Nitong Nobyembre 30, Araw ni Andres Bonifacio, nagrali ang mga manggagawa kasama ang mga kawani ng gobyerno at iba pang sektor ng lipunan. Ang panawagan nila: makabuluhang dagdag-sahod.

Kahit parang masyadong pormal, mahalaga ang salitang “makabuluhan” – malaki-laki, signipikante, substansyal. Nagbibigay kasi ang gobyerno ng dagdag-sahod, pero maliit – o, sa salita ng mga manggagawa, barya-barya at mumo. Halimbawa ang P22 dagdag sa minimum na sahod sa National Capital Region na inaprubahan nitong Hunyo. Kahit ang maka-kapitalistang Trade Union Congress of the Philippines na nagpetisyon sa gobyerno para sa dagdag-sahod na ito, kinondena ang liit ng umentong ito. At ito na ang pinakamataas na umento sa lahat ng rehiyon sa bansa sa huling bugso ng dagdag-sahod na ipinatupad ng gobyerno. Hindi ang ganitong dagdag-sahod ang gusto ng mga manggagawa – at hindi rin iyung rehiyon-por-rehiyon at maraming eksempsyon tulad ng nagaganap ngayon, kundi iyung across-the-board sa buong bansa, kaya ginawang batas ng pamahalaan kung maaari.

Maraming salita at prase ang sumusulpot kapag pinag-uusapan ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa. Nariyan ang “nakabubuhay na sahod (living wage)” at “disenteng sahod (decent wage).” Kapag ibinigay ba ang hinihiling na makabuluhang dagdag-sahod, matatawag nang ganito ang sahod ng nakakaraming manggagawa? Hindi pa rin, dahil napakalaki ng kailangan para mailapit ang kasalukuyang minimum na sahod (P404 sa NCR) sa sinasabi ng mismong gobyerno na kailangan ng isang karaniwang pamilyang Pilipino para mabuhay nang disente (P957) – at hindi pa ganyan ka-makabuluhan ang dagdag-sahod na hinihingi ngayon ng mga manggagawa. Dagdag pa riyan at mas mahalaga, batay sa pang-ekonomiyang kalagayan at mga istruktura sa bansa, malabong magkaroon ng nakabubuhay o disenteng sahod ang nakakaraming manggagawa sa sistemang ito.

Nariyan din ang “makatarungang sahod (just wage).” Ang unang tanong: mayroon bang makatarungang sahod para sa mga manggagawa sa ilalim ng kasalukuyang sistemang panlipunan? Ang sagot: wala. Iyan ang ipinapakita ng ekonomiyang pampulitika, partikular ng mga sulatin nina Karl Marx at Friedrich Engels – na nakabatay sa pagsasamantala sa mga manggagawa ang sistema ng pagpapasahod. Sa loob ng buong araw nilang pagtatrabaho, may yugto – sa oras at dami ng paggawa nila – na nalilikha na nila ang halagang ipapambayad sa kanila o ipapasahod sa kanila. Pagkatapos, ang iba pang halagang nililikha nila ay hindi na sa kanila mapupunta, kundi sa kapitalista at iba pang naghaharing uri. Mas maliit ang halagang napupunta sa mga manggagawa kaysa sa napupunta sa kapitalista at mga naghaharing uri – at walang katarungan sa ganitong kalakaran.

Para saan kung gayon ang kahilingan ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod – kung hindi rin lang naman ito magdudulot ng nakabubuhay, disente o makatarungang sahod? Mas tukoy at tiyak ang gusto ng mga manggagawa, higit sa naunang mga prase o salita: kagyat na ginhawa, matapos ang sunud-sunod na taon ng pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin at pagliit ng tunay na halaga ng sahod. Ayon nga sa Ibon Foundation, P5.00 lang ang itinaas ng tunay na halaga ng sahod sa loob ng mahigit siyam na taon ng paghahari ng rehimeng Arroyo. Batay sa mga presyo noong 2000, P242 lang ang halaga ng P404 minimum na sahod ngayon sa NCR, habang P237 naman ang halaga ng P250 minimum na pasahod noong nagsimula ang rehimeng Arroyo. Mahigit isang dekada ng nabansot na sahod – ito ang reyalidad sa likod ng pantasya ng pag-asenso basta kumayod.

Sa ilalim ng sistemang kapitalista, pinagsasamantalahan ang mga manggagawa – at ang eksaktong porma nito, na tinuklas ni Marx, ay ang paghuthot sa kanila ng labis na halaga (surplus-value). Sa pondo ng labis na halaga na likha ng mga manggagawa kinukuha naman ng kapitalista ang kanyang tubo. Sa transaksyong ito, hindi interes ng kapitalista at ng sistemang kapitalista na ibigay sa mga manggagawa ang kailangan ng huli para paunlarin ang sarili at pamilya. Ang interes lang nila ay ang magkamal ng malaking tubo – at sa gayo’y ibigay sa mga manggagawa ang pang-araw-araw na pangangailangan lang para makabalik sa trabaho kinabukasan at basta-mabuhay ang susunod na salinlahi ng mga manggagawa. Hindi binubusog ang mga manggagawa ng bahagi ng labis na halaga, kundi binibigyan lang ng napakaliit na bahagi nito – lalo na kung ihahambing sa tubo ng kapitalista.

At mas matindi ang pagsasamantala ng mga kapitalista sa mga bansang katulad ng Pilipinas na atrasadong agrikultural at pre-industriyal. Sa mga bansang ito, walang industriyalisasyon na magbibigay sa mga mamamayan ng dumaraming trabaho. Walang tunay na reporma sa lupa na magpapamahagi ng lupa ng iilang panginoong maylupa sa mga mamamayan para sakahin ng huli. Ang resulta: may napakalaking hukbo ng mga walang trabaho at walang kabuhayan – na, sa kanilang presensya, ay nandirigma sa mga may trabaho. Kinakayang baratin ang sahod ng mga manggagawa dahil kung aangal sila ay pwede silang palitan ng napakaraming handang tumanggap ng kahit mas mababang sahod pa. Hindi man totoo ang panakot ng mga kapitalista na mangangahulugan ang makabuluhang dagdag-sahod ng tanggalan, nagbibigay ito ng hilakbot dahil sa ganitong sitwasyon.

Sa pagpasok ng neoliberalismo, simula noong dekada ’80, pinaasta ang mahihirap na bansang katulad ng Pilipinas bilang mga tagabenta o bugaw ng lakas-paggawa, kung saan mananalo ang pinakamura – at sa gayo’y pinakasiil din – ang lakas-paggawang iniaalok. Maraming hakbangin ang ginawa: Binasag ang pambansang minimum na pasahod sa pamamagitan ng rehiyunalisasyon noong 1989 – para mas makatipid ang mga kapitalista sa labas ng NCR. Pinalaganap ang kontraktwal na paggawa, na syempre’y mura, sa pamamagitan ng mismong Labor Code ng 1989. Kinonsentra ang manupaktura na siyang tradisyunal na gulugod ng kilusang paggawa sa mga engklabong pang-ekonomiya kung saan mahigpit ang pagmanman at brutal ang pagsupil sa mga aktibidad ng mga manggagawa. Sinusupil at dinadahas sa layuning durugin ang kilusang paggawa sa bansa.

Napakalakas ng mga pwersang kabangga ng mga manggagawa sa paglaban para sa makabuluhang dagdag-sahod. Ang mga sinasabi ng mga ekonomista at iba pang “eksperto” sa ekonomiya kontra sa dagdag-sahod ay palamuti, pampaganda lang sa brutal na paggigiit ng mga kapitalista sa karapatan nilang magsamantala, magkamal ng tubo, at gawing busabos ang mga manggagawa. Hindi talino ng mga “eksperto” o galaw ng pamilihang “malaya” ang nagpapasya sa dagdag-sahod – bagamat ito ang gustong palabasin ng mga naghahari at bayaran nila. Tunggalian ng mga manggagawa-mamamayan at kapitalista ang nagpapasya. At dahil mas malakas sa lipunang ito ang mga kapitalista, grabeng pagsisikap ang kailangan ng mga manggagawa para makamit ang kahit man lang dagdag-sahod na makabuluhan – patunay, muli, na ang kailangan nilang gawin sa lipunang ito ay palitan.

02 Disyembre 2010

Galing ang mga larawan ni Cobra Commander dito, dito at dito.

Namatay na pala si dating Rep. Hortensia Starke, kritiko ng diktadurang Marcos pero numero uno sa paglaban sa reporma sa lupa. Sabi raw niya noong nabubuhay: “Ang lupa mo ay parang paborito mong damit. Kapag inalis sa iyo, para kang hinubaran.”

Heto ang isa, dalawang paliwanag ni Nato Reyes sa kontrobersyal na WikiLeaks at sa halaga ng impormasyong isinisiwalat nito para sa sambayanang Pilipino. Isang panimulang pagsusuri sa mga isiniwalat ng WikiLeaks.

Mahalagang link: imbentaryo ng mahahalagang eskandalong kinasangkutan ng mga negosyante, kahit pa sa konteksto ng pagyayabang ng Philippine Daily Inquirer.

Istruktural daw ang ugat ng suliranin sa karapatang pantao sa bansa, sabi ng hepe ng Commission on Human Rights na si Etta Rosales. Puro palusot! Parang narinig na natin dati iyan, sinasabi sa ilalim ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Sana gumawa ang mga graphic/visual artists ng ganito ngayon, kahit parang nage-editoryal sa mga mayor na isyu, nagbibigay ng kontemporaryong dating sa mga bayani ng sambayanan, at iba pa. Mayroon namang Facebook para lumaganap at blogs para magtagal sa ere.