Nitong nakaraang mga araw, tinuligsa ng dalawang blogger na sina Schumey at Manuel Buencamino si Satur Ocampo ng Bayan Muna, ang Bayan Muna, at syempre ang buong Kaliwa. Nagsimula sila sa isang pahayag na ibinigay ni Satur sa isang sikat na palabas sa telebisyon na positibo ang pagtingin kay Sen. Manny Villar, kandidatong presidente sa eleksyong 2010. Para sa kanila, maraming ibinukas na usapin ang panayam na ito.

Na nagpapakita umano ng “kabulukan” ng Kaliwa. Kinwestyon nila ang pahayag ni Satur, ang ginagawa umano ng Kaliwa na pagkausap sa iba’t ibang presidentiable at paghingi umano ng mga pwesto sa tiket at kung sakali’y magiging gabinete ng mga ito, at ang umano’y “transaksyunal na pulitika” na ipinapakita ng ganitong mga aksyon. Ang dating sa akin, dahil mga tagasuporta sila ni Sen. Noynoy Aquino, kinukwestyon nila kung bakit hindi awtomatikong sinusuportahan ng Kaliwa si Noynoy sa eleksyon.

neopandemic 1

(1)

Wala akong nakikitang mali sa pagkilala ni Satur sa tinitingnan niyang positibong aspekto ni Villar bilang pulitiko. Hindi naman ito pag-endorso. Tiyak, may positibo ring masasabi si Satur tungkol sa iba pang presidentiable na nasa oposisyon. Bahagi pa rin naman si Villar ng malapad na nagkakaisang prente kontra sa rehimeng Arroyo, kaya mas hindi paupak ang pagharap sa kanya. Hangga’t hindi napapatalsik ang rehimen, ito pa rin ang pangunahing kaaway at puntirya ng mga mamamayan.

Pero todo-todo ang pag-upak ni Schumey kay Villar. Hindi mo maintindihan kung wala siyang alam sa pulitika ng pakikipagkaisang prente laban sa pinakamakitid na kaaway, o talagang kailangan niyang tumodo para sa kandidato niyang si Noynoy. Sabi niya, “I wouldn’t be surprised if he would be worst [sic!] than Gloria.” Hindi lang worse, worst pa raw. Sa tingin ko, dapat ireserba ang pahayag na ito para kay Sec. Gilbert Teodoro. Ibang bagay pa kung mapapatunayan ngang kandidato ng Malakanyang si Villar.

Ang masama pa, masagwa ang pagkakabuo ni Schumey ng kaso niya kontra kay Villar. Iyung iba, tumatalbog pa sa kandidato niyang si Noynoy. Una, sabi raw ni Villar, lahat ay nadadaan sa “magandang usapan.” Pangit nga namang pakinggan, dapat may prinsipyo ang kandidato sa pagkapangulo. Ikalawa, wala raw drainage sa isang subdibisyong itinayo niya. Talaga? Que horror. Siguro, hindi niya alam na hindi lang drainage ang problema sa Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ni Noynoy.

At ikatlo, “Alam nating lahat kung paanong pinagsasamantalahan ni Villar ang maralita.” Sabi ng iba, may gumagamit ng retorika ng “Alam naman natin…” para pagtakpan ang kawalan ng mailahad na batayan. Ganyan nga sa paggamit ni Schumey. Sinasamantala raw ni Villar ang “mga kahinaan at kawalan ng pag-asa ng mga maralita.” Teka, hindi ba si Noynoy ang numero uno sa bagay na ito? Nangangako ng abstraktong “pagbabago” gayung wala namang rekord para suportahan ang pangako?

Malayung-malayo rin ang pahayag ni Satur tungkol kay Villar sa kandarapang pagsakay o pagpapaanod ng mga nagpapakilalang “progresibo” kay Noynoy. Kung may malaking mali man sa mga nagpapakilalang “progresibo” ngayong eleksyon, mas matimbang ang ganitong tunguhin. Na para bang si Noynoy ang maghahatid sa bansa ng “pagbabago.” Sakit na nila iyan: ang maghanap ng pulitikong didikitan para umano hubugin ang mga ito para sa pagbabago – mula kay Cory hanggang kay Erap at FPJ.

neopandemic 2

(2)

Wala rin akong makitang mali kung nakikipag-usap ang Kaliwa sa iba’t ibang pulitiko at presidentiable, at kahit pa humihingi ito ng pwesto sa tiket at kung sakali’y gabinete ng mga ito. Maraming kandidato ang nakasama ng Kaliwa sa paglaban sa rehimeng Arroyo, pero ibang round, kumbaga sa boksing, ang eleksyon. Kailangang may kongkretong pagkakaisa sa plataporma at aksyon. Mas malamang, iyan ang gustong malaman ng Kaliwa: sino ang mas makikipagtulungan sa kanila sa iba’t ibang usapin.

Isang pampulitikang pwersa ang Kaliwa, na may malawak at malalim na latag sa buong bansa. Wala akong makitang mali kung gamitin nito ang lawak at lakas nito para magtulak ng mga plataporma, akyon, at kahit kandidato sa mga tumatakbong pulitiko. Sa tingin ko, ginagawa ito ng lahat ng pampulitikang pwersa. Ang Iglesia ni Cristo. Ang Akbayan, sa pakikipag-alyansa nito noong una kay Mar Roxas at kay Noynoy Aquino nitong huli. Ang iba’t ibang negosyante sa pagsuporta sa iba’t ibang pulitiko.

Ang ibig kong sabihin, hindi ang pakikipagtransaksyon mismo ang usapin. Hindi iyun sapat para tuligsain ang isang pampulitikang pwersa. Ang usapin at batayan ng pagtuligsa ay kung para kanino o para saan ang pakikipagtransaksyon, kung ginagawa ba ito para sa kabutihan o kapinsalaan ng mga mamamayan, lalo na ng mahihirap. May batayan ba ito sa platapormang pabor sa mga mamamayan? O para sa pansariling interes lang? Makakatulong ba ito sa pagsusulong ng mga pagbabago sa hinaharap?

Sa bagay na ito – at narito ang kaibahan nina Schumey at Buencamino – buo ang pagtitiwala ko sa Kaliwa. Sa lahat ng pampulitikang pwersa sa bansa, ito na ang may pinakamahabang kasaysayan ng tuluy-tuloy at di-makasariling paglilingkod sa mga mamamayan – dumanas man ng pinakamalulupit na pagsupil ng iba’t ibang rehimen. Tiwala akong hindi sa personal o makasariling pakinabang ninuman mapupunta ang pakikipagtransaksyon ng Kaliwa, kundi sa kilusang masa para sa pagbabago ng bansa.

Sa tingin ko, magkakaroon ng krisis ang konsepto ng “pulitikang transaksyunal (transactional politics)” – na ginagamit nina Schumey at Buencamino, alinsunod sa mga pauso ng mga NGOista sa Akbayan – kapag ginamit sa ginagawa ng Kaliwa sa bansa. Sa konteksto ng mga tradisyunal na pulitiko at naghaharing uri, masama talaga ito – dahil dito, bahagi ito ng pagsasabwatan kontra sa mga mamamayan. Pero kung Kaliwa ang gumagawa? Maka-mamamayan at maka-prinsipyong pakikipagtransaksyon?

neopandemic 3

(3)

Bakit nga ba hindi awtomatikong sinusuportahan ng Kaliwa si Noynoy, kahit pa siya ang tinitingnan o gustong tingnan ng marami na kinatawan ng pagbabago sa eleksyong ito? Hindi ko alam ang eksaktong dahilan ng Kaliwa. Pero bilang tagasubaybay nito, pwede sigurong manghula. Wala naman siyang malaking ipinagkaiba sa ibang kandidato. Naghaharing uri rin siya, at bahagi ng tradisyunal na pulitika sa bansa. Ni hindi nga masasabing tampok siyang nagdusa o lumaban sa rehimeng US-Arroyo.

Kung ako ang tatanungin, ang hirap paniwalaan ng batayan ni Conrado de Quiros sa pagtulak niyang kumandidatong pangulo si Noynoy. Na hindi nito sasalaulain ang pamana ng kanyang mga magulang. Pwede siyang pumalpak, pero hindi pumalpak nang sinasadya, ganoon? Kasi wala namang mahusay na rekord si Noynoy. Dakila ang mga magulang niya dahil matapang sila – tradisyunal na pulitiko at maybahay pero matapang, lumaban sa diktadura. Eh si Noynoy? Nagtago sa palda ng nanay niya.

Ayaw sabihin ni De Quiros na kaya niya itinulak si Noynoy na tumakbo ay dahil malakas ang tsansa nitong manalo. Kesyo may batayan daw. Pero ang sumunod niyang kolum, mas pagdiriwang sa popularidad ni Noynoy at mas paglalaro sa persepsyon ng mga tao sa halalan. Kesyo labanan ng mabuti at masama ang eleksyon, kesyo Edsa 3 ang mgaganap, at iba pa. Ayos iyan kung propagandista ka ni Noynoy. Pero hindi makakatindig ang ganyang pagtingin kay Noynoy, sa tingin ko, sa kritikal na pagsuri.

neopandemic 4

(4)

Pero mabalik tayo kina Schumey at Buencamino. Katawa-tawa ang pagpapanggap ng mga itong may simpatya sa Kaliwa, na dahil sa pangyayaring ito ay “na-disilusyon” – na naman! – sa Kaliwa. Lagi na lang ganito ang retorika ng mga taong ito kapag tumutuligsa sa Kaliwa. Ilang beses ba silang madidisilusyon sa Kaliwa? Wala na ba silang magamit na ibang retorika? Ang tingin ko, anti-Kaliwa talaga sila. Gusto lang nilang kumabig ng ibang may simpatya sa Kaliwa sa paggamit ng ganitong retorika.

Pamigay na indikasyon na ng kitid ng pag-iisip ng mga ito na ni wala silang kritikal na salita tungkol kay Noynoy pero todo-upak pagdating sa Kaliwa, parang si Alex Magno ng Philippine Star mismo, na maka-Noynoy rin. Dati raw, tagahanga si Schumey ni Satur, pero “Bayad Muna” ang gusto niyang itawag sa partido nito ngayon. Sabi pa niya, “kung nakikipaglaro ka sa isang pulitikong transaksyunal katulad ni Villar, wala ka nang ipinagkaiba sa kahit sinong trapo.” Ganoon? Dahil lang sa isang interbyu?

Sa isang banda, mas naliliwanagan si Buencamino kaysa kay Schumey: “Nalulungkot akong makita si Satur na nag-eendorso ng magnanakaw. Alam kong hindi ganyan si Satur.” Pero – sang-ayon sa estratehiya ng mga gustong hatakin sa parlamentaryong pakikibaka ang Kaliwang nasa ligal na pakikibaka at tuligsain ang Kaliwang nasa underground – ibinunton ni Buencamino ang sisi para sa pagsuporta umano ng Kaliwa kay Villar kay Prop. Jose Maria Sison, sabay todo-paninira na sa pagkatao nito.

Sabi pa ni Buencamino, “Ang totoo, naligaw na sila ng landas” – ang Kaliwa raw. Sabay-bawi: “O, mas malamang, wala talaga silang landas sa simula’t sapul pa.” Naks. Akala mo, magaling na rebolusyunaryo ang lintek, kayang magsabi ng landas ng Kaliwa. Pinapalabas niyang gumuho ang tiwala at paghanga niya sa Kaliwa mula sa una patungo sa ikalawang pahayag. Pero, batay sa marami na niyang sulatin, ang ikalawa talaga ang una: galit talaga siya sa Kaliwa, retorika na lang ang paghanga.

neopandemic 5

(5)

Sa bago niyang libro, may ganitong panawagan umano si Slavoj Zizek sa mga dating komunistang naging kontra-komunista, dahil sa pandaigdigang krisis pang-ekonomiya at pampinansya: “Huwag kayong matakot, samahan ninyo kami, bumalik kayo! Nakaranas na kayo ng ligaya sa pagiging kontra-komunista, at pinapatawad kayo para riyan – panahon na namang maging seryoso ulit!” Sa isang banda, hindi ko siya masisi, sa dami ng mga dating maka-Kaliwang naging kontra-Kaliwa sa maraming bansa.

Pero hindi ko alam kung tama bang sabihin iyan sa Pilipinas. Pwede naman siguro, basta ba magpuna sa sarili at talagang magbago. Pero may mga kontra-Kaliwang hindi naman maka-prinsipyo ang pagkontra, talagang nalulong na sa biyaya ng yaman at kapangyarihan, mulat nang naglilingkod dito, o talagang kuntento na sa pag-upak sa lahat ng nasa pulitika – nang walang ihinahapag na alternatiba, at nang hindi naman mulat na gustong mag-ambag sa pagbabagong panlipunan, masaya lang sa pagngawa.

Bukod pa, baka mas makatulong sila sa pagbabagong panlipunan kung manatili sila sa kung nasaan sila, sa pag-upak sa Kaliwa gamit ang mababaw at makitid na katwiran nila. Hindi man nila intensyon, mas nailalantad nila ang kabulukan ng tindig nila.

29 Oktubre 2009

Binigyan ang progresibo at anarkistang manunulat na si Noam Chomsky ng pinakamataas na parangal ng Pentagon – ang maipagbawal ang libro niya sa Guantanamo. Sobrang kinakatakutan ang libro niya, baka raw magluwal ng rebolusyon kapag nabasa sa napakamapanupil na kalagayan sa nasabing kulungan.

Napakaraming magandang sulatin ni Rick Wolff tungkol sa pandaigdigang krisis sa pinansya at ekonomiya. Narito ang pinakahuli, tungkol sa krisis sa trabaho ngayon sa US. Nakakatuwa ang popular na Marxistang pagtalakay niya, samantalang nakilala siyang tagapagpaunlad ng kaisipan ng pilosopong Pranses na si Louis Althuser, at tagapagmana rin ng masalimuot na estilo nito.

Talaga, ngayon lang? Bumili raw ang Central Intelligence Agency ng gaheto para subaybayan ang mga blog at account sa Twitter ng mga tao. Nitong nakaraan, hinuli ang isang aktibsitang Amerikano sa paggamit ng Twitter. Ganoon ba ka-mapanganib? Hehe.

Mabuhay si Arundhati Roy! Matutuwa si Monico Atienza, tagapagsalin ng nobela niya sa Filipino. Nangunguna siya ngayon sa pandaigdigang pagtutol sa pag-atake ng gobyerno ng India sa lumalakas na rebelyong Maoista sa bansa. Sangkot sa pagtutol maging ang dekonstruksyunistang si Gayatri Spivak. Heto ang panayam kay Ganapathi, isang lider ng mga rebeldeng Maoista.