rebyu ng Barbara Ehrenreich, Nickel and Dimed: On (not) getting by in America. New York: Owl Books, 2002 [Unang nalathala noong 2001].

Sa mga sulatin ngayon hinggil sa pampinansyang krisis, mababasa natin na relatibong hupa ang mga taong 1998-2000 sa ekonomiya ng US – kahit rumaragasa pa rin ang Asian Financial Crisis na pumutok noong 1997. Patuloy pang lumalaki ang bula (bubble) ng industriyang DotCom sa panahong ito. Kaya naman sagana pa ang buladas ng gobyernong Kano tungkol sa walang-hanggang pag-unlad na itinutulak diumano ng “Bagong Ekonomiya” kaugnay ng Internet at mga kompyuter.

Kaalinsabay, todo ang yabang ng gobyernong Clinton sa pag-atake at pagbuwag sa tinatawag na “welfare,” o mga programa ng gobyerno para sa kapakanan ng mga mamamayan ng US. Kung magtatrabaho lang daw ang mga babaeng nabubuhay sa welfare – at pinasikat sa panahong ito ang tinawag nilang “welfare queen,” maralitang inang solong bumubuhay sa anak sa tulong ng welfare – makakaraos sila nang maayos.

Ito ang ginustong siyasatin ni Barbara Ehrenreich, Amerikanong manunulat na sosyalista at feminista. Kaya bang pagkasyahin ng mga tinatawag na “manggagawang walang kakayahan (unskilled workers)” o maralitang manggagawa ang kita nila sa pangangailangan ng pamilya? Kaya naman noong 1998-2000, itinago ni Ehrenreich ang pagkatao niya bilang kilala at kumikitang manunulat, at pumasok sa iba’t ibang trabahong pangmaralita, kadalasang “pambabae,” sa tatlong estado ng US. Sa libro niyang Nickel and Dimed: On (not) getting by in America, inilathala niya ang resulta ng pagsisiyasat – at masasabi bang “pakikiranas”? – niya.

Napakaganda ng librong ito! Sa dinami-dami ng mahuhusay na libro at sulatin ni Ehrenreich, dito talaga siya nakilala. Sa US, itinuturing na itong “modernong klasiko” – paano ba isasalin ang “modern classic”? – at ginawa na itong rekisitong babasahin sa ilang klase. Napakasimple ng pagkakasulat, napakabilis ng pagkakakwento, pero napaka-malaman. Parang nag-BMI, o basic masses integration, ang isang taong may palatawang topak ni Jessica Zafra at progresibong talas ni Carol Pagaduan-Araullo.

Isiningit ko lang sa libreng oras ko ang pagbabasa, pero naengganyo ako. Minsan, humahagikgik ako mag-isa – para umiyak ilang minuto pagkatapos. Mabuti’t hindi ko ginawa rito ang kagawian kong sulatan ang mga libro ko – salungguhitan ang mayor na mga pahayag at magkomento sa mga gilid – kundi’y pangit at butas na ang kopya ko. Ilang kaibigan ko na ang pinwersa kong magbasa ng nakakatawa’t nakakagising-ng-damdaming mga bahagi, pero sana’y mabasa ng lahat – ng lahat! – ang librong ito.

“McCrazy!” sabi ni Prop. Bomen Guillermo sa e-mail

Para sa entring tulad nito, napakahirap magpatampok ng iilang bahagi lang ng isang librong gusto mong ipabasa nang buo sa lahat. Nag-isip ako ng pormat na makakapagpadali at heto ang naisip ko, na hindi naman orihinal: Anu-ano ang mahihita ng isang tao kung babasahin niya ang Nickel and Dimed? Narito ang pitong (7) sagot at ilang halimbawang naaalala ko:

Una, paglalantad sa mga kompanyang pinasukan ni Ehrenreich. Bilang serbidora sa Florida, kinumpirma ni Ehrenreich ang matagal nang naririnig tungkol sa pagiging crew ng mga fastfood: bawal magpahinga kahit walang kustomer. Bilang tagalinis ng bahay sa Maine, ipinakita niyang ikinakalat lang ng mga ahensya ng paglilinis ang dumi at bakterya, hindi talaga nililinis. Bilang tindera sa Wal-Mart, ipinakita niya sa kongkreto na nakakabobo ang trabaho sa sikat na kompanyang Amerikano. Barya-baryang sahod, walang bayad na overtime, trabahong parang buong araw na pagdi-gym, at iba pa – itinala niyang lahat. Kongklusyon niya: Napakahirap mabuhay ng isang maralitang manggagawang Amerikano sa karaniwang sahod.

Ikalawa, sipat sa buhay ng maralitang manggagawa sa US. Ipinakita ni Ehrenreich na higit pa sa gastos sa pagkain, bayad sa renta ng bahay ang lumalaking sakit sa ulo at bulsa ng mga manggagawang Kano – na hindi pa noon kinikilala ng panukat ng kahirapan. Pipili ang manggagawa: mahal na renta sa bahay o mahal na gastos sa transportasyon – dahil mahal ang renta sa mga bahay na malapit sa mga negosyong nagseserbisyo sa mayayaman. Noon pa man, nanirahan na si Ehrenreich sa trailer truck habang naghahanap ng trabaho – patotoo sa sinabi ni Prop. Edberto M. Villegas tungkol sa “trailer America.” Merkado, ayon kay Ehrenreich, ang ugat: Nagkukumpetisyon ang mahihirap at mayayaman sa mga bahay na nagpataas sa presyo nito.

“Kung hindi…” Panawagan sa isang rali sa Wall Street

Ikatlo, grabeng katatawanan. Sira-ulo si Ehrenreich, kumpirmado. Parang wala siyang kahirap-hirap magsingit ng biro o pakwela sa isang librong seryoso ang paksa. Matapos talakayin halimbawa ang tatlong klase ng tae sa kubeta na kailangang alisin ng naglilinis, sabi niya “Hindi ko alam kung ano’ng nangyayari sa nakakataas na uri sa Amerika, pero parang nalalagas ang mga bulbol nila sa isang bilis na nakakaalarma.” Nakakita raw siya ng mga bulbol kahit sa lababo! Tantya niya, batay sa karanasan niya ng paglilinis sa mga bahay nila, panot na sa baba ang mga elite ng US. Hindi ganito ka-jologs ang ibang patawa, pero mapapangiti kayo sa minimum.

Ikaapat, mga kwento ng pagkakaisa at militansya ng mga manggagawa. Sa karanasan ni Ehrenreich, nagiging pahirap sa mga kapwa-manggagawa ang pagiging grabeng bibo ng isa o ilan, kaya kailangang gumawa nang may parehong ritmo. Porma ng pagtuturo, higit sa lahat, ang pagtatamad-tamaran ng mga dapat sanang nagturo o nag-tutor sa kanya sa trabaho, dahil kapag nagpakitang-gilas ka, lalo ka lang pipigain ng pagsasamantala. Kahit ang sama-samang paninigarilyo ng mga manggagawa, nabigyang-dangal: Porma raw ito ng pagkakaisa at posibleng lagusan ng rebeldeng kaisipan. Pinakamadrama na yatang bahagi ng libro ang pagpigil ni Ehrenreich sa isang kapwa-tagalinis na magtrabaho, pero hindi siya nagtagumpay…

Ikalima, mga manipestasyon ng kakatwang personalidad ni Ehrenreich. Hindi niya ikinakahiya na tumitira siya ng marijuana. Naaalala ko, may isinulat na nga siya na nagtatanggol dito, kesyo hindi masama sa kalusugan at iba pa. Mas gugustuhin daw niyang mahilig sa “bud” ang anak niya kaysa sa “Bud” o Budweiser. Ramdam na ramdam mo ang banas niya sa mga eksameng pangkalusugan para sa mga aplikante: Ang LSD daw, na mas mapaminsala sa katawan, ilang araw lang tumatagal sa dugo; ang marijuana, na wala daw masamang epekto, ilang linggo. “Hippie” yata ang porma ng rebelyon niya dati, na hindi sinasang-ayunan ng mga rebolusyunaryo sa Pinas.

Ikaanim, mga pangangaral hinggil sa kung anu-ano. Minsan, naburyong si Ehrenreich at dumalo sa isang prayer rally. “Maganda sana kung may babasa sa mga tagapakinig na itong may malulungkot na mata ng Pangangaral sa Bundok, nang may nag-aalab na komentaryo sa di-pantay na kita at pangangailangang itaas ang minimum na sahod. Pero lumilitaw lang si Hesus dito bilang bangkay; di kailanman binanggit ang taong buhay, ang manginginom na lagalag at matalinong sosyalista, o ang kahit anong sinabi niya. Naghahari si Kristong nakapako (Christ crucified rules).” Lagi daw pinapatampok ng Kristiyanismo ang pagkapako ni Kristo, nang minamaliit ang pangangaral Niya.

Ikapito, pangkalahatang pagsusuri sa karanasan ng mga manggagawang Kano. Mahusay si Ehrenreich dito. Bakit daw laging may libreng kung anu-ano ang mga kompanya para sa manggagawa? Dahil mas madaling tanggalin ang mga benepisyong ito sa panahon ng kagipitan kung ikukumpara sa permanenteng pagtaas ng sahod. Ginagawa raw ng mga manggagawa ang trabaho nila nang mahusay, kadalasang panggulo o panira lang ang mga manedyer. Wala raw talagang “unskilled work” dahil kailangan din ng husay at talino kahit sa mga trabahong pinasok niya.

Napakaganda ng katapusan; kongklusyon pa lang, sabi nga, ulam na. Ipinakita niyang kahit ayos siyang manggagawa, nahirapan siyang mabuhay nang maayos. Kakatwa ang mga obserbasyon niya: Iba raw, halimbawa, ang pumasok sa hanay ng iba nang tumatanaw rin mula sa baba, kumpara kung bilang “guest lecturer” sa kaso niya. Kinwenta niya ang buhay-manggagawa sa tatlong estado. Ipinakita niya ang mga pahirap sa paglipat ng trabaho ng manggagawa at lalo na sa pagtatayo ng unyon. Ipinaliwanag niya kung bakit dapat makadama ng pagkahiya – shame! – ang mga mambabasa niya, at ipinahayag ang pananalig niyang magkakaroon ng pagbabago.

May paalala si Ehrenreich. Aniya, anuman ang mabasa sa libro niya, dapat isipin ng mga mambabasa na maswerte pa nga siya. Bakit? Dahil ginawa niya ang pagsisiyasat sa panahong sinasabi ng gobyerno at midya na maganda ang lagay ng ekonomiya ng Amerika.

Ngayon, sa pagputok ng krisis, kumusta na kaya?


Siya na nga: Si Barbara Ehrenreich

*****

Sa isang panayam, sabi ni Ehrenreich kaugnay ng libro niya, “Maraming magandang mababasa na maganda ang pagkakasulat. Ang kaunti lang ay iyung napakahalagang sasabihin.”

Parang totoo rin ito sa Pilipinas. Maraming manunulat, mamamahayag, komentarista at maging nagba-blog sa bansa. May mga kurso, sentro at palihan pa ng malikhaing pagsulat at pamamahayag.

Bagamat maaaring marami-rami na ring makabuluhang sulating iniluwal ng mga ito, kapansin-pansin ang kakulangan ng malalim at makabuluhang sulatin tungkol, halimbawa, sa mga manggagawa ng bansa.

Ayon sa isang pananaliksik ni Paul L. Quintos, progresibong ekonomista at direktor-ehekutibo ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research, halimbawa, may 1.5 Milyong idinedeklarang manggagawa ang mga special economic zones o engklabo sa bansa, at mas malamang na mas mababa ang bilang na ito sa aktwal na nagtatrabaho sa mga ito.

Sa libro niya, inireklamo ni Ehrenreich ang pagkawala – pagiging desaperacido? – ng mga manggagawa sa midya ng US. Aniya, “Daan-daang maliliit na bagay ang nagagawa, nang mahusay at paulit-ulit kada araw, nang tila walang gumagawa sa kanila.” Dagdag pa niya, “Madaling makita ng mahirap ang mayayaman – sa telebisyon, halimbawa, o sa mga pabalat ng mga magasin. Pero bihirang makita ng mayayaman ang mahihirap…”

Pinakain na ng pagpag at pinalusong na sa imburnal ng Kapamilya ang mga reporter nito, at kung anu-ano nang eksotikong pagkain at praktika ang iniulat ni Jessica Soho sa Kapuso. Matagal-tagal na rin akong sumusubaybay sa Philippine Daily Inquirer. Pero nasaan ang mga ulat tungkol sa mga manggagawang Pinoy, sa mga engklabong ito?

Masasabi bang sa kawalan ng mga ulat tungkol sa manggagawang Pinoy – bilang manggagawa at hindi bilang konsyumer o kriminal – malinaw na makikita sa midyang mainstream ang tunggalian ng mga uri?

Barbara Ehrenreich naman tayo diyan!


26 Oktubre 2008

Inaresto nitong nakaraang mga araw si Atty. Remigio Saladero, Jr., abogadong maka-manggagawa at kolumnista ng Pinoy Weekly. Narito ang background sa pangyayari. Mabilis ang mga pagkondena, pero dapat tayong magwala – sa lansangan!

Sa mga migranteng nagbabasa: Ipakita ang pagbasura kay Gloria at sa Global Forum on Migration and Development o GFMD! Huwag magpadala ng remitans sa Oktubre 29 at suportahan ang panawagang no remittance day! Gloria Forces Migrants to Death! Gloria Forces Migration for Debt!

May naisulat din si Prop. Sarah Jane S. Raymundo kaugnay ng isang punto sa libro ni Ehrenreich – at maganda ang sagot ng propesor sa kwento niya.

Umamin, sa wakas, si Alan Greenspan – dating tagapangulo ng Federal Reserve ng US at sa ilang panahon ay pinaniwalaang taong pinakamaalam sa ekonomiya ng US – na nagkamali siya sa pagtitiwala sa malayang pamilihan kaugnay pa rin ng krisis.

Maka-Kaliwa ba si Barak Obama? “Hindi ah,” sabi ni Jodi Dean, at tama siya.

Sa Filipino Voices Online, may nagyayabang na iraratsada “nila” ang charter change sa Nobyembre para makapanatili si Gng. Arroyo sa pwesto. Baka hambog na KSP lang, pero magandang maging mapagbantay.

Tingnan ninyo itong website tungkol kay Sarah Palin bilang pangulo ng US! Nakakatawa. Hehe.