Para sa pagdiriwang ng Mayo Uno ngayong taon, plano ng militanteng kilusang paggawa sa bansa, sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno, na kondenahin ang mahigit siyam na taong paghahari ng rehimeng US-Arroyo – partikular ang matinding pag-atake nito sa sahod, trabaho at karapatan ng mga manggagawang Pilipino. Igigiit nito ang pagparusa kay Gloria Macapagal-Arroyo para sa malulubhang krimen niya sa mga manggagawa at sambayanan – tampok ang pagpapatupad ng mga patakarang nagdulot ng malawakang kahirapan at kagutuman, pagdambong sa kabang-bayan, paglulunsad ng ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista, at iba pa.
Ayon kay Michael Parenti, manunuring pampulitikang Amerikano, malinaw ang pagkiling ng midya ng US sa malaking negosyo o business. Wastong-wasto rin ang mga obserbasyon niya sa tinatakbo ng midya sa bansa: “Walang seksyon hinggil sa paggawa ang pinakamalalaking dyaryo… kaakibat ng seksyon nila para sa negosyo. May buu-buong staff silang nag-uulat ng balitang negosyo pero may nag-iisang labor reporter lang, kung mayroon man. At kadalasan, ang mga ‘labor’ reporter, batay sa mga nakilala ko, ay hindi nagpapakita ng partikular na paggagap sa mga pakikibaka ng mga manggagawa o ng pagiging sensitibo sa mga isyu nila. Kung ipakita man nila iyan, hindi sila tatagal sa assignment at mahuhusgahan pang ‘masyadong napapalapit’ sa pinapaksa nila.”
Dagdag pa niya, “Regular na iniuulat ng mga panggabing balita ng mga network ang Dow Jones average pero hindi sila nagbibigay ng lingguhang kwenta ng tanggalan, aksidenteng industriyal, at matagalang sakit dulot ng trabaho. Kapag mahusay ang araw para sa stock market, itinuturing itong magandang balita para sa ating lahat sa kung anong kadahilanan. Bihirang pansinin ng press ang pulitiko-ekonomikong kapangyarihan ng mga korporasyon. Inilalarawan ang ekonomiya bilang pinapatakbo ng gobyerno at negosyo, habang nakakaladkad lang ang organisadong paggawa bilang napakaliit at madalas na magulong kaakibat.” Sabi pa niya, “Kapag hindi nakawelga, halos naglalaho na ang mga manggagawa at mga unyon sa pambansang midya.”
Sabi pa niya, “Tinatrato ng midya ang mga alitang paggawa-negosyo bilang mga hiwa-hiwalay na insidenteng walang kaugnayan sa mas malalaking pwersang pang-ekonomiya.” Dagdag pa niya, “Itinuturing ang mga welga bilang aberyang panggulo sa normal na buhay, hindi sistemikong tunggaliang likas sa industriyal na kapitalismo.” Ang gobyerno, sa kabilang banda, “ay nyutral na tagapamagitan na kumikilos para sa ‘pambansang interes’… Ipinagpapalagay na pinakamahusay na napaglilingkuran ang interes ng publiko sa pag-iwas sa mga welga o pagpapabalik sa mga welgista sa trabaho, sa pinakamabilis na paraan, nang walang pakialam sa mga kondisyon ng pagkakaayos.” Hindi rin inilalarawan ang mga aparato ng Estado bilang “mga tagapagtanggol ng pag-aari ng mga korporasyon at bodyguard ng mga eskirol.”
Sabi pa ni Parenti, “Hindi na dapat ikagulat ang pagkiling na kontra-paggawa ng midya. Ang mga may-ari ng midya mismo ang ilan sa pinakamapagsamantala, kontra-unyong mga employer at tagabuwag ng mga welga.” Lagi raw sabi noon ni Katharine Graham, tanyag na may-ari ng Washington Post: “Nakakasagka ang mga unyon sa kalayaan sa pamamamahayag.” Hindi malaya ang midya kung maka-manggagawa?
Sa Pilipinas, may nakapagsabi sa akin ng trato ng malalaking estasyong pantelebisyon sa isang bungkos ng mga usaping pangmanggagawa: “Masyadong pribado” raw ang maraming isyu, lalo na iyung kaugnay ng Collective Bargaining Agreement o CBA sa loob ng isang kumpanya. Ayaw raw “manghimasok” ng mga estasyon sa ganito, kahit mga alitan sa CBA ang siyang madalas na ugat ng mga welga ng manggagawa. “Pero ibang bagay na kapag may mga manggagawang pinapatay at bumubulagta…” Parang masamang biro sa mga manggagawa at kakampi nila: kung gusto mong lumabas ang isyu ng mga manggagawa, ang mga welga nila, sa midya, kailangang may mamatay.
Pero minsan, kahit sa mga pagkakataong may namatay, hindi pa rin maayos ang pagbabalita ng midya. Nang paslangin noong 2005 si Diosdado “Ka Fort” Fortuna, presidente ng unyon ng mga manggagawa sa Nestle, ni hindi binanggit ng balita sa telebisyon at malalaking dyaryo ang pangalan ng kumpanyang pinagtrabahuan niya, tinawag lang siyang “lider-manggagawa.” Hindi ito mapapalampas dahil mainit pa ang welga ng mga manggagawa ng Nestle noon, at si Ka Fort na ang ikatlong presidente ng unyon sa Nestle na pinaslang. Dahil sa dami ng patalastas na ipinapasok nito sa midya, nagagawa ng Nestle na kontrolin ang huli. Kaya hindi man lang nabanggit ng midya ang ngalan nito, na mahalagang impormasyon sa pag-unawa sa pagpatay kay Ka Fort.
May mga kumpanyang pang-midya sa bansa na isinasapraktika ang mga patakaran sa paggawa na lihim nilang sinasang-ayunan. Ang ABS-CBN, halimbawa. Sabi ng isang kakilala, noong 2004, mahigit 1,200 pa ang regular na empleyado ng Kapamilya. Pero matapos kuhanin ng ABS-CBN ang isang dating opisyal ng kumpanya ni Danding Cojuangco – na kilala rin sa mga patakarang kontra-manggagawa sa mga kumpanya niya – naging 300 na lang ang bilang. Dumami ang kontraktwal, pero pinarami ang oras ng pagtatrabaho nila at pinababa ang sahod. At nitong nag-organisa ng unyon ang mga kontraktwal at nagtulak ng eleksyon para sa unyon, ang sagot ng ABS-CBN: hindi sila empleyado ng kumpanya – kahit taliwas ang maraming ebidensya sa pahayag na ito.
Hindi lumalabas sa midya ang nangyayari ngayon sa Dole Philippines – epekto marahil ng lakas sa patalastas ng kumpanya ng prinosesong pinya. Mahigit 6,000 ang manggagawa nito sa plantasyon ng pinya sa Timog Cotabato, na sa mahabang panahon ay pinapamunuan ng Amado Kadena, militanteng unyong nasa ilalim ng Kilusang Mayo Uno. Kakahalal lang muli sa mga militanteng opisyal ng unyon noong Agosto ng nakaraang taon. Ibig sabihin, may bago silang mandato ng mga manggagawa. Sa pamumuno ng Amado Kadena, naipagtagumpay ng mga manggagawa ng Dole ang pagregularisa sa mahigit 1,000 kontraktwal na manggagawa noong nakaraang taon.
Rumesbak ang kumpanya. Matapos ang mahabang panahon ng kampanya ng paninira sa unyon, naghanap ito ng mga butas na ligal sa pagpapatakbo ng unyon – mga papeles na hindi raw maayos at iba pa. Nagtulak ang unyong gawa ng manedsment ng Dole, ang UR Dole, ng pag-impeach sa mga militanteng opisyal ng unyon. Nanawagan ang UR Dole ng general assembly o GA. Noong hindi tumugon ang mga opisyal ng unyon, nagpatawag ang UR Dole ng sariling GA. Tinulungan ito ng manedsment, at mga sasakyan ng kumpanya ang ginamit sa paghakot sa mga manggagawa para dumalo sa GA. Sa iligal na GA na ito, in-impeach ang mga opisyal ng unyon at naghalal ng bagong opisyales. Kinilala ng Dole ang iligal na prosesong ito, at isinusulong na ngayon.
Hindi rin lumalabas sa midya ang kaso ni Vincent “Ka Bebot” Borja, lider-manggagawa at miyembro ng National Council ng KMU mula sa Silangang Visayas. Noong Abril 2007, ilang araw bago ang eleksyon, inaresto siya ng militar, hindi ng pulisya, sa isang pulong ng mga party-list coordinators sa rehiyon. Nasa pulong na iyun si Cong. Teddy Casiño, na noong nag-usisa sa ligal na batayan ng pag-aresto ay sinagot ng opisyal ng militar ng “Gusto mo, idamay kita?” Inakusahan si Ka Bebot ng pagiging opisyal ng New People’s Army, sa kabila ng mahaba at tuluy-tuloy na rekord niya ng pagkilos bilang lider-manggagawa, at pagdalo pa nga sa mga aktibidad ng KMU.
Pagpatay ang kasong isinampa sa kanya. Nakabatay ang kaso sa testimonya ng isang “saksi” na nagturo rin sa isa pang suspek na nauna pa ngang namatay – nang ilang buwan – sa sinasabing pinatay nila ni Ka Bebot. Hindi dumadalo ang “saksi” sa pagdinig ng kaso ni Ka Bebot, kaya napakabagal ng pagtakbo – este, pag-usad – ng kaso. Nakakulong pa rin si Ka Bebot hanggang ngayon at ang nakatakdang susunod na pagdinig ay tungkol sa petisyon niya para magpyansa. Isang eleksyon na naman ang idadaos ng bansa pero nakakulong pa rin siya – sa malabong batayan, sa iligal at marahas na paraan, sa napakabagal na prosesong malinaw na pagkakait ng katarungan.
Walang manggagawa sa midya. Ngayong malapit na ang Mayo Uno, nasa midya na sila uli, hanggang matapos na naman ang taun-taong ritwal na ito at babalik na naman sila sa ibang pagkatao nila sa mata ng midya – kriminal, biktima, karaniwang tao sa kalsada, pero hindi manggagawa. “Hindi naganap ang gera sa Iraq,” pamosong sabi ng pilosopong Pranses na si Jean Baudrillard noong maagang bahagi ng dekada ’90 – hindi para itangging naganap ang agresyong militar, tulad ng sabi ng mga kritiko niya, kundi para idiing hindi tradisyunal na “gera” ang natunghayan. Walang manggagawa sa midya, dahil hindi na tradisyunal na manggagawa ang nagtatrabaho rito. Inaalerto ang publiko sa bagong itsura ng paggawa: kontraktwal na ang mga bagong manggagawa.
30 Abril 2010
Nakakagalit ang mga huling pahayag ng senatoriable na si Risa Hontiveros-Baraquel – maka-Kanan na nagpapanggap na aktibista. Para lang manalo sa eleksyon, pinapalalim niya ang hidwaan ng Akbayan at ng pambansa-demokratikong Kaliwa. Dapat diyan, hindi lang hindi iboto, kundi ikampanya ang pagkatalo. Magandang laban? Ang baho ng pulitika mo!
May isa, dalawang magandang entri si Anton Dulce tungkol dito. Mayroon din sina Arnold Padilla at Mong Palatino.
May isinulat si Marocharim, pangkalahatang balik-tanaw sa bulok na rehimen ni Gloria.
Heto ang isang sulatin tungkol sa pinagmulan ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa sa Mayo Uno.
Mukhang may inilulutong mayor na hakbangin ang mga Maoista sa Nepal para ngayong Mayo Uno.
May maikling ulat si Naomi Klein tungkol sa kumperensya hinggil sa kalikasan at climate change na naganap sa Bolivia.
Tingnan ang komento ni Manuel Buencamino sa blog ni Angela Stuart-Santiago. Kasunod noon ang komento ko. May bukas pa, oy!
Chill. Ito ang mensahe ni Ina Silverio-Gargar sa mga maka-Noynoy na kandarapa sa pagtanggi sa pag-endorso ni Andal Ampatuan, Jr.
Natawa ako, may rebyu ng isang album ni Whitney Houston sa The Feminist Review.
mukhang makakauna ata ako dito ah…
salamat at naihalimbawa mo si Ka Fort at ang sinapit nito sa kamay ng komersyalisadong midya…last week lang ay nagpalabas kami ng music video tungkol sa mga labor dispute sa Nestle at may news clips dun noong pinaslang siya at tumpak nga, walang pagbanggit ng Nestle ang malalaking networks. Maaring pulisiya nga ito ng mga networks upang magkamal pa ng marami pang pera mula sa dugo ng mga manggagawa. kaya tuloy-tuloy pa rin naman ang panawagang Boycott Nestle, at maging ng iba pang nagsasamantalang mga kumpanya-employers…
Kung di rin ako nagkakamali, may ireponsableng ding komento kontra sa mga manggagawa itong si Arn-Arn, este Arnold Clavio noong marahas na dinisperse ang mga manggagawang kasama sa Lakbayan (mula ST) noong January 2008(?) sa tapat ng DOLE.
ps: Mahusay ang panukala ni Toots Ople tungkol sa pagbasura sa contractualization o labor-contracting policy sa mga kumpanya (bagamat matagal na itong binibitbit ng ating mga PLs, etc.). swerte na kung mafeature to sa TV. isa pa, nakakarindi ring mapakinggan at mabigyan ng airtime ang panawagang Villaroyo (c/o Akbayan gamit ang Mayo Uno) kaysa isyu ng mga manggagawa! tsk
Salamat sa paglilinaw! Boycott Nestle pa rin! Salamat din at may nagkomento. Akala ko, wala na bago ang bagong entri.
I-link mo naman ang inyong music video.
Ano ang komento niya? Paki-share.
May link ka din ng proposal ni Toots? Ang problema lang talaga, malalim ang galit ng mga manggagawa sa tatay niya.
True! Grabe ang Akbayan, talagang election machine na lang ni Noynoy! Pati Mayo Uno, eleksyon ang moda! Nakatali kasi ang mga moda sa eleksyon.
Bumabanat man si Walden Bello sa “corruption = poverty” line ni Noynoy, wala namang nagbabasa sa kanya. Tapos, sasabihing ang Kaliwa pa ang nagsuko ng pakikibaka. Tsk, tsk.