/1/

Nitong nakaraan, nakabasa ako ng isang entri sa isang blog na nagpapahayag ng mga agam-agam sa kakayahan ni Sen. Noynoy Aquino na maging pangulo ng bansa. Sabi ng isang nagkomento, may ganyan din tayong agam-agam noon kay Cory Aquino, pero sa dulo, siya pala ang magiging pinakamahusay na pangulo ng bansa. Marami siguro ang may ganitong sentimyento ngayon, patunay na may talab pa sa opinyong publiko ang kaliwa’t kanang pagpaparangal sa dating pangulo noong namatay ito noong isang taon.

Pinakamahusay na pangulo? Tagahanga rin ako ni Cory, pero may problema ako sa ganitong pagtingin. Pwede pa sigurong pinakamahusay na taong naging pangulo – dahil pinanday ng pakikibaka sa kinamumuhiang diktadura, at ng mga kahirapang dulot nito – pero mahirap sabihing “pinakamahusay na pangulo.” Sa tingin ko, mas mahalaga sa progresibong pagsusuri ang igiit, sa gitna ng malaganap na pag-analisa ngayon sa pagkakaiba ng mga pangulo, na pare-pareho sila sa esensya sa pamumuno.

Sa isang banda, may bukod-tangi pa ngang lugar si Cory sa pagpapatupad sa mga maka-imperyalista at kontra-mamamayang mga patakaran sa bansa – mga patakarang nagpapatuloy ngayon at dahilan ng paglaganap ng kahirapan at kagutuman. (Ito ang dahilan kung bakit inilinaw ko sa parangal ko sa kanya na pinupuri ko siya bilang lumaban sa diktadurang Marcos, nagbigay ng ilang konsesyon sa Kaliwa habang pangulo, at bilang lumabang muli sa mga rehimeng Estrada at Arroyo pagkatapos.)

Dahil sa pagputok ng pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya noong huling bahagi ng 2008, marami ang nagbalik-aral sa opensibang neoliberal na inilunsad ng mga imperyalista at mga galamay nito noong dekada 1970 sa buong mundo. Sa Pilipinas, bagamat ipinatupad din ni Ferdinand Marcos ang mga patakarang neoliberal sa ekonomiya, maraming mayor na ambag dito si Cory – nang may tabing na siya ay “kaliwa-ng-gitna,” “liberal-demokratiko,” o “maka-mamamayan” gayung hindi naman.

Inisa-isa ni Carol P. Araullo ang mga patakaran ni Cory na nagpanatili sa kontrol ng mga naghaharing uri at imperyalista sa bansa: ang Comprehensive Agrarian Reform Program, mga patakarang dikta ng IMF-World Bank sa ekonomiya, at ang pagkilala ng gobyerno sa mga utang panlabas ng bansa sa ilalim ni Marcos gayung pwede namang hindi kilalanin. Hindi ipinatupad ang tunay na reporma sa lupa at makabayang industriyalisasyon. Sa halip, ibinalik lang ang mga seremonyas ng “demokrasya.”

Sa larangan ng paggawa, si Cory ang responsable sa maraming patakarang idinadaing ngayon ng mga manggagawa: ang kontraktwalisasyon ng paggawa, ang paggamit ng Assumption of Jurisdiction sa pagbuwag sa welga ng mga manggagawa (at siyang batayan ng pagpapadala ng mga sundalo sa Hacienda Luisita noong 2004), at ang pagtatayo ng regional wage boards (na nagpapahina sa paglaban ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod para sa lahat ng manggagawa sa buong bansa).

Si Cory, pinakamahusay na pangulo? Hindi ako tutol sa katawagang ito dahil may iba akong panukala. Kung papatulan ang usapin, marahil, sa takbo ng opinyong publiko ngayon, si Cory nga ang paparangalan ng ganito. Pero nasa tagumpay ng pagtinging ito ang pagkabigo nito. Siya na siguro ang pinakamahusay, pero malaki ba ang kaibhan niya? Makabuluhan ba para sa paglaban para sa pagbabago ang tawagin siyang ganito? Hindi. Mas mabuti pa rin para sa sambayanan na idiing kapareho lang niya ang iba.

/2/

Bagamat si Sen. Manny Villar ang inendorso ng maka-Kaliwang koalisyong Makabayan, sa pagkakaalam ko, hindi kailangang maging kontra kay Sen. Noynoy Aquino ang Kaliwa. Kontra-Gloria pa rin naman si Noynoy, bagamat hindi siya tampok sa labanang ito, at ang rehimeng US-Arroyo pa rin naman ang pangunahing kalaban ngayon ng sambayanan. At malinaw ring nagmamaniobra pa rin ang rehimen para manatili sa kapangyarihan, kaya ito ang dapat na pangunahing puntirya ng tuligsa.

Pero hindi maiwasang tuligsain ng Kaliwa si Noynoy. Una, masyadong nagyayabang ang mga tagasuporta niya, na para bang kaantas na ni Gloria ang Kaliwa dahil hindi si Noynoy ang sinuportahan nito, kundi si Villar. Ikalawa, napakaraming pahayag ng kampo ni Noynoy ngayon na talaga namang kapuna-puna – tungkol, pangunahin na, sa Hacienda Luisita. Kandahirap ito na humulagpos sa nasabing isyu, na para bang kailangang maging walang bahid at walang kasing-linis ang kandidato nila sa eleksyon.

Kailangang ilinaw, bago ang lahat, na lehitimong isyu ngayon ang Hacienda Luisita. Hindi ito artipisyal na pinapainit para lang sirain ang kampanya ni Noynoy. Kahit hindi tumakbong pangulo si Noynoy, isyu ang pamamahagi ng lupa ng hacienda. Nagsampa kasi ng Temporary Restraining Order sa Korte Suprema ang pamilya Cojuangco at Aquino laban sa pamamahagi ng lupa ng hacienda sa mga magsasaka – bagay na itinulak na noon ng desisyon ng Presidential Agrarian Reform Council.

Sabi ni Noynoy, ang pamilya raw niya ang “inaapi (oppressed)” sa isyu dahil ginagamit lang daw ng mga kalaban niya ito kontra sa kanya. Hindi raw interes ng mga kalaban niya ang katotohanan. Kung nagagamit man ng mga kalaban niya ang isyu, iyan ay dahil sa halip na resolbahin ito, nagbibigay pa ang kampo niya ng mga pahayag na bumabaluktot sa katotohanan. Lalo tuloy nagngangalit ang mga maka-Kaliwa, na may mahigpit na pagsubaybay sa isyu ng Hacienda Luisita kahit bago pa ang welga doon.

Mahalagang tandaan na si Noynoy rin ang unang bumaluktot sa katotohanan sa isyung ito. Sa isang talumpati sa Kongreso pagkatapos ng masaker, sinabi niyang kinokondena niya kaisa ng mga kinatawan ng Bayan Muna ang nangyari. Pero, aniya, may balita raw na noong paatras na ang mga sundalo sa ginawa nilang masaker noong 16 Nobyembre 2004, may mga nagpaputok daw mula sa mga komunidad sa paligid ng hacienda. Pagkatapos niyang kondenahin ang “nangyari,” pinalabas niyang makatwiran ito.

Tugma pa rin dito ang linya ng kampo niya ngayon. Sabi ni dating Sek. Corazon “Dinky” Soliman, dalawa lang ang napatay sa masaker. Matapos umani ng tuligsa, bumawi siya: dalawa lang daw ang nakita niyang napatay at baka raw tagalabas ang iba. Dugtong na rito ang sinabi ni Viel Aquino-Dee, kapatid ni Noynoy: hindi raw dapat sisihin ang pamilya nila dahil napasok ng mga maka-Kaliwa ang hanay ng mga nagwelga. Ganoon ba? Basta may “maka-Kaliwa” sa welga, pwede nang imasaker?

Sabi naman ni Ballsy Aquino-Cruz, kapatid din ni Noynoy, paglaki ng populasyon ng mga magbubukid ng Luisita ang ugat ng alitan ng pamilya Cojuangco at Aquino at ng mga magbubukid. Nasusunod din daw ang layaw ng mga ito (“pretty spoiled”) – may lupa para sa bahay, serbisyong pangkalusugan, at maluwag na pautang. Bakit nga naman kasi hindi magplano ng pamilya ang mga magbubukid, eh P9.50 na nga lang kada araw ang naiuuwi nila sa pamilya sa dami ng inaawas? Talagang mga spoiled nga!

Paano itutugma dalawang huling pahayag na ito ang ginawang pangako ni Noynoy na ipamamahagi na ng pamilya niya ang lupain ng Luisita pagdating ng 2014? “Usapin ng prinsipyo” raw ang hakbanging ito, sabi ng tagapagsalita niya, hindi lang pangakong pang-eleksyon. Kung anong prinsipyo, hindi na niya sinabi. Pero bakit ipapamahagi ang lupain kung pagdami naman pala ng anak ang ugat ng suliranin? Bakit pa, kung sunod naman pala sa layaw ang pamumuhay ng mga magbubukid sa hacienda?

/3/

Sobra na talagang maka-Noynoy ang Philippine Daily Inquirer. Sa editoryal nitong “Noynoy’s albatross,” iginiit nitong dapat magpaliwanag si Fernando Cojuangco, pinsan ni Noynoy at chief operating officer ng Hacienda Luisita Incorporated, sa sinabi nitong walang plano ang pamilyang Cojuangco at Aquino na ipamahagi ang lupain ng hacienda sa mga magbubukid. Lumabas ang pahayag niya sa “For Philippine Family in Politics, Land Issue Hits Home,” bantog na artikulo tungkol sa hacienda na inilathala ng New York Times. Pinanindigan ng NYT na totoong sinabi ni Cojuangco ang pahayag.

Pero pinilit din ng editoryal na sirain ang kredibilidad ng nasabing artikulo – sa isang paraang napakababaw at malisyoso. Kinwestyon nito ang “madalas na pamantayang metikuloso (usually rigorous standards)” ng NYT dahil daw ang mga ginamit nitong batis ng impormasyon ay kilalang hindi simpatetiko sa pamilyang Aquino o sa mismong Comprehensive Agrarian Reform Program. Pinangaralan nito ang NYT, na maraming kulay ang hanayang pampulitika sa Pilipinas. Parang nagsusumbong ito, gustong ipatanggal ang bureau chief para sa Southeast Asia ng NYT na si Carlos H. Conde.

Napakababaw ng halimbawa nito. Bakit daw si Anakpawis Rep. Rafael “Ka Paeng” Mariano ang pinagkunan ng impormasyong “kinukwestyon ng karamihan ng mga grupo ng magsasaka, iskolar at negosyante ang… datos” ng Department of Agrarian Reform tungkol sa laki ng lupaing naipamahagi sa ilalim ng CARP. Hindi raw nito gustong kwestyunin ang kakayahan ni Mariano, gusto lang nitong sabihing ideolohikal ang pagtutol niya sa CARP, na tutol siya sa ekstensyon nito, at malapit na alyado siya ng mga senatoriable na nasa tiket ng malapit na karibal ni Noynoy sa pagkapangulo.

Bakit, sa sariling pagsusuri ba ng Inquirer, hindi totoo ang sinabi ni Mariano na marami ang kumukwestyon sa datos ng DAR, lalo na sa usaping ito? Naniniwala ba ang Inquirer sa datos ng DAR tungkol sa naipamahagi nitong lupain? Gago lang ang Inquirer kung “oo” ang sagot nito sa mga tanong na ito. Kahit hindi mga kasama o kaalyado ni Mariano, may dahilang kumwestyon sa datos ng DAR. Hindi nakatali ang usapin sa ideolohiya. Hindi rin ito usapin ng pagiging kadikit ng kalaban ni Noynoy – dahil bago pa tumakbo ang huli, ito na ang sinasabi ni Mariano at ng iba pang grupo sa bansa.

Sa ganitong pagkwestyon lumilinaw ang pagkiling at malisya ng Inquirer. Para maipagtanggol ang manok nito sa eleksyon, pinapahina nito ang kritikal na pagsusuri at ginagawang kapani-paniwala ang datos ng gobyerno na itinuturing na peke ng marami. Higit pa diyan, pinagmumukha nitong isyung pang-eleksyon lang ang kampanya para sa pamamahagi ng lupa sa hacienda at para sa tunay na reporma sa lupa. Dalawang bagay ang nagsasanib sa artikulong ito: ang taos-pusong pagmamahal ng Inquirer kay Noynoy at ang maalab din nitong pagkasuklam sa Kaliwa sa bansa.

Sana, para kumpleto ang larawang ipinakita sa NYT, dapat sinabi ng editoryal na ang Inquirer ang opisyal na pahayagan ng kampanya ni Noynoy, na pinatampok nito ang pagkilos para sa ekstensyon ng CARP na sinang-ayunan ng malalaking panginoong maylupa sa Kongreso – at hindi sinang-ayunan ni Noynoy. Baka kahit ang maliliit na “reporma” na inilagay ng alyado niya ngayong Akbayan, hindi niya matanggap. Totoong maraming kulay ang hanayang pampulitika sa bansa – at bahagi ang Inquirer ng mga gustong panatilihin ang sistema basta lagyan lang ito ng makataong mukha.

20 Marso 2010

Basahin ang nakakaaliw na komentaryo ni Ina Silverio-Gargar tungkol sa mga drama ni Kris Aquino nitong huli. Hindi mo naman kailangang ipaliwanag kung bakit ka nanonood ng The Buzz, Ma’am!

Hindi rin daw asiwa si Noynoy na supilin ang mga lumalaban sa gobyerno, sabi ni Marya Salamat. Kaya pala sa patalastas niya sa telebisyon, sabi niya, “Lalabanan natin ang mga nanggugulo sa bayan.” Ipapapatay rin kaya niya ang mga aktibista?

Maganda ang sulatin ng Bulatlat tungkol sa buhay at pakikibaka ni Prop. Judy M. Taguiwalo, ang aktibista at kasalukuyang makabayang propesor.

Maganda rin ang sulatin nito tungkol kay Josefina “Josie” Lichauco, kaugnay ng pagpanaw ng huli.

Panalo ang protesta ng mga iskolar ng bayan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas laban sa pagtaas ng matrikula! Mabuhay!

Yumaman pa raw nang 50% ang mga bilyonaryo sa mundo nitong nakaraang taon!

Ipinapakita ni Alexander Cockburn kung paanong ipinagpapatuloy ni Barack Obama ang mga patakaran ng imperyalismo sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa mundo.

Ayan, si Bertrand Russel na ang nagsasabi ng alituntunin ng kapitalismo sa blog ni Curate.

Tingnan ang ibobotong senador ni Gingmaganda. Sa blog na niya nakakapangampanya ang manika niya. Hehe.