Tag Archives: tropang Kano

Marami Yankee Marawi

Hannah Hoch1

Mayo 23, nagsimula ang pag-atake ng Maute Group at Abu Sayyaf sa Marawi City – bilang tugon, huwag nating kalimutan, sa naunang pag-atake ng Armed Forces of the Philippines. Sa parehong araw, idineklara ni Pang. Rodrigo Duterte ang batas militar sa buong Mindanao.

Hunyo 09, mahigit tatlong linggo pagkatapos, nakitang lumilipad sa himpapawid ng Marawi ang eroplanong P3 Orion ng US Navy, ginagamit para sa paniniktik o intelligence sa mga submarine. Ilang araw pagkatapos, kinumpirma ng US Embassy ang “pagtulong” ng mga “special operations forces” ng US sa militar ng Pilipinas sa paglaban sa mga grupong terorista. Sinabi rin nitong ang gobyerno ng Pilipinas ang siyang humingi ng tulong.

Ayon sa tagapagsalita ng AFP, “Wala tayong sapat na kagamitang paniktik, kaya humingi tayo ng tulong sa militar ng US.” Paliwanag niya sa ibang balita, “Sa isang labanan o lugar ng labanan, ang pinakamahalagang bagay para sa isang kumander ay malaman kung ano ang nangyayari sa buong lugar… ang tinatawag na ‘kaalaman sa sitwasyon (situational awareness)’.”

Ayon naman sa isang opisyal-militar ng US, ang tulong ay sa porma ng “paniniktik at pagtarget mula sa himpapawid, paniktik sa larangang elektroniko, tulong sa komunikasyon, at pagsasanay.”

Madiin sa pagsasabi kapwa ang mga opisyal-militar ng US at Pilipinas na ang tulong ay teknikal, hindi sa pagsabak sa aktwal na labanan. “Walang bota sa lupa,” ang paborito nilang ekspresyon. Malinaw sa batas ng Pilipinas ang pagbabawal sa paglahok ng mga tropang dayuhan sa mga armadong labanan sa bansa.

Pero ayon sa Pentagon ng US, bukod sa 50-100 tropang Amerikano na nasa Mindanao para sa “rotational exercises” sa loob ng maraming taon bago ang pag-atake ng Maute Group at Abu Sayyaf, nagdagdag na ito ng 300-500 tropa sa Pilipinas para suportahan ang “mga regular na pagsasanay at aktibidad.”

Ayon muli sa opisyal-militar ng Pilipinas, pinapayagan ang mga tropang Kano na humawak ng mga baril. “Hindi sila sangkot sa aktwal na labanan pero kung ang mga (Maute) ay makalusot sa ating depensa at makapasok, kailangan din nilang protektahan ang kanilang sarili kaya pinapayagan namin silang [magdala ng mga armas].”

Hannah Hoch2

Bagamat lantad ang pagtulong ng US sa larangan ng paniktik, sa aktwal ay may pagbubukas sa, kung hindi pa man indikasyon ng, paglahok sa armadong labanan ng mga tropang Kano sa bansa. Bagamat katanggap-tanggap ito sa mga maka-US – dahil sa napakasamang imahen ng terorismo at sa napakamabuting imahen ng US, na hindi makatotohanan – paglabag ito sa soberanya ng Pilipinas, sa kontrol ng sambayanang Pilipino sa ating teritoryo.

Sa kanyang mga pahayag, dumistansya si Duterte sa paglahok ng mga tropang Amerikano sa krisis sa Marawi.

At inaasahan na ito. Matatandaang ilang beses siyang nagsalita nang palaban at nang kontrobersyal laban sa marahas na pananakop ng US sa bansa, sa nagpapatuloy nitong kontrol sa Pilipinas, at partikular sa presensyang militar nito sa bansa. Malinaw niyang sinabi na ang gusto niya ay “independyenteng patakarang panlabas.” Ipinahayag din niya ang pagbaling sa Russia at China mula sa US.

Ayon sa pangulo, “Wala akong nilapitang Amerikano para sabihin, ‘Tumulong kayo’.” Iginiit niya na kayang harapin ng militar ng Pilipinas ang krisis sa Marawi sa sarili nito.
Hindi raw niya alam ang pagtulong ng mga tropang Amerikano sa AFP sa Marawi bago naganap ang pagtulong. Aniya, “Hindi ko alam iyan, pero sa ilalim ng batas militar, ibinigay ko ang kapangyarihan sa defense department.” Matatandaang si Defense Sec. Delfin Lorenzana ang itinalaga niyang tagapangasiwa ng batas militar.

Anu’t anuman, aniya, “Nagpapasalamat na rin ako. Nandiyan na iyan.” Dagdag pa niya, at makahulugan ito, “ang ating mga sundalo ay maka-Amerikano, iyan ang hindi ko maitatanggi.”

Sa kagyat, inililigtas ni Duterte ang sarili sa harap ng hindi pagtutugma ng mga pahayag niyang palaban sa US at ng hakbanging ito na nakasunod sa US. Sa isang banda, maaaring oportunista ito: palusot para patuloy na makapagsalita laban sa US, at sa gayo’y maipagpatuloy ang pagpapanggap na makabayan at makakuha ng mga pakinabang sa pakikipag-usap sa Russia at China, habang sa aktwal ay tumatanggap pa rin ng tulong mula sa US – at nagbubukas pa nga sa pakikipagmabutihan ito.

Hannah Hoch3

Sa kabilang banda, maaaring prinsipyado ito: paggigiit ng anti-US na tindig sa isang antas, pag-atras sa kagyat para mas maipaglaban ang independyenteng patakarang panlabas sa hinaharap, habang kinikilala ang panganib na banggain ang totoo namang napakalakas na kontrol ng US sa militar at ang kakayahan ng huli na maglunsad ng kudeta laban sa kanya.

Tumitining din ang isang mahalagang kaibahan. Ang deklarasyon ng batas militar sa buong bansa ni Ferdinand Marcos noong 1972, nagmula sa malinaw na suporta ng US at kontrol sa militar. Ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanao ni Duterte ngayong 2017, nagpalakas sa kontrol ng US at militar sa kanya, at nagsasara ng mga pagbubukas na ginawa niya para makadistansya sa US at manyutralisa o makabig ang militar sa ganitong direksyon.

Maagap ang mga babala ng mga komentarista ng mga publikasyong kritikal sa US, mula sa perspektibang maka-Russia at maka-China. Ayon sa mga komentaryo nina Whitney Webb ng MintPress at Robert Bridge ng RT, ang paglahok ng mga tropang Amerikano sa krisis sa Marawi ay maaaring bahagi ng isang pakana para patalsikin si Duterte bilang pangulo.

Malinaw si Bridge sa pagsasabing ang ISIS ay likha ng US, at kasalukuyang ginagamit ng US para labanan at ibagsak ang gobyerno ni Pangulong Bashar Assad ng Syria na hindi sumusunod sa dikta ng US. Aniya, ang pagpakat ng mga pwersang militar ng US sa Pilipinas ay posibleng may ibang layunin bukod sa paglaban sa Maute Group at Abu Sayyaf sa Marawi – ang aktwal na patalsikin si Duterte.

Si Webb naman, sa kabilang banda, ay nagdiin sa malapit na ugnayan ng militar ng US at militar ng Pilipinas noon at ngayon. Aniya, ang mga kudeta sa Ikatlong Daigdig na suportado ng US sa kasaysayan ay humikayat sa mga militar na direktang patalsikin o huwag sundin ang pangulo sa pwesto. Bukod pa rito, aniya, ginagamit ng US ang ISIS para idestabilisa at ibagsak ang mga lider ng mga bansa na hindi sumusunod sa mga dikta ng US.

Hannah Hoch4

Pareho sina Bridge at Webb sa pagsasabing ang ugat ng ganitong pagkilos ng US laban kay Duterte ay ang pagtindig ng huli laban sa US at pabor sa Russia at China. At alam ni Duterte ang panganib ng kanyang mga hakbangin, sa sipi ni Webb: “May sinabi ako tungkol sa [pagtanggal] sa mga tropang Kano, isang araw, sa aking termino, kung makaligtas ako sa [Central Intelligence Agency], mayroon pa akong limang taon.”

Sa isang banda, masama ang mga layunin ng US: mula sa pwersahin si Duterte na sumunod sa mga dikta nito at kumalas sa Russia at China hanggang sa ilatag ang kalagayan para maging madali ang patalsikin siya sa pwesto. Marumi ang mga pamamaraan nito: gamitin ang Maute Group, Abu Sayyaf at ISIS, at maaaring ang militar; magdulot ng matinding pagdurusa sa mga mamamayan ng Marawi; lalong atakehin, sa balangkas ng batas militar, ang baseng masa ng Kaliwa na nagtutulak ng independyenteng patakarang panlabas at tunay na pagbabago; at palakasin ang kontrol nito sa militar at sa gobyerno.

Sa kabilang banda, ang naging tugon ni Duterte ay ang pagpapatianod o oportunistang pagsang-ayon nang may pagdistansya. Anuman ang kanyang mga pahayag at mga motibo niya sa mga ito, ayon nga sa Communist Party of the Philippines, “Sa pagdedeklara ng batas militar sa Mindanao, pagbibigay ng lubos na kapangyarihan sa militar at pulisya na sinanay ng US at nakaasa sa US, pagpapakat ng libu-libong naka-armor na tropang panlupa at pag-uutos ng pagbomba gamit ang mga bombang Amerikano, inilatag ng rehimeng Duterte ang perpektong palusot para makialam ang militar ng US.”

Sa dulo, ang nanganganib ay ang gobyerno ni Duterte mismo. Sa kagyat ay napahigpit ang kontrol dito ng US at ng mga maka-Kanan sa militar at gobyerno. Sa matagalan ay posible itong patalsikin ng naturang mga pwersang pampulitika. Pero ang kagyat at matagalang panganib ay sa sambayanan: kasama na ang pag-atras sa pagsusulong ng ipinangakong independyenteng patakarang panlabas at tunay na pagbabago, ang pagbabalik sa dating gawi, antas-Noynoy Aquino, dogmatikong maka-US, neoliberal at pasista.

“Ang kapangyarihang pampulitika,” sabi nga ni Mao Zedong, “ay nagmumula sa dulo ng baril.” Alam ito kapwa ng US at ng mga alagad nito sa militar at gobyerno sa isang banda, at ni Duterte sa kabila. At mahalaga ang kapangyarihang pampulitika para magdulot ng mga reporma hanggang at lalo na sa larangan ng ekonomiya. Sa pagpapahigpit ng US sa kontrol nito sa militar at gobyerno, at kung hindi papalag si Duterte at ang sambayanan, mahahadlangan ang anumang pagbabagong maaaring itulak ni Duterte sa patakarang panlabas, pulitika at ekonomiya ng bansa.

20 Hunyo 2017

Galing ang mga likhang-sining ni Hannah Hoch, rekomendado ni ng Komunistang historyador na si Eric Hobsbawm, dito.

Reimbensyon ng Diskursong Kolonyal

Maraming problematiko at kaprote-protesta sa “Restoring US presence,” editoryal ng Philippine Daily Inquirer na lumabas noong 30 Enero. Sinang-ayunan at binigyang-katwiran nito ang pagtagal at pagsaklaw, o ang lubusang pagbabalik, ng presensyang militar ng US sa Pilipinas. Gumamit ito ng maraming kasuklam-suklam na taktika sa propaganda para ibenta ang nasabing posisyon.

(1) Sinasang-ayunan nito ang paglilihim ng gobyerno ng US at Pilipinas sa nagaganap na negosasyon hinggil sa pagtagal at pagsaklaw ng mga tropa at kagamitang militar ng US sa bansa. Kinatigan nito ang palusot para sa naturang paglilihim: May “mga pampulitikang sensibilidad” daw na makakanti ng “lubusang pagbabalik ng presensyang militar na Amerikano.” Mapanganib ang ganitong tindig ng midya, parang panahon ng gera: ipinapailalim ang katotohanan, na alam namang gustong malaman ng mga mamamayan, sa itinuturing na interes sa seguridad.

(2) Tinatawag nitong “lumang emosyunalismo” ang sentimyento kontra sa base-militar ng US sa bansa. Sa ganito, ibinasura nito ang nasyunalismo na ipinakita ng sambayanan sa paglaban para palayasin ang mga dating base ng US. Kung babalikan ang debate hinggil dito mahigit 20 taon na ang nakakalipas, makikitang ang mga kontra-base ang may mga batayang rasyunal at hindi emosyunal sa pagpapalayas sa mga base, habang karamihan ng mga sinasabi ng mga tagapagtanggol ng base ay nakaugat at nagpapalakas sa mga kaisipang atrasado at kolonyal.

(3) Binabaluktot nito ang pagtingin ng mga kontra-base sa pangangailangang palayasin ang mga base-militar ng US, sa pagsasabing parang pagputol sa umbilical cord ng anak sa ina ang pagbasura sa tratado para sa pagpapatagal ng mga base sa bansa. Hindi nito kayang ilahad nang matapat ang pagtingin ng mga kontra-base. O ang kaya lang nitong ilahad ay ang pagtutol ng mga pulitiko sa base. Para sa marami sa mga kontra-base, hindi nakabubuhay na ugnayan ang namayani sa pagitan ng US at Pilipinas sa mahabang panahon, kundi nakamamatay. Kasuklam-suklam din ang implikasyon na hindi maisisilang ang Pilipinas kung hindi dahil sa US.

(4) Pinagmumukha nitong iisang entidad ang Pilipinas kasabay ng pagsasabing napangibabawan na nito ang nabanggit na lumang emosyunalismo. Sa ganito, pinagtatakpan nito na ang mga naghaharing uri, hindi ang nakararaming pinaghahariang uri, ang may kontrol sa patakarang panlabas ng bansa. Sa mga naghaharing uri, hindi pagkapawi ng anumang emosyunalismo ang naganap, kundi pagpapatuloy ng pagiging sunud-sunuran sa US – na napaatras ng malakas na protesta ng mga mamamayan. Anu’t anuman, binabansagan nito ng “lumang emosyunalismo” ang pagtutol ng mga mamamayan sa presensyang militar ng US para maibasura ito – na para bang isa lang itong lumang bagahe na dapat itapon.

(5) Pinalalabas nitong nasaktan ang US sa pagpapalayas sa mga base-militar nito sa Pilipinas. Muli, pinagmumukhang isang entidad ang US. Sa panig ng mga naghaharing uri ng US, hindi naman talaga umalis ang presensyang militar ng US sa bansa, kaya walang dahilan para masaktan. Sa panig ng mga mamamayang Amerikano, may seksyong tutol rin sa pagkakaroon at pagpapalawak ng base ng US sa bansa at sa mundo. Higit pa riyan, para bang emosyon o damdamin ang namamayani sa gobyerno ng US sa pagpapasaklaw ng presensyang militar nito sa buong mundo – hindi ang malamig at malupit na kalkulasyon ng pagsusulong ng sariling interes, batay sa pagsusuri ng US State Department at Central Intelligence Agency.

(6) Lumilikha ito ng pag-asa na posible ang “isang kasunduang kapaki-pakinabang sa dalawang panig” mula sa hungkag na pag-asang natuto na dalawang bansa sa mapapait na karanasan ng kanilang espesyal na ugnayan. Paanong natuto? May pagkilala bang dapat sa Pilipinas ikulong ang mga tropang Amerikanong nakagawa ng krimen sa bansa? Pinahigpit ba ang pagbabawal sa paglahok ng mga tropang Amerikano sa mga armadong labanan na internal sa bansa? Ibinukas ba man lang sa inspeksyon ang mga kagamitang militar ng US sa posibleng paglabag sa pagbabawal ng Konstitusyon sa armas-nukleyar? Para sa gobyerno ng Pilipinas, walang mapait na karanasan sa tropang Amerikano, at niyayakap nito nang buo ang interes ng US. Sa ganyang kalagayan, isang ilusyon o pantasya ang magkaroon ng pantay na kasunduan.

(7) Pinapaasa nito ang mga mambabasa, ang mga nasa panggitnang uri, sa pangakong tulong-militar ng US. Pinagtatakpan nito samakatwid ang mahabang karanasan ng bansa sa mga base-militar ng US. Sa loob ng mahigit apat na dekada ng pananatili ng mga base ng US sa bansa, pinaasa ang mga mamamayan sa tulong-militar, na kesyo imomodernisa ang militar. Pero hanggang ngayon, kailangan pa rin itong imodernisa. Puro mga lumang kagamitan ang ibinigay at dagdag-gastos pa nga sa mga mamamayan – hindi talaga tulong ng umano’y kaibigan.

(8) Pinagmumukha nitong ang interes ng Pilipinas kaugnay ng Tsina ang pangunahing dahilan sa pagpapalawak at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa. Mapanlinlang at mapanganib ito sa mga mamamayan. Ang totoo, ang interes ng US ang pangunahing dahilan ng kampanya nitong magpalawak at magpatagal ng presensyang militar sa Pilipinas. Gusto nitong takutin at palibutan ang Tsina, na isa ngayong lumalakas na kapangyarihan sa mundo. Pero hindi iyan nangangahulugang ipaglalaban talaga ng US ang Pilipinas kung gagawa ng anumang probokasyon ang Tsina. Masalimuot ang rekord ng US sa ganito: may panahong pinapahintulutan ang pananakop, may mga panahong hindi. At marami mang laban ng US na ipinambala ang mga Pilipino, wala pang direktang laban ang US para sa mga Pilipino. Ang punto: iba ang interes ng US at iba ang interes ng Pilipinas.

(9) Sinisiraan nito ang Kaliwa sa bansa, sa pagpapalaganap ng kasinungalingan na tahimik ang huli sa mga pahayag at aksyon sa Tsina, na tinawag nitong “treasonous” o “pagtataksil sa bayan.” Para magmukhang kapani-paniwala ang ganitong kasinungalingan, inugat pa ang umano’y pananahimik sa oryentasyong “Maoista” ng Kaliwa. Ang totoo, kinondena at tinutulan ng Kaliwa ang mga pahayag at aksyon ng Tsina, pero pinatampok din ang mas malaking panganib na dulot ng pagsamantala ng US sa usapin. Ang puntiryahin ang Tsina sa ilang aksyon at pahayag nito nang niyayakap ang US sa mahigit sandaang taong rekord nito sa bansa – iyan ang pagtataksil sa bayan. Hindi tutuligsain ng Kaliwa ang Tsina dahil Maoista ito? Para iyang pagsasabing hindi tutuligsain ng mga naniniwala kay Hesukristo ang Israel – kahit pa kontra-Kristiyano ang mga patakaran nito.

Sa pagtindi ng malubhang pang-ekonomiyang krisis sa mundo, tiyak na lalakas ang tulak ng US na magpalawak ng presensyang militar sa iba’t ibang panig ng mundo at mag-udyok ng gera sa iba’t ibang bansa. Ipinapakita ng editoryal ng Philippine Daily Inquirer ang kapasyahan ng US, ng gobyerno at ng midya na maglunsad ng reimbensyon ng diskursong kolonyal para bigyang-katwiran ang pagpapasaklaw at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa.

Sa kalakhan, walang bago sa reimbensyon ng diskursong ito. Pero kumukuha ito ng lakas sa deka-dekadang pagbura sa kasaysayan ng pagsasamantala ng US sa bansa at ng paglaban dito ng mga Pilipino. Malinaw ang hamon sa mga makabayan: ang paigtingin ang pagbabalik-aral at pagbibigay-buhay sa mahabang tradisyon ng kontra-kolonyal, kontra-imperyalista at makabayang kamalayan at kultura.

“At nasa negosyo ng imperyo na tayo simula 1898. Ipinangako natin sa mga Pilipino ang kanilang kalayaan mula sa Espanya. Tapos, nagbago tayo ng isip, at pumatay ng tinatayang 200,000 sa kanila sa proseso ng pag-Amerikanisa sa kanila.” – Gore Vidal, Imperial America, 2005.

11 Pebrero 2012

Galing ang mga larawan dito.

Napakalungkot na balita: patay na ang napakahusay na mang-aawit na si Whitney Houston. Isa, dalawa, tatlo sa paborito kong live na pagtatanghal niya. Sumusulat ako ng parangal.