(1)

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Manuel L. Quezon III, kolumnistang propagandista ni Noynoy Aquino, na galit ang Kaliwa sa manok niya, kaya ginamit umano nito si Chiz Escudero para banatan si Noynoy. Ngayon, matapos ang maraming pangyayari, malinaw na ang katotohanan: si Noynoy ang galit sa Kaliwa, hindi ang kabaligtaran.

Malinaw ang ipinapakita ng datos. Ang Kaliwa ang nagpursige para makausap si Noynoy para sa posibleng pagtutulungan sa plataporma at kampanyang elektoral. Pero hindi agad tumugon si Noynoy sa alok ng Kaliwa na makipag-usap. At noong nakipag-usap na siya sa Kaliwa, sa wakas, himutok pa ang sinabi niya – partikular sa pagpiket ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa bahay ng pamilya Aquino noong 2005.

Ang hinala ko, ang mafia” sa Liberal Party na ikinabwisit ni Serge Osmeña at naging dahilan ng pag-alis niya rito ay binubuo ng mga sosyal-demokrata at opisyal ng Akbayan. Mas galit sa Kaliwa ang mga grupong ito kung ikukumpara sa ibang tradisyunal na pulitiko. Bukod sa personal na “sama ng loob” ni Noynoy sa Kaliwa, malamang na malakas din ang tulak – o hawak ba? – ng mga ito kay Noynoy.

Makikita ang paghawak nila kay Noynoy sa dalawang bagay. Una, itinulak nilang magsalita si Noynoy nang pabor sa reproductive health bill, paborito nilang isyu. Maayos ang laman ng batas. Pero mapanganib na isyu ito para sa isang pulitiko dahil, tulad ng nangyari, iniimbita nito ang galit ng Simbahang Katoliko. Na ayos pa rin sana. Kaya lang, halatang hindi kayang tindigan ni Noynoy ang posisyon, kaya umatras siya.

Ikalawa, pragmatiko ang mga pwersang ito pagdating sa pulitika. Handa silang makipagtulungan sa mga tradisyunal na pulitiko para sa interes nila. Pero pagdating sa Kaliwa, ideolohikal ang galit nila. Kaya naman binuo ang tiket pangsenado ng Liberal Party ng mga kandidatong hindi gaanong kilala – gayung bukod sa may makabayang rekord sina Satur Ocampo at Liza Maza ay mas popular din sila sa mga mamamayan.

Sa dalawang bagay na ito, makikita ang makasariling interes ng mga sosyal-demokrata at opisyal ng Akbayan na nananaig sa kandidatura ni Noynoy. Sa una, pinagsalita nila ito sa isang isyung naghiwalay rito sa inaasahan nitong isang base ng suporta. Sa ikalawa, pinahina nila ang tiket pangsenado nito sa pagpili sa mga kandidatong maaaring may malinis na rekord, pero hindi gaanong kilala, para kontrahin ang Kaliwa.

(2)

May mahalagang punto, lagi naman, si Angela Stuart-Santiago, iskolar at tagahanga ng mga akda ni Ninoy Aquino. Aniya, taliwas sa rekord ni Ninoy ang pag-ilag, kung hindi man galit, ni Noynoy sa Kaliwa. “Kung buhay si Ninoy, hindi siya magdadalawang-isip na makuha sina Satur at Liza para tumakbo sa Senado bilang mga [Liberal Party].”

Inungkat pa ni Stuart-Santiago ang sulatin ni Ninoy na nagpapakita ng pagkilala, kung hindi man pagrespeto, nito sa mga nagagawa ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army sa kanayunan at sa bansa, at ang mga tala sa kasaysayan na sumuporta umano si Ninoy sa mga grupong ito. Ibig sabihin, bagamat may pagtunggali si Ninoy sa Kaliwa, bukas ang isip niya rito, kahit sa radikal na Kaliwa pa nga sa bansa.

Sa puntong ito, mahalagang ipasok ang sentral na argumento ni Conrado de Quiros para itulak na tumakbo si Noynoy at suportahan ang kandidatura niya. Hindi umano nito lalapastanganin ang alaala at pamana ng mga magulang niya. Pero paano kung malinaw na taliwas o katunggali ng tindig ni Noynoy ang tindig ni Ninoy? Sa tingin ko, panimula pa lang ang usapin ng Kaliwa sa mga isyung makikita ang pagkakaibang ito.

Lagi pa namang sinusundan ang mga pangalan nina Ninoy at Cory ng salitang “demokrasya.” At ang Kaliwa, batay sa kasaysayan ng bansa, ay may mahalagang papel sa pagtatanggol at pagpapalawak pa nga sa demokrasyang umiiral sa Pilipinas. Maaaring hindi kayo sang-ayon sa sinasabi kong papel ng Kaliwa, pero ang punto: mahalagang usapin ang pagkakaiba ng pagtingin sa Kaliwa nina Ninoy at Noynoy.

Mayroon ding buhay na patunay ng isang inapo na nagtaksil at sumalaula sa alaala at pamana ng mga ninuno niya. Clue: tumatakbo siyang senador sa tiket ni Noynoy at dahilan ng pag-alis doon ni Osmeña. Sagot: Ralph Recto. Hindi ba’t napakalaki ng ambag ni dating Sen. Claro Mayo Recto sa pagsusulong ng nasyunalismo sa bansa? Pero ang inapo niya, mas dikit sa kalaban niyang kolonyal na si Carlos P. Romulo.

Nakakapagtaka ang “sama ng loob” ni Noynoy sa pagpiket ng mga magsasaka sa bahay ng pamilya Aquino. Hindi ito dapat ikasama ng loob at personalin – “personalize” daw, sabi ni Satur Ocampo – ng matagal nang pulitikong tulad niya. Natural ito sa pulitika. Pero kung mapagkaisa kang lider, lalo na’t nananawagan ka ng “pagbabago,” hahanap ka ng mapagkakaisahan sa Kaliwa, na isang mahalagang pwersa sa bansa.

(3)

Sa kongkreto, ang mga nanggagalaiti kontra sa Kaliwa dahil sinuportahan nito si Manny Villar, ay iyung mga tagasuporta ni Noynoy. Nahawa na sila sa laging pantasya ng mga sosyal-demokrata at opisyal ng Akbayan na nalalamangan nila ang Kaliwa – na kung hindi ito bumubuntot sa kanila ay nagpapakatrapo ito sa iba’t ibang larangan.

Paano naman susuportahan ng Kaliwa si Noynoy, eh ni hindi niya itinuring na tao ang Kaliwa? Iniwasan niyang kausapin at noong nakausap na’y puro bakod pa ang itinayo. Ang gusto yata ng mga tagasuporta ni Noynoy ay basta na lang sumuporta ang Kaliwa sa kandidato nila. Pwede ba naman iyun? Ni hindi tampok sa paglaban sa rehimeng Arroyo ang manok nila para basta na lang suportahan. Ang nanay niya, oo; siya, hindi.

Samantalang si Villar, todo-kayod para makipag-usap at makipagtulungan sa Kaliwa. Tradisyunal na pulitiko siya. Si Noynoy ba, hindi? May kaso si Villar ng korupsyon. Dapat imbestigahan siya at harapin niya. Pero hindi rin malinis ang rekord ni Noynoy sa mga mamamayan. Si Villar daw ang tunay na manok ni Gloria. Dapat mapatunayan iyan, dahil ang pinakamaingay sa pagsasabi niyan ay mga tagasuporta ni Noynoy.

Ang kakatwa pa, itong mga kontra-Kaliwang ito, gusto pang palabasing isinusuko ng Kaliwa ang rebolusyon sa pag-endorso kay Villar. Galit na galit sila sa rebolusyon, pero ngayon, ginagamit nila ito na para bang iginagalang man lang nila ang rebolusyon. Gusto nilang palabasing inirerespeto nila ang Kaliwa, pero gusto nilang lampasuhin ang Kaliwa dahil lang sa tindig nito sa eleksyon – na sekundaryo lang para sa Kaliwa.

Ang problema kasi, gusto nilang palabasing “nasa gitna” sila. Uupak sa rehimeng Arroyo kapag may ginawang mali. Uupak din sa Kaliwa kapag sa tingin nila’y may ginawang mali. May “simpatya” raw dito. Pero minsan, nadudulas magsabing walang pinagkaiba ang rehimen at Kaliwa. Nakakatawa ang pantasya ng mga “manunulat” na ito sa kanilang sarili. Ang iniisip nila, nasa gitna sila. Ang totoo naman, nasa Kanan.

Sa tingin ko kasi, kung talagang galit ka sa rehimeng Arroyo at gusto mong itaguyod ngayong eleksyon ang mga tunay na lumaban sa rehimeng ito, dapat ang katapatan mo ay sa Kaliwa. Dahil ito talaga ang matatag na lumaban sa rehimeng Arroyo kahit pa pinagpapatay, dinukot at dinahas ang mga lider at miyembro nito. Sa Kaliwa dapat ang katapatan, hindi kay Villar at lalong hindi kay Noynoy. Nasaan ba siya noon?

21 Disyembre 2009