(1)
“Ang pagsasabi ng katotohanan,” sabi ng Italyanong Komunistang pilosopong si Antonio Gramsci, “ay laging rebolusyunaryo.” Lagi nga namang ipinapakita ng katotohanan ang pangangailangan at posibilidad ng malalimang pagbabago ng lipunan at mundo na dulot ng pagkilos ng masa at mga mamamayan. Isang hakbang pasulong ang pag-alam sa katotohanan ng masa at mga mamamayan para maudyukan silang makialam, kumilos, mag-organisa at magrebolusyon.
Kaya naman nakakatuwa ang maagap na pagsunggab at pagngasab ng mga komentarista sa kakatapos na State of the Nation Address o SONA ni Gng. Arroyo. Mabilis nilang tinugunan ang mga datos – kalakhan ay tungkol sa ekonomiya – na inilahad niya, sinuri ang mga ito sa iba’t ibang paraan, at inilantad ang mga ilusyon at panlilinlang na gusto niyang palaganapin sa mga mamamayan, partikular sa mas nakakaangat at makapangyarihang mga uri.
Makikita ang nagawa ng mga komentaristang ito: pinasinungalingan ang mga datos na inilahad ni Gng. Arroyo, kinwestyon ang pangkalahatang pagsusuri niya sa lagay ng bansa at mga mamamayan, at nag-ambag sa paghahapag ng tunay na lagay ng bansa. Binigyan nila ng laman at talas ang araw-araw na nararamdaman ng mga mamamayan na hindi bumuti, bagkus sumasahol, ang lagay nila sa ilalim ng rehimeng ito. Nag-ambag sila sa pag-alam sa katotohanan.
(2)
Pero tama ang obserbasyon ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno: “Gustong palabasin [ni Gng. Arroyo] na sinasabi ng mga kritiko niyang walang laman ang kalahati ng baso habang sinasabi niyang may laman itong kalahati.” Dito makikita ang gamit sa rehimen ng madiing pagtuligsa ni Gng. Arroyo sa kanyang mga kritiko sa SONA. Dahil hindi na niya matakasan ang pagtuligsa ng mga ito, sinikap niyang ilugar ito bilang “ibang pagtingin.”
Gusto niyang gawing usapin ng perspektiba ang pagbasa sa kalagayan ng bansa: Kapag kritikal ka sa gobyerno, natural na iyung kahinaan ang makikita mo. Pagkatapos, ang inupakan niya ay ang mga katunggali niyang pulitiko – na hindi naman talaga kumakatawan sa malapad na pagkakaisang tutol sa kanya. Pero kahit sa mga ito, hindi niya tinugunan ang lehitimong mga kritisismo. Pinili niyang tuligsain ang mga motibo at aksyon ng mga katunggali niyang pulitiko.
Sa dulo, pinapalabas niyang ang mga nagsasabing masama ang lagay ng bansa at tumutuligsa sa mga hakbangin niya ay may kanya-kanyang interes na pinapangalagaan at may kanya-kanyang bahong mas masahol sa kanya. Maraming makikita dito: Maruming pamumulitika, tusong pagdadala ng propaganda, pagiging mapaghiganti… Pero ang pinakamasahol na posibleng implikasyon nito ay gusto pa rin niyang manatili sa pwesto, hindi ang bumitaw.
(3)
Naalala ko tuloy ang pagtalakay ni Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian, sa usapin ng ideolohiya. May paborito siyang halimbawa, galing kay Claude Levi-Strauss, bantog na istrukturalistang antropologong Pranses. May naengkwentro raw si Levi-Strauss na tribu kung saan iminamapa ng dominanteng grupo ang lugar nila nang pabilog, habang iminamapa naman ng dinodominang grupo ang lugar nila bilang dalawang espasyong nahahati ng isang hindi-nakikitang bakod.
Ang punto ni Zizek, ang mahalaga sa kasong ito ay hindi ang katotohanan ng bawat pagmapa, hindi rin ang katotohanang makikita kung magpapalipad ng helikopter sa ibabaw ng lugar. Ang mahalagang kilalanin dito ay ang ugnayan ng dalawang grupo sa tribu – bagay na humahadlang, para kay Zizek, sa pinal na pagbubuo ng katotohanan tungkol sa nasabing lugar. Aniya, ganito ang epekto ng tunggalian ng mga uri sa paggagap ng mga tao sa kanilang lipunan.
Masasabi rin sigurong ang pagkakaiba ng pagsusuri ni Gng. Arroyo sa lagay ng bansa at ng mga tumutuligsa sa kanya ay nakaugat hindi lang sa pagtindig sa rehimen, pabor ba rito o hindi – kundi sa tunggalian ng mga uri. Hanggang may tunggalian ng mga uri, laging magkakaroon ng dalawa, o higit pang, pagsusuri sa lagay ng bansa. Hindi maihihiwalay dito ang pagsisinungaling ni Gng. Arroyo sa mga pahayag niya – hindi lang dahil sa katangian ng rehimen niya.
(4)
At hindi matatawaran ang mulat na pagsusulong ni Gng. Arroyo sa interes ng mga naghaharing uri sa siyam na taon niyang panunungkulan. Tulad ng mga namumuno sa Tsina ngayon, at sa Japan sa isang panahon, dating aktibista si Gng. Arroyo – masakit mang aminin. Marahil, hindi lingid sa kaalaman niya ang suri ng Kaliwa sa Estado: na “komiteng tagapagpaganap ito ng mga naghaharing uri” (Engels). At lubos nga niyang ginawang ganyan ang Estado sa ilalim niya.
Hindi tulad ni dating Pang. Joseph Estrada, hindi siya nabagahe ng mga populistang pangako sa mga mamamayan na sinuma ng “Erap para sa mahirap.” Noong 2001 at 2004, lumitaw siyang mas superyor sa kalaban niya sa pwesto. Sa hanay ng mga naghaharing uri, alam nila kung sino ang manok nila. Sa hanay ng mga panggitnang uri, mas may dating ang matalinong alam ang gagawin – anuman ito – kumpara sa tatanga-tanga at lalangu-lango sa pwesto.
Ngayon, sabi ng mga propagandista niya, magiging mas mabait ang paghusga ng kasaysayan kay Gng. Arroyo. Posible, kapag ang nanaig na kasaysayan ay ang sa mga naghaharing uri. “Kahit ang mga patay,” sabi ng Marxistang pilosopong si Walter Benjamin, “ay hindi makakaligtas sa kaaway kapag nagtagumpay siya. At ang kaaway na ito ay hindi pa tumitigil sa pagiging matagumpay.” Pero nagtitiwala akong hindi papayag ang mga mamamayan, lalo na ang Kaliwa na isa ring arkibo ng mga alaala ng mga mamamayan.
(5)
Kaugnay ng tunggalian ng mga uri, naalala ko ang isang panayam ni Satur Ocampo, progresibong mambabatas. Tinanong siya tungkol sa posibilidad ng reedukasyon ng mga naghaharing uri, ng paghikayat sa kanila ng Kaliwa. Sabi niya, mahirap baguhin ang isipan ng mga naghaharing uri. Isang kagyat na dahilan, sabi niya, ang pagiging arogante ng mga ito, ni hindi makikinig at lalong hindi sasalubong sa mga sinasabi ng mga aktibista at progresibo.
Kaugnay ng tunggalian ng mga uri, dito pinakamagandang unawain ang tampok na titik ng kantang “Where is the Love?” ng Black Eyed Peas: “If you never know truth then you’ll never know love.” Kung hindi mo alam ang katotohanan, hindi mo malalaman ang pagmamahal. Marami ang nagsisimula sa pagmamahal sa lahat ng Pilipino. Pero ang katotohanan ay may tunggalian ng mga uri sa bansa natin. Kailangang magmahal tayo, pumanig, sa mayorya.
Naalala ko rin ang mga komentaristang kontra-Arroyo na tumatangging may isang katotohanan sa dapat na estratehiya ng Kaliwa sa bansa, pero madiin sa pagsasabi ng katotohanan tungkol sa lagay ng bansa. Kaugnay ng tindig nila ang sabi ng ilang akademiko, na ang Marxismo raw ay mahusay na armas sa pagsuri sa lipunan, pero hindi kapaki-pakinabang bilang armas sa pagbago nito. Tanggap kaya nila ang tunggalian ng mga uri at ang mga implikasyon nito?
31 Hulyo 2009
Noong kilos-protesta sa SONA, kasama ni Sen. Mar Roxas ang Akbayan. Totoo kaya ang tsismis na magsusuportahan sila sa eleksyong 2010? Kunsabagay, maraming susing tao sa kampanya ni Roxas na sosyal-demokrata. Pero baka malungkot lang siya. Kahit sa pagpapakilos sa lansangan, hirap ang Akbayan.
Nakakatawa ang entri ni Professional Heckler tungkol sa mga tatakbong presidente sa eleksyong 2010. Sa isang banda, nakakatulong ang pagiging mapagpatawa’t kritikal niya sa pagtuligsa sa rehimen. Pero may kailangan sigurong likhaing ibang klaseng katatawanan, kung ibabatay sa sinabi ni Manuel Buencamino: iyung hindi lang tatanggal ng takot, kundi magbibigay ng pag-asa.
Yehey! Malaya na si Elizabeth Principe, manggagawang pangkalusugan, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines at kolumnista ng Pinoy Weekly. Marami nang nasabi tungkol sa kanya, pero gusto ko lang sabihing napakaganda niya. Hayaang ipahayag ng kagandahan ang rebolusyon! Hehe.
Bisitahin ninyo ang website ng Kilusang Mayo Uno, halos araw-araw may nagaganap. May blog din ang mga manggagawa ng KFC na tinanggal sa trabaho nang ang ginagamit na palusot ay ang lie detector test ng manedsment.
Ang galing ni Prop. Tonchi Tinio ng Alliance of Concerned Teachers! Kinumpronta niya ang mga antikomunistang sina Jovito Palparan at Jun Alcover at inudyukan ang mga itong maghisterikal, ilantad ang topak nila. Gaya ng dati, matalas ang entri ni Katrina Stuart-Santiago tungkol sa kaso ni Melissa Roxas.
Na-upload na sa blog ni Prop. Roland Tolentino (ito ang pinakabago) ang mga bago niyang sulatin. Mabuti naman! Marami namang nagbabasa labas sa Facebook eh. Hehe.
Panggagaya raw ang pinakamataas na porma ng pagpuri? Hindi ko alam. Hehe.
naalala ko dati, si J. Palparan tinawagan ko sa RJ Tv na interview nya, re: communism. Syempre, ang sagot nya, “Matagal nang napatunayang mali ang komunismo, sila Marx!” bwahahaha! laugh trip lang.
For more, I guess what seems to be the very bloodline of GMA’s strategy is by firmly embracing the neoliberal logic as the very foundation of her leadership. You would oftenly hear how she asserts by maximizing profit through placing various social and basic commodities or services under a business enterprise and waiting for these investments attract further profit. Much so, she significantly strikes the condition of the Philippine economy under the global financial crisis. She has repeated several times how Philippines shunned the fatal blow of the finance market, although, how come that she is attracted to allow massive penetration of foreign capital but at the sime time the biggest investments in this country are gradually facing closure and bereft of any surplus earnings?
What is great to highlight is that by these very strategies deployed by GMA in the free-market arena precisely concretizes that the global political market is deeply in crisis. By having various policies like what GMA is giving, it only casts the truth that this country is going in no other way but to join their hands with the revolutionaries from the countryside because change is no other way but only us!
And to add to what I have said, I was totally exasperated from Pol Sci department. It is funny that he is asking for the side of GMA coming fromt he activists themselves. He wants a very neutral analysis on the state of things. What I have only in mind is that 1. It is not our responsbility to present the side of GMA, maybe them they can be. 2. How come that presenting an issue whether it is known to be ND, all activists will analyze things coming from Marx, Lenin and Mao.
IPD supports Roxas as the “Reform” candidate. Right. They lost it. They’re better than that.
ngayon lang ulit ako nakabasa ng KK. akalain mong mata-touch ako sa linya ng black eyed peas? walanghiya ka talaga. hehe.
@ Marius D. Carlos Jr.: At ang punchline: Siya raw ang nagpatunay na mali ito. Lahat daw kasi ng tinutukan niya ng baril, sinasabing mali si Marx.
@ missphilippines: Agit ka na naman diyan, ha. Hehe. Oo nga, wala namang pagpapanggap itong si GMA. Kaya naman hindi tayo lumagapak dahil sa krisis dahil hindi pa talaga tayo nakakaangat man lang. Syempre, ang “tayo” na tinutukoy mo ay kasama ang masa.
@ Marius D. Carlos Jr. & missphilippines: Ang agap ng komento ninyo kagabi. Parang sabay tayong nagpuyat. Hehe. Pero pasensya na at ngayon lang nakasagot, natulog na agad.
@ Kontras: Institute for Popular Democracy? Talaga? Iyung hindi realpolitik-mode sa usapin ng pakikipag-alyado, mahihirapang tumindig kapag tumakbo ang mga “malilinis ang loob” pero hindi naman gustong tumulong sa pagpapalakas sa progresibong kilusan sa bansa — katulad ni Among Ed Panlilio o ni CJ Reynato Puno, halimbawa.
@ IlangQ: Wow! Nakakatuwa namang nakaka-touch pa rin para sa iyo ang laman ng blog na ito. Kaya siguro bihira ka magbasa nito? Hehe. Ganoon na lang ang tatanggapin kong paliwanag. Salamat! Pero pakiramdam ko, nakainom ka na naman ng kape. Hehe.
kapirasong mantika hahaha. ano ba yon. minola?
yep, ipd. so much for all the(ir) talk about institutionalizing programmatic party politics. which of course is the very desirable mouffean dream of a middle class leftist democrat, who wishes politics were conducted the same way it is north-west of this earth.
@ gingmaganda: Baka mas iyung tingi-tingi. Tsaka sa malamig na lugar, namumuo eh. Hehe.
@ Kontras: Oo nga. Pero mas liberal-democrat yata ang ganyang kahilingan, ano?
Salamat sa mga komento!
nga pala KK, nakita ko nga yung kapirasong mantika…
kilala mo ba siya? hehehe naisip ko idol ka niya.
@ Esme: Oo, nakita ko na syempre. Hehe. Hindi ko kakilala, pero mukhang kaibigan naman. May nagpadala sa akin ng link. Hehe. Baka nanloloko lang, hindi naman idol. Hehe.