Fallen Stalin Monument

May nag-email sa akin ng isang status sa Facebook ni Leloy Claudio, tagapangulo ng Akbayan-Youth. Bungad niya, “Mga kasama sa [Communist Party of the Philippines], patawarin ninyo ako kung takot ako sa mga Leninistang katulad ninyo.” Tapos, sinipi na niya ang sumusunod: “Ang sabi ko sa kanya, ‛Vladimir Ilyich, kapag naagaw mo na ang kapangyarihan, sisimulan mong bitayin ang mga Menshevik sa susunod na araw.’ At sumulyap siya sa akin at nagsabi: ‘Pagkatapos mabitay ng huling Socialist-Revolutionary tsaka bibitayin ang unang Menshevik.’ Sumimangot siya at pagkatapos nito’y tumawa.”

Hindi sinabi ni Claudio kung saan sinipi ang naturang kwento. Propaganda kayang anti-Lenin o anti-Komunista? Wala rin siyang paliwanag kung bakit ang sinabing ito ni Lenin, kung totoo nga, ay dapat paniwalaan at maging dahilan para katakutan ang mga Komunista sa Pilipinas. Sapat na bang ipagpalagay na kung nakapagbiro si Lenin nang ganito ay balewala sa kanya ang buhay ng mga katunggali? Wala ring pagsangguni sa mga prinsipyo at kasaysayan ng CPP kung may batayan ang haka-hakang papatayin nito ang mga katunggali kapag nagtagumpay. Sapat na ba ang dahilang Leninista ito?

Sa mga dokumento ng CPP noong Ikalawang Dakilang Pagwawasto, sa unang hati ng dekada ’90, sinabing ang pagbasura kay Stalin ay pagbasura rin kay Lenin. May hirap sigurong paniwalaan ang ganitong pagsusuri noon, sa panahong nasa rurok ng pagpapanggap ang mga tumutuligsa kay Stalin. Pero makikita kay Claudio, anak ng Akbayan na hindi saksi sa naturang pagwawasto, ang katuparan ng pagsusuri ng CPP: Lantad na siyang anti-Lenin at anti-Komunista. May sulatin nga siyang sumasamba sa mga susing anti-Komunistang awtor na laman ng arsenal ng propagandang Cold War.

Malamang, ipinagpapalagay ni Claudio na alam ng mga kaibigan niya sa Facebook ang mga “krimen” ng CPP, tampok ang maramihang pagpatay bunsod ng histerya laban sa mga pinaghinalaang paniktik ng militar na nakapasok sa hanay nito noong dekada ’80. Pero malaki man ang pinsala nito, maliit na seksyon lang ito ng kasaysayan ng CPP. Hindi masasabi, kung magiging tapat lang sa mga datos, na ang kasaysayan ng CPP ay kasaysayan ng pagpatay sa mga katunggali nito, lalo na sa labanang pang-ideolohiya. At mapapatunayang hindi mauugat ang krimen sa Leninismo, kundi sa paglabag nga rito.

Ang kakatwa, ang mga promotor ng naturang mga pagpatay ay kahanay ni Claudio sa pagiging anti-Komunista at lider at kaibigan pa nga ngayon ng Akbayan. Sila ang nag-utos ng madudugong kampanyang anti-impiltrador at ang iba’y personal pang sangkot sa pagtortyur sa mga biktima. Para pagtakpan ang kanilang krimen, nagwala sila laban sa pamunuan ng CPP, nagpakilalang mga tunay na “Leninista” at gumamit ng bansag na “Stalinista.” Inakusahan nilang diktador ang mga pumuna sa kanila gayung sila itong may dugo sa mga kamay at ayaw tumanggap ng pagkakamali at ayaw ring magwasto.

Statue of Liberty with People

Halos ipaghiyawan ni Claudio ang pagiging akademiko at historyador pero hindi papasa sa matalisik na pagsusuri ang marami niyang pahayag. Agad tutuligsaing “bulgar” o “krudo” ng mga kapanalig niya ang ganitong pagsusuri kung galing sa Kaliwa, pero naglulumublob sila sa ganitong abuso laban sa Kaliwa. Nagsikap siyang sumikat sa pagtuligsa kay Sen. Tito Sotto sa isyu ng plagiarism, pero kakatwa rin ang kawalan ng rigorosong pagsusuri ng mga nagyayabang sa pagiging edukado, lalo na’t patungkol sa isang Kilusang pinaglalaanan ng buhay ng marami, kasama ang masang Pilipino.

Halatang hindi dumaan si Claudio sa disiplina ng talakayan, pagpaplano at pagtatasa tulad ng mga Leninistang tinutuligsa niya. Tiyak, hindi niya makukuha ang pag-iiba ni ni Mao Zedong na nagsabing hayaang magpayahag ang mga reaksyunaryo basta’t hindi sila pumapatay. At hayan na nga: mga kabataan ng Akbayan na kumbaga’y mura ang bili sa kanilang anti-Komunismo. Hindi naging bahagi ng CPP tulad ng kanilang mga nakakatanda, walang malalimang pag-aaral sa kanilang sinasabi, todo-kagat sa mga anti-Komunistang paninira kahit galing sa ultra-Kanan, mas dikit sa dominanteng ideolohiya ng Ateneo kaysa aktibismo ng UP, mas kilala si Lennon kaysa kay Lenin.

03 Enero 2012

Galing ang mga larawan dito.

Buksan natin ang taon nang tama: blogosphere sa Pinas muna! Pinakamagagandang librong nabasa ni Karlo Mikhail Mongaya noong 2012. Datos naman tungkol sa isyung Israel-Palestine mula kay Curate. At kakatwang imahen.

Mabuti naman at nag-blog na ulit ang probokador sa estilo ng pagsulat at pag-iisip na si Myfel Paluga! Nakakatuwang nagbalik na rin sa pagba-blog si Alex Felipe. Magandang pagmumuni ni Marck Ronald Rimorin tungkol sa mga pitik ni Noynoy Aquino sa midya.

Ang lulungkot nitong isa, dalawa, tatlong entri ni Richard Bolisay sa isa niyang lungga online. Pero naaliw naman ako dito: Jimmy Fallon and Justin Timberlake FTW!

Swabeng kabig talaga itong si Mong Palatino. Humahalaw ng aral si Angela Stuart-Santiago sa bagyong Pablo. At binigyang-puwang niya ang mga pagmumuni ni Elmer Ordonez tungkol sa kung anu-ano.

Klase sa art appreciation mula kay Katrina Stuart-Santiago: “…ng labis-labis na pagbibigay-halaga sa sarili na nagbibigay-laya rin sa kanilang angkinin ang bago kapagka lang ang mga tagumpay nito ay mahirap nang hindi pansinin.”

Isang lumang paborito mula kay Victor Villanueva. Magbalik-blog ka na, hoy! One word: Noynoy! Patok na rebyu ni Jessica Zafra sa One More Try, nakakahagalpak!

Magandang impormasyon tungkol sa Haiti at magagandang larawan ng panawagang tulong para sa mga nasalanta, mula kay Tanglad.

Sang-ayon ako kay Tine Sabillo sa mga dapat pitikan kapag rali, at sa mga obserbasyon niya sa pagbabaha sa bansa. Nakakaantig ang tula ni MJ Rafal tungkol sa Kapaskuhan.