagkawala ng organisadong lakas nito. Sinong maralita at mamamayan nga naman ang mamumulat, maoorganisa, at mapapakilos para ipagtanggol ang rehimeng Aquino? Mas malamang din na ang mismong mga organisador nito ay nahatak na ng mga opisina ng gobyerno. Hindi rin naisalba ng dilawang ginto nito ang pagkakalantad nito bilang tagapagtanggol at tagapaglingkod ng rehimeng Aquino.

Ibig sabihin, malaking bahagi ng pagkapanalo ni Hontiveros ang nakasandig sa pondo ng gobyerno na biyaya ng rehimeng Aquino, gayundin sa makinarya ng huli. Pero para sa isang kandidatong todong nakasandig sa pondo at makinarya ng rehimeng Aquino, hindi naging loyalista kina Aquino at Roxas si Hontiveros. Hindi siya dumikit nang husto kay Roxas sa panahon ng kampanya at hindi siya naging asong tagaatake laban kay Duterte o iba pang kandidato sa pagka-presidente.

(9) Natalo naman sa karera sa pagka-senador si Cong. Neri Colmenares ng Bayan Muna, kandidato ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan. Kapansin-pansin pa rin ang kawalan ng pondo ng kanyang kandidatura para makipagsabayan sa mga nangunang kandidato sa pagkasenador sa pangangampanya. At kahit ang mga natalo ay nagsigastos din nang malaki.

Sa kabilang banda, umabot ang kanyang boto sa 6.4 milyon, na makabuluhang pag-abante sa botong natanggap ng mga naunang kandidato sa pagka-senador ng Makabayan. Tumaas din sa 3.9 milyon ang botong natanggap ng lahat ng progresibong partylist sa ilalim ng Makabayan. Maipagpapalagay nang resulta na ang parehong numero ng pandaraya para bawasan ang boto. Anu’t anuman, sa ganitong bilang, pinagtibay ng Makabayan ang pagiging pinakamalakas na grupong elektoral ng Kaliwa sa bansa.

Tiyak na nakapagpalaki sa boto ng Makabayan sa eleksyong 2016 ang malakas na pagsusulong ng mga kaibigan nitong pambansa-demokratikong organisasyon sa mga laban ng sambayanan kahit sa panahon ng kampanyang elektoral. Ang mga susing salita: pension hike sa Social Security System, protesta para sa bigas sa Kidapawan City at buong Mindanao, paglaban sa panunumbalik ng pamilyang Marcos sa Malakanyang, kontraktwalisasyon, pandarahas sa kababaihan, mas mataas na sahod, at iba pa. Sa batayan ng mga isyung ito, lalong nailantad na kontra-mamamayan at naihiwalay sa sambayanan ang rehimeng Aquino.

Sa lalong paglalantad at paghihiwalay sa rehimeng Aquino, malaki ang naiambag ng pagsusulong ng mga pambansa-demokratikong organisasyon sa mga laban ng sambayanan sa naging resulta ng eleksyon sa pangulo at pangalawang pangulo.

16 Mayo 2016

Galing ang mga larawan sa iba’t ibang Facebook Pages ng kandidatura sa pagkapangulo ni Duterte.

Pahayag ng Communist Party of the Philippines: mas hinggil sa usapang pangkapayapaan bago ang eleksyon at mas masaklaw na pagsusuri pagkatapos ng eleksyon. Isa, dalawa, tatlong pahayag ni Prop. Jose Maria Sison tungkol sa pagkapanalo ni Duterte at kakatapos na eleksyon. Pahayag ng Makabayan: pagsuporta sa mga hakbanging maka-mamamayan.

Pagsusuri nina E. San Juan, Jr., Marxistang intelektwal, ni Richard Javad Heydarian, liberal na manunuring pampulitika, at ni Alex Magno, neoliberal at maka-Kanang kolumnista. Huwag din nating kalimutan ang mga pahayag ni Mon Casiple, “manunuring pampulitika” ng Akbayan.