Bago ito: isang araw pagkatapos ng eleksyon, parang tapos na rin ang bilangan – hindi katulad dati na umaabot nang ilang linggo at buwan. Presidente na si Noynoy Aquino at bise-presidente na si Jojo Binay, kung hindi umaapela si Mar Roxas sa Malakanyang.

Kondukta ng eleksyong automated
Para sa tulad kong sinikal sa takbo ng eleksyon sa ilalim ng sistemang panlipunan sa bansa, parang hindi kapani-paniwala ang ipinapakitang kredibilidad ng halalan. Oo, hanggang ngayon, kalat-kalat at hindi malalaki ang mga ebidensya para kwestyunin ito – kaya pwedeng sabihing wala akong patunay para tuligsain ito. Pero nasaan naman ang mga patunay na magpapatibay sa kredibilidad ng eleksyon? Masyadong sarado ang sistemang automated sa pagsipat at pagberipika ng ibang grupo bukod sa Comelec. At hindi ito usapin ng pagbanat sa mga nanalo, kundi historikal na duda sa proseso.

Noong umaga lang ng eleksyon, usap-usapan ang hindi pagboto ng maraming botante – dahil sa pagbubungkos ng mga presinto at sa samu’t saring problema ng mga makinang PCOS na parehong nagdulot ng paghaba ng pila sa botohan. Naniniwala akong nagpunyagi ang mga tao para makaboto – hinabaan ang pasensya, ininda ang init, tyinaga ang pila – para maranasan ang unang eleksyong automated ng bansa at para magprotesta rin sa rehimeng Arroyo. Pero hindi ako makumbinsi ng 75% turnout na sinasabi at ipinagbubunyi ng Comelec. Hindi kaya lumobo ito sa ibang dahilan?

Mula sa dating kaliwa’t kanan ang reklamo sa eleksyon, tahimik ngayon ang mga dapat nagbantay ng botohan at bilangan. Ang PPCRV nga, naging tagabilang na lang ng resultang inilalabas din ng makina ng Comelec. Sa isang banda, iyun naman ang layon ng eleksyong automated, ang alisin ang mga bulnerabilidad sa pandaraya ng proseso. Pero ang nangyari, hindi na rin maberipika kung tama pa ang nagaganap – natatakpan ng plastik ng kable, dumadaloy sa alambre at ere. Ang nakakatanaw lang sa buo at pwedeng magsabi na ayos ang lahat ay ang Comelec. Lubos ba ang tiwala natin dito?

Sa mata ng publiko siguro, may kredibilidad ang inilalabas ngayong resulta dahil tugma sa tinakbo ng mga sarbey bago ang botohan. Bago ang 10 Mayo, marami ang nangambang “Garci na de-kompyuter” ang magaganap. Pero noong lumabas ang mga resultang tugma sa sarbey, wala nang pumalag. Ganoon na lang ba iyun? Tiwa-tiwala na lang – sa Comelec, Smartmatic-TIM at sa rehimeng Arroyo? O dapat napapatunayan ang kredibilidad ng eleksyon sa kongkretong pagmamatyag? Ano ito, kaisahang ipinapatanggap bilang demokratiko sa pamamaraang kaduda-duda o awtoritaryan?

Pagkatalo ni Manny Villar
Tumanggap na ng pagkatalo si Sen. Manny Villar kay Noynoy. Tugma ito sa sinabi niya noong bumoto siya noong 10 Mayo, na tatanggapin niya ang resulta basta’t may kredibilidad ito. May mga nakapansin ding nabawasan ang mga patalastas niya sa telebisyon ilang araw bago ang botohan – at pinalitan naman ng katakut-takot na patalastas ni Noynoy. Siguro, naramdaman na niyang patalo na ang kampanya niya kaya hindi na siya lumaban pa. Pero posible ring totoo ang usap-usapan tungkol sa kanya: na hindi siya kumprontasyunal, dala ng pagkahubog sa pagiging negosyante.

Ano man ang dahilan nitong huli, ang pag-iwas ng kampanya niya sa mga bakbakang pulitikal ang tampok na kahinaan nito, at malaking salik, kung hindi man siyang pinakamalaking salik, sa pagkatalo niya. C-5 at Taga, Villarroyo, iba’t ibang isyu ng katiwalian at kalokohan – hindi maagap at matalas ang sagot niya sa mga ito. Eh sa kulturang pampulitika natin, “Mukhang guilty” ang kahulugan ng pananahimik na ganito. Habang agresibo ang kampo ni Noynoy, at nitong huli maging ang kampo ni Erap Estrada, sa pag-atake sa kanya, hindi rin siya agresibo sa pag-atake sa mga ito.

Pagkapanalo ni Noynoy Aquino
Pwedeng kilalanin na nanalo si Noynoy dulot ng malakas na sentimyentong kontra-Arroyo ng mga mamamayan. Matagumpay niyang naipakilala ang sarili bilang kaiba kay Gloria, at kontra pa nga rito – kahit sa larangan lang ng korupsyon, dahil nga hindi naman ito totoo pagdating sa mga patakarang pang-ekonomiya. Mahalaga sa pagkapanalo niya ang positibong propaganda (Mama at Papa, walang bahid) at negatibong propaganda (pag-atake sa mga kalaban) niya – na buong giliw namang ibinudyong sa mga mamamayan ng midyang halatang kamping-kampi sa kanya.

Masaya ang imperyalismong US sa pagkapanalo niya. Napalitan si Gloria na mabaho na sa mga mamamayan, at ng isang pulitikong mabango naman – gayung katulad din ni Gloria na taguyod ng mga neoliberal na patakaran. Tapos, dahil sa pagiging popular ni Noynoy, na ipinakita ng mga sarbey at kinumpirma ng resulta ng halalan – kahit pa kaduda-duda ang aktwal na kondukta nito – wala gaanong angal at protesta sa resulta ng eleksyon, wala gaanong gulo. Tumulong din ang midyang imperyalista at burgis-komprador na ipanalo siya. Sa kabuuan, napapatatag ang sistemang neokolonyal.

Ang tanong: mapapatunayan ba ni Noynoy ang mga ipinangako niya? Tutugisin ba niya si Gloria dahil sa marami’t malulubhang kasalanan nito sa bayan? Higit pa riyan: babaguhin ba niya ang mga patakaran ni Gloria na nagdulot ng kahirapan, gutom at sakit sa nakakaraming mahihirap? Kung batay sa walang kalatuy-latoy na rekord niya sa pulitika, sa papel niya sa Hacienda Luisita, at sa plataporma niya, nakakapagduda. Pwedeng hindi siya mangurakot, pero mapapatunayang hindi sapat iyun, na ang kailangan ay pagbabago sa patakaran, sa sistema, at hindi lang sa namumuno sa bansa.

Pagkatalo nina Satur Ocampo at Liza Maza
Pustahan tayo: sasagarin ng mga kontra-Kaliwa ang pagkatalo sa halalang pang-senador nina Satur Ocampo at Liza Maza para sabihing patunay ito ng pagbasura ng mga mamamayan sa Kaliwa – at may iba ring magsasabing dahil ito sa pakikipag-alyansa kay Villar. Para maupakan ang Kaliwa, kinakaligtaan nila ang bulok at elitistang katangian ng pulitika’t eleksyon sa bansa at ang malakas na atakeng hinarap at laging hinaharap ng mga kandidato ng Kaliwa – mga pag-atake sa propaganda, red-baiting, militarisasyon ng mga erya ng mga tagasuporta, kawalan ng pondo, at iba pa.

Sa kabila ng lahat ng kahirapang ito, hindi rin biro ang nakuhang tatlong milyong boto ng dalawa. Nagamit ang kandidatura nila bilang pagkakataon para umabot ang Kaliwa sa mas marami, at makapagmulat at makapag-organisa para sa matagalang pakikibaka para sa tunay na pagbabago. Nagbigay sila ng halimbawa ng kampanya para sa Senado na prinsipyado at tunay na makabayan – at inilantad ang mga reaksyunaryo sa proseso. Naghahawan ng landas at magbibigay ng maraming aral ang pagtakbo nilang ito para sa mga susunod pang paglahok ng Kaliwa sa reaksyunaryong eleksyon sa bansa.

Ipagyayabang din ng mga kontra-Kaliwa ang ika-13 pwesto ni Risa Hontiveros ng Akbayan, grupong tinawag ni dating Hen. Hermogenes Esperon na “mabubuting maka-Kaliwa.” Pero bukod sa mataas na pwesto, ano ang nakamit nila? Puhunan ba ito para sa anumang proyekto para sa pagbabagong panlipunan? May ganoon pa bang proyekto ang Akbayan? Sa kabila ng pagpabor sa kanya ng Liberal Party, ng pondo niya para sa mga patalastas sa telebisyon, ng pagpuhunan sa “ganda” niya (sabay-sabing “feminista” siya), at kahit repormista lang siya, hindi pa rin siya nanalo.

Ang hinaharap sa rehimeng Noynoy
Lalakas ang pagpanawagan at paghamon sa rehimeng Noynoy na tuparin ang mga pangako nito sa sambayanan. Titindi ang krisis pang-ekonomiyang hinaharap ng bansa, kaya lalakas din ang pagpanawagan ditong baguhin ang mga patakaran ni Gloria. Walang ipinakita si Noynoy na kakayahang gawin ang mga bagay na ito. Sa ganitong kalagayan, malalantad ang rehimeng Noynoy bilang walang ipinag-iba sa naunang mga rehimeng papet, pahirap at kontra-mamamayan. Sasamantalahin ng Kaliwa, na walang ilusyon kay Noynoy, ang pagkakataon para lalong magpalawak at magpalakas.

Ngayon pa lang, gusto nang siraan ng mga kontra-Kaliwang maka-Noynoy ang Kaliwa kung lalaban ito sa rehimeng Noynoy. Kesyo magiging kahanay ng Kaliwa si Gloria sa oposisyon. Marami namang hindi kanais-nais na karakter noong rehimeng Arroyo na kontra-Gloria, pero hindi nakaapekto sa Kaliwa dahil may mga isyung batayan ang pagkontra nito. Napakainam ng kalagayan para sa Kaliwa: ang mga sosyal-demokrata at mga grupong tulad ng Akbayan ay nilamon na ni Noynoy; hamon sa pambansa-demokratikong Kaliwa na pamunuan ang masa at ilinaw ang tunay na alternatiba.

11 Mayo 2010