Teddy Casino campaigning

Kakadikit ko lang ng mga plastik na poster ni Teddy Casiño sa bintana ng bahay namin, at nakakaramdam ako ng pagmamalaki. Paumanhin sa mga kapwa-aktibista sa pagkahuli; hindi ko na bibigyang-katwiran ang mali.

Nangangampanya naman ako. Noon ngang kasal ng kapatid ko, inikot ko ang mga mesa sa restawran para magpakilala na kuya ng ikinasal at manawagan ng pagboto sa manok ko sa Senado. Hindi ko nga lang naihabol sa pagsasalita ko sa graduation party ng pamangkin ko, kaya ite-text ko na lang ang mga dumalo.

Pero iba rin kasi talaga kapag sa bahay magdidikit. May pagka-personal, parang itinataya mo sa kandidato ang pagkatao mo, sa mata ng mga kapit-bahay mo. Ibang klaseng kandidato rin kasi si Teddy: tipong pinapaniwalaan mo kaya ikinakampanya mo. Hindi iyung gusto lang ng kamag-anak mo o kaya may bayad.

Napaisip tuloy ako: Ilang taon na rin ba akong bilib kay Teddy? Mula pa siguro sa maagang bahagi ng pagiging aktibista ko, noong pangkalahatang kalihim pa lang siya ng Bagong Alyansang Makabayan. Lagi naming pinapakinggan ang mga pahayag at pagsusuri niya, lalo na noong pinapatalsik si Joseph Estrada.

Mahusay kasing magsalita si Teddy. Parang maipagmamalaki mong kasama ka sa rali o aktibista ka kapag siya ang nagpapaliwanag. Alam niya ang salimuot ng maraming isyu, at nagagawan niya ng paraan na mapasimple ang paliwanag sa mga ito – nang may kasamang katatawanan at, madalas, galit na makatwiran.

Kahit sa mga tumatakbong senador ngayon, sino ang may kakayahang magpaliwanag ng pribatisasyon ng kuryente gaya ni Teddy? Ng operasyon ng kartel sa langis? Kung bakit nararapat at kayang ibigay ang makabuluhang dagdag-sahod? Kung bakit kontra-magsasaka ang batas ngayon sa reporma sa lupa?

Sa dulo, mahusay si Teddy dahil aktibista siya. Ibig sabihin, inilaan niya ang buhay niya sa pagsusulong ng kapakanan ng nakakaraming mahirap sa lipunan. Pwedeng hindi sang-ayon ang iba sa mga tindig niya, pero pinag-isipan ang mga ito para tiyaking matapat sa interes ng mahihirap at mga Pilipino.

Kung ang mga sarbey ang papaniwalaan, malayo si Teddy sa Top 12. Maraming dahilan para diyan, pangunahin ang kawalan niya ng yaman at makinarya tulad ng malalaking pulitiko. Pero ewan ko, hindi ako nagsasara na maaaring magkaroon ng sorpresa sa resulta ng eleksyon – panalo o malapit sa panalo.

Teddy Casino campaigning2

Anu’t anuman, sa tingin ko, walang talo sa pagkakampanya kay Teddy. Inihahain natin sa publiko ang isa sa pinakamahuhusay na aktibista. Binibigyan natin sila ng pagpipilian labas sa bulok na pulitika sa bansa. Inilalapit natin ang mga panawagan ng mahihirap sa ating lipunan at ang mga panawagang makabayan.

Nakita ko ang kabulukan ng pulitika sa bansa nang suportahan ko noon si Miriam Defensor-Santiago sa pagkapangulo. Nakatulong din sa pagkamulat ni Teddy ang pagsuporta noon kay Cory Aquino. Tiyak, maraming mamumulat kung ang kandidatong mapapalapit sa kanila ay si Teddy Casiño na mismo.

Ang plano ko, ite-text ko ang mga kapwa-aktibista at kaibigan dito sa barangay. Baka pwedeng maglaan kami ng isa o ilang araw para ikampanya si Teddy. Walang humpay na pagbabahay-bahay ng mga tagasuportang may dedikasyon at paliwanag na mahusay. Mayroon ba ang iba niyan? Teddy sa tagumpay!

05 Mayo 2013

Galing ang mga larawan sa Facebook ng Southern Tagalog Exposure. Maraming salamat!

Salaysay ni Carol P. Araullo ng paglahok sa protesta sa Araw ng Paggawa ngayong taon.

Napipilipit ang Philippine Daily Inquirer dahil sa pagkatuta sa rehimeng Aquino. Dalawang siyentista ng bayan tungkol sa pambansang industriyalisasyon – Giovanni Tapang at Kim Gargar.

Magandang pagmumuni ng feministang si Zillah Eisenstein sa terorismo ng US, batay sa dalawang magkasunod na pagsabog na parehong pumatay sa mga sibilyan: Boston at Texas. Larawan ng atakeng neoliberal sa mga unibersidad sa US at UK. Ganito ba ang hinaharap ng Pilipinas?

Nakakatuwa ang intelektwal na si Jodi Dean: “Makikinig ako sa mga ideya sa pag-oorganisa (hindi dahil organisador ako pero dahil gusto kong mag-ambag sa paglikha ng suporta para sa kanila).” Ayon sa artikulong ito, ang pulitikong kumalaban sa inendorso ni Hugo Chavez ay nag-astang mala-Chavez at mahusay maglaro ng pulitika si Chavez.

Isang pagkilala ng Marxistang historyador na si Eric Hobsbawm sa mga musikerong jazz.