Nitong mga nakaraang taon, sa tuwi na lang may kalamidad sa bansa, nagkakaroon ng pyesta ng pagsisi sa mga maralita. Ang mga maralitang lungsod, sinisisi kung bakit naninirahan sa tabi ng estero at mapanganib na lugar. Ang lahat ng maralita, maging sa kanayunan, sinisisi kung bakit ayaw umalis sa kani-kanilang bahay kapag mataas na ang baha at pinipilit ilikas ng mga rescuer. Nitong huli, sinisisi sila sa pagbaha, dahil sila raw ang nagtatapon ng basura na bumabara sa mga daanan ng tubig.
Magandang itanong sa mga may-edad na: Dati na bang ganito? Noon pa ba sinisisi ang maralita sa pinsalang dulot ng mga kalamidad, mga pinsalang sila rin kadalasan ang biktima? Ang isang impresyon, sa pagtindi ng pinsalang dulot ng mga kalamidad, tumitindi rin ang pagsisi sa mahihirap. Kahit ang usong paliwanag na “global warming” at “climate change,” nakakalimutan kapag ibinubunton ang sisi sa kanila. Paanong inabot sa ating lipunan ang ganitong kalupitan sa pagtingin sa maralita?
(1) Isang maituturo ang kawalan ng pag-unawa sa mga maralita at ng pagsisikap na unawain sila – partikular sa pagiging limitado ng pagpipilian nila. Sa mga dominanteng pwersa sa lipunan, kahit iyung umano’y nagbubuo ng pag-uunawaan tulad ng midya at Simbahan, walang nagpapaliwanag nito. Lagi tuloy may sasagot ng “May choice, laging may choice!” kapag sinasabi ito. Para sa iba, kasalanan talaga ng napakarami nating kababayan ang pagtira nila sa mga estero at lugar na peligroso sa baha.
Kung tutuusin, panay na panay ang labas ng maralita sa midya. Masasabi pa ngang may pornograpiya sa karalitaan sa bansa. May mga dokumentaryong detalyado ang kwento tungkol sa lagay nila; sa mga palabas na tulad ng kay Willie Revillame, inuurirat ang mga buhay-buhay nila. Pero sa lahat ng ito, hindi naipapakita kung paanong nalilimitahan ang mga pagpipilian nila – na, sa kongkreto, ay dulot ng mga patakarang ipinapatupad ng gobyerno sa dikta ng mga naghahari-harian sa bansa.
Dahil walang pagtalakay sa mga patakarang pinag-uugatan, nagmumukhang indibidwal, partikular na kwento ang karalitaan, kanya-kanyang swerte at malas. Hindi nauugat ang mga dahilan ng pagdami ng maralitang lungsod, halimbawa. Patakaran ang pagpayag sa pagkamkam ng iilan ng lupa sa kanayunan, kaya walang trabaho doon. Patakaran ang pagwasak sa kalikasan na pinagkukunan ng kabuhayan. Patakaran din ang hindi pagbibigay sa lumikas na maralita ng mura at ligtas na pabahay.
Hindi rin nauugat ang mga patakarang nagdudulot at nagpapatindi sa baha. Patakaran ang pahintulutan ang mga kumpanya ng pagtotroso na kalbuhin ang kabundukan, at ang mga kumpanya ng pagmimina na wasakin ang kalikasan. Patakaran ang payagan ang mga kumpanyang may-ari ng mga dam na magpakawala ng tubig sa oras de peligro. Patakaran ang walang planong kaliwa’t kanang konstruksyon sa mga lungsod. Sa kabila ng lahat ng ito, patakaran ang kawalan ng disaster preparedness.
Nangingilag ang midya sa pagtalakay sa mga patakaran, at kahit anong abstrakto sa pangkalahatan; kwento-kwento ang laging gusto nito. Problematiko ito dahil, ayon nga kay Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, sa pandaigdigang sistemang kapitalista, “kung awtentiko ang indibidwal na karanasan, hindi ito pwedeng maging totoo; at kung totoo ang siyentipiko o kognitibong modelo ng naturang nilalaman, humuhulagpos, humihigit ito sa indibidwal na karanasan [“Cognitive Mapping,” 1988].”
(2) Maituturo rin, na kaugnay rin ng nabanggit, ang pagpapatupad sa mga patakarang neoliberal at ang katangian ng kasalukuyang gobyerno ni Noynoy Aquino. Pinalalabas ng dalawang ito ang kawalan ng kapangyarihan at pananagutan ng gobyerno sa mahahalagang usapin sa bansa, lalo na sa ekonomiya. Dahil kailangang may managot para sa pinsala ng mga disaster, sinisisi nila ang madaling ituro – ang mahihirap. Walang duda: napapatatag ang mga patakarang neoliberal at nakikinabang ang gobyernong Aquino kapag mga maralita ang sinisisi sa mga disaster.
Naaprubahan ang mga mayor na patakarang neoliberal sa huling bahagi ng dekada ’80 at buong dekada ’90. Mulat na itinali ng gobyerno ang mga kamay nito para bigyang-laya ang malalaking kapitalista at asyendero na magpalobo ng yaman. Magandang halimbawa ang tinakbo ng talakayan hinggil sa industriya ng langis pagkatapos: Kapag natutuligsa sa pagtaas ng presyo, sasabihin ng gobyerno na wala itong kapangyarihan, ituturo nito ang mga salik na labas sa kontrol nito (tulad ng pandaigdigang pamilihan), at ipapanakot ang umano’y masasamang epekto ng pagkontrol nito.
Ang gobyernong Aquino naman, nahuhumaling sa pagdepensa sa umano’y popularidad nito. Umiiwas ito sa pananagutan at may malakas na makinaryang pampropaganda. Mismong pagsuspinde ng klase, ipinapasa nito sa mga lokal na pamahalaan – na pwede nitong sisihin kapag pumalpak, tulad ng nangyari sa pagguho ng lupa sa Litex, Quezon City. Huwag nang banggitin pa ang paghuhugas-kamay nito sa napakaraming isyu. Ang katiting na aksyon nito, kailangang malakas na maipropaganda at magamit sa eleksyon – tulad ng relief operation kasama ang mga kandidatong senador nito.
Mahalagang idagdag ang obserbasyon ni Wendy Brown, progresibong intelektwal, hinggil sa neoliberalismo: “[B]agamat nakabatay ang neoliberal na pampulitikang rasyunalidad sa isang pag-unawa sa merkado, ang pag-oorganisa nito sa pamamahala at lipunan ay hindi lamang resulta ng pagtagos mula sa pang-ekonomiya patungo sa iba pang larangan, kundi ng lantad na pagpapataw ng partikular na porma ng rasyunalidad ng merkado sa mga larangang ito [“American Nightmare,” 2006].” Hindi umasenso ang mga maralita dahil tamad, hindi kayang makipagtagisan sa merkado.
Ganito ang disaster sa panahon ng neoliberalismo, makailang-ulit na bumibiktima sa mahihirap na Pilipino. Disaster ito sa kabuuang buhay at kabuhayan nila. Ginagawa pa sila nitong mas bulnerable sa mga natural na kalamidad habang pinapatindi rin ang mga naturang kalamidad. Sa mahabang panahon, tinanggalan sila nito ng pagkakataong maunawaan kahit ng mga nasa panggitnang uri. Sa dulo, sila rin ang sinisisi sa pinsalang dulot ng kalamidad na sila rin ang matinding tinatamaan. Masayang-masaya ang mga naghaharing uri: sila pa ngayon ang may ganang manisi!
13 Agosto 2012
Galing ang mga larawan dito. Tingnan kung alin ang poster mula sa Pilipinas.
Ang bise-presidente ni Mitt Romney, si Barack Obama ang pumili? Basahin dito. Crush ng bayan, pwede ring crush ng makabayan. Patok! Bakit hindi ko ito nakita sa Facebook?
nakakapanggalaiti ang pagbabalita ni paolo bediones, tila sinasadya niyang haluan ng matinding inis ang pagtanggi ng mga taong magpa-rescue sa kanya. kesyo matitgas daw ang ulo. sa kanyang programa naman, tinawag na hinayupak at salot ni mike enriquez ang mga nakatira sa gilid ng lawa ng laguna.
Hahaha! Ayaw magpa-rescue ng mga tao kay Paolo Bediones? Kahit mga girlfriends niya, hindi tumatagal sa kanya! Hehe. Baka iyan din ang mga salitang narinig ni Mike noong lumalaki siya. Hehe!
Biro lang. Akala mo kung sinong magsalita eh mga tagabasa lang naman talaga ng balita ang mga ito. Nagmumukhang matalino pero ni hindi mga tunay na mamamahayag.
Nakakainis talaga kapag nakakakita ako sa FB news feed ko ng comments na sinisisi nila ang mga mahihirap sa mga pagbaha. Ang sarap batukan!
May pakiramdam ako na government-instigated ang propaganda campaign na ito. Si Nanay Mameng pa talaga! Sa kabilang banda, talagang kilalang representante ng maralita si Nanay Mameng!
Oo. nakita ko nga yung post na yun na si Nanay Mameng ang nakalagay. Parang ang sinasabi, kasalanan natin mismo dahil sa di tamang pagtatapon natin ng basura tapos magrereklamo tayo sa bandang huli. Tama ka, oosible talaga na pakana ng gobyerno yun para makaiwas sa sisi.
off topic lang. speaking of trends sa FB, syempre kailangan daw ng ‘political will’ para maisagawa na ng gobyerno ang proyekto kontra sa baha. e sino daw ba ang me ganu’n kundi isang Marcos-like na presidente. kapansin-pansin kasi, at kaala-alarma, na ang daming Marcos fans ngayon sa FB. malamang naman na middle class sila, ewan ko pa kung ganun din sa mas mahihirap.
Masyado bang mababaw kung sabihing paghahanda lang ito ni Bongbong para tumakbong presidente? Hehe.
Maraming posibleng salik: Maraming kabataan ngayon, hindi naranasan ang Martial Law. May iilang maingay na posibleng galit sa Kaliwa. Marami, inip nang umunlad ang bansa.
Pero posible ring may pagtingin na okey lang ang Martial Law basta gusto natin ang pangulo — kung paanong gusto ng mga tagasuporta niya si Noynoy. Naisip ko itong huli dahil nakita ko ang isang kolum ni Randy David:
http://opinion.inquirer.net/12547/the-lure-of-authoritarian-rule
marami nga akong nabasa na Bongbong for president. parang “mana-mana lang yan” gaya ng ke Noynoy. hehe. haha.
sabi sa nabasa kong libro, mga nasa lower middle class daw karaniwan ang me gusto ng authoritarian rule kasi ang posisyon daw nila ang mas nate-threaten ng mga krisis sa ekonomiya; wala na nga naman daw mawawala sa working classes. malakas daw ang nararamdaman nilang insecurity at anxiety dahil sa kapitalismo kaya naghahanap sila ng magbibigay sa kanila ng security. siguro sintomas na rin ng malalang krisis ‘yung paghahanap nila ng tatay na papalo sa kanila.
lagi namang ginagamit na taktika ang pagsisi sa mahihirap, o sa karaniwang mamamayan generally, para i-justify ang pasismo e. hehe . … .
Mana-mana. Hehe. Pero kung mananalo man si Bongbong, hindi lang dahil Marcos siya. Mas malamang, sasakay siya sa kung anong pangyayari sa hinaharap — kasi hindi pa siya mabango ngayon.
Posible. Mas magandang paliwanag iyan kaysa lahat na lang ng tao may potensyal na gustuhin ang pamumunong awtoritaryan. Pero ang paglalarawan mo, parang aplikable sa lahat ng nasa panggitnang uri.
Oo. Pero inaalerto tayo ng salitang “pasismo,” lalo na sa paggamit nito sa Europa, sa pagmobilisa sa masa kaakibat ng panunupil sa isang seksyon sa kanila.
Saka tantya ko rin, pwedeng hindi si Marcos e, pwedeng ibang kandidato na makakapagbigay satisfaction sa ganung longings ng mga ganung klaseng tao. Baka me iba pa dyan na idol din ng mga peti-b na me ganun ding tendencies.
Posible. Bagong pasista naman. Hehe. Hindi naman kailangang lantad na pasista agad, ano? Pwedeng lumabas ang kulay sa proseso.
pwede. pwedeng mamasista sya sa kalagitnaan na, na ichi-cheer naman nung iba plus syempre yung mga galit sa Kaliwa. pero pwede ring me ganung pangako na sya sa panahon pa lang ng kampanya.
by the way, idol ko talaga kayong dalawa ni Pulpolitika. pwede ba kayong sambahin?
Hehe. Basahin na lang at i-share sa Facebook, mas maganda pa. O kaya debatehin sa sariling blog, okey din!
May blog ka ba? Hindi kasi ako marunong sa mga Gravatar. Pakilagay naman ang link.
wahh. matagal ko nang sinusubukang mag-blog kaso ewan ko kung ba’t di nagtatagumpay:
http://likotngisip.wordpress.com/
http://likodngnotebook.wordpress.com/
http://ereheatpilibustero.wordpress.com/
hayy. balak ko magsimula ng bagong blog na tutuluy-tuloyin ko na.
Wow! Marami ka na palang pagsisimula eh. Ituluy-tuloy mo lang. Marami, sa tuluy-tuloy na pagba-blog natutuklasan kung ano ang gusto nilang pinapaksa at isinusulat.
Makakatulong din siguro na magkaroon ka ng blog na tutularan. Itong akin, pormal yata masyado. Maganda iyung paiba-iba ng moda. Tingnan mo ito:
http://stalinsmoustache.wordpress.com/
I wish all people would open their minds, and see the bigger picture. By the way, I find it weird that you placed the Occupy poster at the beginning. Is it just me, or does it not offer congruence with the article? 🙂 Cheers!
@ PULPOLitika: Oo nga. Kasalanan pa ng mahihirap ngayon. Kasalanan din nila kung bakit sila mahirap eh. Iyan ang kongklusyon ng ganyang paninisi.
@ latebloomer: Kung mapapansin mo, hindi talaga madalas direkta ang ugnayan ng mga imahen sa blog na ito sa mga nakasulat. Hindi direkta, pero ma kinalaman.