Napikon sa Noynoying

Sa mga matagal nang nakakabasa ng mga sulatin ni Joel Rocamora, dating presidente ng Akbayan at ngayo’y hepe ng National Anti-Poverty Commission, may ilang bagay na kapansin-pansin sa kanyang depensa sa pangulo laban sa nauusong “Noynoying.” Sa titulo pa lang na “‛Noynoying’ is [the RAs are] Annoying,” napakatahas na ng kanyang tono. Wala na ang mapagpatawa, palabiro, at mapangutyang estilo na gamit niya lalo na sa pagbanat sa Kaliwa. Tirang pikon siya: “annoying political gimmick,” “cheap publicity gimmick.” Ganyan siguro talaga ang transisyon mula sa mga kontra-Kaliwa at mayayamang NGO patungo sa mismong trono ng kapangyarihang pampulitika sa bansa.

Nakilala ng marami si Rocamora bilang opisyal ng Akbayan na, tulad ng kanyang barkadang si Mon Casiple, ay rumaraket din bilang “independyenteng manunuring pampulitika.” Bago niyan, nakilala siya ng ilan bilang awtor ng librong Breaking Through [1994] at iba pang katulad na sulatin – bumabanat sa Kaliwa, nag-uugnay ng mga hayag na organisasyon sa tinatawag na underground, at nagsisiwalat ng mga lihim ng underground. Sa librong iyun, makapal pa ang pagpapanggap niya bilang maka-Kaliwa, bagamat pinupuri na niya ang programang “Philippines 2000” ni Fidel Ramos. Ang totoo, “breaking away” sa Kaliwa ang ginawa niya sa librong iyun, o bago pa man.

Anu’t anuman, hepe na siya ng NAPC ngayon at malapit na kadikit ni Pang. Noynoy Aquino. Sa ganito mainam makita ang mga kahinaan ng sanaysay niya. Sabi niya, “maayus-ayos na gimik” ang Noynoying kaya nakakuha ng kaunting puwang sa midya. Nalimutan niyang idagdag na ang pangunahing midya sa bansa, maka-Noynoy. Humantong daw ang mga “pampulitikang kaaway” ng gobyerno sa Noynoying dahil nahihirapan silang banatan ang mga patakaran ng gobyerno. Mali: Sa pagbanat sa mga patakaran ng gobyerno nagmula ang Noynoying. Kapos sa diskarte o arte man lang ang pagtanggi niya: “Masasabi ko nang buong pagmamalaki: hindi tamad o bobo si PNoy.”

Pero ang malaking kahinaan ng sanaysay niya, pinapakitid ang ibig sabihin ng reporma sa pamamagitan ng pag-angkin dito. Pansinin muna natin ang modang buhat-bangko niya: Ipinagtatanggol niya si Noynoy pero sabi niya, “Ang pagpayag [ni Noynoy] na bigyang puwang ang kanyang Gabinete na magpanimula ng mga patakarang pang-reporma ang siyang nagbigay-lakas sa gobyernong ito para magpatupad ng mga mayor na reporma…” Ano ba talaga? Ipinagtatanggol ba si Noynoy o inilalaglag? Noynoying ba o hindi? Pero mas mahalaga: Nasaan ang reporma? Siya mismo, nagdadahilan na hindi ito makakaabante kung hindi mapapanagot si Gloria Arroyo – na hindi pa napapanagot.

At mga pambansang demokrata pa raw ang ayaw sa reporma! Hadlang daw ito sa “katuparan ng kanilang iniilusyong rebolusyon!” Ang totoo, kung may lumalaban man para sa reporma sa ilalim ng gobyernong Aquino, iyan ay walang iba kundi ang mga pambansang demokrata. Tunay na reporma – iyung magbibigay ng ginhawa sa mga mamamayan. Ang problema, hindi ito maibigay ng gobyernong Aquino. Kaya lumalakas ang paghahangad ng mga tao ng tunay na pagbabago. Kaya nga isang pagwawasto: Mga magbubukid ng Hacienda Luisita ang lumaban para sa pamamahagi ng lupa doon, hindi ang gobyerno. At katuwang nila, hindi kalaban, ang mga pambansang demokrata dito.

Pero hindi kalinawan ang gusto ni Rocamora sa sanaysay na ito. Gusto lang niyang takutin ang publiko, palabasing maka-Kaliwa – Maoista pa nga – ang Noynoying. Naisip kaya niyang sisihin si Francis Tolentino, hepe ng Metropolitan Manila Development Authority na nagbawal sa mga aktibista na mag-planking sa protesta kung saan isinilang ang Noynoying? Pero hindi na si Tolentino o mga aktibista ang may kasalanan sa Noynoying, kundi si Noynoy mismo. Pumatok ang Noynoying dahil sapul nito ang sentimyento sa pangulo ng mga mamamayan. Sa likod ng masasayang ngiti at masasarap na pangako ng pangulo, ramdam ang pagtindi ng hirap at gutom ng mga tao.

Para itong “Imeldific” at “Marcosian,” pero naimbento habang presidente pa si Aquino.

25 Marso 2012

Ang mga imahen sa itaas ay walang kahihiyang pinagkukuha sa Facebook ni Max Baluyut Santiago. Maraming salamat, kung mapapansin mo man!

Part 2 ng mga panukalang libro sa aklatan ng protestang Occupy sa US. Ano ang pwedeng gawin ng Malakanyang para mapigil ang Noynoying? Sinagot ni Vencer Crisostomo.

Isa sa magagandang sulatin ni Henry Giroux tungkol sa lipunang Amerikano ngayon. Tumatanda na raw ang musikang Rock.

Nasa link ng website ng Kabataan Partylist-SMR ang blog na ito. Maraming salamat sa karangalang ito!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Lyds78  On March 26, 2012 at 8:29 am

    Tama ka, hindi naman papatok ang “Noynoying” kung hindi relate ang karamihan. Kahit ang pinaka-apathetic ko ngang kapatid ay up in arms na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at buwisit na rin sa kawalan ng kongkretong aksyon ng pamahalaan. Lagi ngang may debatehan sa hapag-kainan ngayon kung ano ba talaga ang pinakawasto at pangmatagalang solusyon sa mga problema natin sa kasalukuyan.

  • kapirasongkritika  On March 26, 2012 at 10:08 am

    Kasi totoo namang may mga umasa kay Noynoy. Ngayon, nauumpog sila na totoo pala ang kinatakutan nila: Na hindi ito magdudulot ng pagbabago. At, mas masahol, wala namang ginagawa sa karaingan ng mga mamamayan.

    Baka naman dahil nandoon ka kaya ganoon na ang lebel ng talakayan sa hapag-kainan? Hehe.

  • jeffrenasimyento  On March 29, 2012 at 7:06 am

    lihis sa paksang komento lang po,… di ba ‘yung Conditional Cash Transfer Program e dikta din ng dayuhan? o galing din sa impluwensyang dayuhan? nakalimutan ko na kasi ‘yung koneksyon e. salamat po

  • kapirasongkritika  On March 29, 2012 at 9:24 am

    Oo, dikta ng dayuhan. Ang totoo, malaking bahagi nito, pautang ng dayuhan. Kumbaga eh dahil ginugutom nila ang mga tao dahil sa patakaran nila, binigyan naman nila ng kaunting tubig para hindi mag-alsa — habang patuloy na ipinagkakait ang pagkain. Tapos instrumento pa sa counter-insurgency.

    Magandang pagsimulan:

    http://bulatlat.com/main/2011/09/15/ccts-expensive-short-sighted-and-artificial/

  • She's Joizz  On April 4, 2012 at 8:16 am

    Teo, sana may part na ‘Share This Article’ sa baba ng bawat post mo, yung pwede ishare sa FB/ Twitter/ Email, etc. Nasa dashboard ata, under Settings > Sharing. Suggestion lang po.

  • kapirasongkritika  On April 5, 2012 at 2:48 pm

    Sana nga. Salamat din sa tip. Kaya lang, noong inilalagay ko na, hinihingi sa aking magkaroon ng account sa Facebook at Twitter. Pag-iisipan ko muna. Hehe. Baka maadik ako. Hehe.

  • She's Joizz  On April 20, 2012 at 12:50 am

    Hindi, kahit wala ka account dun, pwede pa rin mai-share. Nasa Sharing settings siya, yung ida-drag mo sa box yung mga icons ng fb, twitter, google+, linkedin, etc. Kulit noh. Hehe. Sige na, para maishare ng mga readers mo.

  • kapirasongkritika  On April 21, 2012 at 3:23 am

    Talaga? Sige nga, subukan ko kapag may oras mag-eksperimento. Hehe. Pero noong huli talaga, pinapagawa ako ng account sa FB eh. At Twitter. Eh alam mo naman ako, ermitanyo online. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: