“Progress” affects few. Only revolution can affect many.
– Alice Walker

Nagkalat ngayon sa Kamaynilaan – hindi ko lang alam kung maging sa mga probinsiya – ang naglalakihan at naghuhumiyaw na mga tarpaulin ng gobyerno na may larawan ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, nakangiti, at may islogang “Ramdam ang Kaunlaran.” Hindi mo kailangang maging iskuwater sa estero para masabing hindi totoo iyan. Para itong pagsasabing “Mahina na ang NPA.” Kung totoo, bakit kailangan pang sabihin? Pero maraming sinasabi ang tarp hinggil sa mga taktika ng rehimeng Arroyo at sa pang-ekonomiyang krisis sa bansa. 

(A)

Posibleng naisip ng mga tagagawa ng taktika’t propaganda ng rehimen ang paglalabas ng ganitong prop noong simula ng taon. Posible ring ngayon lang.

(1) Pagdating sa pagkapit-tuko sa puwesto, malayong tumanaw ang rehimen. Kaya posibleng naplanong ilabas ang ganitong prop noong simula pa lang ng taon. Kung tutuusin, wala naman talaga ni babala ang gobyerno noong bungad ng taon na kaliwa’t kanang magpuputukan ang mga krisis sa yugtong ito ng 2008. Hibang na hibang ito noon sa pagyayabang sa “kaunlaran” ng ekonomiya. Patunay ang ganito na napakalabo ng pagtanaw nito sa hinaharap pagdating sa kabuhayan ng masa at posibleng nagulat din ito sa pagputok ng matinding krisis.

Kung tutuusin, iba ang pinagkakaabalahan ng rehimen bago pumutok ang krisis, partikular ng bigas. Iniluluto nito noon ang (a) Charter Change, sa bagong palusot ng pederalismo at sa tulong maging ng mga senador na oposisyunista, (b) pagbaba ng hatol – na malamang ay “guilty” – sa mga sundalong Magdalo na kalahok sa pag-aalsang Oakwood noong 2004, at (c) muling panggigipit sa mga kongresista ng progresibong mga party-list gamit ang gawa-gawang mga kaso. Sa atmospera nga naman ng “kaunlaran,” mas madaling ilusot ang mga ito.

(2) Pagdating sa pagkapit-tuko sa puwesto, halang ang kaluluwa ng rehimen. Kaya posibleng naplanong ilabas ang ganitong prop nito mismong pumutok ang krisis sa ekonomiya. Sa pinakamabait na pagbibigay-kahulugan, pagpapakita ito ng optimismo ng rehimen na makakabangon sa krisis ang bansa: “Wow! Ang lakas ng fighting spirit! Baka naman hindi matindi o magtatagal ang krisis.” Puwede ring panghatak ito sa optimismo ng mga tao: “Baka naman, sa kabila ng krisis, umuunlad talaga ako, o ang iba. Bakit kaya nasabi ito ng gobyerno?”

Anu’t anuman, malinaw na alam ng rehimen na hindi totoo ang sinasabi ng tarp. Pinakahuling patunay ang paghingi ni Pang. Arroyo ng kapangyarihang pang-emergency sa Kongreso para krisis sa enerhiya at pagkain. Alam nitong lintek ang instabilidad ng sistemang pang-ekonomiya at naghahanda ito, hindi para lutasin ang krisis, kundi para labanan ang paglakas ng protesta sa pagtindi ng kahirapan. Malamang, iniisip nitong mailulusot ang ganitong panlilinlang dahil wala pang malakas na protesta at pagkilos ng mga mamamayan kaugnay nito.

(Galing ang magandang larawan sa glennmichael.deviantart.com.)

(B)

Dahil nanganganib at patuloy pang manganganib ang buhay ng rehimen sa pagtindi ng krisis sa ekonomiya, kailangan nitong magmaniobra sa opinyong publiko. Sa isang pagtingin, sintomas ang ganitong pagtugon ng disposisyon ng rehimeng huwag gumawa ng mga hakbanging magbibigay ng tunay na ginhawa, kahit pansamantala, sa mga mamamayan – pagtanggal sa VAT, “pagtimpi sa pagkaganid” ng mga kartel at korporasyon, paliitin ang pambayad-utang, atbp.

Tampok na halimbawa ng ganitong maniobra – paglilihis ng atensiyon ng midya at publiko, sa partikular – ang ginagawa ng rehimen ngayon sa Meralco. Siyempre, marami talagang dapat silipin sa pagtubong-nilugaw ng Meralco sa pinaghirapang kita ng mga mamamayan. Pero marami pang puwedeng gawin ang rehimen para magbigay ng kagyat na ginhawa sa mga tao. At ang hindi paggawa ng rehimen sa mga bagay na ito ay patunay na iba ang motibo nito.

Anu’t anuman, alam mong nasa delikadong posisyon ang isang rehimen kapag nakasandig na nang malaki ang buhay nito sa atensiyon at opinyong publiko. Malaki ang magagawa ng kritikal na midya at malakas na kontra-propaganda ng mga puwersang oposisyunista para sirain at baligtarin ang propaganda ng rehimen. At dahil alam ng mga mamamayan sa kanilang sikmura ang totoo, bukas ang mga kaisipan, na puwedeng magpagalaw nang kakaiba sa katawan.

Sa isang banda, masasabing nagamay na ng rehimen ang pagharap sa mga krisis pampulitika – pagsuhol o pagbili sa mga kalaban, sagutan sa propaganda, paggamit sa militar, pulisya at mga korte, atbp. Maipagpapalagay na kumahog ito ngayon para gamayin ang pagharap sa pang-ekonomiyang krisis na walang kaparis sa huling kasaysayan. Kahit ang pagsisikap ng rehimeng pagtakpan ang krisis sa pulitika noon, natulungan ng pangako nitong umuunlad ang ekonomiya.

Patuloy ang sistema at rehimen sa pagpapalabas at pagpapalakas sa diskuntento at galit ng mga mamamayan. Sa ngayon, ayaw pa ng rehimeng Arroyo na gumawa ng mga hakbanging papawi sa diskuntento at galit, kaya paglihis at pagpapakalat ng puntirya ng huli sa ibang direksiyon ang ginagawa ng rehimen. Makapagbigay man ito ng pansamantalang ginhawa, hindi pa rin mawawala ang diskuntento at galit, at nakaambang lumusob at sumalpok dito.

Sa mga e-group, may balita sa Bansalan, Davao del Sur, tungkol sa mga taong pumila nang maaga para makabili sa “Bigasan ng Bayan” ng gobyerno. Hindi nakapag-almusal ang karamihan sa kanila, at nabuwisit sila noong inanunsiyong alas-2:00 pa ng hapon magbubukas ang tindahan. Binato ng isang lalaki ang imahen ni Gng. Arroyo sa isang tarp, na pagkatapos ay pinilit haltakin at tanggalin ng mga tao. Sa dulo, nagmartsa sila patungo sa opisina ng meyor ng bayan.

Ang pamagat ng mensaheng e-mail: Senyales ng panahon (signs of the times).

10 Hunyo 2008