Marami nang nasulat at nasabi tungkol sa pagkapanalo ni Barack Obama bilang presidente ng Estados Unidos sa kakatapos na halalan. Tulad ng marami, nakatawag ng pansin ko ang grabeng saya at pag-asa na ipinakita ng maraming mamamayang Amerikano, maging ng mga progresibo, sa pagkapanalong ito. Kasing-saya, halimbawa, ng kanta ng Martha and the Vandellas ang sumalubong: “Dancing in the Streets” – sayawan sa kalye.

Sa isang banda, positibo ang pagkapanalo ni Obama – bilang sintomas ng mga pagbabagong pangkultura at pangkamalayan sa Amerika. Una, protesta ito sa sagad-sagaring militarista at maka-mayamang rehimen ni George W. Bush – na tiningnang ipagpapatuloy ni John McCain kung siya ang mananalo. Ikalawa, kahit pa sinasabing 55% ng mga puti sa US ang bumoto kay McCain, pagluklok ito sa unang pangulong Aprikano-Amerikano, patunay ng pag-ibabaw – kahit sa isang antas – sa malaganap na rasismo ng lipunang Kano laban sa mga Itim. At ikatlo, pagpili ito sa pangkalahatang pangako ng “pagbabago” at “pag-asa,” laban sa tiningnang banta ng pagpapatuloy at takot.

Sa kabilang banda, kahit pa mukhang kontrabida at kontrapelo, kailangang ipambalanse ang reyalidad, na masasabi ngayon pa lang na hindi makabuluhang pagbabago ang ihahatid ni Obama. Una, gaya nga ng paalala ni Ralph Nader, “aktibistang taguyod ng mga konsyumer,” at ng maraming iba pa, hindi malayo ang mismong mga pahayag niya sa militarista at maka-mayamang mga patakaran ng rehimeng W Bush, at hindi lang sa isyu ng pagpyansa sa mga institusyong pampinansya nitong huli. Ikalawa, hindi malalim ang rekord niya ng pagtaguyod sa interes ng mga Aprikano-Amerikano. Ni hindi siya bahagi ng Kilusang Karapatang Sibil (Civil Rights Movement) o iba pang gayong kilusan ng mga kalahi niya – di tulad ni Rev. Jesse Jackson na tumakbo rin, noon, bilang presidente sa Democratic Party. Ikatlo, sa madaling salita, maaaring sa antas at pamamaraan lang ng pagpapatupad sa parehong mga patakaran mag-iiba ang rehimeng Obama sa naunang mga rehimen.

fredric-jameson1

Sabi ni Eric Michael Dyson, progresibong siyentistang panlipunan, ipinapakita ng pagkapanalo ni Obama ang mga pagsulong at nakamit na sa pagtataguyod ng tunay na demokrasya sa US. Oo, pero mas mahalaga ring sabihing ipinapakita nito – laluna ng saya at pag-asa ng sambayanang Amerikano na kaakibat nito – ang mga kailangan pang gawin para iabante ang demokrasya sa US. Marami pang kailangang gawin kapag ang pagkapanalo ng isang taong may rekord ng tulad ng kay Obama – sa harap ng grabeng bulok na kalagayan marahil at lalong dumidilim na hinaharap – ay ipinagsasayaw na sa kalsada ng mga mamamayan. May laging islogan ang mga progresibo sa US: “Huwag magdalamhati. Mag-organisa! (Don’t agonize. Organize !).” Ngayon, mas angkop yatang sabihin sa kanila bilang paalala: “Huwag magdiwang. Mag-organisa!”

May sumikat na pahayag si Obama noong simula ng kampanya niya: “Tayo ang pagbabagong hinihintay natin (We are the change we have been waiting for ).” Hindi si Obama ang unang nagsabi niyan, kundi si June Jordan, radikal na progresibong manunulat na Aprikano-Amerikano. At hindi eleksyon lang ang tinutukoy niya, kahit pa – o lalo na nga kung – maghahalal ito ng taong titingalain ng marami bilang tagapagligtas. Paalala nga ni Adolph Reed, Jr., progresibong komentaristang Aprikano-Amerikano, isa sa pinakamadaling porma ng paglahok sa pulitika ang pagboto. Tiyak na hindi lang ito ang tinutukoy ni Jordan, kundi ang sama-samang pagkilos para baguhin ang buong bulok na balangkas ng lipunan, hindi lang ang pangulo.

Mahalagang simula ang tanong ni Manning Marable, progresibong siyentistang panlipunan, bagamat hindi ako sang-ayong “kaliwa-ng-sentro” si Obama: “Ang tunay na hamon ngayon ay hindi ang kung ano ang gagawin ni Obama, kundi ano ang gagawin ng mga progresibo?” Tanong niya: “Paano tayo makakapagsulong ng isang adyendang… makakapaghapag ng mga isyu ng pagkakapantay-pantay ng mga uri… ng mga kasarian sa lipunang ito?” Hindi kung paano “itutulak sa Kaliwa” si Obama ang usapin, kundi: Anong panawagan, halimbawa, ang makakapagbigay ng ginhawa sa mga mamamayang Amerikano at dapat ipaglaban? May mga pag-asang binuksan si Obama na maaaring maging batayan ng mga progresibo at mamamayan para igiit laban sa reyalidad ng katangian niya bilang pulitiko.

Sa ngayon, isang magandang pangako si Obama para sa mga mamamayang Amerikano. Mahalagang magpaalala tayo – at hindi lang tayong mga progresibo ang tinutukoy ko, kundi tayong mga Pilipino – na hangga’t walang tunay na pagbabagong panlipunang isinulong ng mismong sambayanan, mapait na pagkabigo ang idudulot ng mga lider-gobyernong ating aasahan.

10 Nobyembre 2008

Polusyong Komersyal:

Bakit ganoon ang patalastas ng Speed Babad? Parang si Piolo Pascual lang ang ginastusan? At talagang minaksimisa: Sinabihan niya ng “losyang” sa paglalaba ang kababaihang siyang target ng mga patalastas ng sabong panlaba. Na para bang ginagatungan pa ang mababang pagtingin ng lipunan sa gawaing bahay. Sabi ng isang kaibigan, ginawa niya ang patalastas para kontrahin ang para sa Pride (“All you need is pride… ”) ni Judy Ann Santos na kaaway daw niya. Para talagang makapaghiganti siya, dapat buhayin at papelan na lang ni Piolo ang “Ula, ang Batang Gubat.” Hehe.

At sino ang nagbigay ng pahintulot sa administrasyon ng MRT na bombahin ng commercial advertisement ang mga komyuter gamit ang sistemang pang-radyo nito? Hinarangan na nga ang tanaw natin ng naglalakihang billboard , ni hindi pa tayo matahimik sa pagbyahe dahil laging lumulusob sa tenga natin ang mga patalastas. Walang kawala! Una kong narinig ang patalastas ng Chowking para sa isang konsyerto ni Ogie Alcasid. Papasok ang pasakalye ng “Nandito Ako” tapos hindi naman pala papatugtugin! Nakakainis! Sana iyun na lang ang pinatugtog. Iyung may mga iPod – silang maykaya, syempre – lang yata ang naliligtas sa ganitong atake sa pandinig.

john-mccain-and-sarah-palin

Goodbye to you…

Bakit may mga patalastas sa mismong “Betty la Fea”? Maya’t maya ang labas ng produktong anti-oxidant na inendorso ni Bea Alonzo, kesyo sineserbisyuhan ng kompanya ni Betty. Noong minsan, lumabas din ang shampoo na ilan sina Bea at John Lloyd sa modelo. Alam ko, ganyan na ang nangyayari sa “Wowowee” pero show naman iyun. Garapal ang pagpapatalastas kapag sa telenobela na, parang madaya. Ang mga nanonood, naobserbahan ko, nahahati ang atensyon, nababanas. Masyado na bang gipit sa advertisers ang Kapamilya – dahil Numero Dos na lang daw ito sa Kapuso? – kaya desperado na ang mga pakulo nito?

May artikulong matagal ko nang gustong ibahagi, pero lagi kong nalilimutan. Ngayon, para bang magbubuhol sa isinulat ko tungkol sa pagkapanalo ni Obama at sa polusyong komersyal sa ilang bahagi ng bansa, narito ang artikulo ni Barbara Ehrenreich – na para bang hindi ko pa napupuri nang husto sa blog na ito – na “How Positive Thinking Wrecked the Economy.” Dito, tinatalakay niya ang ginawang-popular na kamalayan sa US na malamang ay kaakibat ng mga aksyon ng mga mamamayang Amerikano na pinagmulan ng kasalukuyang krisis: ang “pag-iisip nang positibo.” Maganda siguro kung sa halip na nakadireksyon ang positibong pag-iisip natin sa mga pantasya ng kasalukuyang sistema, nakatuon ito sa pagtatagumpay ng tunay na pagbabago at sa ating mga gawaing progresibo sa bawat araw.