Pensamiento

“Ang intelektwal, tulad ng manunulat, ay lagi’t laging (necessarily) pampubliko,” sabi Prop. Luis V. Teodoro, progresibong intelektwal at guro ng pamamahayag, sa kanyang bagong sanaysay na “Writers and Public Intellectuals.” Sipi raw ang naturang sulatin sa susing pananalita niyang “Interpreting the World: the Writer as Public Intellectual” sa kumperensya ng balangay sa Pilipinas ng PEN (Poets, Playwrights, Essayists, and Novelists).

Ayon kay Teodoro, “Hindi tulad ni Pilosopo Tasyo, hindi pwedeng gawin ng intelektwal na basta na lang itago sa kung saang sisidlan ang kanyang natuklasan at naunawaan, hayaang madiskubre ito ng hinaharap, nang hindi binibitawan ang kanyang tungkulin sa paglikha ng hinaharap na iyan, na ang mga pundasyon ay matutulungan niyang malikha sa kasalukuyan.”

May eksaktong pakahulugan, gayunman, ang praseng “pampublikong intelektwal” sa US, kung saan ito nagmula at nakilala. At sa pakahulugang ito, taliwas sa sinabi ni Teodoro, hindi lagi’t laging pampubliko ang pagiging intelektwal at manunulat – nagsusulat man ng tula, dula, sanaysay o nobela.

Ayon sa iskolar na si Russell Jacoby, na isa sa mga responsable sa pagtampok ng prase, “Nangangahulugan [ang termino] sa pangkalahatan (roughly) ng isang intelektwal na gumagamit ng pang-araw-araw na wika para talakayin ang mga isyung may pangkalahatang kabuluhan, isang taong nagsusulat hindi lang para sa mga propesyunal na journal kundi para sa mga pahayagan para sa lahat [“The Decline of American Intellectuals,” 1989].”

Halatang ikalawang hati ng dekada ’80 naisulat at nailathala ang saliksik ni Jacoby, dahil nakatutok pa ito sa midyang nakalimbag tulad ng dyaryo at magasin. Sa tuluy-tuloy na paglaganap ng telebisyon at pagkatapos ng Internet sa mga kasunod na dekada, nangahulugan na rin ang “pampublikong intelektwal” ng paggamit sa mga midya na ito para ipaabot sa mas malawak na publiko ang mga isyung kinakasangkutan nila. Sa ibang gamit, hindi tuloy maiiwasan, nangahulugan na rin ito ng pagiging intelektwal na “sikat” o celebrity.

Karl Marx Cartoons

Sa batayan ng ganitong pakahulugan sa “pampublikong intelektwal,” maraming matutukoy rin sa bansa, kapwa sa Kaliwa, Kanan at gumigitna. Pero may isang pampublikong intelektwal na makabuluhang bigyang-pansin: ang makatang si Axel Pinpin. Interesante at kapaki-pakinabang na suriin ang praktika niya bilang isang pampublikong intelektwal.

Nakilala ng marami si Pinpin na kasama sa binansagang “Tagaytay 5,” mga aktibista sa Timog Katagalugan na iligal na inaresto, tinortyur at pagkatapos ay ikinulong nang mahigit dalawang taon ng gobyerno. Matapos makalaya, nagpapatuloy si Pinpin sa pagiging aktibista sa Timog Katagalugan.

Sa hanay ng mga aktibista, kilala si Pinpin sa kanyang pagtula. Nakilala siya, higit pa siguro sa mga tula niyang nalimbag at naisalibro, sa pagtula sa mga pagtitipon – rali, gabing pangkultura, parangal, at iba pa. Prominente at permanente siyang kasama sa mga lakbayang inilulunsad ng mga aktibista at mamamayan ng Timog Katagalugan, kasama sa pag-oorganisa ng hanay, nagkokoordina ng pagkilos, at syempre pa, tumutula sa iba’t ibang yugto nito.

Para siyang espesyal na lider-masa para sa mga aktibista. Paborito siyang imbitahan sa iba’t ibang pagtitipon para tumula. Ang mga pagbasa niya, madalas na sinasalubong ng katahimikan at tinatapos ng malakas na palakpakan. Marami ang nagpapakuha ng larawan kasama siya at may mga nakasaksi na rin ng pagtili sa kanya ng ilang tagahanga, kahit hindi menor-de-edad. Paborito ring gustuhin at ibahagi, i-like at i-share, ang mga tula niya sa Internet.

Hindi matatawaran ang halaga ng pagtula niya, lalo na sa hanay ng masa. “Ang teorya,” sabi ni Karl Marx, “ay nagiging materyal na pwersa kasabay ng pagkapit nito sa masa.” At sa ginagawa ni Pinpin, nailalapit at napapakapit ang progresibong teorya sa masa – sa paraang kongkreto, malinaw, maalab, at matatandaan. Kongkreto, dahil nakalapat sa mga isyu at usaping kagyat na nararanasan ng masa, sa panahong nararanasan nila at sa panahong lumalaban sila kaugnay nito.

Mabisa ang mga tula ni Pinpin hinggil sa pasismo ng Estado, halimbawa, hindi lang dahil mahusay ang mga ito bilang tula. Mabisa sila dahil binabasa sila sa harap ng masang lumalaban sa militarisasyon, pagkamkam ng lupa, demolisyon at kahit pagbuwag ng hanay sa rali – at kadalasan, sa panahong sariwa pa ang mga sugat. Magkasabay niyang pinapahapdi at pinaghihilom ang sugat, at nang pinapatatag ang loob para lalo pang lumaban.

Friedrich Engels Cartoons

May inabot na ring kasikatan si Pinpin sa akademya at mga tangkilik ng panitikan; may tula nga siya sa MRT. Pero hindi kaakibat ng pagsikat niya ang madalas na pangamba at duda ng mga progresibong alagad ng sining sa Kanluran na ang kanilang likha ay magiging tulad ng isang imahen ni Che Guevarra – nasa maraming kamiseta, pinagkakakitaan ng sistema, tila walang radikal na mensahe, at walang dalang panganib sa mga naghahari.

May ganitong obserbasyon ang progresibong kritikong si Terry Eagleton noon: “May kauna-unawang tendensyang maging malungkot at palasuko ang mga Amerikanong liberal at radikal, dahil mahapdi ang pagkamalay nila sa bilis na ang kahit pinaka-rebolusyunaryong likhang sining ay mailalagay sa bungad ng Chemical Bank [The Significance of Theory, 1990].”

Pero hindi nalalamon si Pinpin at hindi lumalabnaw ang kanyang mensahe – at wala ring nagsasabi nito. Ang dahilan: tumatanggi siyang magkaganito. Sabi nga ni Eagleton, “Kung ang iyong mga pinakamamahal na rebolusyonaryong likhang-sining ay pwedeng lamunin ng sistema, nangangahulugan lang ito ng isang bagay: hindi sa hindi sapat ang pagiging pasabog o subersibo nila, kundi… wala silang tunay na ugat sa isang pangmasang kilusang pampulitika at oposisyunal…”

Pero higit pa si Pinpin sa makatang naglalapit ng kanyang likhang-sining sa masa. Sabi noon ng progresibong direktor na si Lino Brocka, hindi siya interesado sa paglikha ng pinakamahusay na pelikulang Pilipino, kundi sa paglikha ng pinakamahusay na Pilipinong manonood. Si Pinpin, hindi lang sangkot sa paglikha ng mahuhusay na tula, kundi sa pagpapahusay sa masang Pilipino. Hindi lang siya organisador ng mga salita, kundi ng mga tao. Hindi lang siya nangingisda ng mga metapora, sabi nga, kundi namamalakaya rin ng tao para sa pagbabago.

Noong panahon daw ng insureksyunismo sa Pilipinas, noong dekada ’80, may hibang na nakaisip na magtanim ng mga armado sa hanay ng mga nagrarali. Siguro, mas mapanganib sa mga naghahari kung sa bawat pagkilos ng masa ay mga makatang tulad ni Pinpin ang nakatanim.

Sana’y dumami, dumami, dumami ang mga aktibista, alagad ng sining at pampublikong intelektwal na katulad ni Axel Pinpin!

15 Disyembre 2012

Muli, galing dito ang mga imahen. Tumatandang paatras si Salman Rushdie, ayon sa artikulong ito. Away, gulo ng mga propesyunal na pilosopo sa US. Magandang sanaysay ng bilanggong pulitikal na si Ericson Acosta tungkol sa progresibong kultura.